Chapter 26
"I know I've been too weak for too long. Now, I want to fight against all my worries, but does it really need to be this hard to be strong?"
- SUSUBUKAN -
LUTANG SI ROSE nang pumasok siya sa trabaho kinabukasan. Walang nakakaalam sa nangyari noong nakaraang gabi. Nang nagtanong ang Mama niya kung saan siya nagpalipas ng gabi at bakit hindi siya nakauwi, sinabi niya na nag-over time siya sa trabaho.
Nagsinungaling siya at hindi na nagsalita pa. Tumango naman ang Mama niya at hindi na nangulit, nagpapasalamat siya roon. Wala na naman ang Kuya niya sa apartment kaya mas naging madali sa kanyang umuwi lang doon para maligo, magbihis, kumuha ng mga gamit at pumunta sa duty niya sa trabaho.
Naging normal lang ang araw, maliban sa katotohanan na paulit-ulit na gumugulo sa kanyang isipan niya; ang mga nangyari noong nakaraang gabi. Ang mga napag-usapan nila ni Mico, ang pagtatapat nito, ang katotohanan sa mga kasinungalingan na matagal na pala nitong itinatago.
Sa trabaho ay ayos lang ang lahat, walang nakakapansin sa pagiging matamlay niya, minsang pagkakatulala, at malalim na paglalayag ng isip. Nakikita niya si Arci at tatanguan siya nito. Pati na ang i-ilan pang staffs. Ngunit hindi niya nakita si Mico buong araw, at iba ang pakiramdam niya sa araw na ito.
Iba sa pakiramdam na malaman na wala siyang karapatang sabihing boyfriend niya si Mico, lalo na at alam niya na ang katotohanan. Siguro, ang alam ng lahat ng mga katrabaho nila ay magkarelasyon silang dalawa. Na si Mico ay para sa kanya. Pero sa tuwing lumalabas sila ng building, alam niyang hindi iyon ang katotohanan. Iyon lang ang pag-aakala ng mga tao rito dahil hindi nila alam ang katotohanan.
Minsan ang katotohanan ay maaaring isang kasinungalingan na perpektong naitatago sa likod nang pagpapanggap at paglilihim. Nagiging totoo na lang ang isang bagay dahil iyon ang napapansin, nakikita at sinasabi ng ibang tao. They say those are their so called lies dressed as perfectly made up truths.
Sa kabila nang pagiging magulo ng mga bagay, si Rose ay nananatiling nagtitiwala kay Mico. Kahit alam niyang hindi siya ang totoong may karapatan rito, umaasa pa rin siya na tutuparin nito ang ipinangako nito sa kanya na aayusin nito ang mga bagay.
Makikipaghiwalay na ito kay Leira.
Ngunit ano na ang susunod na mangyayari? Ipagpapatuloy niya ang relasyon niya kay Mico? Ano na lang ang sasabihin ng mga kaibigan niya? Ano ang sasabihin ni Leira? Magmamalinis na lang ba siya?
Iyon ang isa pang katotohanan na ayaw niya munang harapin.
Naging mas busy na sa kompanya sa araw na iyon. Nagkaroon ng iba't-iba meetings, quota ng mga deals na kailangan maabot ng mga real estate marketers at iba pa. Mas napapalapit na ang launching ng panibagong building na kasalukuyang under construction. Kaya naman ay kung busy ang nasa main office, mas busy ang mga taong nasa site.
Hindi na nagdemand si Rose na maihatid siya ni Mico sa apartment pauwi. Nakontento na lamang siya sa mga pagtawag nito. At ganoon na nga lumipas ang ilan pang mga araw.
"Malapit na ang pasko, saan kayo magpapasko ng pamilya mo, Rose?" tanong ni Arci nang minsang makasabay niya itong magbreak sa food court. Kasama niya sina Francis, Nichole at Greg. Na walang pagdadalawang isip na binati at kinamusta siya.
"Dito lang. Hindi kami pupuntang probinsya."
May napuna naman si Nichole habang nakatitig kay Rose.
"Rose, may problema ka ba? Para atang naging matamlay ka ngayon? Tapos namumugto pa ang mga mata mo."
Mabilis na ngumiti si Rose pero hindi nakatakas sa pansin ni Arci ang pagsilay ng lungkot sa kanyang mga mata.
"May gusto ka bang sabihin?" marahan nitong tanong nang maupo na sila. "Alam mo namang pwede mo akong kausapin. Hindi man palagi, kasi busy naman tayong lahat. Pero kapag may pagkakataon, 'wag kang mahiya."
Nanubig ang mga mata ni Rose.
"Naging magkaibigan na rin tayo. Kung may problema ka, baka makatulong kami," saad ni Nichole.
"W-wala naman. Ano ba kayo." Umasa siya na hindi nahalata ng mga ito ang munting pagpiyok ng kanyang boses. Pero nanatili ang ngiti sa kanyang mga labi. "Salamat."
Tango ang isinagot ng mga ito, nang natapos sila sa pagkain, nagpatuloy sila sa pagtatrabaho.
MABILIS NA LUMIPAS ang mga araw at palagi niya na lang na hinihintay ang pagtawag ni Mico tuwing madaling araw. Mangangamusta at mag-uusap silang dalawa. Mula ala una ng madaling araw na aabutin na ng alas tres.
"She's already asleep. Nasa parking space ako sa ground floor ng building. Hindi niya ako maririnig." Alam ni Rose kung sino ang tinutukoy nito. At naiinis at nandidiri siya sa sarili dahil sa panaggagawa. Masyado na siyang nagiging makasarili. Alam niyang kailangan niya nang tigilan ang kahibangan na ito. Kailangan na niyang tapusin ang relasyon nila ni Mico dahil may natatapakan na silang isang tao. At kaibigan niya pa.
Ngunit bakit sa tuwing iniisip niyang makikipaghiwalay siya kay Mico ay parang unti-unti siyang nawawala sa sarili dahil sa sakit na nararamdaman?
Iyon ang dapat niyang gawin pero hindi niya magawa dahil sobrang hirap. Hindi niya kaya.
"Baka hanapin ka niya," basag ang boses niyang saad. Nalaman ni Rose na magkasama si Mico at Leira sa i-isang unit sa isang high-rise condominium. Matagal na. Ilang buwan na rin. Nananahimik sana ang dalawa, pero nasali pa siya sa eksena. Mas namilipit ang dibdib niya. Mali talaga ito. Maling-mali.
Alam niya na siya ang walang karapatan. Alam niyang siya ang sabit. Alam niya at hindi niya iyon itatanggi. Ngunit ang nagagawa niya lang ay ang murahin at kainisan ang sarili pero hindi niya magawang piliing gawin ang tama.
"Umiiyak ka ba?" maagap na tanong ni Mico at kasunod noon ay narinig niya ang pagbukas ng makina ng sasakyan nito. "Pupuntahan kita r'yan. Hintay lang, Rose."
Natakpan ni Rose ang mga labi nang nagsimula na siyang humikbi. Hirap na siya sa paglipas ng mga araw pero sinisikap niyang magpakatatag. Para kay Mico, para sa kanilang dalawa. Sinisikap niya lang na lunukin ang guilt na nararamdaman—ang konsensya na bumabangungot sa kanya gabi-gabi.
Hindi na siya nag-o-online. Hindi niya na chi-ne-check ang group chat ng mga kaibigan. Hindi niya na magawang makita ang pangalan ni Leira sa active list niya sa messenger. At ayaw niya nang bagkasin ang pangalan nito dahil nasasaktan siya dahil sa pagtataksil na kanyang ginagawa.
Mabilis siyang bumaba mula sa second floor ng apartment nang makitang nasa tapat na ng kalsada ang sasakyan ni Mico. Nakaparada at nakaabang na sa kanya habang nakapamulsa at nakasandal sa pinto ng driver's seat.
Mabilis siyang tumawid ng kalsada at nang nakalapit na rito ay mabilis siya nitong sinalubong nang mahigpit na kayakap.
"Namiss kita."
Naipikit ni Rose ang mga mata. Sana ganito na lang sila palagi. Sana hindi na lang magulo ang lahat.
Lumapas ulit ang mga araw hanggang sa dumating na ang pasko. Wala siyang natanggap na tawag mula kay Mico. Tanging isang text message lang at regalo na ibinigay nito sa pamamagitan ng pagpapadala sa isang courier service.
Tinitigan niya ang mamahaling bag at sapatos na inilagay niya muna sa kama. Iyon ang ibinigay ni Mico sa kanya. Pero kung siya ang tatanungin, ayos lang sa kanya kahit na hindi na ito nagbigay ng regalo sa kanya. Kahit man lang marinig niya ang boses nito.
Iksaktong pagpatak alas dose ng gabi, at nilagyan niya na lang ng ngiti ang kanyang mga labi nang makita ang Mama niya at si Chela na kasama niya sa hapag.
"Merry Christmas!" maligayang bati ni Chela sa kanilang dalawa ng Mama niya.
Narinig naman niyang bumati ang Mama nilang dalawa. "Maligayang pasko mga anak."
Mas lalong lumaki ang kanyang ngiti. "Merry Christmas, Ma. Merry Christms, Chel." Tumayo siya mula sa pagkakaupo at isa'isa nilang niyakap ang isa't-isa.
Merry Christmas, Mico.
Sabay silang pamilya na kumain sa hapag, pinagsaluhan nila ang mumunting handa na nasa mesa. Kahit na ganoon lang kasimple ang paghahanda nila, pakiramdam ni Rose ay mas naging makahulugan ang gabi nang matapos ang ilang oras.
Narinig niyang tumunog ang kanyang cellphone.
Dali-dali niyang sinagot ang tawag. Nang narinig niya ang boses ni Mico sa kabilang linya, hindi niya napigilan ang panunubig ng mga mata.
"Hey, stubborn woman, Merry Christmas! I love you," saad nito, rinig niya ang tugtog na nagmumula ata sa malalaking speakers sa background.
Siguro ay nagpaparty ang pamilya niya sa pagsalubong ng pasko. Siguro ay ganoon nga. At sigurado siyang naroon si Leira, at ito ang kasama nito buong pagkakataon. Ito ang katabi nito sa hapag sa pagpatak ng alas dose. Ito ang gusto ng pamilya nito para kay Mico.
Siya man ang nakilala ng totoong Nanay ni Mico, hindi niya mapigilan na hilingin na makilala rin siya ng pamilya nito na siyang kumupkop at nagpalaki rito. Ngunit alam niya na hindi niya mahihigitan o kahit mapantayan man lang si Leira. Kaya dapat hindi na siya nakikisawsaw. Hindi na dapat siya umaasa na silang dalawa ni Mico ang nararapat na magkatuluyan hanggang sa huli.
Ngunit nangibabaw sa kanyang pandinig ang payapa at masayang pagbati ni Mico sa kanya. Natigil siya sa pagpapasakit sa sarili. Tumigil siya sa pag-iisip ng masasakit na mga bagay .
Hindi na mawala ang ngiti sa kanyang labi. "Merry Christmas..."
"Kasama mo ang Mama at ang kapatid mo ngayon?"
"Oo."
"Ayos ka lang ba? Medyo malungkot ata ang boses mo."
Napatikhim siya. "H-ha? I'm good. Bakit naman hindi ako magiging maayos?"
"Wala kasi ako d'yan, baka namimiss mo ako nang sobra."
"Ang hangin mo."
"Sa 'yo lang naman ako ganito."
Talaga ba, Mico?
"I love you, Rose. Konting tiis na lang. Hindi mo na kailangang magtago." May paghingi ng paumanhin sa boses nito dahilan para mabuhayan siya ng loob. "Nahihirapan ka na ba?"
"Kakayanin ko pa rin, Mico. Susubukan ko pa rin magpakatatag."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top