Mistake 18
[Kabanata 18]
Hindi nakatulog buong gabi si Audrey. Paulit-ulit na gumugulo sa kaniyang isipan ang mga sinabi niya kay Nightmare kanina, pakiramdam niya ay nasaktan niya ang binata dahil sa kabila ng lahat ng tulong na ginawa nito sa kaniya ay nagawa niya pang kwestiyunin kung mabuti ba talaga sila o masama.
Bumangon na lang si Audrey at binuksan ang flashlight na nasa tabi niya. Bigla siyang nakaramdam ng uhaw at panunuyot sa lalamunan dahil sa kakaisip kay Nightmare. Ngunit bago pa man niya mabuksan ang itaas na pintuan sa basement kung saan siya natutulog ay napatigil siya nang aksidenteng masipa ang isang laruang bola.
Gumulong ang bola papunta sa mga lumang kahon kung nasaan nakaimbak ang samu't saring damit na iba't iba ang klase. Ang mga damit na iyon ay ginagamit ng mga espiya para magbalat-kayo. Maging sila Audrey ay gumamit na rin ng mga damit doon nang mag-disguise sila bilang mga estudyante sa bayan at noong minulto nila ang bahay ng anak ni Gabby na anak ni Aling Coring.
Itinapat ni Audrey ang flashlight doon sa bola. Napakunot ang noo niya nang mapansin na may kinakalawang na door knob sa likod ng malaking kurtina na naroon. Nahaharangan ito ng mga malalaking kahon ng damit kaya hindi niya ito napansin agad noon.
Dahan-dahan siyang naglakad papalapit doon, maingat niyang iniangat ang mga kahon na nakaharang sa malaking kurtina at inilagay iyon sa giid. Nang maitabi na niya lahat ng kahon, itinutok niya ang liwanag ng flashlight sa malaking kurtina na kulay itim.
Nang makalapit siya doon ay napatitig siya sa kinakalawang na door knob na nakausli sa kurtina. Hinawi niya ang kurtina at tumambad sa kaniya ang lumang pintuan na gawa sa pinagtagpi-tagping tabla ng kahoy. Nasa 4ft lang ang taas ng pinto kung kaya't napayuko siya ng kaunti at sinubukang sumilip sa maliit na uwang ng pinto ngunit wala siyang makita dahil napakadilim sa loob niyon.
Hindi malaman ni Audrey kung bakit bigla siyang kinabahan. Sumilip siya sa itaas, baka-sakaling maabutan siya ni Aling Coring, siguradong papagalitan siya sa ginagawa niyang pagtuklas. Babalik na lang sana si Audrey sa pagkakahiga sa kama pero binabagabag talaga siya ng misteryosong pinto na iyon. Pakiramdam niya ay may mahalagang bagay na nakatago roon.
Huminga muna siya ng malalim bago hinawakan ang door knob na kinakalawang na. Nagulat siya nang matuklasang hindi naka-lock ang pinto. Isang ikot niya lang ay bumukas na ito. Napahakbang siya paatras habang dahan-dahang binubuksan ang pinto, itinapat niya ang flashlight sa loob, natuklasan niya na may mahaba at madilim na lagusan sa likod ng pintogn iyon. Makipot ang daan, kailangang gumapang paluhod ng isang taong magtatangkang dumaan doon.
Napatakip din ng ilong si Audrey dahil sumalubong sa kaniya ang magkahalong amoy ng kinakalawang na bakal at gasolina sa loob ng lagusang iyon. Napalingon muli siya sa itaas, tahimik, Siguradong mahimbing pa rin ang tulog ni Aling Coring.
Buo na ang desisyon ni Audrey, aalamin na niya kung ano ang nakatagong lihim sa lagusang iyon. Dahan-dahan siyang gumapang papasok habang kagat-kagat niya ang flashlight. Gawa sa magaspang na semento ang lagusan, nagtutuklapan na rin ang ibang bahagi nito dahil sa kalumaan.
Halos apat na minuto pa lang gumagapang doon si Audrey ay napatigil siya nang mapansin na sa dulo ng lagusang iyon ay may nakaabang na tatlo pang lagusan na ganoon din kakipot. Itinapat niya ang flashlight niya sa kaliwa, gitna at kanan. Animo'y para siyang nasa isang maze kung saan kailangan niyang pumili ng lagusang dadaanan.
Pinili ni Audrey ang lagusan na nasa kanan at doon ay buong tapang niya ulit tinahak ang makipot na daan. Napatigil siya sandali nang matanaw ang maliit na liwanag na kulay dilaw. Habang papalapit siya sa dulong pinto ay mas lalong lumalakas ang amoy ng kinakalawang na bakal at gasolina.
Ilang sandali pa ay narating na niya ang dulo ng pinto, sira ang kandado ng pinto kung kaya't nabuksan iyon agad ni Audrey. Dahan-dahan niyang itinulak ang pinto at tumambad sa kaniya ang isa pang basement.
Nanlaki ang mga mat ani Audrey nang mapagtanto niya na ang basement na iyon ay siyang imbakan ng mga baril, armas, at bomba ng grupo. May apat na matataas na shelves ang naka-helera sa gitna at naroon ang iba't ibang klase ng mga baril. Sa bandang kaliwa naman ay naroon ang mga malalaking kahon na gawa sa kahoy. Dahan-dahan naglakad si Audrey papalapit doon at laking gulat niya nang buksan niya ang isang kahon, natuklasan niya na ang laman ng mga iyon ay mga granada at bala ng mortar.
Sa katabing mga kahon naman ay naroon ang libo-libong piraso ng mga bala na bagong-bago pa. At nasa pinakasulok naman nakaimbak ang mga drum na bakal na naglalaman ng mga gasolina. Sa likod ng mga drum ng gasoline ay naroon ang maliit na hagdan patungo sa pinto na nasa itaas para makalabas sa basement na iyon.
Babalik na sana si Audrey sa dinaanan niyang pinto kanina nang bigla siyang mapatigil dahil narinig niya ang mahinang boses ng isang lalaki. "T-tulong..."
Gulat na napalingon si Audrey sa kanan, napatakip siya sa bibig dahil sa matinding pagkabigla nang makita ang binatilyong dinakip ni Leon at ipinasok nila Nightmare sa abandonadong kubo. "T-tulungan niyo p-po ako" ulit ng bata. Halos hindi na makita ang mukha nito dahil nababalot na ng dugo. Nakahandusay ang binatilyo sa sahig, may mahabang karton lang itong sapin sa malamig na semento ng basement. May pinggan, kutsara at basorin ang nasa gilid nito.
Dali-daling nilapitan ni Audrey ang binatilyo, hinawakan niya ang balikat nito upang maiayos ang pagkakahiga. "Nakakakita ka pa ba?" nag-aalalang tanong ni Audrey sabay inilawan ang mata ng bata, napapikit ito kahit pa nababalot na ng pasa at dugo ang mata at ang buong mukha niya.
Napagtanto ni Audrey na nakakakita pa ang binatilyo dahil napapikit ito ng tapatan ng liwanag sa mata. Agad siyang inalalayan ni Audrey tumayo. "Itatakas kita dito" wika ng dalaga, nabuhayan naman ng pag-asa ang binatilyo, halos maiyak na ito. Magkahalong iyak para sa kaawa-awang kalagayan at dahil sa wakas ay may dumating na para tumulong sa kaniya.
Inalalayan na ni Audrey makatayo ang binatilyo, hinang-hina na ito na parang lantang gulay. "Sandali lang" saad ni Audrey sabay lingon sa dinaanan niyang lagusan kanina. Sa kipot ng daan sa lagusang iyon papunta sa basement ng bahay ni Aling Coring ay siguradong hindi iyon kakayanin ng binatilyo lalo na dahil kailangan nilang gumapang ng halos sampung minuto.
Napatingala si Audrey sa isa pang pinto, malakas ang kutob niya na ang basement na kinaroroonan nila ngayon ay ang basement ng abandonadong kubo. Nauna siyang umakyat sa maliit na hagdan papunta sa pinto, itinulak niya iyon pataas ngunit nakakandado ito.
Dismayado siyang napalingon sa binatilyo ngunit nagulat siya nang may ituro ito sa itaas ng isang shelf na naglalaman ng mga baril. Nakita ni Audrey ang mga maninipis na screw at mga pako na naroroon. Maging ang ilan sa mga maninipis na wire na ginagamit para mabuksan ang isang pad lock.
Agad kinuha ni Audrey ang mga iyon at isa-isang sinubukang ilusot sa kandado sa pag-asang mabubusan ito. Hindi naman siya nabigo dahil madalas niya ring gawin iyon sa tuwing nakakalimutan niya ang susi sa bahay at naisasara niya ang pinto sa labas.
Nang mabuksan na niya ang kandado ay dahan-dahan niyang itinulak pataas ang pinto, medyo may kabigatan ito dahil may nakapatong na malaking carpet sa sahig kung saan nakatago ang pinto ng basement. Nang maitulak na niya ang carpet ay agad niya muling inalalayan ang binatilyo paakyat doon.
Madilim sa loob ng abandonadong kubo, mapapansin na malinis ito at halos walang kagamit-gamit bukod sa carpet at sa kama na walang kutson. Binuksan muli ni Audrey ang dalang flashlight, akay-akay niya ang binatilyo habang tinatahak nila ang daan papunta sa pinto ng kubo.
Nang hawakan niya ito ay napansin niyang naka-lock din ito, kinuha niya muli ang ginamit na wire para mabuksan ang padlock kanina. Sa pagkakataong ito ay mas nahirapan siyang buksan ang pinakahuling kandado dahil medyo may kalakihan ito.
Bukod doon ay kinakabahan din siya dahil baka may bantay sa labas o saktong may mapadaan sa harapan ng kubo. Ilang sandali pa ay nabuksan n ani Audrey ang kandado, halos tumulo na ang pawis niya sa noo dahil sa kaba.
Inalalayan niya muli ang binatilyo at dahan-dahang binuksan ang pinto ng kubo, inilabas niya sandali ang ulo sa kaunting uwang ng pinto para siguraduhin na walang tao sa paligid,. Nang masigurado na niya na walang tao ay mabilis niyang inakay ang bata papalabas doon.
Paika-ika na ito maglakad ngunit patuloy pa ring lumalaban para mabuhay. Hindi nila napansin ang pagtulo ng dugo mula sa binti ng binatilyo. Wala na itong sapin sa paa kung kaya't bumakas sa lupa ang sariwang dugo nito.
"Dalhin mo na 'tong flashlight. 'Wag mo tong bubuksan hangga't hindi ka nakakalabas dito sa gubat dahil baka may makapansin sa liwanag nito" bilin ni Audrey sabay abot sa binatilyo ng flashlight na dala niya.
"Yumuko ka lang at gumapang sa mga damuhan, makikita mo agad ang daan pababa at pagdating mo sa kalsada doon ka na humingi ng tulong sa mga sasakyan daraan" patuloy pa nito, halos pabulong lang ang pagsasalita niya sa takot nab aka may makarinig sa kanila kahit pa tanging ingay lang mula sa mga kuliglig ang maririnig sa buong paligid.
"S-salamat po, ate" mangiyak-ngiyak na wika ng binatilyo. Magkahalong dugo, luha at pawis ang namumuo sa mukha nito. "Wala 'yun, basta magpalakas ka at lumayo ka na sa lugar na 'to" saad ni Audrey sabay tapik sa ulo ng bata.
Tumango naman ang binatilyo, akmang aalis na ito ngunit napatigil ulit sabay lingon kay Audrey "A-ano po palang pangalan niyo? Ate" tanong nito, bagama't hinang-hina na at nanunuyot na ang lalamunan ay sinisikap pa rin niyang magsalita.
Ngumiti lang si Audrey "Angel" ngiti niya, nagpasalamat muli ang binatilyo bago tuluyang maglaho sa kagubatan. Hindi pa man nakakalayo ang binatilyo ay biglang napatigil si Audrey nang marinig ang mabilis na hakbang mula sa kaniyang likuran.
Nang lumingon siya ay napatigil din si Nightmare sa gulat nang makitang naroon si Audrey. Hindi niya napansin ang dalaga kanina dahil madilim ang kagubatan, tanging ang binatilyong tumatakbo lang ang napansin niya.
"A-anong ginagawa mo rito?" gulat na tanong ni Nightmare at napatingin siya sa hawak na wire ni Audrey. Doon niya napagtanto na may kinalaman si Audrey sa pagtakas ng bihag nilang binatilyo.
Magsasalita pa sana si Nightmare nang bigla silang nakarinig ng putok ng baril mula sa di-kalayuan. "Tumatakas ang bihag!" sigaw ni Uno na ngayon ay kumakaripas na rin ng takbo para habulin ang sugatang binatilyo.
Agad hinila ni Nightmare si Audrey paapsok sa abandonadong kubo. Pumasok sila sa basement at mabilis na binuksan ni Nightmare ang pinto sa lagusan na nasa ilalim ng lupa kung saan dumaan si Audrey kanina.
"Bumalik ka na sa bahay nila Aling Coring" saad ni Nightmare, aalma pa sana si Audrey ngunit nagulat siya nang bigla siyang binuhat ng binata papasok sa lagusan. "Bilisan mo at kahit anong mangyari, itikom mo ang bibig mo" patuloy pa nito, isinara na niya ang pinto at wala nang nagawa si Audrey kundi ang gumapang ng mabilis pabalik sa basement ng bahay ni Aling Coring.
Halos wala siyang makita dahil napakadilim ng lagusan, kinakapa na lang niya ang pader ng lagusan dahil wala siyang dalang flashlight. Halos sumabog na ang kaniyang puso sa kaba at sa takot na baka may makasalubong siya sa lagusan. Ilang minuto pa ang lumipas, narating na rin niya ang pinto sa basement ng bahay ni Aling Coring.
Dahan-dahan niyang isinara ang pinto nang makabalik na siya. Mabilis din niyang binalik ang mga kahon na naglalaman ng mga lumang damit at iniharang na rin niya ang malaking itim na kurtina na nakaharang sa pinto.
Dali-dali siyang bumalik sa higaan sabay taklob ng kumot. Sakto namang bumukas ang pinto at sumilip sa kaniya si Aling Coring. Nang makita nitong mahimbing na natutulog ang dalaga ay isinara na niya muli ang pinto saka lumabas ng bahay para alamin kung anong kaguluhan ang kasalukuyang nangyayari sa labas.
Nagulintang din si Aling Coring sa sunod-sunod na putok ng baril na umalingangaw sa gitna ng gabi kanina. At ngayon ay halos nagising ang mga miyembro, nagsilabasan sila sa kanilang mga tahanan habang hawak ang kanilang mga baril at armas sa pag-aakalang may nakapasok na kalaban.
Samantala, halos hindi naman makagalaw si Audrey sa higaan. Nakataklob pa rin siya ng kumot habang tahimik na hinahabol ang kaniyang paghinga. Hindi rin maawat ang pagtagaktak ng kaniyang malamig na pawis na humahalo sa lupa at alikabok sa kaniyang katawan na nakuha niya nang dumaan siya sa makipot na lagusan.
Ilang oras pa siyang nanatili roon, hindi gumagalaw sa pagkakahiga sa takot nab aka may maghinala sa kaniya. Ilang sandali pa, namalayan na lang ni Audrey na madaling araw na nang maramdaman ang mga yapak ni Aling Coring mula sa sahig ng bahay, sa bandang kusina.
Dahan-dahan siyang bumangon, mabagal ang kaniyang kilos dahil sa pagkirot ng kaniyang buong katawan. Parang tinutusok din ng karayom ang kaniyang binti dahil magdamag niya itong hindi iginalaw.
Napalingon siya sa mga kahon ng mga damit. Kailangan niyang magpalit ng damit dahil siguradong magtataka si Aling Coring o kung sinuman ang makakita sa kaniya sa mga lupa at alikabok na dumikit sa suot niyang damit ngayon.
Mabuti na lang dahil nakakita siya ng puting polo at kulay green na short na lagpas tuhod. Nagpalit na siya ng damit at pinunasan niya rin ang sarili para matanggal ang ilang mga lupa at alikabok na kumapit sa kaniyang braso, binti at paa. Pinagpagan niya rin ang buhok niya dahil may mga lupa ring dumikit doon, bago niya itinali ito pataas.
Inihalo niya ang marumi niyang damit sa iba pang mga damit na naroon sa pag-asang walang mag-iisip na ang isa sa mga damit na naroon ay natunghayan na ang lihim ng lagusan sa ilalim ng lupa na konektado pala sa bawat bahay ng mga miyembro ng armadong grupo.
Pagdating niya sa kusina, naabutan niyang tahimik lang si Aling Coring habang nagtitimpla ng kape. Ni hindi siya tiningnan nito nang umupo siya sa tapat ng mesa. "Aling Coring---" hindi na natapos ni Audrey ang sasabihin nang makarinig siya ng sigaw mula sa labas.
Napalingon siya sa bintana sa kaliwa at laking gulat niya nang makita na halos naroon ang lahat ng mga lalaking miyembro. Agad siyang tumayo at sumilip sa bintana. Walang pag-eensayo na nagaganap tuwing umaga, sa halip ay may isang mataas na matibay na kawayan kung saan may makapal na lubid na nakapulupot kay Nightmare.
Animo'y nanghina ang tuhod ni Audrey nang masaksihan ang kalagayan ni Nightmare. Wala itong damit pang-itaas kung kaya't kitang-kita ang mga sugat niya sa katawan dulot ng ilang beses na paghagupit ni Ka Ferding gamit ang isang makapal na latigo.
Nakapalibot ang mga binatilyo na sinasanay nil ani Leon tuwing umaga. Nakayuko lang sila, naluluha pa ang ilan dahil pinaparusahan ngayon ang kanilang guro.
"Hindi ko lubos maisip na magagawa ni Nightmare sumuway sa utos" napatigil si Audrey nang marinig ang boses ni Aling Coring sa kaniyang likuran habang patuloy nitong hinahalo ang kaniyang kape.
Hindi magawang lumingon ni Audrey sa matanda, natatakot siyang makita nito ang katotohanan na nagtatago sa kaniyang mga mata. "Kailanman ay hindi sumuway si Nightmare sa utos at misyon. Kanina ko pa iniisip kung bakit niya magagawang patakasin ang batang anak ni Jose" patuloy pa ng matanda. Ang tunog ng pagtama ng kutsara sa tasa habang hinahalo nito ang kape ang mas lalong nagdudulot ng kaba kay Audrey.
"Ang batang iyon na lang ang pag-asa ng grupo para malaman kung saan itinago ni Jose ang mga nalikom niyang impormasyon tungkol sa aming grupo" saad pa ni Aling Coring, sa pagkakataong iyon ay biglang naalala ni Audrey ang pangalang Jose. Si Jose ang bagong negosyanteng barbero na nagtayo ng barberya sa bayan kung saan pinaghinalaan siya ng grupo dahil marami itong tinatanong at inaalam patungkol sa mga nagtatagong armadong grupo sa kagubatan.
Si Jose ang barberong pinatay ni Nightmare at Leon noon dahil isa itong espiya na nagmamanman sa kanilang grupo. "Ibinigay ni Jose ang ebidensiya sa nag-iisa niyang anak na pinatakas mo" wika pa ni Aling Coring, napatigil muli si Audrey at sa pagkakataong iyon ay hindi na siya makagalaw sa kaniyang kinatatayuan.
***
Kinagabihan, naghahanda na ang lahat para sa gagawin nilang pag-ambush sa sasakyan ni Lieutenant Jacinto Mercado na siyang kapanalig ni Feliciano. Tulala lang si Audrey sa labas ng bahay habang pinagmamasdan ang mga kalangitan. Halos walang bituin sa langit, nababalot ito ng makapal na ulap na parang nakikisimpatya sa mangyayaring gulo mamaya.
"Pagkatapos ng misyon na 'to, makakalaya ka na" wika ni Leon at umupo ito sa tabi niya. Naka-suot na ito ng itim at handang-handa na para sa misyon mamaya. "Na-charge mo ba ng mabuti ang camera?" tanong nito, napatango naman si Audrey.
"K-kumusta na pala si Nightmare?" tanong ni Audrey, sa wakas ay nagawa na niyang itanong ang bagay na kanina pang gumugulo sa kaniyang isipan. "Nakakulong siya ngayon sa basement ng kubo, hindi siya makakasama mamaya sa misyon" tugon ni Leon sabay hinga ng malalim.
"Huwag ka na mag-alala, hindi magagawang ipapatay ng grupo si Nightmare dahil malaki ang utang na loob ni lolo sa pamilya niya. Bukod doon, bahagi na rin siya ng pamilya namin. Madalas nga kaming mapagkamalang magkapatid, hindi ba?" patuloy pa ni Leon, napayuko na lang si Audrey, nararamdaman niya na alam din ni Leon na hindi magagawang lumabag ni Nightmare sa utos at hindi nito magagawang patakasin ang batang bihag nila.
Ilang sandali pa, napatingin sa relo si Leon, alas-siyete na ng gabi. Mamayang madaling araw nila isasagawa ang misyon. Kailangan na niyang pumunta sa pagtitipon na nagaganap ngayon sa labas ng bahay ng kaniyang lolo. "Mauna na ko" saad ni Leon sabay tayo, napatayo rin si Audrey.
"P-pwede ko bang bisitahin si Nightmare?" tanong nito na nagpatigil sa binata. Sandali siyang tinitigan ni Leon at sa pagkakataong iyon ay parang nababasa niya sa mat ani Audrey na higit pa sa pag-aalala ng isang kaibigan ang nararamdaman nito para kay Nightmare.
"Ikaw ang nagpatakas sa bihag namin... tama ba?" derechong tanong ni Leon, napayuko naman si Audrey at napatango. Napahinga naman ng malalim si Leon, ngayon ay alam na niya kung bakit kahit anong tanong ni Ka Ferding kay Nightmare kanina kung bakit nagawa nitong patakasin ang bata ay hindi sumasagot si Nightmare. Dahil ang totoo ay hindi naman talaga siya ang nagpatakas sa bihag, inako niya lang ang kasalanan ni Audrey at ngayon ay malaking palaisipan sa kaniya kung bakit gagawin iyon ni Nightmare.
"Huwag ka na malungkot, mapaparusahan lang si Nightmare pero hindi siya papatayin. Isipin mo na lang kung ikaw ang naabutan ng grupo kagabi, siguradong wala ka na ngayon dito" saad ni Leon sabay talikod, nagsimula na siyang humakbang papalayo pero napatigil siya nang muling magsalita si Audrey.
"K-kapag natapos na ang misyon na 'to. Kapag nakabalik na ko sa Maynila. Pwede ko pa rin ba kayong makitang dalawa?" tanong ni Audrey, ang kaniyang mga mata ay punong-puno ng pangamba at kalungkutan. Dahan-dahan namang napalingon si Leon, ngumiti siya ng kaunti at tumango.
"Siya nga pala, anong totoong pangalan mo?" habol pa niya, sa pagkakataong iyon ay ilang segundong hindi nakaimik si Leon habang nakatingin sa kaniya. "Okay lang kahit----" hindi na natapos ni Audrey ang sasabihin dahil nagsalita na si Leon.
"Pasensiya na, pero hindi mo pwede malaman dahil mapapahamak ka" sagot ng binata, tumalikod na ito saka naglakad papalayo. Sa pagkakataong iyon ay napagtanto niya na si Nightmare lang ang tanging naroroon na nagawang ipagkatiwala ang totoong pangalan nito sa kaniya.
***
Pagpasok ni Audrey sa bahay, naabutan niyang nagluluto ng lugaw si Aling Coring. "Audrey, dalhin mo ito sa mga miyembro, naroon sila ngayon sa labas ng bahay ni Commander Dado. May maliit na pagsasalo-salo tayo bago ang misyon mamayang madaling araw" saad ni Aling Coring, napatango naman si Audrey at tinulungan ang matanda sa pagluluto.
Nang matapos iyon ay dinala n ani Audrey ang malaking kaldero na naglalaman ng lugaw. Mabuti na lang dahil napadaan si Dos at Siyam, tinulungan siya ng mga ito bitbitin ang mabigat na kaldero na mainit-init pa.
Pagdating doon ay napatigil si Ka Ferding sa pagsasalita sa gitna. May malaking siga ng apoy na nasa pinakagitna habang nakapalibot doon ang halos tatlumpong miyembro na kasama sa misyon. Natuwa at napangiti ang mga ito nang makita ang dala-dalang pagkain ni Audrey.
"Sa ngayon, kumain muna tayo" saad ni Ka Ferding, pinagpasa-pasahan naman ng mga miyembro ang mga mangkok na paglalagyan ng lugaw. Masarap ang pagkakaluto ni Aling Coring kung kaya't kahit papaano ay nabawasan ang kaba at tensyon na nararamdaman nila para sa mangyayaring paglusob mamaya.
"Audrey" tawag ni Leon na nakatayo sa gilid niya, inabutan siya nito ng isang mangkok ng lugaw. "Salamat" saad ni Audrey sabay kuha ng mangkok. Napalingon siya sa paligid, halos kumakain ang lahat. Maging si Leon ay kumakain din habang nakatayo, magsasalita pa sana ito kaya lang tinawag ito ni Commander Dado.
"Sandali lang a" paalam ni Leon, inilapag niya sa gilid ang lugaw na kinakain niya saka pumasok sa loob ng bahay ng kaniyang lolo.
Napatingin si Audrey sa hawak niyang mainit na lugaw, una niyang naisip si Nightmare. Siguradong hindi pa ito kumakain kung kaya't kumuha siya ng isang basong tubig na naroon din sa gilid saka pa-simpleng umalis sa pagtitipon.
Mabilis at maingat siyang naglakad papunta sa abandonadong kubo kung nasaan ngayon nakakulong si Nightmare. Halos hindi rin siya mapakali habang palinga-linga sa paligid sa takot na may makakita sa kaniya. Mabuti na lang dahil halos lahat ay naroroon sa pagtitipon.
Pagdating niya sa tapat ng pinto ng abandonadong kubo ay naabutan niyang bukas ito. Pagpasok niya sa loob ay inikapag niya muna sa gilid ang lugaw at tubig na dala saka hinila ang carpet. Naabutan niya ring bukas ang pinto na nasa sahig papuntang basement. Nang buksan niya iyon ay mabilis siyang pumasok sa loob, bukas ang ilaw na kulay dilaw sa basement kung kaya't hindi siya nahirapang mangapa sa dilim.
Nagkalat ang natuyong dugo sa sahig. Mas lalo ring lumakas ang amoy ng gasolina sa loob ng basement. Nanlaki ang mga mat ani Audrey nang maabutan si Nightmare na nakahandusay sa sahig. Wala pa rin itong damit pang-itaas at halos natuyo na ang mga dugo sa katawan nito dulot ng tinamong mga hampas kaninang umaga.
Naalimpungatan si Nightmare at napatingin sa kaniya, mabuti na lang dahil hindi sinugatan ang mukha nito. Tanging sa likod, tiyan, braso at binti lang ang tinamo niyang mga sugat "K-kumain ka muna, nagdala ako ng lugaw at tubig" saad ni Audrey, sabay upo at inabot sa binata ang dalang pagkain.
"Anong ginagawa mo rito?"
"Kailangan mo kumain para bumalik ang lakas mo"
Napapikit naman si Nightmare saka napahinga ng malalim "Hindi mo na kailangang gawin 'to, mapapahamak ka kapag naabutan ka nila dito"
"Niluto 'to ni Aling Coring para sa lahat" saad ni Audrey, hindi naman na umimik si Nightmare, sa halip ay tinitigan na lang niya ang mukha ng dalaga.
"Sa susunod 'wag mo na alamin pa ang mga bagay... mapapahamak ka" saad ni Nightmare habang nakatingin ng derecho sa kaniya. Napatulala naman si Audrey sa mga mata ng binata, parang nagungusap ito at nakikiusap na huwag na siyang mangialam pa sa mga bagay na ginagawa ng grupo dahil ikapapahamak niya ito.
"Lapitin ka na nga ng panganib, nilalapitan mo pa lalo" patuloy pa ni Nightmare, napakagat naman sa labi si Audrey at medyo napangiti siya dahil nagbiro ang binata. "Para kang si papa, ganiyan din ang sinasabi niya noon sa'kin, lapitin daw ako ng aksidente" may halong ngiti at lungkot sa labi ni Audrey nang sabihin niya iyon.
Akmang kukunin n ani Nightmare ang mangkok ng lugaw na dal ani Audrey ngunit napatigil siya nang magsalita ito "Sorry nga pala" patuloy ni Audrey sabay yuko. "Nararamdaman ko namang hindi ka masamang tao. Gumagawa ka ng masama pero para iyon sa kabutihan at kapakanan ng ibang tao. Sorry kung kinuwestiyon ko ang hangarin niyo" saad ni Audrey, sariwa pa rin sa alaala niya ang naging palitan nila ng salita ni Nightmare noong isang gabi.
Napasandal naman si Nightmare sa pader, pilit niyang iniinda ang sakit ng katawan. "Paano ba masasabi kung masama o mabuti ang isang gawain?" tanong ni Nightmare sabay tingin sa kaniya. Napaisip naman ng malalim si Audrey, tumayo siya at umupo sa tabi ng binata.
"Hindi ko alam, pero parang nakikita ko si Robinhood sa inyo... Sayo" tugon ni Audrey sabay tingin kay Nightmare. "Nagnanakaw siya sa mga mayayaman para makatulong sa mga mahihirap. Masama nga ang ginagawa niya pero para naman iyon sa ikakabuti ng iba" patuloy niya, napatango naman si Nightmare. Alam niya ang kwento ni Robin hood, at isa iyon sa mga madalas ikwento sa kaniya noon ng lolo niya noong nabubuhay pa ito.
"Para sayo, mabuti o masama ba si Robinhood?" tanong ni Nightmare, ilang segundo namang hindi nakapagsalita si Audrey habang nakatitig din sa kaniya pabalik.
"Kung ako ang tatanungin, mas gusto ko ang mga taong tulad ni Robinhood. Masama man sa paningin ng iba pero ang totoo may busilak siyang puso. Mas busilak pa kaysa sa mga taong nagmamalinis dito sa mundo" tugon ni Audrey, sa pagkakataong iyon ay parang may kung anong kuryenteng dumaloy sa buo niyang katawan nang ngitian siya ni Nightmare. Idagdag pa ang mapang-akit nitong titig na hindi nilulubuyan ang kaniyang mga mata.
Nagulat si Audrey nang dahan-dahang inilalapit ni Nightmare ang mukha nito sa kaniya. Ipinikit na niya ang kaniyang mga mata nang mapatigil sila dahil natabig niya ang baso ng tubig na nasa gilid. Agad napalayo si Nightmare at napakamot sa ulo dahil sa hiya. Mabilis namang itinayo ni Audrey ang natabig niyang baso.
"K-kumain ka na" saad niya sabay abot ng mangkok ng lugaw kay Nightmare. Kinuha naman iyon ng binata sa kaniyang kamay pero pareho silang napaiwas ng tingin. Ano bang sumapi sa'kin kanina? Bakit pinikit ko na ang mata ko?! Ibig sabihin pumapayag na akong halikan niya ako! Pero kasalanan talaga ng basong 'to, bakit ba dito ko pa 'to nilagay?!
Akmang isusubo n ani Nightmare ang lugaw nang mapatigil siya at inamoy iyon. "Parang may kakaiba sa lugaw na 'to" seryosong saad ni Nightmare at nilasahan ng kaunti ang lugaw na iyon.
"K-kakaluto lang niyan, hindi pa 'yan panis" saad ni Audrey, hinawakan din niya ang mangkok. Hindi na ito mainit.
Hinalo pa ni Nightmare at sinuring mabuti ang lugaw. Nanlaki ang mga mata nila nang makita ang pamumuo ng kulay berde na bula sa lugaw na iyon. "A-ano 'yan?" nagtatakang tanong ni Audrey. Mas lalo siyang kinabahan dahil biglang ibinaba ni Nightmare ang mangkok.
"May lason na nilagay sa lugaw! Sinu-sinong mga nakakain?" saad ni Nightmare. Parang biglang tumigil ang mundo ni Audrey nang maalala niyang halos lahat ng miyembro ay kumain ng lugaw kanina.
"I-imposible... Si Aling Coring ang nagluto---" hindi na natapos ni Audrey ang sasabihin niya dahil biglang may malakas na pwersa ang yumanig sa buong lugaw. Agad hinila ni Nightmare si Audrey at isinangga nito ang sarili dahil nahulog ang mga kahon na nakapatong sa matataas na shelves sa paligid ng basement.
"Anong nangyayari? May lindol ba?" kinakabahang tanong ni Audrey habang yakap-yakap siya ni Nightmare para hindi siya madaganan ng mga kahon. Ilang sandali pa ay nakarinig sila ng sunod-sunod na putok ng baril mula sa labas.
"Lumabas na tayo dito!" saad ni Nightmare sabay hawak sa kamay ni Audrey. bagama't paika-ika siya ay nagawa niyang sipain ang mga nagkalat na kahon at mga armas sa sahig. Patuloy pa rin ang pagputok ng mga baril mula sa labas.
Mabilis nilang tinahak ni Audrey ang hagdan papunta sa loob ng abandonadong kubo. Pagdating doon ay gumapang sila papunta sa pinto. Ngunit makailang beses sila tumigil dahil patuloy ang pagpapaulan ng bala mula sa direksyong hindi nila matukoy.
"Dumapa kayo!" sigaw ni Leon na ngayon ay hinang-hina na habang pilit na ginigising si Dos at Siyam na nakahandusay na sa lupa. Nanlaki ang mga mata ni Nightmare sa natunghayan. Sinipa niya ng malakas ang pinto sabay lingon kay Audrey "Dito ka lang, 'huwag kang lalabas kahit anong mangyari" wika ni Nightmare, ang mga tingin nito ay parang namamaalam.
"Sandali!" sigaw ni Audrey sabay hawak sa kamay ng binata para pigilan ito. Kasabay niyon ang pagdating ng helicopter dahilan para magsiliparan ang mga dahon sa paligid. Nagsasayawan ang mga puno at nababalot na ng nakakapuwing na buhangin ang kapaligiran dahil sa lakas ng hangin.
Nang tumingala si Audrey sa helicopter ay laking gulat niya nang makita ang taong nakatayo sa pinto nito at nakatingin ng derecho sa kaniya. Hindi niya inaasahang muli niyang makikita ang kaniyang lolo na si Feliciano Medina.
*************************
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top