7
WALA nang salita ang namutawi sa bibig ni Lea nang simulan na nila ang paglalakad patungo sa likod ng parte ng Araneta. Hindi niya halos mapagkasya sa anumang bahagi ng kaniyang utak na kasama niya ngayon ang isa sa miyembro ng Westlife na si Mark Feehily.
Hindi rin mawala sa kaniyang isip ang sinabi ng binata na bibigyan umano siya nito ng VIP ticket kapalit ng ilang kondisyong wala pa siyang kaalam-alam. Kung ano man iyon ay hindi muna niya iniisip. Mas nakatuon ang atensiyon niya sa ipinangako ni Mark na VIP seat na walang pagdadalawang-isip niyang tatanggapin.
“MA’AM, hindi po kayo puwede rito.” Napatigil sa paglalakad si Lea nang harangin siya ng sekyu na nagbabantay sa isang lagusan papasok sa Araneta. Si Mark ay nauna nang nakapasok. Nauna itong naglalakad kaysa sa kaniya.
“P-Po?” pakurap-kurap na tanong ng dalaga. “Pero...”
“Ma’am, pasensiya na p—”
“She’s with me.” Kapwa napalingon sina Lea at ang sekyu sa nagsalita. Si Mark. Walang ano-ano’y ginagap ng huli ang isang kamay ni Lea na ikinatalon ng puso ng huli.
Uminit ang pisngi ng dalaga. Hindi niya alam kung saan niya itutuon ang pansin. Kay Mark ba o sa kamay nilang magkahugpong. Ang tangi niyang alam ay napakabilis ng pagririgodon ng kaniyang puso sa pagkakataong iyon. Gusto niyang magpapiging ora mismo!
Nang makapasok sa isang silid ay saka lamang pinakawalan ni Mark ang kamay ng dalaga. Nanghinayang pa ang huli. Gusto nitong magtagal pa ang paghahawak-kamay nila ng isa sa mga iniidolo pero inunahan siya ng hiya.
Inilibot ni Lea ang paningin. Bumungad sa kaniya ang napakalaking salamin sa loob. Sa isang parte noon ay may open cabinet na may nakasabit na mga damit. Pamilyar ang dalaga sa mga iyon dahil iyon ang isinusuot ni Mark sa mga nakaraang konsiyerto nila. Iyon din marahil ang isusuot ng binata sa pagtatanghal mayamaya lamang.
“Here. Eat some snacks.” Natigil ang pag-oobserba ni Lea sa paligid nang abutan siya ni Mark ng Pringles. “Here’s a bottle of water too. Inumin mo ’yan. Masyado kang maraming iniluha kanina. Baka ma-dehydrate ka.”
Nang kinuha ni Lea ang tubig mula kay Mark ay nagkadikit ang kanilang mga hinliliit. Mukha mang hindi iyon napansin ni Mark pero para sa dalaga ay malaki ang impact noon. Parang gusto niyang ipaputol ang bahaging nadikitan ni Mark at ipa-display iyon sa museo na may nakasulat na "Mark Feehily touched it."
Hinayaan muna siya ng lalaki na kumain. Siya rin naman ay hindi na tumanggi pa. Kanina pa rin siya gutom. Hindi naman kasi siya bumili ng kahit na ano sa mall nang pumasyal siya kanina roon.
Pasulyap-sulyap si Lea sa direksiyon ni Mark na nakaupo sa couch. Sa pagkakataong iyon ay bumagal ang kaniyang pagnguya ng Pringles. Muli niya kasing naalala ang recent IG post ng binata na kaparehas ng posisyon nito ngayon. Muling bumangon ang pamilyar na pakiramdam na naramdaman ni Lea kanina. Sinalakay siyang muli ng kakaibang pagkalabog ng kaniyang puso.
Ilang segundo pa ang dumaan bago napagtanto ni Lea na nakatitig na pala siya kay Mark. Agad niyang binawi ang mga mata sa lalaki. Ang pagkalabog ng puso niya ay napalitan ng kaba at hiya sa sarili. Muli niyang itinuloy ang pagkain at mas binilisan niya sa pagkakataong ito.
“AS I was saying earlier, I will give you a VIP ticket in exchange of something.” May kinuha si Mark sa clutch bag niya. Isang etiketa. Inabot niya iyon kay Lea at muli siyang bumalik sa puwesto kanina.
“Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa. I need your help, miss.”
“T-Tulong? K-Ko?”
Tumango si Mark at nagpatuloy. “That VIP ticket is yours. In exchange, you have to be my girlfriend for one hundred days.”
Tumaginting sa mga tainga ni Lea ang sinabi ni Mark. Nagsunod-sunod ang paglagok niya ng laway na tila bumabara sa kaniyang lalamunan. Nakita na lamang niya ang sarili na nakikinig sa paliwanag ni Mark.
°°°
“AND that is how I came up with this idea.”
Halohalo ang nararamdaman ni Lea sa pagkakataong iyon. Mas nananaig ang pagdiriwang ng damdamin niya. Na sa dinami-rami ng babae sa mundo ay sa kaniya humantong si Mark. Ayaw niyang palampasin iyon!
“Payag na ako.” Buo ang loob na saad ni Lea.
Kumislap ang mga mata ni Mark dahil sa isinagot ng dalaga. Mayamaya ay tumayo siya nang maayos at tumungo sa winery. Kumuha siya ng dalawang kopita at sinalinan ang mga iyon ng kaunting wine. Inabot niya ang isa sa dalaga. “Let's make a pact.”
Nagpalakad-lakad ang binata sa harap ni Lea. “First, we will be a real life couple in one hundred days. Real, not just pretend. Kaya kung anuman ang ginagawa ng mga magkakasintahan, we might do those too.”
Tumigil ang pagtibok ng puso ni Lea sa loob ng ilang saglit. Para namang nabasa ni Mark ang naiisip ng dalaga kaya sinansala na niya ito agad. “...but not to the extent that we will do something on the bed.”
Nagpakawala ng buntong-hininga ang dalaga. Mabuti na ang malinaw. She’s pure. Hindi niya basta-basta ibibigay ang kapurihang iyon kaninoman. Sa lalaking sigurado na siyang makasama habambuhay lang niya iyon ibibigay.
“Nobody has to know about this... except the lads, dahil sa kanila nagmula ang ideyang ito. Kung may magtatanong man kung paano tayo naging mag-boyfriend, let’s tell them we’re internet lovers and we knew each other in a dating app. Mamaya rin, ipakikilala kita sa publiko so prep yourself. I will bring you on the stage.”
Muling nagpatuloy si Mark. “I'll give you a million pesos once our contract ended as your compensation. Pa-thank you na rin sa pagpayag mo sa pact na ito.”
“Once our one hundred days is over, that will also mark the end of our relationship. Ipalalabas lang nating nagkasawaan na tayo that is why we'll call our relationship off.” Mark paused for a while. “That’s all for now. Kung may idaragdag man ako o babaguhin sa agreement natin, I'll let you know. Do you have anything to add?”
“Paano kung mahulog ako sa iyo sa loob ng one hundred days na iyon?” Gustong tampalin ni Lea ang sarili sa naging tanong niya. Kung saan iyon nagmula ay hindi niya alam. Kanonood niya iyon siguro ng mga teleserye.
“Don’t. Hangga't maaga pa, pigilin mo na ang sarili mong mahulog sa akin. I’m a gay. I cannot reciprocate your feelings.”
Tumango-tango ang dalaga. Ewan ba niya. Kahit alam naman na niya ang sagot ay may bahagi pa rin sa kaniya ang umaasa. Iyon nga lamang, kailangan na niyang patayin ang pag-asang iyon ngayon pa lamang. “Naiintindihan ko.”
“Alright.” Itinaas ni Mark ang kopita. “Cheers to the beginning of our pact... and our relationship.”
“Cheers!”
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top