10

“Huy, be. Gising!”

“Tsk. Natutulog pa ’yong tao, eh,” angal ni Lea na nakapikit. Mas lalo niyang hinigpitan ang pagyakap sa hotdog na unan para tangkaing bumalik sa pagtulog.

“Gumising ka na,” ani ng isang boses na nakitulong na rin sa pagyugyog sa dalaga.

“Ahh, hindi ka gigising, ah?” Pumiwesto sa may paanan ni Lea ang nagsalita. Kinuha nito ang isang paa ng kaibigang natutulog para kilitin.

Napuno ng halakhakan ang kuwarto habang si Lea naman ay pinipilit hilahin ang paang kinikiliti.

“Ano ba?” Sa wakas ay nagising na nang tuluyan ang dalaga. Nakasiksik na ito sa may headboard ng kama habang itinatago ang talampakan.

“Ayan. Nagising ka na ring lukaret ka!” Ang kaninang tumatawang mukha ni Rhea ay napalitan ng ekspresiyon. Ngayo’y nakaismid na ito sa kaniya habang nakataas ang isang kilay. “Magpaliwanag ka sa korte!”

“Legit ba talagang jowa mo si Mark?” ani Cathy na halatang may himutok sa boses.

“Bakit mo isinikreto sa amin?”

“Bakit wala kaming alam?”

“Teka lang, mga be.” Umayos na ng upo si Lea. Isa-isa niyang tiningnan ang mga kaibigan. “Isa-isa lang naman ang tanong.” Nagpakawala siya ng malalim na hininga. Akma niyang iaawang ang bibig para ibahagi ang lahat ng nangyari kahapon nang maalala niya ang pinag-usapan nila ni Mark— na dapat walang makaaalam sa pact nila liban sa kanilang dalawa at sa Westlife lads.

Hinarap niya sina Cathy at Rhea. “I’m sorry, mga be. Boyfriend ko talaga si Mark. Sasabihin ko naman talaga sa inyo. Kumukuha lang ako ng tiyempo kasi nga, ‘di ba? Bias n’yo siya? Hindi naman gano’n kadaling sabihin iyon sa inyo.”

Napabusangot ang dalawa. Padabog na umupo ang mga ito sa magkabilang gilid ni Lea.

Mayamaya’y hinila ni Rhea ang ilang buhok ni Lea kaya napadaing ang huli. “Alam mo, ang unfair-unfair mo, be.” Pinakawalan din ng dalaga ang buhok ng kaibigan. Humalukipkip ito. “Kahapon, ikaw ang topic namin kasi nakokonsensiya kaming hindi ka namin pinilit sumama. Halos ’di namin ma-enjoy ’yong first part ng concert kasi wala ka. Tapos aba.” Tumayo si Rhea at namaywang. “Malalaman na lang naming nasa stage ka na at ipinakikilala ni bebe Mark!”

Nagsalita naman si Shaira. “True! Shuta ka. Like, hello? Kami ’yong bestfriends mo pero kami pa yata ’yong huling nakaalam tungkol sa relasyon n’yo.”

“Tama. Nakapagtatampo,” ani Karen.

Nasaling ang konsensiya ni Lea sa sentimyento ng mga kaibigan. Gustong-gusto na niya talagang umamin sa mga ito pero hindi talaga puwede.

Isa-isa niya itong nilapitan at tinapik sa likuran. “Sorry na, mga be. Gusto ko talagang kayo ang unang makaalam kaso mahigpit ang bilin ni Mark. Huwag ko raw sabihin kahit kanino, kahit sa parents ko. Pangako, simula ngayon, kayo ang laging makaaalam ng update sa aming dalawa.”

“Pero kasi...” ani Cathy na nakapinta ang kalungkutan sa mukha.

“Kasi ano?” usisa ni Lea.

“Bias ko si Mark, eh. Gano’n-gano’n na lang ’yon? ’Yung tipong super share pa man din ako kapag kinikilig sa kaniya tapos malalaman kong jowa mo na pala siya. Kainis. Di mo man lang ako sinasaway.” Pinagkrus ni Cathy ang mga kamay. “Tampo na talaga ako.”

Tumungo si Lea sa cabinet at may kinuhang apat na card. Binigay niya iyon isa-isa sa mga kaibigan. “Pinabibigay pala ni Mark.”

Impit na napatili ang apat nang mabasa ang laman ng card. Mensahe iyon ng binata sa kanila kung saan nakasaad ang pagpapasalamat ng huli. May pirma pa sa kanang bahagi sa baba.

“May Toblerone pa ’yang kasama. Nasa ref lang.”

Tuluyan nang napatili ang apat na pinagtulungang hampas-hampasin si Lea sa sobrang kilig.

“I changed my mind. Hindi na pala ako nagtatampo,“ ani Cathy na panay ang yakap sa card na halos mayupi na.

ILANG oras pang nanatili ang apat sa bahay nina Lea. Kung hindi nga lang a-attend sa second day ng concert ang mga ito ay hindi sila agad aalis. Si Lea naman ay nagpaiwan sa bahay. Niyayakag nga siya ng apat na sumama pero tumanggi siya. Masakit ang buong katawan niya. Bukod pa roon ay ibinilin rin talaga sa kaniya ni Mark na mag-stay na lang muna siya sa bahay lalo pa at maraming fans ang nakabantay sa kilos niya.

PAGKATAPOS ng concert ay hindi rin nagtagal ang Westlife sa bansa. May concert pa ang mga ito sa ibang bansa sa Asya.

Nag-resign na sa trabaho si Lea. Ginugol niya ang sumunod na dalawang linggo sa pag-aasikaso ng Irish visa na kakailanganin niya. Mabuti na nga lang at may pasaporte na siya. Kung wala, eh, lalo siyang mahihirapan.

“IKAW na ang bahala sa anak namin, Mark,” bilin ni Aling Carmen sa binata. Nasa airport ang mga ito para ihatid ang magkasintahan.

“Yes, Tita. I’ll take care of her po.” Ang ama naman ni Lea ang binalingan ng binata. “Bye po, Tito.”

Isang tipid na tango ang itinugon ni Mang Rodolfo. “Alagaan mo ang anak ko roon.”

Ngiting may kasamang assurance ang isinagot ni Mark.

“Be, ’yong bilin kong Irish na AFAM, ha? Kahit ’yon lang ang iuwi mo sa akin, keribels na!” biro ni Karen na inakap si Lea. Kasama rin ang apat na kaibigan ng dalaga sa paghahatid.

Napatawa si Lea sa request ng kaibigan. “Bahala na. Kapag may nakita ako, irereto ko agad sa inyo.”

“Yan, ganiyan dapat para hindi lang ikaw ang nakaaangat sa laylayan!” palatak ni Shaira.

“O sige na. Baka maiwan na kami ng eroplano.” Isa-isang niyakap ni Lea ang mga kaibigan. Niyakap din niya ang mga magulang at mga kapatid.

Akmang aalis na sila nang humabol si Rhea. “Be, mami-miss talaga kita. Pa-hug nga.”

Agad ding kumawala si Rhea. Si Mark naman ang pinagbalingan nito. “Pa-hug din, Ma—”

“O, boyfriend ko ’yan,” birong harang ni Lea sa kaibigan.

Kunwa’y nagdabog si Rhea at namaywang. “Kj amp. Tandaan mo, una siyang naging amin.” Itinuro ni Rhea ang sarili at ang kaibigang si Cathy.

Marahang napatawa si Lea. “I know. O sige na, hug na. Three seconds no malice.”

“Ay perfect!”

Natatawa naman si Mark habang sinasalubong si Rhea. Pati sina Cathy, Shaira, at Karen ay nakigaya na rin.

Nang makawala sa yakap ay tuluyan nang nagpaalam ang dalawa sa pamilya at kaibigan ni Lea. Bago nila tuluyang talikuran ang mga ito ay ginagap ni Mark ang isang kamay ni Lea at pinisil-pisil iyon.

Hanggang ngayo’y nagugulat pa rin ang dalaga sa tuwing ginagawa iyon ng binata na para bang iyon ang unang beses nito iyong ginawa. Lihim niyang kinausap ang sarili. Dapat nga sigurong sanayin na niya ang sarili sa ganoong tagpo.

Tumugon siya kay Mark sa pamamagitan ng paghusto ng pagkakahawak ng kanilang mga kamay. Napangiti sila sa isa’t isa at tuluyan na silang naglakad patungo sa eroplanong magdadala sa kanila sa Ireland.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top