A Screen Away
Denny's note: Hello guys! Nirerepost ko lang ito, nabasa na siguro ng iba sa inyo ang short story na ito sa website ko (haveyouseenthisgirlstories.com) last last month ko pa ata pinost ito, I hope you'll enjoy this short story. This was an old thought I've written sa isang papel, tapos naglilinis ako isang araw at natagpuan ko muli itong lumang papel na pinagsulatan ko nito. I dunno kung bakit hindi ko siya natype at napost dati, I was probably busy. Ohwell :)
---
A Screen Away
Written by HaveYouSeenThisGirL
Si Cloud ay ang pinakamamahal kong boyfriend, mag-4yrs na kami in a few months.
Almost perfect na yung relationship namin, mahal na mahal namin ang isa't isa pero may defect sa relationship namin: long distance relationship kami, nasa America siya. Sabi nila hindi daw nagtatagal ang ganitong relasyon dahil daw magkalayo kayo, pinaglalaban ko naman ito at sinasabing yung magkalapit nga at araw-araw magkasama naghihiwalay, ibig sabihin nun wala sa distansya ang batayan ng pagtagal ng isang relasyon. Malapit nga kayo, ilang kilometro naman ang layo ng damdamin nyo para sa isa't isa. Naniniwala akong magkalayo man kami sa distansya ni Cloud ay may isang bagay na malapit samin --- yun ay ang pagmamahalan namin.
Ang corny ko ba? Haay ganito lang talaga ako kasi mahal na mahal ko siya at sobrang miss ko na siya, 1year and a half na rin kaming magkalayo at ang tanging paguusap lang namin ay sa pamamagitan ng videocall sa internet. Nagkikita lang kami sa harap ng screen, one computer screen away lang kami, parang ang lapit pakinggan pero sobrang layo talaga niya. Yun bang kaharap mo lang siya sa computer screen, kita mo yung ngiti niya, rinig mo yung boses niya pero kapag hinawakan mo yung screen, hanggang dun na lang kayo, hindi mo siya mahahawakan, hindi mo mayayakap kasi may harang. Minsang pakiwari ko mas malaking harang ang computer screen kumpara sa isang pader, kasi ang pader pwede mong sirain para makasama mo yung tao sa kabilang banda pero kapag computer screen ang sinira mo, wala kang makikita sa kabilang banda.
Cloud Perez is now online...
"Online na siya!" automatic na tumaas ang magkabilang gilid ng labi ko at kumorte sa isang ngiti nang makita kong online na siya. Siya lang naman talaga ang dahilan kung bakit ako nago-online ng madalas, kung wala siya boring ang mag-computer. Pangalan niya lang sa contact list ko ang inaabangan kong magkulay "green" o ibig sabihin ay "online".
Cloud Perez is asking for a videocall...
Sinagot ko naman agad ito, nag-loading saglit at pagkatapos ay nakita ko na ang mukhang sauladong saulado ko na mula sa taling sa may baba niya, sa korte ng mga labi niyang manipis, sa ilong niyang medyo pango, sa matataas niyang cheekbones na hilig kong kurutin dati hanggang sa mga mata niyang tuwing pinagmamasdan ko ay pakiwari ko ay nilulunod ako, yung klaseng pagkalunod na hindi ko kelangan ng kahit anong saklolo.
"Baby!!!" nakataas yung dalawang paa ko sa may silya ko habang yakap yakap ko ang mga binti ko ng isang kamay ko at ikinakaway ko naman yung isa.
"I miss you princess!" sabay kiss niya sa webcam, buti pa yung webcam niya nahahalikan. Nakakaselos, nakakainggit, sana webcam na lang ako.
"Miss na din kita, kamusta ka na ba? Kelan ka ba uuwi? Uwi ka na, miss na talaga kita," eto nanaman ako nangungulit sa kanya kahit alam kong hindi naman siya makakauwi pa kasi may financial problems sila ngayon at hindi siya makakabili ng plane ticket at bukod dun busy rin siya sa university, hindi niya pwedeng iwan yun para lang magbakasyon dito, mahal ang binayad nila sa university sa America.
"Baby, alam mo naman na..."
"Oo baby, oo. Alam ko, I'm just kidding," pinutol ko na siya, alam ko naman na hindi talaga pwede, makulit lang talaga ako. Nagbuntong hininga muna ako saglit saka muling ngumiti, "Nako siguro may ibang babae ka na kasi nuh kaya hindi ka makauwi! Hmm! Blonde? Kano? Tsk tsk!"
"Yan ka nanaman baby! Wala akong ibang babae, ikaw lang."
Biro lang yun, lagi ko naman binibiro sa kanya yun. Pero sa kabila ng joke na yun, nandun yung tinatago kong takot at insecurities. Simula ng mapunta siya sa America, I always fear na baka hiwalayan niya na ako at kalimutan, lagi kasing pumpasok sa isip ko na baka makahanap siya ng mas maganda sakin at palitan ako. Sino ba hindi maiinsecure diba kung puno ng mga blonde girls, matatangos, mapuputi at malalaking boobs na babae sa America. Anong palag ng isang plain na probinsyanang tulad ko.
"Baby kasi, miss na talaga kita. Sana nandito ka sa tabi ko ngayon, gusto kasi kitang yakapin. Gusto kong hawakan ang mga kamay mo..."
"Kung pwede lang pumasok at lumabas ng monitor ay matagal ko ng ginawa," lumungkot din ang mukha niya at hinawakan niya yung screen ng computer niya tapos tumingin siya sa webcam at dun nagtagpo ang mga mata namin habang walang siglang nakangiti niyang sabi, "Baby, pwede ka bang higitin mula sa monitor? Pwede bang sirain itong harang na screen na ito? Gusto kita sa tabi ko..."
Pinatong ko din ang kamay ko sa may screen at pinagtapat ang mga kamay namin, ang tigas ng screen kumpara sa lambot ng mga kamay niya nung nahahawakan ko pa ito dati. Nilapat ko pa ang kamay ko sa may screen, sinubukan kong itiklop ang mga daliri ko nagbabakasakaling pwede kong ipasok ang mga daliri ko sa butas ng mga daliri niya pero imposibleng magdikit ang mga kamay namin, bakit parang ang lapit namin, magkatapat na yung kamay namin, magkalapat sa may screen pero hindi ko ramdam... hindi ko ramdam. Naiiyak ako.
"Baby, umuwi ka na kasi! Please..." bumitaw na ako sa may screen, binaon ang mukha ko sa may tuhod ko at niyakap palapit sa dibdib ko ang mga binti ko, niyakap ko ng mahigpit na para bang ito lang ang makakapitan ko dahil pakiramdam ko malalaglag ako sa kalaliman ng kalungkutang ito.
***
Pagkatapos ng videocall na iyon hindi na ulit tumawag ni nagparamdam si Cloud. Nung una inisip ko na baka busy lang siya sa school pero patagal ng patagal nagsisimula na akong mag-alala. Nagmessage ako sa skype niya at sa fb niya pero miski isang reply ay wala akong natatanggap, hindi ko rin siya nakikitang nago-online.
Umabot ng 1 linggo.... 2 linggo....
Nagsisimula na akong mag-alala ng sobra, ayos lang kaya siya? Ano kaya nangyari sa kanya? Kamusta kaya siya? Bakit hindi siya nagpaparamdam?
3 linggo...
Hala, bakit wala pa din? Anong nangyari? Ano ba ginagawa niya? Miss na miss ko na siya, mababaliw ako kakaisip sa kanya. Bakit hindi siya nago-online? Bakit hindi siya nagpaparamdam sakin... anong ginagawa mo? Busy ka ba? Kahit 5seconds lang, mag-hi ka lang sakin...
4 linggo...
Tinanong ko yung isa niyang pinsan na nasa Pinas din, ang sabi nito okay lang naman daw si Cloud pero wala raw itong nababanggit tungkol sa akin, kaka-kausap niya nga lang daw rito kamakailan.
Sobrang nalungkot ako nang marinig ko yun, okay lang pala siya pero bakit hindi niya ako tinatawagan? Bakit ni ha ni ho wala? Uyy, ako buhay pa ako baka gusto mo akong alalahanin? Andito pa ako uy, kamustahin mo ako... please, miss na kita.
5 linggo...
Wala pa din...
Kinalimutan na ba niya ako?
May nakita na ba siyang iba?
6 linggo...
Bakit ganun... anong nangyari, bakit bigla siyang nawala? Nagsawa na ba siya sakin? Sa amin? Pagod na ba siya sa long distant relationship? Hanggang dito na lang ba yung pinaglalaban kong long distant relationship? Hindi na lang ba lugar ang magkalayo ang distansya samin, pati na rin ba mga puso namin ay lumalaki ang distansya sa isa't isa?
Bakit wala man lang warning, yung tipong:
WARNING: Nagsasawa na sayo ang boyfriend mo, i-ready mo na ang puso mo.
7 linggo...
Pinagpalit na ba niya ako? Pinagpalit na nga ata ako.
8 linggo...
Wala na ba talaga? Hanggang dito na lang?
Pwede pa siyang humabol, naghihintay ako...
Ayokong hanggang dito na lang tayo.
9 linggo...
Wala na. Tapos na talaga.
10 linggo...
Hindi na niya ako mahal. Kinalimutan na niya ako.
11 linggo...
Bye bye, Cloud. Pakipadala na lang ng puso ko pabalik dito sa Pinas, nung umalis ka kasi dinala mo sa maleta mo. Paki-balik ng buo ang puso ko, salamat.
Tama nga sila, hindi naman talaga nagwo-work ang long distant relationship. Pinaniwala ko lang ang sarili kong wala sa distansya kundi sa taong nagmamahalan mismo nasusukat ang tatag ng isang relasyon. Hindi ko alam kung anong parte yung masakit, yung nagmahal ba ako o yung umasa ako o siguro both. Ganito pala yung pakiramdam nang basta basta ka na lang iniwan ng taong mahal mo sa ere, biglang bagsak.
***
"Ahh, tapos na rin ako sa research ko!" nag-inat ako at sumandal sa may upuan ko matapos kong mahanap ang mga kelangan kong hanapin para sa assignment namin sa History, papatayin ko na sana yung computer, kinlose ko na yung browser at iko-close ko na sana ang skype ko kaso napatigil ako nang mahagip ko ang pangalan niya, Cloud Perez. Buwan na din ang lumipas simula ng huli naming paguusap, sinubukan kong kalimutan siya tulad ng payo sakin ng mga kaibigan ko, nagpakabusy ako sa school at akala ko nakalimutan ko na siya pero isang tingin ko lang sa pangalan niya, bumalik nanaman ang lahat. Hindi ganun kadaling kalimutan ang taong araw araw ay laman ng isip mo, kasing hirap ng pagtigil sa paghinga.
Sabi ko hindi na ako iiyak pero nararamdaman ko nanaman ang mga luha na namumuo sa mga mata ko, paano ba naman kasi itong araw na ito ay espesyal na araw sana, 4th anniversary sana namin ngayon. Tinitigan ko lang yung screen ko, yung kamay ko nakapatong pa rin sa may mouse, kagat kagat ko ang ibabang labi ko habang nagpipigil ng luha. Siguro nahihirapan akong kalimutan siya kasi hindi siya nagpaalam, wala siyang sinabi, hindi ko narinig sa bibig niya ang mga salitang "tapos na tayo", basta siya nawala, basta ako iniwan at dahil dun mas nahihirapan akong tanggapin kasi may maliit na parte sa puso kong umaasang babalik pa rin siya.
10pm na pero nasa harap pa rin ako ng computer screen ko.... naghihintay.
11pm...
1 hour na lang matatapos na ang araw na ito, bukas panibagong araw nanaman na kelangan kong tanggapin na wala na kami. Inaantok na ako dala na rin siguro ng tahimik kong pagiyak habang hinihintay ko na magonline siya kahit alam kong parang tanga na lang ako sa paghihintay.
11:59pm...
Nawalan na ako ng pag-asa, isa-shutdown ko na yung computer at matutulog na sana ako pero biglang...
Green.
Nag-green ang pangalan ni Cloud Perez. Online siya.
Cloud Perez is calling...
Sobrang nagpanic ako, hindi ako makapaniwala, nakatulog na ba ako kakahintay sa kanya? Nananaginip ba ako? Ang sarap nitong panaginip na ito.
"Baby!!!" sigaw ko pagkasagot ko sa tawag niya, kinuha ko yung headset ko at nilagay sa magkabilang tenga ko.
"Baby... happy anniversary, abot pa ba ako?"
"Baby!!! Oo... abot ka pa... ng 1 minute," naiiyak kong sabi habang madiin kong hawak hawak sa magkabilang tenga ko ang headset ko, nilaksan ko pa ang volume ng todo todo, natatakot na baka biglang mawala yung boses niya, baka hindi ko nanaman siya marinig muli. Hindi ko makita ang mukha niya, hindi kasi siya nag-video call, simpleng call lang pero hindi na mahalaga yun basta marinig ko lang ang boses niya masaya na ako.
"I'm sorry baby..."
"Cloud! Bakit hindi ka nagparamdam ng matagal! Sobrang namiss kita! Akala ko kinalimutan mo na ako, akala ko iniwan mo na ako. Nakakainis ka!" halo halo na ang emosyon ko, feeling ko sasabog ang dibdib ko sa magulong emosyon.
"I'm sorry kelangan ko na ulit mag-offline, nakamobile lang ako."
"Ha?" nagpanic na naman ako, "Mag-o-offline ka na agad?! Ang tagal na natin hindi naguusap tapos anniversary natin, bakit saglit mo lang ako kakausapin?! Cloud..."
"Sorry..."
Hindi na ulit "green", Cloud Perez is now offline...
"Cloud! Hoy Cloud! Gusto pa kitang marinig!" sigaw ko sa may screen pero alam kong walang silbing sigawan ko ang screen kasi hindi naman ako maririnig ni Cloud, hindi makakarating sa kanya ang boses ko. Napasubsob ako sa may lamesa habang umiiyak, "Nakakainis ka! Pinaghintay mo ako ng kapagtagal tapos mago-offline ka lang din agad! Pinaglalaruan mo ba ako! Gusto mo ba talagang guluhin ang puso ko! Kung hindi mo na ako mahal, sabihin mo na lang kasi hindi yung nililito mo pa ako, hindi yung nago-offline ka lang!"
"Sino bang may sabi sayong hindi na kita mahal?" Nabigla ako, teka offline na siya diba? Nag-end na yung call diba? Pero bakit parang narinig ko ang boses niya?
Bago ko pa man malaman ang kasagutan sa mga tanong ko ay naramdaman ko na lang ang mga kamay na nag-angat ng headset ko mula sa tenga ko at naramdaman ko ang mainit na hininga na nanggagaling sa bibig ng taong bumulong sa gilid ng tenga ko.
"Baby, mahal na mahal kita. Happy anniversary, sorry ngayon lang ako, nabago kasi bigla yung flight ko, dapat kahapon pa ako nandito."
Napaangat agad ako ng ulo at mula sa screen nakita ko ang replikasyon niya sa likod ko, lumingon ako at hindi ako makapaniwalang wala na siya sa loob ng screen, nandito na siya sa harapan ko at nakangiti sakin.... Cloud.
"Sorry kung ang tagal tagal kong hindi nagparamdam, sobrang busy kasi ako. May dalawa na part time kasi ako habang napasok ako sa university, kumuha ako ng maraming part time kasi gusto ko kumita at makaipon ng pera para makabili ako ng plane ticket bago dumating ang 4th anniversary natin. Sorpresa ko sana sayo."
Hindi ko alam kung paano siya nakapasok sa bahay ko nang hindi ko namamalayan, pinapasok siguro siya ni mama at hindi sinabi sakin para masorpresa ako pero hindi na importante yun. Tumayo na ako at niyakap ko siya, this time wala ng screen na humaharang samin, ramdam ko na ang init niya, ang lambot niya, amoy ko na ang pabango niya. Hinigpitan ko pa ang yakap ko sa kanya at binaon ko ang mukha ko sa dibdib niya at sinigaw, "Namiss kita!"
- WAKAS -
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top