Kabanata 2- Maligalig Na Damdamin
Eduardo
MADALING ARAW NA ngunit hindi pa rin ako makatulog. Pinapakiramdaman ko ang paligid. Pilit pinapakinggan kung may telefono na tutunog.
Sa taon na ito papanaw si Romana, ang anak ni Consuelo. Natatandaan kong sinabi iyon ni Carlota. Sa bawat paglipas ng araw ay mas lalong tumitindi ang aking pagkabalisa. Kung napapansin iyon ng aking familia ay wala naman silang sinasabi.
Isa sa araw na ito, magluluksa ang San Isidro.
Bandang mag-aala-sais ng umaga nang may marinig akong telefono na tumunog. Telefono sa sala. Ibig sabihin ay ang mga tauhan sa San Isidro ang tumatawag.
Mabilis akong tumayo at tinungo ang telefono. Ang aking ina ay palabas ng kanyang silid nang sagutin ko ang tawag.
"Hello," bati ko sa kabilang linyan.
"Naku, Señorito, pasensya na po at nagising kayo. Si Don Robert po? Gising na po ba?" magalang na tanong ng katiwala namin.
"Natutulog pa. May nangyari ba?"
"Señorito, pakisabi na lang po na namatay na po si Ma'am Ramona. Iyong matanda po sa kabilang bahay."
Hindi ako kaagad nakapagsalita.
"Eduard, who is it?" tanong ng aking ina.
"Sige, sasabihin ko kay Lolo. Marami pong salamat." Ibinaba ko ang telefono at naupo sa upuan. "Tauhan sa San Isidro ang tumawag. Namatay na raw si Ramona."
Halos hindi ko masabi ang ngalan ni Ramona. Nagdadalamhati ang puso ko.
"Who is Ramona?" nagtatakang tanong ni mommy.
''Yong matanda sa kabilang bahay sa San Isidro."
"Oh. Sasabihin ko sa daddy mo."
Bumalik ng kanyang silid si mommy. Masyado akong naligalig ng balita upang makatulog muli.
Umiiyak kaya si Carlota?
Nagkita na kaya sila ni Esperanza?
Nakaalala na ba siya?
Napailing ako.
Sa tamang panahon. Ang sabi ni Tala ay sa tamang panahon.
Maghintay ka, Eduardo. Ilang buhay kang hinintay ni Carlota.
Minabuti kong hindi pumasok sa trabaho ng araw na iyon. Hinintay kong magising si lolo. Nang ibalita sa kanya na pumanaw na si Ramona, biglang nanikip ang dibdib nito at hindi makahinga.
Agad namin siyang isinugod sa hospital ng araw na iyon. Maantala ang pag-uwi. Napahinga ako ng malalim at tumingin sa ICU kung saan dinala si Lolo Robert.
Kinailangan operahan sa puso si Lolo Robert at hiniling niyang manatili muna kaming familia sa Amerika habang nagpapagaling siya.
Ang kagustuhan kong mauna sa Pilipinas ay hindi nasunod. Sinusubok talaga ako ng Panginoon. Sinusubok niya ang katatagan ng aking damdamin. Ngunit hindi ako susuko. Hindi ko isusuko si Carlota.
Maghihintay ako.
Kahit ilang buhay pa ang magdaan.
TUMAWAG ako sa anak ni Esperanza. Hating-gabi rito at alam kong gising na rin si Esperanza sa mga oras na ito sa Pilipinas.
"Hello," wika ng matandang boses sa kabilang linya. "Sino ito?"
"Ako, Esperanza. Si Eduardo."
"Eduardo Domingo?"
"Oo, Esperanza. Kumusta ka na?"
"Heto at tumatanda habang lumilipas ang panahon." Payak na tumawa si Esperanza sa sariling biro. "Si Carlota ba ang iyong tatanungin?"
"Makikibalita sana."
"Malungkot siya sa pagpanaw ni Ramona, ang nakagisnan niyang lola. Wala pa rin siyang ala-ala ng nakaraan. Kaunting panahon pa."
Napapikit ako ng mariin.
"Kaunting panahon pa, Eduardo," muling wika ni Esperanza. "Kumusta si Robert?"
"Inatake sa puso."
Napasinghap si Esperanza sa kabilang linya. Sandali pa kaming nag-usap. Inalala ng kaunti ang nakaraan na parang kahapon lamang iyon.
Parang kahapon lamang para sa akin.
Ang balak kong pagtigil sa trabaho ay hindi agad natupad. Hindi pala madaling iwanan ang trabaho lalo na at may nangangailangan ng tulong ko gaya ng pangako ko noon kay Carlota.
Maging boses ka sana ng mga kababaihan na hindi kayang ipagtanggol ang kanilang sarili sa mundong hindi dinidinig ang kanilang tinig.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top