3

PARANG pinagbagsakan ng langit at lupa ang hitsura ni Lea mula pa nang gumising siya kinaumagahan. Dapat sana'y masaya siya dahil day off niya ngayon ngunit sa tuwing naaalala niyang ngayon ang concert ay hindi niya mapigilang malungkot.

Maagang umalis ng bahay ang mga magulang niya kasama si Jayjay patungong ospital. Schedule kasi ngayon ng chemotherapy ng bata. Kay Lea inihabilin ang pagbabantay kay Monica. Kahit dose anyos na ang huli ay bantay-sarado pa rin sila sa dalagita dahil sa napababalitang kidnapan na laganap sa bansa.

Inabala na lang ni Lea ang sarili sa pagdye-general cleaning ng bahay. Hangga't maaari ay pinupuno niya ang utak ng anumang paksa liban sa Westlife.

Westlife.

Napatigil sa pagpupunas ng mga pigurin sa salas ang dalaga nang maulinigan ang isang pamilyar na tugtog.


🎵 Ooh da bop bop baby please don't let me go
Can't live my life this way
Ooh da bop bop baby please just let me know
And put my mind at ease for sure 🎶

Hinanap niya ang pinagmumulan ng tinig. Natagpuan na lamang niya ang sariling mga paa na naglalakad patungo sa balkonahe sa ikalawang palapag.

"Monica!" Nadatnan ni Lea ang nakababatang kapatid na nagti-Tiktok. Magana nitong sinasaliwan ang Bop Bop Baby na isa sa mga awitin ng Westlife. Tila hindi siya narinig ng dalagita dahil tuloy-tuloy lamang ito sa pagsasayaw. Lumapit siya sa kinaroroonan ng cellphone para i-exit ang app.

"Ate!" busangot ang mukha ni Monica habang papadyak-padyak ang mga paa. "Ang epal naman. Nagsasayaw ako, eh."

"Eto na lang Bboom Bboom ng Momoland ang sayawin mo. Sabayan pa kita."

"Eh, ayoko niyan. Gusto ko ng Bop Bop Baby. Uso 'yan sa 'min sa school, eh. At saka bakit mo ba 'ko pinatitigil, ate, eh 'di ba gusto mo sila?"

Inakbayan ni Lea ang kapatid. Umupo sila sa puting monoblock chair sa kabilang parte ng balkonahe. "Lalo kasi akong nalulungkot kapag nakaririnig ng Westlife songs." Bumuntong-hininga siya. "Concert nila ngayon."

Tumango-tango si Monica. "Sabagay. Ako rin naman eh gano'n ang mararamdaman kung BTS naman ang may concert tapos team bahay lang ako."

"Now you know." Ginulo ni Lea ang buhok ni Monica. "Oh, sige na. Mag-Tiktok ka na ulit. Lilinisan ko 'yong kuwarto ni Jayjay habang hindi pa sila umuuwi."

Tumango lang si Monica at pagkatapos noo'y muli nang bumalik sa baba si Lea. Nasa kalagitnaan palang siya ng hagdan ay muli na namang nilukob ng lungkot ang puso niya.

"On the way na siguro sila sa Araneta ngayon. Sana all na lang talaga." Ang tinutukoy niya ay ang mga kaibigan niya. Umupo muna siya sa isa sa mga baitang at nangalumbaba.

Ilang minuto na siyang nakatulala roon nang bulabugin siya ng biglang pagbukas ng pintuan.

"Good morning, be!" Pakrus na naglakad si Rhea papalapit sa kaniya habang nakapamaywang. Mayamaya ay sumulpot din sina Cathy, Shaira, at Karen. Bawat isa sa mga ito ay nakasuot ng maikling denim shorts at oversized t-shirt na in-order pa mula sa official store ng Westlife sa U.K. Pinaresan nila ang kanilang kasuotan ng mahabang boots na hanggang ibaba ng tuhod ang haba.

"Oh, ba't kayo nandito?"

"Siyempre, dinaanan ka muna namin bago kami tumuloy." Nag-smirk si Shaira na may hawak na lollipop. Nilaro nito ang kendi sa loob ng bibig. "Sana lollipop na ni Nicky ang nilalaro ko mamay-"

"Gago," ani Cathy na binato ng lightstick ang bibig ng kaibigan.

"Aray, pota ka." Nakangiwing hinimas-himas ni Shaira ang bibig na natamaan. Naghagalpakan naman silang lahat dahil sa reaksiyon ng dalaga.

"Oy, ang boring naman ng ref n'yo. Gutom na ako," saad ni Rhea na natunton na ang ref ng kaibigan.

"Ge, mangalkal ka lang sa ref natin." Binigyang-diin ni Lea ang salitang natin. Hinayaan niya ang kaibigan sa pangungutinting.

Napadako ang tingin ni Rhea sa lalagyan ng ice cream. "Yown, may isda pala kayo rito." Wala nang pinalipas na sandali ang dalaga. Binuksan niya ang tupperware.

"Bakit ice cream? Buong akala ko pa naman isda ang laman nito." Humarap siya sa mga kaibigan. "I'm disappointed. Really, really disappointed."

"Disappointed pala, ha? Akin na y- hoy, akin na!" ani Karen na nilapitan si Rhea.

"Heh! Biro lang, eh." Binalingan ni Rhea si Lea. "Kainin na namin ito, be. Ang init sa labas, eh."

"Mapipigilan ko ba kayo?" Natatawang-naiiling na lamang si Lea. Hinayaan na niya ang mga kaibigang abala sa pagkain ng ice cream.

°°°

"UNA na kami, be." Nagbeso isa-isa ang mga dalaga kay Lea.

"Gagi, isu-surprise ka sana namin kahit Lower Box ticket kaso lang, wala na talaga kaming mahanap na seller, eh. Mataas lang talaga ang demand ngayon ng concert tickets nila. Biruin mo, may buyers na pumapatol kahit triple ang presyo ng original ticket?" paliwanag ni Cathy.

Lumukso ang puso ni Lea sa narinig. Hindi siya makapaniwalang plinano ng mga kaibigan iyon. "Talaga? Isu-surprise n'yo dapat ako? Kikiligin na ba ako for today's video? Charot."

"I-cancel mo 'yang kilig na 'yan. Di ka naman naibili, eh." Napatungo si Shaira na lungkot na lungkot ng itsura.

"Magkakaiyakan pa ba tayo? Oh sige na, gora na kayo. Baka ma-traffic pa kayo sa daan, eh." Itinulak-tulak niya ang mga kaibigan palabas ng bahay. Sinundan niya ng tanaw ang mga ito hanggang makasakay sa Grab na ini-book ni Karen.

°°°

Pagkatapos mananghali ng magkapatid ay ipinukol ni Lea ang atensiyon sa paggagawa ng miniature ng isang barong-barong. Noong college nagsimula ang hilig niya sa paggawa nito. Nagsimula sa paggawa ng miniature ng lutu-lutuan hanggang sa sinuong na rin niya ang paggawa ng miniature ng bahay. Masyadong plakado ang paggawa niya kaya kahit gamitan ng magnifying glass ay mapagkakamalan mong tunay ang kaniyang nilikha. Tumatanggap rin siya ng komisyon, at iyon din ang isa sa pinagkukuhanan ng panggamot ni Jayjay.

Natigil sa paggawa si Lea nang maulinigan niya ang pagtunog ng isang sasakyan. Sa tunog pa lamang ay alam na niyang sa ama niya iyon. Ibinaba muna niya ang tweezers at paint brush na hawak para pagbuksan ang mga magulang at kapatid. Bitbit ni Aling Carmen ang wheel chair ni Jayjay samantalang si Mang Rodolfo naman ay karga-karga ang natutulog na anak.

Nagmano si Lea sa mga magulang. "Kumusta po ang chemo ni Jayjay?"

Si Aling Carmen ang sumagot. "Ayos naman, anak. Fighter ang kapatid mo. Pursigido talagang gumaling." Sinundan nila ng tanaw sina Mang Rodolfo na patungo sa kuwarto ni Jayjay.

"Mabuti naman po kung ganoon, 'Ma. Mas mapapadali po ang paggaling ni Jayjay kung lagi siyang ganiyan."

Isang tipid na ngiti ang isinukli ni Aling Carmen. "Oh, pumasok na muna tayo. May dala kaming chicken joy. Request ng kapatid mo 'to kaso hindi naman niya makain kasi nanghihina raw. Mas gustong matulog. Kainin n'yo na ito ni Monica."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top