Chapter 22
Minsan—MADALAS—kong naiisip na sana bata na lang ulit ako para hindi ko na problemahin 'to. Kaso bigla ko na lang naalala na problemado nga rin pala ako nung bata ako kaya wala rin akong choice. Hay buhay!
Dere-deretso akong pumasok sa banyo para maghilamos at mag-toothbrush. Pagkatapos ay lumabas ako na nakatapis lang at kumuha ng damit sa closet. Dahil studio type itong apartment ko, yung lights lang doon sa may kitchen ang binuksan ko para dim lang ang ilaw at tipid sa kuryente.
Nang masigurado kong nakasara ang kurtina ng sliding door sa balcony, tinanggal ko na ang tapis at doon na nagbihis. Ako lang naman ang nandito sa bahay kaya hindi na kailangan pang magbihis sa tagong lugar. Kaya medyo nagustuhan ko rin ang desisyong paglipat, at least may sarili akong place.
Pero nang umikot na ako papuntang kama, parang may naaninag akong anino! Noong una akala ko guni-guni ko lang at baka tinatakot ko lang ang sarili ko dahil malapit na ang Halloween at puro horror na ang nasa TV at internet. Pero nang gumalaw...YAWA!
"WAAAAAHHHHH!!!" Pumihit na ako para tumakbo palabas at magreport na napasukan ang kuwarto ko. Pero nang tawagin ako nung hinayupak na anino, napatigil ako at inisip pa kung sino siya.
"Mabel, ako 'to!"
"LANGGA?! Anong ginagawa mo rito?"
Naglakad siya palapit sa akin at nang nailawan siya, nakumpirma kong siya nga 'yon. Lumapit siya sa switch at binuksan ang ilaw sa receiving/living area ng apartment ko, katapat lang ng kitchen counter.
"B-balak sana kitang...i-surprise," paliwanag niya sa maliit na boses. "Surprise? Hehe."
"Anong suprise naman? Ano bang—teka, kanina ka pa ba andito?" tanong ko kaagad nang may napagtanto ako.
Alanganin siyang ngumiti at tumango ng dalawang beses. Nakagat pa niya ang ibaba niyang labi at iniwas ang tingin, pero halata namang nangingiti siya!
"I-ibig sabihin..."
"H-hindi, ah! Hindi kita nakitang nagbihis!" tanggi niya kaagad kahit wala pa akong sinabi.
"Luigi!" Pinalo ko ang braso niya para maibsan yung kahihiyang naramdaman ko.
"Aray ko naman, Langga. Bakit ka naman namamalo?" Nakanguso niya akong tiningnan habang nakahawak sa braso niya, parang kinawawa ko siya.
"Manyak! Hmp!" Nilagpasan ko siya at naglakad papunta sana sa kama kaso pinigilan niya ako.
"Hindi kaya! Hindi ko naman sinasadyang makita 'yon, ang balak ko lang naman i-surprise ka, eh." Mas humaba ang nguso niya. Winagayway pa niya ang kamay kong braso niya, parang batang nagtatantrums.
"Dapat kase sabihin mo sa'kin kung pupunta ka rito!"
"Eh surprise nga. Paano magiging surprise kung sasabihin ko sa'yo?"
Masama ko siyang tiningnan dahil sa pamimilosopo niya. Pero oo nga naman, may point siya. Pero hindi ako pwedeng matalo.
"Ah...hehe. Sabi ko nga magpapaalam ako sa'yo pag isusurprise ka." Inabot niya ang isa ko pang kamay at hinila ako para yakapin. "I love you, Langga. 'Wag ka nang magagalit, please?" Ulit-ulit niya akong hinalikan sa buo kong mukha hanggang sa manggigil na siya.
"Langga, awat na!" Pigil ko sa kaniya dahil pakiramdam ko mauubos na ang mukha ko.
Tumigil siya at tsaka niya ako tumatawang niyakap ulit nang mahigpit. "Gihigugma tika," malambing niyang bulong sa akin.
"Gihigugma pud tika." Niyakap ko siya pabalik.
Sanay na ako sa kaniya, kadalasan ay bigla na lang siyang nagiging sweet kahit wala namang dahilan.
"Bakit ka nga pala nagpunta rito at naisipan mong mag-surprise?" tanong ko sa kaniya nang kumalas na siya sa yakap.
Inabot niya ang isa kong kamay at inayang umupo sa kama. Pagkaupo namin, tinaas niya ang isa niyang binti at pinatong sa kama para humarap sa akin. Hinawakan niya ang mukha ko at nilagay sa likod ng tenga ko ang buhok na nakaharang sa mukha.
"Naaalala mo ba nung napag-usapan nating mag-adopt ng aso?" Excited niyang tanong sa akin.
Napatigil ako sandali at tinitigan siya para alamin kung seryoso ba siya at kung tama ba ang narinig ko. Pero nang lumaki lang ang ngiti niya at tumango, napangiti na rin ako at nakaramdam din ng excitement.
"Maga-adopt na tayo?"
"Oo, Langga. May nahanap akong nagbebenta ng pomeranian." Umusog siya palapit sa akin at hinawakan ang mga kamay ko.
"P-pomeranian? Hindi ba mahal 'yon?" Biglang nawala ang excitement at napaisip ako sa gagastusin namin kung bibili man kami.
"Nakaipon naman na ako, Langga. Kaya natin 'yan!" Tumango-tango pa siya para makumbinsi ako.
Pero hindi talaga mawala sa isip ko ang gastusin, napapaisip tuloy ako kung kaya ba namin. Oo alam ko may ipon na kami, alam ko rin namang may pera siya galing sa mga magulang niya, pero ayaw ko namang gumasta nang gumasta.
"Ayaw mo ba?" Nalaglag ang balikat niya, kasabay ng gilid ng labi niya na medyo ngumuso pa.
"H-hindi naman sa ayaw ko, Langga. Pero gusto ko lang na maging praktikal tayo at pag-isipan natin 'to ng maayos dahil malaking move ito, malaking gastos. Dapat, sure tayo na maba-budget natin ang pera natin," paliwanag ko sa kaniya para hindi niya isiping ayaw ko siyang suportahan sa gusto niya. Ako rin naman gusto ko, nung sinabi niya nga sa akin 'yon pumayag ako dahil hindi ko naman alam na ganito kamahal yung gusto niyang aso.
"Ay, don't worry, Langga! Nakapag-research na ako at na-budget ko na."
Tumayo siya at lumapit doon sa backpack niya at kinuha doon ang notebook niya para sa savings at passbook niya. Pagkaupo niya, pinakita niya sa akin yung pag-budget niya ng naipon niya at ang monthly salary. Meron nang nakalaan para sa maintenance ng condo niya, food expenses, expenses para sa aso, car maintenance, and para sa emergency.
Pagkatapos, binuksan niya rin ang passbook niya at pinakita ang laman noon. Sinabi niya sa akin kung magkano na yung nalagay ng parents niya at pati na rin ang nalagay niya galing sa sariling sweldo.
Napangiti ako nang in-explain niya sa akin ang lahat. Mukha kase siyang padre de pamilya, tunay na ama. Masipag magtrabaho, maalaga, tapos responsable pa! Dati sobrang magastos siya, kung ano-ano yung pinagbibili. Pero nung tinuruan ko siya kung paano mag-budget at mag-ipon ng pera, natutunan naman niya kaagad at na-apply naman niya. Ang sabi pa niya sa akin ay para raw 'yon sa magiging pamilya namin.
"Ano? Bili na tayo, Langga?" Namamag-asa ang tinig niya, malaki pa ang ngiti at pinikit-pikit ang mga mata para mag-beautiful eyes.
Natawa naman ako pero hindi ako nagpatinag. Gusto ko pilitin niya pa ako, nakakatuwa at nakakatawa kase siya pag pursigido siya sa isang bagay, lalo na pag hinihikayat niya ako. Kaya nang hindi pa rin ako umiimik, ngumuso na naman siya at bumaba ang tingin.
Kaya nagtaka ako nang umangat ulit ang ulo niya at malaki ang ngiti sa akin. Tapos ay hinugot niya ang cellphone mula sa bulsa niya at kinalikot 'yon.
"Eto yung pomeranian, Langga. Ang cute cute, oh. Bilhin na raw natin siya sabi niya." Hinarap niya sa akin ang cellphone niya kung saan naka-play yung video ng isang asong kumakain. Tapos nang tingnan ko siya, ngumuso ulit siya at pinalamlam ang mga mata.
"Sige na, adopt na natin." Wala eh, hindi ko kinaya yung cuteness nila nung aso.
Napatayo pa siya at napasuntok sa ere nang pumayag na ako. Pagkatapos ay umupo ulit siya at niyakap ako nang mahigpit. Hinalik-halikan na naman niya sa buo kong mukha, nanggigigil. Sininghot niya ang leeg ko at ang pisngi ko bago niya ako pinakawalan at tumayo. Pagkatapos naming magkwentuhan at kumain ng donut na dala niya bilang midnight snack ay umuwi na siya.
At kinabukasan, naayos na niya kaagad at nabili na 'yung aso. Sinama niya pa ako kaya nakita ko agad yung inampon namin. Maliit pa lang siya pero nagmukha siyang mataba dahil sa mahaba-haba niyang fur. Kulay brown siya na may konting white, tapos ang mga mata niya parang hinihikayat akong lapitan siya.
Gusto ko ngang yakapin pero pinigilan ko ang sarili ko, sa bahay na lang. Pero etong kasama ko, hindi nakapagpigil at tuwang tuwa doon sa aso. Pagkabigay pa lang sa kaniya, niyakap niya kaagad at inamoy-amoy. Natawa tuloy sa kaniya ang seller.
Pagkatapos ng lahat ng kailangan ay nagpunta na kami sa vet. Pagkatapos ay sa bilihan naman ng mga gamit at pagkain niya. At nang kumpleto na, inuwi na namin siya sa condo unit ni Luigi. Naisip kase naming mas komportable siya doon, pero napagkasunduan din naman naming sa akin siya minsan, lalo na pag trabaho. At pag pareho naman kaming wala, nakausap na namin ang mga kaibigan namin para doon.
"Chella! Come here, baby!" Tawag niya nang naayos na niya ang pagkain at tubig ni Chella.
Kaya ako naman na nakikipaglaro sa aso namin, pinakawalan at hinayaang tumakbo palapit sa daddy niya. Nilantakan niya kaagad ang pagkain, sobrang lakas kumain.
Lagpas isang linggo na nang naampon namin siya kaya medyo gamay na namin. Noong una ay mahirap, pero unti-unti naman kaming nasanay. Nalaman na rin namin ang personality niya, ang mga gusto at ayaw niya. Napansin naming makulit siya, magulo, at masiyahin. Gustong gusto niyang nilalaro at hinaharot namin siya, pero ayaw niya pag kaming dalawa ni Luigi ang sweet.
"Mabel?" Napatigil ako sa paglalakad nang may tumawag sa akin, kaya naman pati si Chella ay napatigil dahil sumama siya sa akin sa exercise ngayong umaga.
"Uy, Carl! Kumusta?" Nagulat ako nang nakita ko siyang papalapit sa amin. Mukhang nagja-jogging din siya base sa suot niya.
"Ayos lang naman! Ikaw?"
"Maayos din! Naglalakad-lakad kami ngayon ni Chella, aso namin ni Luigi," sagot ko sa kaniya. Nasama ko ang pangalan ni Luigi dahil naalala kong pinagselosan nya 'to noong thesis year namin. Hindi niya lang alam...
"Ah, so...you're still together?" Nawala ang ngiti sa labi niya at nalaglag ang balikat.
"Getting stronger."
Nagulat ako nang bigla na lang may nagsalita sa gilid ko at inakbayan ako. Pagtingin ko ay si Luigi, dala ang pinabili kong bottled water dahil naiwan namin sa bahay yung tumbler namin. Mariin niyang tiningnan si Carl at tinaasan pa ng kilay kaya napaiwas naman ng tingin 'yung isa.
"Uhm...m-mauna na ako, Mabel. Bye." Kumaway siya sa akin at mabilis na tumakbo palayo.
Pinigilan ko namang mangiti lalo na nang naalala kong inamin sa akin ni Carl na bading siya at may crush siya kay Luigi. Hindi pa niya alam noon na girlfriend ako ng crush niya, parang kasing may sariling mundo 'yon dati at puro aral lang siya. Kaya nung nakita niyang may post si Luigi kasama ako, doon ko na sinabi. Gulat na gulat pa nga siya at nag-sorry sa akin dahil may crush siya sa boyfriend ko.
Pero para sa akin, hangga't hindi niya inaagaw si Luigi ayos lang naman. Ang gwapo kaya ng boyfriend ko, imposibleng walang magkaroon ng crush sa kaniya. Hangga't hindi nila siya nilalandi at lumagpas sa linya, ayos lang sa akin.
"Ano namang nginingiti-ngiti mo diyan? Nawala lang ako saglit, may kausap ka na agad na iba." Humaba na naman ang nguso niya at iniwas ang tingin.
"Nagtampo naman agad." Pinisil ko ang pisngi niya dahil ang cute! Parang siyang si Chella! "Nagkumustahan lang kami ni Carl."
"Hmp! Tara na nga." Inabot niya ang kamay ko at sinabay ako sa paglalakad.
Natatawa akong sumabay sa kaniya habang hawak pa rin ang tali ni Chella. Natawa ulit ako nang nakita ang ayos niya, kumpletong kumpleto kasi! Nakasuot siya ng pink na sando, pink na headband, pink na wristbands sa apat niyang paa na nakasuot ng black shoes. Napapatingin tuloy yung ibang nag-eexercise sa park, yung iba ay tumigil pa at binati siya.
Nilabas ko ang cellphone ko at pinicturan siya. Pagkatapos ay pinost ko 'yon sa instagram. At wala pa mang tatlumpung segundo ay nag-like at comment na si Leigh. Gustong gusto na niya kasing makita si Chella.
Natapos ang exercise namin with Chella tapos ay umuwi na kami. Pinaliguan namin siya, tapos sinuklayan na namin ang buhok niya nang natuyo 'yon para hindi magkabuhok-buhol. Nang masiguro na ni Luigi na maayos na ang buhok ni Chella, sinuot na niya ang striped ruffled dress na kulay mint at sinuutan ng blue shoes.
Balak naman naming ipasyal ngayon si Chella kina Mimi at pupunta rin daw si Nisha. Hindi niya alam na kasama ko si Luigi dahil allergic raw siya rito, pati na doon sa tatlo.
"Sure kang sasama ako, ah? Baka bigla na lang akong suntukin non?" Natawa ako nang nakita kong natatakot siya. Masama naman niya akong tiningnan at ngumuso, bumulong-bulong pa habang inaayos ang pink stroller ni Chella.
"Hindi 'yon, ako ang bahala."
Lumabas na kami ng condo unit niya at bumaba na sa parking. Siya ang nag-ayos ng mga gamit habang ako naman ang nagsakay kay Chella sa car seat niya na parang simpleng box lang. Pagkatapos noon ay sabay na kaming sumakay ni Luigi at nagpunta na sa apartment ni Mimi.
"Hi! Hello, baby Chella!" Kinuha niya kaagad sa akin si Chella at hinalik-halikan.
Tumuloy na ako papasok habang si Luigi naman ay hindi gumalaw. Natawa ako nang nilingon ko siya dahil alam kong natatakot siyang pumasok dahil alam niyang nasa loob na si Nisha. Nakita kase naming naka-park na sa baba yung sasakyan niya since katabi lang namin sa parking space.
"HI MABEEEEE—" Naputol ang bati niya sa akin nang nakita niya kung sino ang nasa likod ko. Yung malaki niyang ngiti kanina ay bigla na lang nawala, natulala siya saglit, tapos sumama na ang tingin niya.
Si Luigi naman ay lalong dumikit sa akin at nagtago sa likod ko. Patago akong natawa at pinigilan 'yon, parang kasing ginawa niya akong shield.
"Ano'ng ginagawa nyan dito?" Tinuro niya ang nasa likod.
"Nadito siya para kausapin ka," sagot ko.
"Ha?" Gulat na napatingin sa akin si Luigi. Tinuro pa niya ang sarili niya at pabulong na tinanong sa akin kung siya ba talaga.
Tumango lang ako at tinapik siya. Huminga siya ng malalim at maglalakad na sana palapit kay Nisha.
"Ayaw ko! Bakit ko naman 'yan kakausapin?" Humalukipkip si Nisha at inirapan si Luigi.
"Nisha, gusto ko lang na magkaayos kayo ni Luigi. Kaibigan kita, at boyfriend ko naman siya. Ayaw ko namang hindi kayo maayos dahil pareho kayong mahalaga sa akin. Kaya sige na, please?" Hinawakan ko ang kamay niya at malungkot siyang tiningnan.
"At tsaka...wala talaga akong alam tungkol sa kanila ni..." Naputol ang sasabihin ni Luigi, nag-aalangan niya akong tiningnan.
Natikom ko naman ang bibig ko at napaiwas ng tingin. Alam ko kung bakit siya napatigil, pero hindi ko na lang inisip. Pilit ko na lang tinanggal ulit sa isip ko.
"Promise, hindi ko talaga alam. And I won't justify what he did kase alam kong mali yung ginawa niya," pagpapatuloy ni Luigi.
"Please, Nish? You don't have to force yourself to be okay doon sa tatlo, lalo na kay Meraki. Pero walang kasalanan si Luigi," suporta ko.
Hindi nawala ang pagkakasalubong ng mga kilay ni Nisha, pero hindi na ganoon kasama ang tingin niya. Nanahimik lang siya ng ilang sandali habang kami naman ay naghintay sa kung ano man ang sabihin niya. At nang bumuntong hininga siya at tumango, pareho kaming napangiti ni Luigi.
"Sige! Basta siguraduhin mo lang na nagsasabi ka ng totoo!" pagbabanta niya kay Luigi.
"Promise!" Tumango naman yung isa.
"At ipangako mo ring hindi mo gagayahin yung ginawa ng kaibigan mo! Pag talaga nalaman kong niloloko mo 'tong kaibigan ko, pag-uuntugin ko kayo ng Meraking 'yon!" Nanlalaki na naman ang mga mata niya, mukha siyang mangangain ng buhay.
"Hindi ko magagawa sa Langga ko 'yon! Promise!"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top