Mistake 24
[Kabanata 24]
Halos mag-iisang oras nang pinagmamasdan ni Nightmare si Audrey na nakaupo sa sementong pader habang pinapanood nito ang malawak na dagat. Alas-siyete na ng gabi, tahimik na rin ang buong paligid. Bihira lang ang dumadaang sasakyan sa kalsada at wala ring taong naglalakad sa dalampasigan.
"Ayos na ba 'tong isang dalawang unan at isang kumot para sa inyo? Hijo" tanong ng isang matandang babae na nasa edad pitumpu na. Sa katabing health center ay may maliit na hotel na ang disenyo ng mga kwarto ay Filipino bahay-kubo style. Tumango si Nightmare at nagpasalamat saka ibinalik ang tingin kay Audrey na nakatilokod sa kaniya.
Nasa tabi ng kalsada ang hotel na may anim na kwarto. At pagtawid lang sa kalsada ay naroon na ang mahabang beach wall na gawa sa semento na maaaring upuan. Kasalukuyang nakaupo roon si Audrey mag-isa at kanina pa siya pinapagmamasdan ni Nightmare na nakatayo sa pintuan ng kwartong inupahan nila.
"Ano palang almusal ang gusto niyo para bukas?" tanong ng matandang babae na siyang nag-aasikaso sa hotel na pagmamay-ari ng kaniyan anak na nasa ibang bansa.
Natauhan si Nightmare nang marinig ang boses muli ng matanda na papalabas na sa silid. "Kayo na po ang bahala" tugon niya. "Sige, magpahinga na kayo. Katukin niyo na lang ako sa kabilang kwarto kapag may kailangan kayo" patuloy ng matanda at tuluyan na itong umalis.
Malamig ang hangin na sumasalubong sa kanila mula sa dagat. Sinasayaw nito ang mahabang buhok ni Audrey. Kinuha ni Nightmare ang itim na leather jacket niya na nakasampay sa bintana at naglakad papunta sa kinaroroonan ni Audrey.
Agad pinunasan ni Audrey ang luha niya nang maramdaman ang pagdating ni Nightmare at umupo ito sa tabi niya. Nagulat siya nang ipatong ni Nightmare ang jacket sa balikat niya. Ilang minuto silang nanahimik. Walang nagsalita sa kanilang dalawa. Ngunit kahit ganoon ay mas gumaan ang pakiramdam ni Audrey dahil nasa tabi niya si Nightmare.
"P-papasok na ako sa loob" biglang saad ni Audrey sabay tayo at dere-derechong bumalik sa kwartong inupahan nila. Agad naman siyang sinundan ni Nightmare at napatigil siya sa paglalakad nang bigla nitong hawakan ang kamay niya.
Nakatayo na sila ngayon sa tapat ng pintuan, hawak na ni Audrey ang doorknob pero hindi niya ito nagawang buksan, hanggang sa tuluyan nang bumagsak ang mga luha niya na parang ilog na hindi tumitigil sa pag-agos.
Dahan-dahan hinawakan ni Nightmare ang magkabilang balikat niya at iniharap siya nito saka niyakap. "B-buong akala ko akisdente lang ang lahat. Na namatay si papa sa aksidente, at nang dahil sa pagkamatay niya nagulo ang buhay namin ni mama. Itinago kami ni lolo dahil sabi niya baka kami naman daw ang ipapatay ng mga taong galit kay papa. Pero hindi kinaya ni mama ang lahat, namatay din siya sa sakit at sa sama ng loob. Buong buhay ko inakala ko na sadyang malupit lang ang mundo sa'kin, at ngayon mas masakit pala malaman na ang sarili kong lolo ang nagpapatay sa papa ko" saad ni Audrey habang nanginginig ang boses nito. Nanunuyot na rin ang kaniyang lalamunan sa kakahikbi at halos hindi na niya maramdaman ang kaniyang buong katawan.
Dahan-dahang lumapit si Nightmare saka niyakap si Audrey. "Hindi naging malupit sa'yo ang mundo. Wala kang kasalanan" mahinahong wika ni Nightmare habang tinatapik ang likod ni Audrey, hindi na maawat si Audrey sa pag-iyak habang yakap-yakap siya ni Nightmare.
"A-at ngayon hindi ko na alam kung paano kayo haharapin ni Leon... D-dahil ang lolo ko ang nagpapatay sa mga magulang niyo. P-pati sa lolo mo at kay Commander Dado" paghihinagpis ni Audrey, napapikit na lang si Nightmare saka niyakap siya ng mahigpit.
"Ang kasalanan ng lolo mo ay hindi mo kasalanan, wala kang kasalanan, Audrey" saad ni Nightmare, sa pagkakataong iyon ay tuluyan na ring bumuhos ang mga luha niya nang maalala ang buong pangyayari. Kahit limang taong gulang pa lang siya noon nang mangyari ang trahedyang iyon ay sariwang-sariwa pa rin sa alaala niya kung paano binarily sa harapan niya ang mama niya habang piniprotektahan siya nito. Kung paano rin bumagsak sa harapan niya ang papa niya nang iniharang nito ang sariling katawan upang hindi tamaan ng bala ang anak. At kung paano nakipaglaban ang lolo niya hanggang sa huli bago tuluyang sumabog ang barkong iyon at mahulog sila sa dagat.
Ang lahat ng iyon ay ibinaon niya sa kasulok-sulukan ng kaniyang puso at alaala na naging pangunahing lakas niya para magpatuloy sa buhay at makapaghiganti balang-araw sa mga taong naging dahilan nang pagkasira ng kaniyang pamilya.
Iyon ang naging lakas niya para mapagtagumpayan ang bawat misyon na iaatas sa kaniya. At sa bawat matagumpay na misyon ay ang unti-unting paglapit nila sa katuparan ng lahat ng layunin ng grupong itinatag ni Commander Dado at Ka Ferding na ngayon ay sumakabilang buhay na.
"S-sinong mag-aakala na sa kabila ng lahat ay makikita pa rin kita. Sinong mag-aakala na ang apo ng pangunahing kalaban ng grupo namin ang siyang bibihag sa puso ko" saad ni Nightmare, sa pagkakataong iyon ay napatigil sa pag-iyak si Audrey nang marinig ang sinabi ng binata.
Dahan-dahan siyang kumawala sa pagkakayakap nito at nang magtama ang mga mata nila, tanging ang tibok ng puso na lang niya ang kaniyang naririnig. Kasabay ng dahan-dahang pag-ihip ng hangin na dumadampi sa kanilang balat. Ilang sandali pa, nagulat si Audrey nang bigla siyang hinalikan ni Nightmare sa labi.
Sa umpisa ay hindi niya alam ang gagawin hanggang sa namalayan na lang niya ang kusang pagpikit din ng kaniyang mga mata habang dinadama ang mainit at mapusok na halik ng binata na parang humuhukay sa kaibuturan ng kaniyang kaluluwa.
Mayamaya pa naramdaman na lang niya ang pagbukas ng pinto hanggang sa kusa itong sumarado. Walang segundong humiwalay ang labi ni Nightmare sa kaniyang labi hanggang sa namalayan na lang niya na dahan-dahan siyang inihiga nito sa malambot na kama.
Sinubukan niyang imulat ang kaniyang mga mata nang tumigil na sa paghalik si Nightmare, nakahiga siya sa kama at nasa ibabaw niya si Nightmare na ngayon ay nakatitig sa kaniyang mga mata na para bang humihingi ito ng permiso.
Dahan-dahan niyang hinawi ang buhok ni Nightmare na tumatama sa kilay nito saka siya tumango at ngumiti. Isang matamis na ngiti rin ang nakita niya sa labi ng binata bago siya muling halikan sa labi nito na siyang bumuhay sa kanilang pusong inakala nilang mahimbing na natutulog.
***
Mag-hahatinggabi na, tulala lang si Feliciano sa family picture na nakasabit sa kaniyang opisina. Nakaupo siya sa pinaka-gitna, katabi ang asawang matagal nang namayapa dahil inatake ito ng hika. Nakatayo sa likod nila ang nag-iisang anak na si William na noo'y bagong kasal pa lang, katabi ni William ang asawa at pareho nilang karga ang batang si Audrey na isang taong gulang pa lang sa larawang iyon.
Mula nang mamatay ang kaniyang asawa ay naging mainitin ang ulo niya. Mas madalas na rin siyang mag-isa hanggang sa unti-unting lumayo ang loob niya kay William, sa asawa nito at sa kaniyang apo na hinango pa sa pangalan niya.
Nakatira sila sa iisang mansion pero bihira lang sila magkita-kita lalo na't naging abala si William sa mga hinahawakan nitong kaso. Palagi namang bahay ng mga kaibigan nito ang asawa ni William habang inaasikaso ang business nilang magkakaibigan. Ang batang si Feliciana naman ay maagang pumapasok sa umaga at sinusundo na lang ito ng ina pagkatapos ng klase sa tanghali pero sa bahay ng kaibigan sila nananatili hanggang magtakipsilim dahil sa dami ng kailangang dokumento at plano para mabuo ang itatayo sana nilang negosyo.
Kung kaya't halos si Feliciano lang ang mag-isa sa bahay. Kaka-retiro lang niya sa hukbo nang mamatay ang asawa niya. at dahil wala rin siyang makausap sa bahay ay naging madalas ang pagbisita niya sa isang kaibigan na nagtatrabaho sa gobyerno. Hinikayat siya nito na tumakbo sa pagka-senador. Noong una ay wala siyang interes ngunit napapayag din siya nito nang malamang magreretiro na rin si Cristobal at Mandado, balak ding pasukin ng dalawa ang pulitika kung kaya't nahikayat na rin siya.
Nang magkaroon ng kaso si Fernando na anak ni Mandado, si William na kaniyang anak ang naging prosecutor at nahatulan ito ng ilang taong pagkakakulong. Doon nagsimula ang lamat ng inakala nilang matibay na pagkakaibigan ng kani-kanilang mga pamilya.
Hanggang sa maungkat na rin ang galit ni William sa nangingialam na si Manuel na siyang anak ni Cristobal at umagaw sa kaniyang pinakamamahal na babae na si Celia. Sa madaling salita, tinulungan ni Feliciano ang anak niyang si William na iligpit ang mga taong kagalit nito. Nang i-frame up niya si Mandado at Cristobal sa isang restaurant at paniwalaing tutulungan niya ito tumakas ngunit ang totoo ay papatayin niya rin ito sa huli sa barko kung saan nagbayad siya ng tao para pagbabarilin ang pamilya Sallez at Bautista roon at pasabugin ang barkong iyon.
Hindi inakala ni Feliciano na iyon din ang magiging dahilan ng galit ni William sa kaniya sapagkat nadamay din si Celia na siyang kinababaliwan nito.
"B-bakit mo dinamay si Celia?! Si Manuel at ang anak lang nila ang dapat mamatay!" sigaw ni William habang lango ito sa alak. Nagpakalasing ito buong gabi nang malaman ang tungkol sa pagkamatay pamilya Sallez at Bautista, kasama nga roon si Celia.
Napatigil si Feliciano sa pagpirma ng mga papeles sa kaniyang opisina dahil sa biglaang panggugulo doon ni William. Mabuti na lang dahil silang dalawa lang ang tao sa bahay dahil nasa eskwelahan pa ang anak nito habang ang asawa naman ni William ay abala sa negosyo.
"Anong gusto mo? Buhayin ko si Celia? Sa tingin mo ba mananahimik si Celia at hindi niya ipaglalaban ang hustisya para sa pamilya niya?" mahinahong saad ni Feliciano at nagpatuloy na ulit siya sa pagpirma ng mga mahahalagang papeles.
"P-pero mahal ko siya! Sana hinayaan mo na lang siya mabuhay. Kahit pinaubaya ko na siya kay Manuel, mahal ko pa rin siya, hindi ko matanggap na namatay siya ganoon at ikaw pa ang may kasalanan kaya siya namatay!" sigaw pa ni William na halos maglupasay na sa sahig, magulo na rin ang buhok nito at tanggal na ang tatlong butones sa suot nitong polo.
Muling napatigil si Feliciano sa kaniyang ginagawa saka tumingin sa anak na halos masiraan na ng bait, nakaupo na ito sa sahig at hindi na maawat sa pagluha habang paulit-ulit na sinisigaw ang pangalan ni Celia. "Ganiyan ka ba kahangal sa babaeng 'yon? Anong gagawin ng pag-ibig mo sa kaniya kung malaman ng lahat na tayo ang nagpapatay sa pamilya nila?! Sa tingin mo ba, mananahimik si Celia dahil mahal mo siya at dahil sa pesteng pagmamahal na 'yan kaya siya naligtas? Hindi ka niya mahal! Hindi ka pa ba natatauhan na mas pinili niya si Manuel kaysa sayo at hindi pa nila sinabi na matagal na silang may relasyon? Habambuhay ka bang magbubulag-bulagan at magpapaka-tanga? Hindi kita pinalaking ganyan, Wiliam!" sigaw ni Feliciano, napatigil si William at napatulala sa sahig.
"Ang mabuti pa, pagbutihin mo ang trabaho mo at tulungan mo ko dahil tatakbo ako sa pagka-senador" patuloy pa ni Feliciano, isa-isa na niyang inilipit ang mga papeles na nakakalat sa mesa niya ngunit napatigil siya nang biglang tumayo si William at ibinagsak nito ang kamay sa mesa.
"H-hinding-hindi kita mapapatawad. Alam mong mahal ko si Celia pero p-pinatay mo pa rin siya. Hindi mo inisip ang nararamdaman ko" seryosong wika ni William habang nakatingin ng matalim sa kaniyang ama. Hindi naman natinag si Feliciano at tinitigan din siya nito ng seryoso pabalik.
"Sa tingin mo ba, hindi magdadalawang-isip si Celia na ipakulong ka sa oras na malaman niya na kasabwat ka sa plano? Inisip ko ang kapakanan mo, hindi ko hahayaang mabulok ka sa kulungan" wika ni Feliciano pero hindi iyon nagpahupa sa galit na nararamdaman ni William.
"Sasabihin ko sa lahat ang ginawa mo. Malalaman ng lahat kung paano mo pinagtaksilan ang mga kaibigan mo at ang pagsira mo sa mga pamilya nila. Hindi ka maluluklok sa senado dahil malalaman nilang lahat na isa kang mamamatay-tao-----" hindi na natapos ni William ang sasabihin niya dahil isang malakas na sampal sa mukha ang inabot niya sa kaniyang ama na ngayon ay nanlilisik na ang mga mata habang nakatingin sa kaniya.
"Bakit? Akala mo, hindi ko magagawang ilaglag ka sa taong-bayan?!" patuloy pa ni William bago ito tumalikod at naglakad papalabas ng opisina ng kaniyang ama.
Napabagsak na lang si Feliciano sa kaniyang upuan, nanginginig ang kaniyang kamay. Sinubukan niyang uminom ng alak na nakaatong sa mesa niya pero nabitiwan niya ang baso at nabasag ito, nagkalat ang bubog sa sahig.
Nanginginig niyang binuksan ang pinakababang drawer sa mesa niya at kinuha ang maliit na kahon na naroroon. Naglalaman iyon ng mga ilegal na droga na siyang ginagamit din niya para pakalmahin ang kaniyang sarili. Dali-dali niyang ininom iyon saka nilaklakan ang alak na nasa tabi.
Nang gabi ring iyon, agad niyang tinawagan ang ama ni Jacinto Mercado na siyang tauhan ng kaibigan niya na nanghikayat sa kaniya na pasukin ang pulitika. Sinabi niya ang lahat ng nangyari, na paghandaan ang gagawing hakbang ni William pero nagulat siya nang magsalita ang am ani Jacinto mula sa kabilang linya, "Bakit hindi na lang natin patayin si William sa car crash, at palabasin na gagawan iyon ni Mandado at Ferding. Palabasin din natin na dinukot at pinatay nila ang asawa at anak ni William nang sa gayon maawa ang lahat ng tao sayo. Siguradong mananalo ka niyan sa eleksyon dahil makikita ng sambayanan namatayan ka ng anak, apo at manugang pero naging matatag ka at pinagpatuloy mo pa rin ang pagsilbi sa bayan" mungkahi nito, napatigil sandali si Feliciano, hindi siya makapaniwala sa mga iminungkahi sa kaniya.
"Kung iisipin, siguradong ilalaglag ka ni William at sasabihin niya sa lahat ang ginawa mo sa pamilya Sallez at Bautista. Bakit hindi mo siya inuhan? Magagawa ka nga niyang talikuran... Mas mabuti pang ikaw na ang maunang tumalikod sa kaniya" dagdag pa nito. Sa pagkakataong iyon, ay unti-unting naririnig ni Fernando ang sigaw ng taong-bayan. Karamihan sa mga sigaw na naririnig niya sa kaniyang isipan ay sinusumpa at pinagmumura siya nito dahil sa ginawa niyang kasamaan sa pamilya Sallez at Bautista.
Ngunit sa kabilang banda, ay narinig naman niya ang sigawan ng mga taong pumupuri sa kaniya. Sinisigaw nito ang pangalan niya at kung gaano sila kahandang lumaban at sumuporta para sa kaniya. Sa pagitan ng dalawang panig na nagsisigawan sa kaniyang isipan. Pinili ni Feliciano ang sigaw ng mga taong pumupuri sa kaniya at siyang magluklok sa kaniya sa pwesto.
Natauhan lang si Feliciano nang marinig ang tatlong katok mula sa pinto. Nasa opisina pa rin siya habang tulala sa family picture na nakasabit sa dingding. "Bukas 'yan" saad ni Feliciano, tumambad sa harapan niya si Jacinto.
"Sir, dinala na namin sa basement si Aling Coring" saad ni Jacinto, tumayo na si Feliciano saka naglakad papalabas sa opisina. Nakasunod sa kaniya si Jacinto at ang apat pang tauhan, "Wala namang ibang nakakita sa inyo?" tanong ni Feliciano habang naglalakad sila papunta sa basement ng mansion.
"Wala po, sir. Nabenta na namin ang apartment na tinuluyan ni Aling Coring ng ilan araw" tugon ni Jacinto, hindi na umimik si Feliciano at nagpatuloy na sila sa paglalakad. Ilang sandali pa, narating na nila ang basement.
Agad binuksan ni Jacinto ang kinakalawang na bakal na pinto ng basement, may makipot na hagdan pababa, binuksan nila ang ilaw at agad napapikit si Aling Coring sa biglaang liwanag ng buong kwarto.
Nakatambak sa basement ang mga lumang gamit na karamihan ay mga paboritong gamit ng asawa ni Feliciano. Naroon ang mga lumang aparador, sofa, vase, mesa at mga antigong upuan. May isang ventilator sa basement na konektado sa opisina ni Feliciano.
Kulay dilaw ang ilaw na nasa itaas ng upuan kung saan nakatali ngayon si Aling Coring. Nakatali ang magkabilang kamay at paa nito sa malaking silya. Nagkalat sa sahig ang natuyong dugo at ihi mula kay Aling Coring na walang awa nilang kinaladkad papunta roon.
Hinang-hina na ang matanda, basang-basa na rin ito sa pawis at gulo-gulo na ang buhok. Dahan-dahang iniangat ni Aling Coring ang kaniyang ulo, noong una ay hindi niya masyado makita ang anim na taong naglalakad papalapit sa kaniya dahil malabo na ang kaniyang mga mata ngunit nang mahagip ng liwanag si Feliciano ay nakilala na niya ito agad.
"S-sabi mo, hindi mo sasaktan ang anak ko at bibigyan mo ako ng matutuluyan sa oras na talikuran ko ang aming grupo" nanginginig at nanghihinang saad ni Aling Coring. Nanatili lang si Feliciano na nakatingin sa kaniya at tila hindi ito nakakaramdam ng habag sa matanda.
"N-nasaan ang anak ko? N-nasaan si Gabby?" patuloy ni Aling Coring. Nagsimula namang humakbang si Feliciano papalapit sa kaniya, inayos nito ang dilaw na ilaw na nasa nakatutok sa matanda.
"Wala na siya. Hindi siya sumunod sa gusto kong mangyari. Pinagbantaan pa ako ng walang-hiya mong anak" wika ni Feliciano, parang biglang tumigil ang pag-ikot ng mundo ni Aling Coring nang marinig niya ang sinabi ni Feliciano.
"Simple lang naman ang hinihingi ko sa kanila. Pondo para sa Partido ko, nagsabi naman sila na ibibigay nila ang halaga na gusto ko pero ang totoo nagbabalak silang tumakas ng asawa niyang Hapon. G*gaguhin pa ko ng anak mo" wika ni Feliciano, bigla siyang napaatras nang sumigaw si Aling Coring.
"S-sinabi mong hindi mo sasaktan ang anak ko kahit anong mangyari! Pinagtaksilan ko ang grupo, ang tinuring kong pamilya, namatay silang lahat dahil sa'kin at ngayon pinatay mo ang nag-iisang dahilan kaya ako nabubuhay! Pinatay mo ang anak ko! Anong karapatan mo?!" sigaw ni Aling Coring na halos ikabingi nilang lahat. Hindi pa ito natinag, nagsisisigaw at pinagmumura silang lahat.
Agad sinenyasan ni Feliciano ang isa niyang tauhan na kumuha ng isang baldeng tubig at buhusan si Aling Coring. Napatigil ang matanda nang maramdaman ang malamig na tubig na halos ikalunod niya. Napayuko siya habang pilit na hinahabol ang kaniyang paghinga.
Naglakad si Feliciano papalapit kay Aling Coring at hinila niya ang buhok nito dahilan para mapatingala ang matanda sa kaniya "Baka nakakalimutan mo, sa akin kumukuha ng droga ang anak mo at ang asawa niya. Pondo lang hinihingi ko sa kanila pero balak pa nila akong takasan" panimula ni Feliciano habang nanlilisik na ang mga mata nito.
"Ni hindi nga natakot ang anak mo nang sabihin kong papatayin kita. Nagpasalamat ba siya sayo nang iligtas mo siya at talikuran mo ang grupo ni Dado? Hindi diba? Wala sayong pakialam ang anak mo at isa kang ina na nagpapakatanga!" sigaw ni Feliciano, nagulat siya nang bigla siyang duraan sa mukha ni Aling Coring kung kaya't nasampal niya ito ng malakas.
Agad lumapit si Jacinto at inabutan siya ng panyo. Pikit-matang pinunasan ni Feliciano ang laway sa kaniyang pisngi. Hinugot n ani Jacinto ang baril niya at itinapat sa ulo ni Aling Coring "Tapusin ko na po ba?" tanong ni Jacinto kay Feliciano. Agad sinenyas ni Feliciano ang kamay niya na huwag muna.
Ibinulsa na niya ang panyo saka muling hinarap si Aling Coring "Nandito ako ngayon hindi para makipagtalo sa anak mo at ipaliwanag sayo kung paano ko siya pinapatay. Nandito ako ngayon para bigyan ka ng isang pagkakataon, para sa sarili mong buhay" saad nito pero hindi natinag si Aling Coring, nanginginig at nanlilisik din ang mga mata nitong nakatingin sa kaniya.
"Bubuhayin kita kapag sinabi mo sa akin ang pagkakakilanlan ng apo ni Cristobal na inalagaan ni Dado. Ano ang pangalan niya ngayon at saan ko siya mahahanap?" patuloy ni Feliciano, hindi naman kumibo si Aling Coring.
"Tinangay niya ang apo ko. Sabihin mo lang sa'kin kung anong pangalan niya at kung saan ko siya mahahanap, papalayain kita" dagdag pa nito, napadura muli si Aling Coring sa sahig.
"Sinunggaling! Hindi mo na ulit ako maloloko!" sigaw ni Aling Coring, muling tinapat ni Jacinto ang baril niya sa ulo ng matanda. "Magsasalita ka? O mamatay ka?" sabat nito, agad hinawakan ni Feliciano ang baril ni Jacinto at ibinaba niya ito.
"H'wag na tayong magsayang ng oras dito, hayaan niyo na lang siyang mabulok dito sa basement. H'wag niyong bigyan ng pagkain at tubig, maghihirap siya sa gutom hanggang sa mamamatay" galit na tugon ni Feliciano sabay talikod at naglakad na ito papalabas sa basement.
"H*yop ka Feliciano! Sinusumpa ko na hinding-hindi ka makakatulog sa lahat ng kasalanang ginawa mo!" sigaw ni Aling Coring hanggang sa maubusan siya ng boses. Hindi siya tumigil sa pagsigaw at pagluha habang mag-isang nakakulong sa basement.
Nang makalabas sila sa basement napatigil sa paglalakad si Feliciano at napalingon kay Jacinto na nakasunod sa kaniya. "Hanapin niyo si Melissa at ang dalawang bodyguard na ipinasok niya dito sa bahay ko" saad ni Feliciano, naalala niya ang dalawang bodyguard na naabutan niyang nagbabantay sa labas ng kwarto ni Audrey noong isang gabi, ang dalawang iyon ay si Siyam at Dos. Naghinala si Feliciano dahil bagong mukha ang dalawang bantay ng kaniyang apo.
"Siya nga po pala, ano pong gagawin natin sa apo ni Commander Dado?" tanong ni Jacinto, napahinga ng malalim si Feliciano. "Mamamatay siyang may kabuluhan tulad ng lolo at papa niya" seryosong tugon ni Feliciano habang binubuo na niya sa kaniyang isipan ang plano.
***
Hindi mapakali si Siyam, paulit-ulit niyang tinitingnan ang kaniyang relo. Tatlumpung minuto na lang bago sumapit ang alas-tres ng madaling araw. Nakasandal sila ni Dos sa motorsiklo habang si Melissa naman ay nakatayo sa tapat ng daungan habang pinagmamasdan ang dagat at ang maliliit na bangka at mga barkong nakadaong doon.
Hinihintay nila ang pagdating ng kasamahan nilang si Manor, ito ang magdadala ng mga pekeng passport at dokumento para sa pag-alis nila sa bansa. Kasapi rin ng grupong tinatag ni Commander Dado ang grupo ni Manor na nakabase sa Maynila.
"Relax ka lang, tatlumpung minuto pa lang naman ang lumilipas" saad ni Dos sabay tapik sa balikat ni Siyam. Inabutan niya pa ito ng sigarilyo pero umiling si Siyam. Napatingin si Dos kay Melissa na nakatayo mula sa di-kalayuan habang nakatanaw sa daungan. Naninigarilyo rin ito.
"Sa tingin mo ba, magagawang iwan ni Melissa ang pamangkin niya?" bulong ni Dos kay Siyam. Kahit pa hindi siya bumulong, hindi naman maririnig ni Melissa ang sinabi nito dahil ilang metro ang layo nito mula sa kanila.
Napaisip naman ng malalim si Siyam "Hindi niya 'yon magagawa sa boss natin. Alam ni Madam Melissa na magagawang makasunod ni Boss Nightmare sa'tin sa Hongkong. Walang hindi kayang gawin si Boss Nightmare" kampanteng sagot ni Siyam. Napatango naman si Dos sabay hithit ng sigarilyo.
"Sabagay, naniniwala rin ako na mabubuhay si Boss Nightmare at makakasunod siya sa'tin. Ang inaalala ko lang ngayon ay si Boss Leon, hawak pa rin siya ni Feliciano" wika ni Dos, hindi naman nakaimik si Siyam, hindi niya rin alintana ang makapal na usok mula sa sigarilyo ng katabi.
"Sa totoo lang, ayokong umalis. Ayokong iwan si Boss Nightmare at Boss Leon" malungkot na wika ni Siyam at napayuko ito. "Ayoko rin sila iwan. Paano kung---" hindi na natapos ni Dos ang sasabihin niya dahil dumating na si Manor na kanina pa nila hinihintay.
Tumigil sa tapat nila ang apat na motorsiklo. Nangunguna ang lider ng mga ito na kilala sa alyas na Manor. Nababalot ng tattoo sa katawan si Manor at wala itong buhok sa ulo. Napalingon si Melissa sa grupo nila Manor, tinapon na nito ang sigarilyo saka naglakad papalapit sa kanila.
"Nandito lahat ng kailangan niyo" panimula ni Manor sabay abot ng isang itim na bag kay Melissa. Agad niya itong kinuha saka tiningnan isa-isa ang mga papeles, dokumento at passport na naroon. May limampung libong piso rin na nakalagay sa brown envelope.
"Siya nga pala, hindi namin nakuha ang apo ni Feliciano kanina dahil mukhang prinotektahan siya ni Nightmare" patuloy ni Manor, sabay lingon sa mga tauhan niya nasa likod. "Namatayan pa ako ng dalawang tauhan" dagdag pa nito, ang dalawang lalaking tauhan na tinutukoy niya ay ang kasama niya kanina habang hinahabol nila sina Nightmare at Audrey sa palengke pero napatay ni Nightmare ang dalawa.
"Hayaan niyo na lang sila. Ang kailangan ko ngayon ay ang pamangkin ko" saad ni Melissa sabay abot kay Siyam ng itim na bag. Bigla namang tumawa si Manor na hindi nagustuhan ni Melissa.
"Hahayaan ko na lang na pinatay niya ang dalawang tauhan ko na miyembro rin ng grupo natin? Anong klaseng utos 'yan? Kapag nalaman ito ni Commander Dado---" hindi na natapos ni Manor ang sasabihin niya nang magsalita si Melissa.
"Wala na si Commander Dado, pinatay na siya ni Feliciano kanina" wika ni Melissa sabay yuko. Narinig nila ang buong pag-uusap ni Commander Dado at Feliciano bago ito mamatay mula sa communication device na suot ni Siyam at Dos dahil iniwan ni Melissa ang communication device niya sa ilalim ng lababo sa loob ng selda ni Commander Dado.
Hindi nakapagsalita sa gulat si Manor, maging ang mga tauhan niya ay hindi makapaniwala sa narinig "Sa ngayon, tatahimik muna tayo. Alam na rin ni Feliciano na kasabwat ako sa grupo kung kaya't hindi na ako makakakuha ng mga impormasyon. Magtago muna kayo, kapag payapa na ang lahat saka tayo bubuo ng plano at maghihiganti kay Feliciano----" hindi na natapos ni Melissa ang sasabihin dahil biglang nagsalita si Manor.
"Maghihiganti na tayo ngayon! Hindi ba hawak ni Feliciano si Leon? Siya ang apo ni Commander Dado, siya ang susunod na dapat mamuno sa'tin. Iligtas natin ang ating pinuno!" matapang na sigaw nito, agad namang sumang-ayon sa kaniya ang mga tauhan niya.
"Nakasisiguro ako na hindi papatayin ni Feliciano si Leon dahil ito ang natitira niyang alas para mahanap ang lahat ng miyembro ng grupo natin. Ako, si Nightmare, Siyam at Dos na lang ang natitirang buhay na miyembro mula sa kampo. Mahalaga ang buhay ni Leon at alam iyon ni Feliciano. Alam niyang ililgtas natin si Leon sa mga oras na ito dahil siya ang apo ni Commander Dado pero hindi ito ang tamang panahon. Kailangan nating umatake sa araw na kung saan hindi inaasahan ni Feliciano ang pagdating natin" matapang na paliwanag ni Melissa. Hindi nila maitatanggi na bukod sa maganda ay matalino talaga si Melissa.
Napamura naman sa inis si Manor "Kayong apat na lang ang natira mula sa kampo dahil sa taksil na matandang babae at sa apo ni Feliciano na lumason sa mga kasamahan natin kung kaya't hindi nila napaghandaan ang pagdating ng mga sundalo!" sigaw ni Manor at napasuntok ito sa upuan ng kaniyang motorsiklo dahil sa inis. Hindi rin nila maitatanggi na madaling uminit ang ulo ni Manor.
"Wala na si Aling Coring, hindi na naming alam kung nasaan siya at ang huli naming balita ay dinala siya ni Feliciano sa bahay nito" malungkot na saad ni Melissa. Isa siya sa pinakanasaktan nang malaman ang ginawang pagtataksil ni Aling Coring na tinuring na nilang ina.
"Hindi ba nakasaad sa pangunahing patakaran ng grupo na ang sinumang magtaksil sa grupo ay papatayin. Nararapat lang na mamatay si Aling Coring at nararapat ding mamatay si Nightmare" giit ni Manor, seryoso namang napatingin sa kaniya si Melissa. Maging si Siyam at Dos ay hindi makapaniwala sa narinig.
"Oo, pamangkin mo nga si Nightmare. Pero dapat niyang harapin ang ginawa niyang pagtataksil. Pinatay niya ang dalawang tauhan ko para protektahan ang babaeng 'yon na kalaban ng grupo natin. Ako mismo ang papatay sa mga taksil sa ating grupo!" galit na sigaw ni Manor, napapikit naman sa inis si Melissa. Agad naman siyang inalalayan ni Siyam at Dos na parehing hindi na alam ang gagawin dahil sa namumuong tensyon sa pagitan ni Melissa at Manor.
"Kung hindi niyo ililigtas si Leon, ako na ang gagawa ng paraan. Para niyo na ring inamin na nagtaksil kayo sa grupo dahil hindi kayo tutulong para maligtas ang kasamahan natin. Sa tingin mo ba Melissa maniniwala ako na hindi papatayin ni Feliciano si Leon?" patuloy ni Manor at naglakad ito ng dahan-dahan papalapit kay Melissa. Nanggigil ito sa galit habang nakatingin sa kanila.
"Ikaw na ang nagsabi na pinatay ni Feliciano si Commander Dado na siyang pinuno natin. Sa tingin mo, bakit niya pa bubuhayin ang apo nito? Hindi na ang grupo natin ang habol ngayon ni Feliciano... Kundi ang apo niya na tinakas ng pamangkin mo!" sigaw ni Manor at napatigil siya sa tapat ni Melissa. Dahan-dahan namang sumunod sa kaniya ang apat na tauhan na nasa likod niya ngayon. May mga bitbit itong mahahabang baton, balisong at baril.
"Katulad nga ng sinabi ko kanina. Mahalaga rin sa amin si Leon, handa naming ibuwis ang buhay naming para sa kaniya. Pero hindi ito ang tamang panahon, siguradong naghanda na ng patibong si Feliciano dahil alam niyang ililigtas ng mga natitirang miyembro si Leon. Tatanungin kita, papasok ka ba sa kweba ng lobo kung alam mong naroon silang lahat at nag-aabang sa'yo?" matapang na saad ni Melissa. At hindi niya inurungan sa tapang si Manor.
"Hindi kami aalis dahil takot kami at wala na kaming pakialam sa grupo. Hindi naming tinalikuran si Leon, hahanap kami ng paraan para maligtas siya sa panahon kung saan hindi handa si Feliciano. Hihintayin naming makatulog ang lobo bago naming tatangakin pumasok sa kweba nito. At kung iginigiit mo pa rin ang kalagayan ni Leon, alalahanin mo na hindi ko rin alam kung nasaan ngayon si Nightmare na sarili kong pamangkin!" sigaw ni Melissa habang nanlilisik na rin sa galit ang mga mata nito.
"Kung hindi natin ililigtas ngayon si Leon, tuluyan nang mauuwi sa wala ang ilang dekadang pinaghirapan ni Commander Dado para mabuo ang grupo natin. Huwag mo na pagtakpan at ipagtanggol ang pamangkin mo, dahil sa ginawa niya kanina ay pinatunayan niya lang na nagtaksil na siya sa grupo. Ngayon, kung hindi kayo tutulong para maitakas si Leon, ako na mismo ang papatay sa inyong mga taksil----" hindi na natapos ni Manor ang kaniyang sasabihin dahil mabilis na hinugot ni Melissa ang matalim na balisong na nasa bulsa at derecho sinaksak si Manor sa leeg.
Nanlaki ang mga mata ni Siyam at Dos sa ginawa ni Melissa kay Manor. Bago pa sila makapagsalita ay mabilis na sumugod ang apat na tauhan ni Manor. Hinugot ni Melissa ang balisong saka sinalubong ang apat, mabilis na kumilos si Siyam at Dos at pinagtanggol nila si Melissa.
Hindi maitatanggi na mas magaling at bihasa sa pakikipaglaban sina Melissa, Siyam at Dos kumpara sa mga tauhan ni Manor. Sunod-sunod na pinagsasaksak ni Melissa sa tiyan, leeg at mukha ang mga kalaban. Malalakas na sipa at suntok naman ang pinakawalan ni Siyam at Dos sa mga kalaban.
Wala pang dalawang minuto ay napatumba na nila ang mga kalaban. Agad silang sumakay sa motorsiklo pero bago pa sila makaalis ay nag-aagaw buhay si Manor habang nakatingin sa kanila, hindi man nila naiintindihan ang sinabi nito dahil hindi na ito makapgsalita sa dami ng dugong dumadaloy mula sa leeg nito na sinaksak ni Melissa ay alam nilang sinusumpa sila nito sa galit.
Ilang sandali pa, nagulat sila nang biglang dumating ang mga pulis. Halos apat na poilice mobile ang pumalibot sa kanila at humarang sa daraanan nila. Kasunod nito ay mabilis na bumaba ang mga armadong pulis habang na agad pumwesto sa tapat. "Itaas niyo ang kamay niyo!" sigaw ng isa gamit ang megaphone.
Wala namang nagawa si Melissa, Siyam at Dos na nanigas sa kanilang kinatatayuan. Mabilis na nakalapit sa kanila ang mga pulis, hinila sila, pinadapa sa lupa at pinosasan ang kanilang mga kamay. "B-bakit may mga pulis? Paano nila nalaman na nandito tayo?" inis na bulong ni Siyam kay Dos at Melissa na parehing tulala at hindi makapaniwala sa bilis ng pangyayari.
Maging si Melissa ay napatingin sa dami ng pulis na dumating. Animo'y alam na ng mga ito na naroon sila at mukhang planado ang lahat. Mayamaya pa ay may isang matangkad na lalaking pulis na may nunal sa pisngi ang naglalakad papalapit sa kanila.
Naupo ito sa tapat ni Manor at hinawakan ang pulso ng lalaki sa kamay. "Tsk, sayang. Hindi mo man lang nakuha ang pabuya" saad ng matangkad na pulis habang nakatingin kay Manor na wala ng buhay at naliligo sa dugo.
Gulat na napatingin sa kaniya si Melissa. Unti-unting naging malinaw sa kaniya ang lahat. Ang pagdating ni Manor ay alam na ng mga pulis at ang pagpupumilit ni Manor na iligtas si Leon at sumama sa kanila ay magdadala sa kanila papunta sa mga pulis.
"Alam niyo na kung saan sila dadalhin" wika ng matangkad na pulis na may nunal saka tinapik ang mga tauhan. Kumindat pa ito kay Melissa, sa pagkakataong iyon ay doon lang nakilala ni Melissa na ang pulis na iyon ay siyang ama ni Jacinto na matalik na kaibigan ni Feliciano.
***
Naalimpungatan si Audrey nang makaramdam ng lamig sa kaniyang balikat dahil wala na siyang suot na damit ngayon. Agad itinaas ni Nightmare ang kumot hanggang sa leeg ng dalaga habang nakayakap ito sa kaniya. "Anong oras na?" pikit-matang tanong ni Audrey, napatingin naman si Nightmare sa suot niyang relo.
"2 am" sagot nito sabay halik sa noo niya dahilan para mapangiti siya.
"Mag-mamadaling araw na pala, kaya pala ang lamig" saad ni Audrey sabay yakap ng mahigpit kay Nightmare. Hindi mapigil ang kaniyang ngiti habang nakayap sa binata lalo na dahil maganda ang pangangatawan nito.
"Sino pala 'yung tatlong lalaki nan aka-motorsiklo na humabol sa'tin sa palengke kanina?" tanong ni Audrey, napahinga naman ng malalim si Nightmare.
"Si Manor at ang mga tauhan niya. Kasapi rin siya ng grupo ni Commander Dado pero may sarili rin silang grupo na nakabase sa Maynila" tugon ni Nightmare.
"Kilala ka niya, paulit-ulit niyang sinisigaw ang pangalan mo kanina" dagdag pa ni Audrey, ramdam niya ang bawat malalim na buntong-hininga ng binata.
"Madalas akong nasa Maynila kapag may misyon ako, kung minsan sa bahay nila Manor ako tumutuloy habang nasa misyon. Karamihan mga tauhan ni Feliciano ang sinusundan ko, inaalam ko kung anong hakbang ang ginagawa ni Feliciano. At kapag nakatanggap ako ng utos mula kay Ka Ferding na tapusin na ang taong iyon, sinusunod ko ang utos" paliwanag ni Nightmare, habang nakatulala sa kisame na gawa sa pawid.
"I-ilan na ba ang napatay mo?" tanong ni Audrey na nagpatigil kay Nightmare, napaisip ito ng malalim. Alam ni Audrey na mabigat ang tanong niya pero gusto pa rin niya malaman. Yumakap siya muli ng mahigpit sa binata at sinandal niya ang kaniyang ulo sa dibdib nito kung kaya't mas ramdam niya ang mainit na balat ni Nightmare.
"Sa totoo lang, hindi ko na mabilang. Hindi totoong hindi ako nakakaramdam ng awa at konsensiya sa tuwing pinuputok ko ang baril sa ulo nila. Kung nabubuhay lang sila mama at papa, alam kong hindi sila matutuwa na naging ganito akong tao" tugon ni Nightmare, sa pagkakataong iyon ay nakaramdam ng awa si Audrey.
"Sigurado akong kahit anong mangyari, mahal ka pa rin ng mga magulang mo. Alam kong naiintindihan nila na ginagawa mo lang iyon para matupad ang layunin ng grupo" wika ni Audrey.
"May isang tao akong pinatay noon na hindi ko nakalimutan. Isa siyang kapitan ng barangay na ka-partido ni Feliciano. Ninanakaw niya ang kaban ng yaman at sinusportahan ang mga ilegal na gawain ni Feliciano. Ilang araw ko rin siyang sinundan at inobserbahan, may tatlo siyang babaeng anak at asawa na paniwalang-paniwala na isa siyang tuwid na tao. Pero ang hindi nila alam may isa pa siyang pamilya na tinatago sa malayong lugar. Naisip ko lang, paano niya nakakaya na lokohin ang mga taong nagtitiwala sa kaniya at ipakita na isa siyang mabuting tao pero ang totoo ilang tao na rin ang pinapatay niya mapanatili lang ang pwesto bilang kapitan sa barangay" kwento ni Nightmare habang nakikinig ng mabuti si Audrey.
"Bakit tumatak siya sa isipan mo?" tanong ni Audrey, napangiti naman si Nightmare sa sarili.
"Kapangalan ko siya, si Kapitan Anton ng Barangay Tres" sagot ni Nightmare, biglang nanlaki ang mga mat ani Audrey at napatingin kay Nightmare. "Parang ako ang nag-report noon sa TV ng kaso ni Kapitan Anton ng barangay tres!"
Tumango-tango lang si Nightmare "Alam mo na ako ang reporter na nagbalita sa CMZ News?" gulat na tanong ni Audrey. Ngumiti naman si Nightmare sabay tango "Huli ko na nalaman, nasa kampo na tayo noon, pinakita sa'kin ni Siyam 'yung pagbabalita mo"
"Anong masasabi mo?" usisa pa ni Audrey, gusto niyang malaman kung anong reaksyon ni Nightmare habang pinapanood siya ang TV broadcast niya.
"Mas lalo ka palang gumaganda sa TV, para kang artista habang pinapanood kita" nakangiting sagot ni Nightmare. Napangiti naman si Audrey, hindi niya maitago ang kilig dahil sa sinabi ng binata.
"Siya nga pala, nakatanggap ako ng tawag kanina habang natutulog ka. Ang sabi ni tita Melissa, papunta na sila ng Hongkong nila Siyam at Dos mamayang madaling araw" wika ni Nightmare.
"I-ibig sabihin..."
"Hindi ako aalis. Hindi ako sasama sa kanila hangga't hindi ko naisisuguro na nasa maayos na kalagayan si Leon at hindi ako aalis nang hindi ka kasama" wika ni Nightmare sabay tingin sa kaniya.
"Alam mo namang sasama ako sa'yo. Kahit saan pa 'yan" saad ni Audrey at hindi niya napigilan mapangiti. Napapikit at napangiti rin si Nightmare sabay takip sa mukha niya. "Bakit ka nagtatakip ng mukha?" natatawang tanong ni Audrey dahil parang bata si Nightmare na nahihiya at namumula ang mukha.
Yumuko na lang si Audrey saka yumakap muli ng mahigpit kay Nightmare "Hindi pa ako nakakapunta sa ibang bansa. Sa tingin ko mabubuhay naman tayo ng masaya sa Hongkong" ngiti pa ni Audrey habang nakapatong ang kaniyang ulo sa dibdib ng binata.
Dahan-dahan namang hinihimas ni Nightmare ang balikat ng dalaga "Sa tingin mo ba, magugustuhan din doon ng mga magiging anak natin?" nakangiting tanong ni Nightmare na nagpainit sa pisngi ni Audrey.
"Syempre magugustuhan nila doon. At kahit saan pang lugar tayo mapadpad, siguradong magugustuhan pa rin nila dahil ang mahalaga magkakasama tayong lahat" nakangiting sagot ni Audrey, napangiti rin si Nightmare. Pareho nilang alam na walang ibang hangad ang isang bata kundi ang makasama ang kaniyang mga magulang.
"Magtuturo na lang ako ng soccer at baseball sa mga bata" wika ni Nightmare, napatango naman si Audrey. "Tama, siguradong magiging magaling kang P.E teacher sa Hongkong" ngiti niya, natawa rin si Nightmare sa sarili niyang pangarap.
"Pero syempre ang mga anak nating lalaki ang huhubugin ko para maging magaling na mga soccer at baseball player. Ang mga babae naman, tuturuan mo silang magluto ng masasarap" patuloy pa ni Nightmare, natawa na lang si Audrey sa pinagsasabi nito.
"Pansin ko lang, ang haba na ng mga sinasabi mo at ang daldal mo na" pang-asar ni Audrey sabay tingin kay Nightmare, nahuli niya itong nakangiti at biglang natawa. Hanggang ngayon parang sumasabog pa rin ang puso niya sa tuwing nakikitang ngumingiti ang si Nightmare dahil bihira lang iyon mangyari.
"Nahawa na nga siguro talaga ako sa'yo" banat ni Nightmare, napakunot naman ang noo ni Audrey. Pero biglang napawi ang pagkunot nito nang halikan ni Nightmare ang kaniyang noo.
"H'wag mo kong idaan sa pahalik-halik mo diyan, ah" kunwaring inis na saad ni Audrey pero natawa lang si Nightmare. "Bakit? Gusto mo pa ba?" mapanukso nitong tanong.
"Oo---Ayy, tumigil ka na nga!" habol ni Audrey, magrereklamo pa sana siya pero napatigil siya nang halikan siya muli ni Nightmare sa labi. Ang halik nito ay parang humuhukay sa kaniyang kaluluwa at pagkababae.
Nang matapos ang malalim na halik na iyon ay sandaling napatitig si Nightmare ng derecho sa mata ni Audrey "Salamat, dahil dumating ka sa buhay ko" wika ni Nightmare, hinawakan naman ni Audrey ang mukha ng binata.
"Salamat din sa lahat ng ginawa mo para sa'kin. Kung iisipin, wala pa akong nagagawa para sa'yo---" hindi na niya natapos ang sasabihin dahil biglang nagsalita si Nightmare.
"Pumayag ka lang na makasama ko habambuhay, sapat na 'yon sa'kin" ngiti ng binata. Napangiti naman si Audrey sabay yakap sa kaniya. "Oo, sasamahan kita habambuhay" tugon niya, halos sumabog sa saya ang kaniyang puso habang magkayakap silang dalawa.
Ilang sandali pa, tumunog ang cellphone ni Nightmare na de-keypad. Nakapatong ito sa maliit na mesa na nasa tabi ng kama kung saan sila nakahiga ngayon. Agad kinuha ni Nightmare ang cellphone at binasa ang text message.
Napansin ni Audrey ang pagbago ng hitsura ni Nightmare, biglang nawala ang ngiti nito. "B-bakit?" tanong niya, sinubukan niyang silipin ang text na binabasa ni Nightmare pero bigla nitong ibinaba ang cellphone saka bumangon sa kama.
Mabilis na nagbihis si Nightmare "S-saan ka pupunta?"
"Iitatakas namin si Leon" sagot ni Nightmare habang nagmamadali itong magsuot ng pantalon.
"N-nasaan si Leon? At sinu-sino kayo?" tanong muli ni Audrey habang nakabalot ang puting kumot sa kaniyang katawan. "Kaming tatlo. Ako, si Siyam at Dos" sagot ni Nightmare, binubutones na niya ang puting polo na suot nang dahan-dahan dahil sariwa pa rin ang sugat sa kaniyang balikat.
"Ang sabi ni Siyam sa text nasa parehong kampo nakakulong si Commander Dado at Leon pero hindi nila nahanap agad" dismayadong saad ni Nightmare, hindi naman nakapagsalita si Audrey. Hindi niya alam kung anong sasabihin niya.
"Kapag naitakas niyo na si Leon, saan niyo siya dadalhin?" tanong ni Audrey matapos ang ilang segundong pag-iisip kung dapat ba siyang magsalita o hindi.
"Sasakay daw sila ng barko papunta sa China at doon babyahe sila papunta sa Hongkong gamit ang mga pekeng passport na may ibang pangalan" sagot ni Nightmare, napayuko na lang si Audrey. Batid niyang sanay na sa mga ganoong gawain at kalakaran lalo na sa pamemeke ng dokumento ang grupo nila Nightmare. Maging ang lolo niya na si Feliciano ay nagawa ring ipeke ang mga dokumento niya at mabuhay siya sa pangalang Audrey Medina.
"Nauna na raw si tita Melissa sumakay ng barko, sa Hongkong na niya tayo hihintayin. Maghahanap na siya ng matutuluyan nating lahat doon" patuloy ni Nightmare habang nagsusot na ng medyas.
Tumayo na si Audrey at mabilis ding nagbihis. "Sasama ako" wika niya, napatigil si Nightmare sa pagsusot ng sapatos at napalingon kay Audrey.
"Hindi pwede. Dito ka na lang, babalikan kita dito kapag naitakas na namin si Leon" seryosong wika ni Nightmare pero hindi nakinig si Audrey, nagsuot na rin ito ng pantalon, puting tshirt at cardigan. Mabilis niyang itinali ang buhok niya.
Napatigil si Nightmare sa pagsusuot ng sapatos saka naglakad papunta kay Audrey at hinarap ito. Hinawakan niya sa magkabilang balikat ang dalaga at tiningnan ito ng derecho sa mata "K-kung totoo man na nagawa ni Feliciano ipapatay ang papa mo. Sa tingin ko, hindi tayo makakasiguro na hindi ka rin niya magagawang saktan kahit pa apo ka niya" wika ni Nightmare, napatulala lang si Audrey at hindi nakapagsalita.
"Walang ibang makakapigil kay Feliciano. Pero may nag-iisang bagay ang sigurado akong makakakuha ng atensyon niya" patuloy ni Nightmare, hinawakan niya ang kamay ni Audrey. "Kailangan natin gumawa ng ingay sa balita. Kailangang may lumabas na report sa kaniya ngayon tungkol sa pagpatay niya kay Commander Dado at sa nangyari sa papa mo" dagdag ni Nightmare sabay abot kay Audrey ng communication device kung saan naka-save lahat doon ang huling pag-uusap ni Commander Dado at Feliciano.
Gulat na napatingin si Audrey kay Nightmare at sa communication device. "Sa oras na lumabas sa TV ang report tungkol dito, mapupunta sa bagay na 'to ang atensyon ni Feliciano at maitatakas namin ng mas madali si Leon" wika pa ni Nightmare, napatitig sandali si Audrey sa communication device saka tumango.
"D-dadalhin ko 'to sa CMZ News" saad ni Audrey, napahinga naman ng malalim si Nightmare saka niyakap ang dalaga. "Mag-iingat ka, pagkatapos ng lahat ng ito. Babalikan kita dito" wika ni Nightmare at niyakap niya nang mas mahigpit si Audrey.
"Hihintayin kita dito" wika ni Audrey at ipinikit niya ang kaniyang mga mata upang damhin ang yakap ng binata. Ilang sandali pa ay kumawala na sila sa isa't-isa. Kinuha n ani Nightmare ang itim na backpack niya at isinuot ito.
Magkahawak-kamay silang naglakad ni Audrey papunta sa pintuan, "Oo nga pala, may ibibigay ako sa'yo" saad ni Audrey sabay abot kay Nightmare ng silver na kwintas na pinakaiingtan niya. Ang kuwintas na iyon ay binigay sa kaniya ng papa niya pero ang totoo palang may ari nito ay ang mama ni Nightmare.
Napatitig ng ilang segundo si Nightmare sa silver na kwintas na hawak ni Audrey, hinawakan niya ang kamay ng dalaga saka itiniklop iyon. "Sa mama ko nga ang kwintas na 'yan. Hindi mo na kailangan ibalik sa'kin dahil ikaw na rin naman ang nagmamay-ari ng puso ko. Tulad ng pagmamahal ko sa'king ina, tanggapin mo rin sana ang kwintas na 'to" saad ni Nightmare habang nakatingin ng derecho sa mga mata ni Audrey.
Maluha-luhang napangiti si Audrey sabay yakap ng mahigpit kay Nightmare. "Hindi ko nga kinuha 'yan sa'yo dahil sa'yo ka pa rin naman ibibigay 'yan kaya ingatan mo ang puso ko" patuloy pa ni Nightmare habang nakangiti at niyakap din niya ng mahigpit si Audrey.
Ilang sandali pa, bumitaw na rin si Nightmare sa pagkakayakap "M-mangako ka sa'kin na kahit anong mangyari babalik ka ng buhay, makakaligtas kayong lahat at magsisimula tayo ng bagong buhay malayo sa lugar na 'to" saad ni Audrey, kasabay niyon ang pagpatak ng luha niya. Hinihiling niya na sana ay tumigil ang pagtakbo ng oras kahit sandali habang kapiling niya si Nightmare.
Ngumiti si Nightmare saka hinawakan ang kamay niya "Makakaasa na babalik ako ng buhay kahit anong mangyari at gaya nga ng sinabi ko sa'yo, sabay nating makikita ang paglaki ng mga anak natin" saad ni Nightmare at pinunasan niya ang luha ni Audrey gamit ang kaniyang kamay.
Nang matapos iyon, dahan-dahan nang tumalikod si Nightmare at naglakad papalayo. Napahawak si Audrey sa tapat ng puso niya habang sinusundan ng tingin si Nightmare. Tila bumagal ang takbo ng paligid, ang bawat hakbang ni Nightmare papalayo sa kaniya ay parang unti-unti nitong dinudurog ang kaniyang puso.
Kasabay niyon ang pag-ihip ng malamig na hangin nang dahan-dahan. Animo'y pinaparamdam nito ang pakiramdam ng malamig na gabi kung saan maiiwan kang mag-isa. Ilang sandali pa, bago tumawid sa kabilang kabilang kalsada at tuluyang makalayo ay lumingon si Nightmare sa kaniya, ngumiti at kumaway ito. Sa kabila ng ngiti na pinamalas ng binata ay may luhang namumuo sa mga mata nito.
Nanginginig na itinaas ni Audrey ang kamay at kumaway pabalik kay Nightmare bago ito tuluyang maglaho sa dilim. Sa pagkakataong iyon, hindi niya maintindihan kung bakit nakakaramdam siya ng matinding pangamba sa kabila ng pinanghahawakan niyang pangako na babalik ng buhay ang binata kahit anong mangyari.
************************
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top