Mistake 12

[Kabanata 12]

"P-paano mo nalaman ang kwentong 'yun? Ako at ang kababatang lalaki ko lang ang nakakaalam ng kwento ni Anton at Fely" gulat na tanong ni Audrey na nagpatigil din sa mundo ni Nightmare.

Nagpatuloy lang sa pagmamaneho ng motorisklo si Nightmare, derecho lang ang tingin niya sa daan habang pilit na pinipigilan ang pagtagatak ng pawis sa kaniyang noo dahil sa kaba na makilala ni Audrey kung sino siya.

"Sino ka ba talaga? Siguradong hindi naman Nightmare ang totoong pangalan mo" hirit pa ni Audrey sabay hawak sa balikat ni Nightmare dahilan upang mapa-preno ito dahil sa gulat.

"Umayos ka nga ng upo, nawawalan tayo ng balanse" reklamo sa kaniya ni Nightmare na agad namang napaiwas ng tingin. "Hindi talaga Nightmare ang pangalan mo? Diba?" ulit pa nito, hindi naman siya kinibo ni Nightmare at pinaandar na muli nito ang motorsiklo.

"Wala namang matinong magulang ang magpapangalan ng Nightmare sa anak nila kaya naniniwala ako na hindi talaga Nightmare ang pangalan mo" patuloy pa ni Audrey. Muli silang sinalubong ng napakalamig na hangin.

"Hindi ba pwedeng maging pangalan ang Nightmare?" sarkastikong sagot ng binata, napataas naman ang kilay ni Audrey.

"So okay lang sayo kung magkakaanak ka someday ang magiging pangalan niya ay parang isang bangungot?"

"Oo"

"Seryoso ka? Hindi ba parang ang lupit naman kung bangungot ang magiging pangalan niya"

"Malupit naman talaga ang mundo"

"Ang bitter mo"

"Ang pakialamera mo"

Napabusangot na lang ang mukha ni Audrey dahil sa sinabi ni Nightmare na pakialamera siya. "Kapag nangingialam ako ibig sabihin nag-cacare ako"

"Ganyan ba talaga kayong mga babae? Ang hilig niyo pakialaman ang lahat ng bagay"

"Kapag hindi na namin kayo pinansin o pinakialaman, ibig sabihin wala na kaming pakialam sa inyo. Kaya hangga't nangingialam pa kami sa buhay niyo dapat pasalamatan niyo 'yun" tugon ni Audrey, hindi naman nakaimik si Nightmare, minsan lang siya magsalita at hindi niya ugaling magsalita ng mahahaba.

"Ganyan din ba kayong mga lalaki? Palagi niyo sinasabing kaya niyo kahit hindi naman. Nakakababa ba ng pagkalalaki kung aaminin niyong kailangan niyo kaming mga babae?"

"Ewan ko sa iba pero ako hindi ko kailangan ng tulong ng iba" sagot ni Nightmare, medyo bumagal na ang pagpapatakbo niya sa motorsiklo dahil papasok na sila sa teritoryo ng kanilang kampo.

Ilang sandali pa ay nakarating na sila sa kampo, tahimik na ang buong paligid. Naabutan nilang kakababa lang ni Aling Coring sa motorsiklo habang inaalalayan ito ni Leon papasok sa loob ng bahay. Ipinarada na rin ni Nightmare ang sinasakyan nilang motorsiklo sa tabi ng bahay ni Aling Coring.

Hinubad na ni Nightmare ang helmet at bumaba na siya, naiwan naman doon si Audrey habang nakatitig sa kaniya. "Hindi mo pa pala sinasagot ang tanong ko kanina. Paano mo nalaman ang kwento ni Anton at Fely the falling star?"

"Narinig ko na 'yun dati sa mga bata dito" sagot ni Nightmare habang abala sa pagtanggal ng itim na gloves sa kaniyang kamay. "Imposible, ako lang at ang kababata ko ang nakakaalam ng kwentong 'yun" pagpupumilit pa ni Audrey, bumaba na siya sa motorsiklo habang suot pa rin sa kaniyang ulo ang helmet.

Napatingin naman si Nightmare ng derecho sa kaniyang mga mata. Tila nanigas si Audrey sa kaniyang kinatatayuan lalo na nang humakbang ang binata papalapit sa kaniya. "A-anong gagawin m-mo?" ipipikit na sana niya ang kaniyang mga mata ngunit naramdaman niya na dahan-dahang kinuha ni Nightmare ang helmet na nakasuot pa sa kaniyang ulo.

Biglang napapikit sa inis at hiya si Audrey dahil helmet lang pala ang dahilan nang pagtitig at paglapit sa kaniya ni Nightmare. "S-sandali, iniiba mo na naman ang usapan" reklamo ni Audrey, nagtataka namang napalingon sa kaniya si Nightmare.

"Wala naman akong sinasabi" sagot nito, napalunok na lang si Audrey nang mapagtanto niya na wala nga namang sinabi o sinagot si Nightmare sa tanong niya at siya lang itong daldal ng daldal kanina pa.

Napahawi na lang si Audrey sa kaniyang buhok bago hinarap muli ang binata "Imposible kasi na kalat na ang story ni Anton at Fely the falling star kasi imbento lang naman 'yun ni----" hindi na natapos ni Audrey ang sasabihin niya dahil biglang nagsalita si Leon na kakarating pa lang galing sa loob ng bahay ni Aling Coring.

"Paborito ko 'yang kwentong 'yan. Paborito rin 'yan ng mga bata dito" singit ni Leon, napalingon naman sa kaniya ang dalawa.

"M-marami nang nakakaalam?" dismayadong tanong ni Audrey, napatango naman si Leon. Sa pagkakataong iyon, hindi malaman ni Audrey kung bakit nalungkot siya sa katotohanang ang kwentong iyon ay alaala niya sa kanyang kababata.

***

Kinabukasan, habang nag-eensayo ang mga batang miyembro biglang napadaan ang sasakyan ni Ma'm Gabby. Bago na ang kotse nito, ipinatapon na niya ang kotseng sinira nila Nightmare, Leon at Audrey noong isang araw.

Nakabukas ang bintana ng kotse kung kaya't kitang-kita ang matapobreng si Gabby habang taas noo at taas kilay na nakatingin sa bintana. Maya-maya pa ay nasalubong ng kotse si Aling Coring na naglalakad papunta sa bukid habang bitbit ang isang bayong na naglalaman ng mga bagi ng kamote na itatanim nila sana roon.

Napatigil si Aling Coring at sinundan niya ng tingin ang anak hanggang sa makalagpas ito sa kaniya. Tila may luhang namumuo sa kaniyang mga mata sa pag-asang mahagkan niya muli ang kaniyang nag-iisang anak.

Natunghayan iyon ni Audrey na nasa tabi niya habang bitbit ang isang bayong na naglalaman naman ng mga gamit panghukay at pangtanim. Ang pagbabalewala ni Gabby sa kaniyang ina ang siyang nagpainit sa dugo ni Audrey.

Pagdating nila sa bukid, medyo tuyo na ang lupa roon kung kaya't naglakad pa sila ng kaunti para maghanap ng matabang lupa. Hindi naman sila nabigo dahil nakahanap sila ng magandang lupa sa ilalim ng naglalakihang mga puno.

"Akin na ang mga bagi" saad ni Aling Coring, agad namang inabot sa kaniya ni Audrey ang mga kailangan niya. Habang nagtatanim sila, makailang beses siyang sinusulyapan ni Audrey dahil nararamdaman ng dalaga ang biglaang pagkalungkot ng matanda dahil sa nangyari kanina.

"Nasaan na po pala ang asawa niyo? Aling Coring"

"Wala na"

Napatango-tango na lang si Audrey. Naghari muli ang katahimikan habang nagtatanim sila. "Ano po pala ang pangalan niyo?"

"Corina"

"Ang ganda po pala ng pangalan niyo" ngiti ni Audrey ngunit abala lang sa pagtatanim ang matanda,

Naghari muli ang katahimikan, hindi malaman ni Audrey kung paano niya makakakwentuhan ang matanda upang hindi na ito malungkot dahil sa ginawa ng anak nito. "Alam niyo po ba, nakakautot daw ang kamote" hirit ni Audrey sabay tawa pero hindi naman umimik si Aling Coring.

"Oo" tipid na sagot ng matanda, napahinga na lang ng malalim si Audrey. "Para po kayong si Nightmare" bulong niya sa sarili ngunit hindi niya namalayan na narinig pala iyon ni Aling Coring, bigla itong napatingin sa kaniya.

"Hinahalintulad mo ako kay Nightmare? At bakit naman? Aber" nagulat si Audrey dahil napapamewang pa si Aling Coring. Napakamot na lang siya sa ulo sabay tawa.

"Kasi po pareho kayong matipid sumagot, hindi masyadong nagsasalita, suntok sa buwan kung ngumiti o tumawa at napakasungit... medyo masungit po pala hehe" tugon ni Audrey, napatitig sa kaniya ang matanda sandali saka bumalik na ito sa pagtatanim.

"Kumpara sa'kin, mas matindi ang trahedyang pinagdaanan ng batang iyon. Mabait na bata si Nightmare at hiling ko na sana ay palagi siyang nasa mabuting kalagayan" saad ni Aling Coring, napatitig naman sa kaniya si Audrey at napatigil ito sa ginagawa.

"Ano pong matinding trahedya ang nangyari kay Nightmare?" nagtataka niyang tanong, napaismid na lang ang matanda.

"Bilisan mo na ang pagtatanim diyan, magtatanghali na, kailangan na nating bumalik sa bahay" wika ni Aling Coring at naglakad ito sa kabilang bahagi ng bukid, wala namang nagawa si Audrey kundi ang sumunod sa matanda habang gumugulo sa kaniyang isipan ang huling sinabi nito tungkol kay Nightmare.

***

Kinagabihan, nagulat si Nightmare at Leon nang biglang sumulpot si Audrey sa bintana ng kanilang bahay. Abala sila sa paglilinis ng kanilang mga baril. "Audrey?" gulat na tanong ni Leon. "Anong ginagawa mo dito?"

"May kailangan tayong gawin. Kailangan nating turuan ng leksyon ang matapobreng Gabby na 'yan" saad ni Audrey sabay hila sa dalawa at binulong sa mga ito ang plano.

"T*ngina! Amoy patay ang barong na 'to" reklamo ni Leon habang pilit na tinatakpan ang ilong dahil sa baho ng lumang barong na pinasuot sa kanila ni Audrey. "H'wag ka nga magalaw diyan, masisira ang make up mo" suway sa kaniya ni Audrey habang nilalagyan ng polbo ang mukha niya.

Samantala, si Nightmare naman ay halos hindi na humihinga dahil sumusuksok sa kaniyang ilong ang baho ng barong na suot niya. Sa isip nila ay nakuha na naman ni Audrey ang mga damit na iyon sa mga lumang kahon na nasa basement ng bahay ni Aling Coring.

"Halika dito" tawag ni Audrey sa kaniya, bago pa man siya makalapit ay nahila na siya ng dalaga sabay saboy ng polbo sa mukha niya. "Makinig kayong mabuti, kailangan maging matagumpay ang pananakot natin kay Gabby. Galingan niyo ang acting niyo" saad ni Audrey, napakunot naman ang noo ni Leon.

"Para saan ba 'to?"

"Ganti natin 'to sa pangbabalewala ni Gabby sa nanay niya. Kung nakita niyo lang kung gaano nalungkot si Aling Coring kanina dahil hindi siya pinanin ng sarili niyang anak" wika pa ni Audrey sabay sabog ng pulang likido sa mukha ng dalawa.

"Diba ang sabi ni Gabby patay na ang nanay niya? Magpapanggap akong nanay niya at kayong dalawa naman ang assistant ko tapos kunwari ay susunduin na natin siya HAHAHA" halakhak ni Audrey, nagkatinginan naman si Nightmare at Leon dahil alam nilang wala na silang magagawa pa sa mga kalokohan ng babaeng kasama nila.

***

Sakay ng isang motorsiklo ay narating na nila ang mansion ni Gabby sa kabilang barrio. Agad nilang pinarada ang motor sa malayo at dahan-dahan silang naglakad papalapit sa mataas na bakod ng mansion ng kanilang bibiktimahin. Nakasuot naman ng mahabang bestida si Audrey na kulay puti na parang sa white lady. Puno rin ng polbo ang kaniyang mukha at pulang likido.

"Isuksok niyo ito sa ilong niyo" wika ni Audrey sabay abot ng tig-dalawang pirasong bulak kay Nightmare at Leon. Gulat namang napatingin sa bulak ang dalawa.

"Hindi na kami makakahinga nito" reklamo ni Nightmare pero mas nasindak sila nang lumingon sa kanila si Audrey habang nakakunot ang noo nito.

"Tiis-tiis muna para mas maging makatotohanan ang plano" wika ni Audrey sabay kuha sa mga bulak at siya na mismo ang nagsuksok ng mga iyon sa ilong ng dalawa.

"Sa CR tayo mananakot" saad ni Audrey sabay senyas sa dalawa na sumunod sa kaniya. Kaninag umaga pa pinag-aralan ni Audrey ang pasikot-sikot sa bahay ni Gabby. Hindi naman siya nahirapan dahil sa pagamamasid lang mula sa malayo ay madali niyang napagtanto ang iba't-ibang bahagi ng bahay nito.

Nagtungo na sila sa likod ng bahay saka umakyat sa malaking puno na nasa tabi ng bakod. Nauna si Audrey at madali siyang nakasampa sa balkonahe ng bahay. Sumunod naman sa kaniya si Nightmare at Leon na wala ring kahirap-hirap sa pagsampa.

Dahan-dahang pumasok si Audrey sa bintana ng CR, pagdating niya roon ay sineyasan niya ang dalawa na umikot sa kabila at doon sila mag-aabang sa pintuan ng balkonahe.

Nang makapasok na si Audrey sa CR, naabutan niyang wala pang tao roon. Ngunit puno na ng tubig ang mamahaling bath tub ni Gabby at puno pa ito ng rose petals, pabango at may isang mamahaling wine sa tabi.

Napangiti na lang si Audrey sa sarili dahil mukhang ready na si Gabby may-relax. Ilang sandali pa, narinig na niya ang pagbukas ng pinto. Agad siyang nagtago sa shower room. Sumilip siya sa maliit na uwang ng kurtina at doon ay nakita niyang hinubad na ni Gabby ang pulang bath robe nito.

Napatakip na lang sa bibig si Audrey dahil hindi niya mapigilang matawa sa suot na two-piece bikini ni Gabby na ang design ay tiger stripes.

Naupo na si Gabby sa bath tub sabay salin ng wine sa kaniyang baso. Nag-play na rin ang relaxing music nang pindutin niya ang remote at ipinikit na niya ang kaniyang mga mata. Dahan-dahang lumabas si Audrey mula sa shower room at naglakad sa tapat ng bath tub.

"Anak koooooo" panimula ni Audrey sa boses nitong papasa na sa mga horror film.

Iminulat naman ni Gabby ang kaniyang mga mata at laking gulat niya nang tumambad sa harapan niya ang nakakatakot na hitsura ng isang multo na nababahiran pa ng dugo. "S-SINO KA?!" sigaw niya sabay abot sa cellphone niya na nasa tabi ngunit nahulog ito sa tubig ng bath tub.

Napahagikhik naman si Audrey dahil sa katangahan ni Gabby. "Ako itoooo, ang nanay moooo" panakot niya pa sabay hakbang papalusong sa bath tub. Napatayo naman si Gabby at gumapang sa sahig na animo'y uod.

"Bakit kinalimutan mo na akoooo?" hirit pa ni Audrey na damang-dama ang pagiging multo, itinaas pa niya ang kaniyang dalawang kamay saka naglakad papalapit kay Gabby na ngayon ay nanginginig na sa takot at sumisigaw.

Dali-daling nabuksan ni Gabby ang door knob at napasigaw siya ng mas malakas nang tumambad sa kaniyang harapan ang dalawang lalaking nakabarong, duguan at may bulak sa ilong. "HELP!" sigaw ni Gabby na dali-daling tumakbo papalabas ng bahay. Nagsisisigaw siya roon sa kalsada na parang baliw.

Gulat namang napalabas ng bahay ang mga kapitbahay habang ang iba ay napasilip sa kani-kanilang mga bintana.

"High five!" abot tengang ngiti ni Audrey sabay apir kay Leon at Nightmare. Natawa na lang din sila dahil tuwang-tuwa si Audrey na nagtagumpay ang kanilang plano. "Tara na" aya niya sabay talon sa baba ng balkonahe ngunit laking gulat nila nang makita ang dalawang malalaking itim na aso na nakaabang nakawala na.

Tinahulan sila nito, "P*tek, malalapa pa ata tayo ng aso" gulat na wika ni Leon. "Takbo!" sigaw ni Audrey at dali-dali silang tumakbo papunta sa mataas na bakod. Agad nilang hinagis si Audrey sa itaas, nag-unahan naman si Nightmare at Leon kung sino ang unang hihilain paitaas dahil ilang segundo na lang ay maaabutan na sila ng dalawang aso.

Mabuti na lang dahil sinipa ni Nightmare ang basurahan sa gilid at ginamit niya itong tapakan para maabot ang itaas ng bakod saka hinila pataas si Leon na muntikan pang mahagip ng matatalim na ngipin ng dalawang asong galit na galit.

Nang makatawid na sila sa kabilang bakod, agad silang tumakbo papalayo at sumakay sa motorsiklo na itinago nila sa lilim ng isang puno. Hinila muna ni Nightmare ang motorsiklo dahil makakalikha iyon ng ingay sa kanilang pagtakas.

Habang naglalakad sila sa gitna ng kalsadang lupa na bihira lamang daanan ng tao ay kitang-kita ang saya ni Audrey dahil nagtagumpay sila sa kanilang plano. "Dapat may bayad kami" biglang wika ni Leon, napalingon naman si Audrey na nauunang maglakad sa kanila habang tumatalon-talon sa tuwa.

"Talent fee?"

"Oo, ang galing kaya ng acting namin" hirit pa ni Leon, napatingin naman si Audrey kay Nightmare habang hila-hila nito sa tabi ang motorsiklo. "Wala namang emosyon 'yung isa diyan e" giit ni Audrey.

"Wala namang emosyon ang mga multo" saad ni Nightmare, natawa na lang si Leon. "Natural na natural pala ang acting ni Nightmare e" tawa pa nito.

"Takot ka ba sa multo?" tanong ni Leon kay Audrey, nagsimula namang maglakad paatras si Audrey habang nakaharap sa kanila. Hindi pa sila nakakapagpalit ng damit at nakakapaghugas ng mukha upang matanggal ang kanilang make up.

"Hindi, mas takot ako sa totoong tao" sagot nito. Hindi na niya nagawang ituloy ang sasabihin niya na takot siya sa mga killer dahil tatamaan ang dalawa.

"Ano ang pinaka-kinatatakutan niyo sa mundong ito? Kunwari nasa interview tayo" ngiti ni Audrey, napaisip naman si Leon.

"Takot akong maiwan mag-isa" derecho niyang sagot sabay hinga ng malalim. "Hindi ko alam kung ano pang buhay ang maghihintay sa'kin kapag naiwan akong mag-isa"

Sabay naman silang napatingin kay Nightmare dahil siya na ang susunod na dapat sasagot sa tanong. "Wala akong kinatatakutan"

"Imposible, lahat ng tao may kintatakutan" saad ni Audrey, napatango-tango naman si Leon at napaisip muli ng malalim ngunit wala siyang matandaan na kinatatakutang bagay o ano ng kaibigan.

"Sige, habang nag-iisip ka pa diyan, ako muna. Takot akong magtiwala" pag-amin ni Audrey, sabay tingala sa langit na nababalot ng mga bituin. "Natatakot ako na baka sa maling tao ko mabigay ang tiwala na hindi ko basta-basta napapakawalan. Natatakot ako na baka pagsisihan ko kung bakit ako nagtiwala sa taong iyon" patuloy ni Audrey, sandaling natahimik ang paligid, walang umimik sa dalawa hanggang sa biglang magsalita si Nightmare.

"Takot ako mawala ang mga taong pinahahalagahan ko" pag-amin ni Nightmare sabay iwas ng tingin sa kanila. Hindi siya sanay na napag-uusapan ang tungkol sa sarili niya.

"Bakit?" tanong ni Audrey, napatingin naman sa kaniya si Nightmare.

"Anong bakit?"

"Bakit iyon ang pinaka-kinatatakutan mo? Explain mo sa amin" hirit pa ni Audrey, hindi naman kumibo si Nightmare. "Hindi lahat ng bagay kailangan ipaliwanag. Sapat na ang walong salitang iyon para malaman niyo kung paano ko tinuturing ang mga taong malapit sa puso ko" tugon ni Nightmare, bigla namang napapakpak si Leon.

"Whoah. Nice, ang haba ng sinabi mo bro! Ikaw ba 'yan? Ibalik mo sa'min si Nightmare!" tawa pa ni Leon habang inaalog-alog ang balikat ng kaibigan. Napangiti na lang din si Audrey dahil hindi niya akalaing makakapagsalita ng ganoon kahaba ang binatang tipid magsalita.

"Balut---Juskopo!" sigaw ng lalaking mambabalut na papasalubong sa kanila. Napaupo pa ito sa lupa dahil sa gulat nang makita ang tatlong duguan, mukhang multo at may motorsiklo pang bitbit ang isa. "Susmaryusep! Layuan niyo ako!" sigaw ng mangbabalut at dali-dali itong tumakbo papalayo, naiwan pa nito ang mga panindang balut at mani.

Nagkatinginan na lang ang tatlo at sabay-sabay silang natawa dahil napagkamalan nga silang mga multo na naggagagala sa gitna ng kagubatan.

***

Kinabukasan, tanghali na nagising si Audrey, pagdating niya sa kusina ay natanaw niya mula sa labas na sinasampay na ni Aling Coring ang puting bestida at dalawang barong na ginamit nila sa pananakot kay Gabby kagabi.

Dali-dali siyang lumabas sa bahay at nagtungo papalapit sa matanda na kakatapos lamang mag-laba. "A-ko na po ang magsasam---" hindi na natapos ni Audrey ang sasabihin niya dahil nagsalita na si Aling Coring.

"Hindi ko na kayo tatanungin kung kayo ba ang may pakana ng nabalitaan kong mga multong nagpakita sa bahay ni Gabby kagabi. Alam ko namang ginawa niyo iyon para sa kapakanan ko ngunit magmula ngayon ay hayaan niyo na lang sana na tuluyan na niya akong kalimutan" wika ni Aling Coring habang nakatalikod.

Sinubukan namang humakbang ni Audrey papalapit sa kaniya at hawakan ang balikat nito ngunit humarap na ang matanda sa kaniya "May kasalanan din ako kung bakit ganoon niya ako tratuhin. Hindi ako naging isang mabuting ina kung kaya't tama lang sa akin ito" patuloy pa ni Aling Coring at sa pagkakataog iyon ay tuluyan nang bumagsak ang kaniyang luha.

Gulat na napatingin si Audrey sa kaniya, hindi niya akalain na masasaktan si Aling Coring dahil sa ginawa nila. Tila naninikip ang kaniyang dibdib dahil nasasaktan ngayon si Aling Coring na bagama't masungit ang hitsura at pananalita pero ang totoo ay may malasakit ito sa kapwa lalo na sa kanila.

Magsasalita pa sana si Audrey ngunit umalis na ang matanda bitbit ang palanggana na pinaglagyan nito ng mga damit na nilabhan. De-derecho na itong pumasok sa loob ng bahay at naiwan lang siya sa labas, sa gitna ng mga nakasampay na mga damit.

Ilang sandali pa ay bigla niyang naalala na nailagay niya pala ang pinaka-iingatan niyang kuwintas sa bulsa ng puting bestida na sinuot niya kagabi. Dali-dali niyang hinanap sa bulsa nito ang kwintas niya ngunit wala roon.

Nagsimula nang kabahan si Audrey, mabilis niyang kinapa at tiningnan ang lahat ng damit na naroroon. Nagbabakasakali na naisuksok niya lang iyon sa ibang damit. Maging ang mga palanggana, timba at tabo ay inisa-isa rin niyang tingnan, ngunit wala pa rin.

Tumakbo ulit siya pabalik sa mga damit na nakasampay at kinapa ulit ang mga bulsa roon hanggang sa mapatigil siya nang may makita siyang pares ng pulang sapatos na nakatayo sa tapat niya ngunit nahaharangan iyon ng isang malaking putting kumot.

Dahan-dahan niyang hinawi ang kumot na nakasampay at tumambad sa kaniyang harapan ang isang magandang babae na nakasuot ng pulang jacket at maong na shorts. Maganda ang babaeng iyon na sa tingin niya ay nasa edad tatlumpu pataas na.

Maputi, sexy, at maganda ang ngiti nito, kulay brown din ang buhok at tila pamilyar kay Audrey ang mukha ng babaeng iyon. "Ito baa ng hinahanap mo?" nakangiting tanong sa kaniya ng magandang babae sabay abot ng kuwintas na pinaka-iingatan niya.

Napangiti si Audrey at nakahinga ng maluwag sabay kuha ng kwintas "Maraming salamat, kanina ko pa 'to hinahanap, mabuti na lang nakita mo" nakangiting wika ni Audrey na parang nabunutan ng tinik.

Ngumiti naman sa kaniya pabalik ang magandang babae "May tanong lang ako. Sayo ba talaga ang kwintas na 'yan?" usisa pa nito, nagtataka namang napatingin si Audrey sa babae lalo na dahil biglang nawala ang ngiti nito.

"Oo, bigay 'to sa'kin ng papa ko"

"Hindi sayo ang kwintas na 'yan... Hindi sa papa mo... at lalong hindi sa pamilya niyo" saad nito habang nakatingin ng derecho sa mga mata ni Audrey na para bang sinasabi nito na kilala niya ang totoong pagkatao ng dalaga. At sa pagkakataong iyon, biglang nabalot ng kaba at takot si Audrey. Takot na baka mabago ang kaniyang paniniwala at tiwala. Bukod doon ay malaking palaisipan sa kaniya kung sino ang babaeng iyon na ngayon pa lamang niya nakita ngunit may kahawig ito na kilala niya.

****************************************

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top