Mistake 16

[Kabanata 16]

"Magandang Tanghali mga kababayan!" magiliw na bati ng nangungunang kandidato sa pagka-presidente, ang kasalukuyang Senate President na si General Feliciano Medina. Bagama't matanda na ito kitang-kita pa rin ang kalakasan ng pangangatawan nito dahil sa regular na pag-eehersisyo at pagkain ng masusustansiyang pagkain.

Nakasuot ng puting barong si Feliciano habang nakatayo sa gitna ng entablado at kinakawayan ang mga tao. Ang ibang mga tauhan niya ay naghahagis ng mga tshirt, pamaypay, cap at mga face towel na may tatak ng pangalan niya.

Tuwang-tuwa ang mga tao habang nakikipag-agawan sa mga libreng tshirt at iba pang mga merchandise. Hindi makakaila na napakabango nga ng pangalan ni Feliciano sa madla. "Maligayang Pista sa inyong lahat at maraming salamat dahil naimbitahan niyo ako... Kami kasama ang aking mga kapartido para makiisa sa pagdiriwang ng inyong taunang pista" ngiti ni Feliciano, halos dumagundong ang buong plaza sa lakas ng speakers. Idagdag pa ang hiyawan ng mga tao habang sinsigaw ang pangalan ni Feliciano.

Napaatras si Audrey nang biglang dumami ang mga tao, nagsitakbuhan ang iba papunta sa harapan para makakuha ng mga libreng tshirt. Nagulat siya nang biglang may humawak sa magkabilang balikat niya mula sa likuran, nang lumingon siya sa likod, nakita niya si Nightmare. Inalalayan nito ang likuran niya at nang magtama ang kanilang mga mata, hindi niya maipaliwanag ngunit parang nangungusap ang tingin ni Nightmare. Parang humihingi ito ng paumanhin sa kung anuman ang maaaring mangyari.

"Nightmare, halika na!" wika ni Uno sabay hawak sa balikat ni Nightmare. Napatingin din ito kay Audrey, "Bakit kasi sinama mo pa si Audrey dito?" patuloy pa niya na parang hindi na mapakali dahil sa paulit-ulit na pagtawag ni Ka Ferding.

Ilang sandali pa biglang naputol ang tawag, napamura na lang sa inis si Uno "P*nyeta! Tinanggalan na ng signal dito" saad nito sabay kuha ng isang maliit na radyo ngunit ayaw na rin nito gumana. "Kailangan na natin umalis dito" nagmamadaling wika ni Uno, hinila na niya si Nightmare.

Nagulat si Audrey dahil hinawakan ni Nightmare ang kamay niya at hinila rin siya nito paalis sa gitna ng maraming tao na naroroon. Hindi malaman ni Audrey ang gagawin, tila namamanhid ang buong katawan niya at hindi rin maawat sa pagkabog ng malakas ang puso niya dahil sa kaba, takot at pag-aalala. Nangangamba na baka ito na ang huling araw na makita niyang buhay ang lolo niya.

Hindi niya rin mapigilan ang sarili na huwag mag-alala para sa nag-iisang taong kadugo niya at kahit papaano ay pinahalagahan niya rin. Ngunit wala siyang lakas ng loob para pigilan ang plano ng grupo nila Commander Dado. Hindi niya alam kung saan tatayo at kung saan tutungo, sino ba ang dapat protektahan? At kung tama ba na hayaan na lang ang kapalaran.

Ilang sandali pa ay narating na nila ang dulo, mabilis na kumilos si Uno at Nightmare papasok sa masisikip na eskinita papunta sa katapat na building kung saan naghihintay sila Ka Ferding. "Hindi natin siya pwedeng isama" saad ni Uno bago sila umakyat sa building. Napalingon naman si Nightmare kay Audrey at sa kamay nilang magkahawak. Nararamdaman niya ang panlalamig at panginginig ng kamay ng dalaga at ang pamumutla ng mukha nito.

Ang lolo nito ang papatayin ng grupo nila, alam niyang naguguluhan at natatakot na si Audrey sa posibleng mangyari. Maging siya ay hindi niya rin alam ang gagawin lalo na't siya pa ang naatasan na bumaril kay Feliciano mismo. Siguradong kamumuhian na siya ni Audrey at kahit hindi nito sabihin, siguradong iiwasan siya nito habang dala-dala sa sarili ang lihim ng kaniyang pagkatao na akala niya ay hindi nalalaman ni Nightmare.

Magsasalita na sana si Nightmare habang nakatingin kay Audrey pero agad pumagitna sa kanila si Uno, "Ako na ang maghahatid sa kaniya sa kampo, puntahan mo na sila Ka Ferding, siguradong galit na sila ngayon sa tagal natin" inis na wika ni Uno sabay hila kay Audrey. Nabitiwan na nila ang kamay ng isa't-isa.

"Huwag mong sisirain ang plano Nightmare, matagal na natin hinintay ang pagkakataong ito" seryosong bilin ni Uno bago niya hilahin si Audrey papalabas sa eskinitang iyon. Napatulala si Nightmare habang tinatanaw sila papalayo, napalingon pa si Audrey sa kaniya bago sila tuluyang makalabas doon, animo'y nakikiusap ito na huwag patayin ang lolo niya.

Ilang minute pa ang lumipas, nakatayo lang doon si Nightmare nang biglang may tumapik sa balikat niya. Si Ka Ferding, seryoso itong nakatingin sa kaniya sabay senyas na umakyat na sa itaas.

Pagdating sa itaas, nagkalat ang mga upos ng sigarilyo at bote ng alak sa sahig. Marami ring mga vandalism sa loob ng kwartong iyon na basag pa ang bintana. Naroon si Commander Dado, seryosong nakaupo sa wheelchair habang pinapanood mula sa basag na bintana ang kasiyahan na nangyayari sa plaza kung saan naroon si Feliciano, umaawit, sumasayaw, pinagbibigyan ang kahilingan ng madla mahuli lang ang kiliti ng mga ito para sa darating na eleksyon.

"Bakit ang tagal mo?" tanong ni Commander Dado nang hindi lumilingon kay Nightmare. Hindi naman inaalis ni Ka Ferding ang matalas niyang mata kay Nightmare na ngayon ay naglalakad papalapit sa mga mahahabang baril na nasa mesa. May apat pang armadong lalaki ang nakabantay sa bawat sulok ng silid. Mga kasamahan nila na nakatakip ang mukha.

"Pinutol po ang signal sa buong paligid, buti na lang nakita ako ni Uno" sagot ni Nightmare habang kinikilatis isa-isa ng mabuti ang mga baril na naroon. "Ikaw lang? wala kang ibang kasama?" tanong muli ni Commander Dado na nagpatigil kay Nightmare. Parang ama na ang turing niya sa matanda ngunit alam niyang pagdating sa misyon at plano ay wala itong sinasanto. At kapag patungkol sa paghihiganti kay Feliciano ay wala itong pinapalagpas.

"Bueno, alam kong sanay ka naman na sa mga biglaang misyon na ganito. Paumanhin kung nabigla ka ngayong araw. Kaninang umaga lang din nakarating sa akin ang balitang biglaang pagbisita rito ni Feliciano. Sabi nga nila, madalas natutuloy ang plano kapag ito ay biglaan" patuloy ni Commander Dado sabay hithit ng sigarilyo.

"Sinurpresa tayo ni Feliciano ngayong araw. Hindi ba't mas maganda kung susupresahin din natin siya?" ngisi ni Commander Dado sabay lingon sa kaniya. Napayuko lang si Nightmare, "Halika rito hijo" tawag ng matanda sabay taas ng kaliwang kamay nito at sinenyasan siya na lumapit sa kaniya.

Nagsimula nang maglakad si Nightmare papalapit kay Commander Dado hawak ang mahabang baril na napili niya. Lumuhod siya sa harapan nito, hinawakan ng matanda ang buhok niya "Nasubaybayan ko ang paglaki mo, hindi man kita kadugong tunay ngunit pinalaki kita na parang anak at apo ko. Aalagaan at poprotektahan kita gaya ng pangako ko sa iyong lolo at ama" patuloy pa nito, napatango lang si Nightmare.

Isang tango rin ang pinakawalan ni Commander Dado, senyales na ibinaba na nito ang utos na isakatuparan na ni Nightmare ang inutos sa kaniya. Ang barilin si Feliciano Medina.

Pumwesto na si Nightmare sa kabilang basag na bintana gamit ang bago at mahabang baril na pang-sniper na napili niya. Hindi niya alintana ang ingay mula sa labas, ang malakas na tugtugan at hiyawan ng mga tao. Idagdag pa ang paghagis ng mga tshirt at cap sa ere mula sa entablado.

"Samantalahin mo na ang pagkakataong ito, oras na para pagbayaran ni Feliciano ang lahat ng kasalanan niya. Ngayon na ang tamang panahon para singilin mo siya sa lahat ng buhay na kinuha niya sayo" saad pa ni Commander Dado dahilan upang lumakas lalo ang kabog ng puso ni Nightmare. Nanginginig at nanlalamig ang buo niyang katawan. Ito na nga ang pagkakataon na matagal niyang hinintay, ang makaganti sa taong nagpapatay sa buong pamilya niya.

Ngunit sa isip niya ay parang may mali. Parang hindi tama. Habang nakatuon ang mata niya at ang baril na hawak niya na nakatapat sa noo ni Feliciano ay naaalala niya ang histura at pakiusap ni Audrey gamit ang mga mata nito kanina. Ngayon lamang siya naguluhan ng ganito, ano ba ang dapat unahin? Ang misyon para sa inaasam na hustisya na matagal nang pinaglalaban ng kanilang grupo? O ang damdamin ng isang babae na unti-unti nang nagkakaroon ng puwang sa puso niya?

"Gawin mo na" utos ni Ka Ferding. Napapikit na lang si Nightmare, pilit na pinapakinggan ang sarili kung ano ba ang dapat gawin. Kung ano ba ang mas matimbang? Kung ano ba ang tama?

"Matatapos na si Feliciano---" hindi na natapos ni Ka Ferding ang sasabihin dahil biglang bumukas ang pinto. Alerto silang lahat at itinutok ang kanilang mga baril sa lalaking dumating. "Huwag!" pagpigil ni Leon. Pawis na pawis ito na parang tumakbo ng ilang kilometro.

"Anong ginagawa mo dito? Bumalik ka sa bukana ng bayan, kailangan maharang ang paparating at ang lalabas na ambulansya" sigaw ni Ka Ferding. Ibinaba naman ni Leon ang baril na hawak niya saka dere-derechong luuhod sa tapat ng kaniyang lolo.

"Lo, nalaman ko po na may iba pang pakay dito si Feliciano. Nagbayad ng siya ng tao para barilin siya sa mga oras na ito, sa binti siya tatamaan para palabasin na may nagtatangka sa buhay niya. Balak niyang makuha ang simpatya ng mga tao para siguradong maluluklok siya sa pwesto!" wika ni Leon, pawis na pawis ang buong mukha nito at hinihingal na rin.

Gulat na napatingin sa kaniya ang lahat, "Paano mo nalaman 'yan?" gulat na tanong ni Commander Dado, nabitiwan pa nito ang hawak na sigarilyo. Habang nakaabang kami sa bukana ng bayan, napansin namin ang pagdating ng mga ambulansya kahit wala pang kaguluhang nangyayari at alam kong hindi pa nasasakatuparan ang plano. Hindi pa namin maharang ang sunod-sunod na ambulansyang dumarating dahil nang tawagan ko si Uno ay hindi pa nga nababaril si Feliciano. Doon namin napansin ng mga kasamahan ko na may kakaibang mangyayari. Sinundan ko ang mga ambulansya, natuklasan ko na ang isa doon ay armado ng baril. Nakapwesto ang ambulansyang iyon malapit sa entablado, at naroon sa loob ang babaril kay Feliciano sa binti" paliwanag ni Leon.

Agad pinagmasdan ni Nightmare ang paligid, nakita niya ang ambulansyang malapit sa entablado. Kinilatis niya iyon ng mabuti at nakita niya ang isang lalaking naka-itim na nasa loob. Sinilip niya ito gamit ang binocular, nakita niyang may hawak nga itong baril.

"Hindi pa rin siya nagbabago... Papalabasin niya sa madla na siya na naman ang kawawa" inis na wika ni Commander Dado. Tumayo si Nightmare at lumapit kay Commander Dado. "Pakisabi po kay Sir Lorenzo Almanor na humihingi ako ng pasensiya pero kailangan kong gawin ito. Siya ang babarilin ko sa binti para siya ang makakuha sa simpatya ng mga tao" wika ni Nightmare, napatigil ang lahat nang marinig ang sinabing iyon ng binata.

Agad kinuha ni Ka Ferding ang phone niya at tinawagan si Lorenzo Almanor na siyang kakampi nila at isa sa kalaban ni Feliciano Medina sa pagka-presidente ngunit hindi niya ito ma-kontak dahil walang signal sa paligid.

Nakapwesto na muli si Nightmare sa tapat ng bintana hawak ang mahabang baril. Itinutok na niya ito kay Lorenzo na nakaupo sa entablado habang hinihintay ang oras na siya naman ang magsasalita sa entablado maya-maya.

"Kailangan maunahan natin ang babaril kay Feliciano" saad pa ni Nightmare, inis na binato ni Ka Ferding sa phone sa sahig dahil hindi niya matawagan ang kaibigang si Lorenzo. "P*tangina! Nasaan si Uno? Palapitin mo siya kay Lorenzo at sabihin ang plano" sigaw ni Ka Ferding pero hindi rin nila ma-kontak si Uno.

Napatigil naman si Nightmare, hindi pwedeng malaman ng iba na dinala niya si Audrey sa bayan at sigruadong malalaman iyon kapag natawagan si Uno. "Wala na tayong oras, kailangan ko nang gawin ito" saad ni Nightmare at sa isang iglap lang, kinalabit na niya ang gatilyo ng hawak niyang baril, derechong tumama ang bala nito sa binti ni Lorenzo na halos isang daang metro ang layo sa kanila.

Nagkagulo ang lahat, napasigaw sa sakit at natumba sa sahig si Lorenzo, nabasag pa ang salamin nito sa mata nang matapakan ng mga katabing kandidato na nagsimula ring magtakbuhan pababa sa entablado. Agad tumunog ang maingay na alarm at nagsimulang dumating ang mga pulis na agad pumwesto sa buong paligid.

Nagtakbuhan sa iba't ibang direksyon ang mga tao, ang iba ay nadapa pa at nadaganan ang isa't-isa. Gumamit naman ng megaphone ang isang pulis para sabihin sa mga tao na kumalma lang sila ngunit ni isa ay walang nakinig. Nagtatakbuhan at nagsisigawan ang mga ito papalayo.

Dali-dali ring inalalayan ng mga pulis si Feliciano pababa sa entablado, naiwan siyang tulala at hindi makapaniwala kanina habang nakatingin sa kapwa kandidato na nabaril sa binti. Tulong-tulo na binuhat ng rescue team si Lorenzo pasakay sa ambulansya. Maingat sila sapagkat may katandaan na rin si Lorenzo Almanor, nasa edad limampu't apat na rin ito. Mataba ang pangangatawan at may taas na 5'4 lamang.

Samantala, napatigil din mula sa di-kalayuan si Audrey at Uno nang marinig nila ang pagputok ng baril at magsimulang magtakbuhan at magsigawan ang mga tao. Sa pagkakataong iyon, walang ibang pumasok sa isipan ni Audrey kundi ang kaniyang lolo. Dali-dali siyang tumakbo at sumalubong sa mga tao, hinabol siya ni Uno.

Nahirapan si Audrey dahil papasalubong ang mga tao at agad siyang natumba nang mabangga siya ng isang malaking ale na may bitbit pang bata. Mabuti na lang dahil naabutan siya ni Uno at agad siyang nabuhat papalayo roon. "S-sandali!" pagpupumiglas ni Audrey, ang tanging gusto niya lang mangyari sa mga oras na ito ay ang makalapit sa lolo niya.

"Tumigil ka nga! Bakit gusto mong makalapit doon?!" inis na sigaw ni Uno habang buhat siya papunta sa gilid kung saan malayo sa mga taong nagtatakbuhan. Inilapag niya sa isang mababang bakod na gawa sa bato si Audrey. Umiiyak ito at nagpupumilit na makalapit sa entablado.

Nagtatakang nakatingin sa kaniya si Uno habang inaawat siya, ilang sandali pa ay tumunog na ang phone ni Uno, may signal na. Agad niya itong sinagot "Ano? Patay na ba si Feliciano?" tanong ni Uno, napatigil si Audrey sa narinig at tila nabuhusan ng napakalamig na yelo ang buo niyang katawan.

"Nagbago ang plano. Hindi pa ngayon ang oras ni Feliciano" sagot ni Leon mula sa kabilang linya, napakunot ang noo ni Uno. Maging si Audrey ay nagulat din sa narinig. Ilang sandali pa ay natanaw nila ang apat na rescuer buhat-buhat si Lorenzo Almanor na namimilipt sa sakit habang ang binti nito ay punong-puno ng dugo.

***

Habang nasa byahe sila pauwi sakay ng motorsiklo. Tumawag si Nightmare kay Uno at sinabing dapat mauna silang makarating sa kampo at walang ibang dapat makaalam na dinala niya si Audrey sa bayan. Matapos ang tawag na iyon, sunod namang tumawag si Onse, nakasalpak ang isang earphone sa tenga ni Uno habang kausap sa kabilang linya ang kaibigan. Pa-simple namang pinakinggan ni Audrey ang usapan nila habang nakahawak sa balikat ni Uno.

"Paano nagbago ang plano?"

"Nabigla rin ako, nalaman ko na si Boss Nightmare pala ang nakaisip ng bagong plano. Dumating kasi si Boss Leon at binalita sa kanila na balak ni Feliciano ipabaril ang sarili niya para makuha ang simpatya ng mga tao. Mabilis na nakaisip ng paraan si Boss Nightmare, pasalamat si Feliciano dahil buhay pa siya ngayon dahil kay Boss Nightmare"

***

Nang gabi ring iyon, tahimik lang ang lahat. Ipinag-utos ni Commander Dado na hindi muna sila magpupulong ngayong gabi dahil siguradong may mga rorondang mga pulis sa buong barrio para magimbestiga at hanapin ang taong lumikha ng gulo kanina sa bayan.

Nagtungo muna sa bayan si Melissa at nakitulog sa kaibigan niya roon. Samantala, ang iba pang miyembro ng grupo ay nagsilikas muna sa ibang lalawigan. Naghihiwalay at kalat-kalat talaga sila kapag nagkakaroon ng imebstigasyon at rumuronda ang mga alagad ng batas.

Tahimik lang si Audrey at Aling Coring habang kumakain. Nalulugkot si Aling Coring sa tuwing naaalala niya ang nangyari kanina nang makita niya ulit ang anak niya at hindi na naman siya nito pinansin. Habang si Audrey naman ay tulala rin, iniisip niya kung dapat niya bang pasalamatan si Nightmare. Nag-aalala rin siya kung ano na ang susunod na magiging hakbang ng grupo o kung anong magiging epekto nito sa lolo niya.

Nang matapos silang kumain, hinugasan na ni Audrey ang mga pinagkainan nila. Pumasok na rin si Aling Coring sa kwarto niya. Nang matapos si Audrey sa paghugas ng mga plato, naisipan niyang magpahangin muna sa labas.

Naupo siya sa maliit na bangkito sa likod ng bahay ni Aling Coring. Tumingala siya sa kalangitan at natanaw niya ang milyon-milyong bituin na kumikinang. Sariwa rin ang ihip ng hangin at tahimik na rin ang paligid. Tanging ingay lang mula sa kuliglig ang naririnig.

Nang iunat niya ang binti niya ay doon niya naramdaman ang kirot na kanina niya pa napapansin. Hindi niya pa ito tinitingnan dahil nagmamadali silang umuwi kanina at pagdating sa bahay ay nagpatulong si Aling Coring sa kaniya sa pagluluto.

Ilang sandali pa ay nagulat siya nang biglang may lumuhod sa harapa niya. "A-anong ginagawa mo dito?" gulat na wika ni Audrey at muntikan pa siyang mahulog sa bangkito dahil sa gulat. Mabuti na lang dahil nasalo agad siya ng binatang iyon.

"Nabutas ang pantalon mo, hindi mo man lang naisip na nagkasugat ka dahil nabutas 'yan ng ganiyan?" wika ni Nightmare sabay hawak sa tuhod niya, nanlaki naman ang mga mata ni Audrey dahil hinawakan nito ang tuhod niya at itinaas ang pantalon niya para makita ang sugat.

"Sandali nga, ganiyan ka ba talaga?" reklamo ni Audrey, napatigil naman si Nightmare sa pag-usisa sa sugat niya sa tuhod at tumingin sa kaniya. "Hindi mo man lang ako tatanungin kung pwede mo ba akong hawakan o punitin ang damit ko? Hindi 'yan gawain ng isang gentleman" dagdag pa ni Audrey, nakatingin lang sa kaniya ng derecho si Nightmare at walang emosyon ang mukha nito.

"Ano? Sagot" hamon pa ni Audrey, napahinga na lang ng malalim si Nightmare saka tumayo at naglakad ito papasok sa bahay ni Aling Coring. "Hays! Nagawa niya pang mag-walk out! Nakakainis talaga" bulong ni Audrey sa sarili habang sinusundan ng tingin si Nightmare papasok sa bahay.

Ilang sandali pa, lumabas na ito at may dala itong medical kit. "S-saan mo nakuha 'yan?" tanong ni Audrey, ngayon niya lang nakita iyon. Dere-derecho namang lumuhod si Nightmare sa harapan niya, ipinatong nito ang pa ani Audrey sa binti niya at inalapag sa kabila ang medical kit.

"Una, Lahat ng bahay dito sa kampo may medical kit, nakalagay ito sa itaas ng kisame ng mga banyo" sagot ni Nightmare, binuksan na niya ang box, kumuha siya ng bulak at agua oxinada. "Pangalawa, sa oras ng emergency, hindi na tinatanong ng doctor kung pwedeng punitin ang damit ng pasyente" patuloy ni Nightmare, nilagyan na niya ng agua oxinada ang sugat sa tuhod ni Audrey, nanigas na ang dugo doon kung kaya't dahan-dahang inalis iyon ni Nightmare gamit ang bulak.

"At pangatlo, hindi ako gentleman kaya asahan mong hindi ako humihingi ng permiso bago ko gawin ang isang bagay sa isang babae" saad ni Nightmare, napalunok na lang sa kaba si Audrey at hindi na nakapagsalita pa, lalo na't hindi niya inaasahan na makikita niya ngayong gabi si Nightmare at gagamutin pa nito ang sugat niya.

"Mukhang kanina pa 'tong sugat mo, nanigas na ang dugo. Bakit ngayon mo lang napansin na may sugat ka?" tanong muli ni Nightmare, napaismid muna si Audrey bago magsalita.

"Nadapa ako kanina nung nagkakagulo na sa bayan, hindi ko naman naramdaman 'yan kanina... Ngayon lang. Siguro ganoon talaga, minsan may mga bagay na 'di natin nararamdaman na masakit na pala hanggang sa tumagal nang tumagal. Magugulat ka na lang na nasugat ka na pala at ang tagal pa bago mo nalaman. Hindi dahil sa manhid ka, kundi dahil inakala mong okay ka lang pero ang totoo... Hindi pala" saad ni Audrey habang nakatulala sa kawalan. Bigla siyang natauhan nang pitikin ni Nightmare ang noo niya.

"Aray!" reklamo niya sabay hawak sa noo. Napangisi naman si Nightmare at nilagyan na ng betadine ang sugat ni Audrey.

"Ganyan ba talaga kapag taga-media... Madaldal" ngiti ni Nightmare habang tinatakpan na ang sugat ni Audrey. Natawa na lang ang dalaga sabay tingin sa kaniya "Kaunti lang naman 'yung sinabi ko"

Niligpit na ni Nightmare ang mga ginamit niya sa paglilinis ng sugat ni Audrey at ibinalik iyon sa medical kit. Tumingala siya sa langit. "Sa susunod 'wag ka na tumambay dito sa labas kapag gabi na, maraming lamok dito, magkakasakit ka pa" saad ng binata habang nakatingala sa kalangitan. Kitang-kita ngayon ni Audrey ang adam's apple at ang magandang jawline nito.

"Salamat nga pala" saad ni Audrey, napatingin si Nightmare ng derecho sa kaniyang mga mata. "Para saan?" nagtatakang tanong ng binata. Napahinga naman ng malalim si Audrey sabay ngiti sa kaniya ng kaunti.

"Hmm... Para sa lahat, sa lahat ng tulong at sa nangyari ngayon" tugon ni Audrey, hindi man niya masabi na nagpapasalamat siya kay Nightmare dahil sa bagong plano na sinabi nito kanina ay naligtas ang lolo niya.

"Huwag mong kalimutan linisin ang sugat mo bukas ng umaga" saad ni Nightmare, sa pagkakataong iyon ay umihip ang marahan na hangin dahilan para mahulog ng dahan-dahan ang mga dahon mula sa mga puno na nasa paligid nila.

"Oo, hindi ko kakalimutan" wika ni Audrey habang nakatingin pa rin sila sa mata ng isa't-isa. Ilang sandali pa, tumayo na si Nightmare at nagsimula nang maglakad pero napatigil siya nang magsalita ulit si Audrey.

"M-may gusto ko lang akong malaman" wika niya, napalingon naman si Nightmare sa kaniya. "Alam kong ilang beses ko nang natanong 'to sayo. Baka nga nakukulitan ka na pero itatanong ko pa rin kasi hanggang ngayon hindi ako mapanatag... Gusto kitang pasalamatan sa lahat ng ginawa mo para sa'kin, pero para kasing may kulang, hanggang ngayon hindi ko pa rin alam ang totoong pangalan mo" saad ni Audrey, halos hindi na maawat ang pagkabog ng kaniyang dibdib ngayon, buong tapang niyang hinugot ang tapang sa puso niya para magkaroon ng lakas ng loob na maitanong iyon kay Nightmare.

Natahimik lang si Nightmare habang nakatitig pa rin sa kaniya, patuloy pa rin ang pagkahulog ng mga dahon sa paligid nila. "Pero okay lang kahit hindi mo sabihi----"

"Antonio" sagot ni Nightmare, na nagpatigil sa mundo ni Audrey dahil hindi niya inaasahang ipagkakatiwala ni Nightmare sa kaniya ang totoo niyang pangalan.

*********************************

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top