Mistake 4


[Kabanata 4]

"I-ikaw ba talaga si Feliciana?" wika ng isang lalaki na may malalim na boses. "H-hindi ko alam kung matutuwa ba ako o hindi. Ngunit isa lang ang sigurado ako... Nagpapasalamat ako dahil buhay ka" patuloy nito, sa pagkakataong iyon ay biglang nawalan ng balanse si Audrey at tuluyan itong nawalan ng malay dahil sa matinding takot at sa hindi inaasahang katotohanan na mayroong nakakaalam ng kaniyang totoong pagkatao.

***

Pag-gising ni Audrey ay wala pa rin siyang makita, sinubukan niyang gumalaw mula sa mahigpit na pagkakagapos ng kamay at paa. Naramdaman niya na nasa isang masikip na lugar siya at hindi siya gaano makahinga.

Ilang sandali pa ay naramdaman niyang biglang may humawak sa magkabilang braso niya at hinila siya papalabas sa compartment ng kotse. "S-saan niyo ako dadalhin?" kinakabahang wika ni Audrey ngunit walang sumagot sa kaniya, sa halip ay kinaladkad pa siya ng mga ito papasok sa isang maliit na bahay kubo na tumutuklap na ang bubungan na gawa sa pawid.

May tatlong hagdan na gawa sa kahoy paakyat sa bahay kubo na may lilim sa ilalim. Pagpasok doon ay agad pinaluhod ng dalawang kalalakihan si Audrey sa sahig ng bahay na gawa sa kawayan. Nanginginig na napahawak si Audrey sa sahig at naramdaman niya ang makinis na dikit-dikit na kawayan.

Nanatiling nakatayo sa pinto ang dalawang matangkad na lalaki na armado at puno ng tattoo. Ang isa ay mahaba ang buhok habang ang isa naman ay kalbo na. Nakatayo naman sa magkabilang gilid sa tapat ni Audrey si Nightmare at Leon habang hawak ang kanilang mga baril.

Habang nasa pinaka-gitna naman nakaupo ang isang matandang lalaki na nasa edad walumpu na, kulubot na ang balat nito, balbas sarado, pilay ang kaliwang binti at bulag na ang kanang mata na tinatakpan nito ng itim na tela upang hindi makita ang kaniyang malalim na peklat.

Nakabibinging katahimakan ang namayani sa paligid, sandaling pinagmasdan ng matandang lalaki na siyang pinaka-lider ng kanilang grupo. Kilala ito sa pangalang Commander Dado, matapang, matalino, maraming koneksyon, Iyan ang kinatatakutan at ginagalang ng lahat na lider ng kanilang grupong 'Sidapa'

"Sino ang babaeng 'to?" panimula ni Commander Dado, agad niyang sinenyasan ang tauhan na lalaki na nakatayo sa likuran na tanggalin ang piring sa mata ni Audrey.

Gulat na napatingin si Audrey ng diretso sa mukha ng matanda na ngayon ay matalim na nakatingin sa kaniya, agad itong lumagok ng isang basong alak na nasa tabi nito sabay tingin kay Nightmare at sa apo niyang si Leon. Magkasing edad lang si Nightmare at Leon na halos magkapatid na ang turing sa isa't-isa. Matangkad, matangos ang ilong, at medyo singkit ang mata ni Leon na sa tuwing tumatawa at ngumingiti ito ay lumalabas ang angking kagwapuhan na namana niya sa kaniyang Lolo Dado.

"Hindi 'yan ang apo ni Feliciano" patuloy ni Commander Dado na siyang nagbigay ng utos sa pangkat ni Nightmare at Leon na isagawa ang planong pagdukot sa apo ng pinaka-kinamumuhian nilang kalaban na si Gen. Feliciano Medina.

"Patawad po Lolo, nagkamali ako ng impormasyong binigay kay Nightmare kaya hindi nila nakuha ang target natin" wika ni Leon na agad yumuko sa harapan ng kanilang pinuno. Kahit pa apo siya nito ay naroon pa rin ang malaking agwat at pader na pumapagitna sa tungkulin at posisyon nila sa grupo.

"Ako po talaga ang may kasalanan, nasira ko ang plano, maling tao ang nadala naming dito" saad ni Nightmare na ngayon ay yumuko na rin sa harapan ng kanilang lider. Agad napatikhim ang matanda sabay sandal sa upuan at bigla itong tumawa na ikinagulat at pinagtaka ng lahat.

"Kayong dalawa, palagi niyo akong nililito sa kung sino ang dapat kong parusahan. Akala niyo ba ay hindi ko napapansin ang gawain niyong 'yan mula pagkabata niyo" tawa pa ni Commander Dado sabay lagok ulit ng alak.

Napatulala naman si Audrey at di-kalaunan ay biglang napakunot ang noo niya, napaisip pa siya ng malalim dahil sa mga movies na napapanood niya ay nakakasindak at nag-aala dragon sa galit ang mga Commander ng mga rebeldeng grupo laban sa gobyerno.

Malayong-malayo ito sa inaakala niyang makikita niyang lider ng isang NPA. "Ikaw..." muling wika ni Commander Dado dahilan para biglang matauhan si Audrey nang ituro siya ng matanda. "Alam mo ba kung ano ang nangyayari sa mga estranghero na napapadpad at nakakapasok dito sa aming kampo?" patuloy ng matanda, nagtataka namang napatingin sa kaniya si Audrey.

"Dapat ko po bang malaman?" nagtatakang sagot ni Audrey na bigla niya ring pinagsisihan nang makalimutan niyang nasa bingit nga pala ng kamatayan ang buhay niya. Bigla kasing nawala ang kaba niya nang tumawa ng parang normal na tatay na lasenggero na nakakanta sa videoke si Commander Dado kanina.

Biglang napatikhim si Commander Dado at bakas sa mukha nito ang pagkagitla dahil hindi niya akalaing sasabihin iyon ng isang bihag sa kaniya. Nagtataka namang napalingon si Nightmare at Leon kay Audrey na parehong hindi mawari kung bakit ang amazona ng datingan ng dalaga.

"Ah—eh ang ibig ko pong sabihin, willing naman po ako malaman, ano po ba 'yun?" bawi ni Audrey na sinubukang ngumiti pero isang mahabang buntong-hininga ang pinakawalan ng pinuno. "Sino ba ang babaeng 'to?" muling tanong ni Commander Dado sabay turo sa dalaga.

"P.A po siya ni Chelsea" diretsong sagot ni Nightmare na ikinakunot ng noo ni Audrey, napatingin siya sa sarili niya at ngayon niya lang napagtanto na halos kulay putik na ang white coat na suot niya at puno na rin ng putik ang red dress na suot niya panloob. Sabog-sabog na rin ang buhok niya na ngayon ay tumigas dahil sa putik.

"Reporter po ako sa CMZ News, hindi po ako julalay ni Chelsea gaya ng sinasabi ng iba 'dyan" reklamo ni Audrey, mas uminit ang ulo niya dahil napaliwanag na niya kina Nightmare kagabi na hindi nga siya alalay ni Chelsea ngunit ayaw pa rin nito maniwala.

Napakunot naman ang noo ni Nightmare at napalingon sa dalaga, bigla namang napatakip ng bibig si Leon na ngayon ay pinipigilan nang tumawa. "At ano ang ginagawa ng isang reporter kasama ang apo ng isa sa pinaka-makapangyarihang pulitiko?" usisa ni Commander Dado na ngayon ay biglang naningkit ang mata habang nakatingin ng diretso kay Audrey.

Napatigil sa pagpigil ng tawa si Leon dahil alam nilang kapag ganoon na tumingin ang kanilang pinuno ay siguradong nagdududa na ito. Nanlaki naman ang mga mata ni Audrey, sinubukan niyang ibuka ang kaniyang bibig ngunit wala siyang maisip na idadahilan. Hindi niya pwedeng sabihin na magkadugo sila ni Chelsea at apo rin siya ng taong inuusig nila.

"K-kasi---" hindi na natapos ni Audrey ang sasabihin sana niya dahil biglang sumabat si Nightmare. "Siguradong sumasagap po ng balita ang reporter na 'yan, alam naman nating uhaw sa kahit anong balita ang media na kalaunan ay palalakihin nila, at sa oras na makuha na nila ang gusto nilang kabayaran para sa mga nalalaman nila ay tatahimik na sila na parang nagising sa isang bangungot na hindi na maalala kung anong buong nangyari"

Nang dahil sa sinabi ni Nightmare biglang napakunot ang noo ni Audrey sabay tingin ng diretso sa kaniya "Sinasabi mo bang mukhang pera ang media? Halos buong oras namin ay nagpapakahirap kami para lang makasagap ng balita na para naman sa kaalaman ng buong bayan. Madalas wala kaming tulog at hindi rin kami nakakakain ng tama sa oras dahil marami kaming kailangang habulin at tapusin na balita. Hindi na rin namin nakakapiling ang pamilya namin dahil palagi kaming nasa labas habang nakikipagsapalaran sa magulong mundo kahit pa may bagyo, rally, baha, at gyera naroon kami!" sigaw ni Audrey na ikinagulat ng lahat. Animo'y mapuputol na ang tali sa kaniyang kamay at paa dahil sa lakas ng sigaw niya kanina.

"Kaya wag na wag mong mamaliitin ang media! Aaaaahhh" gigil na gigil na sigaw ni Audrey na ikinatulala ni Nightmare. Ito ang unang beses na may sinigawan siya ng ganoon ng isang tao at ang mas nakakabigla pa ay babae pa ito. Isang malakas na halakhak ni Commander Dado ang bumasag sa tensyon. Walang anu-ano'y napapalakpak pa ito.

"Sa tingin ko, kailangan nga natin ng taga-media ngayon, kailangan malaman ng gobyerno na hindi tayo nananahimik lang at nagtatago sa kabundukan" saad ni Commander Dado na hindi pa rin mawawala ang mahabang tawa dahil mukhang nasindak si Nightmare na siyang kilala niyang matapang at walang inuurungan.

"P-papatuluyin natin siya dito sa kampo?" gulat na tanong ni Leon sa kaniyang Lolo, napatango-tango naman ito sabay himas sa malaking tiyan dahil sa pagtawa kanina. Napahinga naman ng malalim si Nightmare at napapikit na lang ito sa inis. Hindi naman mapigilang matuwa ni Commander Dado dahil sadyang maloko at mapang-asar din ito.

"Bakit hindi? Basta wag niya lang tayo sisingilin, wala tayong pambayad sa media" sagot ni Commander Dado sabay tingin kay Audrey na nakatingin pa rin ng masama kay Nightmare. "Napabilib mo ako hija, hindi ko akalaing may katulad mong taga-media na puno pa rin ng prinsipyo at paninindigan. Sa ngayon, hindi ka muna makakaalis dito sa aming kampo hangga't ko pa napaplano kung ano dapat malaman ng gobyerno, lalong-lalo na ang hipokrito at buwayang Medina na 'yan" dagdag pa nito.

Bigla namang napalunok sa kaba si Audrey, nangangamba siya ngayon na baka maghinala ang pinuno kapag nalaman nitong magka-apelyido sila ng pulitikong pinag-iinitan ng rebeldeng grupo. Bukod doon ay hindi niya malaman kung bakit nangangamba rin siya sa posibleng mangyari sa Lolo niya.

Ilang sandali pa ay kinuha na ni Commander Dado ang itim niyang tungkod na nasa gilid ng kaniyang upuan. Agad tumayo si Leon at inalalayan niyang tumayo ang kaniyang Lolo. "Kayong dalawa, baka akala niyong nakalimutan ko na an kapalpakan niyo, humanda na kayo sa parusa" saad ng matanda na biglang naging seryoso ang tono ng pananalita nito.

Nagsimula nang maglakad papasok sa isang maliit na kwarto sa kaliwa si Commander Dado, ngunit bago niya buksan ang pinto ay napatigil siya at napalingon kay Audrey na ngayon ay nakaluhod pa rin sa sahig. "Tandaan mo hija, ang lahat ng estrangherong napapadpad at nakakapasok dito sa aming kampo na nagtaksil, nagbigay ng detalye at nagturo sa kinaroroonan namin ay hindi na nagigising sa bangungot, bangungot na hindi titigil sa isa dahil kasama nitong papailalim sa bangungot ang kaniyang buong pamilya at mahal sa buhay" pagbabanta ni Commander Dado sabay talikod at pumasok na ito sa loob ng kaniyang kwarto.

Naiwan namang tulala si Audrey sa katotohanang kailangan niyang maging mas maingat dahil hindi maaaring mapahamak sinuman nang dahil sa kaniya.

***

"Hindi ko akalain na nakakatakot pala magalit si Ciana" natatawang wika ni Leon na bigla pang napaubo dahil pinasukan ng tubig ulan ang kaniyang bunganga. Nakahiga sila ngayon ni Nightmare sa mabatong bahagi ng tuktok ng bundok kung saan kinakaharap nila ngayon ang kanilang parusa.

Marahan lang naman ang ulan ngunit malaking sagabal na iyon dahil hindi nila maimulat ng maayos ang kanilang mga mata habang patihayang nakahiga sa mabatong lupa at nakatingala sa makulimlim na kalangitan. Nakatayo naman sa ilalim ng malaking puno ang dalawang armadong lalaki na sina Uno at Onse na siyang pinaka-boyguard ni Commander Dado. Mahaba ang buhok ni Uno, samantala, kalbo naman si Onse.

"Sa tingin mo ba nakilala tayo ni Ciana? O kaya naman naaalala pa kaya niya tayo?" patuloy pa ni Leon sabay lingon kay Nightmare na ngayon ay pikit-matang sinasalubong ang hampas ng ulan sa mukha niya. Nasanay na sila ni Leon sa ganitong parusa, sa tuwing napapagalitan at nakakagawa sila ng mali ni Leon mula pagkabata nila ay lagi nilang pinagtatakpan ang kasalanan ng isa't-isa.

Kung kaya't palagi nilang kinakaharap ang parusang iyon kung saan patihaya silang nakahiga sa mabatong lupa sa tuktok ng bundok at hindi sila aalis doon hangga't hindi sinasabi ni Commander Dado. Umaraw man o umulan ay hindi sila nakakaligtas sa parusang iyon kapag may nagawa silang mali. Ngunit kahit ganoon ay alam nilang mahal pa rin sila ni Commander Dado at naiintindihan nila na tinuturuan lang sila nito ng leksyon.

Hindi man kadugo ni Nightmare si Commander Dado ngunit halos ito na ang nagpalaki, nag-alaga, nag-aruga at nagmahal sa kaniya na parang sariling apo magmula nang mawala ang kaniyang mga magulang noong apat na taong gulang pa lamang siya.

Si Leon na kasing-edad niya at siyang apo ni Commander Dado ay higit pa sa matalik na kaibigan ang turingan nila sa isa't-isa dahil halos magkapatid na sila sa dami ng kanilang pinagsamahan mula pagkabata.

"Sa tingin ko... Hindi na" tugon ni Nightmare at dahan-dahan niyang iminulat ang kaniyang mga mata dahilan upang makita niya kung paano bumagsak ng dahan-dahan ang tubig ulan mula sa kalangitan.

"Bakit naman hindi na niya tayo makikilala? Tayo lang ang kalaro niya noon, bakit naman niya kakalimutan 'yun" giit ni Leon at napatingala na rin ito sa kalangitan.

"Marami nang nagbago sa mga buhay natin, ang alaala ng isang musmos na bata na wala pang muwang sa mundo noon ay hindi kasing tibay at tatag ng alaalang tatagal nang halos dalawampung taon" saad ni Nightmare, napabusangot naman ang mukha ni Leon.

"Hayan ka na naman sa malalalim mong salita, sumasakit ang ulo kausap ka, pwede mo namang sabihin na siuradong 'di na niya tayo maaalala dahil bata pa tayo noon at sa dami ng nangyari baka sa pangalan na lang niya tayo kilala" buwelta ni Leon, bigla namang natawa si Nightmare sabay hampas sa sikmura ng kaibigan na agad namang gumanti at hinampas din ang sikmura niya.

Kung ang mga babae ay nagkikilitian sa tuwing naghaharutan, iba naman ang gawain ni Nightmare at Leon, naghahampasan sila sa sikumura sa paniniwalang hindi nasasaktan ang totoong may abs sa kanila.

Ilang minutong gantihan at tawanan ang naghari sa paligid habang naghahampasan silang dalawa. Nakatingin lang mula sa di-kalayuan si Uno at Onse na parehong napailing-iling na lang habang natatawa dahil sanay na sila sa ganoong gawain ng dalawang binatang iyon.

Maya-maya pa ay nauna nang sumuko si Leon at tinaas niya ang kamay sa ere habang nakahiga pa rin sila sa batuhan. "Suko na ako! Ikaw na ang may abs!" wika ni Leon habang humagalpak sa tawa dahil mukhang hindi magpapatalo si Nightmare kahit pa madurog ang bituka, atay, bato ay balunbalunan nito sa tiyan basta siya lang ang magwagi at maturingang may abs.

Ilang sandali pa ay dumating si Dos na tumatakbo at agad sinabi kay Uno at Onse na pinapapasok na ni Commander Dado si Leon at Nightmare sa bahay na ilang oras din nasa ilalim ng parusa.

Tinawag na ni Uno ang dalawa at sumenyas ito pababa ng bundok. Bumangon na ang dalawa at magkaakbay na naglakad pababa "Sinabi ko na sayo na hindi matatalo ng isang Leon ang isang Nightmare" banat naman ni Nightmare, bihira lang ito tumawa at tanging si Leon at Commander Dado lang ang nakakapagpatawa sa kaniya sa tuwing gumagawa ito ng mga kalokohan.

"Tsk, paano naman kakalabin ng hayop ang isang panaginip? Ang t*nga naman ng leon, untugin na lang niya siguro ang ulo niya sa bato" tawa pa ni Leon, na ikinahagalpak din ng tawa ni Nightmare. Magkaakbay silang dalawa pababa ng bundok at 'di nila alintana na kapag nadulas ang isa ay siguradong mahuhulog silang dalawa.

"Ang baduy mo kasi pumili ng alyas, dapat tigre na lang pinili mo para pareho tayong pusa" hirit pa ni Leon, ilang sandali pa ay hindi nila namalayan na nakabalik na sila sa kampo, may halos sampung bahay kubo ang matatagpuan sa isang malawak na kapatagan sa ibaba ng bundok at kadalasang pinagkakamalang ordinaryong barrio lang iyon.

Dumiretso na sa gilid ng balon si Nightmare at Leon na mabilis naghubad ng damit at naligo. May dalawang paliguan sa gilid ng balon at may harang itong malaking table sa gitna. May bubong din ang palikuran at may maliit din itong pinto upang kahit papaano ay matakpan ang kanilang pang-ibaba.

Salitan sila sa paghila ng timba sa balon habang bumubuhos pa rin ang ulan. "Kung sabihin kaya natin ang totoong pangalan natin sa kaniya, sa tingin mo ba hindi niya ipagsasabi sa iba?" wika ni Leon sabay buhos ng tubig sa katawan at ipinasa kay Nightmare ang timba. May nakaharang na tabla sa pagitan nila kung kaya't kahit papaano ay nakakaligo pa rin ng pribado ang sinuman na taga-roon.

"Sa oras na malaman niya kung sino tayo at may makaalam na ibang tao siguradong mapapahamak siya. Mas mabuti nang wag na nating sabihin dahil para rin naman iyon sa ikabubuti niya" paliwanag ni Nightmare sabay buhos din ng tubig sa katawan.

"Bukod doon----" hindi na natapos ni Nightmare ang sasabihin niya dahil bigla silang nagulat ni Leon at napalingon sa likuran nang marinig nila ang pagbagsak ng isang timba sa lupa. Halos malaglag ang kanilang mga panga sa gulat nang makita nilang halos lumuwa ang mga mata ni Audrey nang maabutan silang naliligo sa palikuran sa tabi ng balon.

Napasigaw na lamang si Audrey dahilan upang agad magkumahog ang dalawang binata sa pagkuha ng kanilang hinubad na damit na nakasabit sa gilid dahil ngayon lang nila napagtanto na hindi nila namalayang nahulog pala sa lupa ang malaking tabla na pang-harang sa palikuran kung kaya't nakita ni Audrey ang hindi inaasahang bangungot na mukhang hindi na mabubura sa kaniyang isipan.


*****************************

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top