Chapter 26

Nasapo ko na lang ang ulo ko at tinitigan ang screen ng computer ko rito sa office. Bukod na sa masakit na ang ulo ko, lumulutang pa kung saan-saan kaya lalong sumasakit. Pakiramdam ko nga nabibiyak na sa dalawa ang ulo ko. Pinaghalo na kase ng stress sa trabaho, puyat, iyak, tapos si Luigi pa.

Simula nung birthday niya, ang daming nangyari, ang daming nagbago. Parang nga siyang ibang tao pag tinitignan ko siya ngayon. Well, nagbabago naman talaga tayo habang tumatagal. Pero iba kase siya eh, parang sinaniban ng demonyo?

"Ms. Custodio, the numbers won't compute themselves so don't just stare at 'em! Huwag lulutang-lutang at tatanga-tanga!"

Napaigtad ako nang nasigawan na naman ako ni Ma'am Larah sa linggong 'to. Kaya umupo ako ng deretso at kinolekta ang sarili ko. Pinilit kong mag-focus sa trabaho at hindi na muna nag-isip pa ng ibang bagay. Kahit anong gawin ko, bumabalik talaga kay Luigi ang isip ko. Kaya naman napagalitan pa ako ng ilang beses sa araw na 'yon.

Dahil hindi ako mapakali, naisipan kong puntahan na lang siya sa condo. Gusto kong mapanatag, gusto ko siyang makasalo sa hapunan at makakwentuhan ulit. Kailangan kong mapatunayang nandiyan pa ang Luigi na kilala ko.

Nang nasa condo na niya ako, pinatay ko ang makina ng sasakyan at bumaba na ako doon. Nilabas ko ang cellphone ko habang papasok sa building. Nang nakita kong nakapag-reply na siya, tumigil muna ako sa paglalakad at gumilid para basahin.

[Late ulit akong uuwi ngayon]
[Huwag mo na akong ipagluto]
[Sa labas kami kakain]
[Umuwi ka na]

Ha? Eh ang sabi ni Venn nag-out na raw sila sa firm. Tama ba 'yung pagkakaintindi ko? Baka naman mali lang pala ako o kaya naduling ako sa mga salita kanina. Mabilis ko tuloy na inalis sa convo namin ni Luigi at lumipat kay Venn.

[hi mabel:)]
[naka-out na kami eg]
[siguro nasa condo na yon]
[o kaya malapit na kase kanina pa kami naka-out]

Tama naman? Hindi kaya kumain sila sa labas tapos hindi na naman nila inimbitahan si Venn? Napansin ko kase, palagi na siyang nale-left out sa grupo nila simula nung birthday ni Luigi. Ilang beses ko na silang nakitang lumabas na hindi siya kasama.

Pero nandito na ako. Edi parang akong boang pag umuwi pa ako? Pagluto ko na lang siya tapos initin na lang ulit niya bukas kagaya nung ginawa niya dati.

Tumango-tango ako doon sa naisip at lumakad na ako. Pero habang papalapit ako, pakiramdam ko maling desisyon na tumuloy pa ako. Ang sabi kase ni Luigi, huwag na akong tumuloy, kaya baka magalit lang siya kung tumuloy ako. Pero nandito naman na ako, maiintindihan naman siguro niya.

Habang nasa elevator ako, nilabas ko na ang keycard para deretso bukas na ako mamaya. Pero pagkalabas ko pa lang, napatigil ako nang nakita kong papalapit si Meraki. At nang nakita niya ako, napatigil din siya at nanlaki pa ang mga mata.

Ano namang ginagawa niya rito? Lumabas nga kaya sila na hindi kasama si Venn? Pero, kung papalabas na si Meraki, ibig sabihin kanina pa sila nandito. Ibig sabihin, kanina pa nakauwi si Luigi. Pero ang sabi niya wala pa siya sa unit at late siyang uuwi. Eh alas siete pa lang naman?

"Meraki? A-anong ginagawa mo rito? Nakauwi na ba si Luigi?" tanong ko nang nakalapit na ako sa kaniya.

"U-uh...w-wala pa siya. Wala pa siya." Mabilis siyang umiling-iling habang winawagayway ang dalawa niyang kamay.

"Bakit ka nandito?" pag-ulit ko sa tanong na hindi niya nasagot.

"Ano...uhm...ano kase, Mabel. May...m-may pinakuha si Luigi sa akin," sagot niya. Ang likot pa ng mga mata niya at nakakagat-kagat pa yung labi pag nag-iisip siya ng idadahilan.

"Ah, sige. Punta na ako sa unit niya," paalam ko. Hindi siya ang concern ko ngayon kaya nilagpasan ko siya at lalapit na sana sa pinto ng unit ni Luigi. Pero hinawakan niya ang braso ko at pinigilan.

"W-wala siya diyan, Mabel." Umiling siya. Nang bumaba ang tingin ko, nahuli ko siyang inaabot ang cellphone niya sa bulsa ng pantalon niya.

"Alam ko, sinabi mo lang kanina. Pero okay lang, magluluto lang naman ako." Tinanggal ko ang pagkakahawak niya sa braso ko bago ko siya irapan.

Sa lahat ng manloloko't babaero na kilala ko, hindi siya marunong magsinungaling. Nakakapagtaka tuloy kung paano niya napapagsabay-sabay ang mga babae? Paano niya napapaniwala, ang dali lang naman niyang basahin?

Pagkarating ko sa tapat ng pinto ni Luigi, binuksan ko kaagad 'yon. Handa na akong makita siya, handa akong mahuli siyang nagsisinungaling. Pero ang bumungad sa akin ay isang madalim na unit. Napapikit ako at huminga nang malalim para kumalma.

"S-see, wala siya." Napatingin ako sa likod ko, sumunod pala ang isang 'to.

"May sinabi ba akong nandiyan siya?" Pumasok na ako sa loob at pinagsarhan na siya ng pinto nang nakita kong pumihit siya papamasok. Ayaw kong malapit sa kaniya, kumukulo ang dugo ko.

Paderetso na sana ako sa kusina nang napatingin ako sa may pinto ng kuwarto niya. Doon kase sa ibaba, sa maliit na siwang sa pagitan ng pinto at ng lapag, kita kong may ilaw. Ibig sabihin, nakabukas ang ilaw sa loob ng kuwarto?

May iba na talaga akong nararamdaman dito. Kahit ayaw kong isiping nagsisinungaling si Luigi, pero parang ganoon ang labas sa lahat ng nangyayari ngayon.

Una, kabaligtaran sa sinabi ni Venn, late daw siyang uuwi. Pangalawa, ang presensiya ni Meraki dito tapos halatang nagsisinungaling pa siya. Well, hindi naman kataka-takang sinungaling 'yon. Pero ngayon, pangatlo, bukas ang ilaw ng kuwarto niya. Unless, nakalimutan niyang patayin kaninang umaga?

Pero hindi, may kakaiba talaga, sa tingin ko nagsisinungaling siya at kasabwat niya si Meraki. Pero bakit naman siya magsisinungaling? Ayaw niya ba akong makita? Kung ganoon, bakit naman?

Hindi ko na lang muna inisip 'yon at nagpunta na sa kusina para magluto. Pero habang nagluluto, bumabalik pa rin talaga sa hinala ang isip ko. At hindi ako matatahimik hangga't sa hindi ko napapatunayang nagsisinungaling siya—kung nagsisinungaling man nga siya.

Nang natapos na ako, hinugasan ko na ang mga pinaglutuan ko nang nailagay ko na sa ref ang ulam. At nang paalis na sana ako sa kusina at inabot ang cellphone ko sa dining table, napatigil ako nang may naisip ako.

Tinignan ko ang cellphone ko at binuksan 'yon. Nagpunta ako sa convo namin ni Luigi at binasa ang text niya. Tinignan ko rin ang oras kung kailan siya nag-text. Tapos ay tinignan ko ang oras ng text ni Venn.

Almost 40 minutes ang pagitan, si Venn pa ang nauna.

Kaya bumalik ako sa convo namin ni Luigi. At sa tabi ng contact name niya, pinindot ko ang icon na telepono. Nang nag-dial na, tinapat ko sa tenga ko ang cellphone. Tapos ay naglakad ako papunta sa tapat ng pinto kung saan wala na akong makitang ilaw sa siwang, patay na.

Doon pa lang, bumilis na ang tibok ng puso ko. At hindi na ako nakahinga pa nang nag-ring ang cellphone niya—galing ang tunog doon sa...loob ng kuwarto! Humigpit ang hawak ko sa cellphone ko, at kumuyom naman ang isa ko pang kamay.

Tinaas ko 'yon at kumatok ako nang napakalakas. Kung kaya ko lang gibain ang pinto, ginawa ko na.

"Luigi! Buksan mo ang pinto!" Isang malakas na katok ang ginawa ko, kaya naramdaman kong uminit ang mga daliri ko. At nang tingnan ko, dumudugo na pala.

Nang bumukas ang pinto, mabilis kong binaba ang kamay ko at inangat ang tingin.

At tama ako, nandito nga si Luigi! Nanlilisik pa ang mga mata na parang bang ako ang may kasalanan sa aming dalawa!

"What the fuck are you doing, huh?!" Agresibo siyang humakbang kaya napaatras ako. Sinara niya ang pinto ng kuwarto niya tapos ay mahigpit niyang sinakmal ang braso ko at hinila papuntang sala.

"Ikaw pa ang galit? Eh ikaw nga 'tong nagsinungaling!" Tumaas na ang nararamdaman kong galit. Sa sobrang galit ko, hindi ko na napigilang maluha.

Ang dami kong nararamdaman, hindi ko alam kung ano pa talaga. May galit dahil nagawa niyang magsinungaling sa akin, ULIT! At hindi lang basta-basta pagsisinungaling, nagsinungaling siya para iwasan ako, para itaboy ako!

Tapos, dissappointment. Dahil noong nagsinungaling siya, nangako siyang hindi na 'yon mauulit! Kaya ngayon, napapaisip ako kung alin pa sa mga pangako niya ang hindi niya tutuparin.

At pang huli, malungkot na malungkot ako. Nakakalungkot lang dahil nagagawa na niya sa akin 'to ngayon. Ramdam ko ang pagbabago niya, sobrang laki ng pinagbago niya sa mga nakalipas na buwan. Pero hindi ko akalaing darating kami sa puntong ito na parang bang ang binuo at pinalakas naming relasyon ay unti-unti nang nagigiba.

"Hindi ba sinabi ko sa'yo huwag kang magpunta dito? Hindi ba dapat ako ang magalit dahil pumasok ka na lang dito na hindi ko nalalaman?!" Padabog niyang binitawan ang braso ko, pakiramdam ko nga ay tulak ang ginawa niya dahil napaatras ako at muntikan pa akong matumba kung hindi lang ako nakabalanse.

"Ha? Bakit doon bigla napunta ang issue ngayon? Eh kung hindi ka nagsinungaling, hindi ko kailangang pumasok dito nang hindi mo nalalaman! Sabihin mo nga sa akin, bakit ka nagsinungaling? NA NAMAN?!" Halos maubusan ako ng hininga dahil sobra ang nararamdaman kong emosyon na kailangan kong ilabas.

At lalo akong nakaramdam ng poot nang iniwas niya ang tingin. Nilagay niya ang isa niyang kamay sa baywang niya habang ang isa naman ay pinaghilot sa ulo niya. Umiling-iling pa siya at napahinga ng malalim.

"I was...I..." Hindi niya matuloy-tuloy ang sasabihin niya kaya nakaramdam ako ng urge sumigaw ulit. Pero ang mataas na emosyon ay bigla na lang bumaba nang nagsalita ulit siya. "I...I am...I am preparing something for your birthday. And now, it's...it's ruined!"

Napayuko ako nang tuluyan nang pumasok na sa utak ko ang sinabi niya. Ang galit ay napalitan ng pagsisisi.

"Happy now? Ngayong alam mo na, masaya ka na ba?" Pabagsak siyang umupo sa sofa at sinipa ang center table.

Napaigtad ako dahil sa gulat dahil sa pagsipa niya at pagkahulog ng display kaya nabasag. Naiyak na naman ako, hindi na dahil sa galit, kung hindi dahil pakiramdam ko ay ang sama na pinaghinalaan ko siya. Tapos nasira ko pa ang surprise niya na para sa akin pala.

"S-sorry, Langga. Sorry talaga." Tinakpan ko ang mukha ko gamit ang dalawa kong palad. Hindi ako tumigil sa paghingi ng tawad habang patuloy pa rin ang pag-iyak ko.

"Umuwi ka na. Let's just talk pag hindi na mataas ang mga emosyon natin." Puno ng dissappointment ang pagkakasabi niya kaya lalong sumama ang pakiramdam ko.

Nang tumayo siya at dumaan sa gilid ko, pinigilan ko siya at niyakap sa baywang. Sorry lang ako nang sorry dahil anlaki ng pagkakamali ko. Hindi ko rin naman din kase sinasadyang paghinalaan at awayin siya. Sadyang nagalit lang ako dahil nagsinungaling siya.

Pero mali ako. Maling mali ako.

"It's okay...it's okay. I'm sorry for lying." Bulong niya sa akin nang niyakap niya ako pabalik.

***

Pinunasan ko ang mukha ko pagkatapos kong maghilamos. Nagpalit ako ng damit pagkatapos no'n, kaso 'yung nakuha ko masikip na. Grabe, gaano ba karami ang nadagdag sa timbang ko? Masyado ata napapadalas ang stress eating ko?

Hinubad ko na lang 'yon at kumuha ng panibagong damit. Nang nakapagbihis na, lumapit na ako sa kama at humilata doon. At grabe, pagkatapos ng isang nakakapagod na araw, parang akong humiga sa ulap pagkalapat ng likod ko sa kama kahit hindi naman talaga siya ganoon kalambot.

Dahil hindi pa ako inaantok, kinuha ko ang cellphone ko para tumingin-tingin muna sa Instagram. Puno lang naman 'yon ng pictures ng mga artistang fina-follow ko. Kaya naman tap lang ako nang tap dahil ang gaganda.

Pero napatigil ako sa pag-scroll nang nakita ko ang post ni Meraki. Lima sila doon, silang apat na magkakaibigan at isang babae na pamilyar. Saan ko nga ba nakita ang babaeng 'to? Hindi ba 'to yung babae dun sa Dillinger's? Nung birthday ni Luigi! Siya nga 'yon.

At ngayon parang ay nasa isang bar sila base sa dim na ilaw, upuan, at table. Nakaupo sila sa tatlong sofa, isang pangtatluhan at dalawang pang-isahan, paikot sa isang lamesa na punong puno ng alak.

Sa magkabilang pang-isahang sofa ay sina Venn at si Meraki na may hawak ng pinangkuha nila ng picture. Tapos sa gitna, ang pangtatluhang sofa, nakaupo sina Rom, yung babae, at si Luigi. Hindi nakaligtas sa mga mata ko ang kamay nung babae na nakapatong sa kandungan ni Luigi.

Na-curious ako kung sino ang babaeng 'to dahil hindi pa siya naipakilala ni Luigi kahit mukhang matagal na silang magkakilala. Dahil kung nakadalo siya sa birthday 'celebration' niya na ako nga mismong girlfriend niya ay hindi imbitado, close na sila tatlong buwan pa lang ang nakakaraan. At sa sobrang lapit nila sa isa't isa sa picture na 'to, masasabing close sila, super close pa nga ata, eh.

Kaya naman pinindot ko ang picture para lumitaw ang tagged accounts. At doon ay nahanap ko ang account niya. Nang nabasa kong engineer din siya, doon pumasok ang ideyang katrabaho siya. Kaya tumango-tango ako at medyo nawala ang panghihinala ko kaya nag-scroll ako sa feed niya.

Bukod sa selfies at pictures niya habang nasa trabaho sa site, puno ng photoshoots, endorsements, and swimsuit pictures ang buong feed niya. Grabe, ang liit ng baywang, hourglass figure.

Naalala ko tuloy bigla ang nangyari kanina, hindi ko na kasya ang iba kong damit. Kahit kailan ay hindi ako na-insecure sa katawan na mayroon ako. Bukod sa hindi pa ako nakapag-gain ng taba dati pa, wala naman akong pakielam noon kung ano man ang itsura ko. Ngayon ko lang naramdaman 'to.

At alam kong hindi healthy ang ganito kaya umalis na ako sa profile niya at pinatay na ang cellphone ko. Sinubukan kong matulog kaagad pagkatapos pero ang hirap dahil wala na akong ibang inisip kung hindi ang pagdagdag ng timbang ko at ang pagdating ng babaeng 'yon.

Sino ba si Alisson Henry at masama ang pakiramdam ko sa kaniya, ayon sa instincts ko. Umiling na lang ako at iniba ang pwesto ko sa kama. Hindi, tumigil ka, Mabel. Masamang pag-isipan ng masama ang ibang tao. Mali. Mali. Tulog na.

Dahil hindi talaga ako nilubayan ng mga kaisipang 'yon, hindi kaagad ako nakatulog. Kaya naman ngayong nasa trabaho ako, ang sakit ng ulo ko at parang akong lumulutang. Ilang beses na tuloy akong napagalitan. Kaya nagtimpla na ako ng kape at uminom na rin ng paracetamol para wala ang sakit ng ulo ko.

Nakausad naman ako sa araw na 'yon kahit ang hirap. Pasakay na sana ako sa elevator pababa para umalis nang tumunog ang cellphone ko.

Bakit naman kaya tumatawag si Nisha? Nag-break na ba sila nung afam?

"Hello, Nish?"

"HOY MABEEEEL!"

Napapikit naman ako at hinilot ang ulo ko dahil bumalik ang sakit. Kung ano-ano kase ang pinagsasabi nitong si Nisha. Niyaya lang akong magkwentuhan dahil bored daw siya. Ngayong naikwento ko naman sa kaniya ang mga nangyari sa akin sa mga nagdaang linggo, nakabuo kaagad siya ng konklusiyon.

"Nako sinasabi ko sa'yo, Mabel. Red flag 'yan!" Tinaas niya ang flaglet na nakatusok sa chickenjoy kanina at winagayway 'yon.

"Feeling ko hindi naman, baka close friend lang ganoon." Pinilit kong inalis sa isipan ko ang sinabi niya dahil ayaw ko nang maghinala ngayon at magspekula pa. Baka mali na naman tapos mag-away lang kami ni Luigi dahil lang sa maling akala.

"Nako nako nako nako nako!" Mahina niyang pinukpok sa akin yung maliit na red flag. "Girl, sa picture pa lang, nag-radiate na ang energy! Kaya habang maaga pa, gilitan mo na sa leeg yung babae." Umiling-iling siya bago niya pinagpatuloy ang pagkain.

"Grabe naman sa gilitan!"

"OA lang ako siyempre! Pero eto ha, seryoso, delikado 'yang jowa mo. Pag napapadalas ang mga away, nako delikado 'yan! Lalo na at nakapaligid sa jowa mo yung mga kaibigan niyang animal, mag-ingat ka girl! AY SHET GIRL!" Kumukumpas-kumpas pa ang mga kamay niya habang nagsasalita. Kaya ayan, natabig niya tuloy yung coke niya! Nakakahiya talaga minsan ang babaeng 'to!

Hindi ko man aminin sa kaniya, nakaramdam ako ng kaba sa babala niya. Dahil alam ko, based from own experience ang pinanggagalingan ng mga sinabi niya ngayon.

"Mga kaibigan? Hindi lang si Meraki ang animal ngayon?" Ano naman kaya ang ginawa ni Rom at Venn para magalit din sa kanila si Nisha?

"Mabel, ang mga ganiyang magkakaibigan, nagtutulungan sa mga kalokohan 'yan! Lalo na yung animal na Rom? Girl, muntikan ko pang masapak ang lalaking 'yon!" Umiling-iling siya habang inaasikaso ang natabig niyang inumin.

Napaisip tuloy ako sa sinabi niya. Dahil sa pagkakaalala ko, tinulungan nga siyang magsinungaling ni Meraki. Pero si Venn naman, hindi siya nagsinungaling. Si Rom, sa itsura pa lang non at sa inakto niya nung sinundo ko si Chella, ayaw ko na lang din talagang magtiwala. Lalo pa at galit sa kaniya si Nisha, iba yung gigil niya nung sabihin niya yung 'animal'.

Kaya nang pauwi na ako, tinawagan ko na si Luigi at sinabi kong kailangan naming mag-usap. At bago pa niya idahilang late siyang uuwi, sinabi kong hihintayin ko siya kahit anong oras pa ang uwi niya. Kaya pumayag na lang siya kahit ramdam kong ayaw niya.

At pagdating ko sa unit niya, nandoon na siya. Nakaupo siya sa sofa at nakataas sa center table ang mga paa niya.

"Tungkol saan ang pag-uusapan natin?" Tinaasan niya ako ng isang kilay.

Nagdalawang isip naman ako kung magtatanong ako tungkol kay Alisson Henry. Dahil siguradong hindi naman siya aamin kung tama nga ang hinala ni Nisha. Tsaka baka magalit pa siya kung ganoon ang itatanong ko.

Kaya naglakad muna ako papalapit sa kaniya para mag-isip. Pero nung humakbang ako, muntikan akong madulas nang may naapakan ako! At nang gumulong 'yon, nakita kong...

"Bakit may lipstick dito?" Pinulot ko yon at tinignan tapos ay nilapit ko sa kaniya.

"E-ewan? Baka sa'yo?" Iniwas niya ang tingin, binalik sa TV ang atensiyon niya.

"Hindi ako gumagamit ng MAC." Naramdaman ko ulit ang inis dahil baka kay Alisson pala ito. Ibig sabihin, nakaapak na siya rito!

"B-baka doon sa...katrabaho ko. Nagpunta sila rito to...drink and celebrate." Hindi pa rin siya makatingin sa akin. At ngayon naman, sa baso ng alak niya tinuon ang pansin.

"Si Alisson Henry?"

Nang sabihin ang ang pangalan niya, doon pa lang siya napatingin sa akin. "B-baka? Marami sila, eh. Malay ko ba?"

"Ano ba ang meron sa inyo ni Alisson?" Kahit gusto kong kumalma, hindi ko maiwasang mainis, makaramdam ng galit. Dahil baka nga tama si Nisha, baka nga merong namamagitan sa kanilang dalawa!

"Ha?! Ano namang sinasabi mo?" Napatayo siya at tumaas ang boses niya kaya nakaramdam ako ng konting takot.

Pinatay niya ang TV at naglakad papalapit sa akin. Tapos ay kinuha niya yung lipstick at hinagis 'yon sa sofa. Nang ibalik niya sa akin ang tingin, napakasama kaya lalong nadagdagan ang takot na nararamdaman ko.

"Sa tingin mo ba may nagmamagitan sa amin?" Lalong nagsalubong ang mga kilay niya at mariin akong tinignan.

"W-wala ba?" Napatras ako ng konti kahit na gusto kong magmukhang matapang. Ako ang nagpunta rito para komprontahin siya, pero ngayon parang gusto ko nang umatras.

"Wala! Magktrabaho lang kami! Magkaibigan lang kami, Mabel."

Lumapit siya sa akin kaya umatras pa ako. Pero hinawakan niya ako sa mga braso kaya napatigil ako sa pag-atras. Tapos ay nilapit pa niya ako sa kaniya at binaba ang ulo niya para magkalebel ang mga mukha namin.

"Do you think I can cheat on you? Mabel naman." Mukha siyang nasaktan dahil sa akusasyon ko.

Kaya sumama ulit ang loob ko dahil napaghinalaan ko na naman siya. Napayuko ako dahil hindi ko kayang tignan ang mga mata niya.

"D-don't you trust me?" Lumuwag ang pagkakahawak niya sa kamay ko. Nang tingnan ko, namumula ang mga mata niya at nanunubig na.

Nakagat ko ang labi ko para pigilan ko ang nagbabadyang luha na nabuo sa mga mata ko. Pero nakaka-guilty talagang naisip ko pa 'yon. Masyado ba ako naging mapanghinala? Ako lang ata ang gumawa ng mga pinag-awayan namin, eh. Ako lang ata ang nag-iisip na may issue.

"I'm sorry, Langga." Niyakap ko siya at umiyak ulit sa loob ng bisig niya.

***

Gumaan ang pakiramdam ko kahit papaano, ngayong nakapag-usap na kami, nilinaw niyang magkaibigan lang sila ni Alisson. Kaya kahit mukha akong namatayan ngayon, buhay na buhay naman ang loob ko dahil naayos namin ni Luigi ang misunderstandings namin.

Inaalala ko ang mga napag-usapan namin habang nasa elevator nang bumukas ang pinto. Ang bumungad sa akin ay si Rom, at nang nakita niya ako ay maloko niyang nilagay ang palad niya sa tapat ng puso niya at nag-form ng 'o' ang labi niya, kunwaring nagulat.

"Nandito ka pala, Mabel." Ngumisi siya at pumasok sa elevator.

Hindi ko naman siya pinansin at deretso lang ang tingin ko nang tumayo siya sa tabi ko. Pero kitang kita ko naman ang repleksiyon niya ngayon kaya naman kita ko pa rin ang nakakainis niyang ngisi.

"You know, Mabel, you've been stressing Luigi these past few weeks." Nilagay ang dalawa niyang kamay sa loob ng magkabila niyang bulsa.

Doon ako napatingin sa kaniya dahil nakuha ng atensiyon ko ang pang-aasar niya. Kaya lalong lumaki ang ngisi sa labi niya, kitang kita ko kahit pa nakagilid lang ang ulo niya dahil sa harapan pa rin ang kaniyang tingin.

"Kung magpapatuloy ka sa pagiging ganyan...baka magulat ka na lang wala na sa'yo si Luigi." Humarap siya sa akit at tinaasan ako ng kilay. Nang-aasar lang talaga ang isang 'to, hindi ko na lang siya papatulan para hindi masira ang mood ko.

Inirapan ko na lang siya at humarap ulit sa pinto. Narinig ko naman ang pagtawa niya, mapang-asar. Sa gilid ng mata ko, nakita kong humarap din siya ulit sa pinto at umiling-iling. Tapos ay hinanap niya ang mga mata ko sa replkesyon kaya doon na kami nagkatinginan ngayon.

"So my advice, huwag kang masyadong praning. Bahala ka, baka iwan ka na lang niya bigla."

"Hindi niya ako iiwan."

"You think so?" Humarap ulit siya sa akin. Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa, tapos bumalik ulit sa mukha ko. Ngumiti siya na parang bang mukha akong katawa-tawa at tsaka umiling-iling.

"I don't think so. Kaya...don't be such a nagger. The string you're holding on is getting thinner...and thinner." Patuya niya akong tinawanan. Tapos ay inayos pa niya ang buhok ko at pinagpagan pa ang mga balikat ko na parang bang isa akong display sa bahay na maalikabok.

Pagkatapos ay tumunog ang elevator at bumukas na 'yon kaya lumabas na siya. Habang ako naman ay napatulala, nasaktan sa sinabi niya. Ang laking insulto ng mga sinabi at ginawa niya! Paano niya nasabi sa akin ang mga 'yon?

At nang sumara ang pinto, nakita ko ang repleksiyon ng buo kong itsura. Namamaga at namumula ang mga mata, malalaking eyebags. Tapos nang tingnan ko ang katawan ko...tumaba nga ako. Ang pangit.

Dahil ba dito...magagawa akong ipagpalit ni Luigi?

Siguro, kailangan kong pumayat. Dapat, pumayat ulit ako. Hindi na rin ako maghihinala, sa kaniya na lang ako maniniwala. Magtitiwala na ako sa kaniya at hindi na siya aawayin.

Para sa relasyon namin, gagawin ko 'yon.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top