Chapter 1
Mga matang puno ng pag-aalala ang sumalubong sa akin pagkarating ko ng bahay. Napatayo kaagad sila at sinalubong pa ako ni Leigh para kumustahin. Pero hindi ko sila pinansin at nilagpasan ko sila. Kaso sinundan pa rin nila ako at pinutakti ng tanong kung ano ang nangyari. Uminit tuloy ang ulo ko at hindi ko na napigilang sigawan sila sa sobrang inis!
"Wala na kami! Nakipaghiwalay na'ko kay Luigi!"
H-hiwalay na kami Luigi.
Nang lumabas sa bibig ko 'yon, tuluyan ko nang napagtanto ang nangyari. Kaya kahit sari-sari ang reaksiyon nila at marami silang tanong, tinalikuran ko sila at tumakbo paakyat ng kuwarto. Ni-lock ko ang pinto at tumalon sa kama. Binaon ko ang ulo ko sa unan at doon ako humagulgol at binuhos ang luha ko.
Kahit gaano pala ako katapang at kagalit kanina, mangingibabaw pa rin pala ang pagmamahal ko sa kaniya. Kahit pala halos isumpa ko na siya, masakit pa rin pala! Kaya ngayong hiwalay na talaga kami, parang hindi ko na kaya.
Wala na akong pinanghahawakan. Tuluyan ko nang binitawan ang manipis na taling kinapitan ko, ang tanging nagdugtong sa amin kahit gaano niya ako kagustong iwanan. Pero ngayon ay hindi lang namin 'to basta binitawan, kundi ginupit pa namin at pinagpira-piraso. Dahil kahit kailanman, hinding hindi na muli kami pagdudugtungin ng kapalaran. Ang ugnayan ay tuluyang nang pinutol, ang relasyon namin ay tuluyan nang nagtapos.
"Mabel! Buksan mo 'tong pinto!"
"Ate!"
"Ate, huwag kang mag-isip ng kung ano diyan!"
Hindi ko sila pinansin kahit halos kalabugin na nila ang pinto ko. Tinakpan ko ang mga tenga ko dahil ayaw ko muna silang marinig. Wala akong gustong harapin, wala akong gustong kausapin. Gusto ko munang mapag-isa dahil wala na akong lakas pang natitira. Pakiramdam ko ay tuluyan akong mauubos kung haharapin ko pa ang mundo ngayong hinang hina na ako.
"Hayaan niyo munang mapag-isa ang kapatid niyo," rinig kong suway ni mama sa kanila.
Tumutol sila, lalo na si kuya. Pero wala rin nagawa 'yon nang napagtanto siguro nilang wala talaga akong balak pagbuksan sila ng pinto. Kaya bandang huli ay tumigil sila at ang mga yapak nilang paalis ang narinig ko. Kaya akala ko ay wala na sila nang narinig ko ang boses ni mama.
"Anak, nandito lang kami, ha? Kung hindi mo na kaya, magsabi ka lang sa amin. Pero kung sa tingin mo hindi kami ang makakatulong sa'yo, lumapit ka sa Diyos. Magdasal ka, itaas mo ang lahat ng problema mo sa Kaniya."
Uminit ang puso ko sa sinabi ni mama. Hindi ko napansin na tumigil ako sa paghagulgol kahit na tuloy-tuloy pa rin ang pag-iyak ko. Hanggang sa unti-unti na akong kumalma at naubusan na ata ng luha dahil tumigil na ang pagtulo nito.
Nang inangat ko ang ulo ko mula sa pagkakabaon sa unan, napagtanto ko kung gaano ako katagal umiyak nang dilim ang sumalubong sa akin. Humiga ako ng diretso at sa kisame ako tumingin.
Tahimik ang gabi pero sobrang ingay sa utak ko, walang kapaguran sa pag-iisip ng kung ano-ano. Akala ko nga sa dami ng nangyari ngayon, mapapagod ako at kaagad aantukin. Pero hindi ako tinigilan ng mga thoughts ko kaya gising na gising ang diwa ko.
At nang tumunog ang cellphone ko, napabangon kaagad ako at namag-asang siya ang nag-text. Umasa akong hihingi siya ng tawad—ng ikalawang pagkakataon. Umasa akong gusto niyang makipagbalikan.
Kaya nang pangalan ni Venn ang nabasa ko, na-disappoint lang ako. Hindi ko na binasa ang text niya at hinagis sa gilid ang cellphone ko. Masama ang loob kong bumalik sa pagkakahiga at pinilit ang sarili kong makatulog.
Akala ko pa naman ay mabilis ko siyang makakalimutan at makaka-move on sa nangyari dahil napalitan na ng galit ang nararamdaman ko at ako pa mismo ang nakipaghiwalay. Alam kong wala na akong babalikan dahil magkakaroon na sila ng anak ng babae niya. Pero hindi talaga siya mawala-wala sa isipan ko!
Tuwing pipikit ako, siya ang nakikita ko. Tuwing natutulala ako sa malayo, ang boses niya ang naririnig ko. Sinubukan kong mag-cellphone para malibang pero sa huli nakikita ko lang ang sarili kong chinecheck ang social media accounts niya. Sinubukan kong magbasa ng libro pero lilipad lang ang utak ko at babalikan ang memories na pinagsamahan namin.
Sa sobrang inis ko sa sarili, binato ko ang librong hawak ko at bumalik sa pagkakaupo sa kama. Sinandal ko ang likod ko sa headrest, pinatong ko ang ang ulo ko sa'king tuhod. Pagkayukong pagkayuko ko, rumagasa na naman ang luha.
Bakit ba kase hindi siya mawala-wala sa isip ko? Bakit ba laging siya na lang? Bakit ba?! Kinulam ba ako? Ginayuma ba ako para magpakatanga ng ganito? Dahil sa totoo lang, kung darating siya sa harap ng bahay namin para magmakaawang tanggapin siya ulit, buong puso ko siyang yayakapin!
Kaya naiinis ako sa sarili ko! Ang tanga-tanga ko masyado! Pakiramdam ko ay hindi ko kayang wala siya sa tabi ko. Pakiramdam ko hindi ko kayang mabuhay ngayong hiwalay na kami. Feeling ko masyado na akong sanay sa presensiya niya sa buhay ko.
Ang sakit kasi na pagkatapos ng apat na taong pagsasama namin, natapos ng dahil sa ganong dahilan. Bago naman kasi 'yon, masaya kami at alam kong minahal namin ang isa't isa. Kaya hirap na hirap ako ngayong bitawan ang mga alaalang 'yon kahit anong pilit ko! Parang bang boomerang na kahit anong tapon ko, bumabalik pa rin sa akin!
Hindi ko na ata siya makakalimutan. I don't even know how to unlove him regardless of what he did! Paano ba kasi mawalan ng pakielam? Paano ba mawawala ang nararamdaman? Kasi ako mismo sawang sawa na sa katangahan ko!
Sa lalim ng iniisip ko'y napaigtad ako nang may kumatok sa pinto ng kuwarto ko.
"Mabel, kakain na. Labas ka na diyan," tawag sa akin ni kuya.
Pero bukod sa pagtaas-baba ng mga balikat ko sa pag-iyak, walang nang gumalaw sa akin. Hindi ako tumayo dahil wala akong ganang kumain. Wala akong enerhiya para kumain.
"Mabel, hindi ka nakakain ng tanghalian kanina kaya kailangan mong kumain ng hapunan. Baka magkasakit ka niyan." Si Ate Bianca naman ngayon ang kumatok.
"W-wala akong g-gana," sagot ko. Hindi ko alam kung malakas ba ang pagkakasabi ko. Hindi ko nga alam kung narinig ba nila ako. Dahil sa tingin ko, bukod sa mahina ang boses ko, nalunod din ng hikbi ang sinabi ko.
"Mabel, lumabas ka na diyan! Kung hindi, bubuksan ko 'tong kuwarto mo!" Kinabahan ako nang naputol na ang pisi ni kuya. Mabuti na lang pinakalma siya ni ate at sinabihang hayaan na muna ako.
Nang wala na akong makitang anino sa maliit na espasyo sa ibaba ng pinto, bumalik ako sa pagkakayuko at pinatong ko ulit ang ulo ko sa tuhod. At doon, bumalik ako sa mga iniisip ko kanina. Bumalik ako sa mga katanungang hindi ko na naman alam ang kasagutan.
Iniisip din kaya ako ni Luigi ngayon? Pinagsisihan niya ba ang mga ginawa niya? Gusto niya kayang makipagbalikan? Umiiyak din ba siya ngayon? O ... ako lang ang nagdurusa at nakulong sa nakaraan? Ako lang? Siguro ... oo? Ako na lang din naman ang nanatiling nagmamahal. Ako na lang ang naiwan.
Tumingin ako sa may bintana at tinignan ang madilim na langit. Hindi maulap kaya kita ko ang kokonting bituin at ang buwan. Hindi siya kumpleto, nakangiti na naman sa akin ang buwan kung kailan hindi ko 'yon kayang gawin. Habang nakatutok ang mga nanlalabo kong mata doon sa kakaiyak, hindi ko maiwasang ipagdasal na sana mawala na 'tong nararamdaman ko. Kung hindi man, sana ... ako na lang ang mawala.
***
Ilang araw na naman ang lumipas pero ganon pa rin ang lagay ko. Parang akong lantang gulay, isang halamang hindi na naarawan at nadiligan. Ilang beses na nga akong sinermunan si kuya pero wala siyang magawa. Mabuti nga at palagi akong pinagtatanggol nila mama at Ate Bianca sa kanila. Tapos, sina Sabel at Leigh naman ay palagi nila akong binibisita. Minsan ay kinukulit nila ako, pero madalas ay tahimik lang sila at tutok sa mga kani-kaniya nilang cellphone lalo na pag ramdam nilang wala ako sa mood.
Alam kong nahihirapan na rin silang pakitunguhan ako kaya lalo akong naiinis sa sarili ko. Kaya minsan ay ni-lo-lock ko ang pinto para hindi sila makapasok kaso mas lalo naman silang nag-aalala. Kaya tuloy may mga pagkatataong gusto ko na lang umalis, maglayas, o kaya maglaho na lang na parang bula.
Pero hindi pwede. Ginagawa nila ang lahat dahil pamilya nila ako. Gustong gusto ko nang umalis sa hukay na 'to. Pero hindi ko alam kung bakit hindi ako makaangat-angat? Parang bang napakalakas masyado ng gravity kaya hindi ako makaakyat. Pilit kong inaabot ang mga kamay nila para humingi ng tulong, pero palagi na lang dumudulas at nahuhulog na naman ako pabalik sa pinakailalim na parte.
Kagaya ngayon, wala na naman akong tigil sa pag-iyak. Ang bigat-bigat na naman ng nararamdaman ko. Parang pasan ko na naman ang mundo. May mga tanikala na namang nakatali sa mga braso't paa ko kaya hindi na naman ako makabangon.
"Anak?"
Narinig ko ang pagbukas at sara ng pinto. Nang buksan ang mga mata ko at bahagyang inangat ang nakapatong na unan sa mukha ko'y nakita ko si mama, alalangalala sa akin habang dahan-dahang pinapagulong ang wheelchair niya.
"Hindi mo na naman kami sinamahan sa hapunan. Tapos halos hindi mo man ginalaw ang dinalang pagkain ng Ate Bianca mo rito kanina," malumanay niyang sermon sa akin nang nasa gilid na siya ng kama ko.
"W-wala pa akong gana," sagot ko.Hindi ako makatingin sa kaniya.
"Anak, alam kong m-masakit. Alam kong nahihirapan ka. P-pero anak..." Hindi na siya makapagsalita ng maayos dahil nagbabadya rin ang luha niya. Pero kahit na ganon, pinilit niya pa rin makapagsalita bago siya tuluyang umiyak. "Pero anak, huwag mo namang pabayaan ang sarili m-mo."
Dinamayan ako ni mama at sabay kaming umiyak. Dahil hindi niya ako masyadong malapitan at limitado lang ang galaw niya, dinantay niya na lang ang kamay niya sa ulo ko at hinagod ang buhok ko. At nang inangat ko ang ulo ko para tignan siya, nginitian niya ako at pinunasan ang mukha kong puno ng luha.
Kahit pa nanlalabo ang paningin ko, kitang kita ko pa rin ang sakit sa mga mata niya ang makita akong ganito. Lalo tuloy sumama ang loob ko sa sarili. Ilang taon kong iniwasan si mama at nilayo ang loob ko sa kaniya. Ang sama ng tingin ko sa kaniya. Masyado akong nag-focus sa paghihirap ko dahil sa kanila ni papa. Hindi ko man lang inisip na masakit din sa kaniya ito, lalo na ang makitang nahihirapan din ang mga anak niya't wala siyang magawa.
Hindi ko na napigilan ang sarili kong bumangon at yakapin siya ng mahigpit. Binuhos ko ang lahat ng natitira kong luha sa balikat niya. Parang akong bumalik sa pagkabata ko kung saan sa kaniya ako nagsusumbong at umiiyak, sa loob ng bisig niya hanggang sa makatulog ako. At kahit pa sobrang tagal na non, napakapamilyar pa rin ng pakiramdam na parang kahapon lang. It felt like ... I was home.
"Magiging maayos din ang lahat, anak. Naniniwala akong kakayanin mo 'to," bulong niya sa tenga ko. Naramdaman ko na lang na hinalikan niya ang ulo ko at tsaka mas hinigpitan ang yakap sa akin.
"P-paano po kung hindi ko na kaya?" ngawa ko na parang batang nasugatan.
Sandaling napatigil si mama bago siya bumuntonghininga. Tinanggal niya ang brasong nakapalupot sa akin at marahan akong tinulak palayo. Tinignan niya ng maigi ang mukha ko at tsaka pinunasan ulit 'yon na parang bang hindi rin basang basa ang sa kaniya.
"Pag hindi mo na kaya, kumapit ka lang sa amin. Hinding hindi ka namin ka namin iiwan," palala niya. Hinila niya ako palapit at hinalikan sa noo. "Nandito lang kami palagi para sa'yo, ah? Palagi mong tandaan 'yon."
Tumango lang ako at wala nang nasabi dahil rumagasa lalo ang emosyon at luha ko. Nagyakapan ulit kami. Madami pa siyang binulong sa tenga ko na nagpagaan ng pakiramdam ko at nagpalakas ng loob ko.
Pagkaraan pa ng ilang sandali, narinig kong bumukas ang pinto kaya kumalas kami ni mama sa yakap. Nakita kong nakadungaw doon ang mga kapatid ko na mukhang kanina pa nakikinig sa usapan namin ni mama. Pare-parehong namumula ang mga mata nila at umiiyak bukod kay kuya na halata naman ang pagpipigil. Tumakbo palapit sa akin yung dalawa para yumakap. Pagkatapos ay sumunod naman si Ate Bianca na buhat-buhat si Micoy na humalik pa sa akin. Ang huling lumapit ay si kuya na masama ang tingin sa akin.
"Tingnan mo nga 'yang hitsura mo. Nagkakaganyan ka dahil lang sa ganong klaseng lalaki?" sermon niya sa akin! Hindi man lang nga niya ako niyakap!
"Mikel!" suway ni mama. Pinanlakihan niya pa ng mata si kuya.
Habang masama ang tingin ay nakita ko ring pasimple siyang kinurot ni Ate Bianca sa tagiliran. "Aray ko naman, mahal!" Humaba ang nguso niya at nawala ang angas!
Kaya hindi na namin siya tinigilan at pinagtulungang asarin. Bandang huli'y napikon siya at masama ang loob na nag-walk out. Kaya kahit kagagaling lang sa iyakan, hindi ko napigilang matawa. Gumaan ang pakiramdam ko kahit papaano.
Nang gabing 'yon, nakasabay na ulit ako sa hapunan. Hindi man ako sobrang ayos pa, at least alam kong kahit papaano ay mukhang may progress na ako. Kinailangan ko lang pala ng konting tulak—tulong mula sa mga taong mahahalaga sa akin.
Nararamdaman kong ito na ang simula ng paglimot ko kay Luigi. Darating din ang araw na wala na akong ibang nararamdaman para sa kaniya kung hindi galit. Wala ng pagmamahal, wala ng pagpapahalaga. Kakalimutan ko siya na parang hindi siya nag-exist sa buhay ko. Iyan ang New Years' resolution ko.
New year, new Mabel.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top