4
Kung anu-anong username na ang nakalagay sa search history ko sa Instagram pero ni isa ay walang tumamang account niya. "Give up yet?" aniya habang ang tingin ay nasa libro.
"Niloloko mo lang yata ako, eh! Wala ka talagang Instagram!" Inilapag ko na lang ang phone niya saka sumipsip sa aking inumin. Linggo ngayon at niyaya ko siya sa Hisbeans Cafe. Unang labas namin 'to at tulad ng inaasahan, mas nagbo-bonding pa yata sila ng librong binabasa niya kaysa sa'kin.
"Sirit ka na?"
"Hindi, 'no! Ganito na lang, tinatamad na ako hanapin ang account mo. Ikaw na lang mag-follow sa'kin tapos DM mo 'ko. Sabihin mo: Utang mo."
Saka niya lang ako tinapunan ng tingin. Nakataas pa ang kilay! "What? Ang boring naman kung hi lang." Kibit-balikat ko.
"A follow back will do."
"Boring din." Kibit-balikat ko ulit. Hirap naman nito pasayahin. Pero hindi ako susuko hangga't hindi nag-uupgrade ang level ng closeness namin. "It's almost sundown, anong oras tayo aalis?" he opened a topic. Akala ko last talk na naman ako.
Inubos ko na ang inumin at tirang pagkain saka ko na siya niyayang bumyahe. Hindi ko rin alam kung paano pero hindi na ako nahirapang pilitin siyang sumama sa dinner naming magkakapatid ngayon.
Simula no'ng naipakilala ko siya'y madalas na siyang niyayaya ng mga kapatid kong sumama sa amin kapag lalabas kami. Noong mga nauna ay tinatanggihan niya dahil kaylangan niyang mag-aral. Buti na lang at Linggo ngayon.
"Are you done?" Lapit na sa'kin ni Ali habang ako ay hindi pa rin tapos mamili kung anong phone ang bibilhin. Inisa-isa niyang basa sa'kin ang details ng bawat phone na nasa harap ko ngayon. Specs, MB, gigabytes, camera lenses, everything. Pwede niya nang palitan ang nagtitinda rito.
"This one. Mas malaki ang gig." Turo niya sa kulay itim na phone.
"Ayoko niyan. Hindi pink." Nguso ko habang naghahanap ulit ng ibang kulay.
"What?" he said in disbelief. Narinig ko siyang napabuntong-hininga kaya ginaya ko.
"Pink po ba hanap niyo, Ma'am? Mayroon po kami. Ganitong brand din po. Kunin ko lang po." Ngumiti sa akin ang saleswoman saka pumunta sa kanilang stock room.
"Bakit hindi ka nagsasalita? You're looking at the glass for 15 minutes." Kahit naka-mask siya at mahina ang boses ay narinig ko pa rin.
"Galing sa'yong nagsasalita lang kapag tatanungin. Para kang chatbot."
"Okay, parrot." He laughed a little as I just rolled my eyes at him. Mayamaya'y bumalik na ang saleswoman na may dalang pink na phone. Hindi na ako nagdalawang-isip pang bilhin iyon. Matapos ay bumyahe kami ulit at nagtungo na sa restaurant na madalas naming kainan.
"Kuya Ali!" Yakap agad ni Liam sa kanya nang makarating kami. I looked at him and he seemed not used to gestures like this kaya siya mukhang gulat. Gulat din naman ako dahil hindi ako ang unang sinalubong ni Liam! Hinila niya pa ito upang umupo sa tabi niya.
"Congrats on your promotion! Manager ka na! Yabang mo!" Ate Liza greeted Kuya Lei with a cake in her hand. Hinipan ni Kuya Lei ang kandila saka naupo sa kanyang tabi.
"Congrats din sa new phone. Yabang din ng isa r'yan. New Galaxy Z fold! 512 gigabytes pa," parinig naman ni Kuya sa'kin. I made a face and flipped my hair. Well... And our dinner finally started.
Pansin kong ang atensyon ni Liam ay na kay Ali buong gabi. Kahit nang maisipan naming maglakad-lakad sa roofdeck ay silang dalawa ang magkasama. Kaunti na lang ay magseselos na 'ko.
"What level are you on, Kuya?" tanong ni Liam habang abalang may dinudutdot sa phone ni Ali. Nakaupo na sila ngayon habang ako ay abalang kumukuha ng litrato. Shocks! Ang ganda ng bago kong phone, hay.
"You okay?" Rinig ko sa boses ni Ali nang lumapit ito sa'kin. Dahilan din kaya naitigil ko saglit ang pagkuha ng litrato ng kalangitan.
"Oo naman. Bakit?"
"You seemed a little too quiet."
"Huh, bakit? Miss mo ba kaingayan ko?" biro ko at muling itinutok ang camera sa langit upang kuhaan ang buwan.
"No. Just a concern citizen. Baka may problema ka kaya ka lang tahimik." He shrugged.
"Busying-busy kayo ni Liam. Alangan namang guluhin ko kayo. Besides he seems to be enjoying your company. Inagawan niya nga lang ako ng kaibigan." Tingin ko sa gawi ng aking kapatid na abalang naglalaro sa phone ni Ali.
"He's smart."
"Mana sa'kin."
Tumawa lang siya, halatang hindi sumasang-ayon. Niyaya ko na lang siyang mag-picture. He didn't look at the camera pero naka-peace sign siya. Black cap and mask hiding his face making him look a little mysterious. May ibang kuha naman na kita ang ngiti ng mga mata niya.
Nang tignan ko na iyon sa gallery ay mukha siyang artista na nakasalubong ko sa daan tapos mukha akong fan na nagpa-picture! Isa-isa ko iyong ini-swipe hanggang sa makapili na 'ko ng ilalagay sa Instagram story. It was just a stolen shot of Alistaire during dinner when I was testing my phone's camera.
@lexilinediaz: "Saved."
⚖️
"Kaylan ka lilipat sa condo ni Alistaire?" tanong sa akin ni Ate Liza habang tinutulungan akong ligpitin ang iba kong gamit. Noong gabing nag-dinner kami ay nabanggit ko kay Kuya Lei na gusto kong mag-dorm. Aleeza offered me a space since her roommate left. Sayang naman. Maganda rin dahil malapit sa university. Malapit din kay Ali.
Payag naman sila Kuya, but then, surprisingly, he offered me to live at the condo. Imbis na gumastos ako, doon na lang daw ako sa kanya. Practical kaya mas lalong pumayag itong dalawang nakakatanda sa'kin.
"Sa Linggo ng umaga," sagot ko kay Ate Liza nang maisara ko na ang pangalawang maleta ko.
"Ngayon pa lang ay miss ka na agad ni Liam."
"Sus, baka si Ali ang miss niya. Ilang araw na silang hindi nagkikita matapos no'ng dinner natin kasama siya."
"Uuwi ka naman dito paminsan-minsan, 'no?"
"Oo naman. Grabe, Ate! Hindi naman ako mag-aabroad!"
"Dapat lang talaga na umuwi ka minsan dahil mamimiss kita."
"Talaga?"
"Oo. Mawawalan na kami ng dishwasher, eh," gago niyang sabi. Mahina ko na lang siyang tinulak. Mayamaya'y nagpaalam na rin siya sa'kin dahil papasok na siya sa trabaho. Isa nga pala siyang teacher ng elementary sa public school.
Inilibot ko ang aking paningin sa kwarto at kaunti na lang ang gamit na natitira. Para akong nag-alsabalutan sa dami ng kahon na nakahelera na sa gilid. Kumuha ako ng walis at dustpan upang simulan na sanang maglinis nang mag-vibrate ang phone ko.
@staireraej sent you a message request.
Napatakip ako ng aking bibig nang makita ko ang display picture. Takteng username 'yan! Nakakabulol sabihin! Binuksan ko na ang conversation namin at mayroong picture doon. It was a stolen shot of me taking pictures of the night sky at the roofdeck.
@staireraej:
liam took it. found it in my gallery
youre welcome
:)
I accepted the message request. Nang maging okay na't gulat akong nakitang nagta-type siya ro'n.
@staireraej: btw utang mo haha
@lexilinediaz: gAGO HAHAHAHAHA
Malakas akong tumawa. Sumandal ako sa pinto habang nakaipit ang walis sa aking braso dahil nagta-type ako muli. Hanggang sa nagtuloy-tuloy na ang aming usap, saka ko lang napansin na hindi lumitaw ang pangalan niya sa notification ko. Hindi niya 'ko finofollow. I clicked his account and it was private.
Hindi mahilig magsalita. Puro libro. Laging busy. Laging naka-facemask kapag lalabas. Walang social media account maliban sa Instagram niyang naka-private. Grabe, parang gini-gatekeep niya ang sarili niya.
@lexilinediaz: bakit hindi mo ko finofollow?
@staireraej: diba sabi ko pag nahanap mo acc ko follow back kita. eh hindi mo naman nahanap :p
@lexilinediaz: wow celebrity ka ba
@staireraej: :P
Napailing na lang ako at ako na ang nag-first move. Mabilis niya lang iyong in-accept at nakita ko na agad ang kanyang Instagram feed. Puro babasahin, iilang mirror shots, night drives, picture nila ni Dox at ng isa pang hindi ko kilala. May iilang pictures din siya na mata niya lang ang kita. His feed looks so clean.
Well, since the very first time I stepped inside his condo, I know he is a very organized guy.
⚖️
Dumating ang araw ng Linggo at sinundo niya na ako sa bahay. Parang kalahati ng kwarto ko ay nasa na loob ng sasakyan niya ngayon. Ayaw pa siyang bitawan ni Liam. Kapag nandito talaga si Ali ay parang nakakalimutan niyang kapatid niya 'ko!
Sinubukan ko siyang patahanin pero hindi ako effective. But when Ali tried to comfort him, he stopped crying. Unbelievable! Anyway, on the brighter side, it means he really likes him. I know Liam. Hindi niya kinakausap o masyadong pinapansin kapag hindi niya gusto ang isang tao. Grabe ang magnet niya kay Ali kapag nasa paligid siya!
Kumaway ako sa kanilang lahat. Akala mo naman ay mag-iibang bansa ako. "Take care! I'll visit soon!" malakas kong sambit sa kanila bago ko tuluyang isara ang bintana ng kotse. Huminga ako ng malalim at napatingin kay Ali na seryosong nagmamaneho. Hindi ko maiwasang isipin kung paano kaya kami sa iisang bubong.
"Where do you want to eat?" tanong niya na habang abala akong pinapasadahan ng tingin ang bawat kainan na makita. Sa sobrang excited ko kanina ay hindi na ako kumain ng almusal.
"Uhm... Kumakain ka ba ng samgyup?"
"Only heard about it but never tried it."
"Gano'n ba?! Iyon na lang ang kainin natin!"
Tipid siyang tumango. "Do you know a place?"
"Sa mga mall, mayroon."
"Mall, then."
Bilis niya kausap, ah? Mukhang gutom na rin. Nang makakita na kami ng kakainan ay pinark niya na ang kanyang sasakyan. I took the lead to order for us. Tuwang-tuwa ako dahil mura lang ang presyo. Unli kimchi at cheese pa!
"Tikman mo, masarap!" Alok ko sa kanya ng kimchi. Kukunin niya sana iyon gamit ang kanyang chopstick pero mahina kong hinawi. "Isubo mo na 'to, baby. Here comes the airplane. Weee!"
Nakataas lang ang kanyang kilay habang nakatingin sa'kin nang tuluyan niya ring kainin ang nasa chopsticks ko. The moment the kimchi reached his mouth, naubo siya agad at uminom ng tubig.
"Hindi mo bet?" Nguso ko.
"M-maanghang lang." Pilit niyang pinipigilan ang kanyang ubo. "Pero masarap naman." Angat niya ng kanyang hinlalaki. Hindi ko tuloy sigurado kung totoo bang nasarapan siya o napipilitan lang siyang sabihin iyon para hindi ako malungkot.
"Hindi ka ba mahilig sa maanghang?"
"Obviously."
"Sabi ko nga." Kumuha na lang ako ng pork at sinimulang lutuin habang siya'y abalang tinitikman ang bawat side dish, except for the kimchi of course. Para siyang na-trauma ro'n. Guess like there's plenty for me, then.
"Alistaire!" Sabay kaming napalingon nang marinig namin ang boses na iyon — si Dox. Umapir ito sa kanya at gulat naman nang makita ako. "Ikaw 'yon, 'di ba?" Turo nito sa'kin.
"Huh?"
"Iyong babaeng sinugod namin sa ospital. Iyong nabubog?"
"Ah, ako nga 'yon. Hindi ka nagkakamali."
"Himala, Ali! Lumabas ka ng condo mo. Ngayon lang kita nakita sa galaan, ah!" Balik niya ng atensyon kay Ali na abalang kumakain.
"And why are you here even?"
"May bibilhin ako pero nakita kita rito. Stopping by won't hurt my time."
Hinayaan ko silang mag-usap dahil parang sampung taong hindi nakita ni Dox si Ali. Abala ako sa pagluto at pagkain nang may dumating na isa pang lalaki. Kaunti na lang ay matutuwa na 'ko dahil may kasama kaming uubos ng leftovers mamaya! Iyon pa naman ang challenging part.
"Yvo! Buhay ka pa pala!" iyon agad ang bungad ni Dox sa kanya.
"What happened to you?" tanong naman ni Ali nang makaupo na ang kaibigan nila sa tabi ko. Mukhang hindi yata ako napansin. Sabagay, sa liit ko ba namang 'to...
"Oo nga! Tagal mong 'di nagparamdam, ah," sabi muli ni Dox.
"What's that on your face?" Turo ni Ali.
"Long fucking story na alam kong hindi niyo paniniwalaan." Haplos niya sa kanang pisngi. Mayamaya'y nalingon niya na ako. Nginitian ko lang siya dahil may laman ang bibig ko at hindi ko siya mabati.
"Are you—"
"Lexi." I offered my hand for a shake right after I swallow my food. "Nice to meet you, Yvo."
"Kilala mo 'ko?"
"Narinig kong binanggit ang pangalan mo kanina. Ano nga pala ang sasabihin mo? Sorry, I interrupted you."
Napatingin siya kay Ali bago magsalita. "Ah, wala." He forced a smile. Tumango-tango na lang ako saka inalok siya ng samgyup. Hindi na siya pwedeng tumanggi dahil nakaupo na siya sa tapat nito. Bawal tanggihan ang grasya!
Nagpatuloy ang usapan nilang tatlo. Pansin kong hindi rin masalita si Ali sa kanila at kaunti na lang ay aawardan na siya ng best listener of the year. "Astig no'n. Naging tatay ka bigla nang wala kang ginawa. Plot twist, bro!" Malakas na tumawa si Dox habang si Ali ay nagpipigil.
"Anong pangalan? May kilala rin akong buntis ngayon. Baka siya 'yon," sabi na naman ni Dox. Ang daldal niya. Siguro kung dalawa kami ang magkausap ay manunuyo lalamunan namin kakasalita.
"Ayokong sabihin. Baka ipagkalat mo."
"Hoy, simula elementary magkasama tayo. May natatandaan ka bang trinaydor kita? Baka tulungan pa kita sa problema mo, eh!"
"Kapag kumalat 'to, ikaw una kong sisisihin, ah."
"Go!"
"Her name's Jacqueline," he sounded hesistant but, "Mariella Jacqueline."
Saka nawala ang atensyon ko sa pagkain at nalipat kay Yvo nang banggitin niya na ang pangalan. Gulat akong nilingon siya. "Lexi? What's wrong?" tanong sa akin ni Ali dahilan para mapatingin din sa akin ang dalawa.
"Kilala ko ang binanggit mo," sabi ko kay Yvo. "Silva ba ang apelyido?"
Tumango siya.
"Kaibigan ko 'yon. B-buntis siya?"
"She's already two months pregnant. You didn't know?"
Mabilis akong umiling habang unti-unti nang nakakaramdam ng bigat sa dibdib. Wala siyang kahit anong binabanggit sa aming lahat. Ibig sabihin ba no'ng gabing nag-inom kami noong birthday ni Kei ay nagdadalang-tao na siya?
"Please, don't be mad at her. She's going through a lot."
"I'm not mad and I understand..."
"Don't worry, I'll try my best to take care of your friend."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top