Mistake 5
[Kabanata 5]
"Walang aarte-arte sa lugar na 'to, wag mong asahan na pagsisilbihan ka namin dito. Kaniya-kaniyang salok ng tubig, laba ng damit, linis ng bahay. Paminsan-minsan nagluluto rin kami ng marami para sa lahat" panimula ni Aling Coring na siyang pinamatanda sa mga kababaihan. Nasa edad animnapu na ito ngunit kung titingnan ay aakalain mong pitumpung taong gulang na dahil palagi itong nakasimangot.
Kasalukuyang nagwawalis si Aling Coring habang nakatayo si Audrey sa tapat ng pintuan. Ilang minuto na siyang nakatayo roon at hindi pa siya pinapapasok sa loob. Sa bahay ni Aling Coring dinala ni Dos at Siyam si Audrey dahil mag-isa lang ito. Bukod doon ay malapit lang ang bahay ni Aling Coring sa pinaka-base na bahay ni Commander Dado.
Ilang metro lang ang layo sa kabila ay matatanaw naman ang bahay-kubong tinutuluyan nina Nightmare kasama si Leon at ang ama ni Leon na si Ka Ferding. Si Ka Ferding ay anak ni Commander Dado at siyang kanang-kamay nito. Kasalukuyang nasa kabilang bayan si Ka Ferding upang asikasuhin ang iba pang plano ng kanilang grupo.
Halos may sampung bahay sa palibot ng bahay ni Commander Dado at kalahati sa mga ito ay miyembro ng kanilang grupo. Habang ang iba namang mga naninirahan doon ay sumusuporta rin sa kanila. Hangga't maaari ay simple lang ang mga kabahayan nila, sa unang tingin ay ordinaryong barrio lamang ito na kung saan halos lahat ng kalalakihan ay trabahador ng malaking koprahan sa ibaba ng bundok malapit sa bayan na pag-aari ng sikat na kilalang pamilya roon ng mga pulitiko.
Ang ibang miyembro ay nakatira sa mga kalapit na barrio habang ang ilan ay nasa kabilang bayan. Kalat-kalat sa buong lalawigan ang kanilang istratehiya upang hindi paghinalaan ng mga nagkalat na Intelligence personnel ng mga kapulisan. Hangga't maaari ay hindi rin sila nagkukumpulan sa iisang lugar upang hindi makalikha ng paghihinala sa ibang mga mamamayan.
"Bihag ka sa lugar na ito kaya huwag kang magtatangkang tumakas. Bago mo pa maitapak ang paa mo sa baba ng bundok ay may bala nang nakabaon sa ulo mo" babala pa ni Aling Coring, maliit at payat ang matanda, kulubot na rin ang balat nito at palaging nakasuot ng pulang daster. Hilig din niyang balutan ng balabal ang kaniyang ulo para takpan ang buhok na nalalagas at numinipis sa di-malamang dahilan.
"Pasalamat ka na lang dahil binilin ni Commander Dado na wag ka na itali o igapos dahil taga-media ka raw, kung totoo man iyon, wag na wag kang gagawa ng ikapapahamak ng grupo dahil siguradong kahit saang sulok ng mundo ka magtago ay mahahanap at mahahanap ka namin" pagbabanta pa nito.
"Pasok na" mataray na tugon ni Aling Coring, dahan-dahan namang inihakbang ni Audrey ang paa niya papasok sa malinis na bahay kubo ni Aling Coring. Ang mga bintana nito ay may mga kurtina na gawa sa mga seashells dahil paborito itong libangan ng matanda. Ang sahig ng bahay kubo ay gawa sa matitibay na kawayan na pinagdugtong-dugtong kung kaya't makikita ang uwang sa pagitan ng mga ito.
Naglakad na si Aling Coring papunta sa isang gilid at binuksan niya ang isang pintuan na pahiga at nakadikit sa sahig. "Dito ka matutulog" wika ni Aling Coring, bigla namang nanlaki ang mga mata ni Audrey sabay turo sa sinasabi ni Aling Coring na tutulugan niya, dahil ito ay nasa ilalim ng bahay, sa ilalim ng sahig na gawa sa kawayan.
"S-sa basement po ako?" gulat na tanong ni Audrey, hindi pa rin siya makapaniwala na sa basement nga siya matutulog. "Bakit? Saan mo ba gusto?" pagtataray ng matanda sabay pamewang pa. Napalunok na lang si Audrey sabay ngiti.
"S-sabi ko nga po, mas fresh at malamig matulog sa ilalim ng lupa---ah! Este sa basement" saad ni Audrey, naglakad na siya papalapit doon at maingat na pumasok sa parisukat na hugis ng pinto ng basement na nakadikit sa sahig.
"Hindi ko pa pala nalilinisan 'yan, ikaw na ang bahala 'dyan" patuloy pa ng matanda habang nakadungaw sa itaas. Nang makababa si Audrey sa basement gamit ang hagdan na gawa sa kahoy ay pinagmasdan niya ang buong kwarto. Madilim ito at amoy lupa na maalikabok.
"Ito ang ilaw" wika pa ng matanda sabay abot ng kandilang nakalagay sa lata ng sardinas. "Tipirin mo na 'yan, pang-isang linggo mo 'yan" habol pa nito, napatulala naman si Audrey sa kandila. Sa isip-isip niya ay mukhang hindi pa ito magtatagal sa kaniya hanggang bukas ng umaga.
"Siya nga pala, bawal mo pagbuhatan ng mga kamay ang mga naninirahan 'dyan" dagdag pa ng matanda dahilan upang biglang mapatingala si Audrey at mapalingon sa kaniya. "M-may ibang naninirahan po dito?"
"May pamilya ng daga 'dyan, wag mong sasaktan ang mga bubuwit nila" saad ng matanda na ikinatigil ng mundo ni Audrey at doon lamang niya narinig ang mahihinang kaluskos ng mga dagang naroon. "Wait! Wait! Lola!" habol pa ni Audrey bago tuluyang isara ng matanda ang pinto.
"Mag-ingat ka nga sa pag-akyat! Maraming pako 'dyan" wika ng matanda dahil dire-diretsong umakyat si Audrey na animo'y zombie sa World War Z na umaakyat sa building. "Lola, please wag mo naman akong patulugin kasama ang mga daga fam" pakiusap ni Audrey na halos namumutla na.
"Saan naman kita patutulugin, aber?"
"T-tabi po tayo" wika ni Audrey sabay ngiti at akmang magpapa-cute kay Aling Coring ngunit agad napamewang ang matanda.
"Hindi! 'dyan ka sa baba matutulog! Lilinisin ko na lang muna, maligo at magbihis ka na" pagtataboy sa kaniya ng matanda sabay kuha ng walis at basahan. "Kunin moa ng timba doon sa likod at maglakad ka pakaliwa, makikita mo na ang balon doon" wika pa ng matanda sabay pasok sa basement para linisin iyon.
Nag-boluntaryo pa si Audrey na tulungan siya sa paglilinis kaso ayaw nito dahil wala siyang tiwala sa kalidad ng paglilinis ng dalaga na ngayon pa lang niya nakilala. Napahinga na lang ng malalim si Audrey at nagtungo sa likod ng bahay. Hindi naman siya nabigo dahil nakita na niya agad ang kulay berde na balde roon na mukhang dating lagayan ng pintura.
Mabuti na lang dahil humina na ang ulan at umaambon na lang ngayon. Suot pa rin ni Audrey ang kaniyang pulang dress at puting coat ni Chelsea na ngayon ay kulay basahan na. Ngayon niya lang din napansin na naka-paa na lang siya at hindi na niya alam kung nasaan ang black closed heels na suot niya bago siya makidnap.
Sa kaniyang paglalakad sa maputik at madamong daan ay napansin niya ang paligid na nababalot ng matataas na puno at mga talahib. Bawat bahay ay may bakuran din na gawa sa mga kawayan at sa unang tingin ay hindi talaga maiisip ng sinuman na may rebeldeng grupo na naninirahan sa mga kabahayan na iyon.
Ilang sandali pa ay napatigil si Audrey sa paglalakad, pinakiramdaman niya ang paligid kung may tao roon. Nais niyang tumakas, iniisip niyang magtago sa mga talahiban ng ilang oras at kapag hinanap na siya ng grupo ay siguradong magtutungo ang mga iyon pababa ng bundok upang hanapin siya at doon siya magkakaroon ng pagkakataon lumabas sa pinagtataguan.
Tatakbo na sana siya patungo sa matataas na talahiban sa gilid ngunit napatigil siya nang dumaan ang isang malaking lalaki na halos 6 ft ang taas. Malaki ang pangangatawan nito ay may buhat-buhat itong isang malaking troso. Napalingon ito kay Audrey, napaatras naman ang dalaga at nagpatuloy na lang sa paglalakad dahil mukhang kakain siya ng buhay ng malaking taong iyon.
Nagmadali si Audrey papunta sa kaliwang bahay at sa likod nito matatagpuan ang balon na tinutukoy ni Aling Coring. Sa pagkakataong iyon ay biglang nabitiwan ni Audrey ang hawak na timba dahilan upang mapalingon sa kaniya si Nightmare at Leon na masayang naliligo sa magkabilang palikuran sa tapat ng balon.
Napasigaw na lang si Audrey sabay talikod nang makita ang hindi inaasahang bangungot na siguradong hindi na mabubura sa kaniyang isipan. Hindi naman magkumahog si Nightmare at Leon sa pagkuha ng kanilang damit at nagmamadali silang nagbihis kahit pa hindi pa sila tapos maligo.
Natalisod pa si Nightmare at sumubsob sa putikan habang si Leon naman ay nadulas sabay hawak sa gilid ng palikuran dahilan upang magiba at bumagsak ang palikuran na gawa lang sa pawid at kawayan. Hindi nila napansin na nahulog na pala ang takip sa likuran nito kung kaya't nakita ni Audrey ang hindi dapat makita.
Nang dahil sa malakas na sigaw ni Audrey ay naalarma ang buong mamamayan sa lugar na iyon. Akala niya ay may nakapasok na kalaban at naalerto ang lahat. Nang makarating sila sa balon ay dismayado silang napatingin kay Audrey na nakatalikod habang si Nightmare at Leon ay nadaganan ng bubungan ng palikuran at hindi pa nakakabihis ng buo.
***
"Ano bang nangyari?" seryosong wika ni Ka Ferding habang nakatayo sa pinakagitna. Nakaupo sa palibot niya si Nightmare at Leon habang nasa tapat naman nila si Audrey na nakayuko at nahihiya dahil sa nangyari. "Sinabi ko na dati pa na bawal ang sumigaw dahil makakaalerto iyon sa grupo" seryosong wika pa nito.
Si Ka Ferding ay nasa edad apatnapung taon na, tulad ni Leon ay may pagkasingkit ang mata nito at masasabing gwapo rin ito noong kabataan tulad ng kaniyang anak. Hilig ni Ka Ferding maglagay ng bandana sa ulo at paboritong-paborito niya si Robin Padilla.
Nanatili lang na nakayuko ang tatlo, lalong-lalo na si Nightmare at Leon dahil sa kahihiyan. "Ano bang nakita mo?" diretsong tanong ni Ka Ferding kay Audrey. Bigla namang napaupo ng maayos si Audrey at nasindak siya nang ilapag ni Ka Ferding sa mesa ang hawak nitong baril.
"W-wala po" pagsisinunggaling ni Audrey sabay yuko, napahinga naman ng malalim si Ka Ferding sabay hila sa bangkito at umupo roon. "Hindi ka sisigaw ng ganoon kung wala ka namang nakita" hirit nito sabay tingin sa anak at sa anak-anakan na sina Leon at Nightmare.
"Sabihin mo na habang maayos pa akong nakikipag-usap, hija" babala pa ni Ka Ferding, hindi naman nito ugaling manakot ngunit ginagawa niya lang iyon upang mapaamin ang sinuman.
"N-nakita ko lang po ang... ang... a-ano nila" nahihiyang wika ni Audrey habang nakayuko ng todo. Kulang na lang ay lamunin na siya ng lupa sa kahihiyan.
Palihim namang natatawa sina Uno, Onse, Dos at Siyam na nakatayo sa tapat ng pinutan at nakikinig sa kanilang usapan. "Ang ano?" giit pa ni Ka Ferding, napahinga na lang si Audrey ng malalim at napapikit.
"Nakita ko po ang pwet nila" diretso niyang sagot, ilang segundo namang naghari ang katahimakan nang biglang tumawa si Dos at Siyam na agad napatigil nang linuginin sila ni Ka Ferding. Halos himatayin naman sa hiya si Nightmare at Leon dahil sa sinabi ni Audrey.
"P-pakiramdam ko po habambuhay ako babangungutin ng bagay na iyon" habol pa ni Audrey pero bigla siyang napatulala nang tumingin sa kaniya si Nightmare. "Kami ang nawalan dito, kami ang mas nalagay sa kahihiyan" buwelta nito, napakunot naman ang noo ni Audrey at mukhang hindi ito magpapatalo.
"Kasalanan ko ba na maligo kayo doon ng hubo't hubad? Ha!" palaban na wika ng dalaga. Napapikit naman sa inis si Nightmare.
"Osige na, nakita mo na nga, ano naman? Pasalamat ka nga nakakita ka pa ng ganon" bigla namang nag-init ang tenga ni Audrey sa sinabi ni Nightmare.
"Sinasabi mo bang dapat akong magpasalamat dahil nakita ko ang maiitim niyong pwet!" sigaw ng dalaga na ikinatulala ng dalawa at ikinahalakhak naman ng mga kasama. Lalo na dahil umalingangaw sa loob ng bahay at rinig din sa labas ang sinabi ni Audrey na 'Maiitim na pwet'
"T-teka, hindi maitim pwet ko ah" reklamo ni Leon sabay himas sa pwet niya, pareho sila ni Nightmare na mukhang basang sisiw ngayon at naagrabyado pa.
"Mas maitim ang pwet ng lalaking 'to! Kasing itim ng budhi niya!" inis na wika ni Audrey sabay turo kay Nightmare na ikinapula ng tenga nito. Nagtawanan naman ang mga kasamahan dahil sa sinabi ni Audrey na mas maitim ang pwet ng kanilang Boss Nightmare.
"Anong maitim? Bawiin mo ang----" hindi na natapos ni Nightmare ang sasabihin niya dahil pumagitna muli si Ka Ferding. "Tama na 'yan, ayoko nang marinig pa kung sino ang may pinaka-maitim na pwet sa inyo, baka hindi ako makakain mamayang hapunan" awat ni Ka Ferding sabay senyas kay Dos at Siyam na dalhin na si Audrey pabalik sa bahay ni Aling Coring.
"Black ass pala dapat pangalan ni Boss Nightmare eh" bulong ni Dos kay Siyam at sabay silang humalakhak ng malakas papalabas ng bahay habang hila-hila si Audrey palabas doon. Napapikit na lang sa inis si Nightmare habang tulala naman si Leon sa tabi niya. Naiwan silang dalawa doon habang si Ka Ferding ay pumasok na sa loob ng kwarto at nagtungo na si Uno at Onse sa bahay ni Commander Dado.
"Kahit papaano... Mas okay pala sa pakiramdam na may taong mas maitim ang pwet kaysa sa'kin" tulalang wika ni Leon na agad nakaiwas ng akmang babatukan siya ni Nightmare, "Teka! Si Ciana na nagsabi na mas maitim pwet mo!" awat ni Leon nang bigla siyang daganan at wrestlingin ni Nightmare dahil sa inis.
***
"Bakit sa tingin mo dapat ka naming buhayin?" seryosong wika ni Ka Ferding, malalim na ang gabi at nasa labas ngayon ang karamihan sa miyembro ng kanilang rebeldeng grupo. May isang malaking siga ng apoy ang nas gitna habang nakaupo palibot dito ang mga kalalakihan at kababaihan na miyembro ng grupo.
Nakatayo ngayon si Audrey sa tapat ng siga ng apoy habang nakabalot ng itim na sako ang kaniyang mukha. Naglalakad naman sa palibot ng apoy si Ka Ferding at may hawak itong mahabang baril. Ito ang gabi ng kanilang pagtitipon at nililitis din nila ngayon si Audrey para maging malinaw ang patakaran ng grupo at layunin nito.
"D-dahil ako po ang exclusive media partner niyo" sagot ni Audrey na parang nag-eendorse ng internet commercial sa tv. Napaisip ng malalim si Ka Ferding at naintindihan naman niya ang sinabi ng dalaga.
"At bakit naman namin papatayin?" wika nito, bigla namang nasindak si Audrey.
"P-papatayin niyo ako?" bagama't nakataklob ng itim na sako ang kaniyang mukha, bakas sa tono ng kaniyang pananalita na nagpapanic na ito.
"Bakit naman hindi ka namin pwedeng patayin?" natatawang wika ni Ka Ferding,
Nagulat ang lahat ng biglang tanggalin ni Audrey ang sako na nakabalot sa mukha niya, "Wait, hindi ako makahinga, hayaan niyong mag-explain ako ng maayos" panimula ng dalaga sabay kuha ng isang sanga sa gilid at gumuhit ito sa lupa.
"Ito ang rating chart ng credibility ng media sa panahon ngayon. Kung mapapansin niyo, mataas ang percent ng mga balitang misleading. At alam niyo kung bakit? Sabihin niyo... Bakit" wika ni Audrey na animo'y project manager na nagsasagawa ng business meeting sa mga kasama.
"Bakit..." sabay-sabay na wika ng lahat, maging sina Ka Ferding ay naamaze sa chart na ginuhit ng dalaga sa lupa. Nakangiti naman si Leon na nakatingin sa kaniya habang si Nightmare ay walang emosyon ang mukha at pilit na binabagabag sa sinabi ni Audrey na maitim ang pwet niya.
"Mabilis na natatakpan ng ibang issue ang isa pang issue. Makinig kayo, kamakailan lang ay nagkaroon ng balita tungkol sa isang corrupt na mayor pero hindi na masyado pinag-usapan ang issue na iyon dahil si mayor na corrupt ay biglang bumango ang pangalan at nagkaroon ng outreach, namigay ng tulong sa mga ampunan"
"At ngayon, kapag pinatay niyo ako, sino na lang ang magbabalita ng layunin niyo, siguradong mabilis na matatakpan ng masamang issue tungkol sa inyo ang totoong layunin niyo bilang grupo" hirit pa ni Audrey na parang kandidato. Sa isip niya ay ito na ang first and last chance niya para makumbinse ang lahat na wag siyang sasaktan o papatayin.
"Kapag pinatay niyo ako, sino na lang ang makakaintindi sa puso niyong naghihinaing at lumalalaban para sa dakilang layunin" habol pa ni Audrey sabay taas ng kaniyang kamay. Napataas naman ng kamay ang ilan, maging si Leon na nakangiting nakatingin kay Audrey, agad naman binaba ni Nightmare ang kamay ng kaibigan.
Itataas na rin sana ni Ka Ferding ang kaniyang kamay kaso natauhan siya agad "Sinasabi mo bang dapat kaming magtiwala sayo at hindi mo kami magagawang talikuran?" usisa nito, napalunok naman ng laway si Audrey, sa ngalan ng buhay at kaligtasan niya ay kailangan niyang gamitin ang kaniyang convincing skills.
"Makakaasa kayo na kaisa niyo ako sa pagpapahayag sa madla ng inyong layunin at hindi ko kayo bibiguin" buong tapang na wika ni Audrey sabay kabig sa kaniyang dibdib na parang si Tarzan.
Napatango-tango naman ang lahat, tanging si Nightmare lang ang walang emosyong nakatingin sa kaniya. "Kakaiba talaga si Ciana, wala pa rin siyang pinagbago" nakangiting bulong ni Leon na parang lumilipad sa ere habang nakatingin kay Audrey na animo'y bago nilang lider.
"Ngunit paano kung dumating ang punto na kailangan ka naming patayin upang mapanatili ang lihim at kaayusan ng grupo?" buwelta ni Ka Ferding, biglang napatahimik ang lahat.
Napaisip naman ng malalim si Audrey, "H-hindi niyo pa rin ako maaaring pataying d-dahil labag sa batas ang pagpatay, labag din ito sa Ten Commandements"
"Walang batas-batas o commandements dito sa aming grupo, hija" Naiiling na wika ni Ka Ferding, nagpatuloy siya sa paglalakad paikot sa siga ng apoy habang sinusundan siya ng tingin ng mga kasamahan na nakaupo sa lupa.
"May sarili kaming patakaran, at ang sinumang lumabag dito ay buhay ang kabayaran. Una, walang sinuman ang magtataksil at tatalikod sa grupo, kahit ano pang rason ay hindi namin tatanggapin" wika nito, napatango-tango naman ang mga miyembro, nakatanim na ito sa kaninag puso't-isipan magmula pa nang umanib sila sa grupo.
"Pangalawa, sa oras na malagay sa alanganin ang sinuman sa engkwentro ng digmaan, mas mabuting ikaw na mismo ang bumaril sa iyong sarili at huwag mong hahayaan na ang kalaban pa ang kumitil sa iyong buhay o mapasakamay ka nila at pagdaanan ang parusa"
"Pangatlo, higit sa lahat, ituring ang bawat miyembro na parang sariling kadugo, kapatid at kapamilya. Nabuo ang grupong ito mula sa mga nawasak na pamilya. Mga pamilyang winasak ng gahaman at mapanlinlang na si Feliciano Medina at ang mga kaanib niya sa pulitika" giit pa ni Ka Ferding, sabay taas sa ere ng kaniyang baril.
"Ilalabas natin ang baho ng buwayang iyon! Ito na ang simula ng ating layuning imulat ang mga tao sa pananamantala at panlilinlang na ginagawa ni Feliciano Medina!" sigaw pa nito na agad naman sinang-ayunan ng mga miyembro. Napasigaw pa sila ng paulit-ulit ng buong-tapang at handing lumaban.
Sa pagkakataong iyon ay napatigil naman si Audrey at dahan-dahang tiningnan ang buong paligid. Ang lahat ng miyembro ng rebeldeng grupo ay galit na galit ngayon sa gobyernong pinaghaharian ng mga galamay ng kaniyang lolo at higit sa lahat ay galit ang lahat ng mga ito sa kaniyang Lolo na siyang pinagmulan lahat ng kanilang galit.
Sa sandaling iyon ay biglang napatigil ang mga mata ni Audrey nang makita niyang nakatingin din sa kaniya si Nightmare habang napapalibutan ito ng ibang mga kasamahang sumisigaw ngayon sa galit. Lingid sa kaniyang kaalaman na ang binatang iyon ay may nalalaman sa kaniyang totoong pagkatao na pilit niyang tinatago sa kaibuturan ng kaniyang katauhan.
***
Alas-diyes na nang gabi nang isara ni Aling Coring ang bintana sa kaniyang bahay. Kanina pang alas-otso ng gabi natapos ang pagtitipon sa labas ng bahay ni Commander Dado. Magdadalawang oras nang tulala si Audrey sa bintana ng bahay ni Aling Coring.
"Kunin mo pala kay Ka Ferding ang unan at kumot na binilin ko sa kaniya kanina. Wala akong extrang unan at kumot na mapapagamit sayo ngayon" wika ng matanda, napatayo naman si Audrey at lumabas ng bahay, nakaligo na siya kanina at nakabihis siya ngayon ng daster na tulad ng kay Aling Coring. Labag man sa kalooban niya magsuot ng daster ngunit wala naman siyang magagawa dahil iyon lang ay mayroong damit ang matanda.
Bukas pa sila makakatungo sa kabilang barrio para makahingi ng ibang damit sa ibang mga kababaihang miyembro ng grupo. "Wag mong tatangkaing tumakas, alam mo na siguro ang mangyayari sayo, maraming mata at tenga sa lugar na 'to na kahit isang dahon o puno ay kaya kang ituro" bilin pa nito, napatango na lang si Audrey at nagsimula nang maglakad papunta sa bahay nila Ka Ferding.
Hindi niya rin maitatanggi na sumagi sa isip niyang tumakas kanina nang utusan siyang lumabas ni Aling Coring ngunit biglang nagbago ang isip niya at nasindak kahit papaano dahil sa lalim ng sinabi nito. "Pati puno at dahon, matuturo kung nasaan ako?" wika ni Audrey sa sarili habang naglalakad sa madilim na daan patungo sa bahay nila Ka Ferding na ilang metro pa ang layo.
May dala siyang ilawan na may langis sa loob. "May CCTV ba sila dito? Aba! High tech pala sila tsk tsk" patuloy pa ni Audrey habang umiiling-iling sa sarili. Ilang sandali pa ay narrating na niya ang bahay nila Ka Ferding.
"Ay pusang gala!" gulat niyang wika sabay hawak sa puso niya nang maabutan niyang nasa labas ng bahay si Nightmare, nakaupo ito sa tarangkahan ng pintuan habang humihithit ng sigarilyo.
Biglang tinakpan ni Audrey ang ilong at bibig niya at nilabanan ang kaniyang pag-ubo. Walang emosyon namang napalingon sa kaniya si Nightmare, hindi na niya sana papansinin ito ngunit napansin niyang hindi matigil sa pag-ubo ang dalaga habang nakatayo ilang hakbang sa tapat ng bahay.
Tinapon na ni Nightmare ang hawak na sigarilyo at tinapakan ang sindi nito. Hindi pa rin natigil si Audrey sa pag-ubo dahilan upang mas lalo siyang magtaka. "Ano bang ginagawa mo dito?" panimula ni Nightmare, napahawak naman si Audrey sa kaniyang lalamunan.
"K-kukunin ko lang sana 'yung unan at kumot na binilin ni Aling Coring kay Ka Ferding" tugon ni Audrey, pumasok naman si Nightmare sa loob ng bahay, kumuha siya ng isang unan at isang kumot at naglakad papalapit kay Audrey.
Nang iabot niya ang unan at kumot sa dalaga ay doon niya lang napansin na namumula ang buong mukha at leeg nito. "Anong nangyari sayo?" nagtatakang tanong ng binata, napahinga naman ng malalim si Audrey at pilit hinahabol ang kaniyang paghinga.
"M-may allergy kasi ako sa usok lalo na sa usok galing sa sigarilyo at sasakyan" sagot nito, bigla namang napatigil si Nightmare, nang dahil sa paninigarilyo niya kanina ay naapektuhan ang dalaga.
"P-pero okay na ako, kapag nakalanghap na ulit ako ng fresh air at nakainom ng tubig..."
Biglang tumalikod si Nightmare at pumasok na sa loob ng bahay. "G-grabe! Iba talaga ang lalaking 'to" inis na wika ni Audrey sa sarili pero nagulat siya nang lumabas ulit si Nightmare at may dala itong isang basong tubig.
Napatulala si Audrey at nayakap niya ng mahigpit ang unan at kumot na hawak nang biglang inabot sa kaniya ni Nightmare ang isang basong tubig "P-para sa'kin?" wika niya sabay turo sa sarili.
"Para kanino pa? kung para sa sarili ko, bakit ko pa kailangan ilabas dito?" sarcastic na sagot nito, napairap na lang ng mata si Audrey sabay kuha ng baso ng tubig sa kamay ni Nightmare at ininom niya ito ng isang lagukan lang.
"Kikiligin na sana ako kaso wag na lang, ang sungit talaga nito" bulong ni Audrey sa sarili sabay abot ng baso pabalik kay Nightmare. "Anong sabi mo?" masungit na wika nito, naulinigan niyang parang may sinabi si Audrey pero hindi malinaw.
"Wala, ang sabi ko salamat" wika ng dalaga sabay talikod habang yakap-yakap ang unan at kumot na kulay berde.
Nagsimula na siyang maglakad pabalik sa bahay ni Aling Coring ngunit napatigil siya nang maramdaman na may sumusunod sa kaniya. Paglingon niya sa likod ay nakita niya si Nightmare na naglalakad kasunod niya habang nakasuksok ang dalawang kamay nito sa bulsa ng suot na itim na jacket.
"Anong ginagawa mo?" pagtataray ni Audrey sabay taas ng isang kilay.
"Sinisigurado kong hindi tatakas ang isang bihag" sagot ni Nightmare, napapikit na lang sa inis si Audrey.
"Excuse me, hindi ako bihag, isa akong reporter... R E P O R T E R! kung akala mo pinalagpas ko na ang sinabi mong julalay ako ni Chelsea, pwes! Nagkakamali ka" buwelta pa nito, sabay pamewang. Pinigilan na lang ni Nightmare na matawa at napaiwas ng tingin kay Audrey dahil mukha itong mini version ni Aling Coring na naka-daster at nanenermon pa.
Napansin ni Audrey na lumilingon-lingon sa paligid si Nightmare na parang pinipigilan nitong tumawa. "H-hoy, tumatawa ka ba? Anong nakakatawa?" reklamo niya, napailing-iling naman ang binata sabay kamot sa ulo.
Nagsimula namang umihip ang marahan na hangin dahilan upang magsayawan ang mga puno sa paligid, maging ang mga halaman at bulaklak. Malalim na ang gabi ngunit bukod sa dalang ilawan na langis ni Audrey ay mas maliwanag ang buwan sa langit kasama ang libo-libong nagkikislapang bituin.
"Kaya wag mo akong mamaliitin dahil hindi naman ako P.A ni Chelsea, dapat nga matakot ka sa'kin kasi kayang-kaya kong magsulat ng balita at malalaman ng lahat ng tao kung gaano kaitim ang pwet mo!" hirit pa ni Audrey dahilan upang mapakunot ang noo ni Nightmare.
Napahalakhak naman ng malakas ang dalaga na parang mangkukulam dahil mukhang napikon sa kaniya ang binata. "Ano? Natatakot ka noh? Malalaman ng buong mundo ang maitim mong pwet" halakhak pa nito lalong-lalo na dahil mukhang nagpapanic na ngayon ang binata.
"Maitim ang pwet! Maitim ang pwet!" pang-asar pa ni Audrey, ngunit bigla siyang napatigil nang lumapit sa kaniya si Nightmare, hinawakan nito ang likuran niya, hinila papalapit sa kaniya at tinakpan ang bibig niya.
"Wag kang maingay" seryosong wika ni Nightmare, tila nanigas naman si Audrey at hindi siya makagalaw. Ang mas lalong ikinagulat niya ang malapit na mukha ng binata sa kaniya. Kitang-kita niya ngayon ang magandang mata nito, ang matangos na ilong, ang makinis na mukha na animo'y model o isang artista.
Napahawak na lang si Audrey sa tapat ng kaniyang puso nang makaramdam siya ng kakaibang kaba at pagpintig nito kung kaya't dali-dali siyang umatras at itinulak si Nightmare papalayo. "A-anong bang ginagawa mo?" wika niya, hindi na siya ngayon makatingin sa mukha ng binata.
"Baka maalerto na naman ang iba dahil sa ingay mo" tugon ni Nightmare sabay ayos sa jacket niya. Napalunok na lang si Audrey dahil kahit anong bihis ni Nightmare ay bagay na bagay ito sa binata.
"I-ikaw naman kasi, ginugulat mo ko, tapos kung anu-ano pang sinasabi mo" pag-iiba ni Audrey sa usapan. Hindi niya pa rin maunawaan ang mabilis na pagkabog ng puso niya ngayon, sa isip niya ay siguro dahil sa takot na baka saktan o may gawing masama sa kaniya ang lalaking kaharap ngayon.
"Anong pinagsasabi ko?" giit ni Nightmare, agad namang napaiwas ng tingin si Audrey, sa mga titig pa lang na pinakawalan ng binata ay mas lalo na siyang kinakabahan.
"S-sinabi mo nga na julalay ako ni Chelsea kahit pa inexplain ko na sa inyo na taga-media nga ako"
"Sinabi ko na P.A ka ni Chelsea dahil posibleng pakawalan ka nila dahil wala naman silang mapapala sayo, kaso inamin mong taga-media ka kaya ngayon siguradong hindi ka nila papakawalan basta-basta" tugon ni Nightmare, dahan-dahan namang napalingon si Audrey sa kaniya.
"B-bakit naman gusto mong pakawalan nila ako?"
"Hindi ka naman dapat nandito, nagkamali kami" sagot ni Nightmare, napakagat naman si Audrey sa labi niya bagay na naalala ni Nightmare na palagi nitong ginagawa noong mga bata pa sila. Sa tuwing naguguilty o nakokonsensiya ang batang si Feliciana ay kinakagat nito ang sarili niyang labi.
Ilang segundong naghari ang katahimikan sa pagitan nila. Napatulala lang si Audrey sa lupa na tinatapakan nila ngayon. Nagdadalawang isip siya tanungin kay Nightmare kung sino ang lalaking bumulong sa kaniya noong isang gabi at tinawag siyang Feliciana. Malaki ang kutob niya na si Nightmare iyon ngunit hindi siya ganoon kasigurado.
Bukod doon ay hindi siya dapat magbigay ng senyales na may nakakaalam ng totoong pagkatao niya at sigurado siyang naroon lang din iyon sa grupo.
Muli siyang napatingin kay Nightmare at sa pagkakataong iyon ay nagsalubong muli ang kanilang mga mata. Kasabay niyon ay ang kakaiba niyang pakiramdam sa binatang iyon na parang nakita na niya ito noon pa man. Ang mga mata at kilay nito ay pamilyar na pamilyar sa kaniya.
"Kanina ka pa ata hinihintay ni Aling Coring, umuwi ka na" saad ni Nightmare at tumalikod na ito ngunit napatigil siya sa paglalakad nang magsalita si Audrey.
"A-alam kong hindi talaga Nightmare ang pangalan mo" panimula niya sabay hinga ng malalim, nag-aalinlangan bitiwan ang salitang nasa dulo na ng kaniyang dila. "Wala naman sigurong matinong magulang ang magpapangalan sa sarili niyang anak ng 'Nightmare' diba? Ano ang totoo mong pangalan?" wika niya, sa pag-asang lilingon ang binata.
"Kapag nalaman mo, mamamatay ka, kaya wag mo nang alamin" sagot ni Nightmare habang nanatili itong nakatalikod sa kaniya.
Sa pagkakataong iyon ay biglang may naalala si Audrey, nagsimula nang humakbang muli si Nightmare papalayo ngunit napatigil ulit siya sa paglalakad ng magsalita ulit ang dalaga, "Sino ka? Sabihin mo sa'kin kung sino ka ba talaga?" tawag nito, hindi naman nakaimik si Nightmare at napatulala ng ilang segundo sa hindi inaasahang tanong ni Audrey.
Gusto man niyang sagutin ang tanong nito ngunit alam niyang ikapapahamak ito ng dalaga kaya pinili na lang niyang maglakad muli papalayo. "Sandali, sino ka ba? Pakiramdam ko kasi... Kilala kita"
**************************
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top