Chapter 1

Binitawan ko ang ballpen at pinatunog ang mga daliri ko para maibsan ang sakit dahil kanina pa ako sulat nang sulat.
Uso naman kase ang computer, bakit kaya hindi ipagamit sa amin?
"Bakit ba ang tagal nina pres?" Nakabusangot si Jojo habang nagsusulat ng pangalan ng bumili ng ticket.
"Ewan ko sa mga yon. Nakakainip na nga, eh." Humikab si Adi.
"Piste ka, Adi! Eh kung tumulong ka kaya rito?" Binato ni Jojo ang ballpen at sapul naman sa mukha ni Adi.
Natawa ako dahil sa kakulitan ng dalawa, nakalimutan kong meron pa nga palang nakapila. Kaya nang napansin kong nakatingin sa akin yung bumibili at nangingiti pa siya, napatigil ako at napatakip ng bibig.
Nakakahiya!
"N-name?" tanong ko sa kaniya. Sa papel lang ako nakatingin dahil nahihiya pa rin ako. Sa tingin ko kase ay napalakas ang tawa ko kanina. Sabi pa naman ni Tita Maricar, mahinhin lang dapat para hindi ma-turn off ang mga lalaki.
"Venn. Uhm...Savenn Marius Caandra," dahan-dahan niyang sagot.
Saven Mariu—
"Double 'n'." Hinawakan niya ang kamay ko kaya napaangat ako ng tingin dahil sa gulat. Kinagat niya ang labi niya at nahihiyang binitawan ang kamay ko. "S-A-V-E-N-N yung spelling, hehe," pagtatama niya.
Napapikit na lang ako nang mariin at pinagsiksikan ang isa pang letter "n" sa dulo ng pangalan niya. Nainis ako nung nakita kong ang pangit at muntikan ko nang lukutin yung papel—mabuti na lang at napigilan ko ang sarili ko. Huminga na lang ako nang malalim at tinuloy ang pagsusulat ng surname niya, hindi ko na lang tinignan pa ang pangalan.
"Program, section, and student number?" Inisahan ko na para mapabilis, masyado na akong napahiya rito.
"BS Civil Engineering, 4D, 2014305104."
Pagkatapos kong isulat iyon. mabilis kong kinuha ang bayad niya at binigay ang ticket. Pagkaalis niya sa pila, lumapit na kaagad ang kasunod.
"Ticket for two."
Pisti! Ka gwapo oi!
"Luigi Vasquez, Civil Engineering, 4D, 2014307793." Nakangiti lang siya at nakatingin sa akin kaya napatulala ako. "Uh...miss?"
Bumalik ang pag-iisip ko na nag-enjoy sa paglalakbay dahil doon. At dahil napahiya na naman ay niyuko ko na lang ang ulo ko at nag-concentrate sa pagsulat. Epekto lang siguro ito ng pagod kaya lumala na naman ang kalutangan ko.
Pagkatapos kong masulat ang ticket numbers, kinuha ko na ang bayad niyang sobra. Nang nabigay ko na ang sukli at tickets niya, nginitian niya muna ako nang matamis bago umalis.
Nang sundan ko siya ng tingin, nakita kong hinintay siya nung isa pang lalaki na bumili kanina. At may kasama pa silang isang lalaki na mukhang walang matinong gagawin sa buhay—sa isa sigurong iyon yung isa pang ticket na binili ni...Luigi.
"Uy, Mabel! May bumibili na ng ticket!" Kinalabit ako ni Jojo. "Ikaw ha! Crush si Luigi, no?" tukso pa niya.
"H-ha?! Hindi, ah!" depensa ko at hinarap yung lalaki na kasunod sa pila.
"Pagsure oi! Ayos lang yan, marami namang talagang nagka-crush doon. Diba, Meraki?"
"Si Luigi pa ba? Pero mas maraming may crush sa akin kesa don." Nag-pogi pose pa siya at kinindatan si Jojo.
"Ang yabang talaga! Isumbong kaya kita sa uyab mo, ha?" Nanlalaki naman ang mga nitong isa at kagat-kagat pa yung ibabang labi, gigil na gigil!
"Hindi ka naman mabiro, Josephine!" Ngumuso si Meraki na parang aping api at tsaka humarap sa akin para magbayad. Pagkabigay ko ng ticket niya ay umalis na rin siya at pinuntahan yung tatlong lalaki kanina.
"Animal talaga 'yon!" Hindi nawala ang gigil ni Jojo habang nagsusulat kaya natawa ako nang mahina. "Ano namang tinatawa-tawa mo riyan? Akala mo nakalimutan na kita?" Tinaasan niya ako ng kilay at nginisian.
"A-ano namang sinasabi mo?" Nawala ang ngiti ko at biglang kinabahan. Kung makapagsalita kase siya ay parang may mali akong ginawa.
"Ayos naman yung si Luigi, kaya wag kang defensive." Tumawa siya at umiling-umiling. Pagkatapos ay tumigil nalang siya bigla at tsaka ngumiti nang matamis, parang may biglang naalalang maganda. "Pero si Venn talaga ang crush ko—simple lang kaya hindi nakakasawang tignan, hihi!"
"Paano mo ba nakilala ang mga 'yon?" kuryoso kong tanong, parang close na close kase siya lalo na nung nagbiruan pa sila nung Meraki.
"Siyempre kaklase ko ang mga 'yon! BSCE lang malakas, men!"
***
Busy ako sa pagbibilang ng kinita namin ngayong araw para sa concert nang maramdaman kong may dumamping malamig sa mukha ko. Napaitlang tuloy ako dahil sa bigla at napatingin sa gilid. Tumambad sa akin ang isang bote ng iced tea at ang humahagalpak na si Adi.
"Pinapabigay ni pres!" Hindi pa rin siya tumigil sa katatawa kaya hinablot ko mula sa kaniya ang bote at inismiran. Lalong lumakas ang tawa niya at napahawak pa sa tiyan niya. Masyado naman atang mababaw ang kaligayahan ng isang 'to?
"Mabel, padala naman nitong kuwan sa admin."
Nakalahad sa harapan ko ang isang white folder—yung proposed activities and breakdown ng budget ata ito? Pero bakit ako na naman? Eh kanina pa ako gumagalaw dito! At hindi ko naman trabaho ang maghatid ng mga ganito. Pagod na pagod na kaya ako tapos sila maghapon lang palang nagpa-aircon dito sa USC Office habang kami nina Jojo at si Adi na walang kuwenta ay nasa maalinsangang ticket booth! Ayaw ko na talaga!
Pero sige, last na to, Mabel. Last na talaga!
"Ikaw na maghatid niyan, Tracy. Kanina pa nagtatrabaho si Mabel sa ticket booth." Itataas ko na dapat ang kamay ko para abutin ang folder nang nagsalita si Son. "Adi, samahan mo si Tracy," utos niya.
Tipid akong napangiti at binalik ang atensiyon sa pagbibilang. Pagkatapos ay sinigurado kong tugma ang bilang ng mga nabiling ticket kanina at ang halaga ng perang nalikom ngayong araw. Nang nakatatlong check na ako ay nasigurado kong tama kaya in-encode ko na sa spreadsheet.
"Mabel at Jojo huwag na muna kayo sa ticket booth bukas. Umabsent kayo ng buong araw kanina sa mga klase niyo para lang dito, iba naman ang totoka."
"Ay ayos lang, pres! Mas gusto ko pa roon sa ticket booth kaysa makinig sa mga prof ko!" Tumawa nang malakas si Jojo kaya pinagtinginan siya ng mga estudyanteng nakapaligid. Napailing-iling na lang ako habang nagpipigil ng tawa.
"Di rin naman pumapasok ang mga prof, lalo na ngayong alam nilang naghahanda tayo para sa Univ Week." Tumango-tango ako kay Son para sa assurance na ayos lang kami sa ticket booth. At sinabihan ko naman si Rita na i-text ako kung may pumasok man kaming prof para makatakbo agad ako papuntang room. Wala naman daw pumasok ngayong araw kaya ayos lang.
"Basta ba may tumulong na sa amin bukas, pres! Ang sakit-sakit talaga nitong kamay ko, oh! Namumula pa rin." Ngumuso si Jojo at pinakita pa kamay niya sa amin kaya natawa kami ni sa kaniya.
"Sige, sige. Pati ako tutulong na. Pasensiya rin pala at hindi ako nakatulong kanina, may ni-revise pa ako doon sa proposal natin for Univ Week. Mayroon kaseng hindi na-approve kaya naman may mga binago at tinanggal ako. Dapat nga ay ipapatawag ko kayo para makasama sa meeting pero naisip kong walang maiiwan sa ticket booth."
Tumango na lang ako dahil si Jojo na ang nagsilata nang nagsalita. Nagrereklamo dahil hindi man lang daw siya inalala. Nagdrama pa! Pakiramdam daw niya ay hindi siya importante at ginawang utusan lang.
Pinabayaan lang namin siyang kumatak nang kumatak at patuloy lang kami sa paglakad papuntang exit gate nang may humarang sa akin. Pagtingin ko'y si Luigi pala!
"Uhm...hi." Nakangiti niyang bati at ako naman ay nag-alinlangan kung ako ba talaga yung binati niya kaya napatingin pa ako sa paligid. "Mabel, right?"
Napabalik sa kaniya ang tingin ko nang tawagin niya ako sa pangalan ko. Paano niya nalaman ang pangalan ko?
"O-oo...a-anong kailangan mo?" Naramdaman ko ang pagbilis ng tibok ng puso ko at hiya na rin. Hindi ako makatingin sa kaniya at tumingin sa gilid. Kaso nakita kong nakatingin din sa amin ang ibang tao kaya sa ibaba ko na lang tinuon ang pansin. Tapos narinig kong tumili si Jojo kaya lalo akong nahiya!
"Gusto sana kitang ayaing manuod sa concert sa Univ Week." Lalong tumamis ang ngiti at sumama pa ang mga mata niya.
"Uh—"
"She can't. Busy kaming USC officers." Si Son na ang sumagot para sa akin. Mabuti na lang dahil hindi ko alam kung ano o paano ko sasabihin sa kaniya iyon.
"Ah, ganoon ba?" Saglit nawala ang ngiti niya pero nabalik naman iyon. "Okay...see you around na lang." Tumango siya sa amin bago siya tumalikod at naglakad palapit sa mga kaibigan niyang nakangisi—siniko pa siya ni Meraki at tinapik naman nung isa pa.
Sumunod na ako kay Son nang nauna siyang naglakad palabas. Tapos nauna na si Jojo nang nasa sakayan na kami ng Jeep dahil sa iba ang direksiyon niya. Kaya ahimik lang kami ni Son—iniisip ko pa rin kase kung bakit naisipan akong ayain ni Luigi, hindi naman kami magkaibigan.
"Nililigawan ka ba non?" bigla na lang tanong ni Son kaya napatalon ako sa gulat.
"H-ha?"
"Si Luigi. Nililigawan ka ba?" paglilinaw niya.
Mabilis naman akong napailing ng ilang ulit. Hindi ako makapagsalita dahil sa gulat, hiya, at...kilig? Boang!
"Mabuti."
"K-kaninang bumili ng ticket ko lang nakilala 'yon," paglilinaw ko pa.
Tumango lang siya bago niya ako hilaing sumakay ng kakatigil na jeep. Alam niya kaseng mabagal ako at siguradong mamayang gabi pa ako makakasakay kung hindi niya ako hinila sa dami ng nakapila. Nangyari na sa akin iyon kaya alam kong ganon ang kalalabasan, di kase ako marunong sumiksik.
Patuloy lang kami sa pagkukwentuhan ni Son mula nang nakasakay kami ng jeep hanggang sa nasa tapat na kami ng bahay. Binuksan ko ang topic tungkol doon sa revised proposed activities for the Univ Week pero ayaw nya raw muna pag-usapan 'yon. Sumasakit daw kase lalo ang ulo niya marinig niya lang 'yon.
"Oh siya, mauna na ako ha." Humakbang na siya nang isang beses nang pigilan ko siya.
"Dito ka na maghapunan. Matagal ka nang hindi nakakakuwentuhan ni mama at miss ka na raw niya." pag-aaya ko sa kaniya.
Ilang beses na rin kase siyang natanong ni mama at ang lagi ko lang sagot ay busy siya sa school na totoo naman din talaga. Wala namang ibang pinagkakaabalahan itong si Son kung hindi ang bahay nila, pag-aaral niya, at ang tungkulin niya sa school.
"Uh...hindi ako pwede ngayon eh, darating kase si papa. Pasabi kay tita sa susunod na lang kami magchismisan." Sabay kaming napahalakhak sa sinabi niya. Kaya kinagigiliwan ng matatanda itong si Son dahil kaya niyang makipagsabayan sa kanila, lalo na sa chismisan. "Subukan mo rin kasi chismisan ang mama mo." Tipid niya akong nginitian.
Ang ngiti ko naman ang nawala at napaiwas ng tingin sa kaniya. I felt uneasy dahil nabuksan ang topic na 'yan, nakakabigat sa pakiramdam. Kaya naman mukhang na-guilty siya sa sinabi niya at magsasalita pa sana pero inunahan ko na.
"Oh siya, thank you sa paghatid! See you bukas sa univ!" Kumaway muna ako sa kaniya bago ako pumasok sa gate namin. Siya naman ay naglakad na paalis para umuwi.
Napahinga naman ako nang maluwag dahil hindi ako sigurado kung may ulam ba kami ngayong hapunan o sapat ba kung sasalo pa siya. Inaya ko lang talaga siya dahil nakakahiya naman kung hindi. Natawa pa ako sa naisip ko pero naalala kong mag-isa lang ako rito kaya pinigilan ko, baka may makakita at akalaing na-boang na ako.
Pumihit na ako patalikod at papasok na sana ng bahay nang nakasalubong ko naman si Leigh, palabas at bihis na bihis pa!
"Ate, nakauwi ka na pala!" gulantang siya nang nadatnan niya ako sa tapat ng gate. Mayroon pa siyang dalang bag na nakatago sa likod niya!
"At saan ka naman pupunta?" Sumandal ako sa frame ng gate at humalukipkip. Nang napatigil siya'y tumaas ang kanang kilay ko—halos umabot na sa hairline.
"Ah...eh, p-pupunta ako kila Jane para gumawa ng project." Hindi mapakali ang mga mata niya at kung saan-saan tumingin. "Pinayagan naman ako ni mama." Ngumuso pa siya, akala naman niya epektibo.
"Eh ako, pinayagan na ba kita, hmm?" Humakbang ako palapit sa kaniya kaya siya napaatras. Akala mo naman sasabunutan ko o sasampalin! Kurot lang.
"Uh...akala ko kase late ka ulit uuwi ngayon kaya hindi na ako nakpagpaalam."
"Bakit hindi ka na lang nag-text?"
"Wala akong load, pengeng bente." Ngumiti pa siya nang matamis at nilahad pa ang palad.
Napa-iling na lang ako bago ko kinuha ang purse ko para kumuha ng pang-load niya. Dapat ko siyang bigyan para wala siyang dahilan para hindi sumagot sa mga text ko mamaya. Dinahilan na niya kase iyon noong unang beses siyang ginabi ng uwi, akala naman niya naniwala ako.
"Siguraduhin mong project 'yan, ha." Inabot ko sa kaniya ang bente.
"Oo naman ate! Kailan ba ako nagsinungaling sainyo?"
"Gusto mong i-enumerate ko pa?" Pinanlakihan ko siya ng mga mata at tinaas ang mga daliri ko, handa na siyang kurutin. Ginigigil talaga ako ng isang ito eh, makukurot ko na talaga!
"Mauna na ako, ate! Bye!" Mabilis siyang lumabas ng bahay para makaiwas sa kurot ko, muntikan pang nasubsob nang di napansin yung bakal sa gate.
Napailing-iling na lang ako at naabutan kong nakaupo sa lapag si Sabel at gumagawa ng schoolworks. Habang si ate Bianca naman ay nanonood ng TV habang buhat-buhat ang tulog na si Baby Micoy. Masyado silang busy at hindi na ako napansin kaya tuloy-tuloy na lang akong pumasok at tumuloy sa kuwarto namin.
Pagkapasok ko ay nakita kong gulo-gulo pa ang mga damit ni Leigh doon sa cabinet niya, nangalkal pa ata ng magandang damit. Project pala, ha? Yung babaitang iyon, hindi na natuto. Makukurot ko na talaga siya pag umuwi siyang may dala-dala na namang maraming paperbag ng mga damit.
Nahilot ko na lang ang sentido ko at umiling-iling bago sinara ang cabinet. Pagkatapos ay ang sa akin naman ang binuksan ko para kumuha ng pamalit at tsaka ako nagbihis. Nang nakapagbihis ay lumabas na ako ng kuwarto para magluto ng hapunan kung wala pang nakahanda. Minsan kase ay hindi nakakapagluto si Ate Bianca dahil laging umiiyak si baby at mahirap siyang patahanin at patulugin.
Nang nakita kong nakapagluto siya ng tortang talong at ginisang sardinas, tapos nakapagsaing na rin, sinamahan ko na muna sila sa sala. Gusto ko sanang makipaglaro kay Baby Micoy pero tulog na siya at ayaw ko naman siyang gisingin dahil mahirap na siyang patulugin ulit. Tsaka pag kase masama gising niya, lahat kami mapupuyat dahil siguradong hanggang madaling araw siyang ngangawa. Mahilig kase siyang guluhin at asarin ni Sabel at Leigh noon, kaya ayon bangag akong pumapasok sa school. Mga pisteng yawa kase.
Nang nainip ako sa palabas ay niilabas ko na lang cellphone ko at binuksan ang mobile data para tignan kung nag-reply na ba sa chat ko si Tita Macey. Noong isang araw pa ako nag-chat para sana mangutang para sa pagpapagamot ni mama. Ang sabi naman niya ay sabihan lang namin siya kung kailangan namin ng pera dahil tutulong siya. Siguro ay busy lang kaya hindi pa niya nagawang tumugon.
Pero pagkabukas ko ng data ay iba ang tumambad na notification sa akin.
Luigi Vasquez sent you a friend request.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top