Mistake 13
[Kabanata 13]
"Hindi sayo ang kwintas na 'yan... Hindi sa papa mo... at lalong hindi sa pamilya niyo" saad nito habang nakatingin ng derecho sa mga mata ni Audrey na para bang sinasabi nito na kilala niya ang totoong pagkatao ng dalaga.
Nanlaki ang mga mata ni Audrey at halos walang kurap na nakatitig sa babae. May alam ba siya tungkol sa pamilya ko? Paano niya nasabing---
"Melissa?" wika ni Aling Coring na nakatayo sa tapat ng pinto habang hawak ang isang malaking kaldero. Napangiti si Melissa at dali-daling tumakbo papalapit kay Aling Coring sabay yakap sa matanda. "Namiss ko po kayo, kumusta na po?"
"Ayos lang naman, ikaw? Kumusta ang misyon mo sa gobyerno?" tanong ni Aling Coring sabay hawak sa magkabilang balikat ni Melissa. Napatigil si Audrey nang marinig na nagtatrabaho ang babaeng iyon sa gobyerno, bukod doon ay mas lalo niyang ikinabahala nang marinig ang salitang misyon.
"Mahabang kwento po, hindi ko nga po alam kung paano ko sisimulan magreport kay Commander Dado. Alam niyo naman po si tatang, madaling antukin, baka makatulog siya sa haba ng kwento ko" tawa ni Melissa na mas lalong ikinaganda nito.
"Siya nga pala, si Audrey, reporter sa Maynila. Pansamantala muna siya dito" pakilala ni Aling Coring, napatingin naman muli si Melissa kay Audrey na hanggang ngayon ay nakatulala pa rin sa kanila. Ngumiti si Melissa sabay abot ng kamay niya kay Audrey.
"Sorry, hindi pala ako nakapagpakilala sayo kanina. Melissa nga pala" wika nito sabay ngiti, iniabot naman ni Audrey ang kamay niya at nakipag-shake hands sa babae. "Audrey... Audrey Medina"
"Medina, I see" saad nito na mas lalong nagpagulo sa isipan ni Audrey. Ang bawat salitang binibitawan ng babaeng iyon, maging ang tingin nito ay naghahatid sa kaniya ng pakiramdam na kilala nga siya nito.
"Kaapelyido mo pala ang buwayang si Feliciano" saad ni Aling Coring, hindi naman nakakibo si Audrey, bagaman papalitan din sana noon ang apelyido niya ngunit hindi niya alam kung bakit hindi iyon pinabago ng kaniyang lolo.
"Marami namang Medina sa mundo Aling Coring, katukayo pala ni Audrey ang kaaway ng grupo natin" ngiti ni Melissa sabay hawak sa braso ng matanda. "Ano po palang niluto niyo para sa alumsal? Nagugutom na po ako, pwede po bang makikain" hirit pa nito sabay lambing kay Aling Coring. Natawa na lang ang matanda at sabay silang pumasok sa loob ng bahay.
Samantala, naiwan naman si Audrey sa labas habang tulala at hindi pa rin makapaniwala sa mga nangyari. Malakas ang kutob niya na may nalalaman si Melissa sa totoong pagkatao niya.
***
Bago magtanghalian, nagkakatipon ang lahat sa bahay ni Commander Dado dahil may pasalubong na bagong TV si Melissa. Isang 36 inches na LCD ang dala nito mula Maynila na ikinatuwa ng lahat lalo na ni Dos at Siyam na kanina pa hinihipo at inaamoy ang TV.
Pinaglaruan din nila ang bubble wrap at Styrofoam na nasa loob ng kahon. Napapailing na lang sa tuwa si Commander Dado dahil naroon pa rin ang pagka-inosente at bata ng dalawa.
Abala naman si Leon sa pagbabasa ng manual habang si Nightmare naman ay nakasandal lang sa pinto at pinapanood sila. Nakaupo naman sa gitna si Commander Dado habang abala naman si Aling Coring, Audrey at Melissa sa pag-aayos ng hapag dahil sabay-sabay silang kakain mamayang tanghalian.
Si Uno at Onse naman nagbuhat sa TV habang panay ang pagtatalo nina Dos, Siyam at Leon kung saan ilalagay ang telebisyon. "Saan ba talaga? Ang bigat kaya nito, ihampas ko 'to sa inyong tatlo e" reklamo ni Uno na matipuno ang pangangatawan, naiingayan na rin sila dahil turo ng turo sa kaliwa o kanan ang mga kasamahan.
"Diyan na lang sa likod ng bintana, mas maganda diyan" saad ni Dos.
"Against the light kaya" ani Siyam.
"Wow, big word, may pa-against the light ka pang nalalaman diyan a" natatawang asar ni Dos kay Siyam. Hindi naman siya nakaligtas sa pamamatok ng kaibigan at dahil doon ay nagsimula silang maghabulan sa loob ng bahay.
"P*ta, 'pag ako nasipa niyo, makakatikim kayong dalawa sa'kin" banta ni Leon habang seryosong-seryoso sa pagbabasa ng manual kahit pa hindi naman niya gaano maintindihan ang nakasulat doon.
"Saan na ba 'to ilalagay?" wika ni Onse na parang hihimatayin na dahil kanina pa nila buhat-buhat ang TV, idagdag pa ang hindi pagkakasundo ng mga kasamahan kung saan baa ng tamang pwesto.
"Commander, ikaw na nga lang magdesisyon, ang gulo ng mga batang 'to" pakiusap ni Uno na nagmamakaawa na sa pagod. Natawa na lang si Commander Dado sabay turo sa tabi ng aparador na naglalaman ng mga papeles.
"D'yan niyo na lang ilagay, hindi pwede sa bintana baka mabasa kapag umulan" saad nito, napatango naman ang dalawa saka maingat na inilapag ang TV sa tabi ng aparador. Napahiga naman sila sa sahig dahil sa pagod. Ilang minuto rin sila nakatayo roon at lakad ng lakad habang buhat ang TV. Ipinag-utos kasi ni Commander Dado na sina Dos at Siyam ang magdesisyon kung saan ilalagay ang TV ngunit wala namang nangyari dahil nagwrewrestling na silang dalawa ngayon.
Umupo na si Nightmare sa tabi ni Leon saka sinilip ang manual na binabasa ng kaibigan. "Mapagpanggap ka talaga" saad nito, napakunot naman ang noo ni Leon sabay sagi sa braso ni Nightmare. "Kanina ko pa kasi napapansin na pinagmamasdan tayo ni Audrey, siguradong hahanga siya sa'kin dahil pang-matalinuhan 'tong ginagawa ko" bulong ni Leon sabay ngisi at nagpatuloy na siya sa pagbabasa ng manual.
"Hindi naman nakakatalino ang pagbasa niyang manual" wika ni Nightmare, sinagi ulit siya ni Leon. "Hinaan mo nga 'yang boses mo. Alam mo bang naiinlove ang mga babae sa mga lalaking mahilig magbasa" hirit pa ni Leon.
Hindi na lang umimik si Nightmare, ilang sandali pa bumulong ulit sa kaniya si Leon "Palibhasa kasi ang boring mo dude" kantyaw pa ng kaibigan sabay basa muli sa manual. Babatukan sana ni Nightmare si Leon ngunit biglang lumapit si Audrey sa kanilang dalawa. Umupo na rin ito sa tapat ng TV.
"So... paano ba bubuksan 'yan?" tanong ni Audrey na sumingit sa gitna nilang dalawa. Natameme naman sila. "Huy, paano ba mabubuksan 'yang TV? Nakasulat diyan sa manual----" hindi na natapos ni Audrey ang sasabihin dahil biglang nilayo ni Leon ang manual na hawak niyang dahil kukunin sana ito ni Audrey.
"Pabasa ako" hirit pa ni Audrey na akmang aagawin sana ang manual pero inupuan iyon ni Leon. "H'wag na, eexplain ko na lang sayo" ngisi ni Leon sabay kamot sa ulo. Bigla siyang kinabahan kasi naka-chinese character ang manual na binabasa niya kanina, malalaman ni Audrey na nagpapanggap lang siyang nagbabasa.
"Ano daw... ang meaning ng TV ay Tele-Vision hehe" saad ni Leon, napataas naman ang isang kilay ni Audrey. Napapikit na lang si Nightmare dahil sasablay pa ang kaibigan. "Kailangan muna nating maka-connect sa kuryente para gumana ang TV, nasa kabilang barrio pa may kuryente, hindi naman malayo kaya magagawan natin ng paraan" paliwanag ni Nightmare, napatingin sa kaniya si Audrey.
"Bukod doon, kailangan din natin kabitan ng antenna ang TV para makasagap tayo ng channel. Mas maganda kung sa taas ng bundok natin ilalagay dahil naroon din nakatayo ang signal dito" dagdag pa ni Nightmare, napatango naman si Leon. "Tama 'yon nga" ngiti nito.
"Okay, so ang mission for today, oplan mapagana ang TV" wika ni Melissa kung kaya't napalingon sa kaniya ang lahat lalo na dahil pumalakpak pa ito para makuha ang atensyon ng mga kasamahan. "Narinig niyo naman ang sinabi ng pamangkin ko, let's go go go na" ngiti pa ni Melissa at nagsitayuan na ang lahat.
Napalingon si Audrey kay Nightmare "Pamangkin ka niya?" tanong niya sa binata, hindi naman ito umimik. "Magkamukha sila diba" sabat naman ni Leon. Magsasalita pa sana si Audrey pero biglang tinaas ni Siyam ang kamay niya.
"Kami sa kuryente! Para makuryente na 'to si Dos" saad ni Siyam, agad naman siyang hinabol ni Dos papalabas ng bahay. "Samahan niyo na Uno at Onse ang dalawang batang 'yon baka kung ano pang gawin nila sa kuryente" utos ni Melissa, napatango naman ang mga ito at lumabas na.
"Nightmare, Leon at Audrey, kayo naman ang bahala sa antenna, may antenna rin akong binili na nandyan sa loob ng kahon, diskartehan niyo na lang sa bundok" utos nito, wala naman silang nagawa kundi ang sumunod sa utos lalo na dahil excited na rin sila mapagana ang TV na iyon.
***
Paulit-ulit na naglalaro sa isipan ni Audrey ang mga nalaman niya ngayong araw, lalo na ang biglaang pagdating ni Melissa na tita pala ni Nightmare. 'Kaya pala may kahawig si Melissa, magkadugo pala sila ni Nightmare'
Nauuna maglakad si Leon habang hawak-hawak ang antenna at binabasa ang manual niyon. Nasa likuran naman niya si Nightmare at Audrey bitbit ang mahabang wire.
"Uhm, Nightmare?" panimula ni Audrey, napalingon naman ng kaunti si Nightmare sa kaniya. "Tita mo pala si Melissa, bakit hindi mo sinabi sa'kin?" tanong niya, napatigil naman si Nightmare sa paglalakad at parang napaisip siya sa sinabi ng dalaga. Nang ibuka niya ang kanyang bibig ay inunahan na siya ni Audrey na biglang nag-panic.
"A-ang ibig kong sabihin... Nagulat lang talaga ako. 'Wag mo na pala isipin 'yung sinabi ko, hindi mo naman kailangan sabihin sa'kin na tita mo siya o kung sino pang kadugo mo. W-what I mean is... Teka! 'wag mong isipin na girlfriend mo ako. Ayy wait! I mean... girl friend, parang babaeng kaibigan ganon. Diba? Gets mo ba?" kinakabahang wika ni Audrey habang winawagayway pa sa ere ang kamay niya dahil baka ma-misinterpret ni Nightmare ang sinabi niya.
"Hindi ko maintindihan" tipid nitong sagot, napahinga naman ng malalim si Audrey sabay hawi sa buhok niyang tumatama sa mata niya. Isinuksok niya iyon sa likod ng kaniyang tenga. "G-good, kalimutan mo na ang sinabi ko hehe" saad niya sabay takbo, inunahan niya maglakad si Nightmare at sumabay na lang siya kay Leon dahil sa kaba.
Ilang sandali pa ay narrating na nila ang tuktok ng bundok. Agad naghukay si Nightmare at Leon, ibinaon nila doon ang mahabang kahoy kung saan ikakabit nila ang antenna. "Sana naman mag-level up tayo, sana next time may cable na tayo" hirit ni Leon habang kinakabit nila ni Nightmare ang antenna.
"Magbasa ka na lang manual" saad ni Nightmare na medyo natawa dahil sa pagpapanggap na ginagawa ni Leon. Binabasa pa rin nito kanina ang manual na nakasulat gamit ang Chinese characters.
"Pakiramdam ko naman, bumilib sa'kin si Audrey" ngisi pa ni Leon sabay lingon sa dalaga. Nakatayo ito ngayon sa dulo ng bangin habang dinadama ang sariwa at napakalamig na hangin sa tuktok ng bundok.
Nang matapos nila ikabit ang antenna, naglakad sila papalapit kay Audrey. "Ang ganda dito" wika ni Audrey sabay lingon sa kanilang dalawa.
Sa pagkakataong iyon ay natunghayan nila ang magandang ngiti ng dalaga habang sinasayaw ng hangin ang mahabang buhok nito. Maganda rin ang sikat ng araw, hindi mahapdi sa balat bagkus ay nakakagaan ito sa pakiramdam.
Humakbang na papalapit si Nightmare at Leon sa dulo ng bangin. Nakatayo na rin sila sa magkabilang gilid ni Audrey. Sa kaliwa si Leon at sa kanan naman si Nightmare. Natatanaw nila ngayon ang napakagandang tanawin sa ibaba ng bundok.
Maraming mga puno at malalawak na palayan sa ibaba, may mahabang ilog din ang nasa gitna ng kagubatan na sobrang linaw ng tubig nito. Rinig na rinig din nila ang mga huni ng ibon at mga hayop ng kagubatan na mas lalong nagpasigla sa kapaligiran.
"May tanong ako... Bago pa kayo sumali sa grupo, handa na kayong mamatay? Na kahit gaano kapanganib ang bawat misyon niyo, handa niyong ialay ang buhay niyo para sa layuning inyong pinaglalaban?" panimula ni Audrey habang derecho lang ang tingin sa napakagandang kapaligiran. Patuloy pa ring sinasayaw ng hangin ang kanilang mga buhok.
"Syempre may takot pa rin na baka mamatay kami sa misyon, pero hindi makakausad ang grupo kung magpapadaig kami sa takot" sagot ni Leon na napatulala na rin sa ganda ng paligid.
"Sino bang tao ang hindi takot mamatay?" tanong ni Nightmare, nang dahil sa sinabi niya ay napalingon sa kaniya ang dalawa. "Walang tao ang hindi takot mamatay. May pagkakaiba nga lang ang taong handang mamatay para sa katuparan ng kaniyang pinaglalaban. Pero hindi ibig sabihin nito, hindi na siya takot mamatay" patuloy pa ni Nightmare. Napangiti naman ng palihim si Audrey dahil napagsalita niya ng ganoon kahaba ang masungit na binata.
"Sabagay, lahat naman ng tao mamamatay. Lahat tayo hahantong sa huling sandaling iyon... Pero kung papipiliin kayo, anong gusto niyong makita bago kayo mamatay?" tanong muli ni Audrey sabay lingon sa kanan at kaliwa niya kung saan nakatayo sa magkabila niya ang dalawang binata.
"Hmm... Kung ako ang papipiliin, gusto kong makita ang langit bago ako tuluyang lagutan ng hininga. Gusto kong pagmasdan ang mga ulap at mga ibong nagliliparan na parang kayang-kaya ko na sila abutin" tugon ni Leon sabay tingala sa kalangitan, paborito niya talaga pagmasdan ang maganda at malawak na langit.
"Ako naman, gusto ko makita ang pagbasak ng ulan bago ko ipikit ang mga mata ko sa kawalan. Gusto ko ring maramdaman ang pagdampi ng tubig ulan sa buong katawan ko na para bang umiiyak sila dahil mawawala na ko sa mundo" saad naman ni Audrey sabay ngiti sa kanila.
"Ang dramatic naman ng gusto mo. Parang sa pelikula" natatawang komento ni Leon. Natawa na lang din si Audrey at sabay silang napalingon kay Nightmare na napatulala sa kagandahan ng lugar na iyon.
"Ikaw naman Nightmare, anong gusto mong makita sa mga huling segundo bago ka mamatay?" tanong muli ni Audrey.
Napahinga naman ng malalim si Nightmare sabay suksok ng dalawang kamay niya sa bulsa ng itim na jacket na suot niya.
"Kung pagbibigyan ako ng langit, gusto kong makita ang taong pinahahalagahan ko bago ako lagutan ng hininga. Gusto kong malaman niya sa pamamagitan ng aking mga mata na masaya akong nakilala ko siya, na nagpapasalamat ako dahil dumating siya sa buhay ko at sabihing huwag siyang malulungkot kapag wala na ako" sagot ni Nightmare, dahan-dahan siyang lumingon kay Audrey, tumingin ng derecho sa mga mata ng dalaga na para bang sinasabi niyang 'Tandaan mo ang sinabi kong ito'
*******************************
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top