Chapter 28

"All my life I've been making countless mistakes. But at this point, I want to commit a mistake that's worth the pain, worth the sacrifice. So, I fought for us even if it's the worst mistake I've ever done."

- KATOTOHANAN -

NAPATITIG SI ROSE sa sariling repleksyon sa salamin. Suot ang isang beige body hugging dress ay pinagmasdan niya ang kurba ng sariling katawan. Kulay itim na ang kanyang buhok at hindi iyon napigilang hindi punahin ng iba pa niyang mga kakilala. Namangha ang iba dahil sa pag-iiba niya ng kulay ng buhok. Mas nagmukha raw siyang inosente... demure kung sabihin ng iba.

Ngunit habang pinagmamasdan niya ang sarili sa ay nakikita niya ang mapagtaksil na si Rose. Ang traydor at mapanloko na bersyon ng kanyang pagkatao.

Hindi mawala-wala ang bigat sa kanyang dibdib. Lalo na noong nalaman niya na engaged na si Mico at Leira at pagpaplanuhan na ang kasal ng dalawa sa lalong madaling panahon. Paano na siya? Ang buong akala niya ay ipaglalaban siya ni Mico. Pero siguro ay masyadong imposible ang gusto nilang mangyari.

Siguro ay mas tamang tapusin na lang nila ang kung ano'ng meron sa kanila. Mananatili silang tahimik, ngunit wawakasan na ang pagtataksil na ginagawa.

Ngunit ayaw ni Rose na maunang sumuko. Kung susuko man siya, iyon ay dahil sinabi ni Mico. Dahil ayaw niyang magsisisi sa bandang huli.

Ayaw niyang habambuhay na isipin kung ano na lang ang nangyari kung ipinagpatuloy niyang lumaban. Iyong hindi siya ang unang bumitiw at sumuko, baka maaaring maisalba pa ang mga bagay. Iyon na lang ang pinanghahawakan niya.

Kung mahal siya Mico at ipinaglalaban pa siya nito, iyon rin ang kanyang gagawin.

Hihingi siya ng tawad kay Leira kung ano man kahahantungan ng sitwasyon niya ngayon. Bahala na kung ano'ng susunod na mangyayari.

Naalala niya ang sinabi nito nang mapuna rin nito ang bagong kulay ng kanyang buhok nang minsan siya nitong dalawin sa apartment nila.

"You certainly look so innocent, Rose. Sobrang tagal na rin nang makita ko ang ganyan mong ayos." And she smiled at her as she nodded her head.

Nagpasalamat siya rito ngunit itinatago na lamang ang guilt na nararamdaman. Panay ang pagbaba niya ng tingin at minsan niya lang salubungin ang mga mata nito dahil naiilang siya.

Ang sinabi niya noon kay Leira ay bibili siya ng gamot para sa ubo, at tumango ito at agad na lumabas ng sasakyan. Naiwan silang dalawa ni Mico sa loob pero hindi niya nagawang makipag-usap rito. Nahihiya siya, nandidiri sa sarili.

"Bakit ka nagkasakit? Hindi mo ba inaalagaan ang sarili mo?" Panay ang tanong ni Mico ngunit tipid lang siyang ngingiti. Natatakot na kahit makipag-usapan man lang siya kay Mico ay matunugan ni Leira ang namamagitan sa kanila.

Sobrang hirap ng ganoong sitwasyon.

Kailan ba matatapos ang katangahan niyang ito? Kailangan pa ba magiging maayos ang lahat?

Umaasa na lang siya na malapit na iyong mangyari.

Matapos makabili ng gamot para sa kanya ay agad siyang inihatid ni Mico at Leira pabalik sa apartment ng pamilya niya. Hindi na siya nagsabi na gusto niya pang gumala mag-isa. Nanatili na lang siyang tahimik sa backseat habang ramdam niya ang panay na pagpukol ng tingin ni Mico sa kanya mula sa rearview mirror.

Ngunit bago umalis ang dalawa ay inimbitahan pa siya ni Leira na gumala minsan kasama sila at next month ay magsisimula na ang pagsukat ng damit ng mga bisitang kasama sa entourage.

At kung gaano kabilis niyang nalaman ang balita na ikakasal na si Mico. Ganoon din kabilis lumipas ang panibagong buwan. Nagiging malabo na ba silang dalawa ni Mico? Hindi siya sigurado dahil panay pa rin ang pagtawag nito sa kanya. Tuwing gabi. Kung kailan tulog na ang lahat at nang walang makarinig sa kanilang dalawa.

The first month of the year—January was the hardest. Hindi napipigilan ni Rose na bumuhos ang mga emosyon sa tuwing napag-uusapan nilang dalawa ni Mico ang nalalapit nitong kasal. Hindi niya mapigilan na magtanong kung ipinaglalaban ba talaga siya nito. Kung may patutunguhan pa ba ang patagong relasyon nila o pinapaasa na lang siya nito sa wala.

Ngunit panay ang pagsasabi ni Mico na aayusin niya ang lahat. Na hindi na dapat siya mag-alala.

Katulad na lang kagabi. . .

"Magplaplano na kayong dalawa sa magiging details ng kasal niyo. Mico, hinihintay ko na lang na sabihin mo sa akin na ayaw mo na. Na kailangan na nating bumitiw. Alam ko naman na wala na tayong pag-asa. Wala na, Mico. Let's end this."

Hikbi ang sunod niyang narinig na kumawala sa kanyang mga labi. Ang unang buwan niya ngayong taon ay masyadong napuno ng luha, hindi niya tuloy napigilan na tanungin ang sarili kung magiging ganoon din ba ang kahahantungan ng paparating pang buwan.

Ngunit katulad nang nakasanayan, ayaw niya pa ring bitiwan ang tali na nagbibigkis sa kanila ni Mico kahit na ganoon na iyon karupok.

Ngayong araw ay magkikita silang magkakaibigan para sa mga detalye sa magiging kasal ni Leira. Naroon sina Carl, na nakauwi na galing abroad, si Shai at Sydney na masyadong inaabangan ang pagsukat ni Leira sa wedding gown nito pati na ang pagpili ng color motifs para sa ide-desinyo sa venue.

NATIGIL SIYA sa pag-iisip sa mga nangyari na, napatitig ulit siya sa sarili. Bumagay ang kulay beige na damit sa kanyang kulay de gatas na balat. At ang suot na hindi katingkarang red lipstick ang siyang kumompleto sa itsura niya ngayon. Mas nakikita niya ang sariling ganda na minsan ay natatabunan ng mapanghusgang sabi-sabi ng ibang tao.

Sa pagkakataong iyon, pakiramdaman ni Rose. . . gusto niya nang makalaya.

Mabilis siyang sinalubong ni Shai at Sydney nang nakarating siya sa boutique kung saan may kontrata si Mico at Leira para sa damit na gagamitin para sa magiging kasal ng dalawa.

Sa bawat pangangamusta nina Shai, Sydney, at Carl, alam niya kung gaano siya kawalang kwentang kaibigan sa mga ito. Wala siyang ibang ginawa kundi ang manubig ang mga mata dahil sa mga napagtanto. Ngunit ganoon nga, taksil siya, manloloko. Walang kwentang kaibigan.

Ano na lang ang sasabihin ng mga ito kung sakaling mabunyag na ang katotohanan? Paano kapag nalaman na nila ang kalokohang kanyang ginagawa?

Dalawa lang ang puwedeng mangyari: maiintindihan siya ng mga ito at patatawarin o magagalit ang mga ito at mawawala sa kanyang tabi, itatakwil siya ─ katulad ng kung ano'ng nararapat niyang maranasan at maramdaman.

"You look great in your dress! Taray, ah may pinapagandahan ka na ba ngayon, Rose?" Malaki ang ngiti ni Sydney nang magtanong ito sa kanya.

Umiling-iling na lang si Rose sabay na natawa. Hindi na siya nagsalita pa, hinayaan na lang ang mga kaibigan na magsalita nang magsalita kung paanong hindi nila nagawang magkita-kita kahit nasa iisang syudad lang naman sila. Hinihintay pa nilang dumating si Leira kaya naupo muna sila sa couch sa loob ng boutique.

"Rose," tawag ni Carl sa kanya tsaka ito umupo sa kanyang tabi. "Kumusta ka na? Hindi ako nakarinig ng balita sa 'yo sa mga nakalipas na buwan. Kahit na noong huling quarter for the past month. Wala."

"Ayan kasi, panay ang bakasyon mo sa ibang bansa," natatawang saad ni Rose. "Hindi mo man lang kami binigyan ng pasalubong."

Natawa na rin si Carl sa mga sinabi ni Rose. "Meron kayong pasalubong pero hindi pa nabibigay. Sa kasal na lang ni Leira, malapit na rin naman iyon."

Tipid siyang napangiti. "Hindi ko na ata iyon matatanggap," mahina niyang saad. Dahil hindi siya pupunta sa kasal ni Leira at Mico. Ayaw niyang maramdamanan kung ano ang pakiramdaman nang pinapatay ang sarili sa sakit. Paunti-unti pero sagad na sagad.

Nakita niya ang pangungunot ng noo ni Carl. "Huh? Bakit hindi mo na matata─"

Hindi nito natuloy ang sasabihin nito dahil nakita na nilang pumasok sa loob ng boutique si Leira, nakasunod rito ang fiance niyang si Mico. Nagbaba na lang ng tingin si Rose nang narinig niyang bumati si Leira.

Ganoon ang kadalasang nangyayari, sa harapan ng lahat ay ni hindi magawang kaswal na mag-usap ni Mico at ni Rose. Tanging tipid na ngiti at tango lang ang ibinibigay nila sa isa't-isa o sasagot lang sa nagtatanong. No small talks other than a mere nod as a greeting. Sina Sydney at Shai ay panay ang pagtatanong kay Mico, siguro ay sinusubukan na hayaan itong maging komportable sa kanilang mga kaibigan ni Leira nang hindi na ito mailang.

"Hello girls! Hi, Carl! You guys are finally here. Anyway, tayo muna ang kukuhanan ng measurements ngayon, ang iba pang mga bisita ay pupunta na lang daw rito kapag may bakante na silang oras. Shall we head to the dressing room?" maligayang saad ni Leira matapos silang batiin.

Sumang-ayon ang lahat kaya naman ay sumunod na rin si Rose kung saan nagtungo ang mga kaibigan. Nauuna sa paglalakad si Leira habang siya ay nasa bandang likuran.

Nagsimula na silang mag-usap, nanatili na lang siyang tahimik at hindi na nakisali. "You seem very hands on and intricate for your upcoming wedding, soon to be Mrs. Semillano," palatak ni Sydney.

Nakinig si Rose, pero mahina siyang napasinghap nang mapansin na nagpahuli rin sa paglalakad si Mico. Bahagya itong tumabi sa kanya. At sa gitna ng kanilang paglalakad ay naramdaman niya ang bahagya nitong paglapit sa kanya para magawang hawakan ang kanyang kamay kahit saglit lang.

Agad niyang kinalas ang pagkakasalikop ng kanilang mga daliri. Pinukulan niya ito ng masamang tingin ngunit hindi nagpapigil si Mico. Hinawakan siya nito sa bewang.

Naunang pumasok sa dressing room sina Shai, Sydney at Carl. Habang si Leira ay may magazine at brochure pa na pinulot sa isang upuan. Bago bumaling at lumapit kay Mico.

"Mico, you should see..." natigilan si Leira dahil sa nakita. Natigil ang paghinga ni Rose. Natuod at nanlamig siya sa kinatatayuan. Hindi niya alam kung ano ang gagawin o sasabihin sa pagkakataong iyon.

"A-ano'ng ibig sabihin nito?" nanginginig ang mga labing tanong ni Leira sa dalawa.

Ibinaba ni Mico ang pagkakahawak sa bewang ni Rose ngunit huli na, nakita na iyon ni Leira. Ang buong akala niya ay mananatiling nakatayo lang si Mico sa kanyang tabi. Na katulad niya ay baka hindi rin nito alam ang sasabihin o gagawin.

Ngunit naging matapang si Mico, matapos gawin ang isang bagay na hindi inakala ni Rose na magagawa nito, hinawakan ulit nito ang kamay niya at pinagsalikop ulit ang kanilang mga daliri.

"I'm sorry, Leira. Hindi matutuloy ang kasal natin. Mahal ko si Rose. Sorry."

Nakita ni Rose kung paano umawang ang mga labi ni Leira. Natulala. Natigilan. Bago nanginig ang mga labi nito kasabay ng pagtulo ng mga luha sa mga mata. "P-paano? R-rose? Paanong nangyari na─kayong dalawa." Napailing-iling si Leira kasabay nang paghikbi. "Hindi ko maintindihan..."

Tuluyan na ring tumulo ang mga luha ni Rose sa pisngi. Nagsimulang humikbi si Leira. Umiiyak.

Naging balisa si Rose sa kinatatayuan. Hindi niya alam kung ano'ng gagawin. Ngunit nanatili ang pagkakasalikop ng kanyang mga daliri kay Mico.

Pinisil pa nito ang kanyang kamay, ipinaparamdam na kailangan na nilang sabihin ang katotohanan.

Kinakabahan siya.

Natatakot.

Ngunit sa bawat pagpisil ni Mico sa kanyang kamay tila nagkakaroon siya ng lakas ng loob na harapin ang dapat nilang harapin.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top