Chapter 12
Pagkarating ko pa lang ay sumabit na kaagad sa akin si Leigh Belle at nanghingi ng pasalubong. Akala mo naman nangibang bansa ako, eh mas marami pang pwedeng pambasalubong dito sa Cebu kesa sa Manila.
Napaisip tuloy ako, mas maganda nga kaya kung mag-stay na lang ako rito? Pero may buhay na rin ako sa Metro Manila. May stable na trabaho, may mga kaibigan, at si...Luigi. Kaya dapat lang siguro na bumalik pa ako sa Manila pagkatapos nito?
Umiling-iling na lang ako. Huwag ko na munang isipin 'yon. Ang dapat kong isipin ngayon ay kung ano ang dapat kong gawin para maayos ko ang gusot sa relasyon namin. Anim na araw na lang ang meron ako at ang buong araw na 'to ay puro biyahe pa. Tapos ay hindi pa maganda ang nangyari. Kaya dapat akong magplano ng mga dapat kong gawin para bumalik siya sa akin, para bumalik kami sa dati.
Pagkatapos kong ayusin ang mga damit ko at iba pang mga gamit ay lumabas na ako para makausap si Luigi. Kaso...wala na siya.
"Uh...ate, umuwi na si Kuya Luigi. Sa bahay daw nila siya tutuloy," imporma ni Leigh nang nakita akong ginagala ang mata ko sa buong sala.
Tumango-tango naman ako at napabalik ang tingin ko doon sa sofa. Nakaupo doon si Son at Sabel, busy sa pagkukwentuhan. Tumatawa-tawa pa nga sila eh—bumalik yung aura kanina nung isa bago siya mabwisit kay Luigi.
"Ay nako ate, kailangan mo nang masanay sa dalawang 'yan. Lately, sobrang close nila!" Nilapit pa niya ang bibig sa tenga ko, halatang chismosa. "As in close like this!" pinagdikit pa niya ang dalawang hintuturo niya sa harap namin.
"Talaga?"
Siyempre na-curious naman ako.
"Oo! Nung minsan nga nakita ko pang kiniss ni Kuya Son si Ate Sabel! Pero cheeks lang naman," kwento pa niya!
"Ikaw talaga! Napaka-chismosa mo't alam mo pa yan!" Kinurot ko siya sa tagiliran dahil sa gigil.
Umiwas naman siya at tumawa. "Eh sa tapat ng gate, eh! Tapos saktong papalabas ako, kaya ayon nasakto. Kailangan ba nakapikit akong lumabas ng bahay, te?"
Umiling-iling na lang ako sa katwiran niya at iniwan siya doon. Nagpunta na lang ako sa kusina at sinamahan doon si Ate Bianca na nagluluto. Si Micoy naman ay busy sa pagbabasa ng ABaKaDa sa tapat ko, nanlulumo at halatang sobra-sobrang pagdurusa ang dinadanas.
"Manang mana ka talaga sa Tita Leigh Belle mo. Alam mo bang minsan pa niyang tinapon sa putikan yang ganiyan niya dati dahil ayaw niyang magbasa?" Natatawa kong kwento sa kanila habang kumakain ako ng Puto Balanghoy.
"Talaga po?" Nilapag niya ang yellow na notebook at lumapit siya sa akin, interesadong interesadong makinig sa kwento. Tignan mo, manang mana talaga kay Leigh.
"Aba't—Micoy huwag kang chumismis diyan! Ituloy mo yang pinapabasa ko," striktang pagbabawal ni Ate Bianca. Lumapit siya sa amin at nilapit kay Micoy yung notebook.
"Akikikwento lang po ako, mama," nakanguso niyang katwiran.
"Nako, alam kong gumagawa ka lang ng paraan para hindi magbasa!"
Natawa na lang ako sa tagpo ng mag-ina at tinuloy ang pagkain. Tapos ay dumating si Leigh at inasar si Micoy kaya nagulo na naman sa pagbabasa yung bata. Iiling-iling ko siyang binawalan at kinaladkad paalis doon dahil alam kong hindi siya titigil.
***
"Oh! Hi Mabel!" Lumapit sa akin si tita at nakipagbeso. "Umuwi ka rin pala?"
Ha? Hindi ba sinabi ni Luigi na kasama niya akong umuwi? Well, I guess hindi, kase alam sana ni tita kung sinabi niya.
"Yes, tita. Ako pa nga po ang nagyaya kay Luigi na umuwi this holiday."
Napalayo siya sa akin at gulat na napatingin sa akin. Bahagyang nakabuka ang bibig niya at nanliit ang mga mata niya.
"I thought pupunta siya ng reunion kaya siya umuwi?" nagtataka niyang tanong.
"Uhm...yes po that's also one of the reasons. Pero ako po yung nagyaya sa kaniya to attend," paliwanag ko.
Tumango-tango si tita bago siya pilit na ngumiti at inaya akong magpunta sa kusina para pakainin. Kakakain ko pa lang pero nakakahiya namang tumanggi lalo na at kinwentuhan pa ako ni Manang Roberta.
Pagkatapos ay dumating din si Ate Luisa at sumama sa kwentuhan namin. Niyaya nga niya akong mag-shopping pero tumanggi ako. Kailangan kong makausap si Luigi tungkol sa mga gagawin namin dito.
May mga plano na akong gawin simula bukas hanggang sa December 29 para mabawi siya at maibalik ang kung ano man ang meron sa amin noon. Pero gusto kong sabihin sa kaniya para alam niya, baka mabigla na lang siya tapos magalit pa siya sa akin.
Kaya naman nang umalis na si ate, nagpaalam na akong puntahan si Luigi sa kwarto niya. Nang narating ko na ang tapat ng hagdan, hindi ko naiwasang ilibot ang tingin ko sa kabuuan ng sala.
Grabe, ang taas ng kisame, ang lawak ng sala, mukhang mamahalin ang mga gamit, at may chandelier pa! Kung sa labas pa lang ay mukhang maganda at malaki na ang bahay nila, hindi ko akalaing ganito siya kaganda pag nasa loob na. Parang palasyo! Hindi ko akalaing ganito pala sila kayaman.
Sana kaugali niya ang mga magulang at ate niya. Sana mabait sila, hindi kagaya nung mga mayayaman sa mga teleserye. Yung naglalabas ng milyones layuan ko lang ang anak nila, gano'n.
Pero kung gano'n man sila, tatanggapin ko ba ang pera?
Aish! Siyempre huwag mong tanggapin, Mabel!
Napabalik kay Luigi ang tingin ko nang pisilin niya ang kamay ko na nasa pagitan naming dalawa. Nginitian niya ako at nilapit ang mukha niya sa akin para bumulong.
"Are you nervous?"
Ngiti at iling lang ang nasagot ko dahil sa totoo lang ay kabadong kabado ako.
"Hi! Sorry that we kept you waiting, ang bagal kase ni Stella."
Napatingin ako sa may hagdan nang may nagsalita. Mukha na siyang matanda, lalo na dahil sa puting buhok, bigote, at balbas niya. Matangkad siya, pero mas matangkad ng ilang dangkal si Luigi. Pagkatapos ay matambok ang pinsgi niya at bilugan ang tiyan. Mukha siyang Santa Claus na moreno!
"Hon! Don't say that! I rushed na nga, eh!"
Nalipat ang tingin ko doon sa matangkad na babaeng nakasunod sa kaniya. Kamukhang kamukha niya si Luigi! Napakasopistikada niya habang bumababa ng hagdan, kahit mukhang nagmamadali ay hindi nawala ang poise. Ang ganda rin ng soot niyang puting dress na may red roses prints. Tapos sa malayo pa lang ay kumikislap na ang diamond earrings niya at ang silver necklace.
Kasunod nila ang isa pang babae na mukhang maputing version ng tatay nila. Twinning sila ng nanay niya pero mas maikli ang sa kaniya.
Napatingin tuloy ako sa soot kong blue na loose blouse at denim pants. Buti na lang talaga at tinulungan pa akong ayusan nung dalawa kanina kung hindi baka mas nagmukha akong katawa-tawa.
"You're beautiful with what you're wearing, Langga," bulong ni Luigi nang napansin niya.
Tinignan ko siya at binalik ang ngiti. Gumaan ang loob ko dahil sa sinabi niya, nawala ang konting kaba at panliliit sa yaman nila.
"Hello! I'm sorry for taking so long!" Paghingi ng dispensa nung papa niya sa sa akin.
"Ayos lang po." Nakangiti ko siyang sinalubong noong nakababa na sila ng hagdan.
"Uhm...Mabel, this is my dad, mom, and ate." Tinuro niya sa akin isa-isa ang pamilya niya. "Dad, mom, ate, this is my girlfriend, Mabel." Inakbayan naman niya ako at mas nilapit sa kaniya nang sabihin niyang ako ang girlfriend niya.
"You're so formal naman, Lui!" sita nung ate niya.
"With the dress you're wearing you don't want me to be formal?" pang-aasar naman nitong katabi ko kaya nagtawanan silang mag-ama.
"Whatever!" Inirapan niya ang nakababatang kapatid. "Hi! Mabel! It's nice to meet you, finally!" Lumapit siya sa akin at nakipagbeso. Pagkatapos ay mabait niya akong nginitian at tinapik ang balikat. Grabe, ang ganda niya!
"Nice to meet you rin."
"Hello, hija! Glad to meet you," bati sa akin ng mama nila. Lumapit din siya at nakipagbeso.
"Glad to meet you rin po..." Hindi ko alam kung ano ang itatawag ko sa kaniya, kaya nabulong ko na lang ang sa tingin kong most appropriate. "Madamme?"
Dahil doon ay mahinhin siyang natawa at umiling. "Your girlfriend is so adorable, Luigi. I...like her already." Tipid niya akong nginitian tapos nang nalipat sa anak niya ang kaniyang tingin at tsaka pa lang lumaki.
"Told yah!" Lumapit siya sa amin at umakbay ulit sa akin.
"You can call me Tita Stella, okay?" Hinawakan ni tita ang mga kamay ko at pinisil-pisil 'yon. "And that is Tito Louis." Tinuro niya si tito. "And my daughter, call her Ate Luisa."
Pagkatapos ng batian at introduction, niyaya na kami ni tita sa dining area para kumain na ng dinner. Doon ay pinakilala sa akin ang dalawa sa mga maid nila at pati na rin si Manang Roberta.
At hindi ko naiwasang mapanganga sa mangha nang nakita ko kung gaano karami ang hinanda nilang putahe—pito at hindi ko man alam kung ano ang mga 'to. Kumuha na lang ako nung mukhang masarap at nakisabay sa kainan nila.
"You're still a college student, right?" tanong sa akin ni tito sa kalagitnaan ng kainan.
"Yes po, tito. Doon sa same university na pinapasukan ni Luigi," sagot ko nang nalunok ko na ang pagkain.
"And she's a scholar, dad," pagmamalaki pa ni Luigi.
"I know, ilang beses mo nang sinabi. Accountancy, right? You talk about her all the time." Nginisian siya ni tito, nang-aasar.
"Alam mo na pala eh, bakit mo pa tinanong?" sabat ni tita. Tinaasan niya ng kilay ang asawa niya kaya nagtawanan sila.
"So how's my brother as a boyfriend?" Tinaas-baba ni Ate Luisa ang mga kilay niya, habang mapang-asar na nakatingin sa kapatid.
"Uh...uhm...maayos naman po. Mabait po siya, lagi niya 'kong tinutulungan, inaalagaan, tsaka iniintindi. Uhm...siya po first boyfriend ko at...masaya po akong siya 'yon." Nakangiti kong sagot. Nung una hindi ko alam kung ano ang dapat sabihin, pero nang naisip ko ang lahat ng ginawa niya para sa'kin, tuloy-tuloy ko nang nailabas lahat ng puri.
"Yiiiiiiii!" Pinaglapat ni ate ang mga palad niya at kinikilig na tumili.
"Sweet naman ba 'tong anak ko?" tanong ni tito, tinapik pa ang balikat ni Luigi.
"O-opo."
Tumili ulit si Ate Luisa at pumalakpak pa. Si tito naman ay natutuwang ngumiti at mas nilakasan ang pagtapik sa anak niya.
"Nako 'wag kang maniwala diyan, hanggang umpisa lang 'yan!" biro ni Ate Luisa pagkatapos niyang tumili kaya napikon naman si Luigi.
"Mabel?"
Bahagya akong napatalon, napabalik ang isip ko sa kasalukuyan.
"What are you doing here?"
Inangat ko ang tingin sa pababang si Luigi. Nakasuot siya ng puting t-shirt at jersey shorts ng Lakers. Base sa magulo niyang buhok at naniningkit na mga mata, bagong gising lang siya. Napagod siguro siya sa biyahe kanina.
"Gusto sana kitang kausapin."
"For what?"
Nilagpasan niya ako at dumeretso sa kusina kaya naman sumunod ako. Gulat namang napatingin sa amin si Manang Roberta pero nang nakabawi ay hinanda niya ang pagkain.
"For the remaining...five days." Napayuko at napapikit ako nang narealize kong konting araw na lang 'yon. Kung iisipin, parang isang kurap, hinga, at patak lang ng luha, tapos na kaagad 'yon. Pero hindi, I will maximize the remaining days.
"Sigurado ka pa rin ba talaga?" tanong niya sa akin. Ginilid niya ang ulo niya para tignan ako at taasan ng kilay. "Do you think something miraculous will happen in five days?" Sarkastiko siyang natawa at umiling-iling bago tinuon ang pansin sa pagkain.
"I told you, gagawin ko ang lahat ng makakaya ko sa loob ng isang linggo—"
"But the two days were already wasted."
"P-pero hindi ibig sabihin no'n masasayang lang din ang lima pang araw."
Naramdaman ko ang pag-init ng mga mata ko pero ginawa ko ang lahat mapigilan lang ang pagtulo non. Napayuko ako nang nanlabo na ang paningin ko at pasimple kong tinanggal ang luha.
"You're just hurting yourself," tila naiinip niyang sambit. Nilalaro-laro niya lang ang pagkain niya, parang nawalan ng gana.
"N-no. YOU are hurting me."
Pati ako ay nagulat sa nasabi kong 'yon. Nadulas na lang kase sa bibig ko, hindi ko na naisip at basta ko na lang nasabi. Gusto ko sanang bawiin pero paano. At bakit? Bakit ko kailangang bawiin kung 'yon naman ang totoo?
"Then...let go," sabi niya nang nakabawi na sa gulat.
Lalo namang nasaktan ang damdamin ko nang deretsahan na niyang sinabi na bumitaw na ako. Hindi pa sapat ang pagtrato niya sa akin para ako na mismo ang bumitaw kaya siya na mismo ang nagtatanggal no'n.
Nanlumo ako at tahimik na lumuha doon sa tabi niya habang siya ay kumakain. Wala kaming imikan, kubyertos niya lang at ang pagsinghot ko ang naririnig.
Ang bigat din ng hanging nakapalibot sa amin. Parang may namumuong bagyo, handang rumagasa at manalanta. Sabagay, kasinglamig niya ang hangin. Ang mga luha ko naman ang ulan. At ang puso ko...parang tahanang naliparan ng bubong at bumagsak nang nanghina ang pundasyon. Dahil siya 'yon eh, siya mismo 'yon.
Pero, sa dimani-dami na ng bagyong dumating, ngayon pa ba ako susuko? Ngayon pa ba ako lilikas kung kailan nasa kalagitnaan na ako ng pagragasa ng ulan at pananangay ng hangin?
Nandito na kami sa Cebu. Nasimulan ko na ang pitong araw kaya tatapusin ko rin. Bago ako pumunta rito, pinangako kong gagawin ko ang lahat maayos lang ang relasyon naming dalawa. At iyon ang gagawin ko. Iyon ang ikakasatuparan ko.
"No, I won't let go. Not now. Hindi ngayong nagsisimula pa lang ako. Oo, walang nangyari sa dalawang araw, pero may limang araw pa. Panghahawakan ko ang five days na 'yon, Luigi."
Nagkatitigan kami, walang kumurap at walang umiwas.
"Hindi man kita makapitan sa ngayon, sa five days ako kakapit," buong tapang kong sinabi. Hindi man ako kumpyansadong magtatagumpay ako, pero alam kong may pag-asa pa. Naniniwala ako. Kailangan kong maniwala dahil lalo lang akong manghihina kung hindi.
"Okay then, let's do whatever you want in these coming five days."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top