Mistake 15

[Kabanata 15]

"Naiinip na ko" bulong nito gamit ang malalim niyang boses na makakapagpahulog sa puso ng sinuman. Halos maduling si Audrey dahil sa lapit ng binata sa kaniya. Naiinip na siya? Saan? Sa'kin? Ano ba?

"U-umusog ka nga" pakiusap ni Audrey sabay tulak ng marahan kay Nightmare papalayo dahilan para magtaka ang hitsura nito. Magiging violent na ba siya ngayon dahil tinulak ko siya---

"Ano bang iniisip mo?" walang emosyong tanong ni Nightmare. Ang pagtama ng buhok nito sa kilay ng binata ang mas lalong nagpakaba kay Audrey dahil hindi niya maitatanggi na mas gwapo si Nightmare kapag bagong ligo. Parang nanunuot din sa kanyang ilong ang mabangong sabon na ginamit nito.

"Sandali nga, iniisip mo bang may mangyayari sa'tin?" patuloy nito sabay taas ng kilay. Napalunok naman sa kaba si Audrey, ramdam niya ang biglaang pag-init ng kanyang buong mukha dahil sa hiya.

"A-ano bang pinagsasabi mo----"

"Kaya ganyan ang reaksyon mo kasi iniisip mong... Tayong dalawa... Baka---"

"Stop!" sigaw ni Audrey sabay takbo papasok sa banyo. Dali-dali niyang sinarado iyon at ni-lock, napasandal din siya sa pinto. P*cha, akala ko pa naman----

Nagulat si Audrey nang biglang kumatok si Nightmare "Bilisan mo na, magbihis ka na" wika nito, agad itinapat ni Audrey ang tenga niya sa pinto sa pag-asang maririnig ang yapak ng paa ni Nightmare papalabas ng bahay.

"Pupunta tayo sa bayan, 'wag ka na malungkot diyan" habol pa ni Nightmare. Sa pagkakataong iyon ay napatulala sa kawalan si Audrey habang hawak ang kanyang puso na hindi na maawat sa pagpintig nito.

***

Itim na cardigan na binagayan ng puting blouse at itim na pantalon ang suot ni Audrey. Pinasuot din siya ni Nightmare ng face mask dahil siguradong may mga reporter na mag-fefeature ng balita tungkol sa festival.

"Hindi ka ba mapapagalitan kapag nalaman nila na tinakas mo ko?" tanong ni Audrey habang nakaangkas siya sa motor ni Nightmare. Kasalukuyan nilang tinatahak ang maluwag na kalsada pababa sa bayan.

"Kapag nalaman nila, sasabihin kong tumakas ka mag-isa" sagot ni Nightmare, napayakap ng mahigpit sa kaniya si Audrey dahil sa bilis nito magpatakbo ng motorsiklo.

"So, ako ang mapaparusahan?" nagtatakang tanong ni Audrey, nahihirapan din siya iangat ng maayos ang ulo niya dahil sa bigat ng helmet na suot.

"Oo"

"P*cha! Ibalik mo na lang ako sa kampo! Ipapahamak mo pa ko e, nanahimik ako doon kanina" reklamo ni Audrey sabay hampas sa balikat ni Nightmare. Pero di-kalaunan ay napatigil siya nang marinig ang pagtawa ng binata na agad din nitong binawi nang mapagtanto niya na hindi dapat siya tumatawa ng ganoon.

Napaismid na lang si Nightmare at nag-seryoso muli sa pagmamaneho. Ilang sandali pa ay narating na nila ang ibaba ng bayan. "Bumalik na lang kasi tayo" ulit pa ni Audrey, sumalubong na sa kanila ang makukulay na banderitas na nakasabit pagpasok sa bayan.

"Malulungkot ka lang doon mag-isa, iiyak ka pa" saad ni Nightmare, hindi naman nakapagsalita si Audrey. Hindi niya malaman kung bakit ang bait sa kaniya ng binatang iyon ngayon.

"Ano bang meron ngayon?" tanong ni Audrey, mabagal na ang pagpapatakbo ni Nightmare sa motorsiklo at samu't-saring mga kotse, jeep, at tricycle din ang nagkalat na sa kalsada. Halos bihis na bihis din ang mga tao na makikiisa sa pista lalo na ang mga batang babae at lalaki na isinama ng kanilang mga magulang papunta sa simbahan.

"Arawatan Festival" sagot ni Nightmare, rinig na rinig na rin nila ang maingay at masiglang tugtugan sa gitna ng plaza. Nagkalat na rin ang makukulay na lobo at mga costumes na gagamitin ng mga matgtatanghal sa group dance festival maya-maya.

Kabi-kabila rin ang mga nagtitinda ng mga pagkain, laruan at mga souvenirs. Hindi naman magkamayaw ang mga turista sa pagkuha ng mga larawan kasama ang mga naka-costume na magtatanghal sa pista. "Wait," saad ni Audrey, napatigil naman si Nightmare sa pagmamaneho. Agad bumaba si Audrey at inilabas niya ang camera.

Kinuhaan niya ng litrato ang buong paligid. Ang makulay at masiglang umagang iyon na punong-puno ng mga ngiti sa bawat taong nakakasalubong nila. Ang ilan ay tumigil pa at nag-pose sa camera ni Audrey. Ipinarada na ni Nightmare ang motorsiklo sa tabi ng isang saradong tindahan ng hardware at bumaba roon.

"Ikaw naman Nightmare" tawag ni Audrey, nakasandal lang si Nightmare sa motorsiklo habang hawak sa kaliwang kamay ang helmet nito. Umiling lang ang binata pero tinutukan pa rin siya ni Audrey ng camera at kinuhaan ng litrato.

"Naks, candid" tawa ng dalaga, natawa na lang din si Nightmare sa sarili dahil hindi talaga siya sanay makuhaan ng litrato pero pagdating kay Audrey ay hindi niya ito magawang pagsabihan na burahin iyon.

"Ako naman" saad ni Audrey sabay takbo papalapit sa kaniya at inabot ang camera "Pindutin mo lang 'to tapos hintayin mo mag-focus 'yung camera" patuloy ni Audrey sabay turo kay Nightmare kung paano gamitin ang camera na iyon.

"Alam ko naman"

"Tss... tinuturuan lang e"

"Sige na" saad ni Nightmare, ngumiti lang si Audrey sabay takbo papunta sa gitna kung saan kitang-kita ang paparating na makukulay na mga 'Floats' na punong-puno ng magagarabong disenyo. Sakay nito ang magagandang mga dalaga na kasali sa beauty pageant mamayang gabi.

"Magbilang ka" sigaw ni Audrey dahil medyo malayo na siya kay Nightmare at lumakas na ang ingay sa paligid lalo na ang nakakaindak na tugtugan at ang hiyawan ng mga tao para sa mga Binibining lalaban sa beauty pageant.

Isang matamis na ngiti ang pinakawalan ni Audrey habang nakatingin kay Nightmare at sa camerang hawak nito na nakatutok sa kaniya. Sa pagkakataong iyon ay parang bumagal ang takbo ng paligid at tila nagliliwanag ang dalaga sa kaniyang paningin. Muntikan niya pang mabitiwan ang camera dahil sa gulat.

Natauhan na lang siya nang biglang marinig ang malakas at sunod-sunod na pagtambol "O-okay na" sigaw ni Nightmare pabalik. Ilang beses niya pa pinindot ang click button ng camera kaya marami-raming litrato rin ang nakuha niya. "Hays, baka blurred 'yan" reklamo ni Audrey sabay takbo papalapit, napaatras si Nightmare ng kaunti dahil sa sobrang lapit ni Audrey sa kaniya nang kunin nito ang camera.

Isa-isang tiningnan ni Audrey ang mga kuha ni Nightmare at napangiti rin siya dahil maayos ang kuha nito. Ilang sandali pa ay napatingala na sila sa naglalakihang mga 'Floats' na naghahari ngayon sa kalsada. Nagsisigawan ang mga tao habang nagpapasabog ang mga kandidata ng mga makukulay na confetti mula sa itaas.

Kitang-kita ni Nightmare ang masayang ngiti ni Audrey habang manghang-mangha sa paligid. Alam niyang mula pagkabata ay mahilig si Audrey sa mga makukulay na palabas tulad ng mga prinsesa sa Fairytales.

Nagulat si Nightmare nang biglang hawakan ni Audrey ang kamay niya at hinila siya nito "Sundan natin sila" aya ng dalaga at tumakbo sila kasunod ng mga naggagandahang mga Floats. Parang biglang bumagal muli ang paligid sa paningin ni Nightmare, ang matamis na ngiti ni Audrey at ang pagsayaw ng hangin sa buhok nito ang tanging nakikita niya habang dahan-dahang bumabagsak sa paligid nila ang makukulay na confetti.

Sa ikalawang pagkakataon ay muli siyang humanga sa babae na tanging si Audrey o Feliciana lamang ang nakakagawa.

***

"Nasaan pala si Leon?" tanong ni Audrey habang naglalakad sila ni Nightmare sa gitna ng maingay at magulong plaza. Kasalukuyang may mga choir na umaawit sa gitna ng entablado.

"Bakit hinahanap mo siya?" tanong ni Nightmare at napatigil ito sa paglalakad. Napalingon naman sa kaniya si Audrey habang kinakain ang sorbetes na binili nila kanina. "Wala lang, hindi ba para kayong kambal na hindi nagkakahiwalay? Bakit biglang 'di na kayo magkasama ngayon?" usisa pa ni Audrey.

Nagpatuloy na muli sa paglalakad si Nightmare habang kinakain din ang mango ice cream na hawak niya. "Sinama siya ni Ka Ferding"

Napatango-tango na lang si Audrey. "Taga-Mindoro ba talaga ang buong pamilya niyo? Pati nila Leon?" tanong pa muli ng dalaga. Napailing naman si Nightmare bilang sagot.

"Taga-saan kayo?" hirit pa ni Audrey pero bigla siyang napatahimik nang maalala na hindi nga pala dapat siya maging mausisa dahil baka pugutan siya ng ulo ng grupo.

"Ang saya pala ng fiesta niyo dito" pag-iiba niya ng usapan. Saktong may nadaanan silang tinder ng mga sumbrerong pambata. "Bili tayo!" excited na wika ni Audrey sabay takbo sa tindero. Sumunod naman sa kaniya si Nightmare.

"Mas makakamura kayo kung couple hat ang bibilhin niyo mga hijo at hija" nakangiting wika ng tindero sabay abot ng dalawang sombrero na hugis puso at ang tingkad ng pagka-pula.

"Valentines po ba?" nagtataka at natatawang saad ni Audrey habang hawak ang sumbrerong iyon. "Magagamit niyo rin 'yan sa Valentines, oh diba nakatipid pa kayo" ngiti pa ng tindero. Nagkatinginan naman si Audrey at Nightmare pero agad din silang napaiwas muli ng tingin sa isa't-isa.

"Pero depende, baka break na kayo bago pa mag-Valentines hehe" hirit pa ng tindero sabay halakhak. Natawa na lang di si Audrey kahit pilit habang si Nightmare naman ay wala ng reaksyon.

"Hindi naman po kami" paliwanag ni Audrey pero hindi na inintindi iyon ng tindero, bagkus ay pinipilit pa rin silang bilhin ang pulang sumbrero. Sa huli, binili na lang ni Nightmare para makaalis na sila sa lugar na iyon.

Habang naglalakad sila papalayo, inihagis sa kaniya ni Nighmare ang sombrero. Nagtaka rin si Audrey dahil hindi niya akalaing isusuot iyon ni Nightmare. Wala sa personality at fashion nito ang magsuot ng mga colorful at cute style.

"Hindi mo naman kailangan bilhin 'to" saad ni Audrey, ilang sandali pa, nagulat siya nang biglang kunin ni Nightmare ang sombrero at isinuot ito sa kaniya. "Pero gusto mo 'to diba?" tugon ng binata sabay lingon sa kaniya, agad naman siyang napaiwas ng tingin.

"Isuot mo na, alangan naman ako lang ang magmukhang tanga dito" saad ni Nightmare at isinuot sa ulo niya ang sumbrerong iyon. Sandaling tumigil ang tibok ng puso ni Audrey dahil sa ginawa ni Nightmare sa kaniya.

Nagpatuloy sila sa paglalakad, nadaanan din nila ang mga batang tuwang-tuwa sa mga bubbles na lumilipad sa ere. "Ano pala ang ibig sabihin ng Arawatan Festival?" tanong ni Audrey, palihim din siyang natatawa dahil mukha ngang tanga si Nightmare suot ang matingkad at hugis pusong sombrero.

"Salitang Mangyan na ang ibig sabihin ay Pagtutulungan" sagot ni Nightmare. Napatango-tango naman si Audrey. "Nakakatuwa naman, alam mo ba, natutuwa ako sa grupo niyo kasi nakikita kong nagtutulungan kayo... Para na kayong isang malaking pamilya" saad ni Audrey at itinaas niya pa ang kamay niya para ilarawan kung gaano kalaki.

"Sabi ko noon, gusto ko rin magkaroon ng malaki at masayang pamilya. Lumaki ako mag-isa kaya siguro madali akong mainggit sa mga buo at masaya ang pamilya" patuloy pa ni Audrey, hindi naman umimik si Nightmare pero alam niyang nakikinig ito.

"Sorry nga pala, nalaman ko kay Aling Coring na wala na ang mga magulang mo" dagdag pa ni Audrey, napansin niyang napangiti ng kaunti si Nightmare. "Hindi mo naman kailangan mag-sorry" tugon ng binata at inalis na nito ang sumbrerong suot.

"Gusto ko lang mag-sorry kasi pinaalala ko sayo" wika ni Audrey, hindi na muling umimik si Nightmare. Sa mga sandaling iyon, hindi niya malaman kung ano ba ang dapat na maramdaman. Magsasalita sana ulit si Audrey nang biglang tumunog ang cellphone ni Nightmare. De-keypad pa ito para hindi ma-track ang GPS.

"Bakit?" tanong ni Audrey nang mapansin niya ang biglang pagseryoso ng mukha ni Nightmare nang mabasa text. Humakbang siya papalapit sa binata para silipin ag text message ngunit agad ibinulsa ni Nightmare ang cellphone nito.

"Sinong nag-text?" tanong muli ni Audrey, inabot na sa kaniya ni Nightmare ang sombrero. Kumuha rin ito ng pera sa bulsa at inabot sa dalaga. "Hinahanap ako ni Ka Ferding ngayon, nasa mall sila Aling Coring at Tita Melissa, mas mabuti pa ihatid na lang muna kita" saad ni Nightmare sabay hawak sa kamay ni Audrey pero pumalag ang dalaga.

"Bakit? Ano bang meron?" tanong muli ni Audrey, nararamdaman niya na may hindi magandang balitang natanggap si Nightmare. Kitang-kita sa mga mata nito ang magkahalong pag-aalala at pangamba.

Magsasalita pa sana si Nightmare nang biglang hinawakan ni Uno ang balikat niya. Nakadamit pang-bodyguard ito suot ang plain na barong. "Nightmare! Hinahanap ka ni Ka Ferding! Nawawala si Onse kaya ikaw na raw ang babaril kay Feliciano" saad ni Uno, hindi nito napansin na nasa harapan lang si Audrey.

Nanlaki ang mga mata ni Audrey nang marinig ang sinabi ni Uno "N-nandito ngayon si General Feliciano?" gulat niyang tanong kay Uno na nagulat din sa pangyayari. "A-anong ginagawa mo dito?"

"Nightmare! Bakit dinala mo siya dito?" sigaw ni Uno, agad naman siyang hinila ni Nightmare papalayo, sa gilid ng pinakamalapit na poste sila nag-usap. "Bakit nag-iba ang plano? Alam nating dadating ngayon si Feliciano pero wala sa plano na papatayin natin siya ngayon" giit ni Nightmare, napalingon sila kay Audrey na tulalang nakatingin sa kanila mula sa di-kalayuan.

"Binago ni Ka Ferding ang plano kanina lang, nanggaling din ang utos kay Commander Dado nang malaman niya na nakarating na pala kay Feliciano na posibleng nandito ag grupo natin Mindoro. Isipin mong mabuti, kung may ideya nga si Feliciano na nandito tayo sa Mindoro, bakit buong tapang siyang bibista dito? Malaki ang hinala namin na may iba pa siyang motibo. Bakit niya ilalagay sa alanganin ang buhay niya?! Siguradong may mas malaki siyang makukuhang kapalit" paliwanag ni Uno.

"Nasa ikaapat na palapag sa tapat na warehouse building sila Ka Ferding, nasa baba naman ang iba pa nating kasamahan, tulad ko nakikihalo sa mga tao dito. Nakaabang naman si Leon sa labas ng bayan, haharangin nila ang ambulansyang dadating" patuloy pa ni Uno. Hindi naman nakasagot si Nightmare, malaki rin ang hinala niya na palihim na hinahanap ni Feliciano si Audrey.

Samantala, mula sa di-kalayuan sa gitna ng entablado sa plaza, napatigil si Audrey nang marinig ang hiyawan ng mga tao at ang boses ng kaniyang lolo "Magandang Tanghali mga kababayan!"


****************************

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top