Chapter 19

Judgments


Maya't maya ang naging pagsulyap ko kay Tadeo sa tuwing lumuluwag ang kalsada at may pagkakataon ako. At sa bawat sulyap na ginagawa ko ay palala lang nang palala ang nakikita kong pagpapawis sa noo niya kahit na malamig naman sa loob ng sasakyan. Maging ang ilang beses niyang paglunok at pagpikit ng mariin ay nasundan ko rin ng tingin.

Naging ganoon ang gawain ko sa loob ng buong biyahe na hindi ko na madetermina kung mabilis pa ba o mabagal dahil ang tanging laman na lang ng isip ko ay ang lagay ni Tadeo. Isang malalim na hininga ang hinugot ko matapos ay marahang pinakawalan matapos apakan ang preno ng sasakyan nang sa wakas ay narating na namin ang destinasyon naming dalawa.

Rinig na rinig ko ang pagbuntong-hininga ni Tadeo at kahit na hindi ko siya tingnan, ramdam na ramdam ko ang kaba niya. Ayoko mang maramdaman din ang bagay na iyon, hindi ko maiwasan dahil ito ang unang pagkakataon na muli siyang haharap sa maraming tao. Gawin ko man normal ang akto ko, natutuliro pa rin ako.

"Kaya mo ba?" nag-aalalang tanong ko sa kaniya.

"Kaya ko ba?" malayo ang tingin na tanong niya sa akin. O mas tamang sabihin na tanong niya sa sarili niya.

Humugot ako ng isang malalim na hininga matapos ay lumabas na sa sasakyan. Nilubos ko ang oras sa ginawa kong paglalakad palapit sa lugar niya para mabigyan ng oras ang pag-iisip ni Tadeo at pagpapalakas niya ng loob sa sarili niya.

Nang malapit na ako sa pintuan ng backseat ay siya namang pagdating ng estrangherong lalaking pormal ang pananamit. Isang tipikal na amerikana na siyang madalas na ginagamit ng mga kalalakihan tuwing pumapasok sa opisina.

Kaginhawaan ang nababasa ko sa mukha niya habang pasimpleng tinatanaw ang tinted na salamin ng sasakyan kung nasaan banda si Tadeo. Maski ang pansinin ako ay hindi na niya nagawa dahil nakatuon na ang atensyon niya sa loob. Nakita ko ang ginawa niyang pagtaas ng kamay upang sana ay katukin ang bintana subalit nauna na ang pagbukas ng pinto na iyon.

Ang mabigat na awra ni Tadeo ang una kong napansin bunsod ng pagkakayuko niya at ang pamumutla ng mukha. Magkahawak ang dalawang kamay niya sa harapan niya at mahigpit na pinipisil ng kanan ang kaliwa na para bang sa ganoong paraan niya hinahanapan nang pagkalma ang sarili.

"Tadeo..." nag-aalalang tawag ko sa kaniya.

"Good to finally see you here, Sir," magalang na pagbati ng lalaking kababakasan ng tuwa sa mukha nang sa wakas ay makita na ang lalaki.

Malalim siyang bumuntong-hininga at inihilamos ang dalawang kamay sa mukha. Mahina niya pang tinampal ang dalawa niyang pisngi at ilang ulit na ginawa iyon bago kami tuluyang hinarap ngunit ang tuluyang itago ang kaba ay hindi niya napagtagumpayan.

"Is everyone there, Daniel?" halata ang kaba na tanong niya sa katabi ko.

"Yes, Sir. Walang labis, walang kulang. Ikaw na lang ang hinihintay ng lahat, Sir," imporma ng lalaki.

Tumango si Tadeo at kinuha iyong senyales ni Daniel para pangunahan ang paglalakad papasok sa loob. Sa pagtalikod ng itinuturing niyang kanang kamay ay siya ring pag-aayos niya sa pormal na damit na suot niya.

Tinuwid niya ang tuwid namang suit at pinagpag ang slacks na suot bagaman wala namang dumi roon. At ginawa niya ang lahat ng iyon gamit ang nanginginig niyang kamay na larawan ng kabang nararamdaman niya.

Hindi ako nakialam maski ang magsalita man lang. Nanatili akong nakatayo kalahating metro ang layo mula sa kaniya at sa ganoong distansya siya pinanood. Hindi ko alam kung ano ba ang tamang gawin para panatagin ang loob niya dahil maging ako ay balisa na rin.

Pinupuno ang isip ko ng mga negatibong bagay na kahit pigilan ko ay hindi ko malabanan. Walang ibang umiikot sa isip kundi ang mga posibilidad na maaari siyang may magawang mali sa iba. Alam kong ako mismo ang nagsasabi sa kaniya na huwag mag-isip ng mga bagay na iyon. Pero iba pala kapag nasa sitwasyon ka na mismo. Hindi mo na kontrolado ang mga bagay na pumapasok sa isip mo.

"Do I look decent?" he asked nervously. His lips were twitching as he looked at me. Mailap rin maging mga mata niya na hindi na niya ako magawang matingnan ng diretso sa mga mata.

"You look more than fine, Tadeo. Ang guwapo mo ngayon," papuri ko sa kaniya.

Akala ko ay gagaan ang paligid namin ngunit ngiwi ang naitugon niya. "Walang silbi ang pagiging desente ko kung magloloko ang kamay ko."

"Hindi natin kontrolado ang bagay na iyan. Mas lalo ka na. Kaya walang silbi kung paiiralin natin ang takot gayong kung mangyayari ay mangyayari talaga. Just do what you need to do here then we'll immediately leave."

Walang salita na tumango siya matapos ay nauna na sa paglalakad. Hindi na rin ako nagsalita pa at sumunod na lang sa kaniya. Wala akong sapat na kakayahan upang lubos na maintindihan ang nararamdaman ni Tadeo. O kahit ang simpleng makabuo man lang ng ideya kung ano ang laman ng isip niya.

Dahil bukod sa katotohanang siya lang ang lubos na makaiintindi sa sarili niya at sa mga nararamdaman niya'y masyadong malalim ang pinanggagalingan ng mga iyon. Na kahit sisirin ko man at pilit na abutin ang ugat ng mga sakit at sugat na pasan-pasan niya upang hilumin ay magiging imposible dahil taging si Tadeo lang ang mag kapangyarihan na gawin iyon.

Mariing ipinikit ko ang mga mata ko bago muling nagmulat at tuluyang sumunod na sa kaniya. Tahimik ang buong paligid at walang ibang tao sa parking lot ng walong palapag na gusali na pagmamay-ari niya.

Nagsimula sa pailan-ilan ang mga taong nakakasalubong namin hanggang sa dahan-dahang dumami ang mga tao. At sa bawat bilang na nadagdagdag ay siya ring pagdami ng mga matang sumusunod sa amin ni Tadeo.

"Please be good to Tadeo..." mahinang bulong ko na walang partikular na kausap.

Hindi ako tuluyang lumapit. Pinanatili ko ang sapat na distansya sa pagitan namin habang tahimik na nag-oobserba sa paligid. Bawat empleyadong nadadaanan namin ay walang dudang napapalingon sa kaniya. Ang iba ay humihinto pa sa ginagawa para lamang mapagmasdan siya.

"Siya ba ang CEO?" anang tinig ng isang empleyado na nadaanan ko.

Sinadiya kong bagalan ang paglalakad nang sa gayon ay magawa kong mapakinggan ang pag-uusap ng mga nadadaanan ko. I already knew that people would talk. Lalo na at ngayon lang naman siya magpapakita sa mga empleyado niya.

"Yata? Hindi ako sigurado dahil wala namang nakakaalam kung sino siya at ano ang itsura niya maliban kay Sir Daniel," sagot ng kausap niya.

"Bakit daw ba?" muling pagtatanong ng isa.

Wala na akong narinig na tugon kaya nagpasiya na lang akong magpatuloy. Ngunit bago pa man ako tuluyang makahakbang paabante ay nauna na ang pagtili ng panibagong babae mula sa harapan ko.

Binundol ng kaba ang dibdib ko hindi ko pa man tuluyang naibabaling ang tingin sa direksyon na iyon. Isang tao agad ang pumasok sa isip ko at hindi nga ako nagkamali nang makitang si Tadeo nga ang sanhi ng narinig kong ingay na ngayon ay pinagtitinginan na ng lahat ng tao.

"Hala, anong ginagawa niya kay May?" nag-aalala at natatakot na bulong ng kaninang babaeng pinag-uusapan ang pasyente ko.

Hindi ko na sila pinagtuunan pa ng pansin at ang intindihin ang mga salitang sinasabi nila. Sa malalaking mga hakbang ay lumapit ako sa kanila upang agapan ang nangyayari nang hindi na madagdagan pa ang gagawin ni Tadeo na maaari niya ring ikapahamak sa huli.

Panic started to fill me but I tried not to let it dominate me. Even with the distance that I have with the commotion going on in front of me, I could clearly see the strong grip of Tadeo's left hand that was holding the female employee's pulse. But it wasn't just a simple grip, he was ruthlessly shaking it.

"Tadeo," mahinang pagtawag ko para kuhanin ang atensyon niya.

Mariin siyang pumikit at gamit ang kanang kamay ay hinawakan niya ang kaliwa upang pigilan at ibaba. Ang babae naman na kanina ay hawak niya sa pulso ay takot na nakatingin sa kaniya.

Nagkalat sa sahig ang ilang piraso ng folder na tingin ko ay hawak ng babae kanina. Walang pagdadalawang isip na sinimulan kong kolektahin ang hindi bababa sa limang pirasong folder na nakakalat. Maging ang mga papel ay pinagsama-sama ko na rin.

Walang nangialam sa ginawa ko. O ang nagtangka na tumulong man lang dahil marahil sa gulat sa ginawa ni Tadeo. Walang nagsasalita, ang nagtatanong, o ang gumawa ng kahit na maliit na kilos man lang. Lahat ay tahimik lang. Nakikinig at nagmamasid lamang.

"Clementine," pigil ni Tadeo sa akin.

Hindi ako sumagot sa kaniya at nagpatuloy lang sa ginagawa. Nang matapos ay humarap ako sa babae. Pinilit kong gawing normal ang ngiti ko sa harap niya. "Here, Miss." Inabot ko sa kaniya ang mga iyon bago hinarap si Tadeo.

Nagbaba ako ng tingin sa kamay niyang hawak niya pa rin ngayon. Tumatapik iyon sa hangin na alam kong hindi kontrolado ni Tadeo. Hahawakan ko na sana ang kaliwang kamay niya nang maunahan ako no'n at puno ng puwersa na tinapik ang kapupulot ko lang na folder dahilan para muling magkalat ang mga iyon sa lupa.

Ramdam ko ang mga mata ng mga tao na sinusundan kami ng tingin at pinanonood ang bawat galaw namin. Nasa mga mata nila ang pagkabigla. Maging ang takot ay mababakas sa mga mata nila. Naiintindihan ko sila dahil maging ako noong una ay hindi rin makuha ang ganitong gawi ni Tadeo.

Ngunit iba kasi sa sitwasyon nila dahil mas brutal ang pagkilos niya kumpara sa simpleng taliwas na mga kilos lang noon. Isama pa na ang lalaking ito ay siyang pinakamataas na opisyal sa lugar na ito kaya mataas ang tingin ng mga tao at ang ganitong klase ng tagpo ay hindi makatutulong para maintindihan nila si Tadeo.

Malakas ang bawat pagpintig ng puso ko dahil sa kaba at awa para kay sa lalaking ito na parang nawawalang bata na naman ngayon. Nanghihingi ng tulong na tiningnan niya ko ngunit maging ako ay natutuliro na dahil sa hindi inaasahang pangayayri. Nasa mukha niya ang pagkapahiya, ang takot, at ang awa para sa sarili niya. Namumula na rin ang buong mukha niya na at may bakas na ng luha ang mga mata niya.

"The board's waiting, Sir. We need to go," Daniel announced.

Umugong ang bulungan ng mga taong nanonood sa amin. Bukas ang mga mata at tainga nila habang sumasagap ng mga mapag-uusapan oras na mawala na kami sa mga mata nila.

"Baliw ba siya?" bulong ng isa mula sa malayo.

Naramdaman ko ang pag-akyat ng inis sa ulo ko subalit pilit na kinalma ko ang sarili dahil walang magandang maidudulot at mas ikasasama pa ng mga nangyayari. "Sige na, Tadeo. Go with Sir Daniel. Susunod na lang ako."

"Please be quick,"pakiusap niya.

Gamit ang isang kamay ay inabot ko ang kaliwang kamay niya na malikot pa rin ang kilos hanggang ngayon. Habang ang isang kamay ko naman ay gumagawa ng paraan upang makuha ang stress ball na nasa maliit na shoulder bag na dala ko.

"Here, hold this." Inilapat ko ang stress ball sa kaliwang palad niya at ako na rin ang nagsara no'n nang masiguro na hawak na niya iyon. "Susunod ako," pangako ko sa kaniya.

Mataman niya akong tiningnan, tinitimbang ang katotohanan sa mga salitang kasasabi ko lang. Ang kanang kamay niya ay mahigpit na humawak sa kaliwang siko ko bilang pagtutol ngunit parehong malinaw sa amin na kailangan niyang lisanin ang lugar na ito.

"This way, Sir," Daniel interrupted once again.

I nodded at him in approval before tapping his shoulders to urge him to start walking. Kahit na nakikita ko na ayaw niya'y nagsimula siyang humakbang palayo sa direksyon ko, tinalikuran ako kasabay nang pagsalo niya sa mga tingin na ibinibigay ng tao.

Sinundan siya ng tingin ng lahat ng nadadaanan niya habang ako ay pinagmamasdan ang bawat bulungan nila sa tuwing lumalagpas siya. Mahirap makita na sa likod niya ay pinag-uusapan siya ng iba, lihim na hinuhusgahan at pinag-iisipan ng masama. At masakit sa dibdib na iniisip ng iba na baliw siya dahil lang sa hindi nila alam ang totoong sakit niya.

"Siguro ito ang dahilan kung bakit hindi siya nagpapakita noon pa man," muling bulong ng isang empleyado.

"Paano natin naging boss ang baliw na iyon? Nakakatakot... nakakakilabot," gatong pa ng isa.

"Kawawa naman si May, siya pa ang pinuntirya."

"Parang natakot ako bigla sa lugar na ito."

Puwerahan kong kinalma ang sa sarili ko bago pa man ako mapuno at sumabog sa inis dahil sa mga naririnig na hindi naman totoo. Tatlong malalim na hininga ang pinakawalan ko ng sunud-sunod bilang pampakalma at laking pasasalamat ko na naging epektibo iyon kahit na panandalian lang.

Kung puwede lang na gantihan ko ang bawat bulong nila ng mga maling paniniwala ng sigaw na ang laman ay katotohanan ay ginawa ko na. Kaso kung gagawin ko iyon ay baka mas lalo lang sumama ang tingin nila kay Tadedo na siyang iniiwasan ko.

Ayokong isipin kung ano man ang nararamdaman ni Tadeo ngayon. Gusto kong ipagpasalamat na wala na siya ngayon kaya hindi na niya naririnig ang mga bagay na ito. Dahil kung maririnig man niya, sigurado ako na magiging dahilan na naman ito para ikulong niyang muli ang sarili niya at itago mula sa iba.

Ang sakit isipin na sa unang paglabas niya upang harapin ang mundong tinalikuran niya ay ito pa ang sasalubong sa kaniya.

Mga bulong ng takot at panghuhusga.

"Hindi baliw si Tadeo," mahinang saad ko. Nakuha ko ang atenyon ng iilan habang ang iba naman ay nagpatuloy na sa mga naiwang gawain. "He has a condition and I'm afraid that it would be too complicated to be discussed in a short period of time. But I hope you all will try to understand. Hindi siya baliw. Sadiyang nakulong lang siya sa isang sitwasyon na hindi niya rin naman ginusto at hindi na kailanman matatakasan pa."

Pinanood ko kung paanong unti-unti nalagas ang mga taong nakikinig sa bawat salitang lumalabas sa bibig ko. Ngunit nakuntento ako. Sapat na sa akin na may gustong makinig bagaman hindi marami. Inaasahan ko na ito, ang hindi mapakinggan ng mga tao kapag pinag-uusapan na ang bagay na ito.

When it comes to this kind of thing, people are reluctant. And that's how cruel life could be for people like Tadeo Kraus.

Sa kabilang banda, hindi ko puwedeng ipilit sa kanila ang totoong lagay ni Tadeo kahit iyon ang gusto ko para mabigyan sila ng linaw kung bakit ganoon siya. Ngayon pa nga lang hindi na sila interesado, paniniwalaan pa kaya nila ako kung papangalanan ko ang sakit niya? Masyadong sarado ang isip ng karamihan sa ganitong bagay na ang konsekwensya ay hirap at takot para sa mga may kondisyong hindi kayang intindihin at tanggapin ng karamihan.

Nagpatuloy ako sa paglalakad bagaman ramdam ko pa rin ang tingin ng iba sa akin. Hindi ko sinuklian alinman sa mga iyon at nagtuluy-tuloy para sundan si Tadeo na para bang hindi nila ako lantaran na tinitingnan.

Mabilis na narating ko ang ika-sampung palapag ng gusali kung saan naroon ang lalaki. Pero hindi si Tadeo ang naabutan ko roon. Sir Theo walked towards me instead and without a word, he guided me to the door located at the center of the floor.

"May problema ho ba, Sir Theo?" nag-aalang tanong ko.

Nanatiling tikom ang bibig niya at madilim ang mukha na nakatingin sa harap. Naguguluhan ako pero mas lamang ang kaba sa puso ko habang nakikita siyang ganito.

Mga maiingay at sabay-sabay na pananalita ang agad na sumalubong sa amin nang makapasok kami sa loob. Nagmumula ang mga boses na iyon sa maliit na speaker na nasa gilid ng office table sa sentro at dulong bahagi ng lugar.

"Ano ang nabalitaan namin na nanghablot ka raw at nanggulo sa ibaba kanina?" galit na tanong ng boses ng isa na sa hinuha ko ay may katandaan na.

"Hindi ako makapaniwalang baliw ang may-ari ng kompanyang ito."

"Paano ko ipagkakatiwala ang pera ko kung ganito?!"

"Paano kapag kumalat ang ginawa mo sa empleyado mo sa baba at lumabas sa publiko?! Masisira ang lahat ng pinaghirapan namin para lang buuin ito habang ikaw nagtatago!"

Pinaligiran ng luha ang mga mata ko sa mga naririnig na galit na sigaw ng mga kalalakihang naroon. Masakit marinig ang mga ganitong klase ng salita at hindi ko maisip kung anong klaseng sakit ang nararamdaman ni Tadeo ngayon na siyang pinupuntirya ng mga salitang iyon.

"They knew nothing," galit na bulong ni Sir Theo.

Ang nagtatagis na bagang niya at ang madilim na mukha ang nakita ko nang balingan siya. Nakaupo siya sa swivel chair ni Tadeo habang pinupukol ng masamang tingin ang speaker na naroon sa ibabaw ng lamesa.

"My brother did his part kahit na wala siya rito at malayo siya sa mga mata ng lahat. But even before those happened, he's working his ass off just to rebuild this place. He would go to work as early as five am in the morning and would leave as late as twelve midnight. At ginawa niya ang lahat ng iyon habang dumadaan sa pinakamadilim na bahagi ng buhay niya. Kahit hirap dahil sa pagabagong dala ng sakit niya, pinilit niyang buhay ang lubog nang kompaniya para makabawi sa mga pagkakamali niya." Marahas na sinuklay niya ang sariling buhok at sa dulo ay sinabunutan pa nang bahagya ang sarili upang ilabas ang prustrasyon. "Kaya anong karapatan nilang sumbatan ang kapatid ko kung ang alam lang naman nilang gawin ay magreklamo?"

Ibinaling ko sa kawalan ang paningin ko upang iwasang makita ang sakit na nakabalatay sa mukha ni Sir Theo. Ramdam ko ang galit niya at ganoon din ang nararamdaman ko sa bawat malakas na pagtibok ng puso ko.

Only if we could do something to help Tadeo in this situation. But the only thing we could do is listen and get hurt with every harsh words and judgements they were throwing at him. Kung may kapangyarihan lang akong lumusob doon at sumbatan sila, ginawa ko na. Kaso ay hamak na nurse lang naman ako ni Tadeo at hindi sakop ng karapatan ko ang manghimasok sa ganitong bagay.

"Ang problema kasi sa kanila, magaling silang pumuna ng mga pagkakamali ng iba gayong ang mga sarili nilang pagkakamali ay hindi nila maitama," inis pa ring saad ng kasama ko.

"Please show respect, gentlemen," boses iyon ni Daniel na inaawat ang mga naghuhuramentadong kalalakihan. "It is not right to treat Sir Kraus this way. Siya pa rin ang may-ari ng kompaniya. At may dahilan siya kung bakit nangyari ang insidente sa baba kanina."

"Anong dahilan? Na wala na siya sa katinuan kaya nananakit na ng iba?" hamon ng isa. "Tingnan mo ang ginagawa mo ngayon!"

"Ilayo niyo si Dela Cruz! Baka masakal iyan ng baliw na iyan!"

"Mister Roxas! Anong tinatayo-tayo mo riyan?! Patigilin mo ang ginagawang pagku-kuwelyo ng baliw mong boss kay Sir Dela Cruz!"

Sunud-sunod na singhap ang sunod na narinig ko mula sa lugar na iyon. Nagkatinginan kami ni Sir Theo at parehong nakaramdam ng kaba at pagkabalisa sa kung ano ang posibleng nangyayari sa lugar na iyon ngayon.

Malalaki ang hakbang na tinungo ni Sir ang pinto. Tuluy-tuloy na naglakad siya palabas na marahil ay sa conference room ang pupuntahan. Naiwan ako roon, napako ang paa sa kinatatayuan habang unti-unting binabalot ng awa ang puso ko.

Awa para kay Tadeo at sa nangyayari sa kaniya. Pinupuno ako ng awa para sa kaniya at wala na akong ibang maisip kung hindi ang hayaan na dominahin ng pakiramdam na iyon ang buo kong pagkatao. Kargado ng iba't ibang uri ng pakiramdam ang dibdib ko na pumupuno sa akin dahilan nang tuluyang pagbagsakan ng mga luha ko.

Naglandas ang mainit na likido sa magkabilang pisngi ko habang pinakikinggan pa ang komosyon na nangyayari ngayon. Gusto kong tumakbo at puntahan sila upang iparating kay Tadeo na magiging maayos din ang lahat. Ngunit nauupos ako. Pinanghihina ako ng mga nararamdaman ko na maging ang simpleng paghakbang lang ay hindi ko magawa.

Move, Clementine!

Marahas na umiling ako upang magawang makapag-isip ng matino sa kabila ng hirap, pagkabalisa, at takot. Sumagap ako ng hangin at pinakawalan gamit ang bibig. Hindi dapat ako panghinaan ng loob ngayon. Mas lalong hindi ko dapat pairalin ang takot at abandunahin na lang si Tadeo.

He needs me. He needs people who would understand not those who knew nothing but to judge.

Bagsinuka ako sa mabagal na paghakbang matapos punuin ng tapang ang dibdib kong napakahina ngayon. Hanggang sa nauwi ang simplang paglalakad sa mabilis na takbo nang makalabas na ng silid na iyon. Agad na nagtungo ako sa nakaawang na pinto na nasa kanan. At bago pa man ako makapasok roon ay panibagong bugso ng emosyon na naman ang aking naramdaman.

Gusto kong magwala sa galit sa nakikita ngayon. Ang iparamdam sa mga walang pusong tao na iyon ang sakit na nararamdaman ko ngayon bilang ganti sa mga pinagagagawa nila sa isang taong hirap na nga, mas pinahihirapan pa nila.

Parang may daan-daang patalim na sabay-sabay ibinato sa akin at itinarak sa puso ko nang mariin dahil sa habag para kay Tadeo. Walang imik na nakaupo lang siya sa pinakasentrong upuan na naroon sa dulo ng mahabang lamesa. Hinahayaan ang mga kalalakihang kuyugin siya at kuwelyuhan na para bang isa siyang kriminal at napakalaki ng kasalanan sa kanila.

Ang iba ay walang imik na nakamasid lang, nanonood sa mga nangyayari at hindi nakikialam. Ang ilan ay kinukuwelyuhan siya habang ang iba naman ay pinagbabato siya ng mga papel na nagliliparan na sa ere dahil sa rami at sabay-sabay na pagbato ng iilan.

"STOP!" Dumagundong ang boses ni Sir Theo sa loob na nagpatigil sa pagwawala ng mga tao. "You want Tadeo to be here, right?! That's what you all want, right?!" Pinukol niya ng masamang tingin ang lahat ng naroon. Isa-isang tiningnan nang may panunumbat sa mga mata na siyang dahilan nang pagyuko ng karamihan. "Now that he's here, this is how you'll treat him? Ang babastos niyo naman. Is this how professionals behave? Tadeo has his reasons for not showing up through all those years. He is sick. He needs treatment and he needs time to heal himself. And all you ever cared about is your money. And now you're going to treat my brother like this?! Fuck your money! Pull out your investments! Wala akong pakialam. Hindi kailangan ng kapatid ko ang ganitong pag-uugali ninyo kaya malayo kayong linsanin ang establisimyentong ito at huwag na kayong babalik."

Sir Theo glared at every man present at that room before taking his leave furiously. Walang nagtangkang magsalita. Lahat ay nagpapalitan lamang ng tingin dahil sa pagkapahiya.

I took that as a signal to finally enter the conference room. I was able to caught their attention but I didn't bother to reciprocate their stares. Mas kailangan kong intindihin sa Tadeo. Mas kailangan niya ako ngayon at walang lugar sa akin ang intindihin sila.

Humapdi ang magkabilang sulok ng mga mata ko sa pagbalong ng luha roon. At pilitin ko man ang sarili ko na pigilan ang mga iyon upang huwag iyong tuluyang tumulo ay nabigo ako. Lalo na nang ang luha na dala-dala ang sakit na hindi ko magawang isalin sa berbal na paraan upang maibsan ang bigat sa dibdib ko ay siya ring kaparehong luha na naglalandas sa magkabilang pisngi ni Tadeo.

"Hindi ako baliw, Clementine," paos na wika niya sa pilit na pinahinang boses para kaming dalawa lang ang magkarinigan. Sinabi niya iyon na para bang kinukumbinse ako.

Unti-unti kong hinayaan ang sarili ko na dumausdos hanggang sa tuluyang humalik ang dalawang tuhod ko sa semento. Sa ganoong paraan nagpantay ang mukha naming dalawa. Sa ganoong kalapit na distansya'y mas lalo kong naramdaman ang awa para sa kaniya.

Umangat ang kamay ko patungo sa magkabilang pisngi niya. Masuyong tinuyo ko ang mga bakas ng luha roon para lamang masundan na naman ng panibago.

"Alam ko, Tadeo," tumatangong saad ko. "Hindi ka baliw. Walang mali sa pag-iisip mo."

"Pero bakit iyon ang sinasabi nila? Bakit nila ako pinaparatangan ng isang bagay na malayo naman sa katotohanan?" parang batang pagtatanong niya. Umangat ang dalawang kamay niya at itinakip iyon sa dalawang tainga ko. "Huwag kang maniwala sa kanila. Hindi totoo ang mga sinasabi nila," umiiling na pagkukumbinsi niya sa akin.

Tumango ako bilang pagsang-ayon sa kaniya dahil kahit na hindi naman niya ako kumbinsihin ay pinaniniwalaan ko siya. Sa huli, yakap ang tanging nagawa ko upang pagaanin ang loob niya.

Agad na ginantihan niya ako ng yakap. Isiniksik ang mukha sa leeg ko at doon nagpatuloy sa pag-iyak. "Take me away from here, Clementine. Save me..."

———
A/N: Thank you so much! ♡

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top