Chapter 29
"Anong oras ka na ba umuwi? Tignan mo nga at anong oras ka nang nagising!"
"Mikel, hayaan mo munang kumain ang kapatid mo."
Mula kaninang pagkagising ko, hindi na ako tinantanan ni Kuya Mikel sa mga sermon niya. Ilang beses na raw kase nila akong kinatok at sinubukang gisingin kanina, pero hindi raw nila ako magising-gising. Muntikan pa nga raw nila ako dalhin sa ospital.
"Narinig ko nga siyang dumating lagpas alas dose na, kanina ko pa sinabi, ay!" sabat ni Leigh Belle habang kumakain ng torta. Natakam ako kaya kumurot ako doon sa kinakain niyang mamon kaya nagprotesta siya.
"Oh, ed 'di gutom na gutom ka ngayon? Eh paano hindi ka nakaabot sa almusal at tanghalian!" Hinila ni kuya ang upuan sa tabi ko para umupo. Humalukipkip siya at sumandal, tapos tinignan niya ako ng masama.
"Oo nga, ate! Hmp!" Tumayo si Leigh at binitbit niya paalis ng kusina ang pinggang may limang torta.
"Oy, Leigh Belle! Penge! Binilhan kita ng donut at milktea kagabi tapos torta lang ipagdadamot mo pa sa'kin?!" Kung hindi lang ako medyo nahihilo rito, hahabulin ko talaga siya. Lalo na at ini-interrogate ako ni kuya, kailangan kong makatakas.
"Si Kuya Luigi kaya ang bumili non!" Nilabas niya ang dila niya bago niya kami tinalikuran.
Hindi ko na napansin pa ang kadamutan niya nang narinig ko na naman ang pangalan ni Luigi. Naalala ko na naman tuloy ang pinag-usapan namin kagabi. Nag-init tuloy ang mga mata ko at naramdaman ko ang pamamasa non. Kinagat ko ang labi ko para pigilan 'yon at nilunok ang bumara sa lalamunan ko.
Napansin siguro ni kuya kaya nanliit ang mata niya at napaderetso ng upo. Iniwas ko agad ang mukha ko sa kaniya at binalik ang pansin ko sa plato ko sa lamesa. Kaso, huli na.
"Mabel, magsabi ka na nga ng totoo. Ano'ng problema niyo ni Luigi?" Pinatong ni kuya ang braso niya sa lamesa para may suporta siya nang nilapit niya ang buo niyang katawan sa akin. Mariin niya akong tinignan kaya ginawa ko ang lahat ng makakaya ko huwag lang ako mailang—ipakita sa kaniyang naiilang ako.
"May problema kayo ni Luigi, anak?" Napasandal din palapit sa akin si mama. Mukha tuloy silang chismoso ni kuya na naghihintay ng kwento mula sa akin.
Hindi ko tinanggal ang focus ko sa pagkain, tinuloy ko lang ang pagsubo at nguya na parang wala akong narinig. Kaya napigtas na siguro ang pasensiya ni kuya kaya hinampas niya ang lamesa. Napaigtad tuloy kami ni mama, tapos nagmamadaling pumunta rito si Sabel at Leigh.
"Sumagot ka, Mabel! Ano'ng problema niyo ng gagong 'yon? May babae ba?!" Parang kulog ang boses ni kuya, idagdag pa na hinampas niya ulit ang lamesa.
Sabay ulit kaming napaigtad ni mama at napausog palayo kay kuya. Nakakatakot kase ang itsura niya, lagi siyang strikto sa amin at galit. Minsan ko na siyang nakitang ganito, nung nagalit siya kay Sabel. Ngayon naintindihan ko na kung bakit ilang buwang takot si Sabel sa kaniya kaya matagal-tagal din silang nag-iwasan at hindi nagpansinan.
"K-kuya..." Yumuko ako. Nanginginig ang mag kamay ko nang pinagsiklop ko sila at kinuskos ko ang namamasa kong palad sa isa't isa.
"Ano? Sabihin mo sa'kin, uupakan ko 'yon!" banta pa niya kaya lalo akong nag-alangang magsabi.
"Mikel!" protesta naman ni mama sa likod ko.
"Ano, mama? 'Yun pa ang kakampihan mo?" baling niya kay mama.
"Mikel, hindi pa naman natin alam ang lahat."
Marahas na naglabas ng hininga si kuya at pumikit ng mariin. Umiling-iling siya habang hawak ang sentido. Doon ko lang napansin na kahit ilang taon lang ang tanda sa akin ni kuya, halata na ang ilang linya sa noo at gitna ng kilay niya.
"Magsabi ka na, Mabel. Hindi magandang sinasarili mo ang lahat. Oo, malayo kami sa'yo nung nasa Maynila ka pa. Pero nandito ka na, kasama mo na kami, masasandalan mo na kami. Kaya sige na, magsabi ka na kay kuya." Mahinahon na siya, malamlam na rin ang mga mata niya. Kinuha pa niya ang kamay ko at hinawakan 'yon.
"Kuya...gusto ko munang linawin ang lahat bago ako magsabi sainyo."
Kahit pa mahaba-haba ang naging komprontasyong namin ni Luigi kagabi, pakiramdam ko may mga bagay pa ring hindi malinaw. May mga katanungan pa ring hindi nasagot, may mga bagay na hindi pa rin natuldukan.
At ayaw kong sabihin ang tungkol dito sa pamilya ko habang hindi pa malinaw ang lahat. Lalo na kay kuya. Kanina pa lang, mukhang handang handa na siyang makipagbugbugan. At ayaw kong mangyari 'yon dahil ayaw kong may masaktan at may magsakitan pa sa amin. Tama na ang mga pasakit sa nakaraang taon.
"May mga bagay pang hindi malinaw sa akin—sa amin ni Luigi. Gusto kong mag-usap muna kami ulit bago ako magsabi." Ngumiti ako at tumango-tango para masigurado silang maayos lang ako—kahit hindi naman talaga.
"Pero Mabel..." Hinawakan ako ni kuya sa braso.
"Kaya ko pa naman, kuya. Promise, pag hindi ko na kaya...sa inyo ako lalapit." Tumulo na ang mga luhang pinipigilan ko kanina pa.
Niyakap ako ni kuya kaya gumanti ako. Nang lumapit ang mga kapatid ko para sumali sa yakap, doon na ako tuluyang napahagulgol sa balikat ni kuya.
Akala ko kanina, pahinga ko na ang pagkakaroon ng mahabang tulog pagkatapos ng ilang buwan akong puyat kakatrabaho at kakaisip tungkol sa amin ni Luigi. Pero hindi pala, dahil ito ang pahinga. Pakiramdam ko, may iilang bato na akong binitawan.
Pero alam kong mayroon pa rin akong mga pasan-pasan. Kaya dapat makapagdesisyon na ako para tuluyan ko na silang mabitawan at iwan sa nakaraan. Kailangan kong makausap si Luigi bukas para malinaw na ang lahat. Pag nangyari 'yon, sigurado, makakapagdesisyon na ako.
***
Napangiti ako nang naramdaman kong yakap pa rin ako ni Sabel at Leigh pagkagising ko. Kaya dahan-dahan akong gumalaw para halikan silang dalawa sa ulo.
"Kadiri naman, ate. Hindi ka pa nagtu-toothbrush, humalik ka na agad." Nakapikit pa rin pero nakapagreklamo na ang bruhang si Leigh Belle. Magkasalubong ang mga kilay niya at nakanguso habang gumagalaw para talikuran ako.
Tinawanan ko na lang siya at tsaka gumilid patalikod kay Sabel para yakapin si Leigh. Sa tingin ko mukha kaming caterpillar ngayon. Lalo akong natawa nang na-imagine ko 'yon kaya dumaing na naman si Leigh dahil ang ingay ko naman daw.
Ngumiti lang ako at naisipang bumalik ulit sa pagtulog dahil medyo late na kaming nakatulog kagabi. Bukod kase sa iyakan, nakipagkwentuhan pa sa akin ang dalawang 'to. At dahil narinig naman nila yung usapan kagabi, hindi namin pinag-usapan si Luigi. Ramdam ko nga ang pagpipigil ni Leigh na maging chismosa at magtanong.
Nang pumikit na ako, naramdaman ko nang unti-unti na ulit akong hinihila ng antok. Kaso, napaupo na lang ako sa gulat nang padabog na bumukas ang pinto. At ganoon na lang ang panlalaki ng mga mata ko nang pumasok si kuya.
Nanlilisik ang mga mata at nagngingitngit ang mga ngipin. Namumula pa ang buo niyang mukha, bumabakat ang mga ugat niya sa noo at leeg. Tapos nakakuyom ang mga kamao niya kaya naka-flex ang braso niya at bumabakat din ang mga ugat niya sa bisig.
"Mabel!"
Napaatras ako dahil mukhang susugod siya.
"Kuya? Ang aga-aga pa nanggagambala ka ng tulog," reklamo ni Leigh. Kinuha pa niya ang unan ko at pinantakip 'yon sa tenga niya.
"Anong maaga? ALA UNA NA!"
Napabangon tuloy si Leigh at nabato niya ang unan. Inabot ang cellphone niya para tignan ang oras at halos lumabas na ang mga mata niya nang nakita ang oras.
"Oh no! Sira na ang body clock ko! Papangit na niyan ang skin ko dahil late na niyan akong matutuloooooog!" Binato niya sa kama ang cellphone niya. Nilagay niya ang dalawa niyang kamay sa magkabilang sentido at binaluktot ang mga tuhod niya. Mukha siyang...baliw?
"Pagsyur, Leigh Belle! Late ka naman talaga laging natutulog." Inaantok pa ring umupo si Sabel kaya sinandal niya ang ulo niya sa balikat ko.
"Huwag nga kayong magulong dalawa!" Napaupo rin sila ng maayos, kaya mukha tuloy kaming mga asong pinapagalitan ng amo. "Ikaw, Mabel! Bakit hindi mo sinabing may babae pala yung gagong Luigi na 'yon?!"
Nanigas ako nang isigaw niya 'yon. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko, kung ano ang magiging reaksiyon ko. Tapos napatingin din yung dalawa sa akin, nanlalaki ang mga mata at bagsak ang panga.
"May babae si Kuya Luigi?!" Dramatic niyang nilagay ang dalawa niyang kamay sa tapat ng bibig niya, nanginginig pa! "Kinain ko pa naman 'yung binili niyang donuts tsaka milktea!"
Nagtataka kaming napatingin sa kaniya dahil...ano namang connect? May lason ba pag ganoon?
"Leigh Belle lumabas ka nga muna! Ang gulo-gulo mo!" sita ni kuya.
"Ayaw ko nga! Nandito ako para suportahan si ate!" Sumiksik siya sa akin at yumakap.
"Sumuporta o makichismis?" Pinalo siya ni Sabel sa ulo. Tapos naasar naman siya kaya gumanti siya ng palo. Gaganti pa dapat ng palo si Sabel kung hindi lang sila sinaway ni kuya.
"Pag talaga hindi kayo nanahimik, itatapon ko kayo sa labas!" Natahimik yung dalawa at umupo na ng maayos. Tatawanan ko sana silang dalawa kung hindi lang binalik sa akin ni kuya ang masama niyang tingin. "Ano? Hindi ka pa rin magsasabi?"
"P-paano mo ba nalaman?"
"Ayaw mong magsabi. Ayaw ding magsalita ng mga kaibigan mo. Edi yung gagong 'yon ang pinuntahan ko!"
Nakaramdam ako ng kaba nang sinabi niyang si Luigi mismo ang pinuntahan niya. Kung sinabi nga ni Luigi, ibig sabihin..."Ano'ng ginawa mo kay Luigi?"
"Malamng sinuntok ko! Ano'ng gusto mong gawin ko? Makipagtawanan sa kaniya?"
"Kuya!" Kumusta kaya si Luigi? Kilala ko ang kuya ko, sanay siyang makipagbasag-ulo!
"Ano naman? Nag-aalala ka pa rin sa kaniya?" Umiling-iling siya, disappointed niya akong tinignan bago siya tumalikod. "K-kaya ba ayaw mong sabihin sa amin? Kaya ba hindi ka pa rin nakikipag-hiwalay at dinala mo pa siya rito?" Nang humarap siya, uminit agad ang mga mata ko nang nakita ko ang namumuong luha sa mga mata niya. "Bigyan mo naman ng halaga yung sarili mo, Mabel!"
Yumuko ako nang tuloy-tuloy nang tumulo ang luha naming dalawa. Dahil hindi ko kaya. Hindi ko kayang makita siyang umiiyak. Tapos dahil pa sa akin. Bata pa lang kami, parang pasan na ni kuya ang pamilya namin. At kahit may sarili na siyang pamilya, pasan-pasan niya pa rin kami.
Ang dami na niyang pinagdaanan para sa aming lahat. Kinailangan niyang mag-mature agad tapos tumigil pa siya sa pag-aaral para magtrabaho nang nabaldado si mama. Kahit kailan, hindi siya nagreklamo—hindi ko siya nakitang umiyak.
Kaya ang sama sa pakiramdam na makita siyang ganito dahil sa akin. Masakit isipin na nahihirapan sila dahil sa akin.
"A-anong nangyayari dito? Bakit may sigawan?" Nasa tapat ng pinto si mama, naguguluhan niya kaming tinignan. Dahan-dahan niyang inikot ang mga gulong ng wheelchair niya papasok. Puno ng pagtataka ang mga mata niya nang nakita niya kaming nag-iiyakan.
Nakita ko pang nakasunod sa likod niya sa Micoy, curious sa kung ano ang nagyayari. Sakto namang dumating si Ate Bianca at hinila ang anak niya nang nakita niya ang lagay namin sa loob. Nagprotesta pa si Micoy kaya binuhat na siya ni ate at sinara ang pinto.
"Mabel, magsalita na ka." Tuyo na ang mukha ni kuya at bumalik na ang masama niyang tingin.
"K-kaya hindi ko sinabi kase alam kong...ganito ang mangyayari. Gusto ko pag sinabi ko sainyo, nakapag-usap na kami ni Luigi para malinaw na ang lahat." Malumanay kong paliwanag pero mukhang hindi niya nagustuhan ang sinabi.
"Malinaw? Gaano ba kalinaw ang gusto mo, Mabel? Niloko ka niya, nambabae siya, ano pang hindi malinaw doon?" Pinipigilan niyang magtaas ng boses.
"A-ano?! May babae si Luigi?" Nanlaki ang mga mata ni mama. Tapos tumingin siya sa akin, nagtatanong kung totoo ba. Pero hindi ko na muna siya pinansin dahil hindi ko kayang makipagsagupaan sa kanilang dalawa ni kuya, isa-isa lang.
Kinagat ko ang ibabang labi ko tsaka yumuko ulit. "G-gusto kong...tignan kung maaayos pa 'to."
Nagsalubong ang mga kilay ni kuya, parang bang sinasabi niya sa aking iyon ang pinaka-ridiculous na bagay na narinig niya. At alam ko 'yon, dahil pakiramdam ko ang tanga ko para mag-isip ng ganito.
Nilagay niya ang dalawa niyang kamay sa baywang habang umiiling-iling. "Kailan pa 'to?"
"Lagpas isang...taon na?" Nag-alangan akong sabihin kung ang katotohanan ba ang sasabihin ko, pero sa tingin ko dapat na nilang malaman ang totoo. Lalo na at baka alam na pala ni kuya 'yon at lalo lang siyang magalit.
"Isang taon? Paano mo natagalan ang isang taon?"
"Lagpas," pagtatama ni Leigh kaya pare-pareho namin siyang tinignan ng masama. Tinaas naman niya ang dalawa niyang kamay tapos umaktong nag-zip ng bibig.
"L-last week ko lang nalaman."
"Last week mo lang nalaman pero sigurado ako, matagal mo nang nararamdamang may kakaiba." Napatingin kaming lahat kay mama nang nagsalita ulit siya. Namumuo rin ang mga luha niya sa namumula niyang mata.
"Base ba sa experience 'yan, ma?" Nginisian ni kuya si mama. "May pinagmanahan ka nga pala, Mabel." Sarkastiko siyang tumawa habang umuupo sa upuan ng study table, nangawit na siguro.
Pero hindi ko na inintindi ang pagkakangawit niya. Ano namang nagmana? Naguguluhan ko silang tinignan dalawa.
"Nasa genes ba 'yan? Kaya ba...meron ka pang nalalamang pitong araw na palugit, Mabel? Ganoon ka na ba kadesperada, ha?!"
Na-offend ako sa sinabi niyang desperada ako. At kung tumingin siya, pinaparamdam niya sa aking...ang tanga ko. Kaya nakaramdam ako ng galit dahil pakiramdam ko napakawalang kwenta ng lahat ng ginawa ko, yung mga pagtitiis ko. Dahil despereda raw ako kaya ko ginawa 'yon?
"Hindi ako desperada! Ginawa ko ang lahat ng kaya ko para maayos kami ni Luigi, dahil akala ko kaya pa! Ikaw ba kuya, pag ba nagka-problema kayo ni Ate Bianca makikipaghiwalay ka agad?" Pagtatanggol ko sa desisyon ko. Dahil sa mga nagdaang buwan, lalo na ang linggong 'to, pakiramdam ko iyon ang tamang gawin—iyon ang dapat kong gawin.
Napatigil sandali si kuya at tila nag-isip. Pero pagkaraan ng ilang sandali, bumalik ulit ang masama niyang tingin. Magsasalita pa sana ulit siya pero inunahan ko na.
"Ayaw kong bumitaw kaagad dahil 'yon ang sumira sa pamilya natin." Tinignan ko nang masama si mama.
Nagulat si mama pagkatapos ay nagtaka. "A-ako? B-bakit ganyan ka makatingin sa akin? Ako ba ang sinasabi mong sumira ng pamilya natin?"
"H-hindi ba? Kung inayos mo lang sana ang sainyo ni papa, hindi sana mangyayari ang lahat ng 'to! Pero hindi, sumuko ka, umalis ka tapos sinama mo pa kami! Tapos naging prosti ka, kumabit, tapos pinabugbog ka ng asawa nung lalaki! Kaya ayan, baldado ka, hindi makapagtrabaho. Ang ending, kami-kami lang din ang bumuhay sa amin!" sumbat ko sa kaniya.
Dati ko pa 'to kinikimkim, dahil ayaw ko siyang bastusin. Pero gusto ko nang ilabas lalo na at ang bigat-bigat na sa pakiramdam. Dahil nang umalis kami, akala ko magiging maayos na ang lahat dahil 'yon ang pinangako niya. Pero bandang huli, panibagong paghihirap lang!
"Nasisiraan ka na ba, Mabel?" sabat ni kuya.
"Kanina mo pa ako nilalait!" Dahil sa mataas na emosyon, hindi ko na napigilang pagtaasan siya ng boses.
"Mali ka naman kase!"
Sasagot pa dapat ako pero sumabat si mama. "Sa tingin mo ba ginusto ko 'to, Mabel?" Tinuro niya ang mga paa niya at tinapik ang wheelchair. "Sa tingin mo ba madali para sa aking makita kayong nahihirapang mabuhay dahil wala akong magawa? Mabel, hirap na hirap din ako!"
"Pero hindi ka sana sumuko!"
"Sumuko? Mabel, ang tagal kong tiniis ang tatay mo! Yung mga bisyo niya, pananakit niya, pambabae niya! Nandoon ka bawat away namin, nakita mo nang nag-uwi siya ng babae bahay natin! At tiniis ko ang lahat ng 'yon para sainyo!" Nanginginig sa galit si mama. Nang may tumulong luha sa mga mata niya, doon ko napagtantong...nagkamali ako.
Hindi ko kayang makita siyang ganito, lalo na ang masasamang salitang sinabi ko ang dahilan. Yumuko ako at umiyak. Sinandal naman ni Sabel ang ulo ko sa kaniya at niyakap ako.
"Pero hindi ko maaatim na manatili sa lalaki na naging dahilan kung bakit nalaglag ang bunsong kapatid niyo! Y-yung anak ko."
Napaangat ako ng ulo nang sabihin niya 'yon. Pare-pareho kaming gulat tatlo, litong lito sa sinabi ni mama. Nang tumingin ako kay kuya para magtanong, nakita kong nakapatong ang braso niya sa lamesa at nakatingin sa malayo habang umiiyak.
"Doon ko naisip na kaya ko kayong buhayin, hindi ko kailangan ng asawa para mabuhay. Kaso...w-wala, eh. P-pasensiya dahil hindi ko nagawa ang tungkulin ko bilang imong inahan. S-sorry, akong mga a-anak."
Doon na tuluyang nag-breakdown si mama. Sinalo ng palad niya ang mukha niya at doon umiyak. Rinig at ramdam ko ang hinagpis niya sa paghagulgol.
Umiiyak ako nang tumayo ako at lumapit sa kaniya para yumakap. Hingi ako nang hingi ng tawad sa lahat ng nasabi ko. Dahil mali ako, mali ako sa lahat ng akala ko. At hindi rin ako tamang pagsalitaan siya ng ganoon.
Naramdaman ko na lang na yumakap din sa amin ang tatlo ko pang kapatid. Pare-pareho kaming umiiyak at pare-pareho naming pinapatahan ang isa't isa. At doon, may naramdaman akong lakas, nagkaroon ako ng dahilan para maging malakas.
Pero naramdaman ko ring pwede akong maging mahina. Dahil ramdam ko ang security at pag-aalala nila, na kahit mahulog man ako, hindi man nila ako masalo, nandiyan sila para tulungan akong tumayo.
Kaya bukas, makikipag-usap na ako kay Luigi. Dahil sa wakas, may sagot na ako sa lahat ng tanong ko.
May desisyon na ako.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top