Chapter 15
"Wala sa sarili, mhie. Kagabi pa walang kibo."
Nakatulala lang ako ngayon sa bus, sa labas lang ang tingin. Pauwi na kami ngayon sa Manila, pero ang isip ko ay naiwan sa resort. Hindi na kase ako nilubayan ng huling tagpo namin ni Venn kahapon. Pag nakapikit ako, nakikita ang itsura niya kahapon. Pag naman nakamulat ako, ang boses niya ang naririnig ko.
Kaya nga halos di ako nakatulog. At ngayon kahit pa inaantok ako ay hindi ako makatulog. At kahit sa daan na ako nakatingin, hindi ko pa rin namalayang nakabalik na pala kami ng opisina. Kinailangan pa akong kalabitin ni Lala para lang bumalik ang utak ko sa kasalukuyan.
"Ano ba kase ang problema, Mabel? Kagabi ka pa ganiyan, hindi ka na nga nakakain ng dinner, eh," pagtawag ni Lala sa pansin ko, napatulala na naman pala ako.
"Tapos hindi ka rin nakapag-breakfast kanina," dagdag ni Liz.
"Tapos ngayon, hindi mo man lang ginagalaw ang pagkain mo?" sita naman ni Mickey.
Nasa isang carinderia kami ngayon para kumain ng lunch. Malapit lang ito sa pinagtatrabahuan namin at minsan dito kami umo-order ng lunch pag hindi kami makalabas sa sobrang busy. May contact naman kase kami kaya pwedeng i-deliver na lang. Since dalawang araw kami sa Zambales, dito nila naisipang kumain dahil miss na daw nila. Pumayag na lang ako dahil bukod sa masarap naman ang luto, wala rin naman akong lakas para humindi pa.
"Uhm ... s-sorry, may iniisip lang," wala sa sarili kong pagdadahilan.
"Oo, halata nga, kita namin. Ano ba kase ang iniisip mo?" Napakamot na sa ulo si Mickey.
"Huwag niyo na lang akong alalahanin, kain lang kayo." Umiling na lang ako at imunwestra ang pagkain nila.
Hindi ko na lang pinansin ang nag-aalala nilang tingin at pinilit ko na lang kumain. Alam kong masarap itong Adobong Kangkong ng ale, pero ngayon hindi ko malasahan. Wala talaga akong gana. Pero kailangan kong pilitin, wala ng laman ang tiyan ko. Baka magkasakit pa ako kung ganito.
Wala pa rin ako sa sarili habang nagda-drive pauwi. Mabuti na lang na kahit ganon, hindi naman ako naaksidente. Nakarating naman ako ng matiwasay sa parking ng appartment. Pero nang papasok na ako, nakasalubong ko si ... Venn.
Pareho kaming nabigla sa presensiya ng isa't isa. Napatigil kaming dalawa at napatingin pa sa isa't isa. Pero kaagad akong umiwas at mauuna na sana pero tinawag niya ako at pinigilan.
"M-mabel," pagpigil niya sa akin. "Let me talk muna, please?"
Namuo ang luha sa mga mata ko pagkarinig ko sa boses niya. Nakatigil lang tuloy ako pero hindi ako humarap. Hindi ko siya kayang harapin dahil baka hindi lang pamumuo ng luha ang mangyari pag nakita ko siya. Natatakot akong masaktan lalo at pagsisihan ang desisyon ko.
"I understand if ... if you don't feel the same way. And I am not asking you to reciprocate my f-feelings." May panginginig ang boses niya, at lalong nanikip ang dibdib ko nang narinig ko siyang suminhot. "B-but ... but I hope you give me a ch-chance. I hope you'll let me to at least ... c-court you?"
Tuluyan nang tumulo ang luha ko nang tanungin niya ako tungkol sa panliligaw. Isa rin 'to sa mga kinakatakutan ko nang sabihin niya sa aking mahal niya ako. Dahil sa totoo lang, ayaw ko siyang paasahin. Dahil oo, may crush na ako sa kaniya, pero hindi ko pa talaga kaya. Ayaw kong mauwi lang din sa wala ang gagawin niyang efforts.
At tsaka kaibigan siya ng ex ko, ano na lang ang iisipin ng mga tao? Na pagkatapos ko sa isa, lumipat naman ako sa isa pa? O kaya naman ang tanga ko, lalo na sa mga nakakaalam na niluko ako ng kaibigan niya. Ano na lang magiging reaksiyon nila kuya? O kaya ng nanay niya mismo na kilala ako bilang girlfriend ng kaibigan ng anak niya?
Kaya hindi talaga pwede, kahit saang anggulo ko tignan. Kahit pa tuluyan akong magkagusto sa kaniya, at kahit pa maka-move on ako. Hindi talaga kami pwedeng dalawa.
"V-venn ... sa mga nangyari noong nakaraan ..." Hindi ko alam pero hindi ko maisip ang mga salitang gusto kong sabihin. Bawat buka ko ng bibig, sumasara siya dahil hindi ko kayang sabihin.
"I would understand whatever your decision is, Mabel. Don't mind me," sabi niyang napansing nahihirapan akong magsalita.
Huminga ako ng malalim at pumikit ng mariin. Pinalakas ko ang loob ko at inisip ng maigi ang gusto kong iparating. Kahit naman sinabi niyang huwag kong isipin ang mararamdaman niya, ayaw ko pa rin siyang saktan. Kaya kailangan kong maging maingat.
Nang handa na ako, minulat ko ang mga mata ko at humarap sa kaniya. Maling desisyon iyon dahil lalo akong nanghina nang nakita kong namumula ang mukha at namumugto ang mga mata niya. Kaya napayuko ulit ako at pumikit. Hindi ko siya kayang tignan pag sinabi ko ang sagot ko.
"Ang ... ang komplikado kase ng sitwasyon natin, Venn. Wala tayo sa tamang panahon, nasa maling pagkakataon tayo," sabi ko nang nakaipon na ako ng sapat na lakas ng loob. "Bukod sa hindi pa ako handa ... h-hindi talaga tayo pwede, eh."
Matagal ang katahimikan pagkatapos kong magsalita. Hindi ko pa rin maangat ang mga mata ko dahil hindi ko pa rin siya kayang tignan. Ayaw kong makita kung ano ang reaksiyon niya. Ni ayaw ko rin ngang marinig ang iyak niya. Baka hindi ko kayanin ang guilt at sakit.
"N-naiintindihan ko, Mabel, I accept your decision." Mahina siyang tumawa, pero mahihimigan ng lungkot at sakit. "But I hope we could still be friends?" namamag-asa niyang tanong.
"Y-yeah, pwede naman." Tumango ako kahit pakiramdam ko magiging awkward lang kami. Naglakas-loob na rin akong tignan siya at inangat na ang ulo ko.
"T-thank you." Nakahinga siya nang maluwag at napahawak pa sa dibdib.
Napangiti ako kahit papaano nang nakita ko ang kaniya. At least, kaya niyang repetuhin ang desisyon ko.
***
Pagkarating ko sa kuwarto, wala ng bihis-bihis, humilata na ako sa kama. Masyado akong napagod sa lahat ng nnagyari. Yung team building, yung biyahe, yung sa amin ni Venn. Kaya ilang segundo pa lang ata akong nakapikit, tuluyan na akong nakatulog.
Matagal-tagal din ang naging pagtulog ko at ang dilim na pagkagising ko. Nang tignan ko ang orasan, alas sais na pala! Nako! HIrap na naman niyan ako sa pagtulog. Puyat na naman niyan ako bukas at antok sa trabaho. Aayos pa kaya ang body clock ko, Diyos ko?
Kaya pinilit ko nang bumangon dahil for sure, itutuloy ko lang ang tulog ko pag hindi. Inayos ko na lang ang mga na dinala ko dahil nakakalat pa rin sila hanggang ngayon. Pagkatapos nito ay kakain na ako ng dinner dahil gutom na 'ko. Hindi ba naman ako kumain mula kagabi?
Habang nagsasaing ako ng kanina, kinuha ko ang cellphone ko at binuksan. Halos sumabog na siya sa dami ng notifications! Sunod-sunod ang pagtunog! Ang dami ko palang texts? Kung kailan hindi ko hawak ang cellphone ko at tsaka nagsi-message ang mga boang. Merong galing kay kuya, Sabel, Albie, Son, Leigh, Mimi, at 8080! Expired na raw ang load ko! Ano ba yan?
Dahil sa mga preview ng texts na nabasa ko, naisipan ko nang magbasa. At sa dami ba naman nito, kailangan kong simulan ng maaga.
Kay Mimi muna ang inuna ko since siya ang pinakataas.
[Mabel, puwede ba tayong mag-meet? Urgent, eh.]
Limang oras din ang pagitan bago siya nag-text ulit.
[Kailan ka pwede? Busy ka ba ngayon? Tungkol kase kay Nisha, eh. Pwede ka ba bukas?]
Tapos ang sumunod ay kaninang umaga.
[Mabel? Need lang talaga kitang makausap. Sinesante kase si Nisha, ilang araw na siyang umiiyak at hindi kumakain. Hindi ko na alam ang gagawin ko.]
Nanikip ang dibdib ko sa nabasa. Kahit naman galit ako, nalungkot pa rin ako para kay Nisha. At nakaramdam din ako ng awa kay Mimi dahil mag-isa lang siyang nakaagapay ngayon sa kaibigan namin—niya.
[Ay shit! Nasa Zambales ka nga pala, no? Reply ka na lang pag nabasa mo mga text ko, ah?]
Napadukmo ako sa lamesa dahil problema na naman agad ang bumungad. Tapos wala pa akong laod para replyan siya agad. Alam kong hirap na siya ngayon at kailangan niya ng katulong. Hindi man kami in good terms ni Nisha, magkaibigan pa rin kami ni Mimi.
Kaya pinatay ko kaagad at tinanggal sa pagkakasaksak ang rice cooker. At dahil hindi pa ako nakakapagbihis, diretso labas na ako sa malapit na 7 Eleven.
Pagkatapos ko sa CLIQQ at makapagbayad na sa counter, aalis na sana ako agad. Pero papunta pa lang ako sa pinto nang may napansin ako sa dulo, doon sa mga inumin sa malaking ref. Lumapit pa ako at pinasingkit ang mga mata ko para malinaw kong makita. Kumukuha siya ng beer in can. Apat!
Nang nakumpirma ko kung sino siya, tatalikod na sana ako para makaalis na. Baka kase makita niya pa ako rito! Pero hindi pa ako nakakatalikod, humarap na siya! Pareho pa kaming napaigtad nang nakita ang isa't isa.
Nanlaki pa ang mga mata niya at napatulala. "M-mabel?"
"Hi Venn." Pilit ko siyang nginitian para itago ang kaba ko. Bakit ba kase ako lumapit? Napakachismosa ko kase.
Matagal pa kaming nakatayo doon, pero nag-iiwasan naman ng tingin. May magnanakaw ng sipat tapos iiwas pag nahuli. Napakagat tuloy ako ng labi at nag-isip ng sasabihin. Ano ba ang dapat sabihin sa mga ganitong sitwasyon?
"Uh ... excuse me lang po, ano."
Napalingon ako, may dadaan pa lang bata na may bitbit na tuta! Nakaharang nga pala ako dito sa aisle. Nakakahiya! Nginitian ko na lang siya at gumilid para padaanin siya. Pero ang brat, inirapan pa ako bago dumaan tapos nung kay Venn, biglang ngumiti? Bruha!
"Uhm ... babayaran ko na 'to." Tinaas ni Venn ang isang ... carton ng orange juice?
Hindi ba beer ang binibili niya kanina? Alam ko hindi lang ako namalikmata, eh. Ilang beses ko kaya siyang tinignan kanina, no! Apat pa nga yung kinuha niya, eh. Hindi ko na lang pinansin, baka nagbago lang ng isip. Tsaka maayos nga at hindi siya iinom, baka malasing pa.
Sabay kaming lumabas nang mabayaran na niya ang orange juice. Ang tahimik namin habang naglalakad, ang awkward tuloy. Gusto ko sanang magsalita pero wala talagang pumapasok sa isip ko. Natatakot din akong mautal, lalo na ang bilis na naman ng tibok ng puso ko. Baka himatayin pa ako rito pag nagtagal kami.
"Uhm ... bakit ka nga pala nagpunta ng 7 Eleven?" tanong siya.
"N-nagpa-load lang, ngayon ko pa lang kase ulit nabuksan ang cellphone ko." Halos pagpawisan ako eh simpleng tanong lang naman 'yon!
Tumango-tango siya. "So ... uh ... i-tetext mo pa lang niyan si Leigh?"
Napatigil ako dahil naaalala niya pa pala 'yon? Sabagay, sa kaniya pa nga pala ako humingi ng advice. "Oo, ngayon pa lang."
Natahimik ulit kaming dalawa, wala ng mapag-usapan. Dinama ko na lang ang lamig ng panggabing hangin para ma-relax ako. Kaso naman naalala kong puro polusyon nga pala 'to, hindi healthy!
"By the way, nag-change ka ba ng number?" tanong niya.
"Hindi." Umiling ako.
"Can I ... text you?" nag-aalangan niyang tanong.
"Uh...oo naman! Bakit naman hindi." Naiilang ko siyang nginitian.
Bakit nga naman hindi siya magtatanong, eh hanggang ngayon hindi ko nga pala siya na-unblock! Kaya pagkarating na pagkarating ko sa kuwarto, iyon agad ang ginawa ko. Inunblock ko siya sa contacts, Instagram, Facebook, Twitter, at pati na rin sa Gmail!
Pagkatapos kong gawin ang lahat ng 'yon, binalikan ko ang text ni Mimi at sinabing magkita kami bukas ng lunch time. Nang nag-reply at pumayag siya, ang mga text naman ni Leigh Belle ang sinunod ko.
Kabado pa ako dahil pakiramdam ko may nauna nang nakapagsabi sa kaniya. Pero, tatlo pa lang naman kaming nakakaalam na nililigawan ako ni Albie. Hindi naman siguro sasabihin ni Venn kay Leigh 'yon. Pero baka sinabi mismo ni Albie sa kaniy? Ang insensitive naman niya kung ikukwento niya pa 'yon kay Leigh!
Kaya pumikit muna ako at huminga ng malalim. Nang medyo malakas na ang loob ko, binuksan ko coversation namin. Ramdam ko pa rin ang kaba habang nagbabasa. Pero nang nabasa ko na ang kabuuan, naguluhan naman ako.
[ATEEEEEEEEE! KAUSAPIN MO NAMAN SI KUYA, OH! PLEASE!🙏🥺]
Ano'ng ibig sabihin nito?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top