Mistake 3

[Kabanata 3]

Pabalik-balik na naglalakad ang dalawang tauhan ni Nightmare sa loob ng abandonadong building dahil hindi na sila mapakali ngayon sa laki ng perwisyo na naidulot nila sa plano. Samantala, nakaupo lang si Nightmare sa isang malaking silya, pikit matang nag-iisip ng mabuti.

Habang si Audrey naman ay kanina pa nagpupumiglas sa pagkakatali at pilit na sumisigaw kahit pa nakabalot na muli ng tape ang kaniyang bibig. "Siguradong malalagot tayo kay Boss Leon!" wika ng isa na napahilamos ng mukha.

"Kailangan na natin 'to gawan ng paraan, itapon na lang natin ang babaeng 'yan sa creek" suhestiyon ng isa na ikinagulat nilang lahat lalo na ni Audrey na ngayon ay nagpumiglas pa ng todo.

"Hoy! Wag ka ngang maingay 'dyan!" suway ng isa kay Audrey at akmang hahambalusin ng hawak nitong panyo. "Siyam, tumahimik ka" awat ni Nightmare dahil kanina pa nagdadaldal si Siyam na isa sa mga tauhan niya. Napatigil naman ito at napatingin sa kasama na si Dos.

Magsasalita pa sana si Siyam kaya lang tumayo na si Nightmare "Dos, akin na" tipid na wika ni Nightmare, alam na agad ni Dos kung ano ang tinutukoy nito, ang cellphone.

Agad inabot ni Dos ang cellphone kay Nightmare, binuksan na niya ito at agad tinawagan si Boss Leon. "Oh, bro, anong balita? Kanina pa namin hinihintay ang tawag niyo" saad ni Boss Leon sa kabilang linya, napahinga naman ng malalim si Nightmare sabay tingin kay Audrey na ngayon ay hindi pa rin sumusuko sa pagpupumiglas.

"Hindi si Chelsea ang nakuha namin" diretsong sagot ni Nightmare na ikinagulat ng kaniyang mga tauhan dahil hindi man lang ito nagpaligoy-ligoy o nagsinunggaling. Kilala ng lahat na prangka at diretsahan sumagot si Nightmare bagay na hinahangaan talaga ng kanilang pinaka-lider.

"B-boss... wait, wag ka umamin agad" pagpigil sa kaniya ni Siyam at Dos na ngayon ay nasa likod na niya at magkayakap sa kaba.

"Ha? Bro, anong ibig mong sabihin? Hindi niyo nakuha si Chelsea? Eh, sino ang hinahanap ngayon ng mga pulis? Nandito na kami sa pier, malapit nang umalis ang barko, nasaan na ba kayo?!"

"Alalay niya ata 'tong nakuha namin, nakatunog siguro sila kaya nakatakas ang totoong Chelsea kanina" diretsong sagot ni Nightmare, napakunot naman ang noo ni Audrey nang pagkamalan siyang alalay ni Chelsea.

"Kami na lang ang pupunta 'dyan, ililigpit na namin 'to" patuloy pa ni Nightmare dahilan para mapailing-iling si Audrey at muling magpumiglas. Agad sinenyasan ni Nightmare na tanggalin ulit ang tape sa bibig ng dalaga.

Mabilis namang sumunod si Siyam at Dos, nang matanggal na nila ang tape sa bibig ni Audrey ay muli na naman silang nasindak dahil mukha na itong mangangain ng tao. "Hindi naman ata makatarungan na patayin niyo ako ng ganun-ganun na lang!" buwelta ni Audrey, na ikinataas ng kilay ni Siyam at Dos.

"Kami ang magdedesisyon kung bubuhayin ka namin o hindi, at dahil minura-mura mo kami at sinumpa kanina... Goodbye Philippines ka na" banat naman ni Siyam, agad naman niyang naiwas ang kamay niya na kakagatin sana ni Audrey.

"Haays, makinig kayo, siguradong hindi na kayo makakalabas ng buhay dito dahil papunta na ang mga kasamahan ko" banta ni Audrey sa kanila, napahalukipkip naman si Nightmare, hindi niya maintindihan kung saan pa kinukuha ng babaeng iyon ang tapang nito.

"Sinasabi mo bang marami kang bodyguards at pag-aaksayahan ng panahon ni Chelsea at ng Lolo niyang buwaya ang tulad mong P.A ng apo niya? Ang lakas din ng loob mong hiramin ang damit ng amo mo ah" sabat ni Dos sabay turo sa white coat na suot ni Audrey.

Napapikit na lang sa inis si Audrey, kanina niya pa gustong pag-uuntugin ang mga lalaking iyon. "Una, hindi ako P.A ni Chelsea, pangalawa, siya ang nagpahiram sa'kin ng coat na 'to kasi nilalamig ako sa loob ng kotse niya at pangatlo, mas malakas pa ang impluwensiya ko kaysa sa mga target niyo!" sigaw ni Audrey dahilan upang umalingangaw sa loob ng building ang boses niya. Mabuti na lang dahil wala nang kapitbahay sa paligid ang building na iyon.

"Bro, anong pinagsasabi ng babaeng nakuha niyo?" nagtatakang tanong ni Boss Leon na nakikinig sa kabilang linya. Hindi naman nagsalita si Nightmare, hawak niya pa rin ang cellphone niya para marinig ni Leon ang usapan sa kabilang linya.

Nagsimulang humakbang si Nightmare papalapit kay Audrey, sabay hawak sa upuan nito at tiningnan ng diretso sa mata ang dalaga "Sino ka?" tipid na tanong ni Nightmare, bigla namang napalunok sa kaba si Audrey dahil sa lapit ng mukha ng binata sa kaniya.

"T-taga media ako, at sisiguraduhin kong malalaman ng lahat ang pinaggagawa niyo, parating na ngayon ang mga kasamahan ko sa media d-dahil may tracker kami sa isa't-isa" wika ng dalaga na ikinagulat nilang lahat. Agad hinalughog ni Dos ang bag ni Audrey at laking gulat niya nang makita sa cellphone nito ang kulay red tracker mark.

"Boss! Boss! Omg!" kinakabahang wika ni Dos na napatalon-talon pa sa nerbyos, agad naman siyang binatukan ni Siyam "P*ta! Umayos ka nga! Brusko tayo dito!"

Agad namang kinuha ni Nightmare ang cellphone ni Audrey at tiningnan ito ng mabuti lalo na ang red tracker sa likod nito. "Gumagana lang ito within 100 meters, masyado na tayong malayo sa CMZ news o sa mga kasamahan niya kung sakali" kalmadong sagot ni Nightmare, napapikit naman sa inis si Audrey dahil hindi niya naloko si Nightmare tungkol sa tracker at bukod doon ay nakita pa nito ang logo ng CMZ News sa tracker.

"T*ngina! Pinakaba mo ko ah!" reklamo ni Dos kay Audrey at akmang sasabunutan ito pero hindi na niya natuloy dahil napagtanto niya na dapat brusko sila. Pinatay na ni Nightmare ang cellphone ni Audrey at inihulog ito sa baso pitsel na puno ng tubig sa mesa.

"Hoy! Hindi ko pa tapos bayaran 'yan!" sigaw ni Audrey na halos ikabingi nilang lahat dahil nagwawala na ito. Tatlong buwan na lang ay matatapos na niyang bayaran ang kinuhang hulugan na cellphone pero ngayon ay mukhang sira na ito.

"P*&^%$#@(*&)!/*@!!" sigaw muli ni Audrey habang nagpupumiglas, agad siyang tinakpan ng tape sa bibig at mas nahirapan pa sila lalo dahil nagwawala na ito.

Napatingin naman si Nightmare sa cellphone na iyon, at kinuha na niya ito sa pitsel. Ilang sandali pa ay bigla silang nakarinig ng pagtigil ng isang servive van ng CMZ News sa labas ng abandonadong building, kasunod nito ay may isang police mobile.

"Boss! Delikado, may mga pulis!"

"Paano nila tayo nasundan?"

Biglang napatingin si Nightmare sa cellphone ni Audrey, naalala niya kanina bago niya ito ihulog sa pitsel ay nagriring ang cellphone na iyon. "P*nyeta! Nalocate nila tayo!"

Dali-daling kumilos ang tatlo, agad nilang dinukot ang kanilang mga baril at pinatay ang ilaw sa loob. Pumwesto na si Siyam sa likod ng pinto at dahan-dahan niya itong binuksan. Naaninag niya ang maraming liwanag mula sa mga flashlight sa labas.

Sinubukan ni Audrey lumikha ng ingay ngunit agad tinakpan ni Dos ang ilong niya gamit ang panyo na may matapang na kemikal pampatulog. Wala pang kalahating minuto ay nawalan na ito ng malay. Matapos iyon ay pumwesto na si Dos sa likod ng pinto at tinulungan si Siyam sa pagbukas niyon.

"3 o'clock" saad ni Nightmare, na ngayon ay tinatanggal na ang pagkakagapos ni Audrey. Napatingin naman ang dalawang tauhan sa bandang kanan kung saan may maliit na basag-basag na bintana roon. Kasalukuyang nag-iingkot ang isang pulis habang hawak-hawak ang flashlight nito.

Napayuko silang tatlo, dahan-dahang pinahiga na rin ni Nightmare ang walang malay na katawan ni Audrey sa sahig. Dahan-dahan silang gumapang papunta sa pinaka-likod na pinto.

"Sigurado ka ba na dito mo na-locate ang cellphone ni Audrey?" tanong ni kuya Rex kay Sir Migs na ngayon ay nasa pinaka-front door kasama ang isang pulis.

"Oo, kaya nga kinutuban ako na baka may masamang nangyari sa kaniya kasi bakit nasa ganitong lugar ang cellphone niya" sagot naman ni Sir Migs. Maingat namang gumapang papunta sa front door si Nightmare para harapin ang mga kalaban kung sakaling mabisto sila at hindi makatakas doon ng palihim.

"Tawagan mo kaya ulit"

"Hindi ko na matawagan, out of reach na"

"Mga Ser, naradyo ko na kanina sa police district office, Audrey Medina ba ang pangalan niya?" tanong ng pulis na nakatayo sa likod nila. Habang ang isang pulis naman na kasamahan nito ay rumuronda sa gilid ng abandonadong building.

"Oo Sir, Audrey Medina, kasamahan namin siya sa CMZ News" sagot ni kuya Rex, napatango-tango naman ang pulis.

"Wala namang tumawag sa office na may nakidnap o nawawala, baka naman namasyal o umuwi sa kanila ang kaibigan niyo" saad ng pulis, nagkatinginan naman si Sir Migs at Kuya Rex. "Iikot ako sa kabila" patuloy pa ng pulis at umikot ito sa kaliwang bahagi ng building.

"Sir Migs, baka nga umuwi si Audrey sa Lolo niya" wika ni kuya Rex, napaisip naman ng mabuti si Sir Migs. Sa pagkakataong iyon, ay naririnig ni Nightmare ang usapan nila.

"Mataas din ang pride ng batang 'yun, alam mong imposibleng humingi siya ng tulong sa lolo niya" sagot ni Sir Migs.

"Pero sa tingin ko, dapat na ba nating sabihin 'to sa Lolo niya? Paano kung may masama ngang nangyari sa kaniya, siguradong malaki ang magagawa ng lolo niya"

"Oo, malaki nga ang magagawa ng isang Senate President, pero alam mo namang walang ibang nakakaalam nito bukod sa'tin na apo ni Feliciano si Audrey diba?"

Biglang napatigil si Nightmare sa gulat nang marinig niya iyon. Si Feliciano Medina ang kasalukuyang Senate President ay may apo bukod kay Chelsea na kanilang target sana. "Kahit papaano apo niya pa rin si Audrey, siguradong gagawa siya ng paraan para hindi mapahamak ang apo niya"

"Wag na nga natin pag-usapan ang Lolo niya, hanapin na lang natin siya" pagtatapos ni Sir Migs sabay turo sa kabilang pinto kung saan pumasok ang dalawa. Naiwan namang tulala si Nightmare at hindi mapakapaniwala sa narinig.

Napatingin siya sa exit door kung saan nakalabas na si Siyam at Dos habang buhat-buhat ang walang malay na si Audrey. Inilagay nila sa backseat ng puting van ang dalaga sabay sakay sa loob. Biglang napalingon si Dos sa bintana at agad sumenyas kay Nightmare na nasa loob pa rin ng building.

Mabilis na nakalabas si Nightmare sa exit door at agad sumakay sa driver's seat. "Boss, hihintayin ba natin sila makaalis?" halos pabulong na tanong ni Dos na nakaupo sa passenger seat ng van. Hindi naman umimik si Nightmare at nanatili itong nakatingin sa front mirror kung saan nakikita niya si Audrey na walang malay sa back seat.

Nagtatakang napatingin si Dos sa kamay ni Nightmare na nanginginig na ngayon. "Boss?"

Nagulat sila nang biglang may ilaw na tumapat sa mukha nila mula sa dalang flashlight ng isang pulis. "Sino kayo?!" sigaw nito dahilan upang masindak silang lahat.

Agad tinutok ng pulis ang baril niya sa tapat ni Nightmare at Dos. "Pulis ako, anong ginagawa niyo rito?" sigaw pa nito, habang hindi malaman kung kay Nightmare o Dos niya ba itututok ang baril. Diretso naman siyang tiningnan ni Nightmare sa mata at sa pagkakataong iyon ay binuksan na niya ang front light ng van at pinaandar ang makina nito.

Ilang sandali pa ay dumating na rin ang isang pulis na kasamahan nito kasama sila Sir Migs at Kuya Rex. Sinubukang buksan ni Sir Migs ang hawak na camera ngunit isang bala ang agad tumama sa lens ng camera mula kay Siyam na nasa backseat na dumungaw sa bintana at diretso itong binaril.

Napasigaw sa gulat at takot si Sir Migs at Kuya Rex "Tigil!" sigaw naman ng dalawang pulis ngunit huli na ang lahat dahil mabilis na pinaatras ni Nightmare ang van at napaikot niya ito agad. Dali-daling nagpakawala ng bala ang dalawang pulis upang pigilan ang van ngunit wala na silang nagawa nang dire-diretso itong humarurot papalabas sa abandonadong building at binangga ang sira-sirang gate na gawa lang sa makalawang na wire.

Agad niradyo ng dalawang pulis ang engwentrong iyon sa kanilang opisina para humingi ng back up at dali-dali silang sumakay sa police mobile upang sundan ang van.

Samantala, walang kahirap-hirap na pinapaharurot ni Nightmare ang van sa maluwag na kalsada papalabas sa lugar na iyon, puno ng matataas na talahib ang paligid at madalas itong pinagtatapunan ng mga bangkay.

Ilang sandali pa ay naaninag na nila ang sumusunod sa kanilang police mobile, tumutunog na ang maingay nitong wang-wang. "T*ngina!" inis na wika ni Dos, agad namang sinenyasan ni Nightmare si Siyam at alam na nito agad ang gagawin.

Agad dumungaw muli sa bintana si Siyam at mabilis niyang tinarget ang gulong ng polic mobile. Dalawang bala lang ang pinakawalan niya na agad nagbagal sa takbo ng police mobile hanggang sa nahirapan na itong umusad.

Napangiti naman si Dos sabay apir kay Siyam. Sa kanilang dalawa ay mas bihasa si Siyam sa pagiging sniper. Habang si Dos naman ay magaling sa paggawa ng bomba at anumang pampasabog. Samantala, si Nightmare naman ay kilala sa galing nito sa pakikipaglaban gamit ang anumang patalim o bagay. Magaling din si Nightmare sa pagbuo ng magandang plano, pagmamaneho at pamamaril.

Sila ang team B na pinapangunahan ni Nightmare, ang team A naman na pinapangunahan ni Leon ay nag-aabang na sa daungan ng barko. Si Dos ang pinakabata sa kanila, nasa edad labing-walong taong gulang pa lamang ito, hindi man siya gaano matangkad ngunit napakatalas ng mata nito pagdating sa paghahanap ng bomba, hidden camera o anumang bagay. Kulot ang buhok nito na palagi niyang tinatago sa loob ng paborito niyang itim na bonet.

Si Siyam naman ay dalawampung taong gulang. Matangkad ito at payat ang pangangatawan. Parang kuya na ang turing nito kay Nightmare na siyang nagsanay sa kaniya sa pamamaril at maging bihasang sniper.

"Boss, nakatawag na ata sila ng back up" wika ni Dos nang mapalingon sa side mirror at makita ang dalawa pang police mobile na sumusunod na sa kanila ngayon. Kung kaya't mas lalong binilisan ni Nightmare ang pagmamaneho. Napakapit na lang si Dos at Siyam dahil alam nilang hindi magpapahuli ng buhay ang kanilang boss na kapag nagmaneho ay nagpapalipad talaga ng sasakyan.

Isang mabilis at swabeng pagliko sa kanan ang ginawa ni Nightmare sabay liko muli sa kaliwa at dumaan sa isang makipot na eskinita. Walang kahirap-hirap niyang napaandar ang van sa loob ng makipot na eskinita dahilan upang mabangga ang mga balde, drum at mga mesa sa daan na ikinagulat ng mga taong nakatira roon.

Napatigil naman ang dalawang police mobile sa dulo ng eskinita dahil hindi sila makapasok doon. Nagsigawan at nagtawanan naman sila Siyam at Dos sabay yakap sa kanilang Boss Nightmare na hindi sila binibigo kahit kailan.

***

Nagising si Audrey nang maramdaman ang malamig na lupa na tumatama sa kaniyang pisngi. Napagtanto niya na nakadapa siya ngayon sa isang putikan habang pumapatak ang marahan na ulan. Wala siyang makita o maaninag dahil nakapiring ngayon ang kaniyang mga mata gamit ang itim na tela.

Sinubukan niya ring igalaw ang kaniyang kamay at paa ngunit nakatali pa rin ito. "T-tulong" wika ni Audrey, nanunuyot na ngayon ang kaniyang lalamunan dahil sa matinding lamig, takot, kaba at panghihina.

Ilang sandali pa ay nagulat siya nang biglang may dalawang kamay ang humawak sa kaniyang magkabilang braso at hinila siya patayo. Nakatayo siya ngayon sa dulo ng isang umaagos na maruming ilog habang nakatayo sa putikan sa gilid nito.

Patuloy ang pagbagsak ng ulan na sa di-kalaunan ay palakas na ng palakas dahilan upang kahit papaano ay mahugasan ang putik sa kaniyang pisngi, buhok at sa kaniyang damit. Kahit wala siyang makita ay naririnig niya ang malakas na pag-agos ng ilog sa kaniyang harapan at ang yapak ng mga paa na naglalakad ngayon mula sa kaniyang likuran.

Halos labing-limang kalalakihan ngayon ang nakatayo sa kaniyang likuran at nakatakip ang kanilang mga mukha. "P-pakiusap, pakawalan niyo na ako" pagmamakaawa ni Audrey, sa pagkakataong ito ay namamanhid na ang kaniyang buong katawan sa takot na tuluyan na siyang bawian ng buhay at hindi na magising pa.

Patuloy ang pagdating ng ilan pang mga lalaking naka-itim na leather jacket o hoodie. Kahit nakataikod at walang makita si Audrey ay ramdam na ramdam niya ang mga matatalim na tingin ng mga armadong kalalakihan na nakatayo sa kaniyang likura.

Ilang sandali pa ay bigla niyang naramdaman ang pagdikit ng malamig na dulo ng baril sa kaniyang batok. "H-huwag po" pakiusap niya at ngayon ay hindi na niya mapigilan ang pagbagsak ng kaniyang mga luha at panginginig ng kaniyang buong katawan.

Ilang minutong katahimikan ang namayani sa paligid hanggang sa maramdaman ni Audrey ang paghakbang papalapit sa kaniya ng taong may hawak ng baril na nakatutok sa kaniyang batok. Ang pagtama ng ulan sa kanilang katawan ay tila punyal na sumasaksak ngayo sa kaniyang kalamnan.

Napatigil si Audrey at napatindig ng diretso nang maramdaman niya ang mukha sa kaniyang balikat ng taong nakatayo ngayon sa kaniyang likuran. Sandaling tumigil ang kaniyang paghinga at animo'y hindi na niya maramdaman ang kaniyang sarili.

Nagulat siya nang biglang hinawakan nito ang kaniyang balikat sabay bulong sa kaniyang tainga. "I-ikaw ba talaga si Feliciana?" wika ng isang lalaki na may malalim na boses.

Tila tumigil ang pagtakbo ng paligid para kay Audrey, sa loob ng halos labing-tatlong taon, hindi siya makapaniwala na muli niyang maririnig na tawagin siya sa kaniyang totoong pangalan na pilit niyang itinago sa loob ng mahabang panahon. At ngayon malaking palaisipan sa kaniya kung sino ang lalaking iyon na nakakaalam ng kaniyang totoong pagkakakilanlan.


**********************************

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top