Monday
Trigger Warning: Harassment, physical abuse, strong language, and attempted suicide. Please read at your own risk.
Halos gumuho ang second floor ng science building sa lakas ng pagkanta ng mga kaklase kong parang ngayon lang nakalaya mula sa kanilang kulungan. Vacant kasi namin ngayong hapon kaya heto at nag-ja-jamming na naman kami.
Ako at si Neri ang nag-gi-gitara habang sina Mark at Joey naman ang nag-b-beatbox. Leader naman sa pagkanta sina Shanelle at Haddie.
Nagkakatuwaan ang lahat. Bakas sa mukha ng bawat isa na dinarama nila ang kanta, tagos sa puso kumbaga. Ang iba ay nakapikit pa habang ang iba naman ay pasigaw na kung umawit dahil bumabakat na ang kanilang mga ugat sa leeg at noo. Nagkakatinginan kami ni Neri at sabay na humahagikhik habang abala ang aming mga daliri sa paglilipat ng puwesto nito sa mga strings at fret para sa bawat chords ng linya ng kanta at ang isa naman ay sa pag-strum ng mga strings.
Ewan ko lang kung bakit ‘Buloy’ ng Parokya ni Edgar ang naisipan nilang kantahin. Masaya naman itong kantahin pero kung iisipin mo ng maigi ang bawat linya ng kanta, may dala itong kirot sa puso dahil ito ay tungkol kay Buloy na maasahang kaibigan sa mga panahong ang bawat oras at segundo ay mahirap tahakin sa sobrang dilim, pero isang araw nalaman na lang ng mga kaibigan niyang siya pa mismo ang naunang tumapos sa sarili niyang buhay. Si Buloy na akala ng lahat ay marunong magdala ng problema.
“10 STE!”
Napahinto kaming lahat nang marinig ang malakas na sigaw mula sa pintuan. Sabay-sabay kaming napalingon doon.
“Kanina pa kayo, ha! Nag-di-discuss ako sa baba pero halos ’yang ingay ninyo ang naririnig ng mga estudyante ko! Do you really think it’s music? No! You’re just making a noise pollution! Nasaan ang teacher niyo? Wala ba siyang iniwang seatwork niyo?!” nanggagalaiting sigaw ni Mrs. Dela Cruz. Namumula na ang mukha nito at nakataas ang isa niyang drawing na kilay.
Lahat ay nakayuko, ang iba ay nagpipigil ng tawa at ang iba naman ay seryoso lang. Ang kaninang maingay na classroom ngayon ay nagmistulang library sa katahimikan.
“Ms. Pidelia,” tawag ni Ma’am sa class president namin nang wala talagang nangahas na sumagot.
Humugot nang malalim na hininga si Zianne, saka niya ito mabilis na pinakawalan bago siya nagkaroon ng lakas ng loob na tumayo para masagot ang galit na guro sa harapan. Nilagay niya sa likod niya ang kan’yang nanginginig na mga kamay.
“Vacant po namin ngayon, Ma’am.”
Malakas na napasinghap si Mrs. Dela Cruz. “Kaya naman pala,” usal niya sabay tingin sa suot niyang gintong relo. “All of you, go to the faculty room. Maglinis kayo roon. Subukan ninyong tumakas, hindi lang ’yan ang ipagagawa ko sa susunod.”
Sabay-sabay kaming tumango at humingi ng paumahin sa kaniya dahil mababait pa naman kami bago lumabas sa aming classroom.
“Pucha! Sino ba kasing pasimuno sa jamming-jamming na ’yan?” rinig kong angal ng isa sa mga pa-poging kaklase ko.
Akala mo naman eh hindi siya kasali sa mga pasigaw na kung kumanta kanina. Palibhasa kasi ay siya ang pinakamatangkad sa amin kaya tingin niya sa sarili niya ay kayang-kaya niya kaming lahat. Kaya ko nasabing pa-pogi dahil halos lahat yata ng mga babaeng kaklase namin ay sinubukan niyang ligawan. Hindi pa na-kontento at sinali pa ang mga babae sa ibang section. Wala namang nagkakagusto sa kaniya dahil palagi siyang nanghahamon ng away, mapa-babae man ‘yan o lalaki.
“Imbes na magsisihan pa, manahimik na lang. Halata namang ginusto nating lahat ’yon,” sabi ko habang nangungunang naglalakad sa pasilyo.
“Tsk. . . Nagpapabida na naman si Vida,” inis na singhal ni Milo.
Pinabayaan ko na lang siya, hindi naman na kami bata para patulan ko pa siya.
“Palibhasa, hindi makuha ang atensyon sa bahay kaya rito nagpapapansin,” pagpapatuloy pa niya.
Nagpapasalamat na lang ako na nauna na ang mga kaibigan ko dahil baka mas lalo pang lumaki ang gulo. Sigurado akong papatulan nila ‘tong si Milo.
Napatiim-bagang ako at humigpit ang pagkakahawak ko sa magkabilang gilid ng palda ko. Naka-ilang beses akong bumuntong-hininga, pinipilit ang sariling kumalma dahil ayoko talaga siyang patulan.
Nakakaloko siyang tumawa mula sa likuran ko, mas lalo tuloy akong nainis.
“Mukhang tama ako, ah. Palibhasa . . . anak ka lang sa labas,” dugtong niya at bakas sa boses niya ang pang-aasar.
Huminga ako nang malalim at marahan itong pinakawalan.
“At alam mo? Ang mga anak sa labas dapat talagang binabalewala. Alam mo, naninira ka lang ng pamilya. Dapat sa ‘yo . . . namumuhay mag-isa.”
‘Habaan mo pa ang pasensya mo, Vida,’ paki-usap ko sa sarili ko.
“Uy! Bilisan niyo raw!” sigaw ng isa sa mga kaklase namin habang paakyat kami sa hagdan. Nagsitakbuhan na ang iba at tatakbo na rin sana ako nang biglang hatakin pabalik ni Milo ang braso ko.
“Ano ba?!” inis kong singhal.
“Sampid,” pang-aasar niya.
Sa sobrang inis ko hindi ko na napigilan; buong puwersang tumama ang nanggagalaiting kamao ko sa kan’yang pagmumukha. Nanlaki ang mata ko nang makita ang mabilis na pagtulo ng dugo mula sa kan’yang ilong. Bakas ang gulat sa kan’yang mukha hanggang sa unti-unting napalitan ng galit. Dumilim ang mga mata niyang nakatingin sa akin. Agad akong kinilabutan. Kakaiba ang titig niya. Nakakapanindig-balahibo.
Imbes na bitawan niya ako, mas lalong humigpit ang pagkakahawak niya sa akin. Nagpumpiglas ako ngunit masyado siyang malakas. Takot at pangamba ang bumalot sa sistema ko nang pumasok sa isip ko ang kaya niyang gawin.
“Ano ba! Bitawan mo nga ako!” sigaw ko habang pilit na kumakawala sa mahigpit na pagkakahawak niya.
“Pagkatapos ng ginawa mo sa akin?!” sigaw niya bago ako kinaladkad papasok sa girl’s comfort room. Buong puwersa niya akong tinulak.
Napangiwi at daing ako sa sakit nang tumama ang likod ko sa dulo ng lababo. Hindi pa man ako nakakabawi sa sakit na natamo ko ay nasundan agad ito ng malakas na suntok sa sikmura ko. Agad akong napaubo at nalasahan ko ang tila bakal na likidong lumabas mula sa lalamunan ko. Nang pumatak ang pulang likido sa puting sahig ay nanlaki ang mga mata ko at mas lalong tumindi ang pagkabog ng dibdib ko.
“Buti nga sa ’yo.”
Sa kabila ng kagustuhan kong maupo na lamang dahil sa tindi ng sakit ng tiyan ko ay pinilit kong umayos ng tayo bago ko siya ginawaran ng masamang tingin.
“Hayop ka!” paos kong sigaw bago ko siya malakas na tinulak para makaalis na, dahil sa totoo lang nakakatakot talaga ang mga mata niyang pulang-pula at nanlilisik. Pero bago pa man ako makatakbo, mabilis niyang hinatak ang buhok ko pabalik.
Napasigaw ako sa sakit! Sobrang hapdi ng anit ko at ramdam ko ang pagkabunot ng ilang mga hibla ng buhok ko.
“At saan ka pupunta, huh? Hindi pa ‘ko tapos sa ’yo!” nanggigigil niyang sigaw at muli akong itinapon sa dulo ng lababo, napasigaw ako sa sakit nang tumama ang tiyan ko roon. Napapikit ako habang umuubo at patuloy ang paglabas ng dugo sa bibig ko.
“Matagal na akong nagtitimpi sa ’yo, Vida, ngayon lang ako nagka-tiyempo kaya susulitin ko na.”
Tila binuhusan ng malamig na tubig ang katawan ko. Agad akong nanginig sa takot. Matagal na talaga siyang may sama ng loob sa akin, hindi ko rin alam kung bakit. Ang alam ko lang ay mula no’ng isinumbong ko siyang nagbebenta ng droga sa room pero wala namang bumili. Hindi ko nga alam ba’t malaya pa rin siya, e.
“H-Huwag… parang-awa mo na… Huwag!” nanghihinang pakiusap ko nang bigla niyang dinilaan ang leeg ko. Nanginig ako sa matinding pandidiri at takot. Pinilit kong nilayo ang katawan ko sa kan’ya ngunit hinigpitan niya lang ang pagkakahawak sa akin para hindi ako makagalaw.
Ilang ulit akong nagpumiglas habang sumisigaw ngunit muli na naman niya akong sinuntok sa sikmura. Paos akong napasigaw sa sakit. Tila nahahati na ang katawan ko sa tindi ng sakit.
“Shh . . .” manyak niyang bulong.
Hindi ako makagalaw dahil sobrang sakit ng tiyan at likod ko. Nanlamig ako nang mas nilaliman pa niya ang paghalik sa leeg ko. Malakas ko siyang tinulak kaso sa bawat tulak ko ay s’ya namang pagsuntok niya sa sikmura ko.
“Tulong!” halos malagutan ako ng ugat sa leeg sa lakas ng sigaw ko nang punitin niya ang blouse ko.
“Putangina! Manahimik ka!” sigaw niya at muli na sana niya akong sisikmuraan nang malakas kong sinipa ang gitna niya. Agad siyang napahiga sa sahig, hawak-hawak ang ano niya habang sumisigaw sa sakit.
Sa huling lakas ko, nagmadali akong lumabas sa banyo at binilisan ang pagtakbo hanggang sa makalabas ako ng school campus. Agad akong pumara ng taxi at doon ko lang namalayan na nanginginig ang buong katawan ko habang patuloy ang pagtulo ng luha ko. Umiiyak na pala ako.
“Miss . . . ano’ng nangyari sa ’yo?” tanong ng mamang driver.
Hindi ako nakasagot agad. Umiling ako habang nagpupunas ng luha at ng dugo sa labi pagkatapos ay sinabi ko ang address ng bahay namin.
Napatingin ako sa uniform ko, ang dating puting blouse ko ngayon ay pula na. May ilang patak din ng dugo ang berde kong palda. Muli akong napatingin sa harapan nang hindi kumibo ang driver.
“Tara na po, manong!” halos pakiusap ko dahil ayaw niyang umalis. Baka mamaya ay maabutan pa ako ng hayop na iyon.
“Manong!” hindi ko napigilang sigaw, mukhang natauhan siya kaya agad siyang nagmaneho papaalis.
“Ayaw mo bang pumunta sa ospital, Miss?” nag-aalanganing tanong ng matanda.
Umiling ako. “Mas gusto ko pong umuwi.”
Tulala lang ako buong biyahe, hindi pa rin ako matigil sa panginginig at paghikbi. Nang makarating ako sa bahay, agad akong nagbayad at lumabas na. May sinasabi pa ’yung driver pero wala akong maintindihan.
Pagkapasok ko sa bahay tanging ang mga katulong lang ang nandoon pero wala naman silang pakealam sa akin.
Agad akong dumiretso sa kuwarto ko, sa banyo mismo, at agad na naligo. Kahit nanghihina at masakit ang katawan ko ay binalewala ko iyon. Diring-diri ako sa sarili ko. Alam ko, may mas malala pang nangyari sa akin kesa rito pero mukhang mas lalo akong nandiri. Ilang beses akong nagkuskus at nagsabon dahil pakiramdam ko ang dumi-dumi ko. Sabon, kuskus, banlaw, sabon, maririing kuskus, banlaw ang ginawa ko habang hindi maawat sa paghagulgol.
Ang sikip-sikip ng dibdib ko. Sobrang nandidiri ako sa sarili ko dahil kahit ilang beses akong magkuskus ramdam ko pa rin ang paraan ng paghawak niya sa akin at ang nakakasukang mga halik niya.
“Putangina!” Sinabunutan ko ang sarili sa sobrang inis, galit, lungkot, at pandidiri.
“Ayoko na! Tama na!” halos malagot ang ugat sa leeg kong sigaw habang umiiyak. Hindi ko pa rin tinitigilan ang pagkuskus sa katawan hanggang sa mamula at nagkasugat-sugat iyon. Halos tatlong oras yata ako sa banyo o higit pa. Hindi ko alam.
Pagkatapos ay sinikap kong isuot ang itim na over-sized shirt at puting silk na pajamas at agad akong sumiksik sa pinakasulok ng kwarto ko. Naupo ako sa sahig at niyakap ang mga binti kong nakatapat sa dibdib ko.
Natulala ako sa kawalan habang naririnig pa rin sa isip ko ang mga pagdaing ko sa bawat suntok na natamo ko, ang pag-iyak ko habang nagmamakaawang itigil niya ang kahayupang ginagawa niya sa akin, at ang mala-demonyo niyang pagtawa at manyak niyang boses. Nanlabo ang paningin ko at kasabay ng pagbigat ng dibdib ko ay siya ring pagsikip nito. Hanggang sa sunod-sunod na nagbagsakan ang mga luha ko. Tinakpan ko ang bibig ko para hindi ako makagawa ng ingay habang umiiyak nang marinig ko ang boses ni Tita Lucia.
“Vincent! Ano? Kailan mo palalayasin ’yang anak mo sa labas?!”
“Lucia, napag-usapan na natin ‘to ‘di ba? Hindi ko palalayasin ang anak ko. Dito lang siya.”
Mas lalo lang akong naiyak nang marinig kong nagtatalo na naman sina Papa at ang step-mom ko, si Tita Lucia.
Oo, tama si Milo, anak nga ako sa labas. Pero kasalanan ko bang naging anak ako sa labas? Ginusto ko bang maging bunga ng pagtataksil ni Papa?Hindi. Pero bakit… parang ako ang may kasalanan? Bakit ako ang sumasalo sa galit nila?
“Kung hindi mo palalayasin ’yang anak mo Papa will never give his company to us! Bakit mo pa kasi kinuha ’yan? Sana pinabayaan mo na lang doon sa simbahan!”
“Lucia! I can’t believe you! This is my daughter we are talking about. I don’t care about that fucking company. My daughter will stay here. Vidalia will stay here,” mariing saad ni Papa gamit ang kan’yang malalim at ma-awtoridad na boses bago ko narinig ang mga yabag ng paa niyang papaalis.
“Vincent!” pagtawag ni Tita Lucia.
Napakagat ako sa pang-ibabang labi ko. Pinagtatalunan na naman nila ako dahil sa kumpanyang ‘yan.
Mula noong dumating ako sa buhay nila, tanging si Papa lang ang nagpakita ng pagtanggap sa akin. Sina Tita Lucia at Mr. Mendoza, ang papa ni Tita Lucia, ay walang ibang ginawa kun’di ang pahirapan ako at ang pagpupumilit kay Papa na palayasin ako.
Bilang lang sa daliri ang pagtatagpo namin ni Mr. Mendoza sa ilang mga events na sinasama ako ni Papa at tuwing nakikita ko ang seryosong mukha ng matanda ay gusto ko na lang umuwi. Tuwing kinakausap niya ako ay kinakabahan akong magkamali dahil kapag nagkamali ka ay ipapamukha niya iyon sa ‘yo, sa puntong tingin mo sa sarili mo ay ang bobo-bobo mong nilalang.
Pero kahit na gano’n si Mr. Mendoza ay hindi maikakailang isa siyang magaling na businessman. Dalawang kumpanya na ang napatayo niya at patuloy na nangunguna sa lahat ng aspeto. Kaya kung iisipin ay sobrang yaman niya na.
Ang isang kumpanya niya ay ang Garber Co., isa sa pinakasikat na restaurants dito sa Pinas at may ilang branch na rin ito sa South Korea, China, at Hong Kong. At ang pangalawa naman ay ang Fiego Co., may limang branch na ang Fiego Hotel dito sa Pilipinas at isa ito sa mga madalas tuluyan ng mga sikat at mayayamang tao.
Director si Papa sa Garber Co. ang kumpanyang tinutukoy ni Tita Lucia na ipapamana ni Mr. Mendoza, o madalas ding tawagin ng iba bilang Chairman, kung palalayasin ako ni Papa. Sa Fiego Co. naman ay si Tita Lucia ang CEO roon.
Lumipas ang ilang minutong nakatulala lang ako kaya bigla akong napatalon sa kinauupuan ko nang biglang bumukas ang pinto ng kwarto ko.
Agad akong nanlamig at nanginig muli sa takot nang makita ko ang nanlilisik na mga mata ni Tita Lucia. Halos lumabas ang puso ko mula sa dibdib ko sa lakas ng pagkabog nito. Mabilis at diretso ang lakad niya patungo sa akin. Gan’yan na gan’yan siya kapag gusto niya akong saktan at pahirapan.
“Tita—” Napatigil ang mundo ko nang buong puwersang sumalubong ang malamig niyang kamay sa pisngi ko. Napaharap ako sa kaliwa sapo ang kanang pisngi ko habang dumadaing sa hapding dulot nito.
Agad kong nalasahan ang dugo sa gilid ng labi ko. Hindi lang isang beses niya akong sinampal kundi maraming beses. Hindi ko na mabilang.
“T-Tama na po . . .” nanginginig ang boses kong pakiusap. Nangangatal na ang labi ko sa labis na takot at pag-iyak.
“Malas ka talaga!” sigaw niya habang sinasabunutan ako. Napapikit ako sa sakit. Hindi ako makagalaw. Mula pagkabata, ganito na siya sa akin. Ang iniisip ko, kung hahayaan ko siya baka sakaling matauhan siya at maisip niyang mali siya at na baka sakaling tumigil na siya.
Baka imbes na saktan niya ako… matanggap niya rin ako na parang anak.
Because to be honest . . . I am very thirsty for a mother’s love.
Nang magsawa siya minura pa niya ako bago siya umalis.
And I guess… things will never really change. She will never accept me.
Ang sakit ng buong katawan ko, lalo na ng tiyan ko. Sobrang hapdi rin ng mga kalmot sa braso at pisngi ko. Ang ilan pang mga kalmot ay sobrang lalim na dumudugo na pero wala na akong lakas pang gamutin iyon. Masakit at mahapdi rin ang anit ko, sigurado akong maraming buhok ko na naman ang nawala.
I’m really a mess right now.
Para akong mababaliw sa sakit na nararamdaman ko. Konting-konti na lang at ramdam kong mawawala na ako sa sarili. Agad kong inabot ang cellphone ko na nasa kama.
Online si Shanelle.
Me: Nelle.
I don’t know where to start. Hindi ko alam paano mag-open up, but I know I needed this . . .
Shanelle: Yeah?
Me: Help.
Shanelle: Yeah, I’ll help you bukas. Bakit ka kasi tumakas?
Oh crap. Oo nga pala! Pero anong magagawa ko? My life’s in danger that time.
Me: No, hindi ’yan.
Shanelle: Eh, ano?
I was about to type, when . . .
Shanelle: Wait lang, bebe time.
I sighed. Can’t she sense that I’m in need of help? I’m already tearing up when I saw that Neri’s online too.
Me: “I’m a mess right now . . . Baby, help me out.”
Instead of saying it directly. I just send her a lyrics.
Neri: 305 by Shawn Mendes. I know, Vida.
Hindi niya gets?
I sighed again. Maybe she’ll get this.
Me: Love you.
Neri: Love you, too, haha.
I waited and waited, maybe she’ll get it but hour had passed, she didn’t chat me anymore. I wiped my tears.
Haddie’s online.
Me: Hayds.
She’s online pero ang tagal niyang mag-seen.
I guess, hindi nila gets ang pagpaparamdam ko. Maybe I should tell it straight to the point? Ito ang hirap sa akin, eh, I’m not used to just open up. But now, I badly needed someone to talk to.
Me: Hayds, help, please.
Me: A lot happened this day.
Me: I . . .I am thinking of hurting myself now.
Agad siyang nag-seen.
Haddie: Ohh . . . Just rest. Me rin nga e, a lot happened, kinakabahan rin ako sa health ko.
For the nth time I sighed, again. Just rest? Really? How can I rest if I don’t know what to do anymore? I thought I could calm myself by opening up but I guess it got worst. I took a lot of courage trying to reach out for help, but none of them try to grab my hand.
I don’t want to reply anymore but my fucking self still choose to worry for her.
Me: Why?
Napakagat ako sa pang-ibabang labi ko dahil sa inis. Ako dapat ang tinatanong pero ako pa ngayon ang nagtatanong at concern sa kan’ya.
Mapakla akong natawa. Kalian ba magiging patas ang mundo?
Haddie: Nahihilo kasi ako lately, feeling ko bumaba na naman dugo ko.
Me: Tama na kasi kapupuyat, pa-check-up ka na rin. Drink a lot of water, and eat ampalaya.
Haddie: Yeah, thanks.
I was waiting for her to notice my chat a while ago pero hindi na muli siyang nagchat. Hindi ba siya na bother sa chat ko? Sila? Hindi ba?
Porke ako lagi ang pinakamasayahin at nag-ch-cheer up sa kanila, hindi na nila mapapansin na may pinagdaraanan din ako? Ang unfair naman nila.
Si Shanelle, isang ‘Vida’ niya lang alam ko na. Alam ko na na hindi siya okay. I will always ask her if she’s okay then mag-o-open up na siya. Kahit inaantok na ‘ko, I will still chat her until she’s okay.
Si Neri, isang ‘I love you’ lang alam ko na na hindi siya okay. I’ll always make a way para mapagaan ko ang loob niya, I will joke if needed or even look like a total crazy just to make sure she’s fine again.
Gano’n din kay Haddie. Pero bakit pagdating sa akin parang wala lang sa kanila? Kaibigan ba talaga nila ako? O ako lang ang nag-iisip na kaibigan nila ako?
I know them very well. I know when they’re not okay, pero ako? Alam ba nila? Parang ang alam lang naman nila ako ‘yong nagpapatawa at pinakamaingay sa barkada.
But I needed them too . . . Pero nasaan na sila?
I spent hours crying again, all I feel is the excruciating pain in my chest. Nakakapagod. Paulit ulit na lang.
Simula pagkabata puro sakit na lang ang natatamo ko. Kailan pa ba ako magiging masaya?
Umiyak ako nang umiyak hanggang sa mapagod na ako. Namalayan ko na lang ang sarili kong nagsasabit ng makapal na puting tali sa hook na nasa kisame ng terrace sa labas ng kwarto ko.
I already deleted all my social media accounts. Said my goodbyes to my guitar and sketch pad kasi sila lang naman ang may deserve ng paalam ko. At sa wakas, ang tali na isang taon nang naka-stock sa cabinet ko ay magagamit ko na rin. Isang taon na pala simula no’ng binigyan ko ng pagkakataon ang sarili kong mabuhay. Pero ngayon, desidido na talaga ako. Ayoko na. Pagod na ako. Pagod na akong magpanggap na ayos lang ang lahat kahit na ni-minsan walang araw na naging maayos ako. Wala na rin naman akong silbi rito. All I got is pain, but now I will finally have my peace and happiness.
Wearing my favorite black silk dress and silver pumps, I smiled as I step on the chair. Nang makatayo na ako sa upuan kaharap ang tali, malawak akong ngumiti at pinikit ang mga mata. Isang taon ko na ‘tong gustong gawin at mukhang ito na talaga ang tamang panahon para tuparin ito. Dahan-dahan kong isinuot ang tali sa ulo ko hanggang sa leeg, bago ko ito hinigpitan.
This is it.
I was about to kick the chair when . . .
“Sure ka bang hindi malalagot ’yang tali?”
Naimulat ko ang mga mata ko sa gulat. At gulat na napatingin sa babaeng mukhang ka-edad ko lang na naka-upo sa railings. Sa harapan ko mismo. Naka-suot siya ng puting oversized-shirt na pinarisan ng itim na maong na shorts at puting sneakers. Dahil sa ilaw na nagmumula sa loob ng kuwarto ko ay nagmukha tuloy siyang nagliliwanag. Maganda siya at malinis siyang tignan kaya imposibleng tambay lang siya sa kanto.
“S-Sino ka?”
“Uy grabe siya! Hindi ako sinuka, ‘no! Pinanganak po ako,” aniya bago siya malakas na tumawa.
Kumunot ang noo ko. “Bakit ka nandito?”
“Kasi wala ako roon?” pamimilosopo niya.
Tinitignan ko lang siya. Tumawa siya.
“So, magpapakamatay ka niyan?” tanong niya sa obvious.
“Pwede bang iwan mo na lang ako?” nagtitimpi kong pakiusap.
Napanguso siya at pinagkrus ang mga braso niya sa may dibdib niya bago siya umiling. “Puwedeng manood?”
“Seryoso ka ba?” hindi makapaniwalang saad ko.
Tumango siya. “Oo, ‘no! Sige na tuloy mo na.” Pagkumpas niya sa kamay niya. Sinasabing ituloy ko na ang ginagawa ko.
Mas lalo akong nagtaka sa inasal niya. “Sino ka ba? Paano ka nakarating dito?” tanong ko.
“Bakit mo pa gugustuhing malaman. Eh, magpapakamatay ka rin naman,” sagot niya.
“Umalis ka na nga.” Pagtataboy ko sa kan’ya.
Napangisi siya. “Aalis lang ako rito sa isang kundisyon.”
“Ano?” tanong ko dahil gusto ko na talaga siyang umalis at magawa ko na ang plano ko.
“Maglaro muna tayo ng jack en poy, hanggang five lang.”
“Tapos?”
“Tapos kapag nanalo ka, sasabihin ko ang pangalan ko at aalis na ako.”
I nodded. “Pero kung ikaw?” tanong ko habang tinatanggal ang tali sa leeg ko at bumaba na para magpantay kami.
Ngumisi lang siya. “Game na,” sabi niya bago kami nagsimulang mag-jack en poy.
Nakangisi ako nang maka-tatlo ako habang siya ay iisa pa lamang, pero nagulat ako nang sunod-sunod ang pagkatalo ko at siya ang unang naka-limang puntos sa amin.
“Paano ba ‘yan? Panalo ako,” nakangising aniya.
Napanguso ako. “Anong ipapagawa mo?”
Tumingin siya sa baba kaya napatingin din ako, wala namang kakaiba roon. Mga sasakyan lang na nakaparada.
“Pasyal tayo!” biglaang pag-aaya niya.
Napakunot muli ang noo ko. “Huh?” naguguluhang tanong ko.
Tumingin siya sa akin na nakangiti.
“Mamasyal tayo,” pag-uulit niya sabay hila sa kamay ko at itinuro ang hagdan pababa, kung saan din siya dumaan kanina.
-vidacarryon-
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top