Mistake 23

[Kabanata 23]


"Ang mahulog sa bitag ng pag-ibig..." patuloy nito habang nakatingin ng derecho sa mga mata ni Nightmare. "Ang pag-ibig na 'yan ang siyang papatay sa'yo, Nightmare"

Natauhan lang si Nightmare nang marinig niya ang boses ni Siyam mula sa earpiece na suot nila "Bilisan niyo na! Bukas na ang mga CCTV!" nagmamadaling saad ni Siyam. Isinara n ani Nigtmare ang pinto at agad hinila si Audrey, mabilis silang tumakbo papunta sa fire exit at doon nila tinahak ang hagdan pababa.

"Si Leon?" tanong ni Nightmare mula sa maliit na mic na nakasabit sa polo niya. "Hindi naitakas ng mga kasamahan natin si Leon, mahigpit daw sa kabilang kampo" sagot ni Dos. Nang marating ni Nightmare at Audrey ang ground level, dahan-dahang binuksan ng binata at pinto, napatingin siya sa itaas ng kisame kung saan naroroon ang isang CCTV na ngayon ay gumagana na muli.

"B-bakit?" kinakabahang tanong ni Audrey habang hawak pa rin ni Nightmare ng mahigpit ang kamay niya. Agad hinubad ng binata ang leather jacket na suot at ipinatong iyon sa mukha ni Audrey. "Pagbilang ko ng tatlo, tatakbo tayo ng mabilis papunta sa sasakyan" saad nito, magsasalita pa sana si Audrey pero muling nagsalita si Siyam mula sa kabilang linya.

"Boss! Nahuli na nila ang sasakyan natin! May backup na motor na pinarada si Dos kanina sa labas ng boundary! Papunta na kami doon nila Melissa, tatlong motorsiklo---" hindi na natapos ni Siyam ang sasabihin niya dahil biglang lumabo ang sinasabi nito hanggang sa tuluyang maputol ang linya.

"A-ano nang gagawin natin?" kinakabahang tanong ni Audrey, nanlalamig na ang kaniyang kamay na hanggang ngayon ay hawak pa rin ni Nightmare ng mahigpit. "Dadaan tayo sa likod, sana lang walang bantay doon ngayon dahil nagkakagulo ang lahat dito sa building na'to" saad ni Nightmare sabay tingin ng derecho sa mga mata ni Audrey na ngayon ay maluha-luha na.

"Huwag ka matakot... hindi kita iiwan" saad ni Nightmare, napatulala si Audrey sa kaniya. Kasabay nito ay naalala niya ang sinabi sa kaniya noong batang si Antonio habang naglalaro sila ng tagu-taguan sa loob ng bahay ng pamilya Medina.

Takot na takot ang batang si Feliciana dahil madilim ang bahay nang biglang nawalan ng kuryente habang naglalaro sila ng tagu-taguan. Napatigil lamang siya sa pag-iyak nang hawakan ni Antonio ang kamay niya sabay sabing "Huwag ka matakot... hindi kita iiwan"

Magmula sa gabing iyon, hindi na siya nakaramdam pa ng takot mag-isa dahil alam niyang may isang taong hinding-hindi siya iiwan kahit anong mangyari.

"A-audrey?" tanong muli ni Nightmare dahilan para matauhan si Audrey. "Handa ka na ba? Tatakbo na tayo palabas" ulit ng binata. Napatango lang si Audrey ng dalawang beses at napatingin sa kamay niyang mahigpit pa ring hawak ni Nightmare ngayon.

"Isa... dalawa... tatlo!" mabilis na binuksan ni Nightmare ang pinto at tumakbo sila ng payuko papalabas mula sa likod ng building. Sandali silang tumigil sa likod ng isang pader, sumilip ng kaunti si Nightmare at nakita niyang wala na roon ang dalawang kotse na sinakyan nila kanina.

Ilang beses din niyang sinubukang magsalita sa maliit na mic na nakasabit sa damit niya pero wala nang sumasagot mula roon. Hindi na niya alam kung nasaan ngayon ang mga kasamahan. Napalingon si Nightmare sa isang manhole na nasa tapat nila, itinuro niya iyon kay Audrey at agad itong tumango.

Maingat nilang iniangat ni Audrey ang mabigat na bakal na takip ng manhole. Agad niyang binuhat si Audrey papasok sa manhole saka siya sumunod sa loob at dahan-dahang hinila ang takip nitong bakal para ibalik sa kinalalagyan nito kanina.

Makipot ang lagusan sa ilalim ng daluyan ng maruruming tubig. Halos magasgas ang magkabilang balikat ni Audrey at Nightmare dahil sa sikip ng lagusang iyon. Mabuti na lang dahil maliwanag ang imburnal at kahit papaano ay tumatagos na sinag ng araw mula sa dulo nito kung saan bumabagsak ang mga tubig.

Maingat at mabilis silang gumagapang sa lagusan, abot tuhod ang tubig na nasa imburnal na sadyang nakasusulasok ang amoy. Lumulutang ang mga gamit na tissue, napkin, mga balot ng chichirya, shampoo, at marami pang iba.

Nang marating nila ang dulo ng imburnal, sinipa ng malakas ni Nightmare ang kinakalawang na bakal na rehas na nakaharang sa dulo nito. Nanlaki ang mga mat ani Audrey nang makita ang isang napakaruming creek kung saan doon bumabagsak ang mga tubig mula sa imburnal na dinaanan nila.

"Medyo marumi nga tingnan pero makakaligtas tayo kapag lumangoy tayo diyan" natatawang saad ni Nightmare, hindi naman malaman ni Audrey kung bakit natawa na lang din siya sa sinabi ng binata lalo na dahil halos lumangoy na rin sila kanina habang tinatahak ang makipot na lagusan ng imburnal.

"Mas mabango naman ang amoy nito kaysa sa patay nating katawan kung maabutan nila tayo dito" tawa ni Audrey, natawa rin si Nightmare at hindi mapaliwanag ni Audrey ang saya dahil sa kabila ng mapanganib nilang sitwasyon ay heto ang puso niya nagdiriwang sa saya na muling makita ang ngiti at marinig ang tawa ng binata.

Hindi na sila nagsayang pa ng oras at sabay na tumalon sa marumi at mabahong creek na halos 4 feet ang lalim. Mabilis silang lumangoy papunta sa katabi nitong kalsada. Nang makaahon sila roon ay agad iginala ni Nightmare ang kaniyang mga mata hanggang sa masumpungan niya ang nag-iisang itim na motorsiklo na nakaparada sa tabi ng isang tindahang nakasarado.

Agad niyang hinawakan ang kamay ni Audrey at mabilis silang naglakad papunta roon. Makulimlim ang kalangitan at sa pinaka-dulong poste ng kalsada ay natanaw niya ang isang CCTV. Nang tumingala siya sa likod ay naroon na pala ang mataas na pader na boundary ng kampo. Sa itaas nito ay may sundalong naglalakad ng dahan-dahan bitbit ang isang mahabang baril. Agad hinawakan ni Nightmare ang ulo ni Audrey at sinabihang yumuko sila.

Mabuti na lang dahil papunta sa kabilang direksyon ang sundalong rumuronda sa tuktok ng boundary. Nakatalikod ito sa kanila at naglalakad papalayo. Dahan-dahang naglakad ng payuko si Nightmare at Audrey hanggang sa marating nila ang nakaparadang motorsiklo.

Napasabunot si Nightmare sa buhok niya nang makitang walang susi ang motorsiklo. "P-paano na?" saad ni Audrey, basang-basa silang dalawa ngayon at siguradong kwekwestyunin sila ng mga armadong sundalo na makakasalubong nila sa daan kung sakali.

Mabilis na hinugot ni Nightmare ang mga wire sa motorsiklo. Halos walang kurap na pinapanood ni Audrey ang ginagawa ng binata hanggang sa wala pang isang minute ay napagana na nito ang makina ng motorsiklo. "Angkas na" nagmamadaling saad ni Nightmare, "Paano mo napaandar---" hindi na niya natapos ang sasabihin niya dahil ngumiti si Nightmare.

"Nakalimutan mo na ba? Gawain namin 'to" ngiti ng binata sabay lahad ng palad niya, hinawakan naman ni Audrey ang kamay ni Nightmare at umangkas na sa motorsiklo. Dahan-dahang pinaandar ni Nightmare ang motorsiklo upang hindi makalikha ng ingay at atensyon sa tahimik na lugar na iyon.

Nasa labas na sila ng pader ng kampo kung kaya't wala na silang madadaanan na inspection area pero halos nasa bawat sulok ang mga CCTV na ikinakabahala ni Nightmare dahil baka may nag-momonitor ngayon sa CCTV room at makita ang paglabas nila sa kampo.

Ilang sandali pa, narating na nila ang unang bayan sa labas ng kampo. May malaking palengke roon kung saan maraming tao ang abala sa pamimili ngayon. Maka-ilang beses na napapatingin si Nightmare sa side mirror ng motorsiklo dahil may tatlong lalaking nakasakay din sa motorsiklo ang napapansin niyang kanina pa sumusunod sa kanila.

"Saan kaya tayo pwede maligo at magpalit ng damit?" tanong ni Audrey, kanina niya pa hindi matiis ang amoy nila ngayon ni Nightmare. Basang-basa ang kanilang buhok at damit kung kaya't napapalingon sa kanila ang ibang mga tao na nadaraanan nila sa palengke.

"Kumapit ka ng mabuti" saad ni Nightmare habang nakatingin sa side mirror, malakas ang hinala niya na sinusundan nga sila ng mga iyon kung kaya't susubukan niya ang mga ito.

"Ha? Bakit?" tanong ni Audrey, magsasalita pa sana siya pero nagulat siya ng biglang paandarin ni Nightmare ng mabilis ang motorsiklong sinasakyan nila. Kasabay nito ay ang mahabang pagbusina na ginawa niya para tumabi ang mga tao na nasa gitna ng daan.

Nagulat ang mga tao, ang ilan ay napamura pa sa inis. Nabitawan ng isang manong na patawid ang tatlong manok na hawak niya dahilan upang magsiliparan ang mga ito at magtatakbo sa gitna ng kalsada ng palengke. Halos napatigil din ang mga tindera at tindero nang marinig ang ingay ng busina at ang harurot ng motorsiklo.

"Dahan-dahan lang! baka may mabangga tayo" pakiusap ni Audrey pero taimtim pa ring nakatingin si Nightmare sa side mirror at nakita niyang naalerto ang tatlong lalaking sumusunod sa kanila kung kaya't pinaharurot na rin ng mga ito ang kanilang mga motorsiklo.

"May sumusunod sa'tin" saad ni Nightmare, gulat na napalingon si Audrey sa likod at kitang-kita niya ang matatalim na tingin ng tatlong lalaki na nakasunod sa kanila ngayon. Nanlaki ang mga mat ani Audrey nang maglabas ng baril ang isa sa mga ito at itinutok sa kaniya.

"May baril sila!" sigaw ni Audrey, mabilis na napatingin si Nightmare sa side mirror at agad niyang iniliko ang motorsiklo papasok sa isang masikip na eskinita ng palengke. Isang malakas na putok ng baril ang umalingangaw sa buong paligid dahilan para magsigawan at magtakbuhan ang mga tao sa iba't ibang direksyon.

"Tumabi kayo!" sigaw ng lalaking sumusunod kina Nightmare, wala na itong buhok sa ulo at punong-puno ng tattoo ang katawan. "Nightmare!" malakas na sigaw pa nito saka nagpaputok ng baril sa ere kung kaya't mas lalong nagsigawan ang mga tao, ang ilan ay nadapa pa, nabangga naman ng ilang tumatakbo ang mga panindang nakaharang sa daan.

Mabilis na nakasunod sa eskinita ang tatlong lalaking naka-motorsiklo rin. Nagliiparan na sa paligid ang mga paninda at nakakabungguan ang mga taong nag-uunahan na makatakbo papalayo. Muling nagpaputok ng baril ang mga kalaban, may natamaan na isang binatilyong may buhat-buhat na sako ng bigas. Agad itong humandusay sa kalsada.

Hindi na maawat ang sigawan ng mga tao at ang matinding gulo sa palengke. Tumitilapon ang mga paninda na nadadaanan ng tatlong lalaking puno ng tattoo at ang pinuno nilang walang buhok at batak na batak ang katawan.

"Kumapit ka lang ng mabuti sakin" paalala ni Nightmare kay Audrey dahil nakasubosob na ang mukha nito sa likod niya at napapasigaw sa tuwing nakakarinig ng putok ng baril. Agad hinugot ni Nightmare ang baril niya, mabilis siyang lumingon sa likod, itinutok niya ang baril sa lalaking naka-motorsiklo na nasa kaliwa, ipinutok niya ang baril at derechong tumama sa ulo ng kalaban ang bala nito.

Nahulog sa motorsiklo ang lalaki at tumilapon ang kaniyang motor sa kariton na puno ng mga mansanas at ubas. Kumalat sa kalsada ang mga prutas na nagkandadurog-durog din dahil natatapakan ito ng mga taong nagtatakbuhan at nagsisigawan.

"Nightmare!" sigaw muli ng pinunong kalbo dahil sa galit nang mamatay ang isa sa kanilang mga kasamahan. Agad kumilis ang isa pang lalaki at mabilis na pinaharurot ang kaniyang motorsiklo para mahabol ang sinasakyan nila Nightmare.

Kitang-kita ni Nightmare sa side mirror ang panlilisik ng mga mata nito sa galit. Agad iniliko ni Nightmare ang mototsiklo sa kaliwa, sabay-sabay na napalingon ang mga tao sa wet market nang makita ang mga paparating na humaharurot na motorsiklo.

Nabitiwan ng ilan ang mga banyera ng isda na buhat-buhat nila dahilan upang magkalat sa sahig ang mga tilapia at bangus na nagpupumiglas. Muling lumingon si Nightmare, itinutok niya sa kalaban ang baril saka pinaputok ito, derechong tumama ang bala sa leeg ng lalaking naka-motorsiklo na may makapal na balbas.

Natumba ang motorsiklo at ang lalaking may balbas, nadaganan pa siya ng motorsiklo. Gulat na gulat at nagsisisigaw sa takot ang mga taong nakasakis kung paano maghingalo ang lalaking may balbas. Sumisirit na dugo nito mula sa tama ng bala sa leeg. Nagkalat ang dugo ng lalaki na humalo pa sa mga isdang tumilapon sa sahig.

Ilang sandali pa ay narinig na nila ang pagdating ng mga sasakyan ng pulis. Galit na galit ang lalaking kalbo na puno ng tattoo habang nakatingin kay Nightmare. Pinagbabaril niya pa sina Nightmare at Audrey na medyo malayo na sa kaniya at papalabas na sa palengke. Napasigaw si Nightmare nang dumaplis sa balikat niya ang isang bala na muntikan nang ikatumba ng motorsiklong sinasakyan nila.

"M-may tama ka!" gulat at nanginginig na saad ni Audrey nang makita ang pagdanak ng dugo mula sa balikat ni Nightmare. Nagpagewang-gewang na ang sasakyan nila hanggang sa hindi na ito makontrol ni Nightmare.

"Tumigil kayo!" sigaw ng isang pulis gamit ang megaphone, nakasakay ito sa police mobile na ngayon ay hinahabol na sila. Iniwan ng lalaking kalbo ang motor niya sa palengke at nakihalo siya sa mga taong nagtatakbuhan at nagsisigawan papalayo.

Sa huling pagkakataon ay napatingin si Nightmare sa side mirror at nakita niya ang paparating na police mobile na sumusunod sa kanila. Mabilis niyang inilko sa gilid ng daungan ang motorsiklo na derechong nahulog sa dagat.

Agad niyang niyakap si Audrey bago sila bumagsak sa dagat at dahan-dahang hinihila sa kailalim ng tubig. Napatigil ang mga pulis sa daungan kung saan doon binabagsak ang mga isda mula sa katabi nitong palengke.

***

"Bakit ka napatawag?" tanong ni Feliciano kay Jacinto mula sa kabilang linya. Nakaupo siya ngayon sa malaking sofa habang hinihintay ang pagdating ng news director na naging amo ni Audrey sa CMZ News. "Nasaan na nga pala si Melissa? Nauna pa ako dito" patuloy ni Feliciano. Narinig niya ang malalim na paghinga ng kausap.

"Sir, may dapat po kayong makita dito" saad ni Jacinto, agad ibinaba ni Feliciano ang tawag saka di-nial ang number ni Melissa pero out of reach na ito. Tumayo na si Feliciano at nagmamadaling lumabas sa CMZ News. Nakasalubong niya sa hallway ang news director na akmang makikipag-kamay sa kaniya ngunit nilagpasan niya lang ito at derecho lang ang tingin sa daan.

Nagulat ang lalaking news director sa nangyari, nasa edad apatnapung taon na ito. Napatingin siya sa dalawang empleyado na nakasunod sa kaniya. "Matapos ang lahat ng ginawa ko para sa kaniya, ganito lang ang gagawin niya sa'kin" saad niya dahil sa di-inaasahang naging trato ni Feliciano sa kaniya.

Gulat namang natulala si Sir Migs kay Feliciano na sinundan niya ng tingin hanggang sa makalabas ito sa exit door. Bigla niyang naalala si Audrey na matagal na nilang hinahanap, ilang beses na niya ito sinabi sa news director nila pero ayaw nitong pansinin ang kaso ng nawawalang empleyado. Ayaw niyang i-feature sa balita ang pagkawala noon ni Audrey dahil nauna na siyang sinuhulan ni Feliciano na kahit anong mangyari ay hindi pwedeng lumabas sa publiko ang katauhan ni Audrey na siyang apo niyang si Feliciana na matagal na niyang itinatago.

At ngayong naapektuhan na ang pagkandidato niya sa pagka-pangulo, inilabas na niya ang huling alas niya sa baraha... si Audrey.

***

Buong lakas na hinila ni Audrey si Nightmare paahon sa dagat dahil nawalan na ito ng malay nang mahulog sila sakay ng motorsiklo sa daungan ng mga barko na nasa tabi ng palengke. Sinundan sila ng dalawang pulis na sakay ng police mobile na humahabol sa kanila ngunit hindi sila makita ng mga ito dahil medyo malabo ang tubig ng dagat.

Agad hinawakan ni Audrey ang baywang ni Nightmare na ngayon ay wala ng malay habang humahalo sa tubig ang dugo nito mula sa tinamo nitong sugat sa balikat. Lumangoy si Audrey ng ilang metro papalayo sa daungan habang hila-hila si Nightmare. Nang makalayo na sila ay umahon na sila sa likod ng isang bangka na nakadaong doon.

"N-nightmare?" tanong ni Audrey habang dahan-dahang tinatapik ang pisngi ni Nightmare. Hindi na niya alam ang gagawin, sumilip siya sa gilid ng bangka at nakita niyang pabalik na ang dalawang pulis sa sasakyan nila habang may niraradyo sa ibang mga kasamahan ang nangyari.

"G-gumising ka" paulit-ulit na wika ni Audrey habang yakap-yakap si Nightmare sa kanang kamay habang ang kaliwang kamay naman niya ay nakahawak sa gilid ng bangka para hindi sila lumubog sa tubig. Ilang minuto pa ang lumipas pero hindi pa rin umaalis ang dalawang pulis.

Napalingon si Audrey sa kaliwa at nakita niya ang isang bangka na papaalis. "M-manong, pwede niyo ba kaming ilayo dito?" tanong ni Audrey, nagulat ang matandang lalaki na nasa edad animnapu nan ang makita si Audrey at Nightmare na nakalublob sa dagat, ulo lang nila ang nakaangat para makasagap ng hangin.

"Anong ginagawa niyo riyan?" gulat na tanong ng matandang lalaki, napalingon si Audrey sa mga pulis na ilang metro ang layo sa kanila. Hindi naman siguro sila nito mapapansin dahil maraming mga bangka ang dumadating at umaalis sa daungang iyon.

Tiningnan mabuti ni Audrey ang matandang mangingisda. Mukhang kakarating lang nito at hindi pa niya nalalaman na may mga hinahanap ang mga pulis sa palengkeng iyon. Agad kinuha ni Audrey ang wallet ni Nightmare na nasa nakasuksok sa loob ng suot nitong leather jacket. "S-sapat na po ba 'to?" nagmamadaling tanong ni Audrey sabay abot ng tatlong libong piso na basang-basa rin ng tubig.

Namilog ang mata ng matandang mangingisda sabay kuha ng basang pera. "Halika na, sumampa na kayo rito sa bangka ko" magiliw nitong saad at tinulungan niyang makasakay ng bangka si Audrey at Nightmare. "A-ayos lang ba ang kasama mo?" tanong ng matanda habang nagtatakang nakatingin kay Nightmare na ngayon ay biglang napaubo ng tubig. Pinaandar na ng mangingisda ang bangka niya papunta sa gitna ng dagat.

Agad hinawakan ni Audrey ang mukha ni Nightmare, hinahabol ng binata ang kaniyang paghinga. "N-naririnig mo ba ako? Kailangan na natin gamutin ang sugat mo" hindi mapakaling saad ni Audrey, napatigil siya nang biglang ngumiti si Nightmare.

"H'wag ka na umiyak, buhay pa ko" ngiti ng binata, hindi namalayan ni Audrey na kanina pa dumadaloy ang mga luha sa kaniyang mga mata. Dahan-dahang itinaas ni Nightmare ang kamay niya at pinahid ang luha ni Audrey gamit ang daliri niya. kung tutuusin ay basang-basa sila ngayon ngunit kitang-kita pa rin niya ang luha ni Audrey sa kabila ng tubig na tumutulo mula sa buhok nito.

"Hindi ba ang sabi ko sayo... hindi kita iiwan" muling ngiti ng binata, agad naman siyang niyakap ni Audrey at tuluyan nang kumawala ang mga luha niya.

***

Mag-tatakipsilim na nang marating ni Feliciano ang kampo. Agad nagbigay-galang sa kaniya ang mga sundalo na pinamumunuan ni Jacinto. "Anong sinasabi mo tungkol sa apo ko? Imposible, nasa bahay lang siya" giit ni Feliciano nang salubungin siya ni Jacinto. Yumuko lang ito "Sumunod po kayo sa akin" saad ng binata.

Dinala siya ni Jacinto sa CCTV monitor room. May halos labing-dalawang tv screen ang naroroon kung saan kitang-kita ang mga kuha ng CCTV sa bawat sulok ng kampo. "Paki-play ang kuha ng CCTV kahapon" utos ni Jacinto sa isang sundalong nag-ooperate doon.

Nag-play sa pinaka-gitnang monitor ang kuha ng CCTV kahapon kung saan kitang-kita ang pagtakbo ni Melissa, Siyam at Dos papalabas mula sa kulungan ni Commander Dado. Kasunod nito ay ang paglabas din ni Nightmare habang hawak-hawak ang kamay ni Audrey.

Kasunod nito ay nag-play ang mabilis na pagtakas ni Melissa, Siyam at Dos sakay ng motorsiklo na nasa labas ng kampo. Wala pang dalawang minuto ay nakuhaan din ang pag-ahon ni Audrey at Nightmare mula sa creek at sumakay sila sa nag-iisang motorsiklo na naiwan doon sa labas ng boundary ng kampo.

"S-sino ang lalaking 'yon?" gulat na tanong ni Feliciano habang nakaturo sa monitor. "Hindi pa po namin alam" sagot ni Jacinto, "Sa kaso po ito, mukhang kusang sumama ang apo niyo sa lalaking 'yon" sabat naman ng sundalong nag-ooperate ng CCTV.

Nagpintig ang tenga ni Feliciano sa narinig. "Pupuntahan ko si Dado" saad niya at naglakad siya papalabas sa CCTV room. Sinundan naman siya ni Jacinto, bago maisara ni Jacinto ang pinto ay napatigil si Feliciano sa paglalakad sabay bulong sa kaniya "Patayin mo ang sundalong 'yan, mag-file ka na lang ng report na pinatay siya ng mga tauhan ni Dado na lumusob dito kahapon" utos ni Feliciano, agad namang napatango si Jacinto saka pumasok sa loob at binali ang leeg ng sundalong iyon.

Pagdating ni Feliciano sa ikalawang palapag, binuksan ng isang sundalo ang selda. Naabutan ni Feliciano na nakaupo si Commander Dado sa kinakalawang nitong higaan habang nakapikit ang mga mata na animo'y nagdarasal.

Dahan-dahang iminulat ni Commander Dado ang mga mata niya saka tumingin kay Feliciano na nakatayo sa tapat ng pintuan habang pustorang-pustora ang bihis. Naka-suot ito ng puting barong tagalog. "Masaya ka na siguro ngayon, mula sa pagiging isang magiting na heneral na naging senate president at mukhang magiging pangulo pa ng bansa" panimula ni Commander Dado na may halong pagtawa, ang tono ng kaniyang pananalita ay parang nangungutya.

"Sinadya mo 'no?" seryosong tanong ni Feliciano pero tumawa lang si Commander Dado. "Ano na naman ba ang gusto mong iparatang sa'kin? Lahat na lang ng masasamag gawain sa'kin mo binabato" tawa ni Commander Dado. At dahil sa inis ay agad sumugod sa kaniya si Feliciano at hinawakan nito ang kwelyo niya.

"Sinadya mong kidnappin ang apo ko para gamitin ng apo mo!" sigaw ni Feliciano habang nalilisik ang mga mata nito. Sa halip na matakot o magalit ay tumawa lang ng malakas si Commander Dado na animo'y nababaliw. "At ngayon sinisisi mo naman ang lahat sa apo ko... Wala ka na bang ibang mababatuhan ng sisi, ha?" kutya pa nito dahilan para ma lalong manggigil sa galit si Feliciano.

Sinubukang lumapit ng dalawang sundalo na nasa labas pero nilingon sila ni Feliciano "H'wag kayong mangialam!" saad nito kung kaya't napaatras na lang ang dalawang sundalo. Muling ibinaling ni Feliciano ang nanlilisik niyang mga mata kay Commander Dado.

"Sabihin mo sa'kin, saan dinala ng apo mo ang apo ko?!" sigaw ni Feliciano, namumula na ang kaniyang mukha sa galit. Bigla namang nagtaka ang hitsura ni Commander Dado "Nakakulong ang apo ko ngayon, hindi ba? Bakit hinahanap mo sa kaniya ang apo mo"

Napakunot ang noo ni Feliciano "Nakuhaan sa CCTV na tinakas ng apo mo ang apo ko!" giit ni Feliciano, muling tumawa ng malakas si Commander Dado dahilan para mas lalo siyang mainis dahil parang niloloko siya nito.

"Isa lang ang apo ko, si Leon, nakakulong siya ngayon sa ilalim ng utos mo hindi ba?"

"S-sino ang lalaking kumuha sa apo ko?"

Biglang ngumisi ng malaki si Commander Dado "Hindi mo ba siya nakilala? Ang lalaking iyon ang apo ng matalik nating kaibigan na pinakakinamumuhian mo... Buhay pa ang apo ni Cristobal" saad ni Commander Dado sabay tawa ng malakas. Halos walang kurap at gulat na gulat si Feliciano sa mga nalaman.

***

"Kaunting lakad lang hija mararating niyo na ang opisina ng barangay, may health center sila roon" saad ng matandang mangingisda habang inaalalayan nila si Nightmare pababa sa bangka. Narating na nila ang kabilang bayan at kakaunti lang ang tao roon. Papalubog na ang araw at halos pauwi na rin ang mga batang naglalaro sa labas ng bahay.

"Sige po, Salamat po" wika ni Audrey nang makaupo na sila sa mababang pader na nakaharang sa dagat at kalsada. Lagpas tuhod lang ang taas ng pader na iyon kung kaya't hindi sila nahirapang sumampa roon. "Sa inyo na 'to, alcohol at benda lang ang laman niyan pero sana makatulong sa sugat ng kasama mo" wika pa ng matandang mangingisda. Nagpasalamat ulit si Audrey bago tuluyang magpaalam ang mangingisdang naghatid sa kanila sa kabilang bayan.

Medyo tuyo na ang buhok at damit nilang dalawa, natuyo sa hangin na sumasalubong sa kanila habang nakasakay sa bangka kanina. Nakaupo sila ngayon sa sementong pader, nakaharap sila sa malawak na dagat at nasa likuran naman nila ang mahabang kalsada na halos wala namang dumaraan na sasakyan at tao.

May isang tindahan na matatanaw mula sa di-kalayuan ngunit nagsisiuwian na ang mga tao na naroroon. Binuksan na ni Audrey ang maliit na blue box na gawa sa plastic na inabot ng matandang mangingisda na tumulong sa kanila kanina. Kinuha niya ang alcohol at puting benda na laman niyon.

"Gagamutin ko ang sugat mo" saad ni Audrey, tinulungan niya si Nightmare na hubarin ang suot nitong leather jacket. Napatitig siya sandali sa mukha ng binata nang makita ang malalim nitong sugat sa balikat. "Daplis lang ng bala 'yan" mahinahong saad ni Nightmare. Kahit papaano ay nakahinga ng maluwag si Audrey dahil wala siyang balang dudukutin mula roon.

Habang nililinis ni Audrey nang mabuti ang sugat ni Nigtmare sa balikat, hindi niya nalamayan na kanina pa nakatitig sa kaniya ang binata. Nang matapos niyang linisin iyon ay binalutan na niya ng benda, napatigil na lang siya nang mapatingin siya kay Nightmare at nahuli niya itong nakatitig pa rin sa kaniya.

"Naalala ko ang sinabi mo noong nasa kampo pa tayo at ginamot ko ang sugat mo. Ang sabi mo, minsan may mga bagay na 'di natin nararamdaman na masakit na pala hanggang sa tumagal nang tumagal. Magugulat na lang tayo na may sugat na pala at ang tagal pa bago natin nalaman. Hindi dahil sa manhid tayo, kundi dahil inakala nating okay na pero ang totoo... Hindi pala" panimula ni Nightmare habang nakatingin ng derecho sa kaniyang mga mata.

Magulo at parang tumigas na ang itim na buhok ng binata pero kahit ganoon ay mas nakadagdag pa rin ito sa kagwapuhan niya. Napayuko naman si Audrey "Naalala ko rin, kanina lang, kayo pala ni Leon ang dalawang bata na kalaro ko noon na pumupunta sa bahay" saad ni Audrey, hindi naman agad nakapagsalita si Nightmare. Ilang segundong naghari ang katahimikan sa pagitan nila, tanging ang alon lang mula sa dagat ang naririnig nila.

"Alam niyo pala pareho, na ako si Feliciana" patuloy pa ni Audrey, napahinga naman ng malalim si Nightmare bago siya nagsalita "Ikaw man si Feliciana o hindi, totoong masaya kami ni Leon dahil buhay ka" wika ni Nightmare at ibinaling nito ang tingin sa napakagandang dagat na nasa harapan nila. Mas lalong nakadagdag sa ganda ng tanawin ang papalubog na araw at ang kulay kahel (orange) na kalangitan.

"Ang sabi sa balita noon, namatay ka raw kasama ang papa mo sa car crash. Pero hindi nakita ang katawan mo at ang sabi sa balita dinukot at pinapatay ka raw nila Commander Dado at Ka Ferding bilang paghihiganti sa ginawa ng papa mo sa pamilya namin. Alam namin ni Leon na hindi iyon totoo, nagsisimula pa lang noon ang grupo na itinatag ng lolo at papa ni Leon. Ang sabi ni Aling Coring, baka raw iba ang kumuha sayo na isa sa mga kalaban ng pamilya niyo. Pitong taong gulang pa lang kami noon ni Leon pero kahit bata pa kami hindi kami naniniwala na patay ka na. Na wala na ang matalik naming kaibigan at kalaro noon" patuloy ni Nightmare, dahan-dahang iniangat ni Audrey ang ulo niya at tumingin kay Nightmare.

"Kaya hindi ako madaling naniniwala sa balita o sa sabi-sabi ng ibang tao dahil kung minsan hindi ito totoo. Ang pinanghahawakan ko lang ay ang sarili kong paniniwala na ang batang babaeng kakikalala ko ay makikita ko rin sa takdang panahon" dagdag pa ni Nightmare sabay tingin kay Audrey, agad namang napaiwas ng tingin ang dalaga at tumayo.

"P-pupunta lang ako sa health center para makahingi ng betadine" saad ni Audrey, sinubukan namang tumayo ni Nightmare pero napakabig siya sa inuupuang semento dahil kumirot ang sugat niya sa balikat. "Dito ka lang, ilang lakad lang naman daw mula rito ang health center, babalik ako agad" patuloy ni Audrey sabay talikod pero napatigil siya nang magsalita si Nightmare.

"Sandali, isuot mo 'tong jacket, halata ang bra mo" derechong saad ni Nightmare na ikinagulat ni Audrey, napatingin siya sa dibdib niya, bumakat nga ang bra niya dahil medyo basa pa ang damit na suot niya. Agad niyang kinuha ang itim na leather jacket na hawak ni Nightmare. At dahil sa hiya ay tumalikod siya agad at mabilis na naglakad papalayo.

Napapikit na lang si Audrey sa inis dahil derechong sinabi sa kaniya ni Nightmare na halata ang bra niya. Ni hindi man lang ito nag-dalawang isip o nahiya magsabi ng ganoon dahil siguradong malalagay siya sa kahihiyan. Habang naglalakad siya papalayo ay bigla siyang napatigil nang marinig ang tunog ng radyo na nabubuhayan ng linya.

Napatigil siya sa paglalakad at hinanap niya sa jacket kung saan nanggagaling ang tunog. Mayamaya pa ay nakita niya ang isang maliit na communication device, may maliit itong earpiece na may mahabang wire, konektado rin ang wire sa isang maliit na mic.

Naalala ni Audrey na iyon ang gamit nila Melissa, Siyam, Dos, Nightmare at ng iba pang mga kasamahan nila kanina nang pasukin nila ang kampo kung saan nakakulong si Commander Dado. Napatitig sandali si Audrey sa communication device na iyon, dahan-dahan niyang sinuot ang earpiece sa tenga niya at pinakinggan ang pagbalik ng linya mula roon.

***

"I-imposible, namatay na ang buong angkan ni Cristobal sa pier... P-paanong—" hindi na natapos ni Feliciano ang sasabihin niya dahil biglang nagsalita si Commander Dado.

"Dumadaloy sa dugo niya ang dugong Sallez. Kamukhang-kamukha niya si Cristobal" tawa muli ni Commander Dado, ang pagtawa niya ay may kahalong pagluha, bagay na hindi maunawaan ng dalawang sundalong nasa likod ni Feliciano.

Dahan-dahang napahakbang paatras si Feliciano, nanghina ang kaniyang tuhod at nawalan siya ng balanse dahilan para mapabagsak siya sa sahig. "P-pinalaki ko siya na para ko na ring anak pero sa huli, iiwan din pala niya ako" patuloy pa ni Commander Dado at sa pagkakataong iyon ay tuluyan nang bumagsak ang mga luha niya. Paulit-ulit din niyang sinasambit ang pangalan ni Ka Ferding at Leon.

Maging si Feliciano ay tulalang nakaupo sa sahig habang namumuo ang mga luha sa kaniyang mga mata. Mayamaya pa ay tumigil na sa pagluha si Commander Dado "Natatakot ka ba na talikuran ka rin ng apo mo? Kaya ba hinahanap mo siya ngayon ay dahil natatakot kang maglabas siya ng pahayag laban sayo?" nanginginig na napatingin si Feliciano kay Commander Dado na ngayon ay seryoso nang nakatingin sa kaniya.

Dahan-dahan siyang tumayo at agad siyang inalalayan ng dalawang sundalong nasa likod niya. "N-nasaan si Jacinto? Papuntahin niyo siya dito" utos niya sa dalawa, tumango naman ang isa at sumunod sa utos habang ang isa naman ay naiwan sa tapat ng pinto. "Bumaba ka na rin" saad ni Feliciano sa isang sundalong nakatayo sa labas ng pintuan. Wala na itong nagawa kundi ang sumaludo at umalis doon.

"Nakikita ko sa mga mata mo na natatakot ka nga. May dalawang bagay na kinatatakutan ang taong nagtataglay ng kayamanan at kapangyarihan. Una, kamatayan. At ang pangalawa... Katotohanan" patuloy pa ni Commander Dado. Ang kaniyang mga tingin ay parang isang malaking konsensiya na pilit lumalamon kay Feliciano.

Magsasalita pa sana si Commander Dado kaso biglang bumukas ang pinto, tumambad sa harapan nila si Jacinto, ang tapat na tauhan ni Feliciano. Agad inagaw ni Feliciano ang baril na nakasuksok sa bulsa ni Jacinto at itinutok niya iyon sa ulo ni Commander Dado.

"Patayin mo na ako, wala na akong pinagsisisihan sa mundong ito. Sapat na sa'kin ang malaman na habambuhay kang lulunurin ng konsensiya sa dami ng kasalanang nagawa mo, Feliciano" saad ni Commander Dado na animo'y sinusumpa at kinukutya siya nito. Natawa muli si Commander Dado nang mapansin niyang nanginginig ang kamay ni Feliciano habang hawak nito ang baril na nakatutok sa ulo niya.

"Marami na rin naman akong napatay pero kailanman ay hindi ko nagawang patayin ang sarili kong kadugo" patuloy pa ni Commander Dado at bigla itong tumawa. Napakunot naman ang noo ni Jacinto, "Sir, ako na po ba ang tatapos?" umiling si Feliciano bilang sagot sa kaniya.

Isang mahabang halakhak ang muling pinakawalan ni Commander Dado na parang nasisiraan na ng bait. "Bakit? Akala mo ba hindi ko alam? Akala mo ba hindi ko maiisip ang pinakamabigat na kasalanan na nagawa mo sa buong buhay mo?" kutya pa ni Commander Dado dahilan para mas lalong manggalaiti sa galit si Feliciano.

"Alam ko na ikaw ang nagpapatay sa anak mong si William! Hindi siya namatay sa akisdente hindi ba? Dahil ang totoo, pinatay mo siya dahil pinagbantaan ka niyang ilalaglag ka sa pulisya dahil pinatay mo si Celia na siyang kinababaliwan niya!" sigaw ni Commander Dado na halos tumagos sa buong kaluluwa ni Feliciano, pinutok niya ang baril at derechong tumama ang bala sa noo ni Commander Dado na ngayon ay bumagsak sa higaan nito habang unti-unting nanunuot ang dugo sa puting kutson na sapin ng kama.

Samantala, kasabay ng malakas na putok ng baril mula sa kabilang linya ay ang biglaang panghihina ng tuhod ni Audrey at ang pagbagsak niya sa gitna ng kalsada. Nanginginig siyang napahawak sa earpiece na suot niya ngayon sa tenga niya habang ang isa namang earpiece na pagmamay-ari ni Melissa ay sinadya nitong iwan kanina sa ilalim ng lababo sa loob ng selda ni Commander Dado para ma-track nila ang mga pangyayari sa loob.

"Jacinto, g-gumawa ka ng report at sabihin mong pinatay ng apo ni Cristobal ang lider ng rebeldeng grupong ito" saad ni Feliciano mula sa kabilang linya, kasunod nito ay narinig ni Audrey ang malakas na pagsarado ng pinto.

"Audrey!" natauhan lang siya nang marinig ang boses ni Nightmare mula sa likuran. Dahan-dahan siyang napalingon sa binata, naglalakad ito ng mabilis papalapit sa kaniya habang hawak-hawak ang sugat sa balikat at namamantsahan ng dugo ang puting sando na suot nito.

Kasabay niyon ang tuluyang pagbagsak ng mga luha ni Audrey. Ang puso niya ngayon ay nadudurog at nag-aapoy sa galit dahil sa katotohanang ang sarili niyang lolo ang nagpapatay sa papa niya.


****************************

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top