Chapter 17

"Luigi! Luigi!"

Sinundan ko siya hanggang dito sa labas ng campus. Balak pa ata niya akong iwan dahil sa parking siya papunta. Kung hindi ko siya sinundan, hindi ko man alam na iniwan na nya ako.

"LUIGI!" Hinablot ko ang braso niya at buong lakas ko siyang hinarap sa akin. "Hindi pa tayo tapos mag-usap."

"What?!"

Napatigil ako at napatulala nang napansin kong namumula ang mga mata at ang ilong niya. Namamasa ang mga 'yon, at namuo ang luha habang patagal nang patagal ang titigan namin. Hindi na kase siya kumurap.

"Let's fix this, please. Kahit ano pang formula 'yan, gagamitin ko ma-solve lang 'to!"

Desperada na ako, parang ayaw ko nang maghintay pa ng natitira pang tatlong araw maayos lang kami. Ngayon pa lang, gusto kong ma-assure na sa akin siya. Gusto kong ma-assure na ako ang mahal niya. Gusto ko ng validation na tama ang ginagawa ko, na sapat ako para sa kaniya.

"But I don't want to hurt you any further, Mabel." Bulong niya sa akin pagkatapos niya akong hawakan sa magkabilang braso ko para ilapit sa kaniya. Kaya kitang kita ko ang pagtulo ng unang butil ng luha niya.

"I don't mind. All I want is to fix this. All I want...is you, Luigi." Tinanggal ko ang pagkakahawak niya sa kamay ko at ako naman ang humawak sa kaniya.

Ang mga lumuluha naming mga mata ay nagkatinginan. Parang bang may salamin kami sa harap ng isa't isa. Sorrow, iyan ang common denominator naming dalawa. Pero alam kong bukod doon, may iba pa kaming nararamdaman, lalo na siya.

"Wala pa tayo sa kalahati sa fourth day and we still have three remaining days. Four nights and three days. 84 hours pa 'yon, Luigi. Around 5,000 minutes pa. Lagpas 30,000 seconds pa ang natitira sa isang linggo ko. Please, let's work this out, Langga." Halos lumuhod na ako kung hindi niya lang ako pinigilan.

Bumuhos ang luha ko nang itayo niya ako at niyakap nang napakahigpit. At dahil hinang hina na naman ako ay sinandal ko ang buo kong katawan sa kaniya. Niyakap ko rin siya at sinubsob sa dibdib niya ang mukha ko at doon ko binuhos lahat ng sakit at hinagpis na naramdaman ko.

"Let's make the most out of that 30,000 seconds. Help me...Lang..." Ilang sandali siyang napatigil, tila nag-isip kung tatawagin niya akong Langga. Habang ako naman ay tahimik na nagdasal na sana iyaon ang itawag niya sa akin. Dahil gustong gusto ko nang marinig ulit 'yon sa kaniya.

"Mabel."

Nalaglag ang mga balikat ko. Tumango na lang ako at mas hinigpitan ang yakap sa kaniya.

Nagtagal kami sa ganoong posisyon ng ilang sandali rin hanggang sa tumahan kami pareho. Pagkatapos ay pumasok na kami sa sasakyan niya at pumunta sa susunod naming destination.

***

Pinikit ko ang aking mga mata at binuka ang aking mga braso. Nilanghap ko ang sariwa at preskong hangin, pakiramdam ko ay niyakap ako nito kaya napayakap din ako sa sarili ko nang nakaramdam ng konting lamig. At pagkamulat muli ng mga mata ko, nasilayan ko ang ganda ng kapaligiran.

The abundance of trees, the beautiful lake surrounded by flowers. Unang beses ko pa lang dito sa TIEZA Botanical Garden, at sana hindi ito ang huli. Parang gusto ko 'tong balikbalikan para enjoyin ang view. Simula kase nang sumali ako sa Makakalikasan, parang bang may umusbong na pagmamahal sa kalikasan sa aking puso.

Napaigtad ako nang may pumatong sa mga balikat ko. Yun pala ay pinatong ni Luigi ang shawl na dala niya doon.

"Nagustuhan mo ba?" Niyakap niya ako at hinalikan sa pisngi.

"Oo naman! Ang ganda ganda kaya! Punta ulit tayo rito sa susunod, ah!" Hinawakan ko ang kamay niyang nasa tiyan ko habang nililibot pa rin ng mga mata ko ang paligid.

"Grabe, hindi pa nga tayo nakakaalis, gusto mo na kaagad bumalik? Ikaw talaga!" Natatawa niyang kinurot ang pisngi ko.

"Ang ganda kase, oh!" Nilabas ko ang cellphone ko ang pinicturan ang view. Pagkatapos ay nagpunta ako sa instagram para i-story.

"Picture din tayo, Langga."

Kinuha niya ang cellphone ko mula sa akin. Pagkatapos ay pinosisyon niya kaming nakatalikod sa lawa para kita sa picture. Nakailang kuha rin kami, palipat-lipat pa ng pwesto para maraming remembrance.

"Tara, Langga. Duolon ta sa mga bulak!"

Excited na akong malapitan ang mga 'yon nang hawakan niya ang braso ko. Hinila niya ako pabalik sa tabi niya at pinag-intertwine ang mga kamay namin. Magkahawak ang mga kamay namin nang naglakad kami papalapit doon.

"These are Burlas or Celosia," pa-trivia niya.

Tumango-tango naman ako dahil hindi naman ako maalam sa mga bulaklak dahil hindi naman ako ganoon kahilig. Gusto ko lang silang tignan at i-appreciate pero wala sa hilig ko ang magtanim-tanim at gumawa ng napakagandang garden.

"Pero tinatawag din silang COCK'S comb," bulong niya sa tenga ko, sinadya pang umihip ng hangin.

"Ang pilyo mo talaga!" Tinanggal ko ang pagkakahawak ng mga kamay namin para paluin siya sa braso.

"Bakit?" Tumatawa siyang lumayo sa akin ng konti at hinimas-himas yung pinalo kong braso.

Hindi ko siya pinansin at tinuon ko na lang ang pansin ko sa mga bulaklak na nadadaanan ko.

"Uy, joke lang eto naman! Wala lang yung COCK, guni-guni mo lang 'yon," pang-aasar na naman niya.

Bumungisngis siya nang pinalo ko ulit ang braso niya. Kaya pinalo ko ulit nang pinalo. Mas lalo siyang tumawa habang sinasangga ang mga palo ko. Hanggang sa nahawakan niya ang pareho kong kamay at hinila ako papalapit sa kaniya para mayakap ako.

"Nakakainis ka!"

"Love mo naman! Yiiii!" Kiniliti niya ako sa bewang kaya tinulak ko siya palayo.

Nang ibalik ko ang tingin sa mga bulaklak, parang nagbago sila sa paningin ko. Nabahiran ng kademonyohan nitong katabi ko! Dimunyu!

"Sige, balik na lang ulit tayo sa mga trivia." Nagpipigil siya ng tawa nang lumapit ulit sa akin.

"Baka kung ano na naman 'yan, ah?" Nadala na ako, no! Ngayon nga hindi ko na matignan ulit ang mga bulaklak!

"Hindi, maayos na 'to, promise!" Tinaas pa niya ang palad niya.

Tumango na lang ako at nilipat na lang sa lawa ang tingin.

"Base sa na-research ko, ang tawag dito ay Malubog lake. At dati, puro yellow wildflowers daw ang nakapaligid dito, hindi pa 'tong mga Burlas na tinatawag ding..." Binitin pa talaga niya yung huli. Malako niya akong nginitian at tinaas-baba pa yung mga kilay!

"Sige, galingan mo pa pang-aasar. Sisipain ko talaga yang COCK'S comb." Pinanlakihan ko siya ng mata at inambang itaas ang paa ko.

"Uy, joke lang!" Napahawak siya sa ibaba, pinrotektahan. "Hindi tayo magkakaanak niyan, sige ka," pananakot pa niya.

Umiling-iling na lang ako at nagsimulang maglakad ulit. Paminsan-minsan ay tinitignan ko ang mga bulaklak, pilit na inaalis sa isip 'yung pandedemonyo ng lalaking 'to.

"Bakit ang dami mo nga palang alam na trivia? Si Kuya Kim ka ba?"

Natawa naman siya sa sinabi ko. Lumapit siya sa akin at inakbayan ako.

"Siyempre nag-research talaga ako at naghanda! Hindi ba ang sabi ko sa'yo, pinaghandaan ko talaga 'to dahil bukod sa late celebration natin 'to ng Christmas, pambawi ko rin dun sa naging away natin."

"Sabi ko naman sa'yo, 'di ba, ayos na 'yon!"

Kahit kase nagkaayos na kami bago sila umalis pa-Baguio, hindi na talaga nawala sa isip niya yung naging away namin. Minsan kahit normal na nag-uusap lang kami, bigla na lang ulit siyang magso-sorry sa inasal niya noon. Yung ngang Christmas greeting niya sa akin may kasamang sorry! Pati nung sa New Year, tapos New Year's resolution daw niya hindi na niya ako ulit aawayin at paiiyakin.

"Eh...pakiramdam ko kase kulang pa yung sorry. Ang dami kong nasabing masasama sa'yo nun. Tapos pinagtaasan pa kita ng boses at iniwang mag-isa kahit umiiyak ka." Nabahiran ng lungkot ang mukha niya kaya iniwas niya 'yon at tumingin na lang sa lawa.

"Okay na sa'kin, Luigi. At tsaka may mali rin naman ako noon, pareho lang tayo. Kaya sikapin na lang nating huwag maulit." Tumango-tango pa ako para alam niyang ayos lang talaga.

Para sa akin, matagal na naming naayos ang issue na 'yon at hindi na kailangang mag-dwell pa doon. Kailangan naming mag-move on mula doon sa away, lalo na at na-address naman na namin yung issue. Napag-usapan naman na at napagkasunduang pareho kaming mali at may dapat kaming baguhin at mag-compromise para mag-work ang relasyong ito.

"Eh...ang tagal din kase kitang hindi pinansin. Feeling ko na-miss mo ako, sobra, kaya kailangan kong bumawi." Akala ko noong una seryoso. Pero pagkakita ko pa lang sa ngisi, nako, alam ko nang kalokohan na naman ang lalabas doon sa bibig niya.

"Na-miss? Sino?" pang-aasar ko pabalik.

"Aminin mo na kase. Ayos lang naman sa akin, na-miss din kaya kita!"

"Miss? Dalawang araw lang naman 'yon," tanggi ko pa rin para maasar siya.

"Ah, dalawang araw lang pala ah! Halika rito!"

Nang akma siyang lalapit para kilitiin ako ay tumakbo na kaagad ako palayo sa kaniya. Hinabol niya ako kaya mukha kaming timang na naghahabulan sa pagitan ng mga bulaklak. Nagtatago-tago pa nga ako sa mga halaman para panangga sa kaniya.

Nakuha nga rin namin ang atensiyon ng mga turista. Yung iba ay parang kinikilig, may mga nakangiti lang, ang ilan ay nagpipigil ng tili habang yung isa naman ay pinalo talaga yung kasama. Tapos yung iba naman parang nairita sa amin lalo na yung babaeng kasing-edaran lang ni mama. Mag-isa lang siya eh, siguro matandang dalaga kaya siya bitter.

At dahil napunta sa mga tao sa paligid ang atensiyon ko, hindi ko na namalayang mabilis na nakalapit sa akin si Luigi at kiniliti niya ako. At kahit nakakahiya, hindi ko nakayanan at tumawa na ako nang napakalakas. Malakas kase ang kiliti ko, hindi ko talaga kayang pigilan.

Nang napagod na ako at hiningal na rin si Luigi, tumigil na kami at umupo sa gilid ng lawa. Pinagmasdan namin ang buong paligid at mas lalong namangha sa ganda ng Malubog Lake.

Binaba ko ang tingin at nakita ko ang repleksiyon ko—naming dalawa ni Luigi.

"Pumangit ba ako?"

Bigla ko na lang naitanong 'yon nang nakita ko ang sariling repleksiyon sa lawa. Gusto ko sanang bawiin pero napatingin na sa akin si Luigi, mukhang narinig niya. Hindi ko na pwedeng bawiin dahil siguradong mawiwirduhan siya.

"Bakit mo naman naitanong?" Iniba niya ang posisyon niya at hinarap ako.

"Well...naisip ko lang na baka yun ang dahilan kung bakit naging cold ka na lang sa akin bigla." Tinupi ko ang paa ko para maitaas ang tuhod, pinatong ko doon ang siko ko at nakapalungbaba ko siyang tinignan.

"You looked different when we're still in college." Ginaya niya ang posisyon ko at tumango-tango pa, parang wala lang yung sinabi niya kahit pa para sa akin ay ang sakit non. "But that doesn't mean you're ugly."

"So...mas maganda lang ako dati?" Yun ang pagkakaintindi ko sa sinabi niya. Hindi ko lang alam kung indirectly niya lang sinabing...pumangit nga talaga ako.

Oo nga no, hindi man ako pangit, pero pumangit pa rin kung ikukumpara dati? Pero at least, hindi pa rin pangit. Hindi lang kagandahan, gano'n? Compliment ba 'yon? Okay ba 'yon? O hindi?

"You can say that again," pagsang-ayon niya. Tumatango-tango niyang binalik ang tingin sa lawa at humikab.

"Iyon ba ang problema natin? Kaya ko namang solusyunan! Aalagaan ko ang katawan at mukha ko, Luigi. Pupunta ako ng gym, bibili ako ng sandamakmak na skin care, pupunta ako sa salon, sa derma—kung kailangan kong magpa-retoke, gagawin ko! Luigi sabihin mo lang sa'kin kung ano ang mali, kung ano ang kulang, ano ang sobra. Gagawan ko ng paraan 'yan, Luigi. Sabihin mo lang."

I sounded so desperate pero wala na akong pakielam. Nasa punto na ako ng buhay na gagawin ko na ang lahat, manatili lang siya sa akin. Dahil hindi ko rin naman kakayanin kung mawala siya, might as well ibigay ko na ang lahat.

"Mabel, don't say that." Nakakunot ang noo niya, numipis ang labi. Umiiling-iling siya na parang concerned at hindi nagustuhan ang sinabi ko kaya nagalit. "H-hindi lang yan ang problema."

Hindi lang itong mukha ko ang problema? Ibig sabihin may mas matindi pa?

"Ano? Please, sabihin mo sa'kin para masolusyunan natin." Hinawakan ko ang kamay niya at lumapit pa sa kaniya.

"I-I..." Nakagat niya ang ibabang labi niya at pinagsalubong ang kilay.

Bubukas sana ulit ang bibig niya pero kinagat niya ulit 'yon. He looked conflicted, may gusto siyang sabihin pero parang hindi niya masabi. Hindi ko alam kung naghahanap ba siya ng better way to say it, proper words to use. O kung hindi niya alam kung ano ang sasabihin.

Ilang sandali rin siyang ganoon hanggang sa frustrated niyang ginulo ang buhok niya at humiga sa damuhan. Pinikit niya ang mga mata at pinatong ang braso niya sa ibabaw ng mga yon para takpan.

Ako naman ay napa-buntong hininga at binalik na lang ang tingin sa lawa. Ayaw kong itulak siya masyado upang sabihin kung ano 'yon. Baka lalo lang siyang mainis, magalit pa, at lalo lang lumala ang sitwasyon. Baka imbis na solusyon, lalo lang masira ang relasyon.

At nang ilipat ko sa gilid ang tingin, nakita kong may pamilyar na babaeng nakatingin sa amin. Hindi man lang din siya nahiya at iniwas man lang sana ang tingin nang nakitang nakita ko siya. Nakipagtingin pa talaga siya sa akin habang umiiling-iling! Narinig kaya niya ang usapan namin?

"Kaya hindi ako nag-asawa, eh. Sakit lang sa ulo," sabi pa niya bago niya ako tinalikuran at naglakad papalayo.

***

Hindi ko akalaing makakatulog nga si Luigi doon nang pumikit siya! Siguro talagang antok pa siya dahil maaga kaming nagising kanina para sa reunion. Tapos, masarap pa ang simoy ng hangin at wala pang masyadong tao kaya hindi rin maingay. Kaya naman ang tagal ko rin siyang hinintay magising. Gusto ko ngang matulog din kaso hindi naman ako makatulog sa dami ng iniisip ko.

Nang medyo nainip na ako at nangawit dahil ang tagal ko na ring nakaupo, humiga na rin ako. At ang sarap sa pakiramdam, kaya naman hindi ko namalayang nakatulog na rin pala ako. At pagkagising ko ay buhat na ako ni Luigi pasakay sa sasakyan.

"Did I wake you up?" tanong niya nang nakita niyang nakamulat na ako.

Umiling lang ako at tumango naman siya bilang sagot. Akala ko nga ay ibababa na niya ako pero hindi niya ginawa. Binuhat niya talaga ako at sinakay sa passenger's seat. Pagkasara ay umikot na siya papunta sa kabila at sumakay na rin.

Nang nagsimula na siyang mag-drive, doon ko na lang napansin na pababa na ang araw! Nang tignan ko ang oras sa cellphone, 5:31 na pala. Kaya naman akala ko hindi na tuloy ang plano namin at diretso uwi na kami. Kaso, hindi ito ang daan pauwi!

"Saan tayo pupunta? Tutuloy pa tayo sa Snow World?"

"Nope. We're heading to I.T. Park, we'll eat sa Sugbo Mercado."

"Ha? Eh hindi pa naman tayo nakapunta doon, ah?" Napaisip tuloy ako kung nagpunta na ba kami doon at hindi ko lang maalala.

"And that's the reason why. Let's try it."

Bakit doon eh wala naman kaming memories na aalalahanin doon! Ang plano ko ay balikan ang mga ginawa namin dati para maalala niya kung gaano namin kamahal ang isa't isa. Eh ang dami kaya naming memories doon sa Snow World! Nakakatawa pa—

"Aahh! Kaya ayaw mo sigurong magpunta sa Snow World kase ayaw mong maalala nung nadulas ka, no!" pang-aasar ko sa kaniya. Tinaas ko pa ang hintuturo ko at tinuro siya, parang bang nahuli ko siya pero hindi kulong.

"H-hindi, ah!" Umiling pa siya pero halata naman!

"Iniisip mo siguro baka maalala ka pa nung mga personnel na tumulong pa sa atin non! Nakakahiya ka talaga!" Tumawa ako nang malakas nang naalala ko ang itsura niya nung nadulas siya.

Lahat ng tao napatingin dahil napakalaking tao niya, sobrang lakas nung dumugpa yung pwet niya! Though I feel bad din naman kase masakit. Pero hindi ko talaga naiwasang matawa, eh! Lalo na nung inasar siya nung bata.

"Sige tawanan mo pa ako. Akala mo nakalimutan ko yung nadapa ka sa kalagitnaan ng Ayala? Mas marami nakakita sa'yo doon!" Malakas siyang tumawa, pagkatapos ay tumigil siya at parang may inisip. Pagkatapos ay lalong lumakas ang tawa niya at napahawak pa siya sa tiyan.

"Ano yung naalala mo?" medyo inis kong tanong.

"Y-yung itsura mo nung nadapa ka! Tangina, una yung mukha mo non, eh!" Halos hindi na siya makahinga kakatawa. Tinigil pa nga niya sa gilid ng kalsada ang sasakyan dahil hindi na talaga siya natigil sa pagtawa!

"Eh nung nakita mong dumugo yung ilong ko? Panic ka pa nga non, eh!" sumbat ko sa kaniya.

Hindi ko talaga makalimutan 'yon dahil pagkadapa ko, una ko pa talagang narinig ang tawa niya! Buti pa nga yung iba narinig kong naawa sa akin tapos siya tumawa pa! Pero pagkaangat ko ng mukha ko, mula sa pagtawa ay mabilis na nag-transition yung mukha niya sa gulat! Napatulala pa siya bago niya ako nilapitan at tinulungan.

"I-ikaw kayang makakita ng ganoong karaming dugo!"

"Ang sabihin mo, takot ka lang sa dugo!" Ako naman ang tumawa ngayon.

Nag-asaran lang kami at pinagtawanan ang kapalpakan ng bawat isa hanggang sa nakarating na kami sa Sugbo Mercado. Papasok pa lang ay kita na kaagad na ang daming tao, at siyempre marami ring kainan!

Inikot muna namin ang kabuuan at tinignan kung ano ang gusto naming kainin. At bandang huli ay napili namin yung may malaking bilao. Bumili kami ng isang bilao na may limang cups ng kanin, isda, manok, at hipon—may sawsawan pang toyo at kalamansi. Punong puno yung bilao kaya naman isa lang ang binili namin.

Kain lang ako nang kain dahil gutom na gutom ako, tapos nakakamay pa kaya magana talaga. Ang sarap din lahat ng pagkain, sulit na sulit yung 700 ni Luigi dito. Mag-takeout nga rin ako para matikman nila Sabel.

At dahil tuloy-tuloy akong sumubo, napuno ang bibig ko kaya tumigil muna ako at nginuya 'yon. Kaso pagkaangat ko ng tingin, nakita ko yung isang couple sa gilid. Sinubuan nung lalaki yung babae, sobrang sweet. Naalala ko tuloy lahat ng memories na sinubuan din ako ni Luigi. Mangyayari kaya ulit 'yon?

"Hm."

Napatingin ako kay Luigi nang narinig ko siya, akala ko may gustong sabihin. Pero pagkaharap, nasa tapat ko ang kamay niya, may kanin at manok. Nagtaka pa ako nung una kahit alam ko namang gusto niya akong subuan kaya napatitig ako doon. Ngumanga lang ako nang ngumanga rin siya.

Nang nasubo na niya, nginitian niya lang ako bago bumalik sa pagkain.

Uminit tuloy ang pisngi ko at may kiliti akong naramdaman sa tiyan! Yumuko ako at sumubo ulit ng pagkain para itagong napangiti ako.

May pag-asa pa ang #LuiBel!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top