Chapter 23
"Some associate the rain with our problems and pains. That when it pours, it really pours hard. I couldn't agree more on that."
- POSIBILIDAD -
"TANGINA! ANO'NG kalokohan na naman ba ang ginagawa mo sa buhay mo? You are not a fucking teenager who hadn't been to countless failed relationships before, Rosette. Mulat ka na dapat sa realidad! You are now a fucking adult! Paanong hindi mo nagagawang ayusin ang mga desisyon na panaggagagawa mo sa buhay?!"
Nakatitig si Rose sa kawalan habang naririnig ang walang habas na mura at mga salita mula sa kapatid. Mabilis na bumuo ang luha sa gilid ng kanyang mga mata sa kabila nang mariin na pagkakakagat sa pang-ibabang labi. Ramdam niya ang galit ng Kuya niya habang kaharap nila ang isa't-isa sa sala ng sariling unit sa inuupahang apartment.
Sa bawat pukol ng matalim nitong tingin, alam niya na ang mariin nitong pagtitimpi na huwag magbasag ng kung ano'ng gamit na ngayon ay nakikita nito. Ganoon din siya, nagtitimpi na huwag pantayan ang galit na ngayon ay ipinapakita nito. Sinisikap na huwag din itong sigawan para lang maipagtanggol niya ang sarili.
Dahil hindi niya magawang mahalungkat ang dahilan ng galit nito ngayon. Hindi niya alam kung bakit ganoon na lang ang naging reaksyon nito nang makita silang dalawa ni Mico sa labas. At kilala pa pala nito si Mico.
Kanina lang ay nagtanong ito kung ano ang ugnayan niya kay Mico.
Nang sumagot siya ay mabilis itong pumasok sa loob ng unit, tumigil sa sala at doon siya pinaulanan ng kung anu-ano'ng sermon. Namimilipit ang kanyang dibdib sa bawat masasama at masasakit na salita nito sa kanya na tila ba mga patalim na unti-unti siyang sinasaksak. Padiin nang padiin sa bawat segundong lumipas.
Kung umasta ito parang may pakialam talaga ito sa kanya, pero ang totoo ay wala. Hindi niya ramdam. Ang ginagawa nito ngayon ay panghihimasok sa buhay niya.
Nanginginig siya dahil sa sakit at galit. Hindi niya ito maintindihan!
"Mga anak..." Marahan ang naging pag-awat ng Mama nila sa kanilang dalawa ngunit wala pa rin itong nagawa.
"Bakit ba ayaw magtanda nitong si Rose, Ma?!" bulyaw ng Kuya niya.
Napapikit naman siya at mabilis na nagsalita. "Ano'ng ayaw magtanda? Wala akong ginagawang masama!"
Sinikap ni Rose na depensahan ang sarili sa bawat paratang ng Kuya niya. Hindi niya alam kung ano ang pinanggagalingan ng galit at inis nito.
"Sinungaling! Hindi ka pa rin nagtanda at patuloy mo pa ring ginagawa ang kalokohan mo! Ilang beses ka na bang naloko ha?! Ilang beses ka na bang nakipagrelasyon sa kung sinu-sino lang? Hindi ka pa talaga nadala!"
Natigilan siya sa narinig. Napakurap-kurap. Hindi siya nakapagsalita. Hindi niya makuha ang ibig nitong sabihin. Perong parang bala ang mga salita nito na tumatama sa kanyang pagkatao. Hindi pa ito nakuntento, nagpatuloy pa ito sa pagbitiw ng mga salita na mas gugustuhin niyang hindi na lang marinig. Dahil mas masakit ang mga iyon. Mas mapanghusga.
"At basta-basta ka pang nakikipaghalikan sa labas! Hindi ka na nagkaroon ng kahihiyan sa sarili mo!"
"Baron─" May pagbabanta na sa boses ng Mama nila ngunit parang walang narinig ang Kuya niya.
"Si Semillano iyon hindi ba? Engineer? Paano mo iyon nakilala? Ibinugaw mo ba ang sarili mo para lang magkapera? Iyan ba ang naisip mong gawin para lang matustusan ang mga luho mo?"
Nakakuyom ang mga kamao ni Rose nang tuluyang nang naputol ang natitirang pasensya at pagtitimpi. Inangat niya ang kanyang mukha at buong tapang na sinalubong ang mga mata nito.
Pagod na siyang makinig lang. Hindi niya na kayang pigilan pa ang pagsaboses sa mga hinanakit na nararamdaman. Tama na. Gusto niya nang ilabas ang lahat-lahat na noon pa man ay pinipigilan niya nang sabihin.
Tumulo ang mga luha sa kanyang pisngi. Nanginginig man ang mga labi ay sinikap niyang magsalita. Hugot ang hininga pero maya't-mayang napapahikbi niyang inilabas ang lahat ng hinanakit na doon pa man ay itinatago niya lang sa sarili.
"Wala kang alam, Kuya! Wala kang alam kaya 'wag kang umasta na parang alam mo ang lahat ng mga ginawa at ginagawa ko para lang matulungan si Mama! Ano'ng alam mo sa mga luho ko? Meron nga ba akong mga gano'n? Wala! Wala ka rito sa bahay palagi hindi ba? Wala ka sa tuwing kailangan ng pera para pambayad sa mga bayarin. Naalala mo ba na isang beses ka lang na nagpakita sa amin nang na-ospital si Mama? At ngayon, basta ka na lang na susulpot? At manghuhusga ka pa kahit na hindi mo naman alam kung ano'ng paghihirap ang ginawa ko para lang makahanap ng marangal na trabaho kahit na hindi ganoon kalaki ang makukuha kong suweldo!"
Naramdaman niya ang paghagod ng kanyang Mama sa kanyang likod. Mas lalo siyang napahikbi. Nilingon niya ito habang tumutulo ang mga luha. Nadudurog ang puso niya.
"Rose, anak..." malamyos nitong bulong na mas lalong nagpaiyak sa kanya. Pero hindi siya tumigil sa pagsasalita. Gusto niyang ilabas ang lahat ng sakit sa pagsasabi ng katotohanan. Kung paano na siya nasasaktan, kung paano na siya nahihirapan.
"Bakit ba ganito ka na lang palagi, Kuya? Bakit sa halip na tulungan mo ako, sa halip na damayan mo ako sa paghihirap na nararanasan ko, ikaw pa ang nanghuhusga sa 'kin" Kapatid mo ako hindi ba? Bakit hindi ko ramdam? Mas umaasta ka pa na parang isa sa mga kapitbahay natin na walang ibang inisip kung gaano ako ka-walang kwenta."
Natahimik ang Kuya niya matapos niyang magsalita. Na ani mo ay may napagtanto bago ito nagbaba ng tingin at tumalikod sa kanila ng Mama niya Napatitig si Rose rito, mabigat ang dibdib, humikbi at halos hingalin dahil sa tuloy-tuloy niyang pasasalita.
Ganoon na lang ba iyon? Wala man lang ba itong sasabihin?
"Madami kang pagkakamali. Marami ka ring pagkukulang. Kaya 'wag mong isisi at ipamukha sa akin na ako lang itong sobrang daming nagawang mali."
Hindi ulit ito nakaimik.
Sa kauna-unahang beses ay nakita niya kung paano bumuo ang tapang sa mga mata ng Mama niya. Nakita niya sa mga mata nito na handa siya nitong ipagtanggol. "Baron, nakapag-apply si Rose ng trabaho sa isang real estate corporation. Hindi niya ibinubugaw ang sarili niya. Paano mo nagagawang pagsalitaan nang ganoon ang sarili mong kapatid?"
Nanaig ang katahimikan sa buong sala. Wala siyang narinig na sagot mula kay Baron. Wala. Ngunit si Rose ay nagpatuloy pa rin sa paghikbi. Sa bawat segundo na lumilipas ay nagpatuloy siya sa pag-iyak.
"Marami akong ginawa para lang tulungan si Mama, Kuya. At hindi mo nakikita ang mga 'yon. Ilang beses akong nawalan ng pag-asa pero sinisikap ko pa rin na magpatuloy. Ngayon lang ako nagkaroon ng pagkakataong unahin naman ang sarili ko at maging masaya, pagkatapos ay tututulan mo pa."
Sa kabila ng pag-aakala na hindi niya na ito maririnig na magsalita, narinig niya ang naging saad nito. May diin pa rin, naroon pa rin ang inis.
"Kailangan kong sabihin sa 'yo kung gaano kabaluktot ang mga naging desisyon mo noon, Rose. Para maitatak mo sa kukote mo na hanggang sa puntong ito, ang mga desisyon na iniisip mong tama ay sasaktan ka rin sa bandang huli." Kahit na nakatalikod, alam niya pa rin na mariin na nagtatagis ang panga nito nang nagpatuloy sa sasabihin. "Ngunit ayaw mong pagsabihan ka hindi ba? Ayaw mong makinig. Dahil may sarili kang prinsipyo sa buhay. Sige, siguraduhin mo lang na handa kang saluhin ang sarili mo sa oras maiwan ka ulit sa ere. Siguraduhin mo lang na magagawa mong buuin ang sarili mo sakaling madurog ka ulit."
Marahas na pinahiran ni Rose ang luha sa ang mga pisngi. Sinusubukan niyang intindihin ang mga salitang binitiwan ng Kuya Baron niya.
"Sinasabi ko sa 'yo ito ngayon dahil mahina ka at gusto kong mapagtanto mo nang mas maaga na kailangan mong maging malakas."
Mas lalong namilipit ang kanyang dibdib.
"Huwag kang basta-basta magtitiwala. Iyong Semillano na iyon? Na sinasabi mong nobyo mo?" Natawa ito. "Sabihin mo sa akin kung gusto mo na iyong ipagulpi dahil sigurado akong may isang bagay iyong itinatago sa 'yo. Isang bagay na hindi niya gugustuhing malaman mo."
Hindi na ata makahinga si Rose. Hindi niya alam kung ano'ng dapat niyang maramdaman. Kung mananatili ba ang nararamdaman niyang galit sa Kuya niya matapos marinig nag mga sinabi nito.
At ngayon ay tila may gusto itong sabihin tungkol kay Mico.
Mariin niyang naipikit ang mga mata. Gulong-gulo ang isip niya. Namimilipit sa sakit ang puso niya.
"Anak..." Nang marinig ang marahang boses ng kanyang Mama ay tumulo ulit ang kanyang mga luha. Dahan-dahan siyang napaupo sa sahig at doon hapong-hapo na umiyak. "Gulong-gulo na ako sa nangyayari, Ma."
Niyakap naman siya ng kanyang ina. Hinahayaan siyang ilabas ang lahat ng luha na ilang araw, gabi at buwan nang naipon.
──◎──
MUGTO ANG MGA mata ni Rose nang pumasok siya sa duty kinaumagahan. Hindi niya na kailangang tingnan ng paulit-ulit ang kanyang sarili sa salamin para malaman. Dahil iyon lang ang madalas na napapansin ng mga katrabaho niya simula pa noong alas otso ng umaga hanggang alas dyes.
Iyon din siguro ang mapapansin ni Mico na ngayo'y nakikita niya sa kanyang harapan—sa tapat ng building habang siya ay nasa loob pa. Hawak niya ang handbag sa kaliwang kamay habang nagpapatuloy sa paglalakad palabas.
Nang tuluyan na siyang nakalabas ng building, matapos tanguan at magpaalam sa security guard na nakaassign sa entrance, bumungad sa kanya si Mico na nasa tapat. Nakangiti ito, agad na tumawid ng kalsada nang makitang palabas na siya. Dahil nauna itong nag-out sa kanya kanina ay hindi sila nagsabay na lumabas. Pero hinintay pa rin siya nito, ihahatid siya nito pauwi katulad ng nakasanayan.
"Namumugto ang mga mata mo. Puyat ka ba masyado? Hindi ka ba nakatulog nang maayos kagabi matapos nating mag-usap?" Mas lumapad ang ngiti nito nang hindi agad siya nakasagot. "Masyado mo naman akong inisip kung ganoon."
Napatitig siya kay Mico matapos marinig ang naging pambungad nito sa kanya. Hindi napigilan ni Rose na mapatitig—mapatulala sa nakabalandra nitong ngiti sa mga labi habang nakapukol sa kanya ang buo nitong atensyon.
Ang medyo may kahabaan na purong itim nitong buhok ay malinis na nakasuklay papuntang likod. Kita niya ang naniningkit nitong mga mata, ang namumula nitong ilong dahil sa sikat ng araw at ang kakaunting pawis na namumuo sa noo nito.
She stared at him as if she was struck in a trance, for almost a minute. Alas tres ng hapon, at ang magaang sikat ng araw ay tumatama sa mukha ni Mico habang nakaharap pa rin ito sa kanya. Perpekto ang kurba ng labi nito, mahahaba ang mga pilikmata na natatamaan ng sikat ng araw, ang bahagya nitong maputing balat ay bumagay rito. Hindi niya rin pinalampas na titigan ang makapal nitong mga kilay. At ang nangungusap nitong mga mata na siyang pinakagusto niya sa lahat ay nakatuon lang sa kanya.
"Kain muna tayong dalawa sa labas?"
Doon lang napakurap-kurap si Rose. Mabilis siyang tumango. Naramdaman niya ang paghawak ni Mico sa kanyang bewang at iginiya na siya patawid sa kalsada at papunta sa sasakyan nito.
"Kamusta sa site?" tanong niya nang nakapasok na sila sa loob ng sasakyan. Sinimulan ni Mico ang makina ng sasakyan at nagmaneho habang sumasagot sa tanong niya.
"Maayos naman. Walang naging problema sa operation."
"Good to hear that."
"Yeah. Sa office? Kamusta naman?"
Napangiti si Rose. "Maayos din. Pansin ko nga na hindi madalas nagkakaroon ng conflict doon. Sa tuwing nagiging pasaway lang ang i-ilang staffs katulad ng late na pagpapasa ng reports at ang walang pakundangang pakikipagtsismisan sa mga kasamahan nila sa trabaho."
"Ganyan na sila, pero productive naman."
"Kapag sinita, ayon magpapatuloy na sa trabaho, pero kapag hindi..." Napailing-iling na lang si Rose at hindi na ipinagpatuloy ang sasabihin.
Natawa na rin si Mico habang nakatutok ang mga mata sa daan. Nagkibit na rin ito ng balikat.
Ilang minuto ang lumipas at hinayaan na ni Rose na manaig ang katahimikan sa gitna nilang dalawa. Nagpatuloy si Mico sa pagmamaneho. Nanatili din siyang nakatingin sa kung saan ito nakatingin. Nang mapansin na inabot na sila ng mahigit dalawampung minuto sa daan ay doon siya nagtanong kung saan sila papunta para kumain.
"Saan tayo ngayon? Hindi ba puwedeng sa Mcdo na lang?" Hindi niya na napigilan na tanungin si Mico dahil lumampas na sila sa dalawang food chains pero hindi pa rin nito itinitigil ang sasakyan.
"Sa isang fine dining restaurant tayo ngayon, Rose. Medyo malayo, ayos lang ba?" anito sa kalmado na boses. Pero malayo ang tingin nito. Tumango na lang siya at hindi na nangulit.
Pero sa nakalipas na isang minuto ay nakita niyang napakapa-kapa si Mico sa bulsa nito habang nagpapatuloy sa pagdadrive, tumutunog ang cellphone nito.
"Hmm? Kukunin mo ang cellphone mo? Ako na," pagpresenta niya pero mabilis itong umiling.
"Ayos lang."
Naging balisa si Mico nang mukuha na ang cellphone sa bulsa at masulyapan kung sino ang caller. Napalunok ito at napasulyap sa kanya. Nangunot ang noo ni Rose, walang kaide-ideya sa nangyayari at sa inaasta ngayon ni Mico.
"I think... I need to pull over."
Mula sa narinig ay alam niyang sasagutin nito ang tawag pero ayaw nitong marinig niya ang pag-uusapan nito at ng caller.
"Pwede mo namang i-click ang speakers at ilagay mo na lang sa dashboard." Hindi alam ni Rose kung bakit ganoon ang iminungkahai niyang gawin ni Mico. Pero nakaramdam siya ng kagustuhan na marinig ang pag-uusapan ni Mico at ng kung sino mang caller.
O kung masyado nang sobra ang request niyang iyon, kahit man lang malaman niya kung sino ang tumatawag. Dahil alam niyang importante iyon para kay Mico.
"Sino ang tumatatawag?"
"Nothing.... just some colleague."
Hindi nakapagsalita si Rose. Nagsisinungaling si Mico. Alam niya iyon. Dahil kung totoong katrabaho nila ang tumatawag ay dapat sinabi na agad nito ang pangalan kung sino man iyon.
Nakapagpark si Mico sa gilid at mabilis itong lumabas mula sa driver's seat. Hawak-hawak nito ang cellphone at inilalapat sa kaliwang tenga. Habang mataman na nakikinig sa kabilang linya.
Nanatiling nakaupo si Rose sa loob ng sasakyan, hindi niya malaman ang gagawin kaya sa halip na tumunganga na lang ay lumabas na rin siya ng sasakyan. Pero agad siyang natigilan nang marinig ang sinabi ni Mico sa kabilang linya.
"No, I am all by myself. I am not with another woman. You have nothing to worry about. Yes, I will be there. Uuwi agad ako pagkatapos ng operation namin rito sa site."
Nanuyo ang kanyang lalamunan at natuod sa kinatatayuan.
"Okay, I'll have that in mind."
Nakinig ito sa kabilang linya.
"Love you too, Leira."
What the hell?
Malinaw ang kanyang narinig. Malinaw ang lahat pati na ang pangalan na sinambit nito bago nito tuluyang ibinaba ang tawag.
"Mico..." tawag niya rito.
Nang hinarap siya nito ay naramdaman niya ang pagtulo ng luha sa kanyang pisngi.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top