Mistake 6
[Kabanata 6]
"Sandali, sino ka ba? Pakiramdam ko kasi... Kilala kita" napatigil si Nightmare sa paglalakad ngunit hindi pa rin ito lumingon. Kung kaya agad humakbang papalapit sa kanya si Audrey, napaatras pa si Nightmare dahil tinititigang mabuti ng dalaga ang kanyang mukha.
Biglang itinaas ni Audrey ang kamay niya at tinakpan ang ilong at bibig ni Nightmare. Kinilatis niya pang muli ang hitsura nito "Pamilyar kasi talaga ang mukha mo" patuloy pa ni Audrey, agad namang tinanggal ni Nightmare ang kamay ni Audrey na nakaharang sa mukha niya.
"Nababaliw ka na" tipid na wika nito sabay suksok ng dalawang kamay sa itim na hoodie na suot. "Sabagay, imposible namang ikaw 'yun" wika ni Audrey sabay kibit balikat.
"Sino?" tipid na tanong ng binata, napangiti naman si Audrey dahil mukhang na-curious ito. "Secreeeet!"
Inirapan na lang siya ni Nightmare at nagpatuloy na ito sa paglalakad. Naiwan naman siya sa gitna ng daan habang yakap-yakap ang unan at kumot. Tinitingnan niyang mabuti si Nightmare na naglalakad pabalik sa bahay nito. "Tsk, imposible talaga na siya 'yung lalaking nagbalik sa'kin ng kwintas ko" wika niya sa sarili.
***
Nang gabi ring iyon, hindi makatulog si Audrey. Bukod sa matigas na papag na higaan niya, maalikabok din ang buong basement na nasa ilalim ng tinitirikang bahay ni Aling Coring. Maraming mga kahon na maalikabok sa gilid at ang sahig ay magaspang na semento.
May mga daga at ipis na nagtatakbuhan sa bawat sulok na naninirahan sa mga lumang kahon. Sinubukang silipin ni Audrey kanina kung ano ang laman ng mga kahon na iyon ngunit tanging mga lumang damit na panlalaki at mga pudpod na tsinelas ang laman ng mga iyon.
Binalot na lang ni Audrey ang sarili ng manipis na kumot at tinitigan ang mga dagang nagtatakbuhan na parang naglalaro ng habulan sa kabilang sulok. Hindi rin siya makatulog dahil maraming gumugulo sa kanyang isipan.
Alam na kaya ni Lolo na nawawala ako? Sinabi ba ni Chelsea na imbes na siya ang makuha ng mga kidnapper ay ako ngayon ang nandito? Dismayado ba si Lolo o mas panatag siya dahil ligtas ang pinakamamahal niyang apo?
Hinahanap din ba ako ni Sir Migs at Kuya Rex? Nasa balita na ba ako?
Biglang napabangon si Audrey at natulala sa kawalan dahil sa ideya na baka nasa balita na siya. Napakagat siya sa labi at malalim na nag-isip.
Hindi pwedeng malaman ng lahat na nawawala ako, kung kalat na sa tv at dyaryo ang mukha ko at kung susugod na dito ang mga pulis o sundalo, mawawalan ako ng kalayaan kapag nakabalik na ako sa Maynila dahil siguradong gagantihan ako ng grupong ito. Wala ring sinuman ang pwedeng makaalam na apo ako ni Gen. Feliciano.
Napabagsak na lang ulit sa higaan si Audrey at bigla siyang napahawak sa ulo at likod dahil matigas na papag nga pala ang hinihigaan niya. Hinimas niya ng paulit-ulit ang kanyang ulo hanggang sa mapatigil siya ng may ideyang pumasok sa isipan niya.
Kung aalis ako sa lugar na'to, kailangan sa malinis at mala-bayaning paraan. Tama! Pwede kong gamitin ang pagkakataon na 'to para magkaroon ako ng big break sa media! Siguradong ma-popromote ako kapag nalaman ng lahat na isa akong reporter na nakidnap at pinagkatiwalaan ng rebeldeng grupong ito, nakalabas ng buhay, matapang at syempre maganda Bwahaha!
***
Kinabukasan, inutusan si Audrey na mag-igib ng tubig sa balon. Naabutan niyang naghahanda ng almusal ang matanda kasama ang dalawa pang dalagita. Kinuha na niya ang balde sa likod ng bahay at naglakad papunta sa balon. Tulala siya habang nag-iisip ng malalim,
Kailangan kong gumawa ng plano... Kailangang makuha ko ang tiwala ng mga tao dito para hindi nila ako patayin pagdating sa Manila kung sakaling iligtas ako ng mga pulis at sundalo anumang araw mula ngayon.
Napangiti at napatango-tango na lang si Audrey sa kanyang sarili. Animo'y pakiramdam niya ay matalino siya at malilinlang niya lahat ng tao sa lugar na iyon. Ilang sandali pa ay napatigil siya sa paglalakad at napalingon sa kanan kung saan nakatirik ang isang abandonadong kubo. Maayos pa ang lagay ng bahay pero walang nakatira, bagay na ipinagtataka niya.
Walang mga sinampay sa labas, walang tsinelas sa labas ng pinto, walang mga gamit sa labas, puno ng patay na dahon sa harapan at nagkalat din ang mga putol na sanga ng kahoy sa bukana nito. Hindi maintindihan ni Audrey kung bakit may kakaiba siyang nararmdaman sa abandonadong bahay kubo na iyon. Maglalakad sana siya papunta doon ngunit napatigil siya nang makita ang papasalubong na dalawang lalaki na sina Uno at Onse.
"Mabuti na lang tapos na tayo maligo, balak din siguro tayong silipan ng babaeng 'yan" bulong ni Uno kay Onse na narinig ni Audrey dahilan upang biglang kumulo ang dugo niya. Nakalampas na ang dalawa bitbit ang kanilang mga basang damit.
"Ako pa ang lumabas na mamboboso! Kainis!" bulong ni Audrey sa sarili at inis na naglakad patungo sa balon.
***
Pagbalik ni Audrey agad isinalin niya ang inigib na tubig sa isang malaking drum ni Aling Coring. "Mag-hugas ka na ng kawali" utos ni Aling Coring habang abala sa paggawa naman ng kakanin. Ang dalawang dalagita na kasama nito ay nagpupunas ng dahoon ng saging.
Napahinga na lang ng malalim si Audrey at napatingin sa tambak na hugasin. Limang malalaking kawali at tatlong malalaking kaldero ang nakatambak sa lababo. Walang nagawa si Audrey kundi kunin ang mga iyon at dinala niya sa likod ng bahay para hugasan lahat. Masikip ang kusina ni Aling Coring at dahil puro malalaking kawali at kaldero ang huhugasan ni Audrey kailangan niya talagang lumabas.
Naupo na si Audrey sa maliit na bangkito at agad niyang kinuskusan ang mga kawali at kaldero. Hindi pa siya nag-aalmusal, at hugasin agad ang bubungad sa kanyang umaga.
Nangingidnap ba sila ng tao para gawing katulong dito? Hays!
Ilang sandali pa ay narinig niya ang sabay-sabay na sigaw ng mga kalalakihan.
Dahan-dahan siyang tumayo at sumilip sa gilid, nanlaki ang mga mata niya nang makita kung anong mayroon doon. Halos dalawampung kalalakihan na nasa edad labintatlong-taon gulang pataas ang nakapila ng maayos at may mga hawak na arnis.
Nag-eensayo ang mga ito sa isang medyo malawak na patag na damuhan habang napapalibutan pa rin ng matataas na puno sa paligid. "Isa!" sigaw ni Nightmare at sabay-sabay na itinaas ng mga binatilyo ang mga arnis. "Dalawa!" patuloy nito at sabay-sabay naman nilang inihampas ng malakas ang arnis sa mga kawayan na nakatindig sa kanilang harapan.
Napanganga si Audrey sa galing ng mga batang tinuturuan ni Nightmare dahil sabay-sabay ang mga ito lalo na ang paghampas sa ibaba at itaas na bahagi ng kawayan na para silang mga lumilipad sa ere. Alas sais pa lang ng umaga ngunit puspusan na ang pag-eensayo ng mga ito, bagay na hinangaan ni Audrey dahil kumpara sa mga batang iyon ay antok na antok siya at kanina pa nagrereklamo ang kanyang sikmura.
Biglang tinakpan ni Audrey ang kanyang mukha gamit ang hawak na kawali nang mapalingon si Nightmare sa kinaroroonan niya. At dahan-dahan siyang bumalik sa paghuhugas ng mga kawali at kaldero.
Ilang sandali pa ay bigla siyang nagulat nang may magsalita sa likuran niya "Pahingi naman kami ng tubig" wika ni Leon sabay ngiti. Nakatayo naman sa tabi nito si Nightmare na walang emosyon ang mukha.
"T-tubig?"
"Oo, tubig"
Napatitig sandali si Audrey sa hitsura ni Nightmare at Leon na pawisan ngunit malinis pa rin tingnan. Nakabalot ng malaking panyo na kulay pula ang buhok ni Nightmare habang si Leon naman ay may suot na bandana sa ulo.
"Ikaw si Audrey, diba?" tanong muli ni Leon dahilan upang matauhan si Audrey at agad mapatayo. "Oo, b-bakit?" nagtataka niyang tanong habang hawak ang malaking kawali bilang panangga. Bigla niyang naalala na nakita nga rin pala niya ang pwet ni Leon at ngayon ay nangangamba siya na ungkatin nito ang nakakahiyang pangyayaring iyon.
"K-kukuha na ako ng tubig" saad ni Audrey sabay takbo papasok sa loob ng bahay. Napatigil siya sa tapat ng lagayan ng tubig at napasandal doon sandali.
Kumpara kay Nightmare, mukhang mas friendly 'yung isang kasama niya. Sa lahat ng tao dito, 'yung lalaking iyon lang ang kaibigan at kinakausap ni Nightmare. Hmm... mukhang alam ko na kung anong klaseng kaibigan ang bet ng masungit na Nightmare na 'yon. Kailangan kong maging bff si Leon at walang magagawa si Nightmare dahil makakasali na ko sa tropa nila Bwahaha!
Pagbalik ni Audrey sa labas, abot tenga ang ngiti niya habang hawak ang dalawang baso ng tubig bagay na ipinagtaka ni Nightmare at Leon. "Heto na ang malinis na tubig para sa mga hardworking na fighter na katulad niyo" ngingiti-ngiting wika ni Audrey na parang nagbebenta ng Condo.
Nagkatinginan naman si Nightmare at Leon na parehong na-wierduhan sa ginagawa ng dalaga. "Sige na, inumin niyo na iyan para lumakas kayo" patuloy pa ni Audrey na panay ang tango at ngiti. Dahan-dahan namang kinuha ng dalawa ang tubig at nag-aalinlangang inumin iyon.
"May lason ba 'to?" biglang saad ni Nightmare na ikinunot ng noo ni Audrey. Samantala, bigla namang nasamid si Leon dahil sa sinabi ng kaibigan.
"FYI, walang lason 'yan" sagot ni Audrey habang nakakunot ang noo kay Nightmare dahil wala man lang itong pakundangan sa pagsasalita. "Tsaka bakit ko naman kayo lalasunin? Siguro ikaw pwede pa pero ang bff mo hindi ko magagawang lasunin" habol pa ni Audrey sabay halukipkip. Bigla namang napangiti si Leon.
"Talaga? Mula ngayon pards na tayo!" saad ni Leon sabay taas ng kamay at nag-apir sila ni Audrey. "Leon nga pala ang pangalan ko, ang sagwa pakinggan ng word na BFF ni Nightmare" tawa nito, natawa rin si Audrey, wala namang emosyon si Nightmare habang nagtatawanan ang dalawa. Parang binubully pa siya ng mga ito.
***
Lumipas pa ang ilang araw, medyo nasasanay na si Audrey sa pamumuhay doon. Maagang nagigising si Aling Coring kasama ang dalawang dalagitna na si Faya at Des, sila ay anak ng mga miyembro rin ng grupo. Tuwing umaga, si Audrey ang taga-igib ng tubig sa balon at taga-hugas ng mga ginamit sa pagluluto dahil ayaw siyang patulungin sa pagluluto.
Pagsapit naman ng tanghalian ay kanya-kanyang kain na at luto ang mga pamilya roon. Tanging sila Commander Dado, Ka Ferding, Nightmare at Leon lang ang isinasama ni Aling Coring sa niluto niyang pagkain. Ang dalawang dalagita ang taga-hatid ng mga pagkain dahil kilala ng mga ito ang lahat ng myembro.
Pagsapit naman ng siyesta ay halos tulog at nagpapahinga ang lahat. Si Aling Coring naman ay naglalaro ng baraha mag-isa. Pagsapit naman ng merienda ay magluluto muli si Aling Coring, si Audrey ang taga-hugas ng lahat ng pinagkainan at siyang taga-salok ng tubig. Pagdating naman ng gabi, matapos ang hapunan ay maagang natutulog ang lahat kung kaya't walang magawa si Audrey lalo na dahil alas-otso pa lang ng gabi ay mahimbing na ang tulog ni Aling Coring, maaga pa ito magigising kinabukasan.
Binigyan din ni Aling Coring ng mga damit si Audrey mula sa ilang mga anak ng kumare niya na dalaga na nakatira sa ibaba ng bundok. Napahinga na lang ng malalim si Audrey dahil puro daster ang mga damit na binigay sa kanya. Iba-iba lang ang kulay ngunit pare-pareho naman ang disenyo.
Alas-singko na ng hapon, pang-limang araw na ni Audrey sa lugar ng mga rebelde. Inutusan siya ni Aling Coring na dalhan ng merienda sina Commander Dado, bitbit niya ngayon ang nilagang saba ng saging na niluto ni Aling Coring. Naglalakad siya mag-isa sa makipot na daan sa kagubatan, napatigil siya nang mapansin muli ang abandonadong kubo na labis na misteryoso para sa kanya.
Napalingon siya sa paligid at napansin niyang walang ibang tao roon kung kaya't dali-dali siyang naglakad papalapit sa abandonadong kubo. Umikot siya sa paligid niyon upang maghanap ng daan papasok, hindi naman siya nabigo dahil nakauwang ang pintuan sa likod niyon, marahil ay nakalimutang isara ng taong huling pumasok doon.
Pagpasok niya sa loob, tumambad sa kanya ang malinis na loob, halos walang kagamit-gamit doon bukod sa isang katre na walang kutson. Napatakip siya sa ilong dahil sa kakaibang amoy na umaalingasaw sa loob ng bahay. Gawa rin sa matibay na tabla ang sahig, may malaking pulang carpet pa ito at maalikabok din ang buong paligid. Tumatagos ang sinag ng araw sa mga maliliit na uwang ng bintana. Napatingala si Audrey sa bubungan ng bahay na gawa sa pawid at napansin niyang maayos at walang kabutas-butas iyon.
Walang nakatira dito, pero bakit mas maayos pa ang kalagayan ng bahay na 'to kaysa sa bahay ni Aling Coring?
Maglalakad na lang sana palabas si Audrey ngunit sumabit ang bayong na hawak niya sa dulo ng kama dahilan upang mahulog ang mga saging na nalaman niyon, ang iba ay gumulong pa sa ilalim ng katre. Agad dumapa si Audrey at pilit na inabot ang mga saging na pumailalim sa kama. Ilang sandali pa ay napansin niya na parang may nakaumbok sa ilalim ng kama, sa ilalim mismo ng carpet.
Dali-dali siyang tumayo, inusog niya ang kama sa kabilang sulok. Nang alisin niya ang carpet sa ilalim niyon ay tumambad sa harapan niya ang isang parihabang lagusan sa ibaba, may harang ito at may lock. Hindi malaman ni Audrey kung bakit biglang kumabog ng malakas ang dibdib niya, nararamdaman niyang may mahalagang bagay sa loob ng lagusan na iyon patungo sa basement dahil sobrang alagang-alaga ang abandonadong bahay kubo na iyon kahit pa wala namang nakatira doon.
Gustuhin man pumasok ni Audrey sa loob ngunit naka-lock ito, may malaking metal padlock sa lagusan at kailangan niyang mahanap ang susi niyon. Wala siyang balak sirain ito dahil siguradong malalaman ng iba na may nakapasok doon na estranghero.
Ilang sandali pa ay naulinigan niya mula sa di-kalayuan na may paparating. Dali-dali niyang ibinalik ang carpet at inusog ang kama pabalik sa dati nitong pwesto. Dinampot na niya lahat ng saging at nilagay sa bayong saka tumakbo papalabas at nagtago sa matataas na talahib na nasa gilid.
Hindi nagtagal ay dumating sina Uno at Onse, malalaki ang katawan ng dalawa, may bitbit itong dalawang malaking bag na kulay itim. "Bakit bukas 'to?" tanong ni Uno kay Onse nang mapansing bukas ang pintuan sa likod.
"Iniwan ko munang bukas kanina bago kita puntahan, kinuha kasi ni Leon ang susi sa'kin kanina" tugon ni Onse, hindi naman sumagot si Uno at pumasok na sa loob, isinara nila ang pinto kung kaya't hindi niya makita kung anong mayroon sa loob.
Makalipas lang ang halos sampung minute ay lumabas na si Uno at Onse, kinandado na ni Onse ang pinto sa likod ng bahay. Nanlaki ang mga mata ni Audrey nang makita ang mahabang buhok na sa tingin niya ay buhok ng isang babae, nakapuslit ito sa dulo ng itim na bag na bitbit ni Uno.
Nang makaalis ang dalawa, dali-daling naglakad si Audrey pabalik sa bahay ni Aling Coring, mabilis ang lakad niya na tila may humahabol sa kanya. Tila nanginginig ang kanyang mga kamay at binti at halos namamanhid na rin ang kanyang buong katawan.
"Bakit ka nagmamadali? Hija" nagulat si Audrey nang marinig ang boses ng isang lalaki mula sa kanyang likuran. Gulat siyang napalingon sa likod at tumambad sa harapan niya si Commander Dado hawak ang tungkod nito.
"Ang sabi ni Aling Coring, inutusan ka raw niya na dalhan ako ng merienda ngunit kanina pa raw iyon, bakit ngayon ka lang? hija" ulit ng matanda, halos namumutla na ang buong mukha ni Audrey. Pilit na bumabagabag sa isipan niya ang buhok na nakita sa bag ni Uno kanina na mula sa abandonadong kubo.
"Dalhin mo na sa loob ang merienda" saad ni Commander Dado sabay pasok sa loob ng bahay niya. Nagdadalawang-isip namang humakbang si Audrey papasok doon lalo nan ang makita niyang lumabas mula roon si Uno at Onse.
Ngunit wala siyang nagawa, siguradong magtataka ang mga ito kung hindi siya susunod. Napahinga na lang siya ng malalim, pinunasan niya ang pawis sa noo saka sumunod sa loob. Pagdating doon ay naabutan niyang nakaupo si Commander Dado sa espesyal na silya nito sa gitna.
May isang mesa at upuan sa tapat nito, sumenyas si Commander Dado na maupo siya roon. "
"Kailangan maging malinaw ang balitang gagawin mo at magsasagawa tayo ng propaganda. Sisirain natin ang pangalan ni Feliciano Medina na tatakbo bilang presidente sa susunod na eleksyon" panimula ni Commander Dado sabay hithit ng sigarilyo, napatakip na lang si Audrey ng ilong dahil allergic siya sa usok. Mabuti na lang dahil malayo sa kanya ang matanda.
Hindi nakapagsalita si Audrey, "Ano ba ang unang pumapasok sa isipan ng tao kapag narinig nila ang pangalang Feliciano Medina" patuloy ni Commander Dado, nanatili namang nakayuko ang dalaga. Ang Lolo niya na nang-iwan sa kanya, ang Lolo niya na nag-udyok sa kanya na magpalit ng pangalan at pagkatao sa hindi niya malamang dahilan. Ang Lolo niya na kahit ni isang kusing ay walang binigay sa kanya upang tulungan siya.
"General Feliciano Medina... Ang matapang na taong kumalaban sa mga rebelde at siya ring nagpaunlad sa bayan at nagbigay ng maraming batas na nagpaunlad daw sa ekonomiya pero ang totoo isa siyang huwad, nagawa niyang isakripisyo ang sariling pamilya at mga kaibigan sa ngalan ng pulitika" dagdag ni Commander Dado, ipinikit nito ang mga mata habang dinadama ang makapal na usok mula sa sigarilyo.
"Sa likod ng mabangong pangalan ni Feliciano ay natatago ang masangsang niyang pagkatao, na hindi nakikita ng mga taong sumasamba sa kaniya, at sa oras na umalingasaw ang bahong iyon, siguradong ni isa ay walang matitira sa kanyang tabi"
"Akala ni Feliciano ay nasa panig niya ang lahat. Nabubulag siya sa magagandang salita ng mga negosyante at opurtunista na kumakapit sa pangalan niya. At alam mo kung bakit nila ginagawa iyon? Dahil sa oras na makuha ni Feliciano ang pinakamataas na posisyon, nakakabit man sa kanyang pangalan ang salitang presidente. Ngunit ang hindi niya alam ay hawak na ng mga negosyante at opurtunista ang kanyang leeg. Hindi niya matatanggihan ang mga pabor na hihingiin ng mga iyon pagdating ng panahon" paliwanag ni Commander Dado, dahan-dahan namang napatingin sa kanya si Audrey.
"Hindi tayo mananahimik dito, hindi natin hahayaan na maging pangulo ang isang taong uhaw sa kapangyarihan" wika ni Commander Dado sabay lingon kay Audrey. "Anong masasabi mo hija?"
Napapikit naman ng mata si Audrey, halos hindi na rin siya humihinga ngayon dahil sa amoy ng sigarilyo. Gustuhin man niyang kwestyunin ang mga sinabi ni Commander Dado ngunit ang mas mahalaga ngayon ay makuha niya ang tiwala ng mga ito kung kaya't kailangan niyang sumang-ayon sa plano.
"Gusto kong kuhaan mo ng video at litrato ang lahat ng ginagawa naming dito, ang layunin namin at ang ipinaglalaban namin" saad pa ng matanda.
Tumango na lang si Audrey, "K-kaya lang po wala po akong camera" iyon na lang ang tanging nasabi ni Audrey, natawa naman si Commander Dado. "Oh siya, bibilhan kita ng camera" tawa niya na ikinasingkit ng kanyang mga mata.
***
Alas-siyete na ng gabi, habang naghuhugas ng mga plato at kubyertos si Audrey sa likod-bahay ni Aling Coring, napapatulala na lang siya at tila nawawala sa sarili. Nababahala siya ngayon sa mga sinabi ni Commander Dado tungkol sa lolo niya. Bukod doon ay gumugulo rin sa kanyang isipan kung ano ba ang lihim na natatago doon sa abandonadong kubo.
Hindi niya rin mapigilang mag-alala dahil apo siya ni Feliciano at sa oras na malaman ng iba ay mapapahamak siya. Bukod doon ay hindi niya rin maitanggi na kahit papaano ay nag-aalala pa rin siya sa lolo niya. Nababahala rin siya dahil naalala niyang may nakakaalam pala ng totoong pangalan niya nang sabihin ito sa kaniya ng isang boses ng lalaki noon bago siya dalhin sa kampo ngunit hanggang ngayon ay hindi niya alam kung sino iyon.
Nang matapos siya maghugas ng mga pinag-kainan, nilinisan na niya ang palanggana saka inilagay iyon sa tabi. Ngunit napatigil siya nang marinig ang mahinang pag-uusap mula sa di-kalayuan. Sumilip siya sa loo ng bahay at nakita niyang nagkakabit na ng kulambo si Aling Coring. At dahil nacucurious siya kung saan nanggagaling ang mahihinang boses, sinundan niya ito.
Hindi naman siya nabigo dahil naririnig niya ito mula sa kaliwang bahagi ng bahay ni Aling Coring. Ilang sandali pa ay natanaw niya ang tatlong anino ng lalaki na nakatayo sa ilalim ng puno. May usok ng sigarilyo rin ang bumabalot sa paligid nila.
Dahan-dahan siyang naglakad upang makalapit sa kanila, wala siyang dalang gasera at tanging ilaw lang mula sa itim na motorsiklo na nasa tabi ng tatlong lalaki ang nagbibigay liwanag sa madilim na gabi. Nanlaki ang mga mata ni Audrey nang makilala si Ka Ferding, may inabot itong litrato kay Nightmare at Leon na ngayon ay nakajacket ng itim, suot din nila ang itim na pantalon at itim na gloves.
"Kilala ang lalaking 'yan sa pangalang Jose, bago lang siya sa bayan, nagtayo siya ng barberya dalawang linggo na ang nakakaraan" wika ni Ka Ferding,
"Ano pong gagawin namin sa kanya? Pa" tanong ni Leon habang pinagmamasdan ang litrato ni Jose, maayos ang tindig nito, balbas sarado ngunit kalbo na. "Dalawang linggo pa lang diya dito pero natunugan na siya ng ating mga kasamahan. Noong sabado nagpagupit si Dos ng buhok sa barbeya niya, maraming tinatanong ang loko tungkol sa kung anong meron ditto sa ating barrio" paliwanag ni Ka Ferding.
"Posible kayang isa siyang espiya?" gulat na tanong ni Leon, napatango naman ang kanyang ama bilang sagot. "Inutusan ko si Dos at Siyam na sundan ang lalaking 'yan ng tatlong araw. Hindi nga kami nagkamali, espiya siya ni Feliciano" saad ni Ka Ferding, tinitigang namang mabuti ni Nightmare ang mukha ng lalaki sa litrato.
"Ang ipinagtataka ko lang, sa loob ng ilang dekadang nagdaan, bakit ngayon lang gumawa ng hakbang laban sa atin si Feliciano? Ngayon lang siya nagpadala ng espiya upang manmanan tayo, pakiramdam ko ay may mahalaga siyang hinahanap ngayon" saad ni Ka Ferding sabay buga ng usok mula sa sigarilyo.
Sa pagkakataong iyon ay nagkatinginan naman si Nightmare at Leon, malakas ang kutob nila na pinapahanap ngayon ni Feliciano ang apo nitong tinago niya ng ilang taon sa ibang pagkatao.
"Anong gagawin namin sa lalaking 'to?" tanong ni Nightmare, itinapon na ni Ka Ferding ang sigarilyo sa lupa at tinapakan iyon. "Dating gawi" tugon ni Ka Ferding at naglakad na ito pabalik sa kanyang tahanan.
Sumakay na sa motorsiklo si Nightmare at Leon, suot ang kanilang helmet. Si Nightmare ang magmamaneho habang si Leon naman ang babaril sa espiyang si Jose.
Pinaandar na ni Nightmare ang motorsiklo ngunit bigla siyang napapreno nang matanaw si Audrey ilang metro ang layo mula sa kanila. Nakaharang ito sa kalsadang lupa at iniharang niya ang kanyang kamay para hindi makadaan sina Nightmare at Leon.
"H-huwag kayong pumatay, hindi ako aalis dito!" sigaw ni Audrey, hindi niya masyado maaninag ang mukha ni Nightmare at Leon dahil sa front light ng motor na nakatapat sa kanya. Ang buhok ng babae na mula sa abandonadong kubo ang naglalaro ngayon sa isipan niya. Malaki ang hinala niya na doon inilalagay ang mga bangkay ng taong pinapatay nila Nightmare.
Ilang sandali pa ay nagulat si Leon nang biglang hinugot ni Nightmare ang baril nito at itinapat kay Audrey. "Nababaliw ka na ba?!" awat ni Leon kay Nightmare, pero hindi siya pinakinggan ng kaibigan.
Nanlaki ang mga mata ni Audrey nang makitang itinutok ni Nightmare ang baril sa kanya habang nakasakay ang mga ito sa motorsiklo. "Kailanman ay hindi dapat nagdadalawang-isip ang mga katulad natin. Walang parte ang awa sa oras na kalabitin mo na ang gatilyo ng baril na ito. Hindi dapat manaig ang takot at awa laban sa kamandag ng baril na hawak mo, iyan ang sinabi ni Commander Dado, natatandaan mo pa ba?" saad ni Nightmare habang nakatitig kay Audrey, tanging si Leon lang ang nakarinig ng kanyang sinabi.
"Hindi ko naman nakakalimutan 'yon pero bro!... si Ciana 'yan" pigil pa ni Leon at pinatay niya ang ilaw ng motor, dahan-dahang namatay ang liwanag ng ilaw na siyang nagging dahilan ng pagkasilaw ni Audrey. Sa pagkakataong iyon ay unti-unting naging malinaw sa kanyang paningin ang hitsura ni Nightmare habang nakatutok pa rin ang baril nito sa kanya.
"Matagal ko nang dapat ginawa ito, hindi ba parang pinaglalaruan tayo ng tadhana, napagkamalan naming siya si Chelsea, pero 'yun pala mas malaking isda ang nakuha namin" saad ni Nightmare, habang nakatitig pa rin kay Audrey na nakaharang pa rin sa kanila mula sa di-kalayuan.
"Sinasabi mo bang dapat mamatay si Ciana?" tanong ni Leon, napatingin naman si Nightmare sa hawak niyang baril na nakatutok sa dalaga. Ngayon niya lang napansin na nanginginig ang kamay niya, kasabay niyon ay nanumbalik ang malagim na trahedyang nangyari sa kanyang pamilya noong bata pa siya.
"A-apo siya ni Feliciano... K-kadugo niya ang taong pumatay sa pamilya ko!" giit ni Nightmare, binuksan niya muli ang ilaw ng motor dahilan upang mapapikit si Audrey dahil sa biglaang liwanag na tumama sa mukha niya. Sa pagkakataong iyon, nang muling tumingin si Nightmare sa mga mata ni Audrey ay naramdaman niya sa kauna-unahang pagkakataon ang pagdadalawang-isip na kalabitin ang gatilyo ng baril na noon ay walang kahirap-hirap sa kanya.
*************************
Next update: Tomorrow (September 9) Maraming Salamat!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top