Mistake 10
[Kabanata 10]
"Ang yayabang niyo! Mga p*tangina kayo!" sigaw ni Oyong sabay utos sa mga tauhan niya na sabay-sabay sugurin si Nightmare at Leon.
Bago pa makasugod ang kalaban, nagkatinginan si Nightmare at Leon at sabay nilang isinuot ang itim na mask sa kanilang mukha. Magkabilang sipa ang agad sumalubong sa mga kalaban nang sabay na umikot si Nightmare at Leon.
Sunod-sunod na suntok, sipa, tadyak ang pinakawalan nilang dalawa. Walang kahirap-hirap nilang pinag-uuntog, pinagsisipa at pinaghahambalos ang mga kalaban na ngayon ay isa-isang tumitilapon sa kalsada. "P*nyeta! Mga duwag!" sigaw ni Oyong na pinuno nila dahil dali-daling tumakas ang apat niyang mga tauhan at sumakay ng motorsiklo habang hawak-hawak ang kanilang mga balakang.
"Paano ba 'yan? Mukhang ikaw na lang ang natira" saad ni Leon habang sabay silang humahakbang ni Nightmare papalapit kay Oyong. Gulat na napatingin ito sa paligid dahil hindi na makabangon ang anim niya pang mga tauhan na bugbog sarado na.
"T-teka... hindi naman ata patas na dalawa kayong lalaban sa'kin, m-mag-isa na lang ako" nanginginig na wika ni Oyong sabay takbo papunta sa motorsiklo niya, sinubukan niya itong paandarin ngunit ayaw umandar.
"Parang 'di naman din patas na kinalaban niyo kami kanina, sampu kayo, dalawa lang kami" hirit naman ni Nightmare sabay hawak sa panga niya. Mangiyak-ngiyak naman si Oyong at kitang-kita sa katawan niyang buto't balat ang mabilis niyang paghinga dahil sa nerbyos.
"Sandali k-kase!" hirit pa ni Oyong habang pilit na pinapaandar ang motorsiklo niya. Halos maligo na siya sa pawis dahil sa sunod-sunod na pagpatak nito mula sa kanyang noo. "P*tanginaaaa!" sigaw ni Oyong sabay baba sa motorsiklo at tumakbo na lang siya papalayo habang nagsisigaw sa daan na parang baliw.
Dahan-dahan namang napabangon ang ibang mga kalaban na nakahandusay sa sahig at nang malaman nila na nagtatakbo na parang duwag ang pinuno nila ay tumakbo na rin sila papalayo roon at iniwan ang kanilang mga motorsiklo.
Nagtawanan naman si Leon at Nightmare at nang lumingon sila kay Audrey na nakatayo pa rin sa tabi ng jeepney owner na sasakyan nila, naabutan nilang nakatulala ito sa buong pangyayari. "Dapat masanay ka na, normal na lang sa'min 'to" saad ni Leon sabay hubad ng itim na mask na suot at gloves. Sumakay na siya sa sasakyan habang si Nightmare naman ay dumiretso sa makina nito.
Hindi niya pa hinuhubad ang itim na mask sa mukha at ang suot na itim na gloves, binuksan niya ang flashlight na dala at sinimulang ayusin ang makina ng sasakyan. "Kanina mo pa dapat ginawa 'yan" hirit ni Leon na nakaupo sa passenger seat ng sasakyan, nakataas pa ang paa niya.
"Wala tayong gamit, mano-mano ko na lang aayusin 'to" sagot ni Nightmare, ilang sandali pa napatigil siya sa ginagawa nang mapansin si Audrey na nakatayo sa gilid at nakatitig sa kanya.
Ilang segundo silang nagkatitigan, hindi malaman ni Nightmare kung bakit punong-puno ng mga tanong ang mga mata ni Audrey. Hindi nga siya nagkamali nang magsalita ito, "N-nagkita na tayo dati... I-ikaw 'yung lalaking tumulong sa'kin para mabalik ang kwintas kong ito" saad ni Audrey sabay hawak sa suot niyang kwintas.
Agad hinubad ni Nightmare ang itim na mask na suot at dere-derecho siyang sumakay sa sasakyan. "Ang bilis, naayos mo na agad?" gulat na tanong ni Leon habang iniikot-ikot ang kamao dahil sa pakikipagsuntukan kanina.
Hindi naman nagsalita si Nightmare, hinubad na rin niya ang gloves na suot saka sinubukang paandarin ang sasakyan. Hindi rin naman siya nabigo dahil umandar na ito, "Oh, sakay na Audrey" tawag ni Leon dahil naiwan lang si Audrey sa labas habang nakatayo roon at nakatitig pa rin kay Nightmare.
"P*cha! Mukha kang multo diyan sa labas, sumakay ka nga dito" tawag pa ni Leon dahil hindi pa rin gumagalaw si Audrey, nakatayo ito sa tapat ng bintana na nasa tabi ni Nightmare. Ilang sandali pa natauhan na si Audrey nang tawagin siya ulit ni Leon.
"Akala ko sinapian ka na" hirit pa ni Leon nang makasakay na si Audrey sa backseat. Hindi naman ito nagsalita sabay tingin kay Nightmare mula sa rear view mirror, agad namang napaiwas ng tingin si Nightmare at pinaandar na ang sasakyan.
***
Pagdating sa kampo, nakaabang na si Ka Ferding sa labas ng bahay. "Bakit ginabi kayo?" tanong nito, nakatayo naman sa tabi si Aling Coring na mukhang nag-aalala rin dahil ginabi ng uwi ang mga bata. "Pa, nasira kasi 'tong sasakyan, minalas pa kami dahil naka-engkwentro namin ang grupo nila Oyong sa daan" paliwanag ni Leon nang makababa na ng sasakyan.
"Matulog na kayo, marami pa tayong gagawin bukas" iyon na lang ang nasabi ni Ka Ferding at nauna na itong pumasok sa loob ng kubong kanilang tinutuluyan. "Una na po kami" saad ni Leon sabay paalam kay Aling Coring at Audrey. Pumasok na rin si Nightmare sa loob nang hindi man lang lumilingon kay Audrey bagay na mas lalong nagpagulo sa isipan niya.
Kinabukasan, ilang minuto nang nakatayo sa Audrey sa gilid habang hawak-hawak ang isang kaldero na naglalaman ng mainit na sopas na niluto nila ni Aling Coring para sa agahan. Hindi malaman ni Audrey kung bakit hindi siya makagalaw sa kinatatayuan at hindi niya rin maialis ang mga mata niya kay Nightmare na kasalukuyang tinuturuan ang isang binatilyo kung paano ang tamang pakikipaglaban.
Alas-sais pa lang ng umaga ngunit buhay na buhay na ang diwa ng lahat lalo na ang mga binatilyong nag-eensayo. "Wow! May pa-sopas si Aling Coring ah" hirit ni Leon nang mapalingon kay Audrey na nakatayo pa rin sa tabi. Nakita na niya agad ang laman ng kalderong hawak nito dahil walang takip iyon.
"Oh, pahinga muna tayo" saad ni Leon, sabay-sabay namang sumaludo ang mga bata at pumila ng maayos. Inilapag na ni Audrey sa isang maliit na mesa ang kaldero at isa-isang sinadukan ang mga batang nakapila ng maayos.
Nang matapos niyang bigyan ang mga bata, iniabot naman ni Leon ang mangkok na hawak niya "Pahingi rin kami" wika nito sabay ngiti. Kinuha naman iyon ni Audrey at nilagyan ng sopas. "Salamat" masayang wika nito at naupo na sa isang tabi.
Nanatili namang nakatayo si Nightmare sa pila, siya na lang ang naroon. Hindi niya malaman kung anong gagawin lalo pa't mula kagabi ay hindi na sila nag-usap pa ni Audrey. Napakamot na lang siya sa ulo at napatikhim sabay lapag sa mesa ng hawak niyang mangkok.
Nagpatuloy naman si Audrey sa paghalo ng sopas, kunwari ay hindi niya namamalayan ang presensiya ni Nightmare na nakatayo roon. "Bakit? Ubos na ba?" pagsingit ni Leon habang kumakain, napansin niyang hindi binibigyan ni Audrey ng sopas si Nightmare at ito namang kaibigan niya ay hindi naman nagsasabi.
"S-sopas" wika ni Nightmare sabay turo ng mangkok niya na walang laman. Hindi pa rin umimik si Audrey, gusto niyang gantihan si Nightmare dahil hindi nito sinagot ang tanong niya kagabi at parang wala rin 'tong naririnig nung binanggit niya ang tungkol sa kwintas.
Tumayo na si Leon at pumagitna sa kanilang dalawa "Pasensiya na, hindi talaga uso sa bokalbularyo ng kabigan kong 'to ang salitang Pahingi" saad ni Leon sabay kuha ng sandok na hawak ni Audrey at ito na ang naglagay ng sopas sa mangkok ng kaibigan.
"Oh, ayan na, baka mamatay ka niyan kakahintay diyan sa pila" pang-asar ni Leon kay Nightmare sabay abot ng mangkok nito na may lamang sopas. Kinuha na iyon ni Nightmare at bago siya umalis doon ay napatingin muli siya kay Audrey at sa kwintas na suot nito.
***
Pagkatapos ng tanghalian, oras na ng siyesta. Hindi mabuksan ni Audrey ang camera dahil hindi pala ito nacharge ng mabuti at ngayon ay low battery na. Nagtungo siya sa bahay nila Commander Dado ngunit sinabi nina Uno at Onse na bantay doon na kasalukuyang natutulog daw ang kanilang lider.
Babalik na lang sana si Audrey sa bahay ni Aling Coring ngunit napatigil siya nang mapadaan muli sa misteryosong abandonadong bahay na minsan na niyang pinasok noon at may nakita siyang buhok ng babae na isinilid nila Uno sa isang itim na bag.
Hahakbang na sana si Audrey papunta sa bahay na iyon ngunit napatigil siya nang biglang may magsalita sa likuran niya "Kanina pa kita hinahanap" wika nito, agad napalingon si Audrey, nakita niya si Aling Coring suot ang paborito nitong daster habang hawak ang isang malaking basket na gawa sa nipa. May laman itong mga basang kumot na nilabhan sa ilog.
Agad niyang tinulungan ang matanda na bitbitin ang mga basang kumot. Pagdating nila sa bahay, sinampay ni Audrey ang mga kumot sa labas upang matuyo ito. Papasok na sana siya sa loob ngunit napatigil siya nang makita si Aling Coring na nakaupo sa higaan nito at humihikbi ng palihim habang yakap-yakap ang isang maliit na bestida na para sa mga sanggol.
Sa kabila ng masungit at striktong pag-uugali ni Aling Coring, natatago ang kalungkutan, pangungulila at paghihinagpis nito sa nag-iisang anak na nagawa siyang itakwil. Napatigil si Aling Coring at agad niyang pinunasan ang luha niyang nang maramdamang nakatayo na si Audrey sa tapat ng pintuan ng kaniyang silid. "A-ayos lang po kayo?" panimula nito, dali-dali namang niligpit ni Aling Coring ang mga natitirang gamit at alaala ng kanyang anak noong sanggol pa ito.
"Ano bang kailangan mo?" pagsusungit ng matanda, napagtanto ni Audrey na hindi pa siguro handa si Aling Coring na ibahagi ang buhay nito sa kanya kaya napahakbang na lang siya paatras. "Ah, m-may itatanong lang po sana ako... Saan po pwede magcharge ng camera dito?" tanong ni Audrey, tumayo na si Aling Coring at dere-derechong lumabas sa kwarto.
Sakto namang napadaan si Dos at Siyam sa labas ng bahay nila kaya agad niya itong tinawag. "Samahan niyo si Audrey sa kabilang barrio kung saan may kuryente, pwede makigamit ng kuryente kina Mang Poy, piso piso kada minuto ata ang singil niya" utos ni Aling Coring, agad namang napatango ang dalawa at sinamahan si Audrey papunta sa kabilang barrio pababa ng bundok.
Habang naglalakad sila ay patuloy siyang kinukulit ng dalawa na kuhaan sila ng litrato dahil ipopost daw nila iyon sa facebook. "Marami na nga akong kachat sa peysbuk, kilala mo si Leng? 'yung bagong kasambahay nila Ma'm Gabby" pagmamayabang ni Dos sabay pakita ng cellphone niya kay Siyam.
Napatigil naman si Audrey at napatingin sa hawak na cellphone ng dalawa. Gustuhin man niyang hiramin iyon para tawagan sana ang mga kasamahan niya sa CMZ news o kaya si Chelsea kaso naalala niyang hindi magandang ideya iyon na siguradong ikapapahamak niya pati ang taong tatawagan niya dahil malolocate ang address nito kung sakali ngang hinahanap siya ngayon ng mga pulis.
"Ang panget mo talaga, ang labo namang picture mo dito, mukha kang sanggano Hahaha!" tawa ni Siyam sabay zoom sa mukha ni Dos na nakatayo sa tabi ng isang puno ng niyog, walang damit pang-itaas kung kaya't kita ang patpatin nitong katawan.
"Mukha kang bangkay" habol pa ni Siyam sabay halakhak. Natawa na lang din si Audrey dahil inis na inis na si Dos habang niwrewrestling sa daan si Siyam na hindi na matigil sa pagtawa. Ilang sandali pa napatigil sila nang matanaw na ang sari-sari store ni Mang Poy.
Pagdating doon, ang apo ni Mang Poy na dalagita na si Marie ang naroon at nagbabantay ng tindahan. Ilang buwan na siyang nililigawan ni Siyam at nauubos na ang pera nito kakapaload sa kaniya. "Hi Marie" bati ni Siyam sabay hawi ng buhok niya. Natawa naman si Dos kasi mukha siyang dugyot na pakboy.
Hindi naman siya pinansin ng dalagita, ngumunguya lang ito ng bubble gum, habang nakatali ang buhok pataas at naglilinis ng kuko. "May kuryente ba kayo?" panimula ni Siyam habang nakangisi, tinuro naman ni Marie ang electric fan na nasa tabi niya.
"Kapag nakikita kita, para kasing nakukuryente ang buong katawan ko" banat ni Siyam na sinabayan ng sigaw at palakpak ni Dos. Natawa naman si Audrey kasi ang baduy ng pinagsasabi ni Siyam.
"Gusto mo makuryente?" pagsusungit ni Marie sabay hila sa saksakan at ipupulupot sana sa leeg ni SIyam, mabuti na lang dahil nakalayo agad ang binatilyo. "Joke, joke, joke lang, masyado ka namang kinilig" tawa pa ni Siyam at Dos.
"Ano bang kailangan niyo dito?" inis na tanong ni Marie, nasindak naman ang dalawa. Si Audrey na ang nagsalita dahil mukhang nag-iinit na ang dugo ng dalagita. "Makiki-charge sana ako" wika nito, inabot naman ni Marie ang saksakan. "Si Siyam pala ang magbabayad" habol pa ni Audrey, napanganga naman si Siyam pero napatango na rin di-kalaunan dahil gusto niyang magpa-impress kay Marie.
"Oo naman, kahit pa ako ang magbayad ng kuryente ng buong barrio!" pagmamayabang pa nito, binatukan naman siya ni Dos. "Ang hangin mo"
Ilang minuto pa ang lumipas, habang hinihintay nilang ma-full charge ang camera, sakto namang may tumigil na magarang gray na Toyota vios sa gilid ng tindahan ni Mang Poy. Bumaba roon ang isang babae na sobrang kinis at sobrang puti. Puno ng alahas ang katawan at naka-pulang bestida pa na hapit sa magandang hubog ng katawan nito.
"Ang lolo mo?" masungit na wika ng mayamang babae kay Marie, agad namang pumasok si Marie sa loob ng bahay at tinawag ang lolo niyang natutulog.
"Sino 'yan?" pabulong na tanong ni Audrey kay Siyam at Dos. Nagpapay-pay naman ang babae dahil ayaw nitong malusaw ang kanyang make-up dahil sa init. "Siya si Ma'm Gabby, siya ang anak ni Aling Coring" sagot ni Siyam, nanlaki naman ang mga mata ni Audrey at napatingin muli sa babaeng bagong dating.
"Kung nakita mo lang noon kung paano niya itaboy ang nanay niya, baka maahit mo ng 'di oras ang kilay ng babaeng 'yan" sabat naman ni Dos.
"Ayaw kasi niya na malaman ng asawa niyang hapon at ng ibang mga tao na may nanay siyang kasapi ng grupo namin. Ayaw din niyang malaman ng lahat na hindi pala siya anak mayaman gaya ng kinukwento niya noon sa mga kaibigan niya, sinabi pa nga niya na katulong lang daw niya si Aling Coring" dagdag pa ni Dos, napakunot naman ang kilay ni Audrey, gusto na sana niyang sugurin ang babaeng iyon kaso pinigilan siya nina Siyam at Dos. Sakto rin na dumating na si Mang Poy habang hawak ang tungkod nito.
"Kailan kayo magbabayad? Ilang buwan na 'yan ah, ipapasunog ko 'tong tindahan niyo kapag di kayo nagbayad!" sigaw ng babae kay Mang Poy na ikinagulat nila. Nalaman ni Audrey na nagpapautang pala ang anak ni Aling Coring na si Gabby, at isa sila Mang Poy sa mga umutang sa kaniya.
"Wala pa kaming pambayad, sana naman maintindihan---"
"Lagi na lang ganyan, nag-iinit ang ulo ko sa inyo!" sigaw pa ni Gabby, hindi naman na nakapagpigil si Audrey at dali-daling naglakad sa gitna ng dalawa. Napatigil si Gabby dahil sa ginawang iyon ni Audrey na ngayon ay dere-derechong naglakad papunta sa saksakan at padabog na hinugot ang charger.
"Nag-iinit na rin ang camera ko sa mga bastos na tao dito" nanggigigil na wika ni Audrey sabay tingin kay Gabby na nasindak dahil sa sinabing iyon ng dalaga. "May mga tao talaga dito sa mundo na nakakagigil at ang sarap tirisin. Hindi nila iniisip kung anong mararamdaman ng mga taong iniwan at tinakwil nila" parinig pa ni Audrey habang padabog na nilalagay ang camera at charger sa bag nito.
"Tara na nga" inis na saad ni Audrey at dumaan muli siya sa gitna ni Gabby at Mang Poy, agad naman siyang sinundan ni Dos at Siyam na nagulat at bumilib dahil sa sinabi nito, mukhang tinamaan si Gabby na ngayon ay nag-walk out na rin at bumalik na sa sasakyan.
"Hanep, iba ka pala magalit" hirit ni Siyam at makikipag-apir sana kay Audrey pero hindi siya pinansin nito. "May araw din sa'kin ang babaeng 'yon" naiinis na wika niya at nagpatuloy na sila sa paglalakad pabalik sa kampo.
Pagdating nila doon, gising na si Commander Dado na nakaupo sa labas ng bahay habang pinapakain ang alaga nitong aso na kulay itim. "Audrey, picturan mo kami dali" tawag ni Siyam sabay takbo papunta sa tabi ng kanilang lider. "Gandahan mo ah, popost naming 'to sa peysbuk" wika pa ni Dos, agad naman siyang binatukan ni Commander Dado.
"Kayo talagang dalawa, 'wag nga kayo magpopost-post sa ano... ano ba 'yan basta 'yang pesbuk" sermon ni Commander Dado, nginitian naman siya ng dalawang binatilyo sabay pose pa rin. "Ngiti ka na lang po, papa-develop na lang namin hehe" saad ni Dos sabay peace sign.
Napangiti na lang si Audrey saka itinapat sa kanila ang camera. "Oh, Uno at Onse, sumama na kayo dito!" tawag ni Commander Dado, nahihiya namang lumapit at tumayo sa likuran nila ang si Uno at Onse na parehong malalaki ang katawan.
"Pagbilang ko ng tatlo..." hindi na natapos ni Audrey ang sasabihin niya dahil nagsalita muli si Commander Dado, saktong kakarating lang ng jeepney owner na sinasakyan nina Ka Ferding, Nightmare at Leon.
Agad nitong tinawag ang tatlo, napangiti naman si Leon at dali-daling tumakbo papunta sa kanila para makasama sa picture. Naglakad na rin si Ka Ferding habang si Nightmare naman ay nag-aalinlangan dahil hindi siya sanay makunan ng picture.
"A-ako na lang ang kukuha" saad ni Nightmare at akmang kukunin kay Audrey ang camera pero inilayo ito ni Audrey. "Hindi naman ako kasama sa grupo" saad ni Audrey. "Tara na dito!" sigaw ni Leon, magkakaakbay na silang lahat.
Wala nang nagawa si Nightmare kundi ang maglakad papunta sa mga kasamahan. Agad siyang inakbayan ni Leon. Napatitig naman si Audrey sa camera bago sila kuhanan ng litrato, namalayan na lang niya na nakangiti na pala siya habang tinitingnan ang magkakaakbay ang mga lalaking inakala niyang masasamang tao at hindi niya makakasundo.
"Isa... Dalawa... Tatlo" saad ni Audrey, isang napakagandang larawan na puno ng ngiti at magandang samahan ang kaniyang nakunan at natunghayan.
***
Nang gabi ring iyon, sabay-sabay kumain ng hapunan ang buong grupo sa labas ng bahay ni Commander Dado. Habang kumakain at nag-iinuman sila, hindi nauubos ang tawanan at kwentuhan na mas lalong nagpasaya sa madilim na gabi.
Patuloy naman si Audrey sa pagkuha ng mga larawan nila gamit ang camera, natatawa na lang siya nang makunan si Dos at Siyam na nakanganga habang nilalantakan ang ulam na inihaw na isda.
Ilang sandali pa, napatigil si Audrey nang makitang tumayo si Nightmare at nagpunta sa likod ng bahay ni Commander Dado dala ang plato na pinagkainan nito. Agad tumayo si Audrey st sumunod sa binata, kaninang umaga pa sila hindi nagpapansinan at mas lalo siyang naiilang kapag ganoon.
Hindi naman siya nabigo dahil naabutan niyang isinasalin ni Nightmare ang mga natirang pagkain sa isang maliit na sisidlan na kainan ng aso ni Commander Dado, nilalaro niya pa ang aso.
Natulala si Audrey habang nakatitig kay Nightmare na nakangiti at nilalaro ang aso ng kanilang pinuno. Bihira lang ngumiti si Nightmare at sa tuwing natutunghayan niyang ngumiti ang binata, parang nagiging ibang tao ito, parang isang anghel na hindi mainitin ang ulo at masungit.
Natauhan na lang si Audrey nang biglang napalingon sa kaniya si Nightmare, agad itong tumayo at akmang aalis na pero pinigilan niya ito. "Sandali, m-may tanong lang ako" saad ni Audrey, hindi naman kumibo si Nightmare.
"Alam kong narinig mo ang sinabi ko kagabi, pero uulitin ko pa rin. Huling beses ko nang itatanong sa iyo ito, at kung anong isasagot mo, iyon ang paniniwalaan ko" patuloy ni Audrey, sabay hinga ng malalim.
"Ikaw ba ang lalaking tumulong sa'kin noon na maibalik itong kuwintas ko?" tanong niya sabay pakita kay Nightmare ng suot niyang kwintas. Napatitig naman doon si Nightmare, ilang segundo siyang hindi nakapagsalita. Hindi niya malaman kung anong sasabihin.
"Please, sagutin mo ang tanong ko"
"Hindi" tipid na sagot ni Nightmare at napaiwas na ito ng tingin. "Huwag mo na akong tanungin tungkol sa bagay na 'yan, wala akong pakialam" patuloy pa nito at nagsimula na siyang maglakad pabalik sa mahabang mesa sa harapan ng bahay.
Naiwan namang tulala si Audrey sa likod ng bahay, namalayan na lang niya na may luha nang namumuo sa kaniyang mga mata. "Bakit pakiramdam ko... Ikaw talaga 'yon" wika niya sa sarili habang nakatitig sa kwintas.
Samantala, tulala namang naglalakad si Nightmare pabalik sa kasiyahan. Hindi niya malaman kung bakit nagsisisi siya na hindi niya inamin ang totoo kay Audrey. Ngunit alam niyang wala rin namang saysay kung sasabihin niya na siya nga iyon.
Natuahan na lang si Nightmare nang bigla siyang inakbayan ni Leon at kinaladkad papunta sa gilid. "Bakit?" tanong niya dahil halos mapunit na ang mukha ni Leon sa laki ng ngiti nito.
May dinukot itong bracelet sa bulsa at pinakita kay Nightmare "Maganda ba?" nakangisi nitong tanong. Napakunot naman ang noo ni Nightmare.
"Nababakla ka na ba?" iyon ang nasabi niya, pambabae kasi ang bracelet na iyon na silver at may disenyo pang bulaklak.
"T*ngina, ano bang klaseng tanong 'yan" natatawang wika ni Leon, "Sa tingin mo ba magugustuhan niya 'to?" habol pa ni Leon.
"Nino?"
"Tulungan mo ako... Liligawan ko si Audrey" nakangiting wika ni Leon, gulat namang napatingin sa kaniya si Nightmare at hindi nito malaman kung dapat ba siyang ngumiti o hindi.
*****************
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top