RUNAWAY part 3
***
First stop for the day was Kabigan Falls. Sakay ng kotse, apat kaming dumayo sa talon. May forty-five minute trek na pinangungunahan ng mga local guides. It was literally a breath of fresh air because we're surrounded by everything green. Tanaw ang mga bulubundukin sa pagtagos namin sa ilang palayan. Makapal din ang mga puno at halaman sa paligid.
Ako, si Warren, at si Jeron, walang pagod sa mahabang lakaran. Pero si Nina, mabilis hingalin. Hindi naman ako nagtaka kasi sobrang puti at delicate niya tingnan. Parang hindi siya nasisikatan ng araw. Napapatingin ako nang madalas sa kanya kasi ang cute-cute niya sa Harry Potter glasses niya. Hindi naman mukhang accessory lang 'yon. Parang may grado.
Ang sabi ng tour guide, nasa 87 feet ang falls. Ang majestic ng paglaglag ng tubig sa batuhan. May mga naliligong turista nang marating namin 'yon. Nakakatuksong lumangoy rin kung hindi lang halatado sa talsik na malamig ang tubig. Wala pati kaming dalang pamalit.
Tanghalian na nang umalis kami ro'n. Kumain kami sa isang restaurant na nadaanan namin bago magtuloy sa Kapurpurawan.
Kung ano ang ikina-cool ng temperature sa falls, 'yon naman ang ikinainit sa Kapurpurawan. It's a desert of white sand and white rocks. Mataas din ang araw kaya ipinahiram sa'kin ni Warren ang cap niya. Si Jeron naman, binilhan ng summer hat si Nina mula sa souvenir shops.
Mataas pa rin ang araw nang magpunta kami sa Cape Bojeador Lighthouse. Maraming hagdan do'n at madalas akong mapasulyap kay Nina para siguruhin na hindi siya hinihingal. Napapansin niya yata ang patingin-tingin ko dahil madalas niya 'kong ngitian.
The lighthouse was very scenic. Tanaw ang South China Sea mula roon. Malakas din ang hampas ng hangin. We took several photos before going to our last stop—Bangui Windmills.
Bago magdilim, papabalik na uli kami sa bahay ni Lola Edeng. Sa sasakyan na kami nagmeryenda at nag-check ng mga pictures na kinuha namin sa trip.
Binati kami ng kalmadong dagat pagbalik. At kahit na kumain naman kami sa daan, walang nakatanggi sa biko na inihain ni Tiya Nancy at ni Lola.
"Ang bilis ninyong nakabalik. Marami ba kayong napuntahan?" tanong ni Lola habang nasa hapag kami.
"Marami po. 'Yong mga hindi pa napupuntahan nina Amethyst at Warren ang pinuntahan namin. Para sulit 'yong bakasyon nila rito sa Norte bago bumalik sa Manila bukas," sagot ni Jeron.
Naglagay si Warren ng latik sa biko sa platito ko. Naglagay naman ako ng juice sa baso niya. Dahil panay ang subo namin, malamang na busog na kami bago pa maghapunan. Nagbibida pa naman si Tiya ng talangka at inihaw na isda.
"Dumito kayo sa akin kung gusto n'yo uling pumasyal dito sa Burgos at sa mga karatig-lugar. Napakaraming mapupuntahan dito," si Lola.
"Namadali nga po 'yong pag-ikot namin, lalo na kahapon na naka-tricycle lang kami," kuwento ni Warren.
"Bumalik na lang kayo. Welcome na welcome kayo rito," sabi ni Tiya bago bumaling kay Jeron. "Dinala mo sila sa Saud at sa Maira-ira?"
"Hindi na po," si Jeron. "Kapos na oras at nadaanan naman na nila 'yon kahapon. May dagat din naman dito sa'tin. Lalabas lang diyan sa bakuran, dagat na."
Tumango ako. Natuwa nga ako kaninang umaga nang paalis kami at makita kong ilang metro lang mula sa dagat ang bahay nila. Ang suwerte.
"Magandang manood ng paglubog ng araw mamaya sa labas. Puwede rin sana kayong maligo kung hindi lang kayo uuwi kinabukasan," si Tiya.
"Mag-night swimming na lang tayo, gusto n'yo?" untag ni Jeron sa'min. "Ano, dude, Amethyst? Hindi naman kayo maaga bukas."
Hindi ko pa alam talaga kung ano'ng oras kaming aalis kinabukasan. Hindi pa namin napag-usapan ni Warren. Pero hinahanap na kami ni Kuya at pinasusunod sa Pangasinan. Importante raw na pumunta kami ro'n.
"Gusto mong mag-swimming, Mi?" tanong ni Warren sa'kin.
"Puwede ba?"
Ngumiti siya sa'kin. Halatado yatang gusto kong mag-swimming.
"Sige. Night swimming tayo," sabi ni Warren sa'kin bago tumango kay Jeron.
"May pang-swimming kayo?" si Nina.
"Oo, meron." Kasi sa original na destination, swimming naman talaga dapat ang ipupunta namin.
"Ipag-iihaw ko kayo ng bukod para mamaya sa swimming ninyo," sabi ni Tiya. "May bote rin ng Bignay at Tapuy diyan. Tikman ninyo."
Makulit ang ngiti ni Jeron nang bumaling kay Warren. "Umiinom ka, dude?"
"Hindi masyado," sabi ni Warren.
"Ikaw, Mi?"
Umiling ako. Ni hindi pa 'ko tumikim ng alak kahit kapag umiinom sina Kuya. Si Iya at Yanyan ang nakatikim na.
"Tikman ninyo 'yong Bignay at Tapuy kahit minsan lang. Tubo sa Norte ang mga 'yon," singit ni Tiya.
"Yeah. Tikman natin," nakangiting sabi ni Nina sa'min.
Tumango na lang ako at ngumiti. Tikim lang naman pala.
***
"Amethyst? Okay ka na?" tawag ni Nina sa labas ng pinto ng guest room kung nasa'n ako. "Nasa tabing-dagat na sina Warren at Jeron. Nando'n na rin 'yong snacks natin."
"Uh... Sandali lang," sagot ko. Nangunot ang noo ko sa malaking salamin sa kuwarto.
"Is there something wrong?" tanong niya pa.
Hindi ko alam kung wrong. Pero kasi, naka-one piece na 'ko't lahat, papansin pa rin ang dibdib at puwet ko. Ang bilog nila pareho. Parang bibigay 'yong strap ng panligo sa dibdib ko. Pa'no ako haharap kay Warren na ganito? Ayoko namang magkamiseta lang kasi sabi ni Nina, magsi-swimsuit siya.
"Amethyst?" tawag pa rin ni Nina.
Nagtapis ako ng shawl at lumapit sa pinto. "Uh... Puwede ka bang pumasok dito sa loob?" ani ko.
"Ah. Sure. Ano'ng problema?"
Binuksan ko ang pinto kay Nina. Gaya ng sabi niya, naka-one piece swimsuit siya. Kulay plum. Tapos, ang ganda ng proportion ng katawan niya. Sakto ang dibdib at balakang. Ako, parang tatalbog lahat. Parang mataba lahat.
"Kasi ano..."
Hinagod niya 'ko ng tingin pagpasok niya ng kuwarto. "Wow." Inayos niya pa ang salamin niya sa mata. "Wow."
Kumunot lalo ang noo ko. Gusto ko nang magbalot ng shawl.
"Ano'ng problema?" tanong niya pagkatapos.
Hala siya. Hindi niya pa rin nakita ang problema?
"Ano... ang pangit ba ng suot ko?"
" 'Yong suot mo?" Kumunot ang noo niya. "Bakit pangit? Saan pangit? 'Yong color? Okay naman ang blue."
Ngumuso ako. Hindi naman 'yong kulay. "Eh ang laki kasi ng ano eh..."
"Ng?"
Hindi niya ba nakikita kung ano ang malaki?
"Ah." Nangiti siya. "Ang sexy mo nga, eh. Kung nag-two piece ka, puwede ka nang i-pic pang-poster."
"Hindi ba mataba lahat?" ani ko.
Umiling siya. "No. You look good! Bakit?" Mataman siyang tumingins sa'kin. "Did you use to be fat before?"
Tumango ako. Pa'no niya nalaman 'yon?
"It's just that you used to thinking you're fat. But you're not, anymore. You look good."
Nakagat-kagat ko ang labi ko. Bakit kasi parang mataba pa rin lahat ng parte ng katawan ko? Kahit na nakikita ko naman sa salamin na parang hindi na?
"Hindi ka komportable?" aniya pa.
"Ikaw? Pa'no kang komportable sa damit mo? Madalas ka mag-swimsuit?"
Umiling si Nina. "Hindi rin ako komportable pero dahil 'yon sa hindi lang ako sanay. But I know deep down that this looks good on me. Kaya ko nga binili. Kaya kahit hindi ako gano'n kakomportable, there's no use showing it."
May point siya ro'n. I like this suit, too. Kaya ko rin binili.
"Pero kung sobrang hindi ka komportable, try mong mag-short," dagdag niya pa. "Para may cover ka pa kahit pa'no."
"Mabuti pa nga. Ikaw? Magso-short ka rin?"
"Mamaya siguro. 'Pag 'di ko kinaya."
Nginitian ko siya bago tumingin uli sa malaking salamin. Tingin ko pa rin, papansin ang dibdib at puwitan ko. But I do look good in my one-piece.
Naiilang lang din ako kapag nakita ako ni Warren. Hindi pa 'ko nag-swimsuit sa harap niya kahit na kailan.
"Mag-short muna ako tapos labas na tayo," sabi ko kay Nina.
"Sure. Hintayin kita."
Tumalikod ako sa kanya at naghanap ng maiksing short sa maleta ko.
***
Tahimik kami ni Nina nang lumakad papunta sa tabing-dagat. Nakabalot pa sa'kin ang shawl ko para hindi ako masyadong mailang sa suot ko kahit na wala namang ibang tao ro'n.
Hindi pa kami nakakalapit talaga sa picnic table na sinet-up nina Warren at Jeron, lumingon na sila sa'min. Parehas silang naka-board shorts lang. Naiilawan sila ng mahinang flourescent mula sa katabing puno at extra portable lamp sa mesa.
Kay Nina natutok ang mata ni Jeron. Napansin kong nagbalot ng alampay si Nina sa katawan niya. Nahihiya siguro.
Nang magtagpo ang mata namin ni Warren, nanghina ang tuhod ko. Nakakaladkad ko ang paa ko sa buhangin. Tumagal kasi ang mata niya sa'kin. Hindi ko alam kung ano'ng iniisip niya; kung gulat siya o kung pagagalitan niya 'ko. Sa sobrang lakas ng tibok ng puso ko, hindi na rin ako makangiti.
"We already tested the water," sabi ni Jeron nang makalapit kami ni Nina. "Hindi malamig. Masarap lumangoy niyan mamaya."
Nang malumanay na ngumiti si Warren sa'kin, napahinga ako nang malalim. Umupo ako sa tabi niya.
"Tahimik ka, Mi? Nahihiya ka?" untag niya sa'kin.
Sigurado akong nakasimangot ako. "Hindi ba pangit 'yong suot ko?"
" 'Yong shawl?" tukso niya. "Hindi naman. Maganda 'yong shawl mo."
Iningusan ko siya bago tanggalin ang shawl sa katawan ko. Nakita ko kasing tinanggal na rin ni Nina 'yong kanya. Hindi naman pati kami dapat mahiya dahil naka-short nga lang 'tong dalawang lalaki.
Isinampay ko sa foldable chair ang alampay ko nang mahuli kong nakatingin si Warren. Sinimangutan ko siya pero ngumiti lang sa'kin.
"Bagay sa'yo 'yong suot mo..." Tumikhim siya. Parang may karugtong pa dapat 'yong sinasabi niya pero wala na 'kong ibang narinig.
"Bagay talaga? Hindi masagwa?"
Umiling siya. "Hindi."
Malalim akong huminga. "Buti naman. Tingin mo, okay lang kung tanggalin ko rin 'yong short ko?"
Bumaba ang mata niya sa suot kong puting short. "Uh... 'wag na. Baka mailang ka."
"Oo nga. Kanina nga sa salamin, nailang ako. One piece na nga 'to eh. Dapat nakita mo no'ng two-piece 'yong suot ko. Mas nakakailang."
Kumurap lang siya sa'kin bago mapahawak sa tagiliran ng leeg niya.
"Ano 'yon? May kumagat sa'yo?" ani ko.
Umiling lang siya at mahinang tumawa. "Wala. Okay na 'yang one-piece na suot mo. 'Wag kang magsuot ng nakakailang sa'yo."
Tumango-tango ako. "Hindi talaga. Sina Iya at Yanyan lang ang kayang magsuot ng two piece. 'Di ko kaya."
Nakangiti lang siya sa'kin. Pagbaling namin kina Jeron at Nina, tinitikman na nila 'yong Bignay wine. Inabutan din kami ng baso na may alak.
"Inom muna kayo para mainit sa katawan kung maliligo," sabi ni Jeron.
Tinanggap ni Warren ang kanya at mabilis na tinungga. Nang kunin ko ang akin, ginaya ko si Warren. Para lang maubo. Ang sabi ni Tiya, matamis ang Bignay. Hindi ko mahanap ang tamis.
"Hindi siya umiinom," sabi ni Warren kina Nina para sa'kin.
"Hindi rin ako umiinom," sabi ni Nina. "Champagne at red wine lang."
"Madalas may supply ng Bignay at Tapuy rito sa bahay. Tubo kasi rito 'yong inumin," sabi naman ni Jeron.
Ibinalik ko sa mesa ang baso ko na wala nang laman. Nakadikit pa rin sa dila ko ang mapaklang lasa at sa lalamunan ko ang init ng alak. Si Warren, ang bilis na nakatatlong baso. At walang kahit na anong senyales na may epekto sa kanya ang iniinom nila.
Baka gaya siya ni Jacob na nakakatulugan na lang nina Jepoy at Kuya, hindi pa rin lasing.
"Baka malasing ka, ha?" sabi ko kay Warren. "Dahan-dahan."
Ngumiti lang si Warren. "Hindi naman matapang 'yong alak."
"Ilan ba alcohol content nito?" Kinuha ni Nina ang bote at binasa ang nasa label. "Itong Bignay, twelve percent. Itong Tapuy, fourteen."
Napakapit ako sa braso ni Warren. "Hala, 'di ba mataas 'yon?"
"Sakto lang 'yon," aniya. "Don't worry, Mi. Hindi ka mag-aalaga ng lasing ngayong gabi."
Kahit naman mag-alaga ako, eh. Hindi naman 'yon ang concern ko. "Baka lang sumakit ang ulo mo bukas. Kawawa ka."
Pero pinisil niya lang ako nang mahina sa pisngi ko. "Cute mo. 'Pag masakit ang ulo ko bukas, alagaan mo 'ko."
Napasulyap ako kina Nina at Jeron na sinasadya yatang hindi kami pansinin. Itong Warren Tejeron na 'to...
"Siyempre," maliit ang boses na sabi ko.
Kinuha niya ang kamay ko at ikinulong sa kanya. "Dito ka muna sa tabi ko kung hindi ka pa lalangoy."
Dumikit ako nang kaunti sa kanya at pinanood sila ni Jeron sa pag-inom. Nakipapak na lang ako ng inihaw na isda at pritong mani.
Sa pagitan ng kuwentuhan nila ni Jeron ng tennis at soccer, lumangoy na kami ni Nina. Kalaunan, sumama sila sa'min.
Lumalim pa ang gabi. #757 g / 07212018
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top