Chapter 22
Blood
Kung kailan ako umamin sa sarili ko ng totoo kong nararamdaman ay saka naman naging magulo ang lahat. Imbes na tamis ay nauwi sa pait ang mga araw na lumipas. Pareho kaming may gustong gawin na salungat sa gusto ng isa't isa. Pareho naming gustong pagaanin ang mga bagay ba nakaatang sa balikat ng bawat isa ngunit imbes na kaginhawaan ay mas lalo lamang iyong bumigat.
Hindi ko alam kung bakit parang nananadiya na ang tadhana na hindi ako kailanman sinag-ayunan. O kung talaga bang dumudulas na lang ang pagtatago ni Tadeo nitong mga nakalipas kaya lumalantad na sa akin ang mga bagay na ayaw niyang ipakita noong mga nakalipas na araw.
"Did you cook something for dinner today?" tanong niya mula sa likuran ko gamit ang tonong gamit niya rin noon, malambing at maingat.
Mula sa likod ko ay pumulupot ang isang braso niya sa baywang ko at sinakop iyon ng buo. Ilang sandali lang ay naramdaman ko na ang ulo niyang nakasiksik sa pagitan ng leeg at balikat ko. Sa ganoong puwesto siya nakuntento at pumirmi habang naghihintay na matapos ako.
Ganito ang nakagawian niya sa loob ng apat na araw matapos niyang binitawan ang mga salitang iyon sa harap ko. Walang pagrereklamong tinatanggap iyon dahil sa loob-loob ko ay naroon ang takot na baka bigla na lang siyang mawala.
Gusto kong iparamdam sa kaniya na alam kong may mali. Na sa kabila nang paglilihim niya ay alam kong may plano siyang panigurado ay tututulan ko. Ngunit natatakot ako na kapag ginawa ko iyon ay matutuldukan ang mga bagay na mayroon kami ngayon.
"Nilaga," sagot ko sa tanong niya sa tono na hirap ngunit sinisikap na maging normal.
"Clementine..." paos na sambit niya sa pangalan ko na hindi binibigyan ng pansin ang isinagot ko. "I'm tired," mahina, totoo, at walang bahid ng kahit anong kasinungalingan na sagot niya.
Alam ko na hindi pisikal na aspeto ang tinutukoy niya ngayon. Malinaw na nakukuha ko ang punto niya kahit na hindi buo ang detalye ng mga pahayag niya.
Mabilis na nag-ulap ang paningin ko sa luha na agad pumuno sa mga mata ko. Dati nang mabigat sa dibdib. Noon pa man ay nagdudulot na sa akin ng kirot at sakit. Pero sa mga nagdaan na araw ay mas lalo pa iyong dumoble, naging triple na sa sobrang bigat ay tanging pag-iyak na lang ang nagiging solusyon ko tuwing gabi.
Hindi ko alam kung paano kong nakayanan ang mga nakalipas na araw na pinipilit na lang naming maging normal ang lahat. Ngingiti kahit na mahirap. Aakto na hindi apektado pero ang totoo ay lunod na lunod na sa mga emosyong bumabalot sa aming dalawa.
"Ganito na lang ba kahirap tanggapin ang mga katulad ko?" naghahanap ng kasagutan ang naging tono niya. Takot at walang kinakapitang seguridad kung ang sagot ba na makukuha ay aayon sa kaniya. "Wala na ba kaming lugar sa mundo?"
Pinatay ko ang induction at napayuko nang hindi na napigilan pa ang pagdaloy ng mainit na likido sa magkabilang pisngi ko.
"May lugar ka sa mundong 'to. May halaga ka... may importansya. Kaya huwag mong maliitin ang sarili mo dahil lang may mga nagagawa kang hindi mo naman kailanman ginusto."
"Hindi ko alam. Masyadong magulo ang utak ko ngayon. Hindi ko inaasahan na gano'n ang sasalubong sa akin nang araw na iyon." Humigpit ang pagkakayakap niya sa akin. "Hindi inakala na tatratuhin nila ako na para bang walang kapatawaran at sinadiya ko ang mga nangyari gayong hindi ko naman iyon intensyon. Ganoon na ba kasama ang nagawa ko? Kailangan ko pa bang manlimos ng kaunting oras para lang maipaliwanag sa kanila ang totoo?"
Hindi ako nakaimik dahil maging ako ay ganoon rin ang iniisip. Kung ako ang ilalagay sa sitwasyon ng mga taong nakikita lang ang produkto ng mga pangyayari sa nakaraan ni Tadeo, ano nga ba ang mararamdaman ko? Kung ni katiting na impormasyon tungkol sa kaniya ay wala akong alam, huhusgahan ko rin ba siya katulad nang pagbato ng masasakit na salita ng mga taong nakasalamuha niya?
Malamang sa malamang ay oo. Mas malaki ang porsyentong manghuhusga ako dahil bago sa paningin ko ang makitang mga kakaibang kilos ni Tadeo. Isama pa ang katotohanang mas maraming tao ang mas mabilis na manghuhusga kasa sa iintindi sa kaibahan ng iba.
"Pagod na akong ipilit ang sarili ko sa isang komunidad na hindi naman ako kailanman matatanggap. Nagsasawa na ako sa paulit-ulit na pagtingin sa akin ng mga tao na para bang sintu-sinto ako. Ayaw ko nang paulit-ulit na ipamukha sa akin na hindi katanggap-tanggap ang kalagayan ko."
"Isang subok pa, Tadeo," nakikiusap na wika ko.
Naramdaman ko ang pag-iling niya at ang mas lalo pang pagsiksik ng sarili sa akin na para bang sa ganoong paraan siya naghahanap ng kakampi. "Mula sa ospital na akala ko maiintindihan ako hanggang dito sa labas ay pareho lang ang resulta. Noon pa man, sa paisa-isang taong nakakasalamuha ko'y pilit ko nang hinahanap ang pagtanggap at pag-intindi sa kanila. Ngunit alinman sa dalawa ay hindi nila nagawamg ibigay. Ngayon pa kaya na sa maraming tao na ako haharap?"
Gusto kong ipilit ang punto ko. Gusto kong sabihin sa kaniya na hindi niya kailangang gustuhin ang pagtanggap mula sa ibang tao gayong mayroon namang iilan na tanggap siya at hindi kailanman huhusgahan. Na ang mahalaga ay matanggap niya ang sarili niya. Kaso ay ayokong ibalewala ang nararamdaman niya.
Forcing what I think is right is the same as invalidating his feelings and reasons. And sometimes, people don't always need to hear words from other people. Their mere presence is enough. Having a companion and a listener weigh the same as receiving some advice.
"Let's eat, Tadeo. Don't stress yourself too much." Marahan kong kinalas ang pagkakayakap niya sa baywang ko matapos ay hinarap ko siya ng maayos. "Tanggap kita," madamdaming wika ko habang nakatingin ng direkta sa mga mata niya.
Wala siyang naging tugon. Mataman lang siyang nakatingin sa akin na para bang ang daming laman ng isip niya. At sa mga sandalling ito na magkahinang ang mga mata naming dalawa, tahimik na ipinagdarasal ko na sana ay mabura sa isip niya ang mga negatibong bagay na pumupuno roon.
Nang sumilay ang isang tipid na ngiti sa mga labi niya, imbes na tuwa ay mas lalo lang akong nasaktan dahil bakas na bakas doon ang pagpapanggap. Sinikap kong gawing totoo ang ngiting isinukli ko sa kaniya kahit na higit sa kalahating porsyento ng ngiti na iyo ay hindi totoo.
Isang masuyong haplos pa sa buhok ko pababa sa pisngi ko ang ginawa niya bago ako tuluyang pinakawalan. Mag-isa siyang nagtungo sa kabilang bahagi ng lamesa matapos ay tahimik na naupo sa nakasanayan niyang puwesto. Sa kabilang banda, nagsimula na ako sa paghahain sa lamesa ng pagkaing pagsasaluhan naming dalawa. Mula sa kanin at ulam, maging sa mga pinggan at kubyertos na gagamitin namin.
"Thank you, Clementine," sinserong saad niya nang maupo na ako sa sariling puwesto. "If it wasn't for you, going out of that place would remain impossible."
"But you plan on going back there, right?" puno ng kasiguraduhang usisa ko.
Panandalian siyang natigilan at hindi agad nakaimik. Ngunit nang makabawi ay nag-iwas siya ng tingin. "I promised myself not to go back to that place again."
"Then what plan do you have then?" Puno nang pag-aasam na tiningnan ko siya sa pag-aakalang papawiin niya ang kuryosidad ko sa pamamagitan nang pagbibigay niya sa akin ng sagot.
"Nothing, Clementine." Nag-angat siya ng tingin sa akin at binigyan ako ng totoong ngiti sa pagkakataon na ito. "I won't do anything that would make everyone around me worry. Relax, sunshine. I'll be fine."
Naghalo ang saya at lungkot sa akin pagkakita sa ngiti na iyon na ibinigay niya. Saya at kapayapaan dahil sa katiyakan na ibinigay niya sa akin tungkol sa kaligtasan niya. Ngunit naroon pa rin ang lungkot na mas mabigat na tumitimbang dahil imbes na sarili niya ay ibang tao na naman ang inaalala niya.
Payapa ang naging pagkain naming dalawa, walang imikan na naganap maski oo o hindi man lang. Pero ang kapayapaan na pumapalibot sa amin ay agad ring natuldukan nang sa hindi mabilang na pagkakataon ay umiral na naman ang sakit ni Tadeo.
"Shit!" angil ko na puno ng pagkataranta.
Gumawa ng ingay ang ginawa kong pagtayo bigla kasabay nang pagkatumba ng upuang kinauupuan ko kanina. Maging ang mabigat na babasaging lamesa ay bahagyang umusog dahilan kung bakit lumangitngit ang paanan no'n.
Sa pagmamadali ay natabig ko ang sariling pinggan na nagresulta sa pagkabasag ng bagay na iyon nang mahulig iyon sa sahig. Hindi na ako nagkaroon pa ng oras na intindihin ang nagkalat na bubog at kanin sa sahig.
Mabilis na umikot ako palapit sa kaniya at sa nanginginig na mga kamay ay hinawakan ko ang kaliwang kamay niya. "Tadeo!" tarantang sigaw ko.
Sa nanginginig na mga kamay ay pilit na kinuha ko ang kutsarang pilit na ipinapasok ng kamay niya sa bibig niya. Maging ang matinong kamay ni Tadeo ay umaawat rin, ngunit sa sobrang gulo ng nangyayari ay mas lalong naging mahirap na kontrolin iyon.
Mas lalo akong nataranta nang gumawa ng ingay si Tadeo na tila naduduwal. Kalahati na ng kutsara ang nasa loob ng bibig niya at alam ko na dapat akong kumalma. Pero naging mas mahirap ang bagay na iyon dahil pinangungunahan ako ng kaba at takot sa maaaring mangyari kung hindi matitigil iyon. "Tadeo... please..." tarantang bulong ko habang pilit pa ring inaalis ang bagay na iyon.
Sabay na pinuno ng luha ang mga mata namin sa magkaibang dahilan. Ang kaniya ay dahil sa pagsusuka na idinudulot ng ginagawa ng kaliwang kamay niya. Samantalang ang akin ay dahil sa pinagsama-samang takot, kaba, taranta, at awa.
"Tama na please... Tama na, ha?" pakiusap ko kahit na walang silbi iyon dahil hindi naman kontrolado ni Tadeo ang nangyayari.
Mabilis na inalis ko ang kamay ko para punasan ang mga luhang nakabara sa paningin ko. Katulong ng kanang kamay niya ay sabay naming hinila paalis ang kutsara. Hindi iyon naging madali dahil sa pagpupumiglas ng kamay niya at tarantang nararamdaman namin. Muli kong pinunasan nang mabilis ang luha ko at muling sumubok.
Napabuntong-hininga ako sa kaluwagan at tila nabunutan ng tinik nang sa wakas ay matanggal na iyon. Ngunit kung inaakala kong tapos na ang lahat ay nagkakamali ako. Dahil kasabay nang pagbitaw namin sa kutsara ay siya namang pagsuka niya direkta sa katawan ko.
Napaatras ako at napahawak sa lamesa na siyang nagsanhi sa pagkabasag ng pinggan nang matabing ko iyon sa gulat. Nagtuluy-tuloy siya sa pagsuka sa sahig na sa pagkakataon na ito. Hindi ko siya pinigilan, nabibiglang nakababa lang ako ng tingin sa kaniya habang hinihintay siyang matapos sa pagsuka.
Nang matauhan ay saka ako lumapit sa kaniya upang hagurin ang likod niya para matulungan siyang mailabas ang mga dapat pang lumabas mula sa sikmura niya. Kumalat sa buong paligid ang nakasusulasok at maasim na amoy ng suka niya na maging ako ay naapektuhan na rin. Naramdaman ko na parang hinahalukay ang tiyan ko dahil sa amoy ngunit pinigilan ko ang sarili.
"I-I'm sorry," hinihingal na paghingi niya ng paumanhin.
"Naiintindihan ko, Tadeo," pagpapalubag loob ko, nakapako pa rin ang mga mata ko sa sahig. Nang sa tingin ko ay nailabas na niya ang lahat ng isusuka niya'y walang pagdadalawang-isip na hinubad ko ang t-shirt na nasukahan at ginamit iyon para takpan ang nagkalat na suka sa sahig. Hindi alintana ang hubad kong katawan na bra na lang ang takip ngayon.
Lumuhod ako para magpantay ang mukha naming dalawa nang sa gayon ay magagawa kong matingnan ang mga mata niya. "Let's help you clean up, hmm?" masuyong pagyaya ko sa kaniya.
"I'm sorry," paghingi niyang muli ng paumanhin. Nagtakip siya ng mukha niya gamit ang dalawang kamay, hiyang-hiya sa nangyari. "I'm sorry. Sa perwisyo, sa pagkakalat, at sa lahat-lahat na."
Tumang ako sa kaniya bilang senyales nang pag-intindi. "Naiintindihan ko," nakangiting tugon ko.
Tumayo akong muli at isinabay siya sa akin. Walang pagrereklamong nagpaakay siya hanggang sa marating namin ang kuwarto niya. Dumiretso kami sa banyo hanggang sa magawa ko na siyang itapat sa ilalim ng shower.
Hindi na ako nag-isip ng kung anu-ano. Walang babalang binuksan ko ang shower, tuloy ay pareho kaming nabasa. Nakayuko lang siya, hinahayaan ang pagdaloy ng malamig na tubig mula sa ulo niya pababa sa katawan niya.
"Kaya ko na, Clementine," mahinang saad niya. "Clean yourself first. Balikan mo na lang ako kapag tapos ka na," dagdag niya.
Puno ako ng alinlangang umiling ako. "Hindi. Tutulungan na kita hanggang sa masiguro kong okay ka na."
"Kaya ko na. Unahin mo na ang sarili mo," pinal na utos niya.
Mayroon akong magagawa sa totoo lang. Kaya kong ipilit na manatili rito at samahan siya para matulungan. Pero mas pinili ko na sumunod sa gusto niya, bilang respeto at pagbibigay daan para makabawi siya.
Tahimik na tinalikuran ko siya, walang lingon na umalis sa lugar na iyon at nagtungo sa sariling silid para maglinis at magbihis. Minadali ko ang bawat kilos ko sa pag-aalala para kay Tadeo na mag-isa ngayon. Mula sa paglilinis ng katawan hanggang sa pagbibihis ay mabilis kong ginawa na umabot lang ng kinse minutos, malayo sa matagal na pagkilos ko sa normal na pagkakataon.
Dali-daling bumalik ako sa silid ni Tadeo. Nagtungo ako sa closet niya para kumuha ng mga damit niya pamalit. Nang matapos sa paghahanda ay lumapit na ako sa pintuan ng banyo matapos ay kumatok para ipagbigay-alam ang presensya ko.
"Tadeo," masuyong tawag ko sa kaniya.
Wala akong narinig na kahit na anong tugo dahilan para agad na salakayin ng kaba ang puso ko sa katahimikang itinugon niya. Inilapat ko ang tainga ko sa pintuan at pinakinggan ang nangyayari sa loob na naging posible dahil sa katahimikang bumabalot sa paligid namin.
"Tadeo," muling pagtawag ko habang pilit pa ring pinakikinggan ang loob ng banyo.
Nangunot ang noo ko nang marinig ang pamilyar na tunog na karaniwang naririnig ko sa isang bagay. Aligagang kumatok ako pero wala pa rin iyong epekto kaya sa huli ay pinihit ko na ang seruda na laking pasasalamat ko dahil hindi iyon nakasara.
Binundol ako ng kaba nang makita ang namumulang mga daliri niya dahil sa mahigpit na pagkakapulupot ng malaking sukat ng scotch tape roon. Nagmamadaling lumapit ako at pinigilan siya sa ginagawa bago pa man tuluyang lumala ang ginagawa niya.
"Tadeo, ano ba?!" gilalas ko. "Ano sa tingin mo ang ginagawa mo, ha?!" galit na sigaw ko.
Hindi niya ako inintindi, parang walang naririnig na nagpatuloy siya sa ginagawang pagpapaikot ng tape sa kaliwang kamay niya mula sa nakatipon niyang mga daliri pababa sa pulso niya. Nasa kalahati na ang scotch tape at makapal na rin ang balot ng kamay niya. Malamig na rin ang dulo ng mga daliri niya tanda na kaniya niya pa ginagawa iyon.
Sa kinse minutos na pagmamadali ko, may nangyari nang ganito. Sa mga sandalling minuto na binibilisan ko na ang kilos para mabalikan siya ay mabagal pa rin pala iyon dahil nagawa na niya ang ganitong bagay sa sarili niya. Akala ko sapat na ang pagsusumikap ko para magawa ko siyang tulungan at balikan sa maikling minuto lang. Hindi pa rin pala. Sinikap kong madaliin ang lahat para hindi na siya mabigyan ng pagkakataon na makapag-isip ng negatibong bagay, pero ito ang sukli niys.
Kung ako ang tatanungin, ayaw ko nang iyakan ang sitwasyon niya. Hindi nakatutulong pero walang ibang paraan para mailabas ko ang mga nararamdaman ko kundi ang lumuha. Gusto ko na rin alisin ang awa para sa kaniya pero kulang pa ang pagmamahal na mayroon ako sa kaniya para higitan ang awa na iyon na siyang una kong naramdaman.
"Kailangan kong gawin ito, Clementine, para wala nang problema ngayon," wika niya habang patuloy pa rin sa ginagawa.
"Tadeo naman," hirap na panimula ko. "Mas ikapapahamak mo ang ginagawa mo ngayon. Tama na, ha?" pakiusap ko.
Nagpalinga-linga ako sa paligid, naghahanap ng puwedeng gamitin para gupitin ang scotch tape sa kamay niya. Nagmamadaling binuksan ko ang mga drawer na naroon gilid ng sink ngunit isang bagay lang ang nakita kong naroon na makatutulong sa akin.
Sa nanginginig na kamay ay dinampot ko ang bagay na iyon. Alam kong delikado pero wala akong ibang pagpipilian kundi ang gamitin iyon. Takot man, nag-aalangan man, naglakad ako palapit kay Tadeo habang hawak-hawak ang cutter.
Huminga ako ng malalim para burahin ang kaba na pumupuno sa akin ngayon. Nang marating ang harapan niya ay sabay kaming nagbaba ng tingin sa matalim na bagay na iyon.
"Huwag kang malikot, Tadeo." Basa sa luha ang mga mata na nag-angat ako ng tingin sa kaniya. "I'll remove this now." Hahawakan ko pa lang sana iyon pero mabilis na naitago na niya iyon sa likod niya. "Come on, Tadeo."
"Just for this day, Clementine."
"No, Tadeo." Seryosong tiningnan ko siya ng direkta sa mga mata. Maliit ko siyang nginitian at inabot ang kamay niyang itinago niya sa akin kanina.
Hindi ko na siya binigyan pa ng pagkakataon na makakontra sa akin nang simulan kong gawan ng maliit na hiwa ang nakaawang na parte sa pagitan ng tape at ng palad niya. Sa kapal nang pagkakabalot no'n, matatagalan kung iisa-isahin iyon na aalisin. Maingat na itinuluy-tuloy ko ang paghiwa roon upang mas palakihin pa.
Nang lumaki na ang pagkakahiwa sa makapal na scotch tape, ginamit ko na ang kamay ko para tuluyang alisin iyon. Ibinaba ko ang cutter sa ibabaw ng lababo bago maingat na sinimulan na inalis ko iyon sa paraan na hindi ko siya masasaktan. Katahimikan ang tanging nangingibabaw sa buong banyo. At sa sobrang tahimik ng paligid ay pakiramdam ko maging ang minsang pagtulo ng sobrang tubig sa gripo ay maririnig ko.
"Don't do this, again. Ako na ang nakikiusap sa iyo, huwag na, Tadeo," hirap na pakiusap ko sa kaniya. Wala akong narinig na tugon ngunit ramdam na ramdam ko ang tingin na iginagawad niya sa akin. "Hindi sa ganitong paraan, Tadeo. Kung gusto mong pigilan, may paraan na hindi mo na kailangang saktan ang sarili mo."
Nang matapos na ay tinipon ko ang kalat. Maging ang natitirang scotch tape na hindi na niya nagamit ay dinala ko iyon patungo sa basurahan at itinapon. Sa sunud-sunod na nangyari sa loob lamang ng wala pang isang oras simula nang mananghalian kaming dalawa ay natagpuan ko na lang ang sarili kong sensitibo sa malilit na tunog sa paligid ko.
Kaya nang makarinig nang kaluskos ng stainless na bagay ay agad na binalingan ko siya ng tingin. Nanlalakin ang mga mata ni Tadeo na kababakasan ng kaba at takot habang pinanonood ang sariling kamay na hawak na ngayon ang cutter na nakalabas ang kalahati ng talim.
Hindi ko na nasundan pa ang bilis ng pagtibok ng puso ko sa matinding kaba. Halos hindi na rin ako makarinig ng matino dahil sa lakas ng bawat kabog ng dibdib ko. Pero kung takot na ako, mas bakas ang takot sa mga mata niya ngayon.
"It's not me, Clementine," kabadong bulong niya habang nakatingin sa sariling kamay.
"I know, Tadeo," pilit na pagpapakalma ko kahit na ang totoo ay takot na takot na ako. "Now, I want you to hold your left hand and get the cutter slowly."
Sinubukan niyang sundin ang ipinagagawa ko. Kumilos ang kanang kamay niya para kontrolin ang kaliwang kamay. Ramdam na ramdam ko ang mabilis na pagtibok ng puso ko sa kaba habang pinanonood siya.
Marahan akong naglakad palapit na mabilis na nauwi sa pagtakbo nang makitang imbes na sundin ako ay taliwas na kilos ang ginawa niya.
"Shit! Shit! Shit!"
Mabilis na humawak ako sa kaliwang kamay niya at puwersahang ibinaba iyon upang maiwasan pa ang mas malalang sakuna. Pero ang sakunang pinipigilan ko na mangyari kay Tadeo... ay ako ang sumalo.
"Fuck it! Clementine!" gulantang na sigaw ni Tadeo sa gulat sa nangyari.
Hindi ko nasundan ang buong pangyayari sa bilis no'n at dahil na rin nakapako sa mukha niya ang mga mata ko. Ang alam ko lang, ibinaba ko ang kamay niya. Ngunit ang sumunod na nangyari ay ang malakas na puwersang pagtulak sa akin ng kaliwang siko niya kasabay nang pagguhit ng talim ng cutter sa sikmura ko dahilan para umagos mula roon ang dugo.
Ang kaninang puting t-shirt na suot ko ay nababalot na ng kulay pula ngayon. Mabilis na kumalat ang pulang kulay sa bandang sikmura ko at mabilis na nadungisan ang malinis na sahig nang sunud-sunod na pumatak ang sarili kong doo roon. Maging ang kirot ay hindi ko na nagawang pagtuunan ng pansin. Sa gulat ay napaatras na lang ako habang sapo ang may kahabaang hiwa para pigilin ang pagdurugo no'n.
"Clementine! Fuck! I'm sorry... I'm sorry..." Lumuhod siya sa harapan ko kasabay nang pagtatakip ng kamay niya sa sugat ko para patigilin ang pagdudugo no'n.
"N-Not your f-fault," unti-unting nababawasan ang llakas na sagot ko.
"I'm sorry," paulit-ulit niyang paghingi ng paumanhin, wala na sa sarili dahil sa gulat sa mga nangyayari.
Nagbaba ako ng tingin sa sahig para hanapin ang cutter at hindi kalayuan sa puwesto namin. Nang makita ko iyon sa gilid niya ay sinipa ko iyon palayo sa kabila nang panghihina. Nang mawala na ang bagay na iyon sa paningin ko ay saka lang ako nakaramdam ng kapayapaan. Na sa kabila ng sugat na natamo ko ay nakahinga na ako ng maluwag.
"Dadalhin kita sa ospital," balisang saad niya.
Hindi na ako umalma, hinayaan ko na lang siya nang buhatin niya ako bagaman hirap dahil sa malikot pa ring kilos ng kaliwang kamay niya. Wala siyang suot na pang-itaas. Tanging ang shorts lang niya na nasukahan niya kanina ang suot niya. Maging ang sapin sa paa ay hindi na niya nasuot pa sa pagmamadali.
Naging mabilis ang pagdating namin sa parking lot dahil na rin sa gabi na at wala ng masyadong tao sa daan. Nagmamadaling isinakay niya ako sa passenger's seat kasabay nang pag-ikot niya sa driver's seat. Subalit bago pa man niya iyon mabuksan, ang presensya ng isang taong hindi ko inaasahang makikita ko pa ang dumating at pumigil sa kaniya.
Nagpalitan nang salita ang dalawa na hindi ko nagawang mapakinggan dahil sa sarado ang sasakyan. Nakita kong nagbaba ng tingin sa akin si Tadeo matapos ay ibinaling sa mga kamay niyang puno na rin ng dugo. Ilang mabilis na usap pa ang ginawa nila bago ko nakitang ibinigay ni Tadeo ang susi ng sasakyan sa nakalahad na kamay ni Rehan.
Binalot ako ng pagtataka na nahahaluan ng takot at kaba nang makitang nilisan ni Tadeo ang puwesto matapos ay patakbong nagtungo siya sa direksyon ko. Hirap man na kumilos, sinikap kong buksan ang bintana kasabay nang pagbukas ng pinto sa kabilang bahagi ng sasakyan. Hindi ko iyon pinansin, nanatiling tutok lang kay Tadeo ang paningin ko na ngayon ay nakapasok na ang ulo sa bintana para mapalapit sa akin.
"Patawarin mo ako, Clementine," mahinang bulong niya, ilang pulgada ang layo sa mukha ko na halos maglapat na ang mga labi naming dalawa. "Huli na ito. Pangako, huli na ito." Masuyong hinaplos niya ako sa pisngi pababa sa aking pang-ibabang labi kasabay nang pagbitaw niya ng mga katagang pumiga sa puso ko sa sakit. "Mahal kita, Clementine. Mahal na mahal," bulong niya sa mga labi ko matapos ay siniil ng iyon ng halik.
Napapikit ako sa nag-uumapaw na emosyon. Sa isang mabilis at mariing halik na iyon, naramdaman ko ang pagmamahal niya, ang paghingi ng tawad, at ang pamamaalam.
Ramdam ko ang pag-alis ng presensya niya sa harapan ko ngunit nanatili pa ring nakapikit ang mga mata ko. At kahit na nakapikit, hindi pa rin no'n nagawang pigilan ang paglandas ng mga luha sa dalawang mata ko.
Sa pag-andar ng sasakyan, sabay na nilukob ako ng pait at puwang na bigla kong naramdaman. At sa gabi na ito, isang gabi na akala ko ay normal na magtatapos, iniwan ko ang lalaking mahal ko na nasisiguro kong balot na ngayon ng pagsisisi at takot. Sa mga minutong ito, nasisiguro kong puno na naman ng mga negatibong bagay ang isip niya, na sarili na naman niya ang sinisisi niya para sa isang bagay na hindi naman niya kontrolado at sinasadiya.
Tinapangan ko ang sarili at nagbukas ng mga mata. Mula sa side mirror ng sasakyan ay nakita ko kung paanong sinubuka niyang humabol sa amin ngunit sa pagmamadali ni Rehan ay naiwan rin siya. Pero hindi lang ata si Tadeo ang naiwan ko sa gabing ito, maging ang puso ko ay naiwan kasama ng lalaking mahal ko.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top