Chapter 16
"Sige na pagbigyan niyo na ako! Minsan na lang nga ako mag-request sa inyo, tapos ganito pa." Humalukipkip si Leigh at tumagilid pa ng upo, ayaw kaming tignan. Nanunubig na ang mga mata niya tapos nakanguso pa.
"Anong minsan? Eh ang dami mo ngang hinihiling sa amin! Spoiled ka na nga, eh!" sermon sa kaniya ni kuya. Puro baba lang ang kita sa kaniya akala mo boomer! Eh wala man ngang tatlong taon ang tanda niya sa akin.
"Dati kaya 'yon!" depensa ni Leigh sa sarili. Humrap na ulit siya sa amin at nilapit pa ang nagmamakaawang mukha sa camera. "Tsaka kaya ko ngang gustong gawin 'to para kumita na ako. Hindi na ako hihingi sa inyo non! Promise! Payagan niyo lang ako, magiging independent na ako!" Tinaas niya pa ang isa niyang kamay.
"Nasa peligro na nga grades mo, aatupagin mo pa 'yan? Focus ka na lang muna sa studies mo! Mas malaki ang matutulong mo sa amin pag nakapagtapos ka na," pagtanggi pa rin ni kuya.
Narinig ko rin sa kaniya 'yan noon, eh. Same na same, pwera lang doon sa grades.
"Ate Mabel! Ate Sabel! Magsalita naman kayo," paghingi niya ng saklolo sa amin.
Mula sa simula kase ng video call, silang dalawa lang ni kuya ang nagdidiskusyon. At oo, kaniya-kaniya pa sila sa call kahit nasa iisang bahay lang naman. Yung dalawa nga nasa iisang kuwarto lang at magkatabi pa! Ako lang ata talaga ang matino sa aming magkakapatid.
Napabuntonghininga si Sabel. "Leigh, sa tingin ko tama si kuya. Mag-focus ka na muna sa studies mo."
"Tsaka 16 ka pa lang, Leigh. Makakapaghintay ang modelling. Pwede mo pa siyang gawin after mong mag-aral. Lalo na't gagraduate ka na ng senior high, kailangan mong mag-prepare para sa college," dagdag ko.
Gusto ko man siyang payagan, alam kong mas makakabuti sa kaniya kung mag-aaral muna siya. Dahil oo, kaya man niyang pagsabayin, pero mahihirapan lang siya. Kaya nga kami nagtatrabaho ni kuya para hindi na sila mahirapan kagaya ng dati, eh.
"Ganiyan naman kayo, eh! Porket ako pinakabata ayaw niyo kong pakinggan! Tingin niyo hindi ko kaya, tingin niyo wala akong alam!" Tuluyan nang umiyak si Leigh.
Lalapitan sana siya ni Sabel para patahanin pero lumayo siya at tinulak ang mga kamay ng nauna. Tapos tumayo na siya at tsaka kami tinignan ng masama.
"Bahala kayo diyan! Hindi ko na kayo kakausapin!" Mabibigat ang mga paa niya nang umalis tapos padabog niya pang sinara ang pinto.
Napahawak na lang ako sa ulo ko. Hindi ko maubos-ubos 'tong kinakain ko dahil sa kanila. Bawat subo ko kanina, magbabangayan yung magkuya. Kaya hindi na rin kami nakasingit kanina ni Sabel. Parehong matalak yung dalawa naming kapatid.
"Ang hirap talagang kausap ng batang yon!" Dinampot ni kuya ang cellphone at umalis na sa tawag.
Kaya naman kaming dalawa na lang ni Sabel ang natira. Sabay pa kaming napabutonghininga kaya natawa kami. Nagkatinginan pa kami at tila nagkaintindihan kaya sabay na naman kaming natawa. Mukha kasing timang yung magkuya.
Pinatay ko na ang tawag at tinuloy na ang pagkain. Nang natapos ay hinugasan ko ang pinagkainan at pinaglutuan. At bago ako nahiga sa kama, inayos ko na ang mga gamit ko. Maaga pa kase akong gigising bukas since may trabaho.
Pero dahil ang tagal kong natulog kanina at ang late ko nang nagising, hindi ako makatulog. Ilang oras lang akong nakapikit, paikot-ikot sa kama para mahanap ang tamang pwesto. Pero wala talaga, hindi pa rin ako inaantok.
Kung ano-ano rin kase ang pumapasok sa isip ko. Ngayon kasing may ibang problema kay Leigh, hindi ko alam kung paano ko pa masasabi sa kaniya ang tungkol sa panliligaw ni Albie. Lalo na at nagtatampo siya sa amin dahil hindi napagbigyan. Paano kung matuloy sa galit iyon pag nalaman pa niya? Kaya dapat talaga maresolba muna ang pagtatampo niya bago ko sabihin. Pero paano?
***
Late na akong nagising dahil magdamag akong nag-isip, pero wala man lang akong napagdesisyunan. Naisip ko kaseng kumbinsihin na lang sila kuya na payagan siya. Pero, naisip ko rin na parang naman gumawa lang ako ng paraan para magkaroon siya ng utang na loob sa akin. Kahit hindi ganon ang intensiyon ko, baka ganon ang maging interpretasyon niya.
At ayon, nagpatuloy lang ang overthinking ko for nothing. Halos matumba tuloy ako ngayon habang naghihintay ako ng elevator. Naiwan ko ata sa kama ang utak ko at gusto pang ituloy ang pagtulog.
Papikit-pikit ako habang pababa ang elevator. Pero biglang nawala 'yon nang bumukas ang pinto at si Venn ang bumungad! Bahagya ring nanlaki ang mga mata niya. Pero ngumiti rin naman agad nang nakabawi bago siya pumasok. At sa tabi ko pa siya pumwesto kaya halos hindi ako makahinga! Nakahinga na lang nga ata ko ako nang nakasakay na ko sa kotse at nakaalis.
Bakita ba gano'n? Kailan kaya ulit ako masasanay sa presensiya ni Venn? Yung at ease lang ako pag nasa paligid siya? Yung hindi ko na kailangang magpanggap, hindi ko kailangang sampalin ang sarili ko sa isip para magtino. Mawawala pa kaya ang awkwardness tuwing magkasama kami? Sana.
Pero for now, magiging alerto na 'ko pag nasa paligid siya. Kaya bago ako bumaba ng sasakyan, sinuri ko muna ang paligid.
Clear! Wala pa siya. Hindi ko rin nakita ang sasakyan niya. Halos mag-evil laugh pa 'ko nang may pumasok sa isip ko!
Kung wala pa siya, nasaan siya? Saan anamn nagsusuot 'yon? Eh halos sabay lang naman kaming umalis kanina, ah? Nakasunod lang siya sa likod ko kanina, eh! Bahala na nga! Matanda naman na 'yon, kaya na niya sarili niya.
Maglalakad na sana ako papasok ng building nang nasipatan kong parating pa lang ang sasakyan niya. Dapat ay didiretso na 'ko papasok, pero hindi, nanatili akong nakatayo. Hinintay ko pa talaga siya at inabangang bumaba ng sasakyan!
"Oh, Mabel! G-good Morning," bati niya sa'kin.
Babati na sana ako pabalik nang nakuha ng babaeng lumabas sasakyan niya ang atensiyon ko. Yung Tessa! Sumabay na naman 'to? Wala ba siyang sariling sasakyan?
"U-uh ... Good Morning." Mabilis ko silang tinalikuran nagpunta na sa elevator.
Ang dami na naman tuloy gumugulo sa isip ko. Hindi tuloy ako makapagtrabaho ng maayos. HIndi kasi mawala sa isip ko ang mga nangyari. Alam ko napag-usapan na namin, we'll stay friends. Wala dapat ilangan at walang iwasan. Pero ang hirap pilitin sarili kong maging komportable ulit sa kaniya. Lalo na at alam kong ... may nararamdaman din naman ako para sa kaniya.
Kaya hindi ko rin tuloy ma-share sa tatlo ang pinagdadaanan ko. Ni hindi pa man nga nila alam na umamin si Venn nung team building namin! Kaya naman wala silang humpay sa pangungulit sa'kin dahil halata nilang wala pa rin ako sa hulog. Mabuti na lang nga at may usapan kami ngayong lunch ni Mimi kaya nakaiwas ako sa kanila. Dahil for sure, lalo nila akong titigilan pag sa kanila ako sumabay kumain.
"MABEEEEEL!" Halos tumakbo si Mimi palapit sa'kin nang nagkita na kami.
Tumayo ako at sinalubong siya ng yakap. Matagl-tagal din kaming hindi ngakita, ah! Halos tumalon-talon tuloy kami sa sobrang saya. Ramdam ko pa ang pagbabadiya ng luha ko. Pero nang napansin kong nakatingin sa'min ang lahat ng tao sa restaurany, umurong bigla.
"Tara, upo muna tayo." Humiwalay na 'ko sa yakapan at hinila siya sa ni-reserve kong table.
"I miss you, Mabel!" Ngumuso siya at pinunasan ang namumuong luha sa gilid ng mata niya.
"Na-miss din kita!" Hindi ko na tuloy maluha rin!
Pero nang nakita naming umiiyak ang isa't isa, hindi namin napigilang matawa sa hitsura naming dalawa! Mukha siguro kaming tanga ngayon.
Kaya nagtaka ako nang napatigil siya sa pagtawa at biglang lumungkot. "I am so sad na humantong sa ganito ang friendship nating tatlo."
Napatahimik din ako sandali at naisip si Nisha. Ang saya pa kase namin bago ang lahat ng ito. Nagba-bonding lang kami—naghabulan pa nga kami dahil sa bikini. Pero isang litaw lang ni Meraki, parang domino na sunod-sunod nang bumagsak.
"Hindi na ba talaga tayo ... m-mabubuo ulit?" tanong niya. Nanubig na naman ang mga mata niya kaya yumuko siya at pasimpleng pinunasan 'yon.
"Sa totoo lang, hindi ko alam, eh. Sa ngayon, mukhang malabo pa." Yumuko na rin ako dahil ayaw kong makita ang reaksiyon niya. Dahil alam ko, sobra rin siyang nahihirapang maipit sa gitna ngayong magkaaway kami ni Nisha.
Pero masakit man, ang katotohanan ang gusto kong sabihin sa kaniya. Hanggang ngayon kase sariwa pa rin ang sakit. Hindi ko pa rin maiwasang makaramdam ng galit pag naiisip ko ang mga na-tweet niya at nasabi. Inintindi ko naman siya noong una, binigyan pa ng oras para mapagnilayan ang actions niya. Pero wala, makapal talaga ang balat niya para maramdamang mali siya.
"Naiintindihan ko, Mabel." Tumango-tango siya at tipid akong nginitian.
"Order na muna tayo, gutom na ako." Bahagya akong tumawa para maging light ulit ang atmosphere.
Pagkatapos naming umorder, kinumusta ko naman siya. Alam kong busy rin siya sa trabaho, tapos kailangan niya pang samahan ngayon si Nisha. Nag-aalala nga ako sa kaniya dahil mukhang stressed siya sa lahat ng nangyayari.
Kung pwede ko lang siyang tulungan. Kaso, alam ko namang ayaw akong makita ni Nisha. At ganon din naman ako sa kaniya. Baka kung subukan ko pa, lalo lang gugulo at lumala ang away namin.
"Bakit ba kase siya natanggal sa trabaho?" tanong ko.
"Nalaman kase ng company yung naging issue niya sa social media. Apparently, merong nag-tag sa kanila sa tweets niya at doon sa video na kumalat," pagkukwento niya. "Ayon, it doesn't reflect the company's mission and vision daw."
Napahinga ako ng malalim sa narinig. Ayan na nga ba kase sinsabi ko. Pinaalalahanan ko naman siyang professional siya, at sana maayos ang naging akto niya. Bandang huli, ako pa naging masama.
"Ngayon, nagkukulong lang siya sa kuwarto at palaging umiiyak. Buti nga at napakain ko na kagabi, hindi na siguro kinaya yung gutom." Napatigil sa pagkain si Mimi at napaluha na naman. Hanggang sa tuluyan na siyang umiyak at napatakip ng mukha.
Kaya tumayo ako at lumipat na sa katabing upuan niya. Hinagod ko ang likod at pinatahan. Awang awa na talaga ako dahil halatang hirap na hirap na talaga siya ngayon. Ngayon ko nakita ang kabuuang epekto sa kaniya nito.
Nang tumahan na siya, binigay ko sa kaniya ang panyo ko para punasan ang mukha niya. Tapos ay nagsalin na rin ako ng tubig at pinainom siya. May lumapit pang waiter at nag-offer ng tulong pero sabi ko okay na. Grabe naman kasi si kuya parang pulis sa pelikula. Late.
"Eh ikaw naman? Kumusta ka?" tanong niya.
Napatigil ako at naalala na naman ang lahat ng problema. Si Nisha at ang away namin na hanggang ngayon ay nagpapasama pa rin ng loob sa akin. Yung pag-amin ni Venn at pagtanggi ko sa panliligaw niya. Ang panliligaw din ni Albie na sapilitan at ang pagsabi ko kay Leigh tungkol dito. Tapos nagtampo pa siya dahil hindi namin napayagang pumasok sa modelling.
Gusto ko sanang ikwento sa kaniya, baka kase may mabibigay siyang advice sa akin o kahit suporta man lang. Pero ang dami na rin niyang pinagdadaanan, eh. Ang dami na niyang stressors. Ayaw ko namang dumagdag pa doon lalo na at hindi naman ako nakakatulong sa kaniya sa pag-aalaga kay Nisha. Kaya hindi ko na lang sasabihin, kaya ko naman sigurong i-figure out ito ng mag-isa.
"Okay lang naman ako." Tumayo na ako at bumalik sa upuan ko kanina. Kumain ulit ako para iwasan ang mapanuri niyang tingin. Tsaka malapit na ring matapos ang lunch break, kailangan ko nang makabalik sa office.
"Talaga ba? Sa tagal mong nag-isip, feeling ko bawat kalahating segundo may problema kang naalala," pang-aasar pa niya.
Masama ko siyang tinignan tapos nagtawanan kaming dalawa. Binilisan na namin ang pagkain dahil kailangan naming bumalik sa kani-kaniyang trabaho. Nang tapos na, kani-kaniya rin kami ng bayad dahil walang willing manlibre. Akala ko pa naman kagabi makakatipid ako sa lunch for today.
Habang palabas ay wala pa rin kaming tigil sa kwentuhan. Pinakwento niya sa akin yung nangyari sa akin sa Zambales. So sinabi ko naman lahat ... pwera lang yung kay Venn na part. Wala man nga akong balak sabihin na sumama siya kaso nadulas ako!
At para bang nanadya ang tadhana, nakita ko siya! Sa mall! As if on cue at lumitaw bigla nang naisip ko siya. Nasa loob siya ng Pizza Hut at kasama niya yung babae! Hanggang lunch ba naman sasabay pa rin siya? At tsaka bakit ba sila na lang lagi ang magkasama? Wala ba silang ibang ka-close na katrabaho?
"Ay si Venn!" Tinuro niya kung ano ang nakikita ko. "Girlfriend niya ba yung kasama niya?" tanong niya pa.
"Hindi, ah!" Hindi ko napigilang mapataas ang boses ko kaya pareho kaming napatigil. Napaiwas ako ng tingin at tumikhim. "Tara na, hinahanap na ako sa office."
Nauna na akong naglakad para iwasan ang mapanuri niyang mga mata. Pero ramdam ko pa rin ang paninitig niya sa akin. Kaya lalo kong binilisan ang paglalakad at nagkunwaring walang nangyari.
"Mabel, umamin ka nga. May gusto ka ba kay Venn?" Pinaningkitan niya ako ng mata at kinorner ako. Humakbang pa siya palapit sa akin kaya napaatras ako.
Bumilis ang tibok ng puso ko at parang nakalimutan kong huminga. Hindi ko alam kung ano ang isasagot ko. Gusto ko sanang magsinungaling, pero alam ko namang mahuhuli niya pa rin ako. Tsaka feeling ko ano man sabihin ko, halata na niya.
Pero ayaw kong may iba pang makaalam bukod sa akin! Feeling ko kase kapag nasabi ko na sa iba, official na talaga na gusto ko na si Venn. Eh gusto ko ngang mawala 'tong nararamdaman ko. Pag sinabi ko sa iba, I think lalalim at lalalim siya!
"H-hindi." Mabagal akong umiling at sobrang hina pa ng pagkakasabi ko.
"Talaga? Mabel, alam ko pag nagsisinungaling ka." Napataas ang isa niyang kilay, pilit talaga akong hinuhuli.
"Hindi talaga." Kahit pa anong mangyari, hindi ako aamin. Kahit pa tamaan ng kidlat yung babaeng kasama ni Venn.
"Talaga?" Lalong napataas yung kilay ni Mimi.
"Oo nga, kase!" Halos mapapadyan na ako dahil ayaw niyang maniwala!
"So okay lang sa'yong ... may kasama siyang babae ngayon?" May pang-aasar ang tinig niya.
Kaya napahinga ako ng malalim. Nagsalubong na ang mga kilay ko kaya napangisi siya. I feel like nasa interrogation ako at may krimen akong ginawa!
"Okay lang ba sa'yong ... may iba siyang gusto?" Konti na lang ay lilipad na ang kilay niya at mapunit ang labi sa laki ng ngisi!
"Oo na! Gusto ko siya!"
Umakyat na ang inis at dugo, ang bilis-bilis ng tibok ng puso ko na pakiramdam ko sasabog ako. Parang bang may usok nang lalabas sa mga tenga't ilong ko. Kaya hindi ko na napigilan at napasigaw pa ako!
"Mabel?"
Parehong nanlaki ang mga mata namin ni Mimi. Nanigas pa kami sa mga kinatatayuan namin at pigil ang hininga.
Hindi ko alam kung ano ang gagawin, hindi ko rin alam kung ano ang sasabihin. Pero sana, hindi niya narinig ang buong pag-uusap namin! Kung hindi, ay nako, patay ako!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top