Chapter 7
Sa mga nagdaang buwan na panliligaw sa akin nung apat—kahit ang sakit nila sa ulo—nagawa naman nila akong pasayahin. Kadalasan, napapagaan ng loob ko pag malungkot ako. Pag may lakad ako, sinamahan nila ako. Tinulungan nila ako nung nahirapan ako sa school. Hindi ko nga alam kung manliligaw ba sila o alalay eh.
At syempre, hindi nawala ang mga narinig kong chismis sa akin. Nung minsan nga ay muntikan pang mapaaway si Jojo at yung apat dahil sa mga umikot na usapan—lalo na sa sa mga engineering students.
Nung una pilit kong pinatigil sa panliligaw nung apat, wala rin naman talaga akong planong magkaroon ng boyfriend hangga't hindi ako tapos mag-aral. Sinabi ko 'yun sa kanila, pero ayaw talaga nilang patinag. Kung pinatitigil ko raw sila dahil lang sa mga sinasabi ng iba, hindi raw sila titigil.
Kaya naman natutunan kong hindi na pansinin pa ang mga chismis tungkol sa akin. Masakit sa damdamin na nahusgahan ako. Pero ang sabi ni Jojo, inggit lang ang mga 'yon. Kaya naisip ko, kaya lang siguro nila nasabi 'yon dahil walang nanliligaw sa kanila tapos akin apat pa. Pero hindi ko naman sila inubusan ng lalaki. Ayon sa record, 12,547 ang male students sa university namin. Ang dami kayang choices!
Tsaka ang sabi naman ni Jojo, mamamatay din ang mga usapang 'yan pag may bago ng issue. Ganon naman daw talaga, pati nga raw mga kapitbahay niya ganoon din. At naisip ko, ganon din ang mga chismosa sa amin. Kung dati nga ay...lagi nilang pinagchichismisan si mama, ngayon ay kasama na siya sa chismisan.
Noong naaksidente siya, madalas nagpapaaraw si mama tuwing umaga. Tapos ay kukumpol sa paligid ang mga chismosang kunwaring nagwawalis pero chichismis lang naman talaga. At siyempre dahil sariwa ang issue ni mama, siya ang laman ng mga kwentuhan. Sa pagkakaalala ko noon ay muntikan pang manugod si kuya at napunta pa sa baranggayan. Pero syempre, hindi natinag ang mga chimosa. Sa awa ng Diyos, pagkatapos ng ilang buwan ay hindi na si mama ang pinagchichismisan nila dahil kasama na siya sa mga chumichismis.
Naiiling kong tinuloy ang paggawa ng budget namin para sa darating na Hearts Day para sa Valentine's Day. Ibig sabihin ay malapit na rin ang birthday ko dahil naipanganak ako sa araw bago yon. Lagi lang naman simple ang celebration ko ng birthday. Magluluto si mama ng spaghetti tapos kung may budget, may fried chicken din. Pag maliit lang ang kita, kami-kami lang ang nagsasalo, pero kung malaki ay sinasali namin ang mga kapitbahay.
Noong hindi ko pa alam kung saan galing ang perang pinangbili ng mga handang 'yon ay masaya ako. Pero nang nalaman ko na, ginusto kong isuka ang lahat ng kinain ko.
"Eat." Bigla na lang may lumitaw sa tapat ng mukha ko kaya bigla kong naurong ang ulo ko dahil sa gulat. At dahil bigla at napalakas ang pagkakaurong ko, muntikan na akong bumaligtad at matumba ang upuan!
Sa sobrang bilis ng mga pangyayari ay hindi ko na naisip kung paano pa dapat ang maging bagsak ko o kumapit man lang kung saan. Napasigaw na lang ako at parang nanigas ang katawan ko.
"Shit!" Naramdaman ko na lang na may sumalo sa likod ko—si Luigi!
Napatulala na lang ako dahil sobrang lapit ng mga mukha namin sa isa't isa! Ramdam ko ang init ng bawat hinga niya tumatama sa mukha ko—ang bango! Tapos nung tignan ko ang mga mata niya—brown. Tapos ang kinis pa ng maputi niyang mukha, ang tangos ng ilong, tapos yung labi—they may be thin but they're kissable.
Napa-english pa ako dahil sa lips!
Narinig ko bigla ang boses ni Tita Maricar, sinuway ako sa naisip ko. Sinasabihan niya akong umakto na parang dalagang Filipina para hindi ma-turn off ang lalaki. Pero narinig ko rin si Tita Macey na makabagong Filipina na rin ang hanap ng mga lalaki. Parang silang demonyo at anghel na nasa magkabilang balikat ko!
Bumalik ako sa kasalukuyan nang inangat ako ni Luigi at inayos ang upuan. Nakayuko lang siya pero dahil nakatitig pa rin ako sa mukha niya, napansin kong namumula ang pisngi niya! Nang inangat niya ang tingin sa akin at napansing nakatitig ako sa kaniya, binaba nya ulit ang ulo niya at tumalikod.
Hindi ko tuloy makita ang ginagawa niya pero narinig ko siyang bumubulong-bulong. Hindi ko siya maintindihan kase sobrang hina—nagma-mumble lang. Tapos nakita kong tumaas at bumaba ang mga balikat niya, base sa narinig ko ay huminga siya ng malalim.
"A-anong ginagawa mo? Bakit ka nandito?" tanong ko sa kaniya. Bawal kase siya rito at siguradong lagot siya pag may nakakita sa kaniya! Lalo na kung si Son o kaya professor ganon.
"Ha?" Humarap siya sa akin, medyo namumula pa rin ang pisngi tapos medyo magulo rin ang buhok niya. Napano ba 'to?
"Paano ka nakapasok dito? Bawal ka dito," bulong ko, baka kase may makarinig sa amin sa labas.
"Ah...hehe. Hi, Mabel."
Napatingin ako sa may pinto at nakita kong nakabantay doon si Jojo. Nagulat pa ako nung nakita ko siya doon at kinabahan pa dahil ang nasa isip ko ay nahuli si Luigi! Pero nang napansin kong hindi siya makatingin sa akin ng deretso, naisip kong siya ang nagpapasok sa isang 'to! Nako talaga!
"G-gusto lang kitang bigyan ng pagkain kase hindi mo pa raw tinigilan 'yan simula pa kanina para kumain ng lunch." Nalipat ang sama ng tingin ko kay Jojo kay Luigi. Pero nang nakita kong nakangiti siya na hindi kita ang mga ngipin at may Jollibee takeout, nawala bigla ang sama ng tingin ko.
May kakaiba kase akong naramdaman...lagi ko 'tong nararamdaman pag nakikita ko siya lately. Dati ay bumibilis ang tibok ng puso ko pero dahil 'yon sa kaba at konting hiya. Pero ngayon, komportable naman na ako sa kaniya, nabiro at naasar ko na rin siya ng ilang beses. Kaya lang may kakaiba talaga, lalo na pag nakangiti siya at malapit na malapit sa akin, bimibilis ang tibok ng puso ko.
Hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin ng nararamdaman ko ngayon. Kase...okay, aaminin ko nang naging crush ko siya simula nung nakita ko siya. Pero pakiramdam ko kase simula nang nakilala ko siya, pareho pa rin ang nararamdaman ko pero at the same time kakaiba. Mas lumalim na kaya ang feelings ko sa kaniya?
Umiling ako at pilit tinanggal 'yon sa isipan ko. Hindi pwede, ayaw ko munang pumasok sa isang romantic relationship. Ayaw kong mahati ang priorities ko, ayaw kong mahati ang focus ko! Umayos ka, Mabel!
"Uh...Mabel?"
Napaangat ulit ako ng tingin sa kaniya at nakita kong nagtataka siya. Doon ko lang napansin na ang tagal ko palang nag-isip! At nang bumalik sa utak ko ang naisip kanina, nakaramdam ako bigla ng awkwardness. Kaya napaiwas ako ng tingin sa kaniya at binalik sa computer ang tingin.
"I-iwan mo na ang pagkain diyan para makaalis ka na agad. Baka maabutan ka pa ng kung sino, malagot pa tayo pareho." Sinimulan ko nang mag-type kahit lutang ako at malayo na ang narating ng utak ko.
"Sige..." Nahulog ang mga balikat niya at binitawan ang pagkain sa table. "Kulang ng m yung commitment," he pointed out kaya inayos ko agad. "Mauna na ako."
Nakahinga ako ng maluwag nang nakalabas siya at walang nakahuli. Pero hindi ko alam...pakiramdam ko gusto ko siyang pigilang umalis dahil gusto ko pa siyang makakwentuhan. Pero nang naisip ko yung thought na mas malalim na sa crush ang tingin ko sa kaniya, parang gusto kong lumayo.
"Girl, ano 'yan? Share mo naman ang naiisip mo." Napatingin ako kay Jojo nang kunin niya ang monoblock sa katabing table at umupo sa tabi ko.
Umiling na lang ako dahil ayaw kong sabihin sa kaniya at ayaw kong marinig ang opinyon niya. Hindi dahil sa ayaw kong ibahin niya ang desisyon ko, pero alam ko kasing bias siya kay Luigi at alam kong ipipilit niya na ayos lang 'tong nararamdaman ko. Kaya naman gusto kong magsabi sa taong alam kong magpapa-enlighten talaga sa akin dahil 'yun ang sa tingin niya ang tama.
Kaso...kanino naman?
***
Kanina pa ako nakatingin sa screen ng cellphone ko, hindi ko alam kung tama ba 'tong gagawin ko. Hindi ko kase alam kung sino ang tamang pagsabihan nitong nararamdaman ko at hingan ng opinyon. May mga taong alam kong magbibigay lang ng opinyon base sa kung ano ang gusto nilang mangyari at hindi sa kung ano ang dapat—gaya ni Jojo at yung mga kapatid ko. Meron ding ayaw kong kausapin dahil...hindi ako komportableng kausapin siya.
Kaya naman naisipan kong sundan yung nabasa ko kanina at kumausap ng hindi ko kilala. Sabi kase, mas madali raw paglabasan ng problema ang strangers dahil hindi naman nila ako kilala personally. Hindi naman nila alam ang kabuuan ng sitwasyon ko at siguradong hindi naman nila kilala si Luigi at yung tatlo pa. Kaya for sure, walang bias at magiging komportable ako kase hindi namin kilala ang isa't isa.
Nung una hindi ko alam kung paano. Naisip kong magpunta sa matataong lugar at bigla na lang kumausap ng tao, kaso baka naman mawirduhan lang sila sa akin. At nakakahiya! Kaya naisip kong mas komportable akong magkukwento kung hindi namin nakikita ang isa't isa. Kaya naisip kong mangumpisal na lang sa pari doon sa simbahan. Kaso, naisip ko baka sabihin naman ng pari ginawa ko siyang DJ sa radyo. At iyon ang nagbigay sa akin ng idea na tumawag na lang sa hotline nung pinapakinggan radyo noon ni Tita Macey. Kaso, baka naman mabosesan ako tapos may nakakilala pa sa akin!
Sa totoo lang nawalan na ako ng pag-asa kanina pero naisipan kong mag-search. At lumitaw ang isang site na pwedeng makausap ang isang stranger anonymously! Tinignan ko agad kung safe ba at mukhang maayos naman. Pero nung pipindutin ko na dapat ang 'Chat with Strangers!', at tsaka naman ako nagdalawang isip.
Baka naman kase wala akong makausap na matino! At base sa mga nabasa ko kanina, mukhang ginagamit talaga 'to para makahanap ng makakalandian. Paano kung landiin lang pala ako nung makausap ko, 'di ba? Pakiramdam ko tuloy nagtataksil ako.
Bahala na nga! Kung ang bungad pa lang di na kaaya-aya, end na agad.
Nako, lagot niyan ako kay Tita Maricar pag nalaman niyang gumamit ako ng ganito.
Pero sige lang, hindi naman siguro niya malalaman. Tsaka wala namang masama rito sa gagawin ko, kaya ayos lang.
Pinindot ko na ang 'Chat with Strangers!' at hinintay mag-load. Pero nagpa-verify muna siya na tao ako at hindi robot kaya nabitin ang anticipation ko. Pagkapindot ko ng verify ay nag-load na naman.
Connecting...
Sana naman matino ang maka-chat ko para naman may saysay itong ginagawa ko.
You are now chatting with a stranger. Say hi!
Magta-type pa lang dapat ako nang nauna na siya.
Stranger19.16
M 24
Ano raw? Ganito ba mag-chat ang mga tao rito?
Me19.16
What does that mean?
Ilang segundo rin ang nagtagal pero wala siyang reply. May mali ba sa tanong ko? Masyado sigurong halata na first time ko 'to. Hindi ko siguro dapat tinanong 'yon? Pero wala rin namang masamang magtanong kung hindi ko naman talaga alam diba?
Start a new chat
In-end? Ano ba yan! Mali nga yatang dito pa ako naghanap ng makakausap tungkol sa problema ko. Pero sige, isa pa!
Me19.23
Hi
Stranger19.23
Hello, love😘
Yawa! Love agad? Ganito ba talaga ang mga tao rito? End ko na ba? Pero baka ganito lang talaga siya lalo na kung galing siya sa ibang bansa, iba ang kultura nila. At ano ka ba naman Mabel, karamihan nga ng gumagamit nito ay naghahanap ng jowa.
Okay, itanong ko na lang ang meaning nung sinabi kanina para alam ko na. Baka mabait 'to at sagutin ang tanong ko.
Me19.24
May I ask a question?
Stranger19.24
Sure😎
Ang bilis mag-reply ha. Malakas siguro ang internet sa kung saan mang lupalop 'to nakatira.
Me19.24
What does M 24 means?
Stranger19.24
M 24?
Stranger19.25
Oh! It means he's male and 24 years old
Ooooh! Ganon pala 'yon? Oo nga 'no? Bakit ba hindi ko agad na-gets? Mukha nga akong tanga kanina nung tinanong ko. Pero dapat sinagot pa rin ako nung lalaki!
Stranger19.25
I'm M 47👨
47?! Grabe pati pala ang mga ganito katanda nandito? Sa bagay, nag-judge agad ako ni hindi ko man alam kung bakit siya gumagamit nito ngayon. Baka naman namatayan siya ng asawa tapos gusto niyang maghanap ng bago? O kaya naman baka matanda siyang binata?
Gumagamit din kaya ng ganito si mama?
Umiling na lang ako at nag-type ng sagot. Ituloy ko na lang, baka matino pala siyang kausap. Lalo na at matanda na siya, baka marami siyang advices na maibigay.
Me19.26
F 21
Sinadya kong ibahin ang edad. Hindi pa rin ako sigurado rito kaya mas magandang mag-ingat. Mas mabuti kung maling detalye ang ibigay ko—mas maganda kung konting detalye lang. At pag nagtanong ng pangalan, end agad!
Stranger19.26
Nice! Young chick🐥
Napangiwi ako nang nabasa 'yon. Ano ba 'tong pinasok ko? Pero okay, huwag muna tayong mag-judge, Mabel. Baka ganito lang talaga ang kalakaran dito.
Me19.26
All chicks are young
Stranger19.26
Oh. You're right, darling😅
Stranger19.26
Can I be your daddy rooster then?🐓
Stranger19.26
My eggs are fresh🥚
Hindi ko na kaya! Hindi ko na pinag-isipan pa at dumeretso ang daliri ko sa pag-end. Grabe, fresh pa raw ang mga itlog niya? Akala ko bugok na!
Napailing na lang ako dahil sa naisip. Baka naman na-preserve niya, jinudge ko agad.
Sigurado ba talagang right idea ito? Sa naunang dalawa, walang matinong kausap! Baka naman lahat pala ng tao rito ganito? Kung hindi masama ugali, eh manyak? Pero sige, one last na lang. Pag ito wala pa rin...bahala na! Sundan ko na lang kung anong feeling kong tama.
Ilang beses kong sinubukan pero walang nagmamatch. Sign kaya 'to na hindi naman matino ang makakausap ko? Pero sige lang, last na rin naman Mabel kaya subok lang nang subok.
At ayon nga, pagkatapos ng ilang pindot at segundong paghintay, may na-connect na sa akin.
Lord, sana po matino na 'to.
Stranger19.29
hi!
Me19.29
Hello
Stranger19.29
hru?
Hru? Uhm...How are you?
Me19.30
I'm fine.
Me19.30
How about you?
Stranger19.30
i'm great!
Stranger19.30
why are you here, btw?
Ito na ang chance kong makakuha ng advice! Salamat naman at mukhang matino ang isang 'to. Sana lang ay hindi ako mali.
Me19.31
I'm facing a dilemma right now and I don't know who I'd talk to. So I decided to use this instead.
Stranger19.32
so...
Stranger19.32
you're looking for someone to vent out your frustrations to?
Me19.32
Yes. And also to ask advice?
Sana naman pumayag siya, kailangan ko lang naman talaga ng makakausap. Kaso ang tagal, hindi pa rin siya typing. Baka naman ayaw niya?
Napaayos ako ng higa nang nagsimula siyang mag-type.
Stranger19.33
okay, tell me about your dilemma.
Me19.33
So I have this suitor that has been courting me for months. I had a crush on him before, but ever since I've known him personally, I think I developed a deeper feeling for him?
Stranger19.34
are you confused?
Confused ba ako? Parang? Oh 'di ba, confused nga talaga.
Me19.34
I think?
Stranger19.34
what's stopping you from acknowledging your real feelings for him?
Ano raw? Lutang lang ba ako o magulo talaga ang tanong niya?
Me19.35
What do you mean?
Stranger19.35
you won't be asking if you developed a deeper feeling for him if you haven't already.
Stranger19.36
the moment you started questioning your feelings for him, was the moment you fell deeper as well.
Napanganga ako sa sinabi niya. May point nga naman siya. So ibig sabihin...final na talagang may gusto na ako kay Luigi? Grabe naman, crush lang dapat, Mabel! Crush lang dapat!
Stranger19.36
so now...
Stranger19.36
what's stopping you from acknowledging your feelings for him?
Napaisip ako sa tinanong niya. Alam ko rin ang sagot, kanina pa. Ito nga ang nagpapagulo sa isip ko. Ito ang dilemmang tinutukoy ko.
Me19.37
I don't think I can enter a relationship with him. I have a lot of responsibilities and I want to focus on my studies first.
Stranger19.37
it's best if you'll say that directly and honestly to him, i think he'll understand.
Stranger19.38
not unless...
Not unless? May nalalaman pa siyang pa-suspense. Napagilid tuloy ako ng higa at nayakap ang isa ko pang unan.
Stranger19.38
you actually want to have a romantic relationship with him?
Nanlaki ang mga mata nang nabasa ko 'yon. Naintindihan ko naman pero binasa ko nang ilang beses para makasigurado.
Nang nakabawi sa gulat ay magtatype na dapat ako para sumalungat pero nauna siya!
Stranger19.39
i mean, you won't call it a dilemma if you're not thinking of dating him or rejecting him, right?
Ano? H-hindi 'yon ang ibig kong sabihin! Hindi nga ba? Yawa! Mas lalo lang ata akong nalito kung ano ang gagawin ko dahil sa mga pinagsasabi niya.
Me19.40
You just got me more confused!
Stranger19.40
did i?
Stranger19.40
i thought i made it clearer?
Stranger19.41
ok, let's just be straightforward then
Stranger19.41
you have two choices: it's either you'll turn him down or date him.
Stranger19.41
the choice is up to you, just make sure you'll think about it carefully coz you might regret it at the end if not.
Yung magulo kanina na parang jigsaw puzzle pieces na sabog-sabog ay parang unti-unting nabuo at konting pieces na lang ang wala para mabuo. Parang nagkaroon ng sense ang mga sinabi niya kanina, and somehow...I agree. No, I totally agree with him.
Siguro nga kung hindi ko lang siya basta gusto, hindi naman ako maguguluhan. Kung wala talaga akong balak na sagutin si Luigi, pwede namang bastedin ko na lang siya, eh. Pwede namang I'll just say no.
Stranger19.43
i figure that you're pondering?
Stranger19.46
let's end the convo?
Napa-type kaagad ako para pigilan siya. Hindi ko alam pero parang gusto ko pa siyang kausapin ng mas matagal? Ang gaan niya lang kausap eh at may sense pa. Hindi kagaya nung tandang na nangingitlog ng fresh kanina.
Me19.46
Wait!
Me19.46
F 18
Hindi ko agad naisip na ang totoong edad pala ang nasabi ko! Pero okay lang, mukhang maayos naman ang isang 'to. Ni hindi man nga siya nagpakita ng motibo o nilandi man lang ako.
Stranger19.46
m 19
Oh? Isang taon lang pala ang agwat namin? Grabe, nakakahiya naman at sa bata pa ako nanghingi ng love advice? Pero okay lang, wala naman sa edad 'yan.
Stranger19.47
cebu, philippines
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top