Chapter 2

"I should have gotten hold of my fulfilled desires. I should have known it might not last long in my bare fingers."

- P I G H A T I -

MARIRINIG ANG KALANSING ng kutsara at tinidor sa kusina ng apartment na kasalukuyang inuupahan ng pamilya nila ni Rose. Maliit lang ang apartment kung tutuosin pero sakto lang para magkasya silang apat ng Mama niya, kapatid at Kuya na hindi naman palaging naglalagi sa bahay dahil sa trabaho nitong pagiging sales agent na palaging nasa byahe.

Mataas na ang sikat ng araw sa labas at sumisilip na ito mula sa mga bintana at kurtina ng apartment. Dapat ay nasa labas na ngayon si Rose at nakasakay na ng jeep papunta sa kompanyang pinagtatrabahuan dahil ganoon ang nangyayari sa mga nakalipas na araw, pero ngayon ay nasa loob pa rin siya ng bahay.

Walang ibang magawa.

At napagtanto niya na mabilis maglaho ang mga bagay. Minsan, hahayaan kang maramdaman kung gaano kasarap sa pakiramdam ang makuha ang isang bagay na gusto-gusto mo, pero hindi mo alam kung hanggang kailan lang iyon magtatagal bago iyon tuluyang maglaho.

Today, she's supposed to feel how frustrating it is to lose something she truly values.

Hindi siya pupunta sa trabaho dahil wala na siyang trabahong pupuntahan.

Wala na siyang trabaho simula sa araw na ito. Real quick.

Napabuntong-hininga siya dahil sa napagtanto. Gusto niyang ibaling ang atensyon sa ibang bagay para naman medyo gumaan ang pakiramdaman niya, kaya tinitigan niya ang unang bagay na dinapuan ng kanyang paningin.

Isang lumang kabinet ang naghihiwalay sa sala at kusina sa apartment nila. Kaya kitang-kita niya ang nakababatang kapatid na si Chela na nasa hapag habang siya naman ay kaharap ngayon ang Kuya Baron niya, na sa unang tingin pa lang ay halatang mainit na ang ulo.

"Rose, ano na namang ginawa mo? Bakit ka nagresign sa trabaho?" seryosong tanong nito sa kanya.

Naipikit na lang ni Rose ang mga mata at humugot ulit nang malalim na hininga.

Tatlong buwan matapos niyang sabihin sa pamilya niya na natanggap siya sa kompanyang inaasam niyang makapagtrabaho, ay heto, ipinapaalam niya sa mga ito na maghahanap na lang ulit ng panibagong trabaho matapos niyang magresign.

"Ba't ayaw mo'ng sumagot?"

"It was nothing, Kuya. Nagresign ako dahil masyadong 'di komportable ang environment. Maraming tsimosa at maraming mga bastos," sagot niya, umaasa na huhupa man lang kahit kaunti ang init ng ulo nito.

Pero hindi niya maintindihan kung bakit mas lalo lang na tumindi ang galit sa mga mata ng kuya niya. Right. Bakit niya pa ba sinasabi rito ang dahilan kung bakit siya nagresign? Alam din naman niya na hindi nito pakikinggan ang sagot niya.

Kasi wala talaga itong pakialam. Ang gusto lang nito ay ang makapagtrabaho siya para may kahati ito sa mga bayarin at may mautangan kung sakaling maging talunan sa casino na madalas nitong pinupuntahan.

And now that she's got no job, hindi siya nito mahuhuthutan ng pera. Balik na naman ito sa pagtatalak na wala siyang kwenta. Wala siyang ma-iambag at problema lang ang palagi niyang dala.

"Iyan lang ang sasabihin mo? Akala mo ba hindi ko alam ang nangyari? Nagwala ka raw sa kompanya na pinagtatrabahuan mo! At hindi ka pa nakuntento, pinagmumumura mo pa ang boss mo, Rose! Nawawala ka na ba sa katinuan ha?!"

Nagngingitngit sa galit ang Kuya Baron niya at halos pamutok na ang ugat nito sa leeg dahil sa buong pwersang pagsigaw sa kanya. Hindi na siya nagsalita. Paanong nalaman pala nito ang nangyari?

Alam niya na hindi pa iyon ang kabuuan ng kwento. Kahit na gusto niyang linawin ang nangyaring iyon ay ayaw niya nang magsalita pa. Dahil wala rin namang saysay kung gagawin niya iyon. Sasabihan lang siya nitong walang respeto at walang modo.

Nanatili siyang tahimik. Kahit siguro may sabihin man siya o wala, galit na galit pa rin ito sa kanya.

"Kahit kailan sakit ka talaga sa ulo, Rose. Wala ka nang naitulong kay Mama. Puro kunsumisyon at problema lang ang ibinibigay mo sa kaniya," puno ng pagkadismaya na sabi ng kanyang kuya.

Tinitigan siya nito at tumitig lang siya pabalik na parang walang pakialam. Doon naman siya magaling. Sa pagkukunwari na wala siyang pakialam sa mga bagay kahit na ang totoo ay lubos-lubos niya itong pinagbibigyan ng halaga.

Nilampasan siya nito at mabilis na naglakad palabas ng apartment. Papasok na ito sa trabaho at sinadya lang talaga na talakan siya dahil sa kalokohang pinaggagawa niya raw sa buhay niya.

It's the usual. And she's used to it already. Siguro nga masakit ang makarinig ng mga katagang iyon lalo na at mula mismo sa Kuya niya. Pero para sa katulad niya na halos naging routine na ang mapagsalitaan nang masama, madali na lang iyong ipagkibit ng balikat.

Nagkunwari siya na hindi nasaktan kahit kaunti. Pinanatili niya ang ngiti sa labi habang nakatingin kay Chela. "O, Chel, kumain ka pa." Tumango ang sampung taong gulang niyang kapatid at tumalima sa kanyang sinabi.

Kumuha ito ng isang piraso ng tuyo at nilagyan ng sarsa ng sardinas ang kanin. Mas lalo lang atang nanikip ang dibdib ni Rose nang makita kung ano ngayon ang sitwasyon ng pamilya nila. Ni hindi man lang sila makabili ng matinong ulam para sa nakababata nilang kapatid.

Pinasadahan niya ng tingin ang paligid ng bahay nila na puno ng kalat. Nagtagal ang titig niya sa mga sira-sira nang mga gamit na ginagamit pa rin nila na hindi nila magawang ibenta na lang sa junk shop dahil hindi pa sila makakabili ng bago.

Nakagraduate na nga silang dalawa ng Kuya niya sa kolehiyo pero bakit parang hirap na hirap pa rin ang sitwasyon nila sa buhay? And buong akala niya ay magiging madali na para sa kanilang dalawa ng kuya niya na i-ahon sa kahirapan ang pamilya nila dahil may trabaho na sila pero hindi. Masyadong mahirap abutin ang pangarap na iyon.

Baka nga imposible na iyong mangyari.

At mas lalo lang na lumala ang lahat dahil nagresign pa siya sa kompanya na dating pinagtatrabahuan. Kung hindi lang siya binastos ng boss niya ay hindi niya ito mabubulyawan, masisigawan, at mapapaulanan ng malutong na mga mura.

Pero hindi, masyadong manyak at puno ng kabastusan sa katawan ang boss n'yang iyon. At mas gugustuhin na lang niya na magresign kesa hayaan itong hagurin siya nang malaswang tingin sa tuwing papasok siya sa kompanya nito.

Mabigat pa ang dibdib na umupo siya sa tabi ng kanyang kapatid at kumuha ng sariling pinggan at mga kubyertos. Tinanguan niya ito at sinabayan sa pagkain.

Habang kumakain ay narinig nilang dalawa ang pagclick ng doorknob ng apartment kaya pareho silang napabaling sa bandang pintuan.

Nakita nila ang kanilang Nanay na papasok sa loob. Mugto ang mga mata at nagpipigil ng hikbi. Pero kahit na ano'ng tago ng kanilang Nanay sa tunay nitong nararamdaman, alam niya na nasasaktan ito.

"Nakita mo si Papa na kasama si Aling Beth, Ma?" tanong niya rito, marahan at halos maiiyak na rin. Tinutukoy ang Tatay niya at ang bago nitong kinakasamang babae na si Beth. Na noon ay kapitbahay lang nila pero ngayon, naging pamalit na ito sa nanay nila.

Napalunok ang kanyang Mama. Hindi agad sumagot.

"Hiwalay na kami ng Papa niyo at matagal na siyang sumama sa ibang babae, pero bakit hindi ko pa rin matanggap?"

Nabasag ang boses nito at napaupo sa luma nilang sofa. Nanginig ang mga balikat at doon na nagsimulang tumulo ang mga luha.

Napalunok si Rose at hindi napigilan ang sarili na maapektuhan sa pag-iyak ng kanyang Mama. Alam niyang sobrang nasasaktan ito

At hindi naman siya bulag para hindi makita at mapagtanto kung gaano kasakit ang maiwan at ipagpalit. Dahil naramdaman niya mismo iyon. Nang isa... dalawa... tatlo─hindi, lima. Limang beses.

Limang beses lang naman niyang paulit-ulit na naranasan ang maiwan, sukuan at ipagpalit.

Sa limang lalaki na minahal niya nang sobra-sobra, siguro umabot na sa punto na wala na siyang naitira para sa sarili.

She'd invested too much on love. Hindi pa ba sapat iyon? Bakit pakiramdam niya, patuloy siyang pinagkakaitan ng pagmamahal na nararapat para kanya?

She just wants someone who would love her the way he loves him. Iyong tipong hindi siya magdadalawang isip na ibigay ang buong pagmamahal niya rito dahil iyon din naman ang gagawin nito pabalik.

But they come then just go.

Ganun lang palagi.

Kaya habang nakikita niya ang sariling ina ay hindi niya mapigilang manlumo at masaktan din.

At ang masakit pa, Tatay nila ang mismo nang-iwan dito.

Niyakap niya ito at hinayaan itong umiyak sa kanyang balikat. Habang pinapakinggan ang paghikbi at pag-iyak nito–na ani mo ay pinagkakaitan ng hangin at parang binawain ng isang bagay na lahat-lahat para rito, hindi na niya napigilan ang sariling umiyak din.

At sana, ibang lalaki na lang ang iniiyakan nila ngayon. Sana ibang lalaki na lang para madaling palitan at kalimutan. Pero hindi. Dahil sarili niyang ama ang iniiyakan nila ngayon. At hindi ito magagawang palitan ng kung sino na lang.

"Rose, anak, mangako ka na hindi ka tutulad sa akin. Masyado akong nagpalunod sa pagmamahal ko sa Tatay n'yo. Sobra-sobra kaya hirap nang makaahon ulit," saad nito sa nanginginig na boses.

Tumango siya at pinahiran ang mga luha nito. "I promise, Ma," sagot niya at niyakap ito nang mas mahigpit.

Tama. Hindi niya na hahayaan ang sariling magpakalunod sa pagmamahal sa isang lalaki. Dahil mahirap iyon. Masakit.

──◎──

Pero masyado ata siyang bumilib sa sarili. At siguro hindi siya ganoon kalakas para magawang tuparin ang ipinangako sa Ina, dahil... kalaunan ay nakita niya ang sarili na umiiyak ulit dahil sa isang lalaki. Pero sa pagkakataong iyon, magkaiba sila ng sitwasyon ng ina.

Baliktad.

Dahil hindi siya ang inagawan. Hindi siya ang ipinagpalit. Hindi siya ang iniwan.

Siya ang nang-agaw. Siya ang ipinalit. At siya ang dahilan kung bakit ito nang-iwan ng babaeng luhaan.

Dapat masaya siya dahil sa wakas hindi na ipinagkait sa kanya ang pagmamahal na matagal niya nang hinahangad.

Pero bakit hindi siya matigil sa pag-iyak? Sa halip, ramdam niya na ang mas matindi pang pighati at sakit.

-----
shadesofdrama

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top