Flashback 1
Few Years Ago
Naghuhugas si Haniyah ng pinggan nang maramdaman niyang parang may matang nakatingin sa kanya. Napalingon siya at nakita ang kanyang Tiyo Gardo na matamang nakatitig sa kanya. Nakasandal ito sa pinto ng kusina.
Simula nang napangasawa ito ng kanyang ina dalawang taon na ang nakararaan ay ganun na ito kung makatingin sa kanya. Kinikilabutan siya ngunit wala naman itong ginagawa sa kanyang masama kung kaya't hindi na lamang niya ito pinapansin.
Nasa ikaapat na taon na siya sa high school, ilang buwan na lamang ay magtatapos na siya. Kahit matataas ang grades niya, hindi siya nakakasiguradong makakapag-college siya. Maliit lang naman kasi ang kinikita ng ina sa pagtitinda sa talipapa. Maayos lang naman ang tinitirhan nila dahil maganda ang kita ng Tiyo Gardo niya mula sa pagiging bisor sa factory ng plastic.
"Hindi daw makakauwi ng maaga ang nanay mo!" nakangising saad ng amain niya. Bakas sa boses nito na nakainom ito ng alak.
"Ganun po ba." Ewan niya ngunit bigla siyang kinabahan ngunit pinalis niya ang kaba at naglakad na lamang papuntang kwarto niya.
"Matutulog ka na?" Napapiksi siya sa biglang paghawak ng amain sa braso niya.
"Opo, gabi na rin po kasi maaga pa ang pasok ko bukas." Nakahinga siya nang maluwag dahil binitawan naman nito ang braso niya.
Umusal siya ng maiksing panalangin pagkatapos niyang patayin ang ilaw. Kurtina lamang ang tabing ng pinto sa kwarto niya. May dalawang kwarto ang inuupahan nilang apartment, ang isa ay kuwarto ng kanyang ina at amain.
Lumakas ang kabog ng dibdib niya nang maaninag ang bulto ng amain sa pintuan niya. Bukas kasi ang ilaw sa sala kung kaya't naaaninag ito mula sa loob lalo na't nakapatay ang ilaw sa loob ng silid.
"Bakit po?!" napabangon siya nang bigla na lamang pumasok ang lalaki sa kwarto niya. Agad itong umupo sa kama niya.
"Ang ganda mo talaga! Mestisang-mestisa." Biglang tumahip ang kaba sa dibdib ni Haniyah ng hawakan siya ng amain sa mukha. Iniiwas niya ang mukha niya. Ngumisi naman ang isa at hinawakan ang hita niya.
"Tsong, ano pong ginagawa niyo?" pinilit niyang tanggalin ang kamay ng lalaki sa hita niya at agad na tumayo ngunit nahila siya nito at pinahiga sa kama.
"Wag ka ng tumanggi, gagawin niyo din naman ito ng boyfriend mo." Nakangising saad nito at bigla na lamang pumatong sa kanya at pinaghahalikan sa leeg.
"Wala po akong boyfriend tsong." Pinilit niyang makawala mula sa mga halik ng langong lalaki.
"Eh di ako nalang muna!" Kinagat siya nito sa dibdib na ikinagulat niya kaya't napasigaw siya at buong lakas na itinulak ang lalaki. Nawalan naman ng balanse ang lalaki kaya't nahulog ito sa kama.
Agad siyang bumangon at mabilis na tinungo ang pinto, papalabas na sana siya ng mahablot ng lalaki ang buhok niya. Napahiyaw siya ng malakas dahil sa sakit na dulot ng paghatak nito sa buhok niya.
Isang malakas na sampal ang dumapo sa pisngi ng dalaga nang mahila ito ng amain niya.
"Wag kang mag-eskandalo!" mariing saad ng amain. Ngunit hindi iyon nakapagpatigil sa dalaga bagkus mas lalo pa niyang nilakasan ang boses.
"Mga kapitbahay!!! Tulungan niyo ako!!!"
"Tumigil ka sabi!" isa uling sampal ang dumapo sa pisngi niya. Napaluha siya sa sakit ngunit hindi ito ang panahon para umiyak siya. Buong lakas niyang tinadyakan ang lalaki kaya't napabitaw ito sa kanya. Agad niyang tinungo ang pinto.
Paglabas niya ng apartment, nakita niya ang mga kapitbahay na nakalabas na rin ng kani-kanilang unit.
"Aling Mercy, tulungan niyo po ako!" Samo niya sa kapitbahay na singkuwenta anyos. Agad naman siya nitong pinapasok sa loob ng unit niya.
"Ano bang nangyari??" tanong ng matanda sa kanya. Kaharap na niya ito sa kanilang sala kasama ng kanyang asawa.
"Si Tsong po kasi, pinagtangkaan akong gahasain." humihikbing ikinuwento ng dalaga ang nangyari.
"Naku, kailangan itong malaman ng nanay mo!" agad siyang niyakap ni Aling Mercy habang patuloy pa rin ang paghikbi niya.
"Sabi ko na nga ba hindi mapagkakatiwalaan yang amain mo." Sambit naman ni Mang Boni kinuha nito ang dos por dos na nasa likod ng pintuan. Narinig kasi nila ang malakas na katok sa pinto.
"Doon muna kayo sa loob." Saad nito at pumuwesto sa may pinto habang patuloy pa rin ang pagkatok. Agad namang hinila ni Aling Mercy ang dalaga patungo sa kwarto at inilock ang pinto.
Narinig niya ang malakas na boses ng amain na naghahanap sa kanya ngunit itinanggi naman ng matanda na naroon siya. Narinig niyang sinubukang pumasok ng amain ngunit pinagbantaan ito ni Mang Boni na hahambalusin ng kahoy pag nagpumilit ito. Maya-maya'y umalis na rin ito.
Pagkatapos ng isang oras, ang ina naman ang sumunod na kumatok. Pinapasok naman ito ni Mang Boni nang matiyak na mag-isa lang ito.
"Ano ba kasing nangyari?" tanong nanay niya.
"Nay, si tsong po kasi pinagtangkaan akong gahasain." Naiiyak na sumbong niya.
"Naku, Haniyah, sabi ng tsong mo nilalambing ka lang daw niya." naiirita nitong saad.
"Pero nay, hinawakan niya po ang hita ko at dibdib." Paliwanag niya.
"Binigyan mo naman ng masamang kahulugan!" pagtatanggol ng ina niya sa asawa.
"Nay, hinila niya po ako at pinatungan. Hindi po ako bata para hindi malaman na may masama siyang tangka sa akin." Naiiyak na paliwag niya sa ina.
"Baka naman nagpakita ka ng motibo?" naiinis pa ring saad ng ina.
Napamaang siya dahil sa lantarang pagpanig ng ina sa kinakasama. Napaluha siya.
"Mawalang-galang na Ester, pero hindi naman siguro maghihysterical ang anak mo kung hindi siya naagrabyado. Paano mo ipapaliwanag yang pasa niya sa pisngi?" mahinahong saad ni Aling Mercy. Tiningnan naman ito ni Ester ngunit bakas pa rin sa mukha niya ang pagkairita.
"Dahil nag-eskandalo siya kaya nasampal siya ng tsong niya!" giit nito.
"Pero hindi naman sisigaw ang anak mo kung hindi niya naramdamang nasa panganib siya." Sabad ni Mang Boni.
Tuluyan nang naiyak si Haniyah dahil sa reaksyon ng ina. Sa lahat ng tao, ang ina niya ang inaasahan niyang magtatanggol sa kanya.
"Umuwi na tayo!" mariing saad ng ina niya.
"Ayoko nay!" Napailing siya. Paano siya uuwi kung alam niyang maaaring maulit ang nangyaring iyon?
"Hayaan mo muna dito ang anak mo." Sabad ulit ni Aling Mercy. Tiningnan naman ito ni Aling Ester ng matalim.
"Bumalik ka sa bahay kung gusto mo, kung ayaw mo, bahala ka na sa buhay mo! Ang tigas ng ulo mo!" saad ng ina niya saka tuluyan nang lumabas ng pinto.
Napahagulgol siya sa labis na hinanakit sa ina. Hindi man lang siya nito pinaniwalaan. Naawa naman sina Aling Mercy at Mang Boni sa dalaga ngunit wala din silang magawa.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top