Mistake 19
[Kabanata 19]
Halos napatigil ang lahat nang lumapag ang helicopter sa gitna ng patag na kagubatan. Tanging ang liwanag lang mula sa ilaw ng helicopter ang nagbibigay liwanag sa buong paligid. Ilang sandali pa ay sunod-sunod na ring dumating ang mga sasakyan lulan ang mga sundalong kasama ni Lieutenant Jacinto Mercado.
Patuloy pa rin ang pag-ikot ng malaking elesi ng helicopter dahilan para magliparan ang mga dahon sa paligid. Maging ang mga buhangin at alikabok ay naghahari sa ere kung kaya't hindi sila gaano makakita. Unti-unting nanghihina ang tuhod ni Audrey habang nakatago sa gilid ng kubo, alam niya at nararamdaman niyang alam ng lolo niya na nandito siya ngayon.
Ilang segundong naghari ang katahimikan, tanging ang nakabibinging ingay mula sa helicopter ang naghahari sa buong paligid. "Papa" pabulong na tawag ni Leon kay Ka Ferding habang gumagapang papunta sa ama na ngayon ay nakahandusay na sa lupa, may malaking tama ito ng bala sa tiyan at dibdib.
"Pa..." ulit ni Leon, naghahalo na ang putik, luha at pawis sa kaniyang mukha habang pilit na gumagapang papalapit sa kaniyang ama. May tama rin siya ng bala sab inti at balikat kung kaya't hirap na siyang gumalaw. Sinubukan niyang bumangon upang mas mapabilis ang paggapang ngunit mabilis siyang dinaganan ni Nightmare dahil muntik na itong tamaan ng bala.
"Yumuko ka!" saad ni Nightmare sabay hawak sa ulo ng kaibigan na ngayon ay nanginginig na sa takot. Hindi nila inaasahan ang pagdating ng mga sundalo at ang magkakasunod na pagsabog sa buong kampo. Naunang pinasabog ang mga lagusan papunta sa basement kung saan nakaimbak ang mga baril, armas at bomba upang hindi sila makadaan doon sa pamamagitan ng sikretong lagusan.
"M-may tama si papa!" wika ni Leon at hindi na maawat ang pagbagsak ng mga luha nito. "Yuko" ulit ni Nightmare sabay hawak sa ulo ng kaibigan at sabay nilang isinubsob ang mukha sa lupa dahil sunod-sunod na tumama ang bala sa direksyon nila. Tanging matataas na talahib at tatlong puno lang ang napagtataguan nila ngayon.
"T*ngina!" inis na wika ni Nightmare sabay kuha ng baril at ginantihan ng putok ang mga kalaban. Nagulat siya nang makita na sumabay din sa pagputok ng baril si Uno at Onse na nasa kaliwa habang sugatan at nagtatago rin sa likod ng mga puno at talahib.
Sa kabilang banda, sabay-sabay na dumapa ang mga sundalo sa pangunguna ni Jacinto Mercado. Matapos ang pagpapaulan ng bala ng panig ng mga rebelde ay agad niyang sinenyasan ang mga tauhan na dahan-dahang gumapang papalapit sa kalaban.
"Kami na ang bahala, puntahan niyo na si Ka Ferding" pabulong na wika ni Uno, tumango naman si Nightmare at agad inakay si Leon, kasabay niyon ang pagpapaputok muli ng baril nila Uno at Onse. Mabilis na inakay ni Nightmare si Leon papunta sa kabilang kubo kung nasaan nakahandusay ang duguan nitong katawan sa labas ng bahay.
Ngunit agad nakaganti ang mga kalaban at derechong tumama ang mga bala kay Uno at Onse. "Hindi!" sigaw ni Nightmare at akmang tatakbo papunta sa mga kasamahan ngunit maging siya ay nadaplisan ng bala sa binti kung kaya't sabay silang bumagsak ni Leon sa lupa.
"S-si Uno at Onse!" saad ni Nightmare sabay lingon sa mga kasama ngunit maging ang dalawa ay naliligo na rin mismo sa sariling dugo. Patuloy ang pag-abante ng mga sundalo, agad hinawakan ni Leon ang kwelyo ni Nightmare. "Tumakbo ka na, iligtas mo ang sarili mo" saad ni Leon habang patuloy ang pagbagsak ng mga luha nito.
"H-hindi. Makakatakas tayong lahat dito. Walang maiiwan!" tugon ni Nightmare, hindi na rin niya maramdaman ang buong katawan. Maging ang kaniyang kamay at labi ay nanginginig na rin dahil sa hindi inaasahang mga pangyayari, lalo na ang masaksihan ang pagkamatay ng mga taong malalapit sa puso niya.
"H-hindi na ako makakatakbo. W-wala na si papa, hindi ko alam kung nasaan na si lolo. Ako na ang magsusuko sa grupo para wala nang mamatay pa sa mga kasamahan natin" saad ni Leon habang pilit pa ring gumagapang papalapit sa kaniyang ama.
"Tumakbo ka na papalayo at alamin mo kung paano nalaman ng panig ni Feliciano ang misyon at ang kinaroroonan natin" patuloy pa ni Leon. Magsasalita pa sana si Leon ngunit muli na namang umalingangaw ang sunod-sunod na putok ng baril kung kaya't napayuko silang muli.
"Mas mabuti pang sumuko na kayo. Ibaba niyo na ang mga baril niyo at itaas niyo ang inyong mga kamay!" sigaw ni Lieutenant Jacinto Mercado. Tumango na si Leon sa kaniya at tumango rin siya pabalik.
"Suko na ko" sigaw ni Leon sabay taas ng kamay at sinubuan niyang tumayo ngunit muli siyang napabagsak sa lupa dahil sa kirot ng tama ng bala sa kaniyang binti. Kasabay naman niyon ang dahan-dahang paggapang ni Nightmare papunta sa gilid ng bahay kubo ni Ka Ferding saka niya tinahak ang madilim na kagubatan.
Agad sinenyasan ni Jacinto Mercado ang mga tauhan at ibinaba nito ang mga baril na nakatutok kay Leon saka sila dali-daling tumakbo papunta sa mga rebelde na halos lahat ay nakahandusay sa lupa. Agad pinosasan si Leon "Ikaw ang apo ni Commander Dado, hindi ba?" tanong ni Jacinto sabay hawak sa baba ng binata. Agad pumiglas si Leon habang matalim na nakatingin kay Jacinto at dumura siya sa lupa.
"Kasing tapang mo rin ang lolo mong lumpo at ang tatay mong patay na ngayon" saad pa nito sabay hawak sa kwelyo ni Leon. "H*yop ka!" mariing wika ni Leon na ikinangisi lang ni Jacinto. "Isinuko mo ang grupo niyo, siguradong kinakahiya ka na ngayon ng lolo mo. Hindi ka kasing tapang ng Leon... Sabagay hindi naman talaga Leon ang pangalan mo... Julian Bautista" patuloy nito sabay ngisi. Hindi naman nakapagsalita si Leon dahil sa gulat.
Samantala, habang gumagapang si Nightmare papalayo. Bigla siyang napatigil nang makalayo na sa kampo. Nakita niyang hawak na ng mga sundalo si Audrey na ngayon ay tulala habang inaakay ito pasakay sa helicopter kung saan naghihintay ang lolo niya.
Sa kabilang banda naman ay isinakay sa sasakyan ng mga sundalo si Leon at ipinosas ito sa loob. Sunod-sunod ding binuhat ang duguang bangkay ng ilang miyembro na nakahandusay sa lupa. Napansin ni Nightmare na halos lahat ay wala nang malay bago pa man lumusob ang mga kalaban at malaki ang kutob niya na dahil iyon sa hinandang lugaw na may lason.
Halos walang kurap na nakatingin si Nightmare kay Audrey habang akay-akay ito ng dalawang sundalo. Patuloy ang pag-ikot ng elesi ng helicopter dahilan para magsiliparan ang mga dahon at alikabok sa paligid.
Hindi na maramdaman ni Audrey ang buong katawan. Nanghihina na ang kaniyang mga tuhod at hindi rin mawala sa isipan niya kung paano niya nakitang paulanan ng bala si Nightmare at Leon kanina bago ito tuluyang maglaho sa ilalim ng matataas na talahib.
Nang makarating sila sa tapat ng pinto ng helicopter ay agad itong binuksan ng isang sundalo. Tumambad sa harapan ni Audrey ang hitsura ng lolo niyang ilang buwan na rin nang huli niyang makita. Ramdam niyang nag-aalala ito sa kaniya at tila nabunutan ito ng isang malaking tinik sa lalamunan nang makitang maayos naman ang kalagayan ng kaniyang apo.
Dahan-dahang inilahad ni Feliciano ang palad niya para salubungin ang apo na ngayon ay seryosong nakatingin sa kaniya. "Pinatay mo sila!" sigaw ni Audrey na ikinagulat ng dalawang sundalong may akay sa kaniya. Hindi naman na iyon ikinagulat ni Feliciano dahil alam niyang matagal na siyang kimumuhian ng apo mula nang iwan niya ito.
Ngunit hindi niya inaasahang hindi ito natuwa at hindi siya nito pasasalamatan sa pagsagip na ginawa niya. "Patayin mo na lang din ako! Hindi ba matagal mo na akong binura sa buhay mo? Bakit hindi mo na lang ako patayin!" sigaw pa ni Audrey sa kabila ng nakabibinging ingay ng helicopter ay tila boses lang niya ang naririnig ng kaniyang lolo.
Agad hinawakan ng dalawang sundalo si Audrey nang magtangka itong tumakbo pabalik sa kampo. "Bitiwan niyo ko!" pagpupumiglas niya, agad sumenyas si Feliciano na turukan ng pampatulog si Audrey dahil alam niyang hindi ito kusang sasama sa kaniya. Agad kinuha ng isang sundalo ang dalang medical kit, isinalin ang gamot sa injection at mabilis na ibinaon iyon sa braso ng dalaga.
Napatigil si Audrey sa pagpupumiglas nang maramdaman ang pagbaon ng karayom sa braso niya. dahan-dahan siyang napatingin sa lolo niya "A-ang sama mo talaga" saad niya habang unti-unting lumalabo ang kaniyang paningin hanggang sa tuluyan na siyang mawalan ng malay.
***
Naalimpungatan si Audrey dahil sa liwanang ng araw na tumama sa kaniyang mata mula sa bintanang nasa kaliwang bahagi ng kwarto. Naamoy niya agad ang pamilyar na orange na amoy ng kwarto. Dahan-dahan siyang bumangon mula sa pagkakahiga. Ramdam niya pa rin ang bigat ng kaniyang ulo at ang pamamanhid ng kaniyang braso at tuhod.
Unti-unting naging malinaw ang kaniyang paningin at inilibot niya ang kaniyang mga mata sa paligid. Doon niya lang napagtanto na nasa loob siya ng sarili niyang kwarto noong bata pa siya. Nakahiga siya ngayon sa kulay pink niyang kama na kung iisipin ay maliit para sa kaniya ngayon dahil bata pa siya noong huli niyang nagamit ang kwarto.
Naroon pa rin ang paborito niyang mga unicorn stuff toys na maayos na nakalagay sa malaking pink na aparador. Sa ilalim nito ay naroon din ang mga doll shoes na gamit niya noong pumapasok siya sa ballet class noong bata pa siya.
Malinis at maayos pa rin ang manipis at putting kurtina sa dalawang bintana ng kaniyang silid. Maging ang lampshade niyang hugis star ay maayos ding nakalagay sa gilid ng kama. Naroon din ang alarm clock niyang hugis star at ang iba pang mga laruan na maayos ding nakalagay sa mga kahon.
Kulay puti at pink ang kaniyang kwarto na paboritong kulay ng kaniyang mama at papa. Mahilig sa puti ang papa at pink naman sa mama niya. Sariwa pa sa kaniyang alaala kung paano nila pininturahan iyon noon na isa sa paborito nilang gawing tatlo. Ang sabay-sabay na mag-pinta at mag-drawing ng kahit ano.
Napatitig din si Audrey sa pink na kumot na nakapatong sa kaniya ngayon. Gawa ito sa silk at may nakaburda pang mga hugis ng bituin na paboritong-paborito niya. Binurda pa nila iyon ng mama niya noong bata siya.
Namalayan na lang ni Audrey ang pagpatak ng luha niya dahilan para unti-unting mabasa ang kumot. Ilang taon na siyang namumuhay mag-isa, akala niya ay sanay na siya mag-isa at naghilom na ang sugat at kalungkutan na nararamdaman niya sa tuwing naalala ang pakiramdam ng isang anak na may kompletong pamilya o kahit isang kamag-anak o kadugo man lang na pwedeng takbuhan anumang oras. Ngunit sa sitwasyon niya ay ni isa wala siyang nasandigan kung kaya't buong akala niya ay kaya na niya ang lahat.
Ilang sandali pa ay napatigil siya nang biglang bumukas ang pinto. Isang matangkad na lalaki na nasa edad trenta ang tumambad sa harapan niya. kayumanggi ang balat nito, singkit ang mata at matangos ang ilong. Kung hindi siya nagkakamali, ang lalaking iyon ay si Lieutenant Jacinto Mercado.
"Gising ka na pala" ngiti nito, hindi naman umimik si Audrey sa halip ay seryoso siyang nakatingin kay Jacinto. "Ikaw pala ang apo ni General Feliciano... ako nga pala si---" hindi na niya natapos ang sasabihin niya dahil biglang nagsalita si Audrey.
"Wala akong pakialam kung sino ka. Umalis ka na dito" matapang niyang sabi. Ibinaba naman ni Jacinto ang palad niya at natawa sa sarili. "Feliciana... bakit kami ang sinisisi mo? Ikaw naman ang may kasalanan ng lahat" saad nito sabay ngisi. Isinara na niya ang pinto saka naglakad papunta sa bintana. Hinawi niya ang kurtina saka tiningnan ang tanawin sa labas.
"A-anong ibig mong sabihin?" tanong ni Audrey, nanatili pa ring nakatalikod si Jacinto habang tinatanaw ang pag-alis ng sasakyan ni Feliciano papunta sa isang pagpupulong na gaganapin mamayang tanghali. Alas-sais pa lang ng umaga ngunit mataas na ang sikat ng araw.
"Naalala mo ba ang binatilyong anak ni Mang Jose na pinatakas mo?" saad nito sabay lingon sa kaniya. Nanlaki ang mga mat ani Audrey sa gulat. Ang binatilyong iyon na anak ni Mang Jose na isang barbero ay isa ngang espiya ni Feliciano.
"Salamat sa kabutihan mong taglay. Napasakamay na namin ang mahahalagang impormasyon patungkol sa grupo ni Dado" patuloy nito sabay kuha sa bulsa ng isang kulay pula na flashdrive kung saan naka-save ang mga mahahalagang impormasyon at detalye na nalikom ni Mang Jose o mas kilala bilang Joselio Espinosa na isa sa magagaling na intelligence ng kapulisan.
"Bukod doon, salamat din dahil ikaw pinamahagi mo sa lahat ang lugaw na may lason kaya hindi man lang kami nahirapan sa laban" ngisi ni Jacinto at ibinalik na niya sa bulsa ang flashdrive. "S-si Aling Coring ang---" hindi na natapos ni Audrey ang sasabihin dahil nagsalita muli si Jacinto at nagsimula rin itong humakbang papalapit sa aparador kung saan nakalagay ang mga stuff unicorn.
"Tama ka, si Aling Coring nga... Matagal na siyang nagbibigay ng impormasyon tungkol sa grupo. Bakit hindi niyo man lang nahalata?" natatawang saad ni Jacinto. Napatulala na lang si Audrey, hindi niya akalaing magagawa iyon ni Aling Coring na tinuring na rin niyang ina at malapit sa puso ng lahat ng miyembro lalo ni Commander Dado.
"H-hindi iyon magagawa ni Aling Coring" saad ni Audrey pero tumawa lang si Jacinto at naglakad papunta sa pintuan. "Hindi naman kita pinipilit maniwala pero baka isumpa mo siya kung sakaling magkita kayo" ngisi nito, binuksan na nito ang pinto ngunit napatigil si Jacinto nang magsalita si Audrey.
"D-dalhin mo ko sa kaniya" saad niya, napatigil naman si Jacinto at tinitigan siya ng ilang segundo. "P-pakiusap" patuloy pa ni Audrey, ngumiti si Jacinto sabay tango.
***
Lumipas ang apat na araw. Araw na ng biyernes. Halos buong maghapon lang nakakulong si Audrey sa loob ng kaniyang kwarto. Bantay sarado ang buong mansion ni Feliciano lalong-lalo na ang labas ng kwarto ni Audrey. bente-kwatro oras ding alerto ang mga CCTV sa paligid ng bahay.
Tatlong bulletproof na sasakyan ang lumabas sa mansion ni Feliciano Medina nang umagang iyon. Sa pinaka-gitna nakasakay si Audrey habang nakapiring ang mata at nakaposas ang dalawang kamay. May apat na bodyguard sa loob ng sasakyan at nasa passenger seat si Jacinto.
Nasa unahan at huli naman ang dalawang sasakyan na naglalaman din ng tig-aapat na bodyguard. Napapayag ni Audrey si Jacinto na dalhin siya sa kinaroroonan ni Aling Coring kapalit ang pagpayag ni Audrey na kausapi ng mahinahon ang lolo niyang si Feliciano Medina mamayang gabi. Nais ni Jacinto ipagmalaki kay Feliciano na napapasunod niya ang dalaga.
Ilang sandali pa ay biglang napapreno ng malakas ang driver ng sasakyan na nasa unahan dahilan upang mapapreno at mabigla din ang dalawang sasakyan na kasunod nito. Agad tinawagan ni Jacinto ang tauhan na nasa unahang sasakyan "Bakit kayo tumigil?" inis na tanong nito.
"May sasakyan po na tumigil sa harapan, sandali lang po" sagot ng kausap sa kabilang linya. Ilang sandali pa, nakita ni Jacinto ang pagbaba ng isang sexy at magandang secretary ni Feliciano na si Melissa. Naka-pulang dress ito na hapit na hapit sa katawan.
Derecho itong naglakad papalapit sa ikalawang kotse kung saan sila nakasakay. Malayo pa lang ay nakangiti na ito habang sinasayaw ng hangin ang mahaba at kulot nitong buhok. Nang marating ni Melissa ang gilid ng sasakyan at kinatok niya ang bintanang katapat ni Jacinto.
"Good morning" bati ni Melissa sabya ngiti, kapansin-pansin ang mapula nitong lipistick at ang magagandang ngipin. "Sino ka para harangin ang---" hindi na natapos ni Jacinto ang sasabihin dahil biglang nagsalita si Melissa.
"Pasensiya na, hindi ko agad naitawag sa inyo kaninang umaga bago kayo umalis. May bagong utos si boss" saad ni Melissa sabay tingin kay Audrey na ngayon ay nakalingon sa direksyon kung saan niya naririnig ang boses ni Melissa.
Inabot ni Melissa ang cellphone niya kay Jacinto "Sir?" tanong ni Jacinto sa kabilang linya. Napatikhim muna si Feliciano bago ito nagsalita. Kasalukuyan itong nasa byahe papunta sa Laguna para sa pangangampanya.
"Kasama ni Melissa ang mga bagong bodyguard na pumasa sa'kin. Mula ngayong araw sila na ang magiging bagong bantay ni Audrey" saad ni Feliciano mula sa kabilang linya. "Yes, sir" sagot ni Jacinto, ibinaba n ani Feliciano ang tawag. Binalik n ani Jacinto ang cellphone kay Melissa.
"Nasaan ba ang mga bagong bodyguard?" tanong ni Jacinto kay Melissa, ngumiti naman si Melissa sabay tingin kay Audrey. "Sa tingin ko hindi matutuwa si boss kapag nalaman niyang pinosas at tinakpan niyo pa ang mata ng apo niya" pun ani Melissa. Napatikhim naman si Jacinto sabay lingon sa dalawang tauhan na nasa magkabilang gilid ni Audrey at inutusan niya itong tanggalin ang piring sa mata at ang posas.
Nang matanggal na iyon ay gulat na napatingin si Audrey kay Melissa na nakatayo sa labas ng sasakyan. Unang rinig niya pa lang sa boses nito kanina kahit nakapiring siya ay sigurado siyang si Melissa iyon. "Good Morning ma'am, I am Melissa, ang secretary ng lolo mo" ngiti ni Melissa sa kaniya. Halos walang kurap na nakatingin sa kaniya si Audrey. Samantala, parang naiinip naman na si Jacinto sa mga nangyayari.
"Ipakilala niyo na sa'min 'yang mga bagong bodyguard na 'yan. At sumunod kayo sa convoy sa likod" utos ni Jacinto, tumango naman si Melissa sabay lingon sa kotseng sinasakyan kanina. Kasunod nito ang pagbaba ng tatlong lalaki, nakasuot ang tatlo ng itim na tuxedo, itim na necktie at itim na sunglass.
Nanlaki ang mga mata ni Audrey nang makilala ang tatlong lalaking iyon na sabay-sabay na naglalakad papalapit sa kanila at siyang magsisibling mga bagong bodyguard niya. Si Siyam, Dos at... Nightmare.
******************
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top