Mistake 14
[Kabanata 14]
"Kung pagbibigyan ako ng langit, gusto kong makita ang taong pinahahalagahan ko bago ako lagutan ng hininga. Gusto kong malaman niya sa pamamagitan ng aking mga mata na masaya akong nakilala ko siya, na nagpapasalamat ako dahil dumating siya sa buhay ko at sabihing huwag siyang malulungkot kapag wala na ako" saad ni Nightmare sabay tingin kay Audrey, sandaling tumahimik ang buong paligid. Ang bawat segundong lumipas ay tila isang marka ng alaala na babaunin nila magmula sa oras na iyon.
Nang ibuka ni Audrey ang kaniyang bibig ay naunahan na siya ni Nightmare "Pero imposible mangyari 'yun, hindi ko hahayaang mamatay ako ng maaga" patuloy pa ni Nightmare at ibinaling na niya ang paningin niya sa magandang tanawin mula sa kinatatayuan nilang bangin.
Tumawa naman si Leon "'Yan ang gusto ko sayo bro, ang lakas ng fighting spirit mo" ngisi pa ni Leon. "Tara na nga, bakit ba tayo nagdadrama tayo dito, excited na ko manood sa TV" aya ni Leon, pumagitna siya kina Nightmare at Audrey at inakbayan ang dalawa.
***
Hindi pa gumana ang TV nang sama-sama silang mag-tanghalian sa bahay ni Commander Dado dahil hindi pa nakakabit ng maayos ang kuryente. Nakikabit lang sila sa kabilang barrio pero malapit na magtakipsilim, hindi pa rin bumabalik sina Dos at Siyam kasama sina Uno at Onse.
Alas sais na nang mapagana nila ang TV, excited ang lahat habang nakaupo sa sahig. Panay ang reklamo ni Dos at Siyam dahil hindi nila makita ng maayos ang TV sa tangkad ng nasa harapan nila na si Uno. "Dapat may find your height din dito" reklamo ni Siyam sabay lingon sa kaliwa at kanan pero hindi pa rin niya makita.
"Usog na nga lang tayo sa gilid" aya ni Dos at nag-unahan pa sila maupo sa gilid ng TV, wala na silang pakialam kahit pa mabali ang kanilang mga leeg. Nasa gitna naman si Commander Dado, nakaupo siya sa kaniyang upuan habang nasa magkabilang tabi niya si Aling Coring at Melissa.
Nasa gilid naman si Ka Ferding habang nililinis ang kaniyang baril. Nakaupo naman sa harapan sina Nightmare, Leon at Audrey habang pinapapak nila ang mani na niluto ni Aling Coring.
"Ganito buksan ang mani sa madaling paraan" panimula ni Leon sabay kuha ng isang peanut at inihampas sa noo ni Nightmare na agad napakunot ang noo. "P*cha"
"Ayan bukas na" tawa nito, agad namang kumuha si Nightmare ng peanut at hinampas din iyon sa noo ng kaibigan na pumipiglas.
Agad namang hinawakan ni Audrey si Leon para maihampas ni Nightmare ang peanut sa noo nito. Napasigaw si Leon sa sakit na sinabayan ng tawanan ng lahat lalo na ni Nightmare at Audrey na nagkampihan pa.
Nagsimulang magbatuhan ng mani ang tatlo, napatigil lang sila nang sawayin sila ni Aling Coring "Jusmiyo, para kayong mga bata" awat nito, dali-dali naman nilang dinampot ang mga maning nagkalat sa sahig. Mabuti na lang dahil may ballot pa ito kaya pwede pa nilang kainin.
"Oh, punasan ko muna mga likod niyo" sabat ni Melissa sabay kuha ng bimpo at sapilitang pinunasan ang likod ni Nightmare at Leon dahilan para matawa ang lahat lalo na si Audrey dahil mukhang mga baby damulag ang dalawa.
"Uubuhin ang mga baby" lambing pa ni Melissa habang nagpupumiglas si Nightmare at Leon na punasan ang kanilang likod. Wala rin silang nagawa dahil nilakihan sila ng mata ni Melissa na kilala nilang nakakatakot na tiyahin kapag nagagalit ito.
Agad kinuha ni Audrey ang camera at kinuhaan sila ng litrato. Nagkalat pa ang ibang mga mani sa sahig. Isa-isa rin niyang kinuhaan ng litrato ang mga naroroon na humahagalpak sa tawa dahil sa ginagawang baby ni Melissa sila Nightmare at Leon.
Ilang sandali pa, napatigil sila nang magsalita si Dos "Ayan na, gumagana na 'yung TV" ngisi nito na tumatalon-tumalon pa. "Ang labo naman" reklamo ni Siya dahil parang may ulan at kidlat sa sceen ng TV na iyon.
"At dahil nagrereklamo ka, ayusin mo 'yung antenna" utos ni Commander Dado, aalma pa sana si Siyam pero nagsigawan ang lahat at sinabing ayusin nga niya ang antenna. Wala tuloy siyang nagawa kundi lumabas ng bahay at umakyat ng kaunti papunta sa bundok para ayusin ang antenna.
Pagbalik niya ay masaya nang nanonood ang lahat. Nagsisigawan ito dahil sa wrestling game na kanilang pinapanood. Nagsimulang maglabas ng pera si Ka Ferding para tumaya sa isang player, naglabasan na rin ng pera ang iba.
Hindi naman iyon pinalagpas ni Audrey, kinuhaan niya ng litrato ang masayang tagpong iyon. Lalo na ang mga tawanan, asaran at kantyawan ng grupo habang nananood ng wrestling. Hindi niya namalayan na nakangiti na pala siyang habang pinagmamasdan ang mga litrato, lalo pa't alam niya sa sarili niya na ang mga taong iyon ay totoo at buong-buo ang tiwala sa isa't-isa.
Ilang sandali pa ay biglang napatahimik ang lahat nang aksidenteng maupuan ni Siyam ang remote at napunta sa balita ang channel ng TV.
"Ayon sa huling resulta ng survey, si Senate President Feliciano Medina pa rin ang nangunguna sa mga kandidatong tatakbo bilang presidente sa darating na eleksyon. Malakas ang kampayansa ng kanilang partido na ang kanilang pambato na nga ang susunod na maluloklok sa pinakamataas na posisyon ng pamahalaan. Ngunit sa kabila nito ay naglabas ng pahayag si Gen. Feliciano Medina na ang kaniyang pagtakbo ay para sa ikauunlad ng ating bansa. Ang kaniyang mga platorma ay layuning pataasin an gating ekonomiya at ang hukbong sandatahan. Shiela Dones, CMZ News"
Napatagil at napatahimik ang lahat nang mapanood nila ang balitang iyon. Biglang hinampas ni Ka Ferding ang mesa dahilan upang matauhan at mapalingon sa kaniya ang lahat. "Aagahan natin ang plano, bago matapos ang buwan na 'to, isasagawa na natin ang unang hakbang" seryosong wika ni Ka Ferding. Agad namang nagkatinginan ang mga tauhan niya at ang mga miyembro ng grupo na sabay-sabay napatango bilang pagsang-ayon.
Samantala, palihim namang naasulyap si Nightmare kay Audrey na ngayon ay tulala sa kanila, maya-maya pa ay lumabas ito ng bahay. Susundan sana niya ang dalaga ngunit naunahan na siya ni Melissa.
Mabilis na naglalakad si Audrey papunta sa bahay ni Aling Coring habang yakap-yakap sa dibdib ang camera. Ramdam niya ngayon ang malakas na pagkabog ng kaniyang puso. Batid niya na hindi hahayaan ng grupo na maging presidente ang kaniyng lolo at ngayon ay naguguluhan na siya kung sino ba ang dapat panigan at kung sino baa ng dapat paniwalaan.
"Audrey!" napatigil siya sa paglalakad nang marinig ang kaniyang pangalan. Nang lumingon siya sa likod, tumambad sa harapan niya si Melissa na mabilis ding naglalakad papahabol sa kaniya. "Saan ka pupunta?"
"I-ibabalik ko lang po 'tong camera, lowbatt na" pagsisinunggaling niya, kahit pa ang totoo ay hindi pa naman lowbatt ang camera, gusto niya lang talaga mapag-isa kahit sandali.
"Samahan na kita" wika ni Melissa at sinabayan na niya maglakad si Audrey. Habang naglalakad sila sa madilim na daan papunta sa bahay ni Aling Coring, naalala ni Audrey ang sinabi nito tungkol sa kwintas. "'Yung tungkol po sa kwintas, paano niyo po nasabi na hindi iyon sa papa ko?"
Napasulyap naman si Melissa sa kaniya sandali bago tumingin mula ng derecho sa daan "Kalimutan mo na 'yun, namalik-mata lang siguro ako. Maraming bagay talaga ang magkakahawig sa mundong ito" tugon ng babae.
"Pero bakit nasabi niyo rin na hindi iyon sa pamilya ko? Anong kinalaan ng kwintas sa pamilya---" hindi na natapos ni Audrey ang kaniyang sasabihin dahil biglang nagsalita si Melissa.
"Speaking of family, nasaan pala ang pamilya mo? Bakit hindi ka hinahanap? Nakwento na sa'kin ni Ka Ferding na nagkamali si Nightmare sa pagkidnap kay Chelsea. Imbes na 'yung kadugo ni Feliciano ang makuha nila, ikaw ang nandito ngayon"
"Bukod doon, nagtataka lang ako kung bakit parang walang mga balitang lumalabas na nawawala ka. Isa kang reporter, hindi ba kayang maglabas ng CMZ News ng balita na nawawala ang isa nilang empleyado?" hirit pa ni Melissa.
Napaiwas naman ng tingin si Audrey, "Wala na po akong pamilya, nasa probinsya na rin ang tita ko" tugon ni Audrey. "M-mabuti na lang din, hindi nila ako hinostage talaga. Nandito na ako ngayon para maging exclusive reporter nila" patuloy pa niya,
"Hindi ko rin alam kung bakit parang walang naghahanap sa'kin" saad ni Audrey, totoo ang kaniyang sinabi. Hindi niya rin malaman kung bakit parang hindi siya hinahanap o nafefeature sa balita ang kaniyang pagkawala.
"Makapangyarihan talaga ang media. Pero mas makapangyarihan ang maging sekretarya sa gobyerno" ngisi ni Melissa. Napalingon naman sa kaniya si Audrey.
"Secretary po kayo? Nino?"
"Sabihin na lang nating... personal secretary at lover ako ng ating future president" saad ni Melissa sabay ngiti at kindat sa kaniya. Sa pagkakataong iyon ay biglang tumigil ang mundo ni Audrey, hindi niya malaman kung ang lolo ba niya ang tinutukoy ni Melissa o ang mahigpit nitong kalaban sa pulitika na kasalukuyang bise presidente na si Crisologo Guzman.
***
Kinabukasan, naalimpungatan si Audrey nang marinig ang ingay mula sa labas. Ilang sandali pa, sumilip si Melissa sa maliit na lagusan sa basement na tinutulugan ni Audrey "Aalis kami Audrey, dito ka lang muna" saad nito, dahan-dahang bumangon si Audrey habang kinukusot ang mata.
"Saan kayo pupunta?"
"Sa bayan, Arawatan festival na" ngiti ni Melissa, magsasalita pa sana si Audrey pero nakaalis na si Melissa. Tumayo na siya at lumabas sa basement. Naabutan niyang nagsusuklay ng buhok si Aling Coring habang nilalagyan ni Melissa ng lipstick ang matanda at nagtawanan sila.
"Kay Audrey na nga lang ako magpapa-make up, ang kapal ng nilagay mo hija" tawa ng matanda. Natawa na lang din si Audrey dahil makapal talaga maglagay ng kolerete sa mukha si Melissa. Lumapit siya sa kanila saka pinagmasdan ang mukha ni Aling Coring.
"Isang platitong bico lang po sapat na sa'king talent fee" ngiti ni Audrey, tumango naman si Aling Coring. Madalas na pagkain talaga ang hinihingi ng dalaga. "Oh siya, babalutin ko pa sa dahoon ng saging hija" tawa nito.
Nang matapos niyang ayusan si Aling Coring, naupo siya sa gilid habang pinagmamasdan sila. Alam niyang hindi siya pwedeng sumama sa fiesta dahil siguradong may mga reporter doon na magfefeature ng Arawatan festival. Bukod doon ay nagkalat din ang mga pulis para sa seguridad ng gaganaping pagdiriwang.
Makalipas pa ang ilang minuto, nakagayak na ang lahat. Sumakay sila sa jeepney owner ni Ka Ferding. Naiwan naman si Dos at Siyam para magbantay sa kampo lalo na kay Audrey, nang makaalis na sila Aling Coring, nagtungo na lang sa kusina si Audrey at uminom ng tubig. Kung siya ang tatanungin, gusto niyang makisaya sa fiesta lalo na dahil first time niya ring makakapunta doon.
Babalik na lang sana si Audrey sa kaniyang tinutulugan para ipagpatuloy ang kaniyang pagtulog nang biglang bumukas ang pinto. Napaatras sa gulat si Audrey nang tumambad sa harapan niya si Nightmare. "A-anong ginagawa mo dito?" gulat niyang tanong, napansin niya agad na bagong ligo ang binata, suot ang paborito nitong itim na leather jacket.
"U-umalis na sila Aling Coring at ang tita mo, pumunta sila sa----" hindi na natapos ni Audrey ang sasabihin niya dahil dere-derechong naglakad si Nightmare papalapit sa kaniya. Tila nanigas si Audrey sa kaniyang kinatatayuan at napasandig pa siya sa lababo. Singbilis ng kidlat ang buong pangyayari nang kumuha ng baso si Nightmare sa gilid ng lababo.
"Maligo ka na" saad ni Nightmare nang hindi nakatingin sa kaniya, nagsalin lang ito ng tubig mula sa pitsel saka derechong ininom iyon. Nanlaki naman ang mga mata ni Audrey at napakunot ang noo niya.
"B-bakit naman ako maliligo?" kinakabahan niyang tanong sabay hakbang pagilid para makalayo sa presensiya ni Nightmare kahit papaano.
"Bilisan mo, inutusan ko sina Dos at Siyam na pumunta sa tindahan sa kabilang barrio" saad ni Nightmare sabay lapag ng baso sa mesa. Kung anu-anong bagay ngayon ang naglalaro sa isipan ni Audrey sa kadahilanang bigla na lang sumulpot doon si Nightmare na dati ay hindi naman pumupunta sa bahay ni Aling Coring.
Ano bang iniisip ng lalaking 'to? Hindi kaya—Nag-iinit siya ngayon?
"A-ano naman... B-bakit---" hindi na natapos ni Audrey ang kaniyang sasabihin dahil biglang tumingin sa kaniya si Nightmare. Ang mga mata nito ay tila nangungusap at sadyang nakakatunaw. Bakit ganiyan siya makatingin? Ano bang gusto niyang mangyari?
"Tayong dalawa lang dito, bilisan mo na, baka maabutan pa nila tayo" wika ni Nightmare sabay hakbang papalapit kay Audrey, nanlaki ang mga mata ng dalaga sabay yakap sa sarili niya. Teka! Teka! Teka! Saan na siya nakatingin?
"A-ano bang... T-teka nga" kinakabahang wika ni Audrey habang sumisiksik sa dulo ng lababo. Tila nanigas siya sa kaniyang kinatatayuan nang inilapit ni Nightmare ang bibig niya sa tenga ng dalaga.
"Naiinip na ko" bulong nito gamit ang malalim niyang boses na makakapagpahulog sa puso ng sinuman.
********************************
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top