5
KANINA pa paikot-ikot sa loob ng mall si Lea. Medyo marami ang tao nang datnan niya iyon. Hindi naman nakapagtataka dahil ngayon ay Sabado. Mayoridad kasi ng tao ay walang pasok. Idagdag pa roon na may event kung saan guest si Jed Madela. Hindi pa naman nagsisimula pero marami na ang nakapila para makapasok sa barikada.
“Nakakangalay. Bakit ba kasi puno ang lahat ng upuan?” tanong ni Lea sa sarili. Nagpalinga-linga siya. Napangisi siya nang matiyempuhang may isang bakanteng upuan sa Jollibee. Katatayo lang ng dating nakaupo roon.
Nagmadali ang dalaga para makuha ang upuan. “Nakakuha nga ako ng upuan pero dinalaw naman ako ng boredom.” Nagpakawala siya ng malalim na paghinga. Hinugot niya ang cellphone mula sa bulsa. Tinitigan niya iyon nang limang segundo bago pagdesisyunang buksan.
Dinala siya ng mga daliri sa account ng mga kaibigan.
“Wala pa silang story or post kahit isa?” Napatigil siya nang ilang segundo. “Alam siguro nilang maiinggit lang ako.” Napangiti siya sa kaisipang iyon.
Naglakas-loob naman siyang tingnan ang bawat Instagram account ng lads. Sa loob ng tatlong araw ay ngayon lang niya ginawa iyon.
Una niyang tiningnan ang IG ni Kian. May isa itong post kahapon pa. Agad niyang pinindot ang heart button.
"Ang pogi pa rin ni Kian, oh. Kung wala lang si Jodi, siguro niligawan na kita," aniya. “Charot!"
Post naman ni Shane ang isinunod ni Lea. Ang lalaki talaga ang una niyang inidolo sa banda, iyon nga lang, hindi niya ma-maximize ang kilig dahil may asawa na ito kaya nagpalit siya ng bias.
Napangiti lang si Lea nang mabasa ang caption ni Shane. “Wow, sana kapag nagkaasawa rin ako, ganito rin niya i-appreciate ’yong niluto ko. Nakakakilig siguro iyon.”
Nag-scroll pa ng ilang posts si Lea. Pinagsamang posts tungkol sa concert at pamilya ang laman ng profile ni Shane.
Lumipat naman siya sa account ni Nicky. Sa ngayon, ang binata ang bias niya. Wala pa ring asawa ang lalaki kaya malaya siyang ma-crush-an ito.
“Hindi naman masyadong maliwanag ’noh?“ Napatawa siya nang marahan nang makita ang mga ilaw sa post ni Nicky. Ini-screenshot niya iyon. Panay ang pag-zoom in niya sabay tingin sa mukha ng lalaki. Sinasabayan iyon ng malaking pagngiti na halos ikapilas ng kaniyang mga pisngi.
“Shems, ang pogi-pogi mo, future husband!”
Wow, maka-future husband. Kilala ka? sigaw ng makulit na bahagi ng kaniyang isipan.
“Wag kang papansin. Nagmo-moment ako rito, eh!” Napalakas ang pagkakasabi no’n ni Lea kaya napatingin sa kaniya ang nasa kabilang table.
“Sorry po, may kausap lang,” palusot ng dalaga sabay taas ng phone.
Muli siyang bumalik sa profile ni Nicky. Gusto niyang tumili nang malakas kaso masyadong eskandalosa ang dating noon kaya sinarili na lang niya.
“Kawawa ka naman, Nicky. Hindi mo ako makikita ngayon.” Napabuntong-hininga na lamang ang dalaga.
Ang panghuli niyang tiningnan ay ang profile ni Mark Feehily. Si Mark ang isa sa main vocalist ng Westlife. Tinagurian siyang male diva dahil sa taas ng kaniyang boses.
Tulad ni Nicky ay single din si Mark.
May kung anong kumalabog sa puso ni Lea nang bumungad sa kaniya ang picture ni Mark na nakaupo sa isang couch habang nakatingin sa gilid. Inignora ni Lea ang sumulpot na pakiramdam.
“Sayang. Napakaimposible kasi na maging tayo dahil hindi mo bet ang merlat.” Napabuntong-hininga si Lea. “Pero bakit di ka pa rin kaya nagbo-boyfriend?”
Napagtanto niyang masyado siyang nagiging pakialamera dahil sa tanong na iyon kaya ipinilig-pilig niya ang ulo.
Napatitig siyang muli sa larawan ng lalaki. Muli, sinalakay ng kalabog ang puso niya.
Inilagay niya ang isang kamay sa kanang dibdib at kinuyumos iyon para maampat ang pagkabog. Napakagat siya sa ibabang labi nang walang pagbabago ang ritmo ng puso niya. Ikinataka niya iyon. Ngayon lang niya iyon nadama sa lalaki.
Kinalma niya ang sarili. Mayamaya ay napayapa rin siya.
Balak na sana niyang umuwi nang pumailanlang sa Jollibee ang Hello My Love ng Westlife.
“Hanggang dito ba naman, sinusundan n’yo ako?” ani Lea sa sarili. Marahan siyang umiling-iling at lumabas na sa fastfood restaurant.
Sa daan patungo sa exit ay nadaanan niyang muli ang event na kanina niyang tinitingnan. Marami na ang tao sa loob. Naroon na rin si Jed Madela– kumakanta ng Flying without Wings!
“Westlife na naman.” Napatigil siya sa may tapat ng event. Sapat na ang layo noon para makita niya si Jed. “Naaalala ko sa kaniya si Mark Feehily. Magkahawig sila ng timbre ng boses.”
Mark Feehily.
Nang mabanggit ang pangalang iyon ay dinalaw na naman siya ng kalabog na kanina niyang naramdaman. Muli niyang kinuyumos ang dibdib at dali-daling lumabas sa mall.
°°°
“OH, dalawa na lang, lalarga na!” sigaw ng konduktor na nagpupuno ng jeep. Doon nakasakay ngayon si Lea.
Ibinaling ng dalaga ang atensiyon sa labas ng bintana. Bukod sa jeep ay mayroon ding pampasaherong van sa terminal. Gamit ang pinaliit na mga mata ay pinukulan niya ng tingin ang maliit na signage sa harap ng driver’s seat ng isa sa van.
Araneta.
Dapat ba akong pumunta sa Araneta? Eh, kung pupunta ako, bakit naman? Wala nga akong ticket, eh. bulong ni Lea sa sarili.
Muling sumingit ang isang bahagi ng kaniyang isip. Oo, pumunta ka na, kanina ka pa binibigyan ng senyales ng mundo, manhid ka lang.
Napahigpit ang hawak ni Lea sa strap ng shoulder bag na dala. Isang desisyon ang nabuo sa isip niya.
“Ayan, lalarga na— Miss, saan ka pupunta? Paalis na,” ani ng kundoktor na may kasamang dalawang pasahero.
“Sorry, kuya. May kailangan pala akong puntahan.”
Naiwang kakamot-kamot sa ulo ang kundoktor ng jeep.
°°°
Mag-aalas singko na ng hapon nang makarating si Lea sa bungad ng Araneta. Napatingin siya sa pera na hawak. Ito iyong inabot sa kaniya ng ina.
“Hihiramin ko muna ito. Mag-o-OT na lang ako para mabayaran ko agad.” Wala siyang pinalipas na sandali. Dumiretso agad siya sa kinaroroonan ng Ticketnet.
“Sorry, miss. Sold out na po ang Westlife concert ngayon at bukas.”
Nanlupaypay si Lea sa naging tugon ng babae sa ticket booth. Nabura ang ngiti sa kaniyang mukha.
“Kahit isa lang po, miss. Baka po may natitira pa? Please po, paki-check po ulit.”
Mariing umiling ang babae. “Sorry, wala na talaga.”
Matamlay na nilisan ni Lea ang ticketbooth. Kung kailan desidido na siyang manood, eh, wala naman siyang mahagilap na ticket.
Hindi pa rin siya nawalan ng pag-asa. Naglakad-lakad siya sa pagbabaka-sakaling makahanap ng taong nagbebenta ng ticket. Hindi naman siya natagalan sa paghahanap dahil may isa siyang natagpuan.
“Ten pieces of general admission tickets for sale. Bagsak-presyo na!”
Nagpiyesta ang kalooban ni Lea sa narinig na iyon. Mayamaya ay nakipagsiksikan siya sa kumpulan ng taong pumapalibot sa nagbebenta.
“Isang ticket na lang!” sigaw ng lalaki.
“Kuya, magkano po ’yan?” usisa ni Lea.
“P4,500 na lang sa iyo, miss. P6,000 iyan kanina.”
Napatigil sa pagkakalkal ng shoulder bag si Lea. Kunot-noo siyang napatingin sa lalaki. “Kuya, parang ang mahal naman po yata? Halos triple na po ang presyo niyan sa original, eh.”
“Pasensyahan na lang. Nagtatrabaho lang ako, miss. Kung hindi mo kukuhanin, sa iba ko na lang ibebenta.”
“Kuya, ako na lang ang kukuha.” Sabay na napalingon sina Lea at ang nagbebenta ng ticket sa bagong dating. Isang fan na nakasuot pa ng t-shirt ng Westlife ang nagkaroon ng interes sa ticket.
Agad na tumalikod si Lea. Baka ’pag nagtagal siya ay tuluyan na siyang mapaiyak sa harap ng nagbebenta at sa bumili ng ticket. Hindi niya hahayaang mangyari iyon.
Natagpuan na lang niya ang sarili na sa ’di kalayuan ng entrance ng Araneta. Sarisaring mukha ang nakikita niyang nagsisipagpasukan doon. Ang hawak na lightstick, banners, at mga suot na t-shirt ang indikasyong Westlife ang sadya ng mga ito.
May namuong bikig sa lalamunan ni Lea na sinabayan ng pag-init ng sulok ng kaniyang mga mata. Tumalungko siya upang ilabas ang emosyong kanina pa nadarama.
“N-Nandito lang pala ako para ipamukha sa akin ng tadhana na hindi talaga ako makapanonood. Bakit ba hindi ko nakita iyon?” Taas-baba ang mga balikat ni Lea habang humahagulgol. Kung may makakita sa kaniya ay wala siyang pakialam. Kampante naman siyang walang nakakikilala sa kaniya.
Kung ilang minuto siya sa ganoong posisyon ay hindi niya alam. Hanggang sa mayamaya, may kung sinong kumulbit sa kaniya kaya napatigil siya sandali sa pag-iyak.
Isang puting panyo ang bumalandra sa harap niya sa pag-angat niya ng kaniyang mukha.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top