08: Unnameable

CHAPTER EIGHT
Unnameable

"Sana nag-enjoy kayong lahat," sabi ni Ma'am Ria na kababakasan ng tuwa. Hinarap namin siya na siyamg nahuling lumabas mula sa bus na siyang sinakyan namin pauwi, maliban sa driver siyempre na dadalhin sa parking space ng CIU ang bus na sinakyan namin. Nandito kami sa parking lot ng Crest International University ngayon at mga uuwi na matapos ang get-together naming buong org.

"Mag-iingat kayo pauwi, ha? Sa mga magmamaneho, doble ingat," paalala niya sa lahat. Hindi na ako nagulat pa nang tunghayan ako ng tingin ni ma'am at masuyong nginitian. "Thank you, Bliss. Hindi mo alam kung paano mo napasaya ang buong org sa desisyon mo."

Binigyan ko siya ng tipid na ngiti. "Salamat din po sa inyo at sa efforts niyo po. Lalo na rito." Itinaas ko ang hawak kong patong-patong na puzzle na siyang ibinigay nila. Balak ko na bumili ng mga frames na kakasya para sa mga puzzle na natanggap ko mula sa kanilang lahat.

Si Devyn naman ang may dala sa mga gamit ko. Mapilit din kasi siya, e, ako naman kasi ang magdadala sana kaso inagaw niya bigla sa akin. Mabuti na lang talaga at tuwing martes ang klase naming mga regular students kaya okay lang na inabot kami ng lunes sa get-together namin.

"Sige na, sige na. Magsiuwi na kayo at ng pare-pareho na tayong makapagpahinga," sabi ni Kuya Gio habang sumesenyas pa na parang tinataboy kami.

Nagsisimula nang sumakay sa mga kani-kaniyang sasakyan at sundo ang mga kasamahan namin. Maging sila Kuya Gio ay umalis na rin hanggang sa naiwan na lang kaming apat nila Isa, Kervin, Devyn at ako sa parking lot.

"Kervin," tawag ko kay Kervin nang humarap siya sa gawi namin ni Devyn.

Nasa tabi niya si Isa na nakapako ang tingin sa akin habang nakangiti, ngunit mahahalata na sadyang hindi niya binabalingan ng tingin ang lalaking katabi ko. Gusto ko siyang kausapin tungkol sa kalagayan niya. Kung okay lang ba siya o kung may maitutulong ba ako para mabawasan ang mga bagay na bumabagabag sa kaniya. Alam ko at nararamdaman ko na apektado pa rin siya sa presensya ni Devyn.

Hindi ko lang siya magawang kausapin pero sa pagkakakilala ko sa kanya, siya ang kusang lalapit sa'yo kung gusto niyang pag-usapan ang isang bagay. At kailangan ko siyang intindihin sa parte na 'yon lalo na kung hindi pa talaga siya handa na magsalita. Kailangan ko siyang hintayin hanggang sa handa na siyang ibahagi ang mga nararamdaman niya.

"Tara?" anyaya ni Kervin sa amin. "Sabay-sabay na tayong apat."

"Hindi na, Kervin." Binalingan naming lahat si Isa. "Magtataxi na lang ako. Masyadong malayo kung lahat kami ay ihahatid mo."

Totoo ang sinabi niya. Kami kasi ni Kervin ay panorte ang destinasyon habang siya naman ay sa timog kaya hindi malabo na dumoble ang oras na gugugulin namin bago kami makauwi. Kung ako lang ang kailangan niyang ihatid ay okay lang dahil iisa lang naman ang destinasyon namin talaga. Pero hindi naman namin puwedeng pabayaan si Isa nang basta na lang.

"Tatawagan ko na lang si Kuya Sonny para magpasundo. Sigurado naman ako na nasa bahay lang siya ngayon," singit ko. Naagaw ko ang atensyon nilang lahat kaya ang paningin nila ay nasa akin na ngayon.

Mabilis na umiling si Isa bilang pagtanggi. "Okay nga lang ako. Puwede naman akong mag-taxi na lang pauwi," natatawang tutol niya.

"Wala ka bang dalang sasakyan o motor?" singit ni Devyn sa usapan na kanina pa tahimik.

Gusto kong lingunin si Devyn pero nakuha ni Isa ang buong atensyon ko nang hindi man lang niya tinapunan ng tingin ang lalaki kahit na siya ang kinakausap nito.

Nakapako pa rin ang paningin niya sa akin nang sumagot siya sa tanong ng lalaki. "Wala. Nag-pahatid lang ako papunta rito," tensyonadong sagot niya.

"Sige na, Kervin," wika ko na nagpawala sa tensyon ni Isa. "Ihatid mo na lang si Isa at magpapasundo na lang ako kay Kuya Sonny." Binalingan ko si Devyn. "Ikaw? Sa'n ka?"

"Sa bahay namin siya umuuwi, Aud." Umarko ang kilay ko kay Kervin na ngayon ko na lang ulit nagawa. Tama ba ang pagkakarinig ko? Nakita ni Kervin ang reaksyon ko kaya bahagya siyang natawa. "Will talk to you later. Isabay mo na lang din si Devyn."

Naglakad siya papunta sa sasakyan niya at inilagay sa back seat ang mga gamit niya at ni Isa. Habang nakatingin lang naman kami ni Devyn sa kanila.

"Mauna na kami. Thank you talaga at pumayag ka, Bliss." Niyakap ako ni Isa ng mahigpit.

"Thank you rin sa'yo at sa efforts niyong lahat." Gusto ko man siyang gantihan ng yakap ay hindi ko magawa dahil sa hawak ko. Humiwalay siya sa akin at binigyan ako nang magaan na ngiti. Nahuli ko pa siyang pasimpleng sinulyapan si Devyn bago tumalikod at sumakay sa sasakyan ni Kervin ng may pagmamadali.

Lumapit sa akin si Kervin at niyakap din ako. "Magkikita pa tayo, Kervin," natatawang sabi ko.

"I know. Baka gusto mong daanan si Kuya sa bahay? Para naman gumaling agad ang isang 'yon. Siguradong hinahanap ka no'n para magpa-baby," sabi niya at sinundan ng nakakalokong tawa.

"Baliw ka. Pero daanan ko na rin siya dahil doon din naman ang punta namin." Wala naman talaga sa plano ko ang puntahan si Kuya Ken pero wala rin namang masama dahil doon din ang destinasyon namin ni Devyn.

"Sige na. Mauna na kami sa inyo."

Humalik muna siya sa pisngi ko bago kami tinalikuran ni Devyn. Pinanood ko muna silang makaalis bago ako tumawag kay Kuya Sonny. Ibinaba ko sa ibabaw ng nakaparadang sasakyan ang hawak ko at tumawag sa kaniya. Mabuti na lang talaga at nasa bahay siya ngayon. Sinabihan niya ako na papunta na siya kaya naghintay na lang kami na masundo niya kami.

"Gusto mong umupo muna?"

Nilingon ko si Devyn na nakasandal sa pader, bitbit pa din niya ang mga gamit naming dalawa. Napakamot ako sa pisngi sa ilang. Ako kasi ang nahihirapan para sa kanya. Alam ko naman kasi na hindi magaan ang mga gamit namin kapag pinagsama lalo na at may tent pa siya na dala at hawak niya ang gitara sa isang kamay.

Tapos ako, itong mga puzzle lang ang dala na wala pa sa 1/4 ng bigat ng dala niya. Display na naman ang ganap ko. Hays.

"Ibaba mo muna ang mga bitbit mo. Kanina mo pa buhat 'yang mga 'yan," suhestiyon ko na hindi na naitago pa ang pag-aalala. Simula pa kasi ng dumating kami rito ay hindi niya na binibitawan ang mga hawak niya. "Halika."

Humawak ako sa laylayan ng puting shirt niya para hilahin siya papunta sa waiting shed sa labas ng university. May upuan doon na nasisilungan ng bubong kaya puwede kaming tumambay sandali habang naghihintay ng sundo. Ang kaso ay limang metro ang layo no'n sa exit ng parking lot.

Hindi na ako nag-isip pa at basta na lang siyang hinila sa palabas ng parking lot. Nakipagngitian ako ng tipid sa dalawang guards na bantay. Hindi na rin ako nag-aksaya ng oras na ilabas ang payong niya kahit na maaarawan kaming dalawa sa dadaanan namin. Mabilis na naglakad na lang ako habang hila pa rin siya sa shirt niya.

Bakit ba naman kasi hiwalay na building ang parking lot, e. Para siyang mga parking lot sa mall na ilang palapag din. Mayayaman kasi ang mga nag-aaral at ang mga faculty at iba pang staff kaya hindi nakapagtataka na malaki ang parking lot na kailangan ng Crest International University.

"Run," sabi ni Devyn, nasa boses niya ang pag-aalala. Nilingon ko siya nang nagtataka, hindi nagawang masundan ang sinabi niya. "You're on your shirt. You have nothing to cover your skin. So, run," pagpapaalaka niya.

Tama siya. Naubos kasi ang long sleeves na dala ko kaya t-shirt na lang ang sinuot ko. Bumuntong hininga muna ako bago sinunod am utos niya at tumakbo papunta sa waiting shed at iniwan siya. Nang makarating doon ay tiningnan ko lang siya na maglakad papalapit sa pwesto ko.

Pero maling desisyon ang tingnan siya habang naglalakad sa ginta ng araw. Hindi ko alam kung saan ibabaling ang paningin ko pero hindi ko rin naman gustong alisin ang mga mata ko sa kanya. Posible ba 'yon? Pinagmasdan ko siyang maglakad sa ilalim ng araw habang papalapit sa direksyon ko. Napalunok ako ng mapagtanto kong sumugod na naman sa loob ng ribcage ko ang isang dosenang hyper na kuting at doon pinili na magrambulan.

Para siyang ramp model sa paraan nang paglalakad niya na simple lang naman talaga kung tutuusin pero dahil makulit ang utak ko ay nakagagawa siya ng iba't-ibang senaryo sa utak ko. Nagmistulang ramp stage ang nilalakaran niyang daan na semento lang naman. Mas lalo siyang naging gwapo sa paningin ko nang hipan niya pataas ang buhok niya na tumatabing sa mga mata niya. At sa simpleng galaw na 'yon ay muling tumibok ng mabilis at malakas ang puso ko.

Hanggang sa makarating na siya sa harapan ko ay nakapako pa rin ang paningin ko sa kanya. Gusto kong magsalita pero parang may nakabara sa lalamunan ko na pumupigil sa akin na makapagpahayag ng kung ano.

"A-ano..." Nagkamot ako ng pisngi at pinilit ang sarili ko na magbaba ng tingin mula sa kanya. "Ano... ibaba mo muna ang mga hawak mo."

"Okay ka lang?" nag-aalalang tanong niya.

Napatingin ulit ako pero agad ko ring binawi nang mabungaran ang mukha niyang ilang pulgada na lang ang layo sa akin. Kailan pa siya naging ganito kalapit? Gusto kong umatras pero nasemento na ata ang paa ko sa lupa at hindi ko na maigalaw. Naiilang ako pero kakatawang nagugustuhan ko rin ang mapalapit ng ganito sa kaniya na tipong bumabalot na sa akin ang init ng katawan niya.

Pinanood ko siyang isa-isang ilagay sa bench ang mga dala niyang gamit. Isang dangkal na lang ang layo niya sa akin at hindi na rin biro ang mabilis na pagtibok ng puso ko. Pasimpleng humawak ako sa parte ng dibdib ko kung saan ramdam na ramdam ko ang pagkabog ng puso ko.

"Gusto mong tubig?" alok niya.

Umiling ako bilang pagtanggi kasabay nang pasimpleng paghakbang ko paatras para lumaki ang distansya naming dalawa. Sa wakas at nakisama na rin ang paa ko sa gusto ng utak ko. "Hindi na."

Tinanaw ko ang daan kung saan alam kong dadaan si Kuya Sonny. 30 minutes ang layo ng bahay mula rito kaya nasisiguro kong malayo pa siya. Napatingin ako relos ko. Three thirty na. Hindi ako nagmamadali pero kung ibang tao ang makakakita sa akin ay iisipin malamang ng taong 'yon na nagmamadali ako.

"Nagmamadali ka ba?" tanong niya. See? Kahit siya iisipin 'yon, e.

"Hindi naman." Binigyan ko siya nang tipid na ngiti.

"Umupo ka muna." Itinuro niya ang bakanteng space sa bench na pinaglagyan niya ng mga gamit namin.

"Ikaw na lang ang umupo. Mas pagod ka naman kaysa sa akin." Gumilid ako para bigyan siya ng daan nang makaupo siya. Umiling lang siya at lumapit sa akin. Gustuhin ko mang umatras muli ay hindi ko magawa dahil aatras pa lang ako ay nakalapit na siya sa akin.

Mas dumoble ang bilis nang tibok ng puso ko nang hawakan niya ako sa balikat at bahagyang itinulak paatras para makaupo ako. Katulad nang nangyari sa portable chair niya.

"Alam mo..." Tiningala ko siya nang bumalik na siya sa dating puwesto. Nakasandal na siya ngayon sa pader habang nakapamulsa.

"Hmm? You were saying?"

Wala akong intensyon na lingunin siya dahil ramdam ko pa rin ang init sa mukha ko. Pero nang dahil sa tunog ng gitara niya ay kusang lumingon ang ulo ko para tingnan siya. Nakatingin din siya sa akin habang patuloy na tumitipa ang mga daliri niya sa isang mabagal na musika. Alam ko ang tinutugtog niya sa pagkakataon na ito. A slow version of Just the Way You Are ni Bruno Mars.

Bumaba ang tingin ko mula sa mukha niya patungo sa kamay niya na parang laro lang na tinitipa ang gitara pero ang resulta ay napakagandang musika. Tila tinangay ng hangin ang mga dapat na sasabihin ko at nabalot sa isang mundo kung saan ang musikang tinutugtog lang niya ang naririnig ko. Ngunit tila hindi 'yon sapat. Dahil nararamdaman ko ang lihim na paghahangad na higit pa sa instumentong walang lirikong kinakata.

"Sing," wala sa sariling sabi ko. Napatingin ako sa kanya sa gulat sa sarili kong bibig. Bago ko pa man ako mabawi ay ngumiti na siya sa akin at bahagyang umiling.

"Next time, Bliss Audrey."

Nakaramdam ako ng panghihinayang sa sinabi niya. Gusto ko man siyang pilitin ay mas minabuti ko na huwag na huwag na lang. Mabibigyan pa naman siguro ako ng pagkakataon na mapakinggan ng boses niya na kumakanta.

"Ano 'yong sinasabi mo kanina?" balik na tanong niya.

"Ha?" Mariin na napakagat ako sa ibabang labi ko sa kalutangan ko. I gave myself a mental slap on the back when I showed him how disoriented I was.

Nangingiti lang siyang nagbaba ng tingin sa gitara niya. "May sinasabi ka kanina. Ano 'yon?"

"Ano..." Nag-iwas ako ng tingin sa kanya nang maramdaman ko ang hiya. "Dapat ano..." Nakakahiya! Baka iba ang isipin niya sa sasabihin ko.

"Come on, schön. Tell me."

'Ayan na naman ang tawag niya sa akin na hindi ko naman maintindihan. Hindi ko na lang pinansin ang tawag niya sa akin at inalala ko na lang ang kahihiyan na dadanasin ko oras na sabihin ko na ang sasabihin ko talaga.

"Ano." Bumuntong hininga ako at tiningnan siya nang diretso sa mata. "Gusto ko lang sabihin na dapat hindi ka masyadong gentleman sa mga tao, lalo na sa babae. Kasi ano, baka iba ang maging dating sa kanila ng mga actions mo," nahihiya at mahinang sabi ko ka halos ako na lang ang makarinig. Nakita ko ang unti-unting pagsilay nang ngiti mula sa mga labi niya kaya agad na pinamulahan ako ng mukha. "Don't get me wrong, ha? Wala akong ibang ibig-sabihin," agad na depensa ko.

Nag-iwas ako ng tingin at saktong natanaw ang pamilyar na sasakyan namin kaya mabilis na tumayo ako sa pag-aakalang hindi na siya magsasalita pa. Nakatalikod na ako sa kanya nang maramdaman ko ang presensya niya malapit sa likod ko. Ang natural na mabangong amoy niya ay agad na nanuot sa ilong ko at ang init ng katawan ay agad na dumikit sa katawan ko.

"Huwag kang mag-alala dahil hindi ako gentleman sa lahat ng tao. Sa mga taong gusto ko lang," mahinang bulong niya malapit sa tainga ko.

Nakaramdam ako ng munting kiliti sa iba't-ibang parte ng katawan ko nang tumama ang mainit na hininga niya sa likod ng tainga ko sa ginawa niyang pagbulong. Kahit nakatalikod ako at hindi makita ang reaksyon niya ay ramdam kong seryoso siya sa sinasabi niya.

Nanuyo ang lalamunan ko sa narinig. Mas nahigitan pa ang kanina nang mabilis na tibok ng puso ko at mas binaliw ang isip ko. Ayaw kong lagyan ng kahulugan ang mga salita niya dahil alam kong wala namang ibang ibig-sabihin ang mga sinabi niya. Mabuti siyang tao at hindi ang isang katulad ko lang ang nababagay sa kaniya.

Hindi na ako sumagot hanggang sa dumating si Kuya Sonny at tinulungan si Devyn na ipasok sa trunk ng sasakyan ang mga gamit namin maliban sa mga puzzle na hawak ko pa rin.

"Kuya, sa bahay tayo nila Kervin. Doon bababa si Devyn," sabi ko nang magsimula nang umandar ang sasakyan. "Daan muna po pala tayong Downtown kuya, bibili lang po ako ng mga frame."

Nakita ko naman ang tango niya. Downtown is a place where you can buy art materials for a cheap price. Ang alam ko kasi ay may mabibili doong mga picture frame. Kaunti lang naman siguro ang mga tao ngayon dahil lunes din.

"Lalabas ka?" tanong ng katabi ko.

Nilingon ko si Devyn na hawak pa rin ang gitara niya. "Oo." Bumaba ang tingin ko sa mga puzzle na hawak ko. "Bibilhan ko ng frame ang mga 'to para pwede kong i-display sa bahay."

"Ako na lang ang bibili," sabi niya na ang tono ay walang lugar para sa pagtutol ko. Umiling ako bilang pag-kontra sa sinabi niya. "Ako na. Saglit lang naman 'yon. At para hindi ka maarawan."

Hindi iisang beses na nagulo ang isip ko sa katotohanang may alam siya sa kalagayan ko. Nawala na 'yon sa isip ko kahapon at kanina pero ngayon ay muling bumabalik na naman sa akin. Para kasing ang dami niyang alam sa kundisyon ko.

"Devyn," seryosong tawag ko sa pangalan niya.

Lumingon siya sa akin ng may ngiti ngunit nang makita ang seryoso kong mukha ay nawala na rin ang nginit niya at napalitan nang pangamba. "Bakit? May problema ba?" nag-aalala niyang sambit.

"Wala naman." Nawala ang pangamba sa mga mata niya sa sinabi ko ngunit napalitan nang pagkalito. "Nagtataka lang kasi ako."

"Saan?"

"Bakit pakiramdam ko ay ang dami mong alam tungkol sa kundisyon ko?" seryosong tanong ko.

Pinanood ko ang unti-unting pagkalat ng pulang kulay sa mukha niya na halatang-halata dahil sa may kaputian niyang balat. Bahagya ring nanlaki ang mga mata niya at agad na nag-iwas ng tingin sa akin. Kumunot ang noo ko nang makita kong halos isiksik na niya ang sarili niya sa pwesto niya. Ano na namang problema nito?

"Nandito na tayo sa downtown, hija."

Hindi ko nilingon si Kuya Sonny sa halip ay pinananatili ko ang mga mata ko kay Devyn kaya nakita ko kung paanong nagmamadali siyang lumabas at muntikan pang sumadsad sa lupa. Mabuti na lang at agad niyang nabawi ang kaniyang balanse at agad na nakatayo ng tuwid. Anong problema niya?





"ATE AUDREY!" Sabay na lumapit sa akin si Koby at Klea nang makapasok kami sa sala ng bahay nila.

"Hi Kuya Devyn!" bati ni Klea sa lalaki.

Nasa likod ko si Devyn at dala na niya ang mga gamit niya. Hindi na niya ako ulit pinansin simula nang makabalik siya sa kotse pagkatapos bumili ng mga frames.

Naiintindihan ko siya na hindi. Nakararamdam kasi ako ng hiya na nagmumula sa kanya. Parang nahihiya siya sa akin na hindi ko maipaliwanag. Wala naman akong makitang dahilan para mahiya siya. Dahil ba sa tanong ko sa kanya? Wala namang masama do'n, ah?

"Nasaan si Kuya Ken niyo?" tanong ko sa kanilang dalawa.

"Nasa may pool po, Ate," si Koby ang sumagot.

"Sige. Puntahan ko lang siya, ha?" Tumango sila kaya naglakad na ako.

Nginitian ko ang dalawa mataps ay umalis na patungo sa pool area na nasa likurang parte ng bahay nila. May sakit tapos nasa pool? Dumaan muna ako sa kusina sa pagbabakasakali na makita ko si Tita Crisa. Hindi naman ako nabigo dahil nakita ko siya doon na naghahanda ng mga makakain sa tray.

"Tita?" pukaw ko sa atensyon niya.

Agad na tumingin siya sa akin at para siyang nakakita ng anghel sa katauhan ko. Agad siyang lumapit at ikinulong ang mga kamay ko gamit ang kanya. Alam ko ang dahilan, wala namang iba pa, e. Si Kuya Ken.

"Si Kuya Ken na naman po ba?" natatawang tanong ko.

"Tatanda ako ng walang class lalaking 'yon! Kanina ko pa pinapakain pero hindi nang hindi," kunsuming-kunsumi at nakasimangot na sabi Tita.

Parang hindi siya ang aktres na madalas mong mapapanood sa telebisyon na madalas gumanap bilang kontrabida. Sa totoong buhay kasi ay napakabuti ni Tita Crisa. Madalas siya ang nangunguna sa pagdo-donate ng mga pagkain at gamit sa tuwing may mga lugar na nasasalanta ng kalamidad.

"Ako nang bahala, Tita." Lumapit ako sa tray at ako na ang nagdala no'n.

"Salamat Audrey, ha?" Ngumiti ako bilang sagot. "Nagpapa-baby lang naman 'yon sa'yo. Alam kasi na ngayon ka uuwi."

Tinawanan ko lang ang sinabi niya at tinungo na ang daan papunta sa pool area ng bahay nila. Dumaan ako sa pathway na napapagitnaan ng kusina at ng hagdanan. Sa dulo no'n ay ang pinto papunta sa likod ng bahay nila.

Hindi nawala sa akin ang pagkamangha sa pool area ng bahay nila nang lumabas ako. Kahit ata paulit-ulit ako na pumunta dito ay hindi ako magsasawa. Dalawa ang pool doon, isang pang bata na 3ft lang ang lalim na nasa south part habang ang isa naman ay mas malaki kumpara sa kiddie pool na 6ft ang lalim ay nasa front part. Sa right side ng pool ay ginawang bar kung saan may neon lights pa na bumubuo ng salitang, Villiasis Mini Bar.

Mula sa bar hanggang sa palabas ay puno ng iba't-ibang klase at kulay ng bulaklak ang nakapaligid. Sa left side naman ay may bubong hanggang may nakalagay na lamesa at isang closed cabinet na pinaglalagyan ng mga towels at bathrobes. Sa tuyong parte ay nakalagay ang lamesa at nakahilera ang limang reclining chair na puro kulay itim ang kulay.

Naabutan ko si Kuya Ken sa gilid ng pool na nakaupo sa reclining chair habang balot na balot ng kumot. Bakit naman kasi dito pa tumambay diba?

"Pst," pagtawag ko sa pansin niya pero hindi man lang siya lumingon.

"Ayaw kong kumain, Mom. Mabuti sana kung maisip akong dalawin ni Bliss dito," malayo ang tingin na tugon niya, ang tono ng tampo at panghihina ay naroon.

"Nandito na nga. Ano pang drama mo?" Natawa ako nang bumalikwas siya ng bangon at nanlalaki ang mga matang tumingin sa akin. "Stay seated, Kuya. Kakain ka pa," babala ko nang subukan niyang tumayo.

Pero ano mga ba ang laban ko sa makulit na Ken Villiasis na 'to. Tumayo siya at kinuha sa akin ang dala kong tray at siya na rin ang naglapag no'n sa lamesa sa tabi ng reclining chair na inuupuan niya kanina. Mabuti na lang talaga at pinauna ko na si Kuya Sonny dahil panigiradong magtatagal ako rito. Lalo na at makulit si Kuya Ken tuwing may sakit.

Bumalik siya sa inuupuan niya at muling binalot ang sarili sa makapal na kumot.

"Bakit kasi nandito ka?" Naupo ako sa katabing upuan niya. Pero hinila niya lang ako paupo sa tabi niya at siniksik ang sarili sa gilid ko. Heto na naman siya.

Ilang beses ko na ring nakita na may sakit siya sa tagal ba naman na kilala ko ang pamilya nila. At napapansin ko lang talaga na sobrang clingy niya tuwing nagkakasakit. Hindi ko lang alam kung sa iba rin ba ay ganito rin ba siya kumilos o sa akin lang.

Palagi kasing sinasabi sa akin ni Kervin at Tita na nagpapa-baby nga daw siya sa akin sa tuwing may sakit siya isang bagay na hindi ko mahanapan ng dahilan lalo na at ang sabi sa akin nila Kervin at Tita ay sa akin lang siya nagigin ganito.

"Kumain ka na." Hinila ko palapit ang lamesa para mas madali siyang makakain.

Naramdaman ko ang pag-iling niya. "Ayaw ko. Masakit lalamunan ko," parang batang sumbong niya.

Ilang sandali lang ay pumalibot ang dalawang braso niya sa baywang ko at mas hinapit pa ako papalapit sa kaniya. Bumaba ang ulo niya para isiksik sa leeg ko at doon kuntentong bumuntong hininga na para bang nakahanap siyang lugar para lubusang makapagpahinga.

"Five minutes kuya. After five minutes ay kakain ka na," pinal na sabi ko bago siya ginantihan nang yakap. Ganito naman siya palagi. Yayakap sa akin na parang bata na naghahanap nang kakampi sa tuwing nagkakasakit. Hindi ko rin naman magawang tanggihan dahil 'yon lang ang paraan para mapakain siya at mapainom ng gamot.

Humigpit ang yakap niya at mas sumiksik pa ang mukha niya sa leeg ko. "Bakit ka ba kasi nilagnat ha?" tanong ko habang hinahagod ang likod niya, isang bagay na gustung-gusto niyang ginagawa ko sa kanya.

Naramdaman ko ang pagngiti niya kahit na hindi ko nakikita ang mukha niya. "Hindi ko rin alam. Pagkagaling ko noong isang gabi sa site ay bigla na lang akong nilagnat kinabukasan. Baka sa pagod lang."

"Siguro nga. Magpahinga ka rin kasi minsan at huwag mong inaabuso ang katawan mo."

"Ang sarap pakinggan ng mga sinasabi mo, baby."

Humiwalay ako sa kanya at sinamaan siya ng tingin. "Tigilan mo ako. Kumain kana."

Natatawang sinunod naman niya ang sinabi ko at nagsimula nang sumubo ng lugaw na gawa ni Tita. Pero nahabag ako sa lagay niya dahil hindi niya malaman kung ano ba ang uunahin niya. Kung ang babalutin ba ng kumot ang sarili niya o ang sumubo ng kinakain.

Napabuntong hininga ako at kinuha ang kutsara mula sa kanya. "Ako na."

Tipid nangiti lang ang isinukli niya sa akin habang sinusubuan ko siya. Nakapirmi pa rin ang mga braso niya sa baywang ko kaya medyo hirap akong kumilos.

"Tanggalin mo nga 'yang kamay mo sa baywang ko, Kuya."

"Ayaw."

Mas lalo niya pang hinigpitan 'yon. Hirap man ay pinagpatuloy ko na lang siyang pakainin hanggang sa maubos niya ang lugaw. Matapos ay pinainom ko na rqin siya ng gamot niya.

"Uwi na ako," paalam ko sa kanya dahil malapit nang gumabi at tapos na ako na pakainin siya.

"Mamaya na," nakanguso niya akong tiningnan.

"Malapit ng gumabi. At maglalakad pa ako."

"Ipapahatid na lang kita kay Devyn," pagpipilit niya. "Five minutes na lang, please baby."

"Hindi mo ako baby."

Ngumisi lang siya at hinawakan nang mahigpit ang kamay ko. Hindi ko naiwasan ang ikumpara ang pagkakahawak niya sa kamay ko mula sa pagkakahawak ni Devyn doon kahapon. Wala sa intensyon ko ang ikumpara sila dahil magkaiba silang tao at magkaiba ang ang parte nila sa buhay ko. Pero kusang nagkukumpara ang puso ko at pilit na hinahanap ang mabilis na tibok no'n na kay Devyn ko pa lang naramdaman. Naguguluhan ako kung bakit kailangan ko pang hanapin ang gano'ng pakiramdam kay Kuya Ken gayong hindi naman dapat.

Tiningnan ko siya na nakatingin din sa akin na para bang inaalam ang laman ng isip ko. Ngumiti ako para itago ang kakaibang pakiramdam na hindi ko mahanapan ng dahilan kung bakit ko nararamdaman.

"From now on, don't call me kuya," seryoso niya akong tiningnan sa mata.

"Hindi ko pwedeng gawin 'yon dahil kahit si Kervin ay Kuya ang tawag sa'yo. Parang ang bastos lang diba?" pahayag ko sa opinyon ko.

"Please?" pagpipilit niya, ang kagustuhan niya na huwag ko siyang tawagin na kuya ay buhay na buhay sa timbre ng boses niya. "Sige na, Bliss. Please?"

Nawalan ako nang sasabihin sa naririnig kong intensidad nang pagmamakaawa niya. At hindi ko alam pero pakiramdam ko ay nasasaktan siya sa pagkakasabi niya no'n. Na parang hindi tanggap ng kalooban niya na Kuya ang tawag ko sa kanya, at tila 'yon ang humaharang sa kung anumang kagustuhan niya.

Hindi ko alam kung bakit tila iba ang dating sa akin ng gusto niyang mangyari. Hindi ko lubusang maintindihan kung bakit kailangan kong maramdaman ang takot at kaba sa maaaring dahilan niya sa bagay na hinihiling.

"Fine," sumusukong pagpayag ko, taliwas sa pagkontra na isinisigaw ng puso ko. Isang malalim na hininga ang aking ginawa upang panatagin ang ssriling nararamdaman bago muling nagsalita. "Ken. Happy?"

"Finally!" puno ng galak na turan niya, halos sumigaw na sa sobrang tuwa.

Mahigpit niya ako niyakap at ramdam ko ang kakaibang saya na idinulot sa kanya ng pagpayag ko sa kagustuhan niya. Maaliwalas ang mukha na hinarap niya ako habang ang mga mga ay nagjniningning sa halo-halong emosyon. But there's one that caught my attention. An unnameable emotion that only he can understand.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top