Chapter 36

"Maybe fate still has a heart for aching people. They give hope and chance on the other aspects of life even when they broke these people's hearts in pieces."

- NAPABAYAAN - 

LABING LIMANG MINUTO ANG lumipas, nakita na lang ni Rose ang sarili na nakasandal sa dingding sa labas ng comfort room habang sinusubukang huminga nang maayos. Pawisan ang kanyang noo at matamlay ang mga labi. Nang tumitig siya sa kisame ay naramdaman niya ang pamimilipit ng kanyang sikmura.

"May nakain ka bang masama?"

Tumalim ang titig niya sa kaharap na si Architect Vin.

Dahan-dahan niyang iniharang ang kamay sa mismo mukha nito. Ayaw niya muna itong magsalita.

Bahagyang umangat ang gilid ng labi nito. Hindi makapaniwala na talagang ginawa niya iyon.

Hindi magawang sumagot ni Rose. Sa sobrang sakit ng ulo niya ay halos naroon na ang kanyang buong atensyon. Ni hindi na nga siya makapag-isip nang maayos at namimilipit na lang siya sa sakit.

She didn't mean to act that way. Ang gusto lang naman niya ay huwag muna itong magtanong dahil hindi rin naman niya iyon masasagot.

Nang makitang muli itong magsasalita ay mabilis niyang hinarang ang mga kamay para patiligin na ito sa balak nito.

"Please . . ."

Ngunit wala talaga ata itong balak na pakinggan siya, dahil narinig niya ang i-ilang mga yabag palapit sa kanya.

"Kahit tinapay, hindi ka kumain?"

Iling na lang ang naging sagot ni Rose.

Hindi na nagsalita si Vin. Nagpasalamat si Rose at pinanatiling nakapikit ang mga mata. Potek, hanggang kailan bago matapos ang sakit sa sikmura niya ngayon?

Naramdam niyang inalalayan siya ni Vin. Nang muling pinilipit ang kanyang sikmura ay napakapit siya sa suot-suot nitong polo.

"Tangina," halos maiyak na si Rose dahil sa sakit. Parang dinidikdik ang kanyang sikmura, pinipilipit iyon at tila kinakaskas at hinihiwa ng kutsilyo.

"Nalipasan ka ng gutom," anunsyo ni Vin at hindi na naghintay pa na makaangal siya.

"Kaya mo bang maglakad?"

Dahang-dahang tumango si Rose. "Kaya kong maglakad. . . nang mabagal," pigil ang hiniga niyang saad.

"Sige, maglalakad tayo."

O-okay.

Napatitig si Rose kay Vin nang hinawakan nito ang kanyang kamay at ipinalibot ito sa kanyang leeg. Hinawakan siya nito sa bewang at inalalayan na parang pilay na nahiharapang makalakad.

Natawa siya nang bahagya nang makitang seryoso at dahan-dahan talaga ito sa ginagawa. Pero naipikit niya rin ang mga mata. Nagsimula silang humakbang. Kung kailan siya hahakbang ng ilang beses ay saka lang din ito hahakbang. Sinasabayan nito ang tiyempo nang paglalakad niya. Nanatili ang pamimilipit ng kanyang sikmura ngunit himalang hindi na siya nasusuka. Ngunit parang pinupukpok pa rin ang kanyang ulo ng martilyo dahil sa sobrang sakit nito. At maya't-maya. . . ramdam niya na ulit na parang tinutusok ang tiyan niya ng kutsilyo.

Bumaba sila sa first floor at mabilis na nagtungo sa canteen. Saglit silang pinagtinginan ng i-ilang empleyado. Pero nang makitang limang minuto na lang ang natitira bago mag-out ang mga staffs ay hindi na sila nito pinagtuonan ng pansin.

"Rose?" Saktong pagkakaupo niya pa lang sa isang upuan nang marinig ang boses ni Arci. Kahit na naroon ito sa malayong gilid at may inaayos na garbage bin mabilis siya nitong nilapitan. Nakangiti niya itong tiningala ngunit seryoso ito habang nakatitig sa kanya. "Ayos ka lang ba? Ano'ng nangyari sa'yo?"

Nakangiti pa rin si Rose nang umiling-iling. Napapikit siya nang muling lumandas ang pamimilipit ng kanyang sikmura at doon na nawala ang ngiti sa kanyang mga labi.

Dapadaing siya dahil sa sakit.

Napatitig siya kay Arci at kay Vin. Nakita niyang napalingon ang dalawa sa isa't-isa.

"Architect Vin," pagbati ni Arci nang mapansing kasama niya ang lalaki.

"Tinulungan ko lang si Rosette. Nakita ko siya sa fourth floor kanina, sobrang sama ng pakiramdam. I presume she's having a mild hyper-acidity."

Tumango-tango si Arci. "Salamat sa pagtulong sa kaibigan ko."

Kumuha ng upuan si Arci at mabilis siyang dinaluhan sa pamimilipit niya ng sakit. Nang sinulyapan niya si Vin ay nakita niya ang pagtango nito sa kanya. Ngumiti siya rito ng maliit at tumango rin. Nagsisimula na itong maglakad paalis nang marinig niya ang pagsisimulang pagpapangaral ni Arci sa kanya.

"Hyper-acidity, Rose? Paanong nagkahyper-acidity ka? Ano ba ang kinain mo kaninang lunch? Hindi ka sumabay sa amin."

"Wala akong kinain maski isa, Arci. Kaya hindi ko alam kung bakit biglaang sumakit nang ganito ang sikmura ko."

"Ay gaga ka," angil nito sa kanya. Mahina siya nitong hinampas sa braso.

"Wala sa tamang huwisyong fasting ba ang galawan mo ngayon, Rose?"

Huminga siya nang malalim.

"Dahil ba 'to sa nangyaring paghihi"

"No, Arci." Mabilis niyang pagputol sa sasabihin nito. Namimilipit man sa literal na sakit sa kanyang sikmura ay sinubukan niyang umayos nang upo. "Wala itong kinalaman sa kanya. Wala itong kinalaman kay Mico. May kinalaman ito sa sarili ko, Arci. Desisyon ko. Kailangan kong pangatawanan. Sa akin lang ito may kinalaman."

Napatitig si Arci sa kanya.

Malungkot siyang ngumiti. Ngunit may pag-asa ang mga matang tumitig siya rito.

"Kakayanin ko 'to hindi ba?"

Tango ang isinagot ni Arci.

Hindi siya nagkakamali sa sinabi niyang iyon. Alam niyang may kinalaman ang lahat ng nangyayari sa kung paano niya tratuhin ang sarili. Napagtanto niya iyon. At kung gusto niyang maghilom ang sakit na nararamdaman. Kung gusto niyang makilala niya ulit ang sarili niya. Kung gusto niyang umayos ang mga bagay ay sisimulan niyang ayusin ang sarili.

Bukas. Sisimulan ko bukas.

Handa na siyang bumangon mula sa pagkakalugmok. Gagawin niya iyon para sa sarili niya at magsisimula siya sa sarili niya mismo.

──◎──

Nakauwi siya sa apartment nang maayos na ang kanyang pakiramdaman. Kumain siya nang matino pagkatapos ay pinainom siya ng gamot ni Arci. Habang ginagawa iyon ay naroon din sa kanyang tabi ang iba pa nilang mga kaibigan. Naramdaman ni Rose na hindi naman pala nawala sa kanya ang lahat. May mga nawala nga, hindi niya iyon itatanggi, ngunit may mga nanatili pa rin. She lost her old friends but she found new ones.

Mahalaga pa rin naman sa kanya ang mga dating kaibigan, oras-oras siyang nasasaktan sa tuwing sumasagi sa kanyang isipan ang mga ito. Pero hanggang saan ba siya hihilahin ng pagsisi sa sarili? Alam niyang kasalanan niya ang nangyari. Inaamin niya. Gusto niyang makahingi ng tawad ngunit alam niyang hindi iyon ganoon kadaling gawin. Hahayaan niya na lang ang pahanon na magdesisyon kung kailan niya ulit makakausap ang mga ito.

Habang pauwi ay maraming sumagi sa isipan si Rose. Desidido na siyang alamin kung ano'ng mga naging dahilan kung bakit siya naging ganito. Kung bakit mas tumindi ang pagkuwestiyon niya sa sarili. Kung bakit siya naging desperada. Kung bakit siya nawalan ng tiwala sa sarili.

Limang minuto matapos makarating sa apartment ay naroon siya sa salas, nakaupo sa sofa habang nakamasid sa kanya ang kaniyang buong pamilya. Nagtanong ang mga ito kung may problema ba siya.

Ayaw niya nang takbuhan ang mga tanong na iyon. Gusto niya nang maging totoo sa sarili. Aaminin niya na ang mga kasalanan na nagawa at nang matuto siya mula sa mga iyon.

"Ma, naghiwalay na kami ni Mico." Iyon ang una niyang naging saad.

Nanubig ang kanyang mga mata at nanumbalik ang sakit sa kanyang didbib. Hindi naman iyon nawala. Naroon lang ang bigat sa kanyang dibdib pero sinusubukan niyang hindi pansinin. Naroon lang iyon. Ayaw pa siyang lubayan.

"Bakit kayo naghiwalay?"

Pinagmasdam niya ang kanyang Kuya na nakatingin sa kanya, sa tabi nito ay nakaupo ang Mama nila. Halos manlumo si Rose nang makita walang pang-aalispusta o panunuya sa mga mata nito. Ikalawang beses niya ulit iyong nakita sa mga mata ng Kuya matapos ang halos tatlong taong lumipas nang magsimula itong maging tagakutya sa kanya. Ang mismong tagahanap ng mga nagawa niyang pagkakamali.

Sa puntong ito, pakiramdaman niya ay handa na ang Kuya niyang pakinggan siya. Hindi siya nito agad hinusgahan. Pakiramdam niya ay nagbalik na ang Kuya Baron niyang inakala niyang matagal nang nawala sa kanila nang kapatid na si Chela.

Mahina siyang tumikhim. "May girlfriend na siya bago pa naging kami," pag-amin ni Rose. "Pero hindi iyon ang dahilan para maghiwalay kaming dalawa. Hindi ko alam kung ano mismo ang dahilan. Masyadong komplikado. Hindi ko siya maintindihan."

Napahinga siya nang malalim. "Sa sobrang daming pagkakamali na nagawa ko, hindi ko na alam kung may kakayahan pa ba akong gawin ang tama."

Nagsimula siyang umiyak kaya mabilis na kinuha ng kanyang Mama ang kanyang mga kamay. Malamlam ang titig nito sa kanya, umiintindi. Naghihintay sa mga susunod niya pang aaminin.

"Ang tanga-tanga ko, Ma. Hinayaan ko ang sarili kong maging kabit."

Sumilay ang sakit sa mga mata ng Mama niya. Mas lalo siyang napahikbi.

I'm sorry, Ma.

"N-nanatili ako sa tabi ni Mico kahit na alam kung mali. Hindi man lang ako nagduda nang nangako siya sa akin na hinding-hindi niya ako lolokohin. Sobra-sobra ang tiwala na ibinigay ko sa kanya. Sobra-sobra ko siyang minahal na umabot sa puntong halos nakalimutan ko na ang sarili ko. Na buong pagkakataon pala na minamahal ko siya, nakakalimutan ko nang mahalin ang sarili ko."

"Alam kong ayaw mo akong lumaking ganito, Ma. I'm sorry kung naging ganito pa rin ako. I'm sorry kung ganito ang kinahantungan ko. I'm sorry kung ganito ako kahina."

Naramdaman niya ang pagyakap nang Mama niya sa kanya. Tumabi ito sa kanya at kasabay niya ay tumulo rin ang mga luha nito. "Rose, anak."

"I'm sorry, Ma. Kuya, alam ko namang matagal ka nang galit sa akin dahil sa mga pinaggagagawa ko sa buhay ko. S-sorry. Ayoko rin namang humantong sa ganito. Pasensya na. P-pangako, aayusin ko ang sarili ko."

"Rose. . ." tawag ng Kuya niya sa kanya. "Tahan na. Hindi mo kailangan umiyak nang ganyan." Mas lalo lang siyang naluha dahil sa narinig.

Tumikhim ito bago nagpatuloy. "Alam kong may kasalanan din ako. Hindi ko nagawang isipin ang nararamdaman mo. Ang inakala kong pagtulong sa 'yo sa pamamagitan nang pagpansin sa mga nagawa mong pagkakamali ay magiging dahilan para malaman mo kung ano ang tama. Gusto kita makitang matuto sa sarili mong pagkakamali. Hindi ko nakita na hindi pala iyon madali para sa iyo. Sa halip, hinusgahan kita nang makita ko kayong magkasama ni Semillano. Dapat kinausap kita nang maayos. Marami akong dapat na ginawa pero hindi ko nagawa. Katulad mo ay marami rin akong pagkakamali."

Tumingin muna ito sa Mama nila bago tumingin sa kanya. "Humihingi rin ako ng tawad. Hindi ako naging mabuting nakakatandang kapatid sa 'yo at kay Chela."

Humikbi si Rose at napahagulgol. Tumayo siya mula sa pagkakaupo at niyakap ang Kuya Baron niya na halos maluha na rin sa kanilang harapan. Ibinaon ni Rose ang kanyang ulo sa balikat ng Kuya niya. Bumubulong ito. Humihingi ulit ng tawad. Mas lalo siyang umiyak. Hindi niya inakalang darating pa ang araw na ito.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top