Mistake 25
[Kabanata 25]
"Gusto mo na talaga mamatay, ha?" nanggigigil sa inis na sigaw ni Roberto. Si Roberto ang matalik na kaibigan ni Feliciano na siyang nanghikayat na pumasok ito sa pulitika. Si Roberto Mercado ay ang ama ni Jacinto, may nunal ito sa pisngi na siyang nakakadagdag sa seryoso nitong aura. Si Roberto ay may mataas na katungkulan din sa pulisya.
Sinenyasan niya ang dalawa niya pang tauhan na buhusan ng tubig si Leon habang nakatali ang magkabilang kamay at paa nito sa silya. Wala na itong damit pang-itaas kung kaya't kitang-kita ang mga sugat at pasa na tinamo nito mula kay Roberto.
Mag-dadalawang linggo nang nakakulong si Leon sa pamumuno ni Roberto. Ilang beses na rin nila ito tinorture para mapaamin kung nasaan ang ibang miyembro at kung saan pa matatagpuan ang ibang mga kampo pero hindi sinabi ni Leon.
Bukod kay Commander Dado at Ka Ferding, si Nightmare, Leon at Melissa ang mga kanang-kamay nila. Batid ni Feliciano at Roberto na may nalalaman si Leon tungkol sa kinaroroonan ng ibang kampong itinayo nila pero hindi ito nagsalita.
"P-patayin niyo na lang ako" saad ni Leon, hinang-hina na ito at nanlalabo na rin ang kaniyang mga mata. Sa loob ng dalawang linggo pagpapahirap na naranasan niya ay malaking timbang ang nabawas sa kaniya. Ilang araw na rin siyang nilalagnat pero patuloy siyang hinahampas ng latigo at binubuhusan ng tubig.
"Nagtataka lang ako, ang tagal mon ang nakakulong dito pero wala ni isang kasamahan mo ang nagtangkang iligtas ka" wika ni Roberto habang pinapaikot-ikot sa kamay niya ang hawak na baton. Nanatiling nakayuko si Leon, hindi na mahalaga sa kaniya kung makalabas pa siya ng buhay doon. Ang mahalaga ay maprotektahan niya ang ibang miyembro at ang grupo.
"Siya nga pala, patay na ang lolo mo" patuloy ni Jacinto, parang biglang tumigil ang mundo ni Leon. Nakatitig siya ngayon sa basang sahig at paulit-ulit niyang naririnig ang sinabi ni Roberto na wala na ang kaniyang lolo.
"I-imposible---" hindi na natapos ni Leon ang sasabihin niya dahil biglang tumawa si Roberto. "Haay, mahigit dalawang dekada ring nagtagal ang grupo niyo. Alam niyo bang sakit sa ulo ang hatid niyo sa'min? Para kayong mga daga na nagkalat sa bawat sulok at ang hirap hulihin" natatawang saad ni Roberto habang naglalakad ito pabalik-balik sa maliit na selda ni Leon.
"H-hindi pwede! Hindi pwedeng mamatay ang lolo ko!" sigaw ni Leon na ikinagulat nila. Ito ang unang beses na sumigaw ito ng ganoon kahit ilang beses na nila itong pinahirapan sa loob ng dalawang linggo. Kitang-kita ni Roberto ang matinding galit ni Leon na nanginginig na ngayon habang nakatingin ng matalim sa kaniya.
"Para ka ngang Leon, matapang, nakakasindak, mabangis pero nadadakip din" ngisi ni Roberto at sinenyasan niya ang dalawang tauhan niya na hampasin ng latigo si Leon. Agad namang sumunod ang mga ito, ipinikit na lang ni Leon ang kaniyang mga mata habang pilit na tinitiis ang hapdi at sakit ng bawat paghampas na tumatama sa likod, dibdib at sikmura niya.
Ilang sandali pa, itinaas ni Roberto ang kamay niya, tumigil naman sa paghampas ang dalawang tauhan nito. Binuhusan nila ulit ng tubig si Leon para magising ito. Naglakad si Roberto papalapit kay Leon saka hinila ang buhok nito at pinatingin niya ito ng derecho sa kaniyang mata.
"May isa kayong kasamahan na kailangan ni Feliciano. Sigurado akong kilala mo ang apo ni Cristobal Sallez, ngayon sabihin mo sa akin kung anong pangalan niya" seryosong wika nito, nanlaki ang mga mata ni Leon dahil sa gulat. Hindi niya lubos maisip kung paano nito nalaman ang tungkol sa pagkatao ng pinakamatalik niyang kaibigan na si Nightmare.
Napaatras sa gulat si Roberto nang bigla siyang duraan sa mukha ni Leon, pikit-mata niya itong pinunasan gamit ang kaniyang panyo saka muling hinarap ang binata. Nagkatinginan naman ang dalawang tauhan niya dahil hindi ito makapaniwala na nagawang bastusin ni Leon ang amo nila ng ganoon.
"Umiiral talaga ang kabastusan mo, ha?" inis na wika ni Roberto at sinenyasan niya muli ang dalawang tauhan na hampasin ng latigo si Leon. Sa mga oras na iyon ay hindi na rin nakapagtimpi si Roberto, itinumba niya ang silya kung saan nakaupo si Leon dahilan upang mapabagsak ang binata ng patagilid. Pinagsisipa at pinagtatadyakan niya ito.
"Hindi mo pa rin sasabihin? Mas mabuti ngang patayin na lang kita dito!" nanggigigil sag alit na sigaw ni Roberto habang tinatadyakan si Leon sa likod, dibdib at sikmura. Wala namang magawa ang binata dahil nakatali ang kaniyang magkabilang kamay at paa sa silya na nakatumba na ngayon ng patagilid sa sahig.
"Tinakas niya ang apo ni Feliciano at bukod doon isa siyang Sallez kaya kailangan niya mamatay! Ngayon, kung gusto mo pang mabuhay, sabihin mo sa amin kung anong pangalan niya at ang kinaroroonan ng iba niyo pang kampo!" sigaw ni Roberto habang patuloy na tinatadyakan si Leon.
"Kahit patayin mo ako! Hinding-hindi niyo malalaman kung nasaan ang apo ni Gen Cristobal! Hinding-hindi ko magagawang pagtaksilan ang grupo!" sigaw ni Leon, napapikit sa inis si Roberto saka humakbang paatras. Hinawi niya ang kaniyang buhok at pinakalma ang sarili sandali.
Nang mahimasmasan na siya, kinuha na niya ang phone niya sa bulsa saka tinawagan ang isang tauhan. "Dalhin niyo na sila dito" saad ni Roberto sa kabilang linya. Ilang sandali pa, nanlaki ang mga mata ni Leon nang makita sa labas ng selda sina Melissa, Siyam at Dos na tulad niya ay bugbog sarado na rin.
Agad pinadapa sa sahig ang tatlo. Maluha-luhang nakatingin si Siyam at Dos kay Leon na tinuring na nilang kuya. Habang si Melissa naman ay tulala na sa kawalan, magulo at basa rin ang buhok nito at gula-gulanit na rin ang kaniyang damit.
"Maglalaro tayo. Isang tanong, isang sagot. Magtatanong ako at kapag hindi niyo sinagot, isang bala ang babaon sa ulo niyo" seryosong saad ni Roberto sabay hugot ng baril niya. Nagulat ang lahat ng itutok niya ito ng derecho sa ulo ni Melissa.
"Sino ang apo ni Cristobal Sallez?" seryosong tanong nito, nababalot ng matinding tensyon ang buong paligid. Nanginiginig sa takot si Siyam at Dos. Hindi naman halos makahinga si Leon na nakatingin ngayon kay Melissa sa takot na baka magsalita ito.
Napatingin sa kaniya si Melissa na tulala na at parang pagod na pagod na. Kitang-kita sa mga mata nito na tuluyan na itong nawalan ng pag-asa. "Mabait ako tao, uulitin ko, sino ang apo ni Cristobal Sallez?!" sigaw nito muli, napailing ng dahan-dahan si Leon. Nararamdaman niya na hinding-hindi magagawa ni Melissa na ipagkanulo ang sariling pamangkin.
Iniangat ni Melissa ang kaniyang ulo saka tumingin ng derecho kay Roberto "Sisiguraduhin ko na ang pamangkin ko ang papatay sa'yo" saad ni Melissa, nanlaki ang mga mata ni Roberto sa gulat at agad niyang pinaputok ang baril, derechong tumama sa noo ni Melissa ang bala at napabagsak ito sa sahig.
"Hindi!" sigaw ni Leon at sinubukan niyang gumapang papalapit kay Melissa na tinuring na rin niyang tiyahin pero agad siyang tinadyakan ni Roberto sa sikmura. Dahilan para mapaubo siya ng dugo.
"Boss!" sabay na sigaw ni Siyam at Dos na akmang gagapang papalapit sa kaniya pero maging sila ay tinadyakan at pinagsisipa ng mga tauhan ni Roberto. Sa pagkakataong iyon, napagtanto ni Roberto na pinapahalagahan ni Siyam at Dos ang buhay ni Leon kung kaya't dali-dali siyang naglakad papalapit kay Leon saka hinila ang buhok nito at itinutok niya ang baril sa leeg nito.
Gulat na napatingin si Siyam at Dos sa nakatutok na baril sa leeg ni Leon. Halos hindi sila makahinga at makagalaw. "Ngayon, kayong dalawa, sabihin niyo sa akin kung sino ang apo ni Cristobal Sallez dahil kung hindi, mamamatay ang natitirang pinuno niyo" banta ni Roberto, agad namang napadapa sa sahig si Siyam.
"H-hindi po namin alam kung sino ang apo ni Cristobal Sallez... mga alyas lang po ang alam naming pangalan ng bawat miyembro" nanginginig sa takot na wika ni Siyam. Napadapa rin sa lupa si Dos at inulit din niya ang sinabi ni Siyam dahil iyon naman ang totoo. Hindi talaga nila alam kung sino sa mga kasamahan nila ang apo ni Cristobal Sallez na tinutukoy ni Roberto.
Napahinga ng malalim si Roberto, binitiwan niya si Leon saka kinuha ang cellphone niya at pinakita kay Siyam at Dos ang CCTV footage kung saan tumatakbo papunta sa fire exit sina Nightmare at Audrey. Itinigil ni Roberto ang video at zinoom sa mukha ni Nightmare.
"Sino ang lalaking 'to?" seryoso niyang tanong habang inoobserbahang mabuti ang rekasyon ni Siyam at Dos. Biglang napayuko si Siyam at Dos at hindi na sila matigil sa pagluha. Base sa reaksyon ng dalawa, nararamdaman ni Roberto na kilala nito ang lalaking tinutukoy niya sa video.
Tumayo na si Roberto at muling itunutok niya ang baril sa ulo ni Leon "Kung hindi niyo sasabihin, mamamatay sa harap niyo ang pinuno niyo. Wala na si Commander Dado, wala na si Ka Ferding. Sino ang sunod na pinuno? Hindi ba ang anak ni Ka Ferding at apo ni Commander Dado? Mas pipiliin niyo bang mabuhay ang kasamahan niyo kaysa sa pinuno niyo?" saad ni Roberto, maluha-luhang nakatingin si Leon kay Siyam at Dos.
"M-magpakatatag kayo. H'wag kayo papalinlang sa g*gong 'to!" paalala ni Leon kay Siyam at Dos pero patuloy silang ginigipit ni Roberto. Ilang sandali pa, nagulat silang lahat nang itutok ni Roberto ang baril kay Siyam at tatlong beses niya itong binarily sa dibdib.
Napasigaw si Dos at halos gumuho ang mundo niya nang makita ang pagbagsak ni Siyam sa tabi niya. nagsisisigaw din si Leon at pilit na gumapang papalapit kay Siyam pero tinadyakan siyang muli ni Roberto sa sikmura.
"Hindi! Hindi!" sigaw ni Leon, agad niyakap ni Dos ang pinakamatalik na kaibigan na si Siyam na ngayon ay naliligo na rin sa sarili nitong dugo. "Siyam..." paulit-ulit na tawag ni Dos habang pilit na ginigising ang kaibigan. Naalala niya na Siyam at Dos ang napili nilang alyas nang sumali sila sa grupo dahil iyon ang petsa ng kanilang kaarawan sa buwan ng Marso.
"H*yop ka!" sigaw ni Leon kay Roberto at akmang susugurin niya ito ngunit hinarang siya ng dalawang tauhan at pinagsisipa siyang muli. Napatigil lang silang lahat nang biglang sumigaw si Dos "Nightmare!"
Napatulala si Leon kay Dos na halos ikapabgsak ng mundo niya. Napalingon naman si Roberto kay Dos, maging ang mga tauhan nito. Yakap-yakap pa rin ni Dos ng mahigpit si Siyam habang humahagulgol ito. "S-si Boss Nightmare ang tinutukoy m-mo" patuloy ni Dos na halos mawala na sa sarili.
"Hindi! H'wag! Nagkakamali kayo! Hindi siya 'yon!" sigaw ni Leon at pilit niyang hinihila ang pa ani Roberto pero nagpatuloy ito sa paghakbang papalapit kay Dos. "Hindi! Huwaaaag!" muling sigaw ni Leon. Umupo si Roberto sa tapat ni Dos na humahagolgol pa rin ngayon habang yakap-yakap si Siyam.
"Nightmare ba kamo ang alyas ng apo ni Cristobal Sallez?" usisa ni Roberto, hindi na nakasagot si Dos dahil halos mabaliw na ito sa matinding paghihinagpis sa pagakwala ng kaibigan. Magsasalita pa sana si Roberto pero napatigil siya nang makitang umilaw ang de-keypad na cellphone na nasa bulsa ng leather jacket na suot ni Siyam.
Agad niya itong kinuha saka tumayo. "De-keypad pa ang cellphone niyo, ha" natatawang saad ni Roberto, "Huwag! Pakiusap, tumigil ka na!" sigaw ni Leon pero hindi siya pinakinggan ni Roberto. Binuksan ni Roberto ang inbox ng cellphone saka tiningnan isa-isa ang mga messages doon hanggang sa maptigil siya nang makita ang pangalang 'Boss Nightmare'
Napangisi si Roberto saka pinindot ang text message "Papupuntahin natin dito ang Nightmare na tinutukoy niyo" ngisi ni Roberto saka nagpadala ng mensahe sa number ni Nightmare gamit ang number ni Siyam.
2 am na. Gamit ang number na Siyam, inakala ni Nightmare na ililigtas nila si Leon kasama ang mga kasamahan ngunit ang totoo, si Roberto na ang may hawak ng number ni Siyam noong mga oras na iyon.
***
Mabilis na naglalakad si Audrey sa mahabang kalye papunta sa mansion ni Feliciano. Buo na ang kaniyang deisyon, handa na niyang kalabanin ang sarili niyang lolo para mabigyan ng hustisya ang mga taong pinahirapan at pinatay nito lalong-lalo na ang kaniyang ama na sarili nitong anak.
Maingat niyang kinapa sa bulsa ang communication device na nakatago roon. Ilang sandali pa, napatigil siya nang matanaw ang malaking puting mansion ng kaniyang lolo. Mag-aalas kwatro na ng madaling araw ngunit madilim pa rin ang kalangitan.
Halos nakapatay din ang ilaw sa buong mansion maliban sa mga street light sa labas. Natanaw ni Audrey ang dalawang gwardiya na nagbabantay sa gate ng mansion. Huminga siya ng malalim bago naglakad papalapit doon, "Sino ka?" tanong ng gwardiya, hindi niya masyado maaninag si Audrey dahil madilim ang paligid.
Agad tinutukan ng flashlight ng isang gwardiya si Audrey at nakilala niya ito "Pasensiya na po, hindi naming kayo agad nakilala Ma'm Feliciana" wika ng isa, napaatras din ang isa at nagbigay daan kay Audrey na ngayon ay nakatingin sa kanila ng matalim.
"Nasaan si lolo?" tanong niya, nagkatinginan naman ang dalawa. "Hindi pa po siya umuuwi magmula kagabi. Tatawagan ko----" hindi na natapos ng isang gwardiya ang sasabihin niya dahil biglang nagsalita si Audrey.
"H'wag muna, baka nagpapahinga o natutulog siya sa ibang lugar. Masyado pang maaga para sirain niyo ang araw niya kapag ginising niyo sa tawag. Mamaya niyo na siya tawagan kapag umaga na, nandito naman na ako sa bahay" saad ni Audrey, sinusubukan niyang itago ang kaba at panginginig gamit ang normal na pananalita.
"Opo Ma'm" sabay na sagot ng dalawa. Alam nilang mahigpit na ipinag-utos ni Feliciano na ireport agad sa kaniya kapag umuwi si Audrey sa mansion pero alam din nilang posibleng magalit at tanggalin sa trabaho kapag tumawag sila ng madaling araw sa kaligtnaan ng mahimbing na pagtulog nito.
Bukod doon ay kampante naman na sila na nasa bahay na si Audrey at ilang oras na lang ay sisikat na ang araw kung kaya't napagdesisyunan nila na mamaya na sila tatawag kay Feliciano. Lingid sa kanilang kaalaman ay palihim ding tatakas doon si Audrey kapag nakuha na niya ang lahat ng ebidensiyang kailangan niya.
Nagmamadaling pumasok ng bahay si Audrey, umakyat agad siya papunta sa kwarto niya. Kinuha niya ang isang bag at nilagay doon ang ilan sa mga damit at gamit niya. Wala pang dalawang minuto, natapos na siya sa pag-iimpake. Isinuot na niya ang backpack saka dahan-dahang lumabas sa kwarto.
Ngunit napatigil siya nang mapadaan siya sa opisina ni Feliciano. Sandali siyang napatitig doon, nararamdaman niyang may makukuha pa siyang ebidensiya laban sa kaniyang lolo. Hindi na siya nagdalawang-isip pa at mabilis na naglakad papunta sa pinto, hindi naman siya nabigo dahil hindi ito nai-lock ni Feliciano.
Pumasok na siya roon at dahan-dahan isinara ang pinto. Mabilis niyang inilibot ang kaniyang mga mata sa malaking opisina na iyon. Maraming mga libro ang nakahelera sa bawat gilid. Maayos ding nakabukod ang mga dokumento ng iba't ibang mga negosyo at papeles sa trabaho ng kaniyang lolo.
Kulay pula ang sahig at may chandelier sa itaas ng kisame. Sa unang tingin ay madilim ang buong opisina lalo na dahil kulay dilaw ang ilaw ng chandelier at ang iba pang ilaw sa bawat gilid. May malaki ring pulang kurtina na nasa tapat ng malaking bintana kung saan naroroon ang office chair at desk.
Sa dami ng mga drawers, libro, cabinet at kumpol ng mga papel sa paligid ay hindi alam ni Audrey kung saan siya magsisimula. Napatingin siya sa kaniyang relo na parang nagmamadali kung kaya't hindi na siya nagsayang pa ng oras at naglakad papunta sa helera ng mga drawer na nasa ilalim ng mga bookshelves.
Isa-isa niyang binuksan ang mga iyon pero puro mga papeles at dokumento sa lupa, negosyo at resibo ang naroroon. Hinalungkat na rin niya ang mga libro pero wala ring nakaipit na mahalagang imposrmasyon doon.
Sunod niyang inisa-isa ang mga papel na nasa ibabaw ng mesa, puro mga panukalang batas at project proposal ang mga naroroon. Binuksan din niya isa-isa ang drawer sa ilalim ng mesa pero halos naka-lock ang mga iyon hanggang sa napatigil siya nang mahila ang pinakababang drawer kung saan hindi ito naka-lock.
Nanlaki ang mga mata ni Audrey nang makita ang isang silver nab aril at limang basyo ng bala na nasa loob ng drawer na iyon. Napakakintab ng baril na iyon na animo'y inaakit siya, dahan-dahan niyang hinawakan ang baril at ilang segundo niya itong pinagmasdan.
Sa pagkakataong iyon ay naalala niya ang sinabi noon ni Nightmare habang nasa kampo pa sila...
Isang umaga habang naghuhugas ng plato si Audrey sa likod ng bahay ni Aling Coring. Naabutan niya ang pag-eensayo ng mga binatilyo na magiging bagong kaanib ng grupo. Sinasanay sila nina Nightmare at Leon na matiyagang nagtuturo sa mga bagong miyembro.
Tinuturuan nilang gumamit ng baril at mamaril ng tama ang mga binatilyo. Halos walang kurap si Audrey habang pinapanood sila, kung minsan naman ay napapapikit siya sa gulat sa tuwing maririnig ang malakas na putok ng baril.
Ilang sandali pa, napalingon si Nightmare sa kaniya at nahuli nitong nanood siya. Agad ibinaling ni Audrey ang atensyon niya sa hinuhugusang mga plato pero nagulat siya nang may tumigil pares ng sapatos na tumigil sa tapat niya.
Dahan-dahan siyang napatingala, hindi niya masyado makita kung sino ang lalaking iyon dahil sa sinag ng araw na sumisilaw sa mata niya hanggang sa matakpan ng lalaki ang sinag ng araw at naging malinaw kay Audrey na nakatayo ngayon sa harapan niya si Nightmare.
Nagulat siya nang iabot ni Nightmare sa tapat niya ang isang baril, ilang segundong napatitig si Audrey sab aril na iyon na nasa harapan niya. "Marami nang masasamang loob sa mundong 'to kagaya ko, kaya dapat matuto kang lumaban para sa sarili mo" panimula ni Nightmare, nakasuksok ang isang kamay nito sa bulsa habang ang isa naman ay hawak ang baril na inaabot niya kay Audrey.
Dahan-dahang napatayo si Audrey at nagtatakang nakatingin kay Nightmare. May suot itong pulang bandana sa ulo na mas lalong nakadagdag sa kagwapuhan nito. Aminado naman si Audrey na nasindak nga siya kagabi nang makalaban nina Nightmare at Leon ang grupo nila Oyong sa gitna ng madilim na kalsada.
"Sumunod ka sa'kin" patuloy ni Nightmare at naglakad ito papunta sa pinakadulong bahagi kung saan matatanaw sa malayo ang makapal na tabla ng kahoy na hugis tao. Sumunod si Audrey at napatigil siya nang ipahawak na sa kaniya ni Nightmare ang baril.
Tinuro nito ang target na tabla ng kahoy na hugis tao na halos limampung metro ang layo sa kanila. nahelera rin sa tabi ang mga target na kung saan ginagamit din ng mga bagong miyembro sa pag-eensayo. Isa-isa naman silang tinuturuan ni Leon.
Huminga na ng malalim si Audrey saka itinapat ang baril sa target. "Aim... Fire" wika ni Nightmare gamit ang malalim na boses nito dahilan para mawala sa focus si Audrey, nang barilin niya ang target ay lumihis ang bala at hindi ito tinamaan.
Napakunot naman ang noo ni Nightmare, "Pwede ba? Beginner pa lang----" hindi na natuloy ni Audrey ang reklamo niya dahil biglang naglakad si Nightmare papunta sa likuran niya at hinawakan nito ang magkabilang balikat niya. Napalunok siya sa kaba dahil sa ginawang iyon ng binata.
"Alam mo ba kung bakit hindi nagiging tapat ang isang baril sa taong may hawak sa kaniya?" wika ni Nightmare at dahan-dahan nitong hinawakan ang kamay ni Audrey saka pinosisyon ang dalaga kung paano ang tamang tindig at paghawak sa baril.
"Kaya ba may kasabihan na hindi dapat magtiwala ang tao sa baril?" tanong ni Audrey, sinubukan niyang lumingon pero napagtanto niya na sobrang lapit ng mukha ni Nightmare na nakatayo ngayon sa likuran niya at hawak nilang pareho ang baril habang nakatutok ito sa target.
"Hindi iyon kasalanan ng baril. Dahil ang totoo, nararamdaman ng baril na hindi sa kaniya nagtitiwala ang tao" tugon ni Nightmare, napalunok muli sa kaba si Audrey at hindi na maawat sa pagkabog ang puso niya dahil ramdam niya ang mainit na hininga ni Nightmare mula sa batok niya.
"Sa oras na hawak na ng tao ang baril, wala na dapat siyang ibang isipin kundi ang tamaan ng derecho ang target. Kailangan magtiwala muna ang tao sa sarili niya na matatamaan niya iyon bago magtiwala ang baril sa kaniya. Sa ganoong pangyayari, ang tao at ang baril ay magiging isang sandata. Magiging parte ng kamay ng tao ang baril at ang baril naman ay aayon sa kung anong patatamaan ng tao" paliwanag ni Nightmare, saka niya ipinikit ang mga mata niya at dinama ang buong paligid.
"Bago mo kalabitin ang gatilyo, ipikit mo muna ang mga mata mo at damhin ang tibok ng puso mo" patuloy ni Nightmare, napakunot naman ang noo ni Audrey.
"Damhin ang tibok ng puso?" tanong nito sabay lingon kay Nightmare pero ibinalik niya ulit ang tingin sa target dahil muntik na niyang mahalikan ang binata na ngayon ay nakapikit pa rin sa likuran niya.
"Oo, isipin mo na parang malakas na drum roll ang tibok ng puso mo. Halos lahat ng tao na may hawak ng baril ay bumibilis ang tibok ng puso sa kaba hindi ba? Ngayon alam mo na, na hindi lang pag-ibig ang nagpapabilis ng tibok ng puso... maging ang baril din ay kayang gawin ito" saad ni Nightmare, agad napalayo si Audrey sa takot na marinig ni Nightmare ang tibok ng puso niya. At bukod doon ayaw na mawala sa sistema ng utak niya ang malalim na boses ng binata at ang mainit nitong hininga.
Nagtataka namang napatingin sa kaniya si Nightmare "A-ano bang pinagsasabi mo? Drum roll at tibok ng puso? Nababaliw ka na" kunwaring inis na saad ni Audrey, napahalukipkip naman si Nightmare.
"Isipin mo na parang tunog ng drum roll ang bilis ng tibok ng puso mo. Hindi ba, palaging may drum roll kapag may finale na mangyayari. Bago mo iputok ang baril pakinggan mo ang tibok ng puso na parang drum roll saka mo barilin ang target na para bang pinaghandaan mo iyon" habol pa ni Nightmare, napatitig si Audrey sa hawak niyang baril. Masasabi niya sa sarili na nagustuhan niya ang sinabi ng binata.
Tumngin siya ulit kay Nightmare at sinenyasan siya nito na barilin ulit ang target. "Aim..." wika ni Nightmare, itinutok na ni Audrey ang baril saka ipinikit ang isa niyang mata para makita ng mabuti ang target. Kasabay niyon ay dahan-dahang umihip ang hangin dahilan para maglaglagan ang mga dahon mula sa mga punong nakapalibot sa kanila.
"Fire" saad ni Nightmare, agad kinalabit ni Audrey ang gatilyo at derechong tumama ang bala nito sa pinakagitnang bahagi ng tabla. Napangiti siya nang makitang tinamaan niya ang bull's eye sabay lingon kay Nightmare.
Nakahulikkip pa ito at napangiti rin. "Tandaan mo, kailangan maramdaman ng baril na nagtitiwala ka sa sarili mo bago nito isuko ang sarili niya sa'yo" saad ni Nightmare habang nakatingin ng derecho sa mga mata niya. Magsasalita pa sana si Audrey pero biglang sumulpot si Leon at umakbay sa kanilang dalawa.
"Mas magaling pala humawak ng baril si Audrey kaysa sayo Nightmare. Haay, talo ka talaga ng babae" pang-asar nito, napakunot ang noo ni Nightmare at natawa naman si Audrey. Hindi sila ngayon makawala sa mahigpit na pagkaka-akbay sa kanila ni Leon na animo'y linta.
"May kulang pa, tayo dapat ang magsisilbing bala na susugod sa target!" nakangiting sigaw ni Leon saka hinila ang dalawa na pilit kumakawala sa kaniya pero sa huli ay sumabay na rin ang mga ito tumakbo papunta sa target at nag-unahan silang makalapit doon na animo'y mga batang naghahabulan sa gitna ng gubat.
Natauhan si Audrey nang marinig ang pagkalabog ng upuan mula sa kaliwa. Napalingon siya roon at nakita ang isang maliit na butas ng ventilator. Agad niyang binulsa ang baril at bala na nakuha niya sa pinaka-babang drawer sa mesa ni Feliciano.
Ilang minuto na rin siya nandoon sa loob ng opisina ni Feliciano pero wala pa rin siyang nahahanap na matibay na ebidensiya na pwede niya ring gamitin laban sa lolo niya. ilang sandali pa, napag-desisyunan ni Audrey na umalis na roon pero napatigil siya nang muling marinig ang pagkalabog ng upuan.
Napalingon muli siya sa maliit na butas ng ventilator. Nagtataka siya kung bakit may ventilator sa opisina ni Feliciano kahit pa air-conditioned ang silid na iyon. Dahan-dahan siyang naglakad papalapit sa ventilator at sumilip sa maliit na butas niyon.
Laking gulat ni Audrey nang makita si Aling Coring na nasa baba habang nakatali ang magkabilang kamay at papa nito sa silya. Pilit na inaangat at pinapakalabog ni Aling Coring ang silya habang nakatape ang bibig nito.
Parang nabuhusan ng napakalamig na tubig si Audrey habang tinatanaw si Aling Coring. Magkahalong awa at galit ang nararamdaman niya. Mayamaya pa, tumayo na siya at akmang aalis na roon pero binabagabag siya nang alaala ni Aling Coring.
Napapikit na lang si Audrey at namalayan na lang niya na naglalakad na siya papalabas sa opisina ni Feliciano. Dere-derecho siyang bumaba ng hagdan hanggang sa marating niya ang pinto papunta sa basement. Batid niyang nasa basement si Aling Coring dahil nasa taas ag ventilator kung saan siya sumilip kanina.
Lingid sa kaalaman ni Audrey ay nakita siya ni Chelsea na sa mga oras na iyon ay kakagising lang. Saktong lumabas ito ng kwarto para kumuha sana ng tubig sa kusina, naka-pajama pa ito. Tatawagin niya sana si Audrey pero bigla itong nagtaka dahil nagmamadali ang dalaga at dumirecho ito sa pinto na papunta sa basement kung kaya't dahan-dahan niyang sinundan ito.
Mabilis na nabuksan ni Audrey ang pinto sa basement gamit ang maliit na wire na binili niya kanina sa hardware bago siya dumirecho sa bahay ni Feliciano. Natutunan niya ang pagbukas ng doorknob nang obserbahan niya kung paano iyon gawin nila Nightmare at Leon noon.
Nang mabuksan niya ang pinto sa basement ay maingat niya itong isinara. Halos nakapatay pa ang ilaw sa buong bahay kung kaya't alam niyang tulog pa ang lahat. Pagpasok niya sa basement, napatigil siya nang makita si Aling Coring na hinang-hina na at basang-basa ang buhok at damit nito.
Nagkalat din sa sahig ang dugo at tubig. Nagsimulang humakbang si Audrey papalapit kay Aling Coring, walang segundong lumipas na hindi niya inaalis ang tingin niya sa matandang minsan ding naging parte ng buhay niya pero lahat ng iyon ay nasira nang magtaksil ito sa grupo.
Dahan-dahang iniangat ni Aling Coring ang ulo niya nang maramdamang may paparating. Sa umpisa ay hindi niya pa masyado maaninag kung sino ang nakatayo ngayon sa harapan niya ngunit hindi nagtagal ay unti-unting naging malinaw sa kaniya ang lahat.
Nanlaki ang mga mata ni Aling Coring nang mapagtanto na si Audrey ang nasa harapan niya ngayon. Hinawakan ni Audrey ang dulo ng tape na nasa bibig ni Aling Coring at tinanggal niya iyon. Namumula at maluha-luha ang mga mata ni Aling Coring habang nakatitig kay Audrey. Hindi niya inaasahang makikita ngayon ang dalagang kahit papaano ay inaruga rin niya kahit sa sandaling panahon pero mas pinili pa rin niya ang anak niyang walang ginawa kundi ang itakwil siya.
"B-bakit? Bakit mo nagawang pagtaksilan ang grupo? Ilang libong beses kong pilit na inisip kung bakit mo magagawang lasunin sila at ituro ang kinaroroonan ng kampo" seryosong wika ni Audrey, kasabay nito ang pagpatak ng luha sa kaniyang mga mata habang nakatingin ng derecho kay Aling Coring.
"Ilang taon mo silang nakasama. Halos nasubaybayan mo ang paglaki nilang lahat, tinuring ka nilang ina at isa sa matalik na kaibigan ni Commander Dado at Ka Ferding. Ginagalang ka nilang lahat lalong-lalo na nila Nightmare, Leon, Siyam, Dos, Uno, Onse at tita Melissa pero anong ginawa mo? Pinagkanulo mo sila----" hindi na natapos ni Audrey ang sasabihin niya dahil biglang sumigaw si Aling Coring.
"I-inisip ko lang ang kalagayan ng anak ko! P-papatayin ni Feliciano ang anak ko kapag hindi ko kumampi sa kaniya!" sigaw ni Aling Coring at humagulgol na ito. Napapikit na lang si Audrey habang patuloy na umaagos ang luha sa kaniyang mga mata. Sariwa pa rin sa alaala niya ang pagkamatay ng mga miyembro at ni Ka Ferding noong gabing nilusob sila ng mga sundalo.
"Pinili mo ang anak mo kapalit ang buhay ng buong grupo! Hindi mo inisip na mas minahal at pinahalagahan ka ng grupo kaysa sa anak mong walang pakialam sa'yo" sigaw ni Audrey, hindi na niya mapiglan ang sama ng loob na nagiging dahilan ng pagsikip ng kaniyang dibdib.
"A-anong gusto mong gawin ko? Hindi ko na alam ang gagawin ko! Nasa panganib ang anak ko at gagawin ng isang ina ang lahat para sa anak niya! Nanay din ako na hindi kayang mawala ang sariling anak!" sigaw ni Aling Coring kasabay nito ang hindi na maawat na luha na halos ikasira na ng ulo niya.
Ilang segundong nanahimik si Audrey, napahawak siya sa dibdib niya na naninikip na ngayon dahil sa matinding sama ng loob. Nang mahimasmasan siya ay iminulat na niya ang kaniyang mata "Ikaw ang nagsabi sa'kin noon na hindi nasusukat sa dugo ang pagmamalasakit sa ibang tao. Alam kong alam mo sa sarili mo na minahal ka nilang tunay at tinuring na ina kahit pa hindi mo sila kadugo. Habambuhay mong dadalhin ang konsensiya at sakit bilang isang ina nang talikuran at iwan mo ang mga anak na totoong nagmamahal sa'yo kahit pa hindi sila nanggaling sa sinapupunan mo" seryosong saad ni Audrey sabay talikod at nagsimula na itong humakbang papalabas pero napatigil siya nang magsalita muli si Aling Coring.
"I-ikaw, nagsinunggaling ka rin naman sa kanila. Ikaw pala ang apo ni Feliciano na matagal nang nawawala. Naglihim ka rin sa mga taong tumanggap sa'yo at hindi sa'yo pinaramdam na isa kang bihag" galit na wika ni Aling Coring. Napahawak naman si Audrey sa kamay niyang nanginginig na ngayon.
"A-ako nga ang apo ni Feliciano at kahit siya ang kadugo ko. Pinili ko pa rin ang mga taong nagparamdam sa'kin ng totoong pagmamahal at pagmamalasakit. Pinili ko ang grupo dahil sila ang nagparamdam sa'kin ng lahat na iyon na hindi ko naramdaman sa sarili kong kadugo" matapang na saad ni Audrey nang hindi lumilingon kay Aling Coring at naglakad na siya papalayo.
Sumigaw pa si Aling Coring at humagulgol nang napakalakas pero hindi na siya nilingon ni Audrey hanggang sa makalabas ito ng pinto. Napasandal si Audrey sa pinto nang maisara na niya iyon, sandali niyang pinakalma ang sarili at pinahid ang mga luha niyang wala nang awat sa pagbagsak ngunit napatigil siya nang biglang may magsalita muli sa gilid.
"A-ate Audrey, t-totoo ba? Na may masamang gawain si lolo?" gulat na tanong ni Chelsea na nakatayo sa gilid ng pinto. Tulad niya ay lumuluha na rin ito mula nang marinig ang lahat ng pag-uusap ni Audrey at Aling Coring. Ikinagulat din ni Chelsea na may bihag ang lolo niya na ikinulong pa sa basement.
"Chelsea..." hindi na natapos ni Audrey ang sasabihin niya dahil biglang humakbang paatras ang dalagita. "G-gumagawa ng masama si lolo? P-pumapatay siya? at nagpapahirap ng mga tao?" hagulgol ng dalagita, magsasalita pa sana si Audrey pero nagulat sila nang biglang bumukas ang pinto sa main door.
Kasabay nito ay ang pagbukas ng lahat ng ilaw sa buong bahay. Huli na ang lahat dahil nakita na sila ni Feliciano kasama ang mga bodyguards nito na nasa likuran. Gulat na napatingin si Feliciano kay Audrey at Chelsea. Ang mas ikinabahala niya ay kung bakit naroroon ang dalawa sa pinto ng basement at parehong namamaga ang mga mata.
"P-paano ka nakabalik---" hindi na natapos ni Feliciano ang sasabihin dahil biglang nagsalita si Chelsea. "Lolo, totoo ba? Na isa kang masamang tao?" buwelta ng dalagita na ikinagulat nilang lahat.
Sinubukang pigilan ni Audrey si Chelsea pero bumitaw ito sa pagkakahawak niya. "Sino 'yung kinulong niyo sa basement? At ano 'yung sinasabi nila kanina na pinapatay niyo?" banat pa ni Chelsea sabay turo sa pinto ng basement.
Seryoso nang nakatingin sa kanila si Feliciano. Abot langit na rin ang kaba ni Audrey dahil hindi dapat siya mahuli ni Feliciano roon. "Dalhin niyo na si Chelsea sa kwarto niya" mahinagong utos ni Feliciano sa dalawang tauhan niya. Agad naman itogn sumunod sa kaniya at kinaladkad nila si Chelsea paakyat sa kwarto nito pero nagsisisgaw at nagpupumiglas ang dalagita.
Alam naman ni Audrey na hindi magagawang saktan ni Feliciano si Chelsea dahil ito ang kilalang apo ng sambayanan at siya ring mula sa makapngyarihang pamilya sa pamilya ng ina nito. Ngunit naroon pa rin ang pangamba niya dahil batid niyang sa oras na lumagpas si Chelsea sa hangganan ng lolo niya ay magagawa nitong ipapatay ang dalagita tulad nang ginawa nitong pagpatay sa sariling anak na si William.
Nasa kalahaii pa lang ng baytang sa hagdan si Chelsea bitbit ng dalawang bodyguard nang magsalita muli si Feliciano "Dalhin niyo rin si Audrey sa kwarto niya" utos nito, tumango naman ang dalawang tauhan at akmang lalapit na kay Audrey nang biglang hugutin ng dalaga ang baril mula sa bulsa nito at itinutok sa kanila.
"H'wag kayong lalapit!" banta ni Audrey habang hawak ng mahigpit ang baril. Nanlaki ang mga mata ni Feliciano nang makilala na ang baril na iyon ay pagmamayari niya. Napatingin si Feliciano sa suot na backpack ng dalaga at unti-unting naging malinaw sa kaniya na pumasok ito sa opisina niya kung kaya't nakuha nito ang baril niya.
"Mag-hunos dili ka apo, pag-usapan natin 'to ng maayos" saad ni Feliciano, pilit niyang tinatago sa hitsura niya ang matinding pangamba nab aka may nakuhang mahalagang dokumento si Audrey dahil nakapasok ito sa opisina niya.
Sinubukang maglakad ni Feliciano papalapit kay Audrey pero napatigil siya nang itutok nito ang baril sa kaniya "A-akala mo ba hindi kita magagawang patayin? Pinatay mo si papa! Pinatay mo ang sarili mong anak!" sigaw ni Audrey, umalingangaw sa buong bahay ang boses niya na halos ikabingi ng lahat.
Napatigil din at gulat na napatingin sa kanila si Chelsea na patuloy na kinakaldkad ng mga tauhan pabalik sa kwarto nito. "Sinong ama ang magagawang ipapatay ang sariling anak maprotektahan lang ang sariling pangalan at ambisyon! Ikaw ang pinakawalang kwentang ama sa buong mundo!" sigaw pa ni Audrey na namumula na sa galit habang nanlilisik ang mga mata nitong nakatingin sa lolo niya.
"Hinding-hindi kita mapapatawad! Kinakahiya ko na naging kadugo kita! Mas pipillin kong mamatay kaysa makasama ka----" hindi na natapos ni Audrey ang sasabihin niya dahil biglang sumigaw si Feliciano, hindi na nito nakayanan pa ang lahat.
"Oo! Pinapatay ko nga ang papa mo! Ako rin ang nagpapatay sa mama mo! Hindi siya namatay sa sakit... Nilason ko siya ng dahan-dahan at alam mo kung bakit ko ginawa 'yon?" sigaw ni Feliciano at nagsimula itong humakbang papalapit kay Audrey pero biglang nanigas si Audrey sa kaniyang kinatatayuan dahil sa hindi inaasahang pag-amin ni Feliciano. Maging ang katotohanan sa likod ng pagkamatay ng kaniyang ina.
"Dahil hinukay din ng mama mo ang katotohanan sa pagkamatay ng papa mo. Pinagbantaan din niya ako na isisiwalat sa buong mundo ang ginawa ko sa sarili kong anak. Katulad ka rin ng mga magulang mo, ngayon ikaw naman ang nangbabanta sa'kin. Sa tingin mo ba hindi ko kayang gawin sa'yo ang ginawa ko sa kanila?" nanggigigil sa galit na saad ni Feliciano, namumula at maluha-luha ang mata nito na parang demonyong naninidak.
"Sige, iputok mo 'yan sa ulo ko. Patunayan mo sa buong mundo na apo nga kita. Na kaya mo ring patayin ang sarili mong kadugo!" hamon ni Feliciano habang dahan-dahang humahakbang papalapit kay Audrey. "Hindi ka marunong bumaril? Ano?!" kantyaw pa nito, napahakbang paatras si Audrey hanggang sa ma-corner na siya sa pinto ng basement.
Ipinikit ni Audrey ang isang mata saka tinutok ng mabuti ang baril sa ulo ni Feliciano. "Aim..." bulong niya sa sarili, naalala ang lahat ng itnuro sa kaniya noon ni Nightmare.
Nagkatinginan ang mga bodyguard ni Feliciano, wala silang magawa dahil nakatutok ngayon ang baril sa ulo ng kanilang amo. Nanigas din si Chelsea at walang boses na lumalabas sa bibig niya habang pinapanood ang buong pangyayari.
Sa bawat pagpatak ng segundo ay parang malaking bato sa lalamunan ang kinakaharap nila dahilan para hindi sila makahinga ng maayos. Sa tindig at pwesto ni Audrey ay siguradong derechong tatama ang bala sa ulo ni Feliciano bagay na mas lalong naghahatid ng matinding kaba sa lahat.
"Fire" saad ni Audrey at kinalabit na niya ang gatilyo ng baril, halos napasigaw ang lahat lalo na si Chelsea at nawalan din ng malay. Napapikit din si Feliciano, ramdam niya ang biglang pagtigi ng tibok ng puso niya dahil sa matinding takot pero narinig niya ang matinis na tunog ng gatilyo at walang balang lumabas sa baril na hawak ni Audrey.
"Sa susunod na itututok ko sa'yo ang baril na'to. Asahan mong may laman na itong bala na tatapos sa buhay mo" matapang na saad ni Audrey at dahan-dahan na niyang ibinaba ang baril. Nanghina ang tuhod ni Feliciano at tuluyan siyang napabagsak sa sahig.
Napalingon si Audrey kay Chelsea na nasa taas ng hagdan, wala na itong malay habang hawak ng dalawang tauhan ni Feliciano. Hindi niya gustong makita ni Chelsea ang ganoong pangyayari lalo na ang umabot sa sukdulan ang hidwaan nila ni Feliciano pero wala na siyang magagawa dahil nangyari na.
Ibinulsa na ni Audrey ang baril at nagsimulang maglakad papalabas ng pinto pero nagulat siya nang biglang agawin ni Feliciano ang baril ng tauhan niya na umaalalay sa kaniya patayo at binaril niya si Audrey. Derechong tumama ang bala sa hita ng dalaga at agad itong nadapa sa sahig.
Napasigaw siya sa sakit nang maramdaman ang mainit na bala na nakabaon sa laman ng kaniyang hita. Tumayo si Feliciano at paika-ikang naglakad papalapit sa kaniya "Hindi ka na dapat nagdalawang-isip pang barilin ako" seryosong saad nito, nanginginig na gumapang si Audrey papunta sa pintuan pero agad sinenyasan ni Feliciano ang mga tauhan niya na kaladkarin ang dalaga at isakay sa kotse.
Nagsisisigaw at pilit na nagpupumiglas si Audrey habang hinihila siya papalabas ng bahay. Ilang sandali pa, hinampas siya sa batok ng isang tauhan ni Feliciano dahilan para mawalan siya ng malay.
***
Naalimpungatan si Audrey sa lakas ng amoy ng sigarilyo sa paligid. Nang imulat niya ang kaniyang mga mata, naramdaman niya ang malakas na hangin na tumatama sa mukha niya. Nakahiga siya ngayon sa maalikabok na sahig na puno ng mga basag na bote ng alak, upos ng sigarilyo at bitak-bitak na mga bato at semento.
Una niyang nakita ang sira-sirang pader na halos gumuho na sa kalumaan. Puno rin ng vandalism ang mga pader at kisame ng abandonadong building na kinaroroonan nila ngayon. Nang ibaling niya ang paningin niya sa kanan ay nakita niya ang napakalaking bukana dahil wala nang pader roon. Nakita niya ang lumang karatula ng building 'Hillside Village'
Sinubukang bumangon ni Audrey pero nakatali ang dalawa niyang kamay at paa. Bukod doon ay naramdaman na niya ang matinding kirot mula sa tama ng bala sa kaniyang hita. Napatingin siya sa kaliwang hita niya na dumudugo pa rin hanggang ngayon. Batid niya na kaya siya nakakaramdam ng matinding panghihina ngayon ay dahil nauubusan na siya ng dugo.
Dahan-dahan niyang ikinabig ang braso niya at sinubukang bumangon. Napalingon siya sa buong paligid at laking gulat niya nang makita si Leon na nakalambitin sa ere. Nakatali ang dalawang kamay nito paitaas at wala na itong damit pang-itaas.
Puno ng sugat at pasa ang katawan ni Leon at hinang-hina na rin ito. Mag-aalas sais na ng umaga, papasikat na ang araw pero makulimlim pa rin ang kalangitan. Sinubukang gumapang ni Audrey papalapit kay Leon pero bigla siyang napatigil nang magsalita ito.
"D-diyan ka na lang, babalik pa sila" saad ni Leon habang hinahabol nito ang sariling paghinga. Medyo tuyo na ang buhok nito at pantalon. "A-anong nangyari? Nasaan tayo? P-paanong---" hindi na natapos ni Audrey ang sasabhin dahil unti-unting naging malinaw sa kaniya lahat.
Dinakip siya ni Feliciano at ngayon ay nasa ika-38 na palapag sila ng abandonadong building. Ramdam nila ang pag-ihip ng hangin mula sa itaas bagay na mas lalong nakadagdag sa kaba ni Audrey. "P-paano tayo makakaalis dito? Nasaan na sila Siyam, Dos at tita Melissa? Hindi ba ililigtas ka nila kasama si Nightmare?" sunod-sunod na tanong ni Audrey, hindi na siya mapakali at natatakot siyang malaman kung bakit nagkagulo ang lahat at kung bakit nandito pa rin si Leon. Ibig sabihin ay hindi nila naisagawa ng tagumpay ang plano.
"W-wala na sina tita Melissa, Siyam at Dos" wika ni Leon, halos wala nang boses na lumabas sa lalamunan niya. At hindi na rin maawat ang pagbagsak ng luha niya. Napayuko na lang siya habang inaalala ang lahat ng nangyari kanina. Nang sabihin ni Dos kay Roberto ang pangalan ni Nightmare ay binaril din ni Roberto sa ulo si Dos.
"H-hindi! N-nagpadala pa ng text si Siyam na nakasakay na sa barko si tita Melissa at ililigtas nila ikaw. U-umalis si Nightmare para makipagkita sa kanila at i-iligtas ka" ulit pa ni Audrey, hanggang sa mapatulala na lang siya nang mapagtanto niya na posibleng nahulog sa bitag si Nightmare.
"W-wala na sila. S-si Roberto ang nagpadala ng text gamit ang number ni Siyam" nakayukong saad ni Leon, hanggang ngayon ay nanggagalaiti pa rin siya sa galit.
"K-kailangan nating tumawag ng tulong" nagmamadaling saad ni Audrey sabay kapa sa bulsa niya pero hindi niya makuha ang communication device na naroroon dahil nakatali ang magkabilang kamay niya sa likod.
Napamura na lang siya sa inis habang pilit na inaabot ang bulsa ng cardigan na suot niya pero ayaw mahulog nito. "K-kahit papaano, masaya akong makita kang muli, Feliciana" saad ni Leon dahilan para mapatigil siya at mapalingon sa binata.
"N-naalala mo pa ba ako?" patuloy nito sabay ngiti ng kaunti, kitang-kita ni Audrey ang dugo na bumabalot sa ngipin nito. Puno na rin ng sugat at pasa ang mukha ng binata.
Tumango si Audrey ng dalawang beses, kasabay niyon ang pagpatak ng luha niya. Napalapit din sa kaniya si Leon na palagi silang pinapatawa at inaasar ni Nightmare. Wala pa rin itong pinagbago tulad noong mga bata pa sila "M-masaya rin akong makita ka muli, Julian" tugon ni Audrey habang tuloy-tuloy ang pagpatak ng luha niya.
Ngumiti muli si Leon kahit hinang-hina na ito "K-kahit makaligtas tayo dito, pakiramdam ko hindi na rin ako magtatagal" patuloy ni Leon at bigla siyang napaubo ng dugo. Ilang beses siyang nakatanggap ng tadyak sa sikmura, dibdib at likod at siguradong napuruhan ng malalim ang bituka at atay niya.
Nanlaki ang mga mat ani Audrey at gumapang siya papalapit kay Leon. Pawis, luha at alikabok na ngayon ang naghahalo sa mukha ni Audrey "L-lumaban ka, makakaalis din tayo dito. H'wag kang pipikit pakiusap" pagsusumamo ni Audrey, ngumiti ng marahan si Leon sabay tingin ng derecho sa kaniya.
"B-bago ako mamatay. Gusto kong malaman mo na... Gusto kita" saad ni Leon, napapikit lang si Audrey habang nakadapa sa sahig. "N-nagustuhan kita noong nakasama ka namin sa kampo. Masaya na ako na gusto kita at sapat na iyon. Alam ko namang iba ang gusto mo pero ayos lang 'yon dahil siya rin naman ang unang nagkagusto sa'yo nung mga bata pa tayo" patuloy ni Leon habang nakangiti ito sa sarili. Naalala niya na matagal nang may gusto ang batang si Nightmare noon sa kalaro nilang babae na si Feliciana. At nang muling mag-krus ang landas nila, ilang beses ding nahuli ni Leon ang malalalim na tinginan ni Leon at Audrey sa isa't isa.
"S-sayang nga lang dahil ngayon ko pa nasabi sa'yo kung kailan hindi romantic ang paligid" saad ni Leon at natawa siya sa sarili. Nanatili namang umiiyak si Audrey at hindi niya alam ang sasabihin. Parang nakakatandang kapatid ang turing niya kay Leon kung kaya't masakit din para sa kaniya ang hindi maibalik ang pagtingin nito.
"H-huwag ka na umiyak. Malalagot ako kay Nightmare at baka isipin pa niya na inaway kita" biro pa ni Leon, sa pagkakataong iyon at napangiti niya si Audrey. Hindi na nila malaman kung bakit nakangiti sila habang lumuluha.
"Maraming Salamat sa lahat, Julian. Kung alam mo lang kung gaano ako kasaya na makasama kayo ulit at ikaw ang palaging nagpapagaan sa amin ni Nightmare. Ang mga biro at pang-aasar mo ay naging parte na ng buhay namin. Hindi kami mabubuhay nang wala ka kaya pakiusap huwag kang susuko, makakaalis pa tayo dito" saad ni Audrey, ipinikit naman ni Leon ang kaniyang mga mata saka ngumiti at tumango.
Magsasalita pa sana si Audrey pero biglang bumukas ang pinto. Gulat silang napalingon sa pagdating ni Feliciano kasama sina Roberto at ang anak nitong Jacinto. Agad ding pumalibot sa kanila ang halos dalwampung tauhan ng mga ito.
"Sa mga oras na 'to, kayong dalawa na lang ni Nightmare ang natitirang miyembro ng grupo" saad ni Feliciano sabay lingon kay Roberto. Gamit ang cellphone ni Siyam ay na-track nilang lahat ang mga natitira pang miyembro, isa-isang hinalughog ang tinitirhan ng mga ito at pinagpapatay silang lahat.
"Nasaan na ba ang Nightmare na 'yan?" hirit pa ni Roberto habang nakangisi sa cellphone ni Siyam na hawak niya. "Babangungutin na ako sa inip, ah" tawa naman ni Jacinto pero nagulat silang lahat nang biglang bumagsak sa sahig si Roberto na ngayon ay may tama na ng bala sa ulo.
Nagulat ang lahat at nagsimula silang pumwesto sa bawat sulok habang hawak-hawak ng mahigpit ang kanilang mga baril. Agad namang sinalo ni Jacinto ang ama na ngayon ay dilat ang mata at wala nang buhay. Nagsisisigaw ito at pilit na ginigising ang ama.
Lingid sa kanilang kaalaman ay nasa katapat na abandonadong building si Nightmare kung saan inihanda niya ang mahabang baril na gamit ng mga sniper. Nang dumating siya sa abandonadong building kung saan sinabi nabasa niya sa text ni Siyam na doon sila magkikita ay naabutan ni Nightmare ang pagbaba ni Roberto sa sasakyan kasama ang mga tauhan nito.
Doon pa lang ay naghinala na siya. Nagtago muna siya sa likod ng isang pader at nakita niyang dinukot ni Roberto ang cellphone ni Siyam na agad nakilala ni Nightmare. Ilang sandali pa, naka-receive si Nightmare ng text mula sa number ni Siyam, sinabi nitong naroon na sila sa abandonadong building ni Dos.
Inilibot ni Nightmare ang mata niya pero hindi niya nakita si Siyam at Dos. Sa pagkakataong iyon ay naging malinaw sa kaniya na balak siyang i-trap ni Roberto. Agad kinuha ni Nightmare ang simcard mula sa de-keypad niyang cellphone at sinira iyon.
Itinapon na rin niya sa gilid ang cellphone saka pinagmasdan mabuti mula sa di-kalayuan si Roberto at ang mga tauhan nito. Ilang sandali pa, dumating na rin ang anak nitong si Jacinto kasama si Feliciano na inaalalayan ng dalawang tauhan nito.
Sumakay sa lumag elevator sina Feliciano, Roberto at Jacinto kasama ang mga tauhan nito paakyat sa 38th floor. May naiwang dalawang tauhan sa tapat ng elevator. Nang sumarado ang elevator, mabilis na kinuha ni Nightmare ang balisong niya saka sinaksak ang isang tauhan sa leeg.
Mabilis din niyang sinipa ang isa pang tauhan at sinaksak ito sa dibdib ng limang beses. Kinuha n ani Nightmare ang dalawang mahahabang baril nito na maaaring gamitin ng sniper. Dali-daling tumakbo si Nightmare papunta sa katapat na abandonadong building at umakyat sa hagdan.
"May sniper!" sigaw ng isang tauhan pero agad itong nabaril ni Nightmare sa dibdib. Pinaligiran naman ng apat na tauhan si Feliciano at Jacinto. Napadapa sa sahig si Audrey habang hawak ang kaniyang ulo dahil nahuhulog ang ilang bitak ng bato mula sa kisame.
Nagkakagulo na ang lahat, hindi nila malaman kung saan nagtatago ang sniper. Sunod-sunod na pinagbabaril ni Nightmare ang lima pang tauhan ni Feliciano, ni isang bala ay walang lumihis at derechong tumama sa ulo at dibdib ng mga kalaban.
Ang hindi alam ni Nightmare ay nakita na siya ng isang tatlong tauhan na nasa ibaba ng building. Mabilis itong umakyat papunta sa kinaroroonan ni Nightmare at dahan-dahan silang lumapit sa binata habang nakatalikod ito at abala sa pamamaril.
Isang bala ang tumama sa balikat ni Nightmare dahilan para bigla niyang mabitawan ang mahabang baril at mahulog ito sa bintana. Napabagsak siya sa sahig at sinubukan niyang hugutin ang balisong niya pero mabilis siyang dinaganan ng dalawa pang kalaban saka binali ang braso niya dahilan para mapasigaw siya ng malakas dahil sa sakit.
Gulat na napabangon si Audrey at napalingon sa paligid nang marinig ang malakas na sigaw ni Nightmare. Agad tumawag kay Feliciano ang tauhang nakadakip kay Nightmare, "Dalhin niyo na 'yan dito" seryosong saad ni Feliciano at napatingin siya kay Audrey na ngayon ay nanginginig na sa takot.
Makalipas lang ang ilang minuto, dumating na ang tatlong tauhan bitbit si Nightmare na duguan na ang balikat at braso. "H-hindi!" sigaw ni Audrey pero agad siyang hinila ng isang tauhan. Nanlaki naman ang mga mata ni Leon at pilit siyang nagpupumiglas mula sa pagkakatali.
Agad tinulak ng tatlong tauhan si Nightmare sa sahig dahilan para sumubsob ang mukha nito sa mabatong sahig na puno ng bubog at upos ng sigarilyo. Nasugat ang pisngi ni Nightmare at dumugo ang ilong nito na tumama sa matigas na sahig.
"H-huwag! Pakisuap!" sigaw ni Audrey nang magsimulang maglakad si Feliciano papalapit kay Nightmare. Hinila niya ang kwelyo nito saka tiningnang mabuti ang binata "Ikaw nga ang apo ni Cristobal" seryoso niyang saad, hindi niya maitatanggi na kamukhang-kamukha ng ani Nightmare ang lolo nito na si Cristobal Sallez noong kabataan pa nito.
Nagulat si Audrey nang biglang suntukin ni Feliciano sa mukha si Nightmare "Tama na! Tumigil ka na!" pagsusumamo ni Audrey at pilit siyang nagpupumiglas sa kapit ng dalawang tauhan ng kaniyang lolo.
Maka-ilang beses pang sinuntok ni Feliciano sa mukha si Nightmare at nang dumugo na ng tulugan ang ilong at mamaga na ang mukha nito ay binitiwan na niya ang binata at itinulak muli sa mga bubog. "Katulad ka rin ng lolo at papa mo. Pare-pareho kayong mga tanga, hindi kayo nakakaramdam ng panganib at kusa kayong lumalapit sa kamatayan" natatawang saad ni Feliciano. Naalala niya kung paano rin napaniwala noon si Cristobal at Manuel na tutulungan niya kunwaring tumakas pero sa huli ay pinapatay niya ang mga ito at pinasabog ang barkong sinasakyan ng mga ito.
Napatigil sa pagtawa si Feliciano nang biglang magsalita si Nightmare "Katulad nga nila ako, hindi ko magagawang iwan ang kaibigan at ang mahal ko. Dahil hindi kami tulad mo na magagawang patayin ang sariling pamilya para lang maprotektahan ang sarili" matapang na sagot ni Nightmare habang nakatingin ng matalim kay Feliciano bagay na hindi nito nagustuhan.
Nang dahil sa sinabi ni Nightmare ay inagaw ni Feliciano ang baril ni Jacinto saka itinutok sa ulo ni Nightmare. Hindi naman natinag ang binata at nanatili pa rin itong nakatingin ng matalim sa kaniya. "Huwag! Pakiusap!" sigaw ni Audrey habang nagpupumiglas hanggang sa maramdaman niya ang pagluwag ng lubid na nakatali sa kaniyang kamay.
"Magpasalamat ka sa'kin dahil makikita mo na muli ang pamilya----" hindi na natapos ni Feliciano ang sasabihin niya habang nakatutok ang baril na hawak niya kay Nightmare dahil biglang nakawala si Audrey, naagaw nito ang baril na nakasuksok sa bulsa ng tauhang may hawak sa kaniya at mabilis siyang nakawala.
Tumakbo siya papalapit sa kanila, iniharang niya ang sarili niya kay Nightmare na nakahandusay sa sahig at itinutok niya ang hawak na baril sa tapat ni Feliciano. "H-hayaan mo na kami. Hindi ka na namin guguluhin kahit kailan, p-pakiusap" saad ni Audrey habang patuloy na bumabagsak ang luha niya.
Hindi natinag si Feliciano, hindi niya ibinaba ang baril na hawak niya habang galit na galit na nakatitig sa sariling apo. Nagawa na siyang tutukan nito ng baril kanina pero hindi naman siya nagawang barilin nito kung kaya't kampante siya na hindi iyon magagawa muli ni Audrey.
Magsasalta sana si Feliciano pero napansin niya ang kulay pulang ilaw na nasa bulsa ni Audrey. Napatingin din si Audrey sa bulsa niya at kinuha niya ang communication device na naka-on sa mga oras na iyon. Naka-konekta ang live recorder na iyon sa linya ng CMZ News.
Lingid sa kanilang kaalaman, bago pa magtungo si Audrey sa mansion ni Feliciano ay tumawag muna siya kay Sir Migs sa isang local telephone. Humingi siya ng tulong kay Sir Migs na kapartner niyang camera man noong reporter pa siya sa CMZ News.
Agad inilapit ni Sir Migs ang pakiusap na iyon ni Audrey sa news director nila at nang malaman nito na tungkol sa kasiraan ni Feliciano Medina ay hindi na nagdalawang-isip pa ang news director na pumayag sa live radio broadcasting na nais ni Audrey dahil ikinasama ng loob niya ang ginawang pang-iisnob at pamamaliit sa kaniya ni Feliciano kahapon. Sa pamamagitan ng communication device hawak ni Audrey madali nilang nakonekta sa linya ng CMZ News.
Nanginginig at gulat na gulat si Feliciano sa mga nangyayari. Hindi niya akalaing malilinlang siya ng sariling apo ng ganoon. Ang lahat ng pinaghirapan niya para lang maiangat ang sarili, mapangalagaan ang sariling pangalan, makuha ang pinakamataas na posisyon sa senado, at makuha ang pinakamataas na posisyon sa gobyerno na magin presidente ay unti-unting gumuguho na ngayon.
"Hindi ko na kailangan pang pagbantaan ka na isiswalat ko sa buong mundo ang lahat ng kasamaan mo dahil ikaw na mismo ang nagsiwalat ng lahat" saad ni Audrey at itinapat niya sa bibig niya ang recorder "Live mula dito sa Hillside Village... Audrey Feliciana Medina, CMZ News" napahawak si Feliciano sa tapat ng puso niya dahil sa matinding sama ng loob.
Akmang susugurin niya si Audrey pero napatigil siya nang itutok nito muli ang baril sa kaniya. "Hindi ba, sinabi ko sa'yo kanina na sa susunod na itututok ko sa'yo ang baril na 'to ay siguradong may laman na itong bala" patuloy ng dalaga at binaril niya ng dalawang beses si Feliciano pero mabilis na hinila ni Feliciano ang katabing si Jacinto at iniharang niya ito sa sarili niya kung kaya't si Jacinto ang tinamaan ng bala sa dibdib at sikmura.
Mabilis ding naagaw ni Feliciano ang isa pang baril ng tauhan niya, dalawa na ang hawak niyang baril na derecho niyang pinatama kay Leon na nakalambitin sa ere. Agad niyakap ni Nightmare si Audrey at hinila ito pabagsak sa sahig para hindi tamaan ng bala.
"Hindi!" sigaw ni Nightmare nang makita ang sunod-sunod na pagtagos ng bala sa dibdib, sikmura at lalamunan ni Leon. Mabilis siyang tumayo at tumakbo papaunta sa kaibigan para hilahin ang tali pababa ngunit maging siya ay tinamaan din ng sunod-sunod na bala sa likod na tumagos sa kaniyang dibdib at sikmura.
"Huwaaaag!" malakas na sigaw ni Audrey habang dahan-dahang napigtal ang lubid at dahan-dahang nahulog si Leon at Nightmare sa walang harang na pader mula sa ika-38 na palapag ng mataas na building na kinaroroonan nila.
Dere-derechong nahulog ang dalawa at bumagsak ang kanilang katawan sa mabatong lupa sa ibaba na puno ng mga bumigay na pader at mga bubog ng salamin. Agad tumakbo si Audrey papunta sa dulo pero naabutan siya agad ng dalawang tauhan ni Feliciano at pinigilan siya ng mga ito na tumalon mula roon.
Nagsisisigaw si Audrey hanggang sa mawalan siya ng boses. Tila unti-unting gumuguho ang mundo niya at hindi na niya maramdaman ngayon ang buong katawan niya na nababalot ng lamig sa sobrang galit at takot. "Hindi! Hindi! Hindi!" paulit-ulit na sigaw ni Audrey habang nakadungaw sa ibaba at pilit siyang hinihila ng dalawang tauhan.
Kasabay ng pagbuhos ng mga luha niya ay ang pagpatak ng ulan mula sa kalangitan. Nakahandusay sa lupa si Nightmare at Leon na pareho nang naliligo sa sarili nilang mga dugo. Sa pagkakataong iyon, pilit na hinahabol ni Nightmare ang kaniyang paghinga habang patuloy ang pagbulwak ng dugo mula sa kaniyang ulo.
Dahan-dahan siyang napalingon kay Leon na wala nang buhay ngayon, nakahandusay din ito sa tabi niya, dilat ang mata na nakatingin sa kalangitan. Naalala niya ang isinagot noon ni Leon nang tanungin sila ni Audrey kung ano ang gusto nilang makita bago sila lagutan ng hininga...
"Kung ako ang papipiliin, gusto kong makita ang langit bago ako tuluyang lagutan ng hininga. Gusto kong pagmasdan ang mga ulap at mga ibong nagliliparan na parang kayang-kaya ko na sila abutin" tugon ni Leon sabay tingala sa kalangitan, paborito niya talaga pagmasdan ang maganda at malawak na langit. Nakatayo silang tatlo sa tuktok ng bundok matapos nilang ikabit ang antenna para sa TV na binili noon ni Melissa.
"Ako naman, gusto ko makita ang pagbasak ng ulan bago ko ipikit ang mga mata ko sa kawalan. Gusto ko ring maramdaman ang pagdampi ng tubig ulan sa buong katawan ko na para bang umiiyak sila dahil mawawala na ko sa mundo" saad naman ni Audrey sabay ngiti sa kanila.
"Ang dramatic naman ng gusto mo. Parang sa pelikula" natatawang komento ni Leon. Natawa na lang din si Audrey at sabay silang napalingon kay Nightmare na napatulala sa kagandahan ng lugar na iyon.
"Ikaw naman Nightmare, anong gusto mong makita sa mga huling segundo bago ka mamatay?" tanong muli ni Audrey.Napahinga naman ng malalim si Nightmare sabay suksok ng dalawang kamay niya sa bulsa ng itim na jacket na suot niya.
"Kung pagbibigyan ako ng langit, gusto kong makita ang taong pinahahalagahan ko bago ako lagutan ng hininga. Gusto kong malaman niya sa pamamagitan ng aking mga mata na masaya akong nakilala ko siya, na nagpapasalamat ako dahil dumating siya sa buhay ko at sabihing huwag siyang malulungkot kapag wala na ako" sagot ni Nightmare, dahan-dahan siyang lumingon kay Audrey, tumingin ng derecho sa mga mata ng dalaga na para bang sinasabi niyang 'Tandaan mo ang sinabi kong ito'
Napatingala si Nightmare sa kalangitan habang dahan-dahang bumabagsak ang tubig ulan. Kitang-kita niya kung paano nag-aagaw ang liwanag at ang dilim. Ramdam niya ang pagdampi ng malamig na tubig ulan na tila tumatangis.
Sa huling pagkakataon ay napatingin siya kay Audrey na patuloy na umiiyak at sumisigaw mula sa itaas ng building. Kasabay ng pagbuhos ng ulan ay napangiti siya habang nakatingin sa dalaga "M-masaya ako na kayo ni Leon ang huli kong makikita" ngumiti siya kay Audrey. "P-patawad kung hindi ko nasabi sa'yo na... Mahal kita" bulong ni Nightmare sa sarili hanggang sa unti-unti nang dumilim ang kaniyang paningin.
Bago siya tuluyang bawian ng buhay, nakangiti siyang nakatingin kay Audrey hanggang sa dahan-dahan niyang ipikit ang kaniyang mga mata at tuluyan na siyang binawian ng buhay. Kasabay niyon ay ang pagpatak ng luha mula sa mga mata ni Nightmare na humalo sa tubig ulan na hindi na maawat sa pagbagsak tulad ng puso ni Audrey na nagdadalmhati sa pagkawala ng kaibigan at ng binatang tanging nagpapatibok sa puso niya.
*********************************
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top