1
"ATE, ate. 'Yong Westlife, nasa balita!"
Napatigil sa pagsasabon ng plato si Lea nang tawagin ng nakababatang kapatid na si Monica ang kaniyang atensiyon. Walang pinalipas na sandali ang dalaga. Kaagad niyang binitiwan ang hawak at ipinahid ang mga basang kamay sa pink na apron na suot niya.
Hangos niyang tinungo ang sala kasama si Monica. Nandoon ang kaniyang papa at mama na nanonood din ng balita.
"Narito na sa bansa ang Irish boyband na Westlife. Para sa karagdagang detalye, nakatutok ngayon si Cynthia De Guzman. Cynthia, pasok!" ani ng host ng TV news program.
Namuo ang kasabikan sa puso ni Lea nang sa wakas ay ipakita sa telebisyon ang apat na lalaking hinahangaan. Sina Mark Feehily, Nicky Byrne, Kian Egan, at si Shane Filan. Nasa Pilipinas ang mga ito para sa gaganaping konsiyerto bukas at sa isang araw sa Araneta Coliseum.
Unti-unting naglaho ang kasabikan ni Lea. Napalitan iyon ng pinaghalong kirot at kalungkutan. Kung wala nga lang ang mga magulang niya ay malamang umiyak na siya.
Hindi na niya tinapos ang balita. Muli na siyang bumalik sa kusina para ituloy ang paghuhugas ng pinggan.
"ANAK."
Napatigil si Lea sa pagtataob ng mga plato at baso nang tawagin siya ng ina.
"Yes, 'Ma?" Nagpakita ang dalaga ng pilit na ngiti upang ilihim sa ina ang ipinagdaramdam.
Bumuga ng hangin si Aling Carmen, ang kaniyang ina. May dinukot ito mula sa bulsa. Kumpol ng dadaaning pera. Inabot niya iyon sa anak.
"Anak, hindi ko alam kung kakasya ba iyan sa pambili ng pinakamurang ticket para bukas. Pero idagdag mo na rin para makatulong kahit papaano."
Mariing pag-iling ang itinugon ni Lea. Pilit niyang ibinabalik ang pera.
"Hindi ko po matatanggap iyan, 'Ma. Idagdag n'yo na lang sa treatment ni Jayjay..." Umiwas siya ng tingin sa ina. "...at saka po sold out na po ang tickets noong nakaraan pa kaya wala na rin po akong mabibili."
"Wala ka bang kilalang nagbebenta sa FB, 'nak? Di ba uso naman iyon. May patong na halaga lang." Malumanay na hinawakan ni Aling Carmen ang anak at iginiya sa katabing lamesa.
Iniwas ni Lea ang tingin sa ina at pagkatapos ay marahang umiling. Mayamaya ay pinasigla niya ang awra sabay malawak niyang nginitian ang ina. "Ma, keri lang po. May magla-livestream naman po siguro bukas kaya makapapanood pa rin po ako kahit online."
Nagpakita ng alanganing reaksiyon si Aling Carmen. Hindi niya binibili ang paliwanag ni Lea. Alam niya kung kailan nagsisinungaling ang anak. Inilapag niya ang pera sa lamesa. Kahit anong tanggi ng kaniyang anak ay hindi niya iyon kinukuha.
Nagpakawala ng hangin si Lea mula sa kaniyang dibdib habang sinusundan ng tingin si Aling Carmen na bumalik sa sala. Mayamaya ay nalipat ang kaniyang mga mata sa perang iniwan nito sa lamesa. Binilang niya iyon. Isanlibo at pitondaang piso. Kung tutuusin ay sapat na nga iyon pambili ng general admission ticket para bukas.
Pero ayaw niya.
Mayroon naman siyang maayos na trabaho. Pharmacy assistant siya sa kilalang botika sa Pilipinas. Bago ianunsiyo ng Westlife ang ticket selling ay mayroon na siyang naitatabing ipon. Desidido na siyang kumurot mula roon ng higit labintatlong libong piso para sa VIP seat-tulad ng napagkasunduan nila ng kaniyang mga kabarkada.
Kaso lang, noong mismong araw ng ticket selling ay isinugod sa ospital ang siyam na taong gulang niyang kapatid na si Jayjay. Hindi bumababa ang lagnat nito at laging binabalinguyngoy (o nosebleed sa Ingles). May pasâ rin na lumabas sa iba't ibang parte ng katawan ng bata.
Nang maisugod sa ospital ay ilang eksaminasyon ang isinagawa kay Jayjay. Halos gumuho ang mundo nina Lea at ng kaniyang pamilya nang matuklasang may stage 1 leukemia ang bata.
Public school teacher si Aling Carmen at si Mang Rodolfo naman ay nagtatrabaho bilang bumbero. Sapat naman ang sinasahod ng dalawa para buhayin nila ang kanilang pamilya. Idagdag pa roon ang parte ng kita na ibinibigay ni Lea sa mga magulang. Pati ang nurse nitong kapatid na si Luke Henry, na mas bata ng dalawang taon kay Lea ay nagbibigay din ng panggastos sa magulang. Nakatutulong din ang allotment na ipinapadala ng pangatlong anak nina Aling Carmen at Mang Rodolfo na si Raven, isang seaman.
Nang malamang may leukemia si Jayjay ay nagkaroon ng pagbabago sa finances ng kanilang sambahayan. Unti-unti nang nagagalaw ang kanilang savings. Ang nakasanayan na nilang budget ay nagkaroon ng adjustment. Maging ang nakalaan na pera ni Lea para sa pang-VIP ticket ay inilaan na lang niya sa pampagamot ng minamahal na kapatid. Masakit para sa dalaga ang hindi makabili ng ticket pero mas masakit para sa kaniya ang mawala ang kapatid. She is willing to sacrifice for the welfare of Jayjay. Kahit kahuli-hulihang sentimo ng kaniyang pera ay handa niyang ibigay para sa kapatid.
Ibinalita niya ang kaniyang situwasyon sa mga kabarkada niya- sina Rhea, Cathy, Shaira, at Karen. Highschool pa lamang sila ay magkakabarkada na sila. Pare-parehas silang fans ng Westlife.
Sina Shaira at Rhea ang naunang maging fan sa kanilang magbabarkada. Kalaunan ay nahawa na rin sina Lea, Karen, at Cathy. Mula nga noon ay naging fan na sila ng Westlife magpahanggang ngayong nagtatrabaho na sila.
Magkakaedad lamang silang lima-edad bente siyete. Ang kanila namang hinahangaang mga miyembro ng Westlife ay naglalaro sa tatlumpu't walo hanggang kuwarenta ang edad. Sa kabila ng edad ng mga ito ay angat na angat pa rin ang taglay nilang kaguwapuhan na lalong umiigting habang sila ay nagkakaedad.
Nalungkot ang mga kaibigan ni Lea dahil hindi na nila makakasama ang kaibigan sa concert. Lahat nga sila nag-alok na magpapahiram sa dalaga ng pambili ng ticket pero tumanggi lamang si Lea. Hindi raw niya maatim na gumastos para sa luho gayong may pinagdaraanan ang kanilang pamilya.
TAPOS na sa gawaing-bahay si Lea. Ngayo'y nakahiga na siya sa pang-isahang kama. Gustuhin man niyang matulog ay hindi niya magawa. Kanina pa sunod-sunod ang pagtunog ng cellphone sa ilalim ng kaniyang unan.
Alam niyang dahil iyon sa GC nilang magkakaibigan. Nasilip niya kasi iyon kanina bago siya humiga. Busy ang mga ito sa paghahanda para sa gaganaping konsiyerto bukas. Gustuhin man niyang makihalubilo sa mga kaibigan ay pinipigilan niya ang sarili. Mas lalo siyang malulungkot.
Kinuha niya ang phone. Isa-silent sana niya iyon pero aksidente niyang napindot ang bubble head ng group chat nila. Doon ay nakita nga niya ang paghahanda ng mga kaibigan para bukas.
Nag-haha react lang si Lea sa chats ng mga kaibigan at pagkatapos noon ay ini-mute muna niya ang GC sa loob ng bente-kuwatro oras. Mas mainam iyon. Ayaw niyang makasira sa mood ng mga kaibigan sa kasa-sana all niya. Gusto niyang enjoy-in ng mga ito ang concert bukas at sa isang araw.
Nagpakawala siya ng tatlong malalalim na paghinga sabay iniukit niya ang tipid na ngiti sa mga labi. Matapos noon ay isinuksok na niya ang cellphone sa ilalim ng kaniyang unan.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top