Chapter 20
Selfishness
Hindi ko alam kung ipagpapasalamat ko ba na katahimikan ang naghahari sa loob ng sasakyan o ang maiilang dahil matapos ang mga naging kaganapan kanina ay ganito na kaming lahat.
Si Sir Theo ang nagmamaneho para sa amin ni Tadeo pauwi sa condo. Daniel initiated to be the one to fix the chaos in Cuddle Bears. Gustuhin man niyang sumama rin sa amin upang makibalita'y hindi niya magawa dahil utos na rin ni Sir Theo na pahupain ang sinimulang gulo ng mga miyembro ng board of directors.
Binalingan ko ng tingin si Tadeo na tahimik na nakatingin sa labas ng bintana. "Okay ka lang ba?" maingat na tanong ko.
Subalit kahit na anong ingat pa ang gawin ko, alam kong sugat-sugat na naman siya ngayon dahil sa nangyari. Hindi siya umimik sa akin.
Nagbaba ako ng tingin sa kanang kamay niyang nasa tabi ko at wala sa sariling kinuha iyon. Gusto kong iparating sa kaniya na mayroong nakaiintindi sa kaniya. Nais kong mabatid niya na may taong handa siyang tanggapin kahit sino pa siya. At gusto kong luminaw sa isip niya na anuman ang narinig niya mula sa kanila ay walang katotohanan.
Ngunit taliwas ang layunin ng kaliwang kamay niya na paulit-ulit na pinaaalala ang sakit na mayroon siya na siyang dahilan kung bakit kaliwa't kanan ang humuhusga sa kaniya. Pinilit no'n na alisin ang kamay kong nakahawak sa kanang kamay niya.
Hindi ko iyon inintindi. Muling kinuha ko ang kamay niya at ikinulong sa dalawang kamay ko. Pero naulit lang ang nangyari kanina at nagpaulit-ulit pa hanggang sa maging si Tadeo ay nagsawa na.
"Don't force it, Clementine," mahinang saad ni Tadeo.
"Tadeo..." mahinang saad ko.
"Let him, Clementine," pigil ni SIr Theo sa akin.
Nawawalan ng pag-asa na binawi ko ang kamay ko. Naiintindihan ko siya sa nararamdaman niya kaya hindi ko na ipinilit ang gusto ko kahit na ang hawakan ang kamay niya ang gusto kong gawin ngayon.
Kung alam ko lang na ganito pala ang mangyayari ngayong araw, hindi ko na sana naramdaman ang saya kanina. Kung ganito lang din pala ang magiging resulta nang pag-alis namin, hindi ko na sana hiniling o pinilit na lisanin ang lugar na iyon kung saan wala kaming problema at masaya lang kaming dalawa.
Bakit kung kailan akala ko ay okay na, saka naman unti-unting nagulp ang lahat? Bakit kung kailan naman sumusubok na si Tadeo, saka naman naging ganito ang resulta? Why does everything work worst for Tadeo? Gustuhin man niya, parang tadhana na mismo ang gumagawa ng paraan para huwag siyang tuluyang makatakas sa kulungang kinasasadlakan niya.
"Nandito na tayo," imporma ni Sir Theo.
Walang imik na bumaba si Tadeo bago pa man makakilos ang isa sa amin ni Sir Theo. Bumuntong-hininga ako na sinundan nang paghinga na malalim din ng Director. "Masama ang kutob ko, Sir Theo," kabadong pahayag ko. "Paano kung mapuno na naman ng mga negatibong bagay ang isip niya? Paano kung balikan na naman niya ang mundong isininasabuhay niya sa loob ng limang taon?"
Mariing pumikit si Sir at pagod na sumandal sa kinauupuan. "Hindi malabo, Miss Guinto. Alam mo naman kung paano tumakbo ang isip ng isang iyon. Malaki na ang pasasalamat ko na nagawa mo siyang alisin sa lugar na iyon. At maiintindihan ko kung susukuan mo siya ngayon."
"Paano, Sir, kung magpumilit na naman siya na bumalik sa Osfield? Paano kung itago na naman niya ang sarili niya?" nag-aalalang tanong ko.
"Hindi ko alam, Clementine." Napahilamos siya ng mukha at nanlulumong napayuko sa manibela. "Kung alam ko lang na magiging ganito ang takbo ng araw na ito, hindi ko na sana inutusan si Daniel na pilitin si Tadeo na pumunta sa kompaniya niya. I thought that it would be fine. Or at least people would not dare say a word for Tadeo is their boss. Pero wala na atang ibang narinig ang sekretayra ko nang bumaba siya kanina para tingnan ang lagay ng mga empleyado sa baba kundi ang bulungan ng mga tao tungkol sa pagiging baliw umano ng kapatid ko."
"Sir, hindi baliw ang pasyente ko," giit ko.
"Alam ko, nurse. Alam rin iyon ng kapatid ko. Alam mo iyon. Pero hindi sapat. Hindi pa rin sapat." Marahas na bumuntong-hininga hininga siya at muling tumingala. "Kailangan bang luhuran ko pa sila isa-isa para lang huwag nilang husgahan si Tadeo? Kailangan ba na magmakaawa pa ako para lang sa kapirasong pag-intindi? Sabihin mo sa akin kung ano ang dapat kong gawin para mapabuti ang kapatid ko, Clementine. Gagawin ko ora mismo."
Nag-init ang magkabilang sulok ng mga mata ko. Nakakalunod ang mga salitang naririnig ko mula sa kaniya, napaka bigat sa dibdib na pinahihirapan na akong huminga.
Sir Theo has always been Tadeo's greatest support system, together with Doc Tatiana. Sa iilang pagkakataon na nakasama ko silang dalawa ay nakita ko kung paano nila paglaanan ng oras at effort si Tadeo para lang hanapan ng lunas ang sakit niyang hindi sa pisikal nakikita kundi sugat sa mismong pagkatao niya.
They have always proved their love for their brother kaya hindi kataka-taka kung bakit ganito ang nakikita kong Sir Theo ngayon. Mahina. Nawawalan ng pag-asa. Pagod. Ngunit nagpupursige pa rin at lumalaban alang-alang sa nakababatang kapatid.
"It would never be easy to make people understand. Or to just simply ask for a little amount of time for them to hear us out. Masyadong sarado ang isip ng tao at kung anong tama para sa kanila, iyon at iyon lang ang iintindihin nila." Ibinaling ko ang paningin sa labas ng bintana matapos ay nagpakawala ng malalim na hinga. "Hindi lahat handang makinig. At mas lalong hindi lahat kayang itikom ang bibig. Manghuhusga at manghuhusga sila, magkakalat ng mga sariling paniniwala kahit na taliwas iyon sa katotohanan. Pero may magagawa ho ba tayo bukod sa umasa na balang araw maiintindihan din nila? Wala, Sir Theo. Lumuhod man tayo, magmakaawa, at manlimos ng kaunting oras para panandalian nilang buksan ang kanilang kaisipan at pakinggan tayo, bilang lang ang talagang iintindi at makikinig. Ang kaya lang natin gawin ngayon ay manatili sa tabi ni Tadeo. Ang iparamdam sa kaniya na walang mali sa pagkakaroon ng kondisyon niya. Ang paulit-ulit na sabihin sa kaniya na tanggap natin siya."
"Handa ka bang manatili sa tabi niya, Clementine? Handa ka pa rin bang umintindi? Kaya mo pa ba?" tanong niya na kababakasan ng alinlangan.
Wala akong naging tugon sa pahayag niya na iyon. Maski ang pag-isipan ang isasagot ay hindi ko na ginawa. Itinuon ko na lang ang isip ko kay Tadeo. Kung paano siya kukumbinsihin na kalimutan ang nangyari kahit na imposible.
Sabay na lumabas kami ni Sir Theo ng sasakyan. Hindi na namin naabutan si Tadeo sa parking lot kaya nagmadali kaming dalawa para masundan siya. Naabutan namin siya sa tapat ng elevator, nakayuko at naghihintay.
Pero hindi lang siya ang nag-iisa roon. At kaba ang unang lumukob sa akin nang makilala kung sino ang nasa tabi niya at kapuwa naghihintay.
Nanuyo ang lalamunan ko at naramdaman ko ang pagpapawis ng kamay ko. Wala namang masama kung tutuusin na makita ang tao na iyon ngayon. Wala naman siyang kasalanan at wala naman akong nagawang masama pero alam ko na hindi ito ang pinakamainam na pagkakataon para magkita kaming dalawa.
"Rehan," mahina ang boses na saad ko, na sa sobrang hina ay parang hangin na lang iyon. Pero kahit na anong hina nang bulong ko na iyon ay narinig niya pa rin.
Sabay na nilingon ako ng tatlong kalalakihang naroon at wala sa sariling isa-isa ko silang tiningnan. Ang ekspresyon ni Sir Theo ay naguguluhan na siyang nababakas ko sa mukha ni Rehan ngunit ang kaniya ay nahahaluan ng tuwa.
Ang kay Tadeo ang bukod tanging naiiba. Hindi katulad ng dalawa ay dumilim ang mukha niya. At nang makita na nakatingin ako sa kaniya ay nag-iwas na siya ng tingin sa akin at muling bumaling sa harap. Saktong pagbukas ng elevator ay walang lingon na pumasok siya sa loob na mas lalong nagpalala ng kabang nararamdaman ko.
"Tadeo—" agap ko na pinigilan ni Sir Theo.
Hinawakan niya ako sa balikat at bahagyang pinisil iyon. Nang mag-angat ako ng tingin sa kaniya ay inilingan niya ako. "Hayaan mo na," pigil niya sa akin. "Kausapin mo na muna itong kaibigan mo. Ako na muna ang bahala kay Tadeo. Pumanhik ka na lang agad kapag tapos na."
Aangal pa dapat ako, kaso ay hindi ko na nagawa dahil nagmamadali na siyang sumunod sa kapatid niya sa bukas na elevator. Gusto ko mang sundan sila, alam ko na tama si Sir Theo sa sinabi niya.
"Clementine, ano," alangan na umpisa ni Rehan sa akin. "Hindi mo naman kailangan kausapin ako ngayon. Sumunod ka na sa kanila."
Maliit na ngumiti ako sa kaniya at pansamantalang inilagay sa likod ng isip ko ang mga nangyari kanina. "Okay lang," paniniguro ko. "Tara na?"
"Sigurado ka ba? Puwede namang sa susunod na lang," pagpipilit na tanggi niya.
"Okay nga lang." Ngumiti ako sa kaniya at sa pagkakataon na ito ay nilawakan ko na. "Halika na."
Hindi ko na hinintay ang tugon niya. Nauna na akong tumalikod at muling tinahak ang daan palabas ng gusaling iyon. Bagaman laman pa rin ng isip ko si Tadeo, pinili ko hanapin muna ang pagkalma para sa sarili ko.
Kargadong-kargado ako ng mga emosyong sabay-sabay na ipinararamdam sa akin dahil sa mga nangyari. Hindi ko alam kung ano pa ba ang uunahing pagtuunan nang pansin. Kung ang inis ba para sa mga taong naroon o kung ang awa ba para sa pasyente ko. Sigurado ako na sa mga sandaling ito ay puno na naman ng takot si Tadeo. Isang daang porsyento na ang mga negatibong bagay na naman ang namamahay sa isip niya.
At parang may lapastangang kamay na puno nang rahas at walang halong pag-iingat na pinipiga ng pino ang puso ko maisip pa lang ang nararamdaman niya ngayon. Hindi niya ginusto alinman sa mga nangyayari sa buhay niya. At kung mabibigyan man ng pagkakataon o kahit isang himala ay walang dudang gugustuhin niya na mabuhay ng normal.
Iyong tipong hindi na niya kakailanganing mag-alala at matakot sa bawat gagawing paglabas. Tipong normal lang ang lahat. Kaso sobrang labo. Mas malabo pa sa pinagsama-samang maitim na langis at putik na nanggaling sa estero. Mas lalong hindi pa nakatulong ang mga panghuhusga at saradong kaisipan ng mga tao.
"Clementine," masuyong tawag sa akin ni Rehan.
Napahinto ako sa paglalakad ngunit nanatiling nakayuko dahil nararamdaman ko na naman ang mga luhang nagbabadiyang magbagsakan. "Ano iyon, Rehan?" walang lingon na tanong ko sa kaniya.
Maging ang eksaktong lokasyon niya ay hindi ko na rin alam. Kung hindi ko pa siguro nakita sa paanan ko ang paglapit ng mga paa niya ay iisipin ko na iniwan na niya akong mag-isa.
"Do you know why people get intimidated whenever they see you?" he asked gently.
Umiling ako kahit na hindi malinaw ang rehistro ng mga salita niya sa tainga ko. Ipinkit ko ang mga mata ko kasabay nang pagkuha niya sa kamay ko at paglalagay ng kapirasong tela roon.
"Masyadong matayog ang pader na itinayo mo sa paligid mo. Hindi kita kilala ng lubos mula noon at hanggang ngayon. I don't know your story, your happy memories, and your pain. Pero sigurado ako na dala ng mga naranasan mo kung bakit ilag ka sa mga tao."
Sa likod ng pikit kong mga mata, naramdaman ko ang ginawa niyang paghawak sa magkabilang pisngi ko para itapat sa mukha niya. Hindi ako nagtangka na magdilat hindi dahil sa ilang na maaari kong maramdaman, kundi dahil sa mga luhang nasisiguro kong papatak oras na buksan ko ang mga mata ko.
"I have always thought that you were shielding yourself from pain. And maybe I was right. Or maybe not. May mga tao naman kasi talaga na kapag may hindi magandang eksperyensya, ang tanging solusyon na naiisip ay pag-iwas sa iba. I barely know you and I was never given a chance to figure out why you ended up being distant. But I know that man. His story. His life before everything turned dark. His pain."
Sa kalituhan at kuryosidad, binuksan ko ang mga mata ko habang nagpipigil pa rin ng luha sa mga mata. "Anong ibig mong sabihin?"
"That man's scars, I know everything. Nakita ko kung paano siya nalugmok. Kung paano siya pilit na bumangon. At kung paano siya tumalikod sa lahat ng bagay na mayroon siya. I witnessed how everything about his life changed drastically in just a night. Tahimik akong nanonood, inaalisa ang mga bagay na maaaring makaapekto sa akin positibo man o negatibo," pagpapatuloy niya ngunit hindi pa rin sapat para malinawan ako.
Nagsimula nang balutin nang kaba ang puso ko. Maging ang unti-unting paglakas nang bawat pintig no'n ay ramdam na ramdam ko. May parte sa akin na gustung-gusto na malinawan sa mga pahaging niya. Pero may maliit na bahaging takot sa mga maaaring malaman pa.
"Anong ibig mong sabihin, Rehan? Linawin mo," pakiusap ko sa alangan na boses.
"Tadeo and his condition... my father did it to him."
Umawang ang labi ko sa gulat ngunit tinakasan ako ng kakayahan na makapagsalita. Kusang gumawa ng kilos ang mga paa ko upang humakbang paatras, pinalalawak ang distansya sa pagitan naming dalawa.
Kulang ang salitang gulat sa mga narinig ko. Ni sa hinagap ay hindi nabuo ang ideyang konektado siya sa buhay ni Tadeo, o maski sa buhay ng taong gumawa ng bagay na iyon na dahilan kung bakit siya naging ganito. Naguguluhan ako sa mga naririnig. Hindi nagtutugma ang mga iyon sa mga impormasyong inilahaad sa akin noong araw na iyon na napag-usapan namin ang bagay na ito sa ospital.
And Rehan saying all these things to me was like a bomb directly thrown right in front of me. Hindi ko masukat kung ano ba talaga ang dapat na maramdaman. Pigilan ko man, pilitin ko man na kalmahin ang sarili ko, unti-unti na namang nabubuhay ang galit sa dibdib ko.
"Paanong naging ikaw iyon?" naguguluhang tanong ko. "Ang sabi ni Sir Theo ay ang anak ni Robin ay ang gumawa ng gusali ng kompanya ni Tadeo noon. Ibig sabihin, kung hindi niya kaedad dapat ay mas matanda sa kaniya. At kung tama ang pagkakaalala ko ay magkasing edad lang tayong dalawa. Ang isa naman ay nasa kolehiyo pa," naguguluhan kong paglalahad ng mga bagay na narinig sa Director nang araw na iyon.
"It wasn't Dante Rosales but Dante David. I paid people to make fake documents for him. I faked everything aside from the diagnosis about him," pag-amin niya.
At sa bawat rebelasyong isinisiwalat niya ay siya namang paghakbang ko paatras... palayo sa kaniya.
"I made sure that I won't be traced. That Osfield Psychiatric Hospital would never be able to contact me in any possible way. Pinutol ko ang lahat ng bagay na mag-uugnay sa akin sa ama ko dahil hindi matanggap nang bata ako na magagawa niya ang bagay na iyon." Humakbang siya palapit na sinabayan ko nang hakbang paatras sabay iling. Dumaan ang sakit sa mga mata niya dahilan para mapahinto siya. "I became selfish. Ayokong malaman ng mga tao na siya ang ama ko. People knew me as a successful man. I am known in my field abroad and connecting my father with me would only cause my downfall. Kaya nang araw mismo na iyon nang alis ko, iniwan ko siya sa ospital at tinalikuran siya bilang ama.
"I knew everything about the incident involving him and Tadeo. Sinundan ko ang lahat nang pangyayari at ang ugat no'n. Mula sa umpisa hanggang sa pagpasok niya ng sarili niya sa ospital. I was building my own career while Tadeo was struggling to keep living with his condition that was caused by what my father did. And fuck me for being such as selfish bastard for doing all of those just to build the career that I wanted to have."
Inilingan ko siya. Dismayado ako sa narinig. Dismayadong-dismayado dahil higit sa lahat ng tao ay hindi ko inaasahan na siya pa ang makagagawa ng bagay na ito. Masyadong mataas ang tingin ko sa kaniya na maging ang pagkakamali ay walang lugar sa isip ko dahil masyadong busilak ang kalooban na nakita ko sa kaniya.
Kalooban na ipinakita niya ngunit sa likod pala ay ang pagpapanggap para sa sariling ikaaangat. Gusto kong magalit. Ang sumbatan siya nang paulit-ulit at ipaalam sa kaniya ang mga nangyayari sa loob ng mga panahon na itinataas niya ang sarili habang ang ama ay sadlak na sadlak sa sariling sitwasyon. Isang sitwasyon na wala siyang ibang kakampi kundi ang sarili. Isang sitwasyon na maiiwasan naman sana kung mayroon lang tao sa tabi niya na handang umintindi at magpaintindi ng mga bagay na malabo para kay Robin noong mga panahon na sobrang gulo ng lahat.
Hindi na ito para kay Tadeo. Ang galit na nararamdaman ko at ang panunumbat na gusto kong gawin ay para na sa ama niyang inabandona niya sa isang lugar para lang sa pansariling interes.
"Paano mo nagawa iyon sa sarili mong ama, Rehan?" dismayadong bulong ko matapos ay humakbang na naman paatras. "Alam mo ba ang dahilan kung bakit nandoon pa rin siya? Kung bakit kahit na hindi naman kailangan ay ibinuro niya ang sarili sa lugar na iyon at umakto na wala sa sarili niya?"
Napapahiya na nagbaba siya ng tingin. "Alam ko, Clementine."
"Alam mo pero wala kang ginawa?!" Nagngingitngit ang kalooban sinamaan ko siya ng tingin. Kung kaya lang no'n isalin sa kaniya ang nararamdman kong pagkapuno ngayon dahil sa mga nalaman ay ipagpapasalamat ko. Dahil gustung-gusto kong malaman niya kung anong klaseng galit ang nararamdaman ko para sa mga nalaman mula mismo sa bibig niya. "Rehan, nagpanggap na baliw ang ama mo sa loob ng ilang taon para lang huwag siyang makulong sa takot na baka ikasisira mo iyon. Galit ako sa kaniya dahil sa ginawa niya kay Tadeo pero hindi naman ata tama na abandonahin siya imbes na damayan siya.
"Mas nakakagalit ang ginawa mo. Mas masahol pa ang ginawa mo sa ginawa niya kay Tadeo. Handa siyang magmukhang nasisiraan ng bait. Handa siyang ipakulong ang sarili. Handa siyang gawin ang lahat para sa iyo tapos ikaw, puro sarili mo lang ang iniisip mo?! Ang gago mo, Rehan! Iyong Papa mo, gabi-gabi akong nginingitian sa ospital na para bang siya na ang pinakamasayang tao sa mundo. Pero alam ko, lalo na ngayon, na sa likod ng maskarang iyon ay ang lungkot na nararamdaman niya. Apat na taon, Rehan. Apat na taon akong naghihintay na may dadalaw sa kaniya. Na may pamilyang kikilala sa kaniya. Tapos sasabihin mo sa akin na sinandiya mong putulin ang koneksyon ninyong dalawa sa takot na baka masira ka, ang imahe mo, at ang career mo?!"
Marahas na pinunasan ko ang magkabilang pisngi ko nang maramdaman ang mainit na likidong dumadaloy roon. Habang siya ay nanatiling walang imik at nakayuko.
Gusto ko siyang sugurin at paghahampasin upang maiparamdam ang inis at prustrasyon ko sa ginawa niya. Gusto kong maintindihan niya ang mga bagay na naging kapalit nang kasakiman niya. Gusto ko siyang kaladkarin at ipakita sa kaniya ang kalagayan ng ama. Sa sobrang daming kong gustong gawin ay hindi ko na alam kung saan magsisimula.
"I'm sorry," paghingi niya ng dispensa.
Sarkastiko akong natawa na sinasabayan nang pag-iling kahit na hindi niya nakikita. "Hindi ako ang nararapat na makarinig ng mga iyan, Rehan."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top