Thirty-sixth Tears

Para akong lantang gulay na naglalakad pauwi ng bahay. Gusto kong tanggapin ang inaalok sa akin ni Mrs. Esteban ngunit parang may pumipigil sa akin. Hindi ko alam ang mangyayari once na bumalik ako sa Maynila. Baka bigla ko na lang siyang makita o magtagpo ulit ang aming landas.

“Nakakaubos ba ng enerhiya ang pagtuturo?” birong tanong ni Tatay Toni.

“May iniisip lang po,” nakanguso kong sagot.

“Baka puwede mong sabihin sa akin ang iniisip mo,” sabi niya na may kasamang panunukso.

“Saka na Tay lowbat na kasi ang utak ko kailangan ko ng i-charge,” biro ko kung saan natawa ang matanda.

“Oh siya, heto na ang strawberry para sa pinakamaganda kong apo.” Kinuha niya ang aking kamay saka pinahawak. Sinimangutan ko naman siya at umarteng nagtatampo. “Oo na, ikaw ang pinakamaganda para sa akin,” dagdag niya.

Niyakap ko si Tatay Toni pakiramdam ko full charge na ako. Matagal na akong nangungulila sa yakap ng isang Ama at sa kaniya ko ulit iyon naramdaman. “Maraming salamat, Tay.”

-----

“Mirielle!” sigaw ko. Bumukas ang pinto at tumatakbong sinalubong ako ng isang batang anghel.

“Mommy!” matinis niyang tawag.

Binuka ko ang aking mga kamay upang salubungin siya ng isang mainit na yakap. “I miss you my angel,” madamdamin kong saad. Naramdaman ko ang paghigpit ng yakap niya sa akin. Humiwalay ako sa kaniya at pinatitigan ang maganda niyang mata. Maraming nagsasabi na kamukhang-kamukha ko siya kulay ng mata lang nito ang nakuha niya sa kaniyang Ama. “Oh, bakit malungkot ang angel ko?”

Humaba ang nguso nito habang pinaglalaruan ang maliliit niyang daliri sa kamay. Apat na taon si Mirielle napaka-bibong bata kaya gustong-gusto siya ng mga tao. “Sa tuwing umaalis ka nalulungkot ako,” pagtatapat niya.

“Shhh, nandito na si Mommy kaya huwag ka ng malungkot,” pag-aalo ko.

“Pero aalis ka ulit bukas maiiwan na naman akong mag-isa,” giit niya.

“Alam mo naman ang dahilan kung bakit kailangan umalis si Mommy para iyon sa'yo 'di ba?” Mahina itong tumango. “Sinong nagsabing mag-isa ang angel ko? Hindi kaya, kasama mo nga si Ate Maya ayun siya oh.” Turo ko sa dalagang babae. Nakiusap siya sa akin kung puwede ko siyang kunin upang magbantay kay Mirielle habang nasa trabaho ako. Ang sweldong ibibigay ko sa kaniya ay kaniyang iipunin upang makapag-aral ulit. Maganda ang layunin ng dalaga kaya pumayag ako paraan ko na rin iyon para matulungan siya. “May dala akong strawberry, taran!” Nilahad ko ito sa kaniyang harapan. “Ayaw mo?” tanong ko. Nagtataka ako dahil ngayon lang siya hindi excited makita ang paborito niya. Tuwing pag-uwi ko una niyang hinahanap at kapag natagpuan niya kumikislap na ang kaniyang mga mata ngayon parang wala lang.

“Kailan po uuwi si Papa? Matagal ko na po siyang hindi nakikita, Mommy.” Yumuko ito kaya naman naawa ako sa kalagayan ng anak ko. Close sila ng kaniyang Papa kaya naman hinahanap-hanap niya ito.

“Hindi ko pa alam anak kasi kailangan pa siya ni Lola mo. Hayaan mo kapag magaling na si Lola uuwi na si Papa,” masayang sabi ko. Isang buwan na ang nakakalipas ng magpunta ito sa America dahil may sakit ang kaniyang Lola. Gusto niya kaming isama kaso umayaw ako dahil hindi ko rin kayang iwan ang mga batang tinuturuan ko. Umingay ang aking cellphone pagkuha ko napangiti ako nang mabasa ang kaniyang pangalan sa screen. “Baby, tumatawag si Papa.” Pinakita ko at agad lumiwalas ang kaniyang mukha na kanina lang ay nakasimangot.

“Yehey!” tili niya. Nagkatinginan kami ni Maya at napapailing na pareho.

-----

“Napag-isipan mo na ba Bea?” Ang tinutukoy ni Mrs. Esteban ay ang alok nitong pagtuturo ko sa Maynila. Sinabi ko kasing pag-iisipan ko muna dahil ayaw kong magpadalos-dalos ng desisyon. Nag-isip ako ng mabuti kagabi at para kay Mirielle tatanggapin ko. Hindi ko alam kung ano ang mga mangyayari hindi ko naman malalaman kung hindi ko susubukan. Tungkol kay Primo posible naman na mag-krus pa ang aming landas sa lawak ng Maynila posibleng magkita kami. At kung magtagpo ulit ang aming landas hindi na tulad ng dati dahil may kaniya-kaniya na kaming pamilya.

“Opo Mrs. Esteban tinatanggap ko po ang alok niyo,” diretsahan kong sagot.

Napangiti naman ito sa sagot ko. “Tama ang desisyon mo, Bea. I-inform ko na sila sa pagpunta mo.”

Napabuga ako ng malakas paglabas ko sa opisina. “Sana tama nga ang naging desisyon ko,” bulong ko. Pagbalik ko sa silid-aralan tahimik ang mga mag-aaral ko. Parang alam na nila ang nangyayari.

“Teacher Bea, aalis ka na po ba?” tanong ng isa sa mga tinuturuan ko.

“Lilipat lang ako ng paaralan pero uuwi pa rin ako rito,” nakangiti kong sagot para hindi sila malungkot.

“Ibig sabihin hindi na kayo ang magiging guro namin?” tanong din ng isa.

“Gano'n na nga pero alam ko naman na mabait din ang magiging bago niyong guro. Basta si Teacher Bea hindi niya kayo makakalimutan lahat. Mananatili kayo sa puso niya at hindi siya makakalimot na bigyan kayo ng strawberry kahit alam niyang nagsasawa na kayo.” Natawa ako sa aking sinabi kaya natawa rin sila. Nagulat ako ng sabay-sabay silang tumayo upang sugurin ako ng yakap. May luhang naglandas sa aking pisngi, napakasakit sa damdamin sa tuwing mayroon kang iiwan at isa ro'n si Primo nung time na iniwan ko.

-----

“Talaga bang nakapagdesisyon ka na anak?” tanong ni Tatay Toni. Tumambay muna ako sa bahay niya dahil hindi ko alam kung paano ko sasabihin kay Mirielle. Sinabi ko sa kaniya ang desisyon kong pagtuturo sa Maynila.

“Ayaw ko sana Tay kaso iniisip ko ang anak ko, para naman sa kaniya itong gagawin ko. Alam niyo naman pong napakahirap maghanap ng trabaho dito sa atin,” paliwanag ko.

“Alam ko, pero nabanggit mo na ba ito kay Enan?” tanong niya ulit.

Mahina akong umiling. “Huwag niyo pong sasabihin sa kaniya dahil alam kong hindi niya ako papayagan.” Once na nalaman niya baka mapauwi ito na wala sa oras. Ayoko naman dumagdag pa sa mga iniisip nito.

“Bakit mo pa kailangang magtrabaho sa malayo? Nariyan naman siya at alam mong hindi niya kayo pinapabayaan,” katuwiran niya.

“Alam ko po Tay pero ayoko naman na palagi kaming umaasa sa kaniya dapat may gawin din ako para sa anak ko. Kilala niyo po ako ayaw kong nanghihingi ng tulong,” paliwanag ko.

“Kung nakapagdesisyon ka na wala na akong magagawa. Ang puwede ko lang maitulong ay bantayan ang anghel mo. Huwag kang mag-alala nasa mabuti siyang kamay.” Tinapik niya ang aking kamay upang sabihin na huwag akong mag-alala.

Pagkatapos ng pag-uusap namin ni Tatay Toni umuwi na ako. Hindi ko alam kung anong paliwanag ang sasabihin ko kay Mirielle. Sa makalawa na ang alis ko kaya ngayon pa lang dapat masabi ko na sa kaniya. Naabutan kong nilalaro niya ang kaniyang manika kasama si Maya. Ang sarap panoorin ang tawa nito nakakawala ng pagod. Makakatawa pa kaya siya kapag nasabi ko na?

“Mirielle, narito na si Mommy,” pagkuha ko ng kaniyang atensiyon. Tumakbo siya papunta sa akin. Kinarga ko naman ito saka pinaupo sa kandungan ko. “Anak, may sasabihin si Mommy. Hmmm, kailangan magtrabaho ni Mommy sa malayong lugar,” panimula ko.

Kumunot ang noo nito. “Ah? Hindi rin kita makikita ng matagal? Parang si Papa lang kasi nasa malayo rin siya,” sabi niya.

“Hindi anak magkikita pa rin tayo dahil uuwi si Mommy tuwing weekend,” paliwanag ko. Ilang beses itong tumango kaya alam kong naintindihan niya ang sinabi ko. “Kapag wala si Mommy magpakabait ka para hindi ako mag-alala sa'yo.”

Pinalibot niya ang kaniyang braso sa leeg ko saka niya ako pinatitigan. “Huwag kang mag-alala sa akin dito Mommy dahil maraming mag-aalaga sa akin. Ako ang nag-aalala sa'yo dahil walang mag-aalaga sa'yo ro'n,” malungkot niyang sabi.

Nilapit ko ang aking mukha sa kaniya saka ko pinagdikit ang aming pisngi. “Huwag kang mag-alala kay Mommy dahil big girl na ako.”

“Kapag big girl na rin ako hindi mo na po kailangang magtrabaho sa malayo Mommy dahil ako na ang magtratrabaho para sa'yo inyong dalawa ni Papa.” Napaluha ako sa kaniyang sinabi kaya napayakap ako sa kaniya ng mahigpit.

-----

Sumapit ang araw ng pagluwas ko. Ayaw kong makita ni Mirielle ang aking pag-iyak kaya sa bus ko binuhos ang masagana kong luha. Alam kong pinagtitinginan nila ako pero wala akong pakialam anuman ang iniisip nila tungkol sa akin. Malayo pa ako sa Maynila pero kinakabahan na ako sana lang hindi na magtagpo ang aming landas. Tinulog ko upang makalimutan ang bumabagabag sa akin.

Pagtapak ko agad bumalik sa akin ang lahat. Lahat ng nangyari five years ago. Ngayon ulit ako nakatungtong sa mahabang panahon na paglisan at katulad pa rin ng dati dahil walang pinagbago. Dala ang aking maleta agad akong nagtungo sa paaralan na aking pagtratrabahuan. Mainit ang pagtanggap sa akin ng director at matiwasay kong naipasa ang lahat ng requirements. Sa katunayan puwede na akong magsimula bukas. Gusto ko sanang libutin ang buong campus upang maging familiar. Hindi ko inaasahan na sa ganitong kalaking eskwelaan ako magtuturo. Paaralan ito para sa mga mayayaman akala ko public pero laking gulat ko na ito ay private. Malaki ang sahod ko matutungunan ko lahat ng pangangailangan ni Mirielle, tama lang ang naging desisyon ko. Wala rin akong problema sa tutuluyan dahil pinatira ako ni Mrs. Esteban sa bahay bakasyunan nila rito sa Maynila.

Kinabukasan maaga akong pumasok. Pinakilala ako sa lahat ng faculty members. Hinatid din ako sa magiging classroom ko, grade 10 ang aking tuturuan. Namiss ko tuloy ang dati kong mga estudyante kumusta na kaya silang lahat?

Wala akong naging problema dahil mga binata't dalaga na ang mga tinuturuan ko. Hindi kagaya sa lower year kailangan mo ng mahabang pasensiya. Dapat malawak din ang pang-unawa mo para irespeto ka nila. Nang uwian na napansin ko ang batang lalaki na nakatayo habang palinga-linga sa paligid. Napansin kong magdidilim na at mukhang uulan pa. Nilapitan ko siya baka may maitulong ako.

“Hello, anong ginagawa mo rito? May sundo ka ba?” sunod-sunod kong tanong. Napalingon siya sa akin, dahil matangkad ako nakatingala ito. Para hindi sumakit ang kaniyang leeg lumuhod ako upang magpantay kaming dalawa. Sa tantiya ko magkaedad lang sila ni Mirielle. Nasaan ba ang magulang nito at pinababayaan lang ang batang mag-isa. “Nasaan na ba ang sundo mo?” tanong ko ulit pero hindi niya ako sinasagot matamang nakatitig lang ito sa mukha ko parang pinagaaralan niya. “Teka, ba't ganiyan ka makatingin sa mukha ko? May dumi ba?” Kinuha ko ang salamin sa loob ng bag ko upang tingnan. “Wala naman ah.”

“Mommy.”






Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top