Mistake 8

[Kabanata 8]

"Amoy ipis naman 'to" reklamo ni Leon habang binubotones ang puting polo shirt ng High School Uniform na pinapasuot sa kanila ni Audrey. Nakasakay silang tatlo ngayon sa Jeepney owner, si Nightmare ang nagmamaneho, nasa passenger's seat si Leon habang nasa likod naman si Audrey.

"Okay na 'yan para mukha talaga tayong gusgusing estudyante" saad ni Audrey habang sinusuklay ang mahaba niyang buhok at tinatali ito sa likod. Nakasuot na rin siya ng uniporme, kulay navy blue ang palda ng uniform at dirty white na blouse.

"Ang sikip!" reklamo naman ni Nightmare sabay tanggal ng isang butones sa polo niya. Natawa na lang si Leon at Audrey dahil mukhang iritang-irita na si Nightmare sa suot nilang uniform. Ilang sandali pa ay biglang ginulo ni Audrey ang buhok ni Nightmare dahilan para mabitawan nito ang manibela at iniiwas niya ang ulo sa dalaga.

"Ano ba?!"

"Ayan, para mukha kang rockstar na dugyot na laging bagsak sa school" tawa ni Audrey, napairap naman si Nightmare, kung tutuusin bagay na bagay sa kanya ang suot niyang school uniform. Animo'y isa siyang bad boy na gangster sa school.

"Ano naman ako?" tanong ni Leon, napaisip naman si Audrey sabay halughog sa kahon na naglalaman ng mga lumang uniporme at gamit. Ilang sandali pa ay napangiti siya nang makita ang isang black eyeglass at iniabot iyon kay Leon.

"Cool" ngisi ng binata sabay suot ng salamin. Pero napakunot siya nang biglang lumabo ang mata niya dahil sa salamin na iyon. "Ang labo naman nito, may grado ba 'to? Puro gasgas" wika niya sabay laway sa salamin at pinunasan iyon gamit ang mabaho niyang polo shirt.

"Amoy ipis na nga tayo, amoy laway ka pa" sabat ni Nightmare, agad naman siyang binatukan ni Leon. "Panis! Nakaiwas ang mokong!" reklamo niya dahil nakaiwas agad si Nightmare at tatawa-tawa ito. Samantala, lihim naman silang pinagmamasdan ni Audrey, sa kabila ng mga maangas nilang hitsura ay mayroon pala silang natatagong ugaling mapagbiro na parang bata.

"'Di bale na, papanindigan ko na nga 'tong nerdy look ko, kunwari honor student pa ko" dagdag pa ni Leon, natawa naman si Audrey at inabot niya ang suklay sa binata. "Suklayin mo pababa ang buhok mo para mukha kang kuchopoy" tawa nito na ikinataas ng kilay niya.

"Eh, ikaw ano namang klaseg estudyante ka?" tanong nito kay Audrey sabay lingon. Napaayos naman ng tindig si Audrey na animo'y proud na proud sa sarili.

"Isa akong popular girl na laging muse sa klase, honor student, president ng student council, cheer leader at higit sa lahat favorite ng mga teachers" ngiti ni Audrey, sabay namang napataas ang kilay ni Nightmare at Leon.

"In short, ikaw ang bida-bida sa klase" sabat ni Nightmare, napahagalpak naman ng tawa si Leon.

"Mga pabidang ang sarap tirisin" dagdag naman ni Leon at nag-apir pa sila ni Nightmare. Napapikit naman sa inis si Audrey dahil mukhang binubully siya ng dalawa pero natawa na rin siya dahil magaan pala kasama si Nightmare at Leon.

"Ano ba kasing trip mo? Bakit kailangan natin magkunwaring estudyante" tanong pa ni Leon, inaayos naman niya ngayon ang kulay asul na sira-sirang backpack na inabot ni Audrey sa kanila. "Wait! Sandali! Ihinto mo!" sigaw ni Audrey dahilan para mapatigil si Nightmare sa pagmamaneho.

Sa isang maliit na gas station sila tumigil, "High school student tayo, ang weird naman kung nagdidrive ka na, paano kung bigla tayong mapadaan sa checkpoint, anong ipapakita mong lisensya? May student's license ka ba?" tanong ni Audrey kay Nightmare, dinukot naman ni Nightmare ang lisensya niya sa bulsa.

Agad namang kinuha iyon ni Audrey, "Christian S. Tan" binasa ni Audrey ang pangalan na naroon sa lisensya. "Ito ang totoong pangalan mo?" habol pa niya, agad namang kinuha ni Nightmare sa kamay ni Audrey ang lisensya niya at ibinulsa ulit iyon.

"Christian sa lisensya, Vincent sa barangay, Oliver sa iba't ibang company ID" sabat ni Leon sabay lingon kay Audrey. "Iba iba ang pangalan namin, at ni isa sa lahat ng ID na meron kami hindi nakasulat doon ang totoo naming pangalan" patuloy niya sabay kindat sa dalaga.

Natameme naman si Audrey dahil sa nalaman niya, "Ibig sabihin peke lahat ng pangalan na nilalagay niyo sa mga ID at certificates?" habol pa niya, tumango naman si Leon sabay abot kay Audrey ng peke niyang company ID sa isang insurance company.

"Timothy C. De Guzman... Lakas makatalino ng pangalan ko diyan noh" hirit pa nito, napatulala naman si Audrey, ngayon niya lang napagtanto na sigruadong malalaki ang koneskyon at maraming paraan ang nalalaman ng grupo dahil nakakagawa sila ng mga pekeng pagkakakilanlan.

"Anong totoong pangalan niyo?" nagkatinginan naman si Nightmare at Leon dahil sa tanong ni Audrey. Maganda ang sikat ng araw, mahangin din ang paligid, nakatigil sila ngayon sa tabi ng gas station. Walang ibang sasakyan na dumaraan sa malinis na kalsada papunta sa bayan.

Pababa sila ngayon ng bundok kung kaya't sa gilid ng kalsada ay may mababang fence kung saan matatanaw sa ibaba ang mga kabahayan na nasa bayan. Napapaligiran din ang paligid ng mga nagtataasang puno ng niyog.

"Sa oras na malaman mo ang totoong pangalan namin... mamamatay ka" sagot ni Nightmare sabay lingon sa dalaga. Sa pagkakataong iyon ay napatulala si Audrey sa binata. Hindi dahil sa pamilyar na mukha nito, hindi dahil sa pamilyar na boses nito... Kundi dahil sa pamilyar na sinabi nito na minsan na niyang narinig sa estrangherong nagbalik ng kwintas niya noon.

Sino ka ba talaga?

"Wag mo na alamin ang totoong pangalan namin. Kapag masyado ka nang nasanay gamitin ang ibang pangalan, minsan kung ano pa ang totoo mong pangalan, iyon ang parang peke sa iyong pandinig" ang sinabing iyon ni Leon ang dahilan upang bumalik ulit sa ulirat si Audrey.

Ano ang gustong ipahiwatig ng lalaking 'to sa sinabi niya? Alam ba nila na hindi Audrey ang totoo kong pangalan?

Magsasalita pa sana si Leon ngunit inunahan na siya ni Audrey, ito na mismo ang bumasag sa kakaibang tensyon. "Mag-jejeep tayo papunta sa bayan, mas kapani-paniwala ang pagiging estudyante natin kapag nag-jeep lang tayo" wika ni Audrey sabay baba sa sasakyan. Wala namang nagawa ang dalawa kundi ang bumaba at sumunod sa kanya.

Ipinarada na ni Nightmare ang jeepney owner na dala nilang sasakyan ni Ka Ferding. May maliit na gas station doon at may maliit na sari-sari store sa gilid kung saan ibinilin ni Nightmare ang sasakyan nila sa isang ale na naroon.

Halos sampung minuto na silang nakatayo sa gilid ng kalsada upang mag-abang ng jeep. Ngunit wala pa ring dumadaan. Mag-aalas dose na ng tanghali at matirik na rin ang sikat ng araw. "Kanino ba kasing ideya ang mag-jeep tayo? Dapat nasa bayan na tayo ngayon" reklamo ni Nightmare habang nakahawak sa black backpack niya na wala rin namang laman.

"Oo nga, kanino rin kayang ideya ang mag-uniform tayo ngayon, ang init tuloy sa balat" reklamo naman ni Leon. Nasa gitna nila si Audrey na nakahalukipkip at tinitingnan sila ng masama.

"Mas realistic na estudyante tayo kapag naka-jeep tayo papuntang bayan, bukod doon may student discount pa tayo kaya mas tipid diba" saad ni Audrey, napakamot naman sa ulo ang dalawa.

"Tsaka mas mainit kaya 'yung mga pa-leather leather jacket na pormahan niyo dyan, ang init-init sa Pinas pero naka-leather jacket pa kayo" reklamo naman ni Audrey, agad namang nag-react si Leon.

"Ganito talaga kapag mga action star, alangan naman naka-jejemon outfit kami" natatawang sagot ni Leon, natawa rin si Nightmare ngunit binawi niya ito nang lumingon sa kanya si Audrey.

Magsasalita pa sana si Audrey nang biglang may paparating na jeep. Agad nila itong pinara ngunit puno na ng mga pasahero sa loob. Mayroon na ring mga nakasabit sa jeep at may mga nasa bubungan na rin. "Ano? Sasakay ba kayo mga hijo at hija?" tanong ng driver ng jeep, punong-puno rin ang loob ng mga sako-sakong bigas, niyog, prutas at kopra.

"Opo!" biglang sagot ni Audrey sabay taas ng kamay, gulat namang napalingon sa kanya si Nightmare at Leon. Pipigilan pa sana nila si Audrey ngunit inalalayan na siya ng ibang mga nakasabit sa jeep paakyat sa bubungan kung saan naroon din ang ibang pasahero.

"Haays, wag na kayo maarte dyan! Tara na!" tawag pa ni Audrey habang kumakaway mula sa bubungan ng jeep. Nagkatinginan na lang si Nightmare at Leon, wala na naman silang magawa dahil likas na palaban at hindi talaga papatalo si Audrey.

***

"Whooaahh! Ang sarap ng hangin dito!" sigaw ni Audrey habang nakaupo sa bubungan ng jeep, nasa magkabilang tabi naman niya si Nightmare at Leon. "Para tayong lumilipad!" saad pa ni Audrey habang nakataas ang kamay. Itinaas din ni Leon ang kamay niya tulad ng ginagawa ni Audrey habang si Nightmare naman ay naweiwerduhan sa ginagawa nila.

"Ganito siguro pakiramdam ni Darna kapag lumilipad siya sa ere" habol pa ni Audrey, natawa naman si Leon dahil nag-ala darna si Audrey habang sinasalubong ang malakas na hangin. "Papababain tayo ni manong dito dahil sa ingay mo" reklamo ni Nightmare, sinamaan naman siya ng tingin ni Audrey.

"Alam mo ikaw palagi ang kontrabida dito eh, ako si Darna, si Leon si Ding at ikaw naman si Serpina HAHAHA!" tawa ni Audrey dahilan para mapalingon sa kanya ang ibang pasahero na nasa bubungan. Natawa lang din si Leon sabay abot ng kunwaring bato kay Audrey.

"Narda, ito ang bato!" tawa ni Leon, kinuha naman ni Audrey ang kunwaring bato sabay lunok. "Darna!" napahagalpak sila ng tawa ni Leon, pilit namang pinipigilan ni Nightmare ang matawa.

"Para kayong mga sira" wika niya, di-kalaunan ay napayuko na lang siya at natawa dahil feel na feel ni Audrey at Leon ang pagiging Darna at Ding. Nabalot ng tawanan at asaran ang bubungan ng jeep dahil sa kalokohan nilang tatlo.

***

"Maraming Salamat po Manong!" paalam ni Audrey nang makarating na sila sa bayan. Kakababa lang nila mula sa bubungan at maingat naman silang inalalayan ng ibang mga pasahero. "Heto po bayad namin" saad ni Nightmare sabay abot ng bayad nila pero napailing lang ang driver ng jeep.

"Huwag na, ipunin niyo na lang 'yan, mag-aral kayong mabuti at suklian ang hirap ng mga magulang niyo" saad ng driver sabay punas ng pawis gamit ang bimpo nito na nakasabit sa balikat. Napatango na lang silang tatlo dahil sa pangaral ni manong driver.

Nang makaalis ang jeep ay sinundan pa nila ito ng tingin "Ang galing, mukha talaga tayong estudyante sa paningin nila" saad ni Leon. "Teka, nasaan ba tayo?" tanong ni Audrey sabay lingon sa paligid.

Nasa gitna sila ng bayan, may malaking intersection sa gitna kung saan may stoplight sa taas at may pedestrian lane sa gitna ng malaking kalsada. May mga tricycle, motor, kotse at jeep sa gitna. Nagkalat din ang mga tao na naglalakad sa gilid ng mga building na hanggang third floor lang ang taas. Karamihan ay mga grocery store, pasalubong store, fast foods, at mga bakery.

Ilang sandali pa ay nanlaki ang mga mata ni Audrey nang makita ang malaking tarpaulin sa gitna ng kalsada. Nakasabit ito sa isang mahabang linya na nakatali sa stop light na nasa sentro ng bayan.

Maligayang Pagdating sa Oriental Mindoro

"N-nasa Oriental Mindoro tayo?" gulat na tanong ni Audrey sabay turo sa tarpaulin. "Gusto mo na bang lumangoy pabalik sa Manila? Ingat lang maraming pating dito" ngisi ni Leon at nauna na silang naglakad ni Nightmare. "Wait, hintayin niyo ko!" agad namang humabol sa kanila si Audrey nang mapansin niyang nauuna nang maglakad ang dalawa. Gustuhin man niyang tumakas ngunit magugulo ang plano niya at siguradong mahahanap pa rin siya ng grupo.

Pagdating nila sa isang maliit na mall, naninibago si Audrey dahil hindi ito tulad ng mall sa Manila na sobrang liwanag, nakakamatay sa lamig ang aircon at puro international brands na store ang laman. Sa halip, isang simple, malinis at pang-masa talaga na mall kung saan maraming mapipigpilian na mga murang bilihin.

Nauna silang pumunta sa tindahan ng mga gadgets. Doon ay ilang beses nagrereklamo si Nightmare at Leon dahil halos nalibot na nila ang lahat ng tindahan ngunit panay lang ang usisa ni Audrey, kung minsan ay ilalabas pa ng mga saleslady ang mga camera pero hindi naman bibilhin ni Audrey.

"Chill lang, mausisa talaga ako pagdating sa camera, gusto niyo bang mukha kayong pirated kapag nasa TV na?" wika niya sa dalawa sabay pamewang, napakamot naman ang mga ito sa ulo at hindi na umalma pa.

Ilang sandali pa ay nakapili na rin si Audrey, isang DLSR na camera na latest version ang napili niya. Agad niyang kinunan si Nightmare at Leon. Umakbay si Leon kay Nightmare at nag-peace sign sabay ngiti. Habang si Nightmare naman ay walang emosyon na nakatingin lang sa camera na parang mug shot ang kuha.

"Haays, ngumiti ka naman, mukha kang grounded ng isang linggo kaka-dota sa picture na 'to oh" reklamo ni Audrey kay Nightmare dahil nakasimangot nga si Nightmare sa picture habang si Leon naman ay nakangiti.

"Kukuhanin niyo na 'to?" tanong ng salesman sa kanila, nasa edad tatlumpung taon na ito pataas, maputi at may braces ang ngipin. "Oo, kukunin na namin" sagot ni Audrey sabay abot sa kanya ng camera.

Dinukot naman ni Nightmare sa bulsa ang halos apatnapung libong cash at inabot iyon sa salesman "C-cash niyo babayaran" gulat na wika ng salaesman na halos kuminang ang mata dahil sa makapal nap era na hawak niya.

"Mukha bang credit card 'yan?" pilosong sagot ni Nightmare, agad naman siyang sinagi ni Leon at pinandilatan siya ng mata ni Audrey.

"Biro lang, cash nga naming babayaran" bawi ni Nightmare, nakanganga pa rin ang salesman at tiningnan sila ng mabuti isa-isa.

"Alam ba 'to ng mama at papa niyo?" usisa pa muli nito, nagkatinginan naman silang tatlo. Mukhang maling ideya na magbayad ang mga High School student ng cash na ganoon kalaki ang halaga. Magsasalita na sana si Leon ngunit naunahan siya ni Audrey.

"Ah, para po kasi 'yan sa tropa naming si..." panimula ni Audrey at napatingin siya sa gilid habang iniisip kung anong pangalan ang sasabihin niya, sakto namang nakita niya ang picture ng isang sikat na artista na may hawak na phone. "Joshua, 'yung tropa po naming si Joshua pangarap niya maging photographer at dahil mahal namin siya at love siya ng mama at papa niya nagtulong-tulong kami para makaipon ng pera. Regalo naming 'to sa birthday niya... Bukas" ngiti ni Audrey, na medyo teared-eyes pa para magmukhang realistic at sincere ang pagbili nila ng camera.

Mukha namang naantig ang salaesman sa kwento ni Audrey at napatango-tango ito "Ang sweet niyo naman, sana lahat ng kaibigan tulad niyo" wika nito na medyo teared-eyes din. "Sige, bibigyan ko na rin kayo ng freebies na camera bag at extra memory card" patuloy pa nito, napalingon naman si Audrey kay Nightmare at Leon sabay kindat dahil nalusutan nila ang paghihinala ng salesman.

***

"Hindi pa ba tayo uuwi?" tanong ni Nightmare dahil bigla silang kinaladkad ni Audrey papunta sa tindahan ng mga damit. "Hindi pa, tuturuan ko kayo ng tamang fashion" giit ng dalaga sabay hila sa kanilang dalawa.

Pagpasok sa loob agad kumuha si Audrey ng mga damit at sapatos panlalaki na nagustuhan niya, kumuha siya ng tig-sasampu at pilit na pinasukat iyon kay Nightmare at Leon. Halos sumakit ang tiyan niya kakatawa nang makitang nakabihis ng makukulay at matitingkad na damit ang dalawa.

Ilang beses din siyang umiling dahil puro black ang gustong isuot ni Nightmare at Leon. "Mapagkakamalan talaga kayong mga holdaper at kidnapper niyan dahil sa suot niyo" saad ni Audrey nang magbihis ng leather jacket with matching black pants, black shoes, black cap at black gloves ang dalawa.

Napalingon naman sa gulat ang dalawang saleslady na nag-aasikaso kay Nightmare at Leon dahil sa sinabi ni Audrey na nakaupo sa maliit na sofa sa tapat ng maliliit na compartment na may kurtina "Ayy—ang ibig kong sabihin, lakas maka-bad boy ng porma niyo... palitan natin hehe" bawi ni Audrey sabay ngiti, mukhang hindi naman sineryoso ng dalawang saleslady ang sinabi ni Audrey dahil ngumiti rin ang mga ito at kinikilig sa kagwapuhan ni Nightmare at Leon.

Ilang sandali pa, habang tumitingin-tingin si Audrey sa magazine at naghihintay na isuot ni Nightmare at Leon ang huling damit ay bigla siyang napatigil nang bumukas na ang kurtina. Nauna nang naglakad si Leon suot ang pulang polo na two buttons down, naka-tucked in ito sa gray pants na suot niya. At swabeng hinagod ang buhok.

Sunod namang lumabas si Nightmare suot ang navy blue na polo na two buttons down din, naka-black pants ito at ang ganda rin ng pagkaka-messy ng itim nitong buhok. Hindi namalayan ni Audrey na napatulala na lang siya sa porma ng dalawa, halos lumilipad naman sa ere ang dalawang saleslady dahil mukhang model talaga ang dalawang binata.

"Anong masasabi mo?" tanong ni Leon dahilan upang matauhan si Audrey, agad siyang umiwas ng tingin kay Nightmare. "Ahh... A-ayos! Mukha na kayong tao" sagot niya sabay dampot ng bag niya. "Bayaran niyo na 'yan, uuwi na tayo" nagmamadaling wika ni Audrey na dali-daling lumabas sa tindahan. Hindi niya mawari kung bakit tila biglang tumigil ang mundo niya nang makita si Nightmare sa ganoong anyo.

***

Tahimik silang naglalakad papunta sa terminal ng jeep. Mag-aalas sais na ng hapon, mag-aagaw dilim na. Kulay kahel at asul na ang kalangitan na parang isang magandang obra. Napadaan sila sa plaza kung saan maraming bata ang naglalaro. May simbahan sa tapat ng plaza na bukas pa rin kahit walang misa.

Nagkalat din sa paligid ang mga nagtitinda ng sorbetes, laruan, cotton candy, fishball, kwekwek at marami pang iba. Malaki ang plaza na iyon na may mga palaruan sa gilid, may mga slides at seesaw. Ilang sandali pa ay gulat na napatingin si Audrey sa gitna kung saan may malaking pabilog na istruktura doon.

"May fountain dito? Whoah!" excited niyang tanong sabay lingon sa dalawang kasama. "Oo, bubuksan 'yan mamayang 6 pm" sagot ni Leon sabay tingin sa relo niya. Suot na nila ulit ang high school uniform na suot nila kanina. Mukha silang mga estudyante na pauwi na matapos ang halos isang buong araw sa paaralan.

Inilagay nila sa backpack ang mga pinamiling bagong damit, sapatos at camera. "Wow, wag muna tayo umuwi, hintayin natin bumukas 'yung fountain pleaseee" pakiusap ni Audrey na animo'y batang paslit na nagmamakaawa sa magulang na huwag muna silang umuwi dahil kung hindi ay magtatantrums siya sa gitna ng plaza.

"Si Nightmare lang naman ang atat umuwi eh" natatawang wika ni Leon sabya sagi sa kaibigan. Tumango-tango na lang si Nightmare sabay tingin sa relo niya "Sige na" tipid niyang sagot na ikinatuwa ni Leon lalong-lalo ni Audrey.

"Yeeess!" Tumakbo ito papalapit sa pabilog na fountain at pinagmasdan kung gaano kalalim iyon.

Sumunod naman sa kanya sina Nightmare at Leon, "Penge piso" saad ni Audrey sabay lahad ng palad niya kay Nightmare at Leon. Tiningnan lang ni Nightmare ang kamay niya, habang si Leon naman ay dumukot ng piso at inabot sa kanya.

"Buti ka pa 'di kuripot gaya ng isa diyan" wika ni Audrey at nag-apir sila ni Leon. "Pagpasensiyahan mon a 'tong si Nightmare, puro papel kasi ang pera niya, 'di sa kanya uso ang barya" tawa nito, hindi naman nagreact si Nightmare. Sa isip-isip niya ay pinagkakaisahan at binubully na naman siya ni Leon at Audrey.

Humarap na ulit si Audrey sa fountain na kalmado pa at ipinikit niya ang kanyang mga mata habang hawak ang sa kamay ang barya. Matapos niyang mag-wish ay inihagis na niya ang barya sa tubig.

"Anong wish mo?" curious na tanong ni Leon habang pinagmamasdan nila ang maraming barya na naroon sa ilalim ng tubig. "Secret, hindi matutupad ang wish kapag sinabi sa iba" pilyang sagot ni Audrey, tumango-tumango naman si Leon at kumuha rin siya ng barya sa bulsa.

Pinikit niya ang mga mata niya at nang matapos siya humiling ay inihagis na niya iyon sa tubig. "Oh, ikaw naman ang mag-wish bro" saad ni Leon kay Nightmare sabay abot ng barya. Umiling lang ito.

"Wag ka naman KJ 'dyan, dali na mag-wish ka na" hirit pa ni Leon kay Nightmare sabay hampas ng barya sa noo nito na dumikit naman. "Ayan, ang oily kasi ng mukha mo kaya dumikit" tawa nito, natawa naman si Audrey pero agad niyang binawi dahil baka maasar na naman si Nightmare.

"Wala akong wish" tipid na sagot ni Nightmare sabay kuha ng barya na nakadikit sa noo niya. "Sinunggaling! Lahat ng tao may wish noh. Pera, bahay, lupa, kotse, diploma, fame, work, jowa, baby... at kahit nga cotton candy eh" saad ni Audrey, napatingin naman si Nightmare sa barya na hawak niya.

"Alien ka ba bro? Mag-wish ka na, 'di ka naming huhusgahan" wika ni Leon pero halatang pinipigilan niyang tumawa. Si Nightmare kasi ang tipo ng tao na hindi naniniwala sa mga wish at kung anu-anong kababalaghan.

"Wala namang mawawala sayo kapag nag-wish ka" hirit pa ni Audrey sabay ngiti, animo kabilang na rin siya sa tropa.

"Mawawalan ako ng dignidad" sagot ni Nightmare, napakunot naman ang noo ni Audrey at Leon, maya-maya pa ay bigla silang natawa.

"Sige na nga, hindi na namin ipipilit ang pagkasira ng dignidad mo" tawa pa ni Audrey, bigla namang tinapik ni Leon ang balikat ni Nightmare.

"Lab ka pa rin naman naming kahit pa gusto ka na naming palayasin dito sa earth kasi ang KJ mo" tawa ni Leon, magsasalita na sana si Nightmare nang biglang unti-unting bumukas ang unang ilaw sa ilalim ng fountain. Kulay asul ito na parang isang malawak na karagatan.

"Wow! Magbubukas na ang fountain!" excited na wika ni Audrey at dali-dali niyang kinuha sa backpack niya ang bagong bili nilang camera. Agad siyang tumakbo papunta sa isang lalaki na may kausap sa phone mula sa di-kalayuan at nakiusap siyang kuhaan sila ng picture gamit ang camerang iyon.

Tumango naman ang security guard at tinuruan siya ni Audrey kung ano ang pipindutin sa camera. Samantala, sa kabilang banda naman ay naglakad na si Nightmare at Leon ng kaunti papalayo sa fountain dahil siguradong mababasa sila sa oras na bumukas na iyon.

"Hanggang ngayon mahilig pa rin siya sa fountain" biglang wika ni Nightmare dahilan upang mapatigil sa paglalakad si Leon. "Mahilig sa fountain si Ciana?" tanong nito, pinagmamasdan nila ngayon ang dalaga habang tinuturuan ang lalaki.

"Naalala mo? Nung bata pa tayo, may malaking fountain sa bahay nila Ciana, birthday ng papa niya at invited tayong lahat na malapit sa pamilya nila. Puno ng barya ang fountain nila dahil sa kakawish ni Ciana araw-araw doon. Hanggang ngayon, hindi pa rin pala siya nagbabago" saad ni Nightmare, napangiti naman si Leon.

"Tama ka, siya pa rin si Ciana na nakilala natin noon" pag-sangayon ni Leon, hindi nila namalayan na pinagmamasdan nila ngayon ang dalagang minsan na nilang naging kaibigan noon.

Ilang sandali pa, lumingon sa kanila si Audrey at masaya itong tumakbo papalapit sa kanila. Tila bumagal ang takbo ng paligid habang tumatakbo si Audrey nang nakangiti at kumakaway sa kanilang dalawa. Sinasayaw ng hangin ang mahabang buhok nito na animo'y nagpatigil sa kanilang mundo.

"Pumayag si kuya na picturan tayo" nakangiting wika ng dalaga at agad itong pumwesto sa gitna nilang dalawa. Sumenyas naman ang lalaki habang hawak-hawak ang camera. Kasabay niyon ay ang pagbukas ng fountain. Namangha ang lahat sa pag-angat ng tubig sa ere na sinabayan ng makukulay na ilaw na nagpadagdag sa kagandahan nito.

Nang dahil sa biglaang pagbukas ng fountain ay sumakto ito sa pagclick ng camera. Tatlong masasayang ngiti ang masisilayan sa kanilang larawan suot ang uniporme na tila ba sila ay bumalik muli sa pagkabata at sa alaala ng kanilang nakaraan kung saan wala pang trahedya at hidwaan.

********************

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top