Chapter Thirty
LUMINGON-LINGON SI ALBIE sa paligid.
Kinabahan siya dahil wala na sa kanyang tabi si Nikolai. Nag-alala siya dahil kahit si Boris ay wala na sa silid. Wala na rin sa paanan ng kama ang bag ng mga ito. Napatitig siya sa kawalan. Napaisip.
Panaginip lang ba ang existence ng mag-ama sa buhay niya?
Binaba niya ang tingin. Iyon pa rin naman ang suot niya. Kung ano ang suot niyang damit kagabi, nung sinundo niya sa hotel si Boris.
Bigla niyang naalala si Olivia. Oo nga pala, nawala sa isip niya kamustahin kung naayos na ba ang problema ng dalawa. Nawalan siya siguro ng pakialam nang halikan siya ni Boris. Napanatag agad ang puso niyo.
Wow. Puso. Kalurkey. Ano ito, self-admission na in love siya kay Russian Daddeh?
Binaba niya ang mga paa sa gilid ng higaan. Napatingin sa bandang uluhan niyon at may nakita na itim na sunglasses. Sigurado siya na hindi kanya ang salaming iyon.
Boris...
.
.
"OH, NASAAN na si Russian Daddeh mo?" nanunuksong tanong sa kanya ni Joey habang nagluluto ito ng almusal nila.
Halos lahat sila ay nakauniporme na. May ilan na abala pa sa pagpapatuyo ng buhok gamit ang tuwalya o nagsusuklay.
Nakaupo si Albie sa dining table, nag-aabang na lang ng ulam dahil nakahain na roon ang bagong luto na kanin. Si Jelly naman ay abala sa pagkuha ng mga baso para sa kanila. May kasama rin sila sa dining table na tatlo pang staff ng hotel na kasabayan nila ng shift. Ang tatlo pa na staff ay nasa salas at nanonood ng balita sa TV habang nagkakape.
"Ayun, nasa Russian Mammeh na niya," sagot ni Jelly para sa kanya.
"Bruhilda ka talaga," pagbubunganga niya rito. "Ang assuming, 'te, friends nga lang kami ni Russian Daddeh kung makaano kayo."
"Sus!" lapag ni Jelly ng mga baso sa tabi ng kanya-kanyang mga pinggan. "Pero aminin, umasa ang bading!" at humalakhak ang babae.
"Naglaway lang ako ng slight!"
Tawanan.
Ano pa ba ang bago? Sa araw-araw na dumadaan, sa ganito naman niya kailangang idaan ang lahat, 'di ba? Sa pagbibiro at pagpapatawa. Wala namang magagawa ang page-emote niya. Hindi niyon mapapabalik si Boris at hindi niyon magically na mapapa-in love si Boris sa kanya.
Sapat nang alaala siguro iyong sa unang pagkakataon, may kapwa bakla... o lalaki, na pumatol sa kanya. Na nag-init sa kanya at nagpakasasa sila sa katawan ng isa't isa.
Na kahit papaano ay may naka-appreciate sa pagiging bakla niya.
Na nakaranas siya kahit minsan sa buhay niya ng halik.
Mula pa sa tulad ni Boris. Sa ganoon ka-macho at kagwapong lalaki...
Napapalumbaba siya.
Hay, buhay nga naman.
Ito ang teleserye ng kanyang isang Linggong pag-ibig...
Siyang tampal ni Jelly was braso niya. Napaalis tuloy siya sa pagkakapalumbaba, binaba ang kamay at tiningala ito.
"Aw!" reklamo niya sa kaibigan na naglapag ng baso niya.
Nasa kalagitnaan na siya ng pagme-melodrama eh, inistorbo pa siya nito.
"Umagang-umaga, Albie, huwag kang pumalumbaba diyan!" panlalaki nito ng mga mata sa kanya. "Mamalasin ka, sige ka."
"Advance yata 'yung malas, iniwan na ng Russian Daddeh niya," pang-aasar na naman nitong si Joey.
"Hoy, Joey, nakakahalata na ako sa iyo, ha? Mas bitter ka pa sa akin na umalis si Boris!"
"Batuhin kita nitong spatula!" natatawang ganti ng lalaki sa kanya, nage-gets kasi nito na pinaparatangan na niyang jokla si Joey. Joey plus bakla, equals Jokla. Natawa siya sa naisip. Iyon kaya ang ma-nickname sa hudas niyang kaibigan?
Albie just made funny faces in response to Joey. That made them laugh louder.
.
.
NADADALIAN SI ALBIE mag-train kay Mariel. Nasimplehan lang ang dalaga sa mga gawain sa hotel kaya naman natutuwa si Albie rito.
Ibig sabihin, tuloy na tuloy na talaga ang pag-uwi niya ng Manila para masamahan ang ama.
Siyempre, ang bawat saya, may kalakip na pangamba.
Paano niya kaya mapapalambot ang puso ng ama?
Paano siya nito matatanggap?
Tanggap na nga ba siya nito?
Alam na naman siguro nito na uuwi na siya, 'di ba? Na siya ang personal na aalalay dito at mag-aalaga.
Natapos na sila sa paglilinis sa isa sa mga silid nang matanaw niya kung ano na ang susunod nilang lilinisin. Pumahid sa kanyang katawan ang paninibago habang nakatitig sa numero sa pinto ng hotel suite na iyon.
Binigyan siya ng makahulugang tingin at ngiti ni Jelly. Pinanlakihan lang niya ito ng mga mata.
Tinigil niya ang tinutulak na card sa tapat ng kwarto. Si Mariel na ang pinag-doorbell nila sa kwarto.
"Housekeeping!" tawag nito, medyo mahinhin pa. Pinukulan niya ito ng tingin. Inulit tuloy ng babae ang pagtawag sa mas pinalakas na boses.
Alam nila na occupied pa ang silid nila Boris dahil inaabisuhan naman sila ng receptionist kapag wala nang gumagamit sa isang silid. Sinisipat pa nga iyon ng staff nila pagkabalik na pagkabalik nung guest ng susi sa kwarto para i-double check kung wala bang nasira o nawawala sa mga gamit doon.
Walang sumagot sa pagkatok at pagdoorbell ni Mariel kaya nagpalitan sila ng tingin.
Tumango siya kay Jelly. "Baka nag-swimming na sila. Alam naman nilang around 10 AM tayo naglilinis ng suite nila."
"Okay," iwas ni Jelly ng tingin sa kanya. Hinanap na nito ang susi para sa suite at binuksan ang pinto.
Naunang pumasok ang dalawang babae. Siya naman itong maarte pa kung magtulak sa cart na nilalagyan nila ng marurumi nang mga punda at bedsheet. Natigilan ang mga ito at napasinghap. Huli siyang nakapasok kaya nagtaka pa siya sa pananahimik ng dalawa.
Dapat kasi nagsasabi na si Jelly kung ano ang uunahin nitong gawin.
Pagbitaw ni Albie sa cart, nanlaki ang mga mata niya sa hitsura ng silid.
Magulo ito at may isang kutson pa na natanggal mula sa kama. Nakuha pa nung kutson na sumabit sa frame ng kama na para bang gustong sumampa pabalik doon. Naitaas niya ang mga kamay para takpan ang bibig. Habang iniikot kasi ni Albie ang tingin sa paligid, mas marami siyang nakikitang senyales ng panlalaban at karahasan. Maging ang tv set ay nagbagsakan na sa pinapatungan ng mga ito. Takot na tumabi sa kanya ang dalawang babae.
"A-Albie..." naubusan na ng tuluyan ng sasabihin si Jelly. Naghalo ang tapang at kaba sa mukha nito.
May nahagip ang kanyang paningin.
Mga paa.
Wala sa loob na lumapit doon si Albie. At nakita nga niya ang isang babae na bumagsak na sa sahig katabi nung kama na malapit sa banyo. Nakabalot ang kumot sa buo nitong katawan. May t-shirt nakatakip sa bibig nito. They could hear her muffled scream as she wildly fought and wiggled.
Hindi niya alam kung pakakawalan ba ito o ano.
"Albie! Tatawag ako ng guard!" panic na ni Jelly at mabilis na tumakbo palabas ng suite na iyon.
Nilipat niya ang tingin kay Mariel.
"Mariel, tumawag ka sa baba," nginuso niya ang phone sa night table sa silid na iyon. "Gamitin mo iyang phone."
Tahimik na sumunod ang dalaga na namumutla na rin sa takot.
Binalik niya ang mga mata sa babaeng nakagapos ng kumot at may tapal ng pinarolyong t-shirt ang bibig. Pinarolyo iyon tapos, tinali sa likod ng ulo nito ang magkabilang dulo.
Ano'ng... Ano ang ginawa mo rito... Boris? Nanghihilakbot na umalingawngaw ang tanong na iyon sa kanyang isip.
.
.
***
AN
Wooops! Hanggang dito muna! <3 <3 <3
Got to sleep already! Kitakits bukas sa UD ko sa The Gentleman's Secret! ;) Goodnight and sweet dreams!
Love,
ANAxoxo
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top