Chapter 5

Nakayuko lang ako sa harap ni Kuya Mikel—masama ang tingin niya at nakahalukipkip. Mapanuri ang kaniyang tingin at isang maling galaw lang ay siguradong may mapapalabas ng bahay! Kaya naman namamawis na mga kamay ko at maiihi pa ata ako, hindi ko rin alam kung ano ang gagawin. Lalo na at nakamasid din yung iba para makita kung ano ang nangyayari.

Habang ako ay kabang kaba, yung nasa kanan ko ay nakaupo lang ng deretso at nakatingin pa talaga kay kuya. Yung nasa kaliwa naman ay nakangiti pa at nilibot ng mga mata ang buong bahay namin. Hindi man lang ba natatakot ang dalawang 'to sa itsura ni kuya? Kulang na lang ay maging pula ang mukha niya at may lumabas na usok sa ilong at tenga niya!

"Eto at kumain muna kayo ng tinapay at uminom ng tubig." Dumating si Ate Bianca na may dalang cheese pandesal na nasa plato at nilapag mga 'yon sa lamesita. Si Leigh naman ay may dalang apat na baso habang si Sabel naman ang may dala ng pitsel. Napailing na lang ako nang nakita ko ang malalaki nilang ngisi.

"Salamat po!" Malaki ang ngiti ni Luigi at tsaka kumuha ng tinapay at magana niyang kinain 'yon. Sinundan naman siya ng mata ni kuya at napataas pa ng isang kilay. "Masarap po!" Nasampal ko na lang ang noo ko dahil mukha siyang batang kumakain ng donut.

"Salamat po, Ate Bianca, Leigh, at Sabel." Maliit na ngiti naman ang binigay ni Son at tsaka nagsalin ng tubig sa dalawang baso—yung isa ay binigay niya sa akin tapos yung isa naman ay ininom niya. Tumili naman yung tatlong babae na nakamasid sa malayo.

"Nag-enumerate pa ng pangalan. Makikilala ko rin ang mga 'yan." Bulong nitong nasa kaliwa ako, masama ang loob. Napatingin ako sa kaniya kaya nakita kong nakayuko siya at nakanguso pa habang kumakain ng pandesal.

Nang naramdaman niyang nakatingin ako sa kaniya ay napaangat siya ng tingin sa akin at nahihiyang ngumiti. Tapos ay napatingin siya doon sa mga pandesal at tsaka kumuha ng isa. Tinapat niya iyon sa akin, kukunin ko dapat pero nilayo niya sa akin. Pagkatapos ay ngumanga siya kaya nagaya ko siya. Nasubo niya tuloy sa akin yung pandesal kaya wala akong choice kundi kumagat. Kaya naman napatili ulit yung tatlo at napatahimik lang nang nilingon sila ni kuya.

"Ehem!" Pareho kaming napatalon nang tumikhim si kuya. Nang tingnan ko ay lalong sumama ang mukha niya.

Napatuwid kami ng upo, parang mga nakahilerang aso na pagagalitan ng amo.

"Balak niyong ligawan ang kapatid ko, tama ba?" Maangas ang bawat galaw ni kuya, tindig pa lang niya at ang paglagay niya ng mga kamay sa baywang niya. At dahil batak din sa trabaho, nagfe-flex ang biceps niya kahit hindi na pilitin.

"Opo."

"Hindi po!"

Napatingin kaming lahat kay Luigi dahil sa naging sagot niya. Nginitian niya pa kami na parang bang nakaka-proud yung sinabi niya. Ako naman ay naguluhan dahil sinabi niya palang sa akin na manliligaw siya. Nakausap pa nga niya si kuya?

"Oh, bakit ka andito kung ganoon? Para lang makikain ng pandesal?" Napabalik sa pagkakahalukipkip si Kuya Mikel at lumapit kay Luigi.

Napalunok naman yung isa at nakagat ang ibabang labi. "Manliligaw po."

Nagsalubong ang mga kilay ko dahil ang gulo niyang kausap! Dapat pigilan ko na siya sa pagsasalita, baka masapak pa siya ni kuya pag nainis 'to.

"Ano?! Kasasabi mo lang kanina hindi, tapos ngayon nanliligaw ka ulit? Ako ba ay pinagloloko mo?" Halos wala ng espasyong namamagitan sa mga kilay ni kuya, yung mga mata naman niya ay lalong lumaki. Yung labi niya ay numipis at ang panga niya ay umigting. At naalarma ako nang humakbang siya palapit at ang mga kamay niya kumuyom.

Si Luigi naman ay napaatras kaya lumapat ang likod niya sa sandalan ng sofa. Yung mga mata niya ay nanlalaki at bibig ay bumuka ng kaonti. Lagot ka ngayon.

"U-uh...eh, ang sabi niyo po kase kanina balak manligaw." Kumukumpas pa ang mga kamay niya habang nagpapaliwanag. "Ako po kase nanliligaw na talaga, hindi lang po balak," dagdag pa niya habang tumatango-tango kaya pati ako at si kuya ay napatango rin.

Kaso...dinagdagan pa niya!

"Sabi nga po nila 'basta may alak, may balak', ibig sabihin hindi pa nagagawa yung balak dahil iinom pa lang po sila ng alak. At nanliligaw na po ako kaya hindi lang siya balak." Lumaki pa ang ngiti niya, parang ang ganda ng sinabi niya!

Nasapo ko na lang ang ulo ko at napailing. Si Son naman ay natawa nang mahina dito sa kanan ko tapos yung dalawa namang nakamasid—nawala bigla si Sabel—ay nakanganga. Habang si kuya naman, bumalik ang pagkakasalubong ng mga kilay.

"Parang pangit ang pagkakaintindi ko sa sinabi mong 'yan." Tumawa nang sarkastiko si kuya at mabuti naman ay nakuha ni Luigi 'yon kaya nakagat niya ang ibabang labi niya at pilit na ngumiti.

"May diskusyon pala kayo dine. Anong meron?"

Kaming lahat ay napatingin sa direksiyon ng pinagtataguan nung tatlo at doon namin nakita si mama, nakasakay sa wheel chair na tulak-tulak ni Sabel. Right, ganitong oras ang gising niya para mag-almusal kasabay namin. At nang tingnan niya ako ay iniwas ko ang tingin at inabala ang sarili sa mga pandesal.

"Nandito po mga manliligaw ni Ate Mabel, mama," pag-imporma ni Leigh na halatang kinikilig.

"Ay sa wakas naman at naisipan mo nang kumilos, Son." Humigikgik si mama at sinamahan naman siya nina At Bianca at Leigh Belle.

"Ma!" Sabay pa kami sa pagtutol ni kuya.

Nang tignan ko si Son ay nahihiya siyang ngumiti at kinamot ang batok. Nang napatingin siya sa akin ay kinagat niya ang ibabang labi para pigilang ngumiti. Pero dahil doon ay napansin kong namumula ang mukha niya.

"H-huwag niyo naman akong ilaglag, tita, hehe." Yumuko siya lalo at tsaka nagsalin ulit ng tubig para inumin—na sa isahang lagukan niya lang ginawa. Hindi kaya ito maihi sa dami nang nainom niyang tubig?

"Huwag ka nang mahiya. Sabi ko naman sa'yo noon pa na ligawan mo na si Mabel, 'di ba?" Naghagikgikan na naman yung mag-iina! Yawa!

"Mama naman!" pagtutol ulit ni Kuya Mikel.

"Ano ka ba naman, Mikel! Napulo ug walo na 'yang si Mabel, nasa tamang edad na. Ikaw rin naman maagang lumandi." Umiling-iling pa si mama at tsaka tumawa kasama ulit nung tatlo. Si kuya naman ay lalong sumama ang itsura at padabog na umupo doon sa pang-isahang sofa.

Nang dahil tinignan ko si kuya ay nahagip ng mga mata ko si Luigi na nakayuko lang at kumakain pa rin ng pandesal. Ngayon ko lang napansin na hindi pala siya napansin ni mama.

"U-uh...m-ma. Ito po si Luigi, schoolmate ko po," pagpapakilala ko. Hindi ko masabing manliligaw dahil pakiramdam ko masyado kong pinagmamalaki kung 'yon ang sasabihin ko.

Napatingin naman sa kaniya si mama at napatigil at napanganga pa siya ng ilang sandali bago nakapagsalita. "Oh! Napaka-gwapo naman kini! Manliligaw ka rin ba ng anak ko?"

Tumayo naman itong isa at lumapit para magmano kaya lumaki ang ngiti ni mama. Yung dalawa ko namang kapatid ay kumapit pa sa isa't isa at nagpigil sa pagtili.

"Opo, tita. Nice to meet you po!" Malaki ang ngiti ni Luigi, abot hanggang mata. Lalo na nung pinuri siya nang pinuri ni mama. At nang tumayo siya nang tuwid...

"Oh, ang tangkad!"

Napaubo ako sa pagpigil ng tawa nang may napagtanto ako. Pasimple kong tinignan si Son at nakita ko siyang nakayuko at kinamot ang batok. Kaya hindi ko napigilang tumawa. Nung una ay nagtaka pa silang lahat pero nang napagtanto nila ay natawa na rin sila. Sinabi pa ni mama na ayos lang daw 'yon at hindi naman mahalaga ang height. Habang si Luigi naman ay malaki ang ngisi, inasar pa lalo si Son na pasimpleng sinasamaan siya ng tingin.

***

Hindi ko na alam ang gagawin sa apat na 'yon, ang sakit nila sa ulo! Kung nasaan man ako, hindi pwedeng walang sumulpot ni isa sa kanila. Dalawang linggo na rin yung panliligaw nila at habang tumatagal ay gumugulo sila, lalo na yung tatlo! Ang sakit na nga sa ulo nina Adi at Albie, tapos dumagdag pa si Luigi. Si Son naman ay minsan taga-awat, madalas wala lang siyang pakielam.

Kagaya lang nung araw na nagpunta yung dalawa sa bahay para raw isabay ako sa pagpasok sa university. Hindi naman ako namroblema nung biyahe dahil hindi naman sila nagkibuan, ako lang ang kinausap nila buong biyahe. Pero nung nadatnan namin yung dalawang magulo sa university pagkapasok namin, doon na tuluyan nagulo ang lahat!

"Ang daya! Dinugas niyo kaming dalawa!" Nakangusong dinuro ni Adi yung dalawa.

"Pare-pareho lang tayong manliligaw dito kaya dapat walang lamangan!" Mas kalmado naman si Albie pero magkasalubong naman ang mga kilay.

Nang nakita nila kaming papasok ng gate ay lumapit agad silang dalawa. Inabangan daw nila ako para sabayang pumasok sa classroom. Kaso etong si Luigi, pinagyabang na nakilala na niya ang pamilya ko at sinabay pa ako papasok ng university. Kaya ayan, masama ang loob nung dalawa tapos lalo pang inasar nung isa.

"Wala naman sa plano kong isabay 'to." Tinuro niya si Son. "Nagulat na lang ako nung pumasok siya sa bahay nina Mabel. Tsk, gaya-gaya." Inirapan pa niya pagkatapos niya samaan ng tingin! Ito talaga!

"Aba, mas malapit ako kina Mabel!" Katwiran ni Son at humalukipkip, sinamaan din ng tingin si Luigi.

"Oh tignan mo na! Mas malapit ang bahay niyo pero ako pa rin ako nauna!" Pumaywang siya at nagmamalaking lumapit kay Son. "Kaya Mabel, ako na ang sagutin mo dahil mas ma-effort ako kesa sa kanila." Proud niya akong nginitian at madrama niyang nilagay ang kamay sa tapat ng dibdib.

"Anong mas ma-effort? Eh kayo nga nasa loob ng bahay at siguradong pinakain pa!" pagsalungat ni Adi.

"Marami siyang nakain na cheese pandesal." Tumango-tango si Son.

"Eh ikaw naman nakarami ng tubig!" buwelta naman ni Luigi.

"Tignan niyo na. Kami nainitan diyan sa labas kahihintay kay Mabel kaya mas ma-effort kami!"

Nasapo ko na lang ang noo dahil hindi na talaga sila natapos sa diskusyon nilang ito. Hindi rin ako makasingit kahit ilang beses ko nang sinubukan para sana patigilin na sila pero ayaw talagang paawat.

At nang tignan ko ang relo, ten minutes na lang magsisimula na ang klase ko! Kaya hinayaan ko na lang sila doon at kasalukuyan nilang inaasar ang height ni Son nang ikwento ni Luigi ang nangyari kanina. Iniwan ko silang nagbabangayan at hindi naman nila napansin.

At siyempre hindi nila ako nilubayan buong University Week. Kung wala lang ibang responsibilidad bilang officers ay baka buong araw akong sinamahan nung tatlo. At yun naman ang kinuhang pagkakataon ni Luigi para mas makilala ko pa siya.

Pero ngayong tapos na 'yon, nagkakasabay-sabay sila minsan at kadalasan ay nagpapayabangan lang sila. Minsan nga gusto ko na silang gawan ng schedule dahil nakakasakit sila sa ulo. Kaso mukha naman akong babaeng maraming uyab kung gagawin ko 'yun. Kaya naman ngayon ay tinaguan ko sila at kasalukuyan akong nasa loob ng cr.

Dito na lang ako nag-review para sa long quiz namin mamaya. Noong minsan kaseng sa library ako nagtago, sa pinakadulo pa talaga sa pagitan ng malalaking shelf, natunton pa rin ako ni Luigi! Kaya ngayon ay dito na lang dahil napakalakas naman ng pang-amoy ng mga 'yon pag natunton pa nila ako!

"Oh my gosh, have you heard about sa girl na nililigawan ni Luigi?"

Girl na nililigawan ni Luigi? Ako ba 'yon? Pero marami naman sigurong Luigi? Pero nakalimutan ko at sa Engineering ako napadpad! Pero common naman ang pangalan niya kaya hindi siguro siya?

"Yes! I also heard na nililigawan din siya nung tatlo niya kasamang USC Officers! Pati yung president!"

Pisti, isa lang ang USC President! So ako nga?

"Psh! Feel na feel naman ni gaga! Hindi naman ganon kagandahan!"

"At may nalalaman pa raw siyang patago-tago, Ali! Balita ko hinahanap siya ngayon ni Luigi at hindi siya matunton. Nagpapahabol talaga ang gaga!"

Dahil sa mga narinig ko ay unti-unting bumigat ang pakiramdam ko at nag-init ang buong katawan ko. Bumilis ang paghinga ko at nabuo ang luha sa mga mata ko. Hindi ko alam kung ano ang nararamdaman ko! Hindi ko alam kung galit ba ako? Inis? Malungkot? Ang sigurado lang ako ay naninikip ang dibdib ko at ang sakit!

Nahusgahan kaagad ako kahit hindi naman nila alam ang buong kuwento. Hindi ko naman 'to ginusto! Ni hindi ko man nga pinilit yung apat na ligawan ako, eh! At ang nakakainis ay gusto kong lumabas at sabihin sa kanila 'yon. Pero hindi ko magawa, dahil kahit sila ang may ginawang masama sa akin ay ako pa ang may takot at nahihiyang harapin sila!

Nang wala na akong marinig na nagsasalita ay doon ko na tuluyang nailabas ang luha ko. Kanina ko pa to pinipigilan dahil ayaw kong marinig nila ako. Baka mabuko pang may nakarinig sa kanila at ang malala ay yung pinagchismisan pa nila.

"Hello? Is someone crying in there?" Napatigil ako nang nakarinig ako ng nagsalita na...lalaki! Pamilyar yung boses pero hindi ko alam kung sino. At tsaka cr 'to ng mga babae, bakit siya nandito?

Narinig ko ang mga apak niya na pumasok. Napaka-chismoso at chismosa naman ng mga engineering students!

"I heard your cries outside." Palapit nang palapit ang boses niya at nang naisip kong kita ang mga paa ko ay binalak ko pang itaas. Pero huli na ata dahil nakita ko ang mga paa niya na nasa tapat ng cubicle ko.

"You might think that I have bad motives, but please, do know that I have nothing but good intentions. I'll let you cry there, but let me guard you." Hindi ko alam pero napanatag ako dahil sa sinabi niya, nakatulong din na malumanay ang pagkakasabi niya.

"Just cry and let it out. I may not know what you're going through, but please bear in mind that you are not alone."

Dahil sa sinabi niya ay pumatak ulit ang mga luha ko lalo na nang naramdaman kong may init na bumalot sa puso ko. Yung bigat ay unti-unting gumagaan at yung paninikip ay unti-unting lumuwag. Imbes na iyakan ang mga sinabing salita patungkol sa akin ay mas naiyak pa ako sa kabaitan ng lalaking 'to.

"T-tapos na akong umiyak," I informed him para umalis na siya at hayaan na akong makalabas.

Pero wala akong narinig na tugon kahit naman nasa labas pa naman siya dahil kita ko pa rin ang anino niya. Anong nangyari sa kaniya?

"M-mabel? Ikaw 'yan?"

Dahil sa gulat ay nabuksan ko ang pinto para makita kung sino ang nasa kabila. Naestatwa na lang ako nang nakilala ko kung sino siya.

"Venn?"

Pati sa kaniya ay halata ang gulat, tinignan pa niya ako mula ulo hanggang paa at bumalik ulit ang tingin sa mukha. Binuka niya ang bibig niya at may gustong sabihin pero sinara ulit. Ako rin sana ay may gustong sabihin pero hindi ko alam kung ano ang sasabihin. Sa dami ba naman kase ng tao, yung kaibigan pa talaga ni Luigi?

"Uhm...eto panyo. Punasan mo luha mo." Hinugot nya mula sa bulsa ang panyo at binigay sa akin.

"S-salamat." Ang bango! Hindi rin siya magaspang pag pinahid sa mukha.

"May masakit ba sa'yo? Masakit ba ulo mo?" nag-aalala niyang tanong, lumapit pa ng konti.

Medyo masakit nga ang ulo ko kaya tumango ako. Kaya ayaw kong umiiyak dahil traydor 'to. May masakit sa akin kaya kailangan kong iiyak para mailabas. Pero pagkatapos namang umiyak ay masakit naman ang ulo at mata ko.

"Oh." Nalito ako nang iabot niya sa akin ang sunglasses niya. Nang hindi ko kinuha ay siya na ang nagsuot sa akin pagkatapos ay hinila niya ako palabas ng cr.

Pagkalabas ko ay konti na lang ang ang mga estudyante. Karamihan sa kanila ay napatingin sa amin kaya yumuko ako, baka makilala pa nila ako at isang issue na naman ang nakita akong kasama si Venn. Lalo na at galing pa kami sa CR, baka kung ano pa ang isipin nila!

Hindi ko alam kung saan ako balak dalhin ni Venn at mas nalito lang ako nang dinala niya ako sa clinic. Grabe masakit lang naman ulo ko dahil umiyak, bakit clinic agad? Mawawala rin naman 'tong sakit.

"Uhm, Ms. Nurse, do you have a cold pack?" tanong niya doon sa nurse na tinanong kung ano ang nangyari. Nang sabihin ni Venn na umiyak ako at masakit ang ulo ko ay umalis kaagad siya.

"B-bakit clinic naman agad? Hindi naman ganoon kalala." Tinanggal ko ang sunglasses niya at binigay sa kaniya.

Tinanggap naman niya iyon pero hindi tinanggal ang tingin sa mga mata ko. At dahil nakakailang ay yumuko ako. Hindi ko kayang tignan ang mga mapanuri niyang mga mata.

"Eto ang cold pack." Dumating na ang nurse at binigay kay Venn ang dala. "Gaano kasakit ang ulo mo? Gusto mo ba ng paracetamol, Katinko, o Vicks na lang?" tanong pa niya. Hihindi na sana ako kaso sumabat si Venn.

"Give them all to us, Ms. Nurse." Pareho kaming nagulat nung nurse pero wala na akong nagawa nang pinapikit niya ako at dinampi-dampi sa mga mata ko yung cold pack. Akala ko doon lang pero pati sa noo at leeg ay dinampi niya rin.

Nasasarapan na ako sa pakiramdam at nakaramdam ng konting antok. Siguro ay tuluyan akong nakatulog kung hindi ako nagulat sa biglaang pagbukas ng pinto. Napamulat ako nang narinig kong may mabilis na yapak ang palapit sa amin.

"What happened?" Hinihingal si Luigi nang nakarating, nasa likod niya sina Meraki at Rom. Nang napunta kay Venn ang paningin niya ay biglang sumama iyon at tsaka siya tumayo ng tuwid. "What the hell did you do? Nakita ka nila Anita na hila si Mabel tapos...galing pa kayo sa CR?" Mababakasan ng pagsususpetya ang boses ni Luigi pero halata ring nagpipigil siyang magalit at mang-away.

"You got the wrong idea, Lui." Depensa agad ni Venn pero mukhang nag-alinlangan siya kung sasabihin ba niya ang totoong nangyari. Tiningnan nya muna ako bago binalik ang tingin sa kaibigan. "I'm not in the right position to tell you what really happened. All I can say is that I just helped Mabel, 'yun lang."

Tumango-tango naman si Luigi, naniwala sa sinabi ng kaibigan. Tinignan nya yung dalawa sa likod at tinanguan din. Hindi ko alam kung paano pero naintindihan nila ang isa't isa at sabay-sabay lumabas yung tatlo. Pero bago 'yon ay iniwan sa akin ni Venn yung cold pack.

Pagkaalis nila ay lumapit kaagad sa akin si Luigi at umupo sa harap ko. "Are you okay?" Puno ng pag-aalala ang mukha at tinig niya. Hindi niya alam kung hahawakan ba niya ako o kukunin ang cold pack. Bandang huli ay kinuha na lang niya ang cold pack at tinuloy ang ginagawa ni Venn kanina.

Tumango na lang ako at pumikit ulit. Naging tahimik lang kami kaya naman nakapag-isip ako. Naalala ko tuloy ang mga sinabi kanina sa CR nung mean girls. Kaya naisip ko ulit ang nagawang desisyon kanina sa cubicle habang umiiyak. Sa tingin ko, ito lang ang solusyon para matigil ang mga usapang 'yon.

"Uhm...Luigi."

Napatingin naman siya sa akin, naghihintay sa kung ano man ang sasabihin ko.

"I-itigil mo na ang panliligaw sa akin."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top