Mistake 22


[Kabanata 22]

"Ang totoong may ari ng kuwintas na 'yan ay ang mama ni Nightmare" sagot ni Commander Dado na nagpatigil sa kanilang mundo. Napatingin si Audrey kay Nightmare na ngayon ay napayuko at napatingin na lang sa sahig. Napahinga naman ng malalim si Melissa, naalala ni Audrey na minsan nang sinabi sa kaniya ni Melissa na hindi ang papa niya ang totoong may ari ng kwintas na iyon at hindi iyon sa pamilya nila.

"I-imposible paano ang sabi po ni papa----" hindi na natapos ni Audrey ang sasabihin niya dahil biglang nagsalita si Commander Dado "Nagsinunggaling ang papa mo... Sinungaling si William!" buwelta ni Commander Dado at inilahad na niya ang buong kwento...

Ang ama ni Audrey na si William Medina ay nag-iisang anak ni Feliciano Medina. Matangkad, mestizo, at hawig na hawig ni Audrey ang kaniyang ama noong nabubuhay pa ito. Si William ay isang prosecutor, marami na itong nakalaban na mga kilala at makapangyarihang tao. Hindi rin lingid sa kaalaman ng lahat na tumatanggap siya ng suhol.

Matagal nang may gusto si William kay Celia. Maganda, mabait, mahinhin si Celia, high school pa lang sila ay nililigawan na siya ni William. Matalik na magkakaibigan si William Medina, Fernando Bautista (Ka Ferding) at si Manuel Sallez na siyang ama ni Nightmare.

Ngunit iba ang lalaking napupusuan ni Celia hanggang sa nagkahiwalay sila sa kolehiyo, si William at Fernando ay nag-aral sa parehong University. Criminology ang kursong kinuha ni Fernando. Samantala, magkapareho naman ng Unibersidad si Manuel at Celia, nag-aral ng Engineering si Manuel, Education naman ang kinuha ni Celia. Nang makatapos sila ng kolehiyo, huli na nang malaman ni William na matagal na palang may relasyon si Celia at Manuel. Nagdadalang-tao na noon si Celia. Nagalit si William pero wala rin siyang nagawa dahil kaibigan niya si Manuel.

Nagpakasal si Manuel at Celia, Antonio Sallez (Nightmare) ang ipinangalan nila sa kanilang anak na hango sa pangalan ng ama ni Celia na si Antonio na matagal nang namayapa. Makalipas lang ang ilang buwan nagpakasal na rin si Fernando sa babaeng nakilala nito sa trabaho, si Julian ang naging anak nila na kilala sa pangalang Leon.

Ngunit hindi naging madali ang lahat, nagkaroon ng kaso si Fernando na noo'y ganap nang pulis. Hindi siya tumanggap ng suhol mula sa isang negosyante na siyang may ari ng kompanyang pinagtatrabahuan din ni William, abogado siya ng kompanyang iyon bukod sa pagiging prosecutor niya.

Humingi ng tulong si Fernando kay Manuel na isang engineer, naglabas ito ng mga pahayag na hindi maaaring tayuan ng establishimento ang lupaing iyon. Nang kausapin nila si William, sinabi nitong kailangan niya ang malaking proyektong iyon, hanggang sa naungkat ang matagal na niyang galit kay Manuel nang makatuluyan nito si Celia.

Naipanalo ng kampo ni William ang kaso, nahatulan ng sampung taong pagkakakulong si Fernando. Naibaliktad nila ang kaso at pinalabas nilang nagsisinunggaling si Fernando sa pagsuhol na ginawa ng kompanyang iyon. Mahusay si William at dahil sa galit ay nagawa nitong kalimutan ang kanilang pagkakaibigan. Masama rin ang loob ni William kay Fernando dahil matagal nang alam ni Fernando ang tungkol sa relasyon ni Manuel at Celia pero inilihim niya rin ito at pakiramdam niya ay pinagkaisahan siya ng dalawang kaibigan.

Nang matanggal sa katungkulan si Fernando, lumapit si Mandado (Commander Dado) kay Cristobal na noo'y may mataas nang katangkulan sa hukbong sandatahan. Kinausap nila ang kaibigan nilang si Feliciano at humingi ng tulong. Pero buo na raw ang desisyon ni William na talikuran ang kanilang pagkakaibigan.

Si Mandado Bautista, Feliciano Medina at Cristobal Sallez ay matalik na magkakaibigan mula pagkabata. Sabay-sabay silang nangarap na maging sundalo at pumasok sa PMA. Si Cristobal ang pinakamagaling sa kanilang tatlo, kung kaya't madali itong nagkaroon ng ranggo na ikinaiinggit ni Feliciano.

Nang makulong si Fernando, labis na ikinasira iyon ng pamilya Bautista. Maging si Mandado ay idinadawit nila ngunit wala naman silang maipakitang ebidensiya. Hanggang sa inimbitahan ni William si Mandado at Cristobal sa isang restaurant. Tumawag siya at sinabing gusto niyang makausap ang dalawa dahil tutulungan na niya mapasawalang-sala si Fernando.

Nauna si Mandado at Cristobal sa restaurant na iyon, habang hinihintay nila si William may isang lalaking pustorang-pustora ang dumating at lumapit sa dalawa. Nagpakilala itong secretary ni William at medyo mahuhuli raw ng dating ang kaniyang amo dahil may importante meeting pa itong dinaluhan. May inabot na itim na bag ang lalaking secretary. Hindi nagtagal nagsabi itong tutungo lang sa palikuran ngunit pagkaalis na pagkaalis niya ay biglang dumating ang mga pulis at pinalibutan ang buong restaurant.

Mabilis na pinasok ng mga pulis ang loob ng restaurant. Pinadapa si Mandado at Cristobal sa sahig at inaresto. Nang buksan nila ang itim na bag, naglalaman iyon ng mga ilegal na droga. Naging matibay na ebidensiya ang kuha ng CCTV ng restaurant na iyon kung saan kitang-kita ang pagdating ng isang lalaki at iniabot kay Mandaod at Cristobal ang bag saka umalis. Naging mabilis din ang pag-usad ng kaso, bagay na hindi na nila ipinagtaka dahil hawak na ni William ang korte.

Isang gabi, dinalaw ni Feliciano si Mandado at Cristobal. Nangako itong tutulungan niya ang dalawang kaibigan dahil hindi niya gusto ang kasamaang ginagawa ng anak niyang si William na parang nasisiraan na ng ulo noong mga panahong iyon. Naging madalas ang pag-init ng ulo nito at palagi niyang naririnig na nag-aaway noon ang mag-asawa at kung minsan ay tumatawa ng mag-isa at sumisigaw si William sa opisina nito.

Sinabi ni Feliciano na papatakasin niya sina Mandado at Cristobal at magtago muna sila sa ibang bansa. Pero hindi sila pumayag dahil wala naman silang kasalanan. Nang gabing iyon, dumating si Feliciano, binuksan niya ang kulungan ng dalawa saka sinabing naghihintay na ang mga pamilya nito sa pier kung saan nakahanda na rin ang barkong sasakyan nila papuntang ibang bansa.

Pagdating sa pier na tatlong kilometro lang ang layo mula sa kulungan nila. Nakita na nila agad ang pulang barko na tinukoy ni Feliciano, pagpasok nila roon ay nakita nila agad ang kani-kanilang mga pamilya. Yakap-yakap nina Celia at Manuel ng mahigpit ang anak nilang si Nightmare na noo'y limang taong gulang pa lamang. Habang nasa kabilang sulok naman ang asawa ni Fernando habang yakap-yakap ng mahigpit si Leon na limang taong gulang din.

"Paano po si Ferding?" tanong ng asawa nito, nagsimula namang umiyak si Leon dahil wala ang papa niya pero agad siyang pinatahan ng kaniyang ina. "Nangako si Feliciano na tutulungan din niyang makatakas ang anak ko" sagot ni Mandado, dumating na ring ang katiwala na nagpakilala na tauhan ni Feliciano at sinabi nitong manatili lang sila sa imbakan ng gamit sa ilalim ng barko dahil aalis na ang barko anumang oras.

Isang malakas na putok ng baril ang nagpatigil sa kanilang lahat, nang sumilip si Manuel sa bintana ay laking gulat niya nang makita ang halos labin-dalawang sasakyan ng mga pulis at nakawesto na ang lahat sa pier. "Huwag na kayong magtangkang tumakas, napapaligiran na namin kayo" anunsyo ng pinuno gamit ang hawak nitong megaphone. Halos manigas sa takot si Mandado at Cristobal nang makita ang mga pulis sa labas.

Gulat na napalingon si Manuel sa katiwala nang bigla itong lumapit kay Celia sabay hugot ng kwintas na suot nito. Hinugot na rin nito ang baril at derecho niya itong pinaputok sa ina ni Leon na nagsisisigaw, at sunod naman niyang binaril sa ulo ang ina ni Nightmare. Napsigaw ng malakas si Manuel habang tumatakbo papalapit sa kaniyang mag-ina, babarilin na dapat ng katiwala ang batang si Nightmare ngunit agad siyang niyakap ng kaniyang ama dahilan para ito ang tamaan ng tatlong magkakasunod-sunod na bala sa likod at batok.

Bumagsak sa harapan ni Nightmare ang kaniyang ama at ina na ngayon ay duguan na at wala ng buhay. Umiyak at nagsisigaw ang bata, mabilis na dinambahan ni Cristobal ang katiwala at nakipag-agawan ito sa baril. "Itakas mo na ang dalawang bata!" sigaw ni Cristobal kay Mandado, agad binuhat ni Mandado si Nightmare at Leon na pareho nang umiiyak sa takot.

"Hindi ako aalis dito, hindi kita iiwan" saad ni Mandado habang buhat-buhat ang dalawang bata. Napalingon siya sa bintana at nakita niyang kumikilos na ang mga pulis para makapalit sa kanila dahil naalarma rin ang mga ito sa narinig na magkakasunod na putok ng baril.

"Tumakas ka na! wala ng oras... i-ikaw na ang bahala sa apo ko" saad ni Cristobal habang sinasakal ang kalaban. Napatingin ito sa apong si Nightmare na hindi na maawat sa pag-iyak. "H-huwag ka na umiyak apo ko, susunod si lolo sa inyo" patuloy ni Cristobal. Naalarma sila nang marinig ang pagbagsak ng pinto mula sa storage room, paparating na ang mga pulis.

"Tumakas na kayo!" sigaw pa ni Cristobal, walang nagawa si Mandado kundi ang dumaan sa kabilang pinto habang buhat-buhat ang dalawang bata. Buong lakas na idiniin ni Cristobal ang mga kamay niya sa leeg ng kalaban na pilit pa ring lumalaban. "A-akala niyo makakatakas kayo rito? Sasabog na 'to!" tawa ng katiwala, nanlaki ang mga mata ni Cristobal sa gulat at pagtingin niya sa itaas ng pintuan, naroon nakadikit ang bomba na sampung segundo na lang ay sasabog na.

Napatigil sa Cristobal at agad siyang sinipa ng katiwala sa tiyan. Mabilis itong dumaan sa bintana saka isinarado iyon at lumundag sa tubig. Ilang beses niyang sinipa ang bintana pero ayaw nitong bumukas. Paglingon niya sa pintuan ay naroon na ang mga pulis. Bago pa man makapagsalita ang isa sa kanila ay bigla nang sumabog ang bomba.

Malakas na pagsabog ang sumalubong sa lahat. Nasa itaas na ng barko si Mandado bitbit ang dalawang bata at dahil lakas ng pwersa ay nahulog sila sa dagat. Tumilapon sa ere ang barkong nagkapira-piraso. Napayuko rin ang mga pulis na nasa pier dahil nagbagsakan ang mga makakapal na bakal mula sa barko. Maging ang dagat ay nagambala dahil sa napakalakas na pagsabog. Ang ibang mga barkong nakadaong sa tabi ay nagbanggaan din at nasira.

Mula sa di-kalayuan, nakatayo si Feliciano sa taas ng isang building habang pinapanood ang pagsabog ng barko. Mayamaya pa ay dumating na ang isa sa mga tauhan niya "Malinis na po ang lahat boss" saad nito, tumango lang si Feliciano habang pinapanood pa rin ang pagsabog na nangyari, ang pagdating ng mga bomber at ambulansya.

Makalipas ang ilang linggo kalat na ang balita na napatay ang dalawang tiwaling heneral at ang pamilya nito na nagtangkang tumakas. Namayagpag ang pangalan ni Feliciano at William. Makalipas pa ang tatlong buwan, palihim na itinakas ni Mandado ang anak niyang si Fernando sa kulungan at dahil pulis isa itong pulis at ang ama niya ay dating heneral, magaling silang nakabuo ng plano at taktika. Naitakas nila si Fernando at tumira sila sa kagubatan. Magmula rin ng gabing iyon, si Mandado na ang kumupkop at nag-alaga kay Nightmare, sumanib na rin sa kanila ang bunsong babaeng kaptid ni Celia na si Melissa. Hanggang sa lumawak ang kanilang nasasakupan at mga taong gustong umanib sa kanilang grupo sa paglipas ng panahon.


Napatigil si Commander Dado sa pakwekwento at napahawak siya sa kaniyang dibdib na sinundan ng kaniyang malalim na pag-ubo. Agad siyang inabutan ni Melissa ng tubig na kinuha nito mula sa katabing lababo. Nang mahimasmasan si Commander Dado ay muli siyang tumingin kay Audrey na ngayon ay nakatitig pa rin sa kaniya "Hindi ko akalain na ikaw pala si Feliciana, napakatalino talaga ng lolo mo para maitago ka sa ibang katauhan sa loob ng ilang taon" ngisi ni Commander Dado na di-kalaunan ay naging pagtawa.

"G-gusto ko pong malaman mula sa inyo... K-kayo po ba ni Ka Ferding ang nagpapatay sa papa ko?" tanong ni Audrey habang pinipigilan nito ang panginginig ng labi. Kasabay ng mga katagang iyon na kaniyang binitiwan ay ang pagpatak ng kaniyang mga luha habang nakatitig sa matanda.

Muling naging seryoso ang mukha ni Commander Dado habang nakatingin pa rin ng derecho kay Audrey "Kaya ka ba naparito para alamin kung kami nga ang nagpapatay kay William? Hindi ba namatay siya sa aksidente? Hanggang ngayon hindi pa rin pala natatapos ang pag-aakusa na 'yan laban sa'min. Sa tingin mo ba hija, paano maiisip ng taong nagsabi sayo na pinatay ang papa mo sa isang aksidente kung hindi siya ang nag-plano niyon?" tugon ni Commander Dado na ikinagulat ni Audrey.

Nanatili namang nakayuko si Nightmare, Melissa, Siyam at Dos habang nakikinig sa kanila. "A-ano pong ibig niyong sabihin?" hindi makapaniwalang tanong ni Audrey, muli siyang tinitigan ni Commander Dado.

"Walang ibang nakakaalam ng plano kundi ang tao na mismong nag-plano niyon" saad ni Commander Dado. Hindi nakapagsalita si Audrey, batid niya kung ano ang gustong iparating ni Commander Dado.

Napatigil sila nang marinig ang tawag ng kasamahan nila mula sa earpiece na suot nila. "Bumaba na kayo diyan, nabuksan na nila ang basement at kasalukuyang inaayos ang power system!" saad ng kasamahan nila na naka-damit pangsundalo.

"Wala na tayong oras!" nagmamadaling saad ni Siyam, binuksan na niya ang pinto at sumilip sa mahabang hallway na walang katao-tao. Tinitigan niyang mabuti ang CCTV na nasa itaas, wala pa ring kuryente.

Aalis na dapat sila pero biglang nagsalita si Commander Dado, "Halika rito, Nightmare" saad nito sabay senyas sa binata na lumapit sa kaniya. Naglakad naman si Nightmare papalapit at nagulat siya nang bigla nitong hugutin ang baril ng binata na nakasuksok sa bulsa nito.

Nagulat silang lahat nang biglang itinutok ni Commander Dado ang baril kay Audrey na ngayon ay halos manigas din sa kaniyang kinatatayuan. "C-commander!" saad ni Nightmare at nang humakbang pa siya papalapit sa matanda ay itinutok naman nito sa kaniya ang baril.

"Maghunos dili po kayo!" awat ni Melissa at agad naman sumenyas si Siyam na tumahimik lang sila dahil baka may makarnig sa kanila mula sa labas.

"Hindi ba nagpadala ako ng misyon sa'yo, Nightmare. Bakit buhay pa ang babaeng 'to?" seryosong wika ng matanda. Hindi naman nakapagsalita si Nightmare, at agad itong napaiwas ng tingin. Gulat namang napatingin si Audrey kay Nightmare. Bigla niyang naalala 'nong isang gabi kung saan pumasok si Nightmare sa kwarto niya at tinutukan siya nito ng baril pero wala namang bala.

Itinutok naman ni Commander Dado ang baril niya kay Siyam at Dos na nakatayo sa likod ng pinto. "Kayong dalawa, alam niyo ang tungkol sa misyon, bakit hinayaan niyong hindi 'yon gawin ni Nightmare?" galit na tanong nito, napayuko naman ang dalawa.

"P-patawad po----" hindi na natapos ni Siyam ang sasabihin dahil biglang sinagi ni Nightmare ang braso ni Commander Dado dahilan para mabitiwan nito ang baril at mabilis niyang naagaw ang baril sa matanda.

"A-anong..." hindi makapaniwala si Commander Dado sa ginawang iyon ni Nightmare. Maging ang mga kasamahan niya ay hindi makapaniwala na magagawang lumabag ni Nightmare sa utos ng kanilang pinuno. Kasabay niyon ay biglang bumukas ang ilaw at electric fan sa loob ng kwarto ni Commander Dado.

"May kuryente na!" halos sabay na wika ni Siyam at Dos. Kasunod nito ay narinig nila ang sigaw ng kasamahan nilang naka-damit pangsundalo. "Nabuko na tayo!" sigaw nito mula sa earpiece bago siya madakip ng mga sundalong naroroon sa ibaba.

"Umalis na tayo!" inis na saad ni Melissa at nauna na siyang tumakbo papalabas. Sumunod naman sa kaniya si Siyam at Dos. Agad hinawakan ni Nightmare ang kamay ni Audrey at hinila ito papalabas ngunit napatigil sila nang marinig ang tawa ni Commander Dado "Matapos kitang alagaan at palakihin, ito lang ang igaganti mo! Nakalimutan mo na ba ang totoong dahilan ng pangalan mo? At naalala mo pa ba ang sinabi ko sayo noon tungkol sa dalawang bagay na hindi dapat taglayin ng isang tao habang hawak ang baril..." saad ni Commander Dado, sa pagkakataong iyon ay naalala ni Nightmare ang mga sinabi sa kaniya ni Commander Dado noong anim na taong gulang siya, nang hubugin sila para maging kaanib ng grupong itatatag nito...

Nakatayo ng tuwid ang batang si Antonio (Nightmare) at Julian (Leon) sa gitna ng kagubatan habang nasa harapan nila ang malaking siga ng apoy. Malalim ang gabi ngunit hindi iyon alintana ng mga bagong miyembro na nais sumanib sa grupo ni Commander Dado at Ka Ferding.

Naglalakad ng dahan-dahan si Commander Dado sa harapan ng mga bagong miyembro. Taimtim na inoobserbahan ang halos labing-apat na kalalakihan. "Tatanungin ko kayo isa-isa. Nais kong sabihin niyo ang pangalan na gusto niyang itatawag sa inyo magmula sa gabing ito. Alam niyo naman na siguro ang pangunahing batas ng grupong ito. Una, ang misyon na iaatas sa bawat isa, maliit man o malaki ay hakbang na maituturing papalapit sa ating layunin. Ang sinumang lumabag sa misyon ay tulad ng isang dahong kusang bumitaw sa sanga ng puno. Sa oras na lumabag kayo sa misyon, ang kapalit nito ay kamatayan"

"Pangalawa, ang totoong pagkakakilanlan ng bawat isa ay mananatiling lihim niyo sa inyong sarili. Ang pangalang babanggitin niyo sa akin ngayon ay siyang magiging pangalan niyo magmula ngayon. Ang pagbubunyag ng inyong totoong pagkakakilanlan sa ibang tao ay kamatayang katumbas ng taong iyon"

Sabay-sabay na sumagot ang mga binatilyo ng "Opo, masusunod Commander" nagpatuloy sa paglalakad si Commander Dado at tumigil siya sa tapat ni Julian na kaniyang apo. "Ano ang pangalan mo?"

"Leon, Commander" matapang na sagot ng bata. "At bakit Leon ang napili mo?"

"Dahil tulad ng isang leon sa kagubatan, aalagaan kong mabuti ang aking mga tauhan at magiging isang malakas na Leon na siyang susunod sa inyong yapak" matapang na sagot ni Leon. Napangiti naman si Commander Dado at tumango sabay tingin kay Ka Ferding na bumilib din sa sagot ng anak.

Humakbang naman si Commander Dado at napatigil sa tapat ni Antonio "Ano ang pangalan mo?"

"Nightmare, Commander" matapang na sagot nito. Nagtaka naman ang hitsura ni Commander Dado, maging si Ka Ferding at Leon. Nagsimula ring magbulungan ang iba pang mga binatilyo. Napatigil lang sila nang suwayin sila ng pinuno. "Tahimik!" saad nito sabay tingin ulit kay Nightmare.

"At bakit Nightmare ang napili mo?" patuloy nito, napatitig naman ang batang si Nightmare sa lumiliyab na apoy sa gitna nila habang unti-unti nitong tinutupok ang mga kahoy na pangsiga.

"Dahil ako ang magsisilbing bangungot sa mga taong pumatay sa pamilya ko. Tulad ng isang bangungot na umaatake sa kaligitnaan ng gabi nang walang katiyakan at kasiguraduhan kung kailan ito darating. Ako ang magsisilbing bangungot na magpapahirap sa kanilang pagtulog hanggang sa hilingin na lang nila na hindi na magising pa" matapang at puno ng galit na tugon ng batang si Nightmare habang nakatitig sa nagliliyab na apoy. Ang repleksyon ng apoy ay nakikita na sa kaniyang mga matang nagliliyab din sa mga oras na iyon.

Nang matapos tanungin ni Commander ang lahat ng bagong miyembro, isa-isa niyang inabutan ang mga ito ng baril. "Itutok niyo sa'kin ang mga hawak niyong baril" utos nito, nagulat naman silang lahat at nagkatinginan pero wala rin silang nagawa dahil muling sumigaw ang pinuno.

"Ngayon, gusto kong malaman niyo ang dalawang bagay na hindi dapat taglayin ng isang tao habang hawak ang baril... Una, hindi mo dapat makalimutan kung saan tatami ang bala nito. Sa ulo ba? Sa puso? Sa tiyan? O sa likod? Walang lilihis na bala sa taong may siguradong target" saad ni Commander Dado at nagsimula siyang maglakad, nanatili namang nakatutok sa kaniya ang mga baril na hawak ng mga bagong miyembro.

"Pangalawa, huwag mong papakinggan ang tibok ng puso sa bawat segundong hawak mo ang baril. Walang awa at pag-ibig ang pwedeng manaig sa puso ng taong may hawak ng baril habang nakatutok ito sa target. Dahil awa at pag-ibig ang pangunahing kalaban ng baril" patuloy pa nito sabay tingin sa batang si Nightmare na nakikinig ng mabuti sa kaniya.


Muling tumawa si Commander Dado, nakatayo pa rin sa pintuan si Nightmare at Audrey habang hawak pa rin nito ang kamay niya. "Ikaw ang pinakamagaling at pinakamatalinong tauhan ko, Nightmare. Hindi ka nagkamali sa misyon mong kidnappin ang babaeng 'yan dahil siya naman pala talaga ang apo ni Feliciano. Alam mo ba kung ano ang pinakamalaking pagkakamali ng isang kidnapper at ng mga taong tulad natin?" tawa pa ng matanda. Napansin ni Audrey ang panginginig ng kamay ni Nightmare kung kaya't hinawakan niya ito.

"Ang mahulog sa bitag ng pag-ibig..." patuloy nito habang nakatingin ng derecho sa mga mata ni Nightmare. "Ang pag-ibig na 'yan ang siyang papatay sa'yo, Nightmare"


************************


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top